Saturday, March 11, 2017

LGU KALIBO ITINANGHAL NA RANK NO. 2 PRIME-HRM IMPLEMENTOR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginawaran ng pagkilala ang lokal na pamahalaan ng Kalibo bilang rank no. 2 sa implementasyon ng enhanced program to institutionalize meritocracy and excellence in human resource management (PRIME-HRM).

Pormal na tinanggap ni Kalibo mayor William Lachica at HRM officer V Eleanor Isada ang nasabing pagkilala sa Iloilo City mula sa Civil Service Commission region 6.


Sinabi ni Isada, na kinilala rin ng Civil Service ang learning and recognition program at awards and recognition program ng munisipyo kagaya ng search for 10 outstanding employees at salamat mabuhay program para sa mga ritirees.

Sinabi pa ng HRM officer na nakamit nila ang nasabing mga pagkilala dahil sa pagsisikap ng mga opisyal ng bayan at mga department head ng munisipyo.

Napag-alaman na maliban sa Kalibo, nagkamit rin ng parehong pagkilala ang munisipyo ng Malay.


Samantala, level 2 rin ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa parehong implementasyon.

ENDORSEMENT NG SB MALAY PARA SA BUILDING CONSTRUCTION, PINABORAN NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinaboran ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang ordenansa na nagre-require sa lahat ng mga istraktura o gusali sa bayan ng Malay na humingi muna ng endorsement mula sa Sangguniang Bayan.

Sa isinagawang 29th regular session ng SP-Aklan, lusot na ang nasabing batas makaraang magbotohan ang mga miyembro sa pitong yes, tatlong no.

Ang mga hindi pumabor ay sina SP member Lilian Tirol, Soviet Russia Dela Cruz at Noli Sodusta.

Ayon kay Sucgang na walang technical people ang SB Malay para rito at sinabi pa niyang dagdag lang ito sa pasanin ng mga miyembro ng Sanggunian.

Kinatigan rin ng provincial prosecutor ang nasabing batas at sinabing walang pagbawal rito at nasa executive parin ang huling desisyon kung magbibigay ito ng permit o clearance.


Una nang sumailalim sa committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan ang ordenance no. 358-2016 sa pagdinig ng committee on public works, housing, land use and urban relocation at napagkasunduan na ipasa ang nasabing ordenansa.

3 CRUISESHIP NAKATAKDANG DUMAONG SA ISLA NG BORACAY NGAYONG MARSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

MS Europa
Tatlong international cruisehip ang nakatakdang dumaong sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Marso sakay ang libu-libong mga turista.

Ayon kay Caticlan jetty port administrator Niven Maquirang, sa Marso 13 ay nakatakdang bumalik ang MS Europa.

Susundan ito ni ng pagdating ng MS Celebrity constellation sa Marso 14 at sa Marso 22 ay nakatakda namang bumisita sa ikalimang pagkakataon ang MS Seaborn Sojourn.

Ang mga ito anng pangpito, pangwalo at pangsiyam na cruises ship na darating sa isla ngayong taon. 

Una rito, pitong cruiseship ang inaasahang darating sa isla ng Boracay gayunman ayon kay Maquirang ay kinansela ang apat dito.

Umaasa si Maquirang na sa pamamagitan ng mga cruise ship na ito ay mas darami pa ang mga turistang bibisita sa Boracay. Target ngayon ng lokal na pamahalaan ang dalawang milyong turistang bibisita sa Boracay sa taong 2017.

SUNOG SUMIKLAB SA ISLA NG BORACAY, ISANG BAHAY NAABU

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

filler only
Sa kabila ng kaliwa’t kanang kampanya ng mga bombero laban sa sunog kaugnay ng pagdiriwang ng national fire prevention month ngayong buwan ng Marso, isang na namang sunog ang sumiklab sa isla ng Boracay.


Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Boracay naganap ang sunog Byernes dakong alas-3:30 ng madaling araw sa So. Bung-aw, brgy. Manocmanoc sa nasabing isla.

Nabatid na totally burn ang bahay ni Rony Panagsagan na yari lamang sa mga light materials matapos lamunin nang apoy sa loob ng halos kalahating oras.

Sa inisyal na imbestigasyon, tinatayang aabot sa Php50, 000 ang halaga ng pinsalang dulot ng nasabing sunog.

Patuloy pang inaalam ng BFP-Boracay ang dahilan ng sunog at wala namang naiulat na nasugatan sa nasabing pangyayari.


Sa report ng BFP-Aklan, nabatid na ito na pangatlong kaso ng sunog na naitala sa Isla ng Boracay at ikapitong sunog sa buong probinsya ng Aklan sa buwan ng Marso.

PHP20K NA PERA ATBPNG DOKUMENTO, NAPULOT AT IBINALIK NG ISANG KAP MEMBER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Richard Cerezo
Masweteng napulot ng isang tapat na Kalibo Auxiliary Police (KAP) member ang isang wallet na naglalaman ng mahigit Php20,000 at iba pang mga dokumento sa gitna ng kalsada habang nasa kasagsagan ng trabaho Biyernes ng umaga.

Matapos mapulot ni Richard Cerezo, 42 anyos, ang nasabing wallet sa kanto ng Oyotorong st. at Roxas ave. ext. at malamang naglalaman ito ng malaking halaga ng pera ay walang anuman na dinala nya ito sa Kalibo police station.


Nang usisain, laman ng nasabing wallet ang 17 piraso ng Php1000, anim na Php500, isang Php100, at limang Php20. Maliban rito, naglalaman rin ito ng sari-saring government identification card na nakapangalan kay Isidro “Oris” Eulogio ng Ureta road, brgy. Andagao, Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, ipinaabot ni tay Oris sa KAP member ang labis niyang pasasalamat sa pagkakabalik ng kanyang wallet at mga laman nito. Anya, nahulog ito habang sakay siya sa tricycle patungong hard ware shop para bumili sana ng mga materyales na gagamitin sa kanyang wilding shop.

Sinabi rin sa Energy FM ni Cerezo na wala siyang intensyon na angkinin ang hindi kanya at hindi rin naghahangad ng kapalit. Para sa kanya ginagampanan lamang niya ang kanyang trabaho at nanawagan sa kanyang mga kasama na tuluran ang kanyang ginawa.

Si Cerezo ay may limang anak at lahat nag-aaral.


Friday, March 10, 2017

WOMEN’S MONTH IPINAGDIRIWANG NG MGA AKLANON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by PIA-Aklan
Nakikiisa rin ang pamahalaang lokal ng Aklan sa pagdiriwang ng national women’s month ngayon buwan ng Marso sa temang “we make change, work for women”.

Pormal na nagsimula ang pagdiriwang nitong Miyerkules sa ABL sports compl
ex at magtatagal sa buong buwan.

Sa unang araw ng pagdiriwang, binigyang parangal ang iba-ibang organisasyon, asosasyon, at academe na nagtataguyod ng mga karapatan at pangangalaga sa mga kababaehan. Pormal ding inilunsad ang programang “Serbisyo Para kay Juana”.

Ilan pa sa mga nakatakdang mga aktibidad ay forum patungkol sa anti-illegal recruitment sa Aklan, planning and development workshop, job fair, community health volunteers training, search for great women of Aklan, women summit at film showing.


Ang pagdiriwang na ito ay inorganisa ng Aklan Gender and Development Commission at ng Provincial Planning and Development Office.

DOST TUTULONG SA PAGLILINIS NG MGA LUMOT SA BAYBAYIN NG BORACAY

photo by grandpacking
Tutulong umano ang Department of Science and Technology (DOST) sa lokal na pamahalaan ng Malay sa paglilinis ng mga naglalabasang lumot sa tabing-baybayin ng isla ng Boracay.

Sa isang panayam, sinabi ni DOST-Aklan chief Jairus Lachica, na nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan simula sa nakalipas na buwan para linisin ang mga lumot.

Sinabi pa ni Lachica na isa sa kanilang mga eksperto na si Dr. Melinda Palencia, professor at isang environmentalist mula Adamson University, ay nagpresenta ng kanyang programan sa Sangguniang Bayan ng Malay para dito.

Nakaimbento umano si Dr. Palencia ng vigorim, isang white powdery substance na tinatawag rin niyang eco-friendly septic system (ECO-SEP), isang movable at deployable septic tank system na gagamitin sa paglilinis.

Ayon pa kay Lachica, una nang naipakilala ang ECO-SEP sa Boracay noong 2015 at simula noon ay ginagamit na umano ito sa iba-ibang tourist destination sa bansa kabilang na ang Palawan at Bohol.


Kaugnay rito, hihilingin rin ng DOST sa lokal na pamahalaan ang kanilang tulong upang makapagpatayo ng satellite office sa Boracay para matutukan nila ang nasabing problema. (PNA)

PAMILYA NG PINASLANG NA DOKTOR, DUDA SA NAPATAY NA SUSPEK

PDuda ang pamilya ng pinaslang na “people’s doctor” na si Dreyfuss Perlas sa pagkakasangkot dito ng di umano’y suspek na napatay ng mga pulis kamakailan sa Lanao del Norte.

Sa isang panayam, sinabi ni konsehal Dennis Perlas ng Batan at ama ng pinaslang na doktor, duda umano siya na si Agapito Tamparong nga ang responsable sa pagpatay sa kanyang anak.

Matatandaan na una nang inireport na magser-serbe sana ng warrant of arrest ang m
ga awtoridad kay Tamparong nang ito ay tumakas at nang maharang ay nagtangka umanong maghagis ng granada kaya ito binaril ng mg kapulisan.

Paliwanag ng konsehal, posibleng kinilala ng pulisya si Tamparong bilang isa sa mga suspek sa pagpatay sa barrio doctor dahil sa mga sunud-sunod na kasong murder na kinasasangkutan nito sa Lanao.

Samantala, inanunsyo naman ng pamilya Perlas na ang libing ni doctor Dreyfuss ay bukas na, Marso 11 sa bayan ng Batan.


Si doctor Perlas ay huling naglingkod bilang rural health physciain ng Sapad, Lanao del Norte at binaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang papauwi sakay ng kanyang motorsiklo. (PNA)

NEGOSYO CENTER SA MAKATO, BUKAS NA SA PUBLIKO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Makato Negosyo Center
photo by Darwin Tapayan
Binuksan na sa publiko ang negosyo center ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Makato Tourist Convenience and Pasalubong Center sa bayan ng Makato.

Inilunsad ang pang-anim na negosyo center na ito sa lalawigan ng Aklan nitong Miyerkules. Ang iba pang mga negosyo center sa probinsya ay sa Kalibo, Ibajay, Altavas, Numancia at Lezo.

Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga maliliit na mga negosyante para sa skills trainings, entrepreneurship seminars, marketing and promotion, financing forum, at product development.

Ang proyektong ito ay naging posible sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamgitan ng paglalaan ng espasyo at mga tao para rito.

Samantala, tatlo pang negosyo center ang nakatakdang buksan sa mga bayan ng Libacao sa Marso 16, Malinao sa Abril 20, at Malay sa Mayo 18.

Umaasa ang DTI-Aklan na sa pamamagitan ng dumaraming negosyo center ay lalago ang mga negosyo sa probinsya. 

Thursday, March 09, 2017

BORACAY POLICE NAGBABALA SA MGA CREDIT CARD SKIMMERS

Nagbabala ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa publiko lalu na sa pagdagsa ng mga turista ngayong summer season sa isla ng Boracay laban sa mga credit card skimmers.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto ng pulisya sa apat na suspek na mga miyembro ng tinuturong card skimming scam gang sa Caticlan jetty port nitong Lunes.

Kinilala ang mga naaresto na sina Camela Pahati, 33, mula Sta. Cruz, Manila; Jose Marcelino at Apol Buenaflor, parehong  taga-Taguig; at Reynald Bartolome, 29, ng Mariveles, Bataan.

Sinabi ni SPO1 Christopher Mendoza, community relations officer ng BTAC, una nang sinampahan ng kasong estafa ang mga suspek matapos takasan nila ang mga hindi nabayarang bill sa isang disco bar na umabot sa Php8,188.98 noong Marso 3.

Natakasan ng mga suspek ang naunang bar pero muling nangbiktima ng isa pang bar makaraan ang dalawang gabi at hindi naman nakapagbayad ng Php60,739.

Narekober sa mga suspek ang iba-ibang credit cards, limang mobile phones at sari-saring identification cards.

Pansamantalang ikinulong sa lock-up cell ng BTAC ang apat at sinampahan na ng kasong estafa at paglabag sa Republic Act No. 8484 o the access devices regulation act of 1998. (PNA)

LUMOT SA BORACAY, NORMAL LANG AYON SA BORACAY FOUNDATION INC.

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nanindigan ang Boracay Foundation Incorporated (BFI) na walang dapat ikabahala sa mga naglalabasang mga lumot sa isla ng Boracay ngayong summer season.

Sa informartive material na inilabas ng BFI, hindi na bago ang mga lumot o green algae na ito sa isla. Kadalasan umano itong lumalabas tuwing Pebrero hanggang Mayo ng bawat taon.

Paliwanag pa ng pribadong organisasyon, ito ay normal at walang dapat ikabahala. Binigyang-diin pa nila na nangyayari na ito maging bago pa nadiskubre ang isla bilang isang tourist destination.

Sa patotoo ng mga tubong isla sa informercial na ito, saksi umano sila s
a mga naglalabasang mga lumot simula noon at madalas pa umano nila itong pinaglalaruan sa kabataan nila.

Sinabi rin ng BFI na ang coralline algae ay isa sa mga dahilan kung bakit nagiging pino at maputi ang buhangin ng Boracay. Nirerespeto naman nila ang paniniwala ng mga katutubo na ito rin ang pinagmumulan ng mga puting buhangin.

Ayon pa sa kanila, binabalanse ng mga green algae ang sobrang nutrients sa tubig at kung aalisin umano ito ay magdudulot ng ecosystem imbalance.

KAUNA-UNAHANG TRAVELOGUE BOOK NG AKLAN, MAISASAPUBLIKO NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aklan Province FB
Nakatakdang isapubliko ang kauna-unahang travelogue book na "Aklan: Land of the Finest, Land of the Fervent" na inilathala ng Aklan Provincial Tourism Office.

Una nang nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Kalibo na humihiling sa lokal na pamahalaan ng Aklan na maglaan ng kopya sa Kalibo municipal library.

Ayon sa may-akda at konsehal Philip Kimpo Jr., nilalahad sa coffe table book na ito ang mga kuwento ng 17 bayan ng Aklan kung saan inilarawan ang mga angking katangiang ng bawat lugar. Tinitingnan rin ng konsehal ang pagbenta ng aklat sa halaga lamang ng pag-imprinta nito.

Inilunsad ang coffe table book na ito sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Madya-as Arts Festival noong Pebrero at nabatid na limitado lamang ang unang mga kopya na ipinamahagi lamang sa mga tourism offices, local officials, at sa ilang mga kilalang panauhin.

Maliban sa mga salaysay, inilalathala rin sa aklat na ito ang mga nakawiwiling litrato ng Aklan Kamero Org.

DIOCESE OF KALIBO IKINADISMAYA ANG PAGPASA NG DEATH PENALTY BILL SA KONGRESO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

by Darwin Tapayan
Ikinadismaya ng Diocese of Kalibo ang pagpasa ng kontrobersyal na death penalty law sa mababang kapulungan ng kongreso botong 217 yes, 54 no at 1 abstain.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Fr. Ulysses Dalida ng action center ng diocese of Kalibo, hindi umano magbabago ang paninidigan ng Simbahang Katoliko kaugnay sa kasagraduhan ng buhay.

Umaasa si Dalida na hindi makakalusot sa mataas na kapulungan, sa Senado at sa Korte Suprema ang nasabing panukalang batas.

Sa kabilang dako, iginiit naman niya na imposible para sa kanilang mga pari ang makasama sa drug operation alinsunod sa suhestiyon ng mga awtoridad.

Gayunman nilinaw niya na laging nakaagay ang simbahan para sa reformation at rehabilitation process ng mga nalulong o nasasangkot sa iligal na druga.

Nagpaalala rin ang pari sa mga kababayang Katoliko na sa pangingilin ng kwaresma ngayong panahon ay alalahanin ang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo.

Wednesday, March 08, 2017

SAHOD PARA SA MGA MANGGAGAWA SA WESTERN VISAYAS, MAY DAGDAG NANG PHP25

Makakatanggap na ng karagdagang Php25 sa bawat araw na sahod ang mga minimum wage earners sa Western Visayas, kasunod ng pag-apruba nito sa isanagawang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) VI officer-in-charge regional director Salome Siaton saklaw ng wage order no. 23 ang mga manggagawa sa mga pribadong sektor sa Aklan, Antique, Iloilo, Capiz, at Guimaras at maging ang Negros Occidental.

Sa mga commercial at industrial sectors, ang mga manggagawang sakop ng mga establisyementong may mahigit 10 empleyado ay tatanggap ng taas-sahod na Php25 habang ang mga nasa kompanyang may 10 empleyado o mas mababa ay tatanggap ng Php15 na taas-sahod.

Para sa agrikultura, ang parehong plantation at non-plantation workers ay makakakuha ng karagdagang Php15.

Ang nasabing taas sahod ay sinang-ayunan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong February 17 ay magiging epektibo 15 araw pagkatapos mailathala sa pahayagang panrehiyon. - PNA

‘SMOKE-FREE WESTERN VISAYAS’ POSIBLE AYON SA DEPARTMENT OF HEALTH

Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na maisasakatuparan nila ang Western Visayas bilang "smoke-free region."

Sa panayam kay Dr. Marlyn Convocar, DOH regional director, sinabi niya na ang mga lalawigan sa rehiyon ay nakapagpasa na ng mga batas sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Si Convacar ay bumisita sa Aklan upang umalalay kay health secretary Paulyn Jean Ubial upang dumalaw sa burol ng yumaong si Dr. Dreyfuss Perlas na kamakailan lang ay pinaslang sa Lanao del Norte.

Samantala, nagpapatuloy ngayon ang kampanya ng lokal na pamahalaan ng Kalibo kaugnay ng ipapatupad na batas na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.


Sa Boracay, ang lokal na pamahalaan ng Malay ay nagbabawal narin sa paninigarilyo sa mga public beaches. - PNA

ONLINE PETITION SA ADMINISTRASYONG DU30: ITIGIL ANG PAGBIBIGAY NG BUILDING PERMIT SA BORACAY

Nanawagan ang isang online petition kay pangulong Rodrigo Duterte para mailigtas ang isla ng Boracay kabilang na ang pagtigil sa pagbibigay ng building permit dito.

Ang online petition na ito ni Jay Garmino sa www.change.org ay may pamagat na “A Call to Action to Save One of the World’s Best Island from Verge of Extinction”.

Nanawagan rin si Garmino na limitahan lamang ang bilang ng mga taong pumapasok sa isla dahil napakaliit lamang nito para sa lumalagong populasyon.

Nagababala si Garmino na ang patuloy na pagbuhos ng mga turista ay nagbibigay-daan sa mga foreign developers na mapanganib sa kapaligiran at likas na yaman ng sikat na isla ng Boracay.

Binigyang diin pa ni Garmino na ang lokal na pamahalaan ng Malay ay naglabas ng 296 mga building permits sa nakalipas na taon.

Ikinabahala pa ng petisyoner na ang mabilis na pagdami ng populasyon, walang habas na pagtatapon ng basura at iligal na koneksyon ng sewerage disposal sa nasabing isla. – Boracay Island Update

SMOKE-FREE ORDINANCE NG KALIBO ATBP BAYAN, SUPORTADO NG SP AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Suportado ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang smoking ordinance ng lokal na pamahalaan ng Kalibo at ng iba pang bayan sa lalawigan.

Sa ginawang regular session ng Sanggunian, nabatid na ang pamahalaang probinsyal ay may kasalukuyang smoking ordinance no. 2011-001 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, pag-advertise, promosyon at pag-sponsor ng mga produktong tabako.

Ito ay bilang tugon sa resolusyong ipinasa ng Kalibo sa SP upang suportahan ang kanilang municipal ordinance no. 2016-008 at ang mga smoking ordinance ng Buruanga, Ibajay, Makato, at Tangalan at ang mga soon-to-be enacted ordinances ng Nabas, Numancia, at Malinao.

Sumailalim na ito sa pagdinig ng committee on laws, rules and ordinances at committee on health and social services ng SP-Aklan at sinabing nasa proseso na sila ng pag-update ng kanilang smoking ordinance.

Samantala, sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo SB member Cynthia Dela Cruz, inusog na ang strikto papatupad sa pagbabawal sa paninigarilyo kabilang na ang pag-vipe sa mga pampublikong lugar sa buwan ng Hunyo.

Tuesday, March 07, 2017

ATI-ATIHAN FESTIVAL IPRO-PROMOTE MAGING SA MGA BUS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Mapapanood na maging sa mga pampasahero at pangturistang bus at van ang promotional video ng ati-atihan festival.

Ayon kay konsehal Philip Kimpo Jr., ipapalabas ang videong ito sa lahat ng mga nabanggit na sasakyan na may mga telebisyon.

Paliwanag ni Kimpo, isa itong paraan upang lubusang magamit ang nasabing 15 minute-video na likha ng film artist na si Patrick Martin.

Matatandaan na pormal na inilunsad ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. (KASAFI) ang nasabing video sa kanilang press conference noong Pebrero.

Umaasa naman ang mga may-akda ng resolusyon na sina SB Kimpo at SB Buen Joy French na sa pamamagitan nito ay makakahikayat pa sila ng mas maraming bisita sa taunang Kalibo Ati-atihan Festival.

Samantala, nakatakda namang mag-out of town ang mga miyembro ng Sanggunian at KASAFI upang pag-usapan ang mga development sa taunang pagdiriwang.

KAGAWAD KULONG MATAPOS SAKSAKIN ANG ISANG 34-ANYOS NA LALAKI

ulat ni Joefel Magpusao/ Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang barangay kagawad makaraang saksakin ang isang 34-anyos na lalaki sa brgy. Cogon, Malinao dakong alas-11 ng gabi.

Ayon sa blotter report ng Malinao PNP station, nag-iinuman umano ang biktima nang dumating ang suspek at biglang sinaksak sa kanyang tiyan.

Kinilala ang suspek na si William Patricio y Puod, 40 anyos. Ang biktima ay kinilala namang si Ramer Tabing y Tacsay, 34 anyos.

Agad na isinugod sa provincial hospital ang biktima samantalang naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek.


Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa kasong ito.

PAGGUNITA SA 19 MARTIRES, PINAGHAHANDAAN NA LGU KALIBO

Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang paggunita sa 19 Martires ng Aklan ngayong buwan ng Marso.

Napagkasunduan sa isang pagpupulong kung anong paaralan ang magbibigay-buhay sa pangyayari sa 19 Martires at kung paano nakamit at tinatamasa ngayon ng mga Aklanon ang kalayaan.

Nais ng munispyo at ng Department of Education (DepEd) – Aklan na hindi magiging karaniwan ang gagawing pagtatanghal kaugnay rito. Kabilang pa sa mga aktibidad ang quiz bee; mga contest sa slogan making, poster making, essay at poem writing.

Napagkasunduan rin na ang misa ay gaganapin sa Aklan freedom shrine saka susundan ng commeration program.

Nakatakda ring ipatawag sa susunod na pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Aklan para sa kanilang suporta.


Alinsunod sa republic act No. 7806, ang Marso 23 ng bawat taon ay isang special public holiday sa lalawigan.

ISA PANG BARKO NG STL KUMPIRMADONG NASA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kumpirmadong nasa baybayin ngayon ng probinsiya ng Aklan ang isa pang barko ng STL Panay Resources Co. Ltd.

Sa sulat na nakarating kay gobernador Florencio Miraflores, sinabi ni STL Panay managing partner Patrick Lim, na ang barko ay darating sa Pebrero 28 dakong alas-3:00 ng hapon.

Nakasaad sa sulat na may petsang Pebrero 27, ang barkong SLD1 na una nang sinabing darating noong Pebrero 18 ay lumihis patungong Iloilo para mag-refuel at para kumuha ng mga kaukulang mga permit at clearance.

Sinabi rin sa sulat na ang barko ay gagamitin para maalis ang suction tube mula sa Zhong Hai 18 na nasira at lumubog sa sa bukana ng Aklan river.

Dagdag pa, ang operasyon ay magtatagal umano ng dalawa hanggang tatlong araw bago ito aalis ng Kalibo. Pagkatapos nito ay didiretso umano ang barko sa Dumaguit port para sa spare parts supply at installation ng pipeline.


Pinasiguro naman ni Lim sa kanyang sulat na dokumentado ang gagawin nilang operasyon at tutupad sa mga itinakdang kasunduan ng binuong multi-partite monitoring team.

4 NEGOSYO CENTER SA AKLAN, NAKATAKDANG BUKSAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Apat na negosyo center ang nakatakdang buksan sa lalawigan ng Aklan ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) – Aklan.

Ang Makato ay naka-set sa Marso 8, Libacao sa Marso 16, Malinao sa Abril 20, at Malay sa Mayo 18. Ito ay karagdagan sa mga kasalukuyang negosyo center sa lalawigan sa mga bayan ng Kalibo, Ibajay, Altavas, Numancia, Lezo.

Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga maliliit na mga negosyante para sa skills trainings, entrepreneurship seminars, marketing and promotion, financing forum, at product development.

Ang proyektong ito ay naging posible da pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamgitan ng paglalaan ng espasyo at lugar para rito.


Umaasa ang DTI-Aklan na sa pamamagitan ng dumaraming negosyo center ay lalago ang mga negosyo sa probinsya. 

TAAS-PAMASAHE SA TRICYCLE SA KALIBO, APRUBADO NA NG SANGGUNIAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aprubado na sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang hirit ng mga tricycle operators and drivers association na magtaas sa kanilang pamasahe.

Sa ginawang regular session, inamyendahan ng Sanggunian ang municipal ordinance no. 2016-32, “Ordinance Fixing New Tricyle Fare Rates within the Municipality of Kalibo, Aklan”.

Nakasaad sa amended version ng ordinance ang pisong pagtaas ng pamasahe sa lahat ng mga bumibiyahe at lehitimong tricyle sa Kalibo. May Php0.50 ring pagtaas
sa pamasahe ng mga estudyante, senior citizens, at differently abled persons.

Kasama rin sa pag-amyenda ang kahilingan ng mga opisyal at tricycle operators and drivers association ng Nalook sa sarili nilang taas-pamasahe.

Samantala, hindi muna maglalabas ng opisyal na kopya ng taripa ang lokal na pamahalaan. Hihintayin muna kasi ang kanya-kanyang petisyon ng iba pang barangay at TODA tungkol sa sariling taas-pamasahe.

Ang sarili nilang mga petisyon ay dahil sa pagbabago umano sa layo ng kalsada at ruta ng biyahe na hindi saklaw sa aprubadong ordenansa.


Una nang napagkasunduan sa public hearing noong Lunes ang pisong pagtaas sa regular na pamasahe.

71 ANYOS NA BABAE PATAY MAKARAANG MABUNDOL NG MOTORSIKLO

ulat ni Joefel Magpusao / Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Binawian ng buhay habang ginagamot sa surgical intensive care unit ng provincial hospital ang isang 71 anyos na babae makaraang mabundol ng motorsiklo sa brgy. Pook, Kalibo kagabi.

Kinilala ang biktima na si Felina dela Cruz, residente ng nasabing lugar. Nakilala naman ang driver na si Jimwel Roberto, 32 ng brgy. Sugnod, Malinao.

Sa report ng pulisya, patungong Mabilo, New Washington ang tricycle nang biglang tumawid sa kalsada ang matanda dahilan para mabangga ito.

Tinulungan naman ng driver ang biktima at dinala sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital at agad na sumuko sa mga kapulisan.

Nakakulong ngayon ang driver sa lock-up cell ng Kalibo municipal police station habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.


MGA KARAGDAGANG PULIS SA KALIBO HIHILINGIN NG LGU KAY ‘BATO’

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

file photo
Hihingi ng mga karagdagang pulis ang lokal na pamahalaan ng Kalibo kay Philippine National Police chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa para italaga sa bayang ito.

Ayon kay konsehal Mark Quimpo, umabot na sa mahigit walumpu’t isa ang populasyon dagdag pa ang bilang ng mga taong labas-pasok sa kabiserang ito araw-araw. 

Nabatid na ang kasalukuyang bilang ng pulisya na nakatalaga ngayon sa Kalibo municipal police station ay 72, malayo sa kinakailangang bilang na 160.

Una nang ipinaabot ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana sa mga miyembro ng Sanggunian na kulang sila sa tauhan.

Ang kahilingang ito ay para mapaigting ang seguridad at kaayusan sa bayang ito.

Kaugnay sa kahilingang ito, inaprubahan ng Sanggunian ang resolusyon na inihain ni SB Quimpo sa kanilang 8th regular session.

PAGKAMATAY NG AKLANONG DOKTOR, MARIING KINONDENA NG DOH

Mariing kinondena ng Department of Health ang kalunos-lunos na pagpaslang sa municipal health officer ng Sapad, Lanao Del Norte na si Dr. Dreyfuss Perlas.

Sinabi pa ng DOH, malaking kawalan sa kanila ang pagkamatay ng ni Perlas, isa sa mga doctors to the barrios sa panahon kung saan kinakailangan ang hindi matatawaran niyang paglilingkod.

Ang 31 anyos na doktor ay binaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang papauwi na sa tinutuluyang boarding house sakay ng kanyang motorsiklo.

Ipinaabot rin ng DOH ang kanilang pakikiramay sa pamilya at nagpahayag ng suporta paghanap ng hustisya.


Si Dreyfuss ay tubong Poblacion, Batan, Aklan at anak ng mag-asawang Dennis Perlas, Sangguniang Bayan member ng Batan at gurong si Leovilgilda Perlas.

LGU KALIBO ISINUSULONG ANG PAGSASAPRIBADO NG DUMPING SITE

Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang pagsasapribado ng dumping site sa Bakhaw Norte.

Kaugnay rito, humarap na sa Sangguniang Bayan ang PHILKAIROS, isang pribadong kompanya upang ilahad ang kanilang plano sa posibiling pangangalaga sa naturang dumping site.

Una rito, sa isinagawang solid waste management board meeting inilatag ng consultant ng munisipyo ang plano na patagin ang nasabing tambakan ng basura.


Inirekominda ni Baltazar Gerardo sa alkalde ang pagbili ng bulldozer para iusog ang mga basura sa lugar.

Anya, kapag naging patag na o ma-level off na ang lugar, tatabunan ito ng soil covering material para maalis ang baho saka ito ii-spreyan ng lysol.



PSA MAY PAALALA SA GUSTONG KUMUHA NG BIRTH CERTIFICATE

 Nagpaalala ang Philippine Statistics Authority-Aklan sa lahat ng mga gustong kumuha ng birth certificate na dapat ay may authorization letter mula sa may-ari.

Ayon kay provincial statistics officer Antonet Catubuan, ang mga rekord ng kapanganakan ay binibilang na konpedensyal alinsunod sa Article 7 of Presidential Decree 603 o Child and Youth Welfare Code.

Dahil rito, hinikayat ni Catubuan na magkaroon ng authorization letter bago ang dokumento ay maibigay maliban lamang kung siya may-ari mismo ang kukuha, mag
ulang, asawa, direktang kamag-anak, legal guardian, o institution in-charge kapag menor de edad.

Gayundin, kinakailangan rin ng PSA ang valid ID ng may-ari at ang humihingi ng kopya bilang karagdagang requirement para maibigay ang birth certificate.

Nilinaw naman ng statistics officer na ang mga rekord kagaya ng kasal, kamatayan, at certificate of no marriage ay mga pampublikong dokumento kaya pwede itong hilingin ng sinuman basta alam ng mga ito ang hinihinging impormasyon sa application form.

Maliban sa cenomar na nagkakahalaga ng Php195 bawat kopya, ang iba pang mga civil documents ay Php140 bawat kopya.


Dagdag pa ni Catubuan na ang mga civil registry documents na ito ay maaari ring kunin sa lahat ng PSA outlet sa buong bansa.

MGA CHINESE NANGUNGUNA PARIN SA MGA TURISTA SA BORACAY

Nanguna na naman sa mga turista sa Isla ng Boracay ang mga Chinese National sa nakalipas na buwan ng Pebrero.

Ayon kay Julfe Rabe, information officer ng Caticlan jetty port, nakapagtala sila ng 40,036 Chinese tourists sa buwan ng Pebrero.

Sinundan ito ng mga taga-South Korea na 37,511 bilang. Pangatlo naman sa tourist arrivals ay ang mga Taiwanese sa 5,126.

Matatandaan na una nang nanguna sa mga turista sa Boracay noong nakaraang
Enero ang mga Chinese.

Ang iba pang mga nangungunang mga turista sa Boracay ayon sa pagkakasunod-sunod ay ang mga taga-USA, Russia, United Kingdom, Australia, Malaysia, Canada at Sweden.

Sa isang panayam, umaasa si jetty port administrator Niven Maquirang, na mas tataas pa ang bilang ng mga turista Chinese kasunod anya ng bumubuting relasyon ng China sa administrasyon Duterte.


AKLANON DOCTOR KIKILALANIN BILANG HERO ON NATIONAL HEALTH

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Tatanggap ng posthumous award si Dr. Dryfuss Perlas mula sa Department of Health (DOH) na magdedeklara sa kanya bilang “Hero on National Health”.


Ito ang sinabi ni health secretary Paulyn Ubial sa kanyang personal na pagbisita sa Batan, Aklan kung saan nakaburol ang yumaong doctor to the barrio. Ipinaabot rin ni Ubial ang kanyang pakikiramay sa pamilya Perlas.

Ang 31-anyos na doktor ay binaril at pinatay sa Kapatagan, Lanao del Norte Miyerkules ng gabi habang sakay sa kanyang motorsiklo pauwi galing sa medical mission.

Ang Aklanong doktor ay huling naglingkod bilang municipal health officer ng Sapad, Lanao Del Norte kung saan minahal siya ng taumbayan at maging ng mga opisyal.

Si Dreyfuss ay tubong Poblacion, Batan, Aklan at anak ng mag-asawang Dennis Perlas, Sangguniang Bayan member ng Batan at gurong si Leovilgilda Perlas.

POLICE DIRECTOR NG AKLAN POLICE PROVINCIAL OFFICE NA-REASIGN

Mare-reasign ang acting Aklan police director sa isa sa mga operational support unit ng Philippine National Police (PNP) headquarters sa campo crame.

Naglingkod sa Aklan Police Provincial Office (APPO)PSSupt. John Mitchell Jamili ay mula Enero 2016 hanggang sa huling linggo nitong Marso 2017.

Sa kanyang termino, ay pinasimulan niya ang “Bagong Buhay (Baghay)”, isang drug-reform program par sa mga drug surrenderees sa lalawigan at pinaigting ang anti-illegal drug campaign.

Kasunod ng reassignment na ito, si PSupt. Pedro enriquez, deputy ng Aklan police provincial director ay temporaryong uupo bilang police director.

Nabatid na ang Police Regional Office 6 (PRO-6) ay magtatalaga palang ng bagong Aklan provincial police director, pero matunog ngayon ang pangalan ni PSSup. Julio Gustilo, Jr.

Si Gustilo ay kasalukuyang naglilingkod bilang head ng Personnel and Human Resource Management Division ng PRO-6 sa Ilo-ilo City.


QC ROAD RAGE SUSPECT PATULOY NA TINUTUGIS NG MGA KAPULISAN SA BORACAY

Patuloy na tinutugis ng mga kapulisan sa isla ng Boracay ang suspek sa nangyaring road rage shooting sa Quezon City na si Fredison Atienza.

Sa isang panayam, sinabi ni PSInsp. Jose Mark Anthony Gesulga, deputy chief ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), patuloy ang ginagawang paghahanap ng mga intelligence personnel sa kinaroonan ng suspek na kilala rin sa alyas na Sonson.

Si Atienza ay kinikilalang pangunahing suspek sa pagpatay kay Anthony Mendoza na di umanoy nakaalitan niya sa kalsada noong Pebrero 25.

Sinabi pa ni Gesulga na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Quezon City Police District (QCPD) matapos mapag-alamang nasa Boracay ang suspek kasunod ng nangyaring pagpaslang.

Ginagalugad umano ng kapulisan ang iba-ibang mga hotel at establisyemento sa nasabing isla. Nakipag-ugnayan narin umano sila sa mga tauhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dito sa probinsya.

DAAN-DAANG AKLANON NAKABENIPISYO SA MOBILE BIRTH REGISTRATION NG PSA

Daan-daang mga Aklanon na wala pang birth certificate ang natulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa iba-ibang civil registry offices sa Aklan sa pamamagitan ng libreng mobile registration program na isinagawa sa buwan ng Pebrero.

Nasa 400 katao na karamihan ay mga estudyante ang nakabenipisyo ng libreng registration na umikot sa mga kabarangayan ng Ibajay, Malay, at Nabas.

Ayon kay provincial statistic officer Antonet Catubuan, ang libreng pagpaparehistro ay naglalayong matulungan ang mga walang birth certificate na ma-irekord ang impormasyon ng kanilang kapanganakan sa mga lugar kung saan sila ipinanganak.

Sinabi pa ni Catubuan na ito ay tugon sa tumataas na pangangailangan ng birth certificate sa lahat ng transaksyon kabilang na sa pag-eskwela, sports competition, pagtrabaho, pasaporte, o sa pagtanggap ng mga benipisyo.


Paliwanag ng statistic officer na karamihan sa mga hindi narehistrong mga bata ay galing sa mga mahihirap na pamilya na ang mga magulang ay walang kakayahan sa pagbayad sa delayed registration.

PAMUNUAN NG DRSTMH PINABULAANAN NA DOWN-GRADED ANG OSPITAL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital na down-graded ang estado ng ospital sa level 1 sa pagdinig ng committee on health ng Sangguniang Panlalawigan.

Nilinaw ni Rex Robles, supervising administrative officer ng opsital, na nagbago lamang ang klasipakasyon ng ospital at hindi ito na-down grade.

Aminado si Robles na level 1 ang estado ng ospital sa kasalukuyan mula sa pagiging secondary hospital.

Paliwanag niya, ang dating klasipakasyon ng ospital ay primary, secondary, at tertiary hospital hanggang sa nabago ito sa administrayon ni dating health secretary Enrique Una sa infirmary, level 1, level 2.

Matatandaan na sa nakaraang regular session ng Sanggunian, nabahala si SP member Noli Sodusta na may may nakarating sa kanyang reklamo na may tinanggihan umanong maoperahan sa nasabing ospital.


Ayon kay Robles wala pang pormal na reklamo na ipanaabot sa kanila kaugnay rito.

MOTORISTA PATAY MATAPOS SUMALPOK SA PATROL CAR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 35 anyos na lalaki makaraang sumalpok ang menamanehong motorsiklo sa patrol car ng Altavas municipal police station Lunes dakong alas-8:00 ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ernesto Marcelino, residente ng brgy. Dalipdip, Altavas.

Ayon sa report ng pulisya, menamaneho ni PO3 Toni Dey Lauz ang nasabing patrol car kasama si PO2 Reane Balgos at ang complainant patungong brgy. Dalipdip para rumesponde.

Nang-agaw umano ang motorsiklo ng linya. Dagdag pa rito, wala itong headlight dahilan para sumalpok ito sa gilid ng nang patrol car.

Agad na isinugod sa Altavas district hospital ang lalaki pero dineklara itong dead on arrival ng attending physician.


LALAKING BUMUNOT NG BARIL SA ISANG LAMAY, KINUYOG NG MGA TAO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kinuyog ng mga tao ang isang 31 anyos na lalaki makaraang bumunot ng baril sa isang lamay sa Poblacion, Libacao Linggo pasado alas-10 ng gabi.

Nagtamo ng head injury at kasakitan sa iba pang bahagi ng katawan ang suspek na kinilalang si John Rey Colas, laborer at residente ng brgy. Dalagsaan, Libacao.

Ayon sa report ng Libacao municipal police station, dumalaw umano ang lasing na suspek sa isang burol sa bahay ng pamilya Bardizo sa brgy. Poblacion.

Nasangkot siya sa mainitang pagtatalo sa son in law ng maybahay at habang nasa kainitan ng pagtatalo ay bumunot ito ng baril sa kanyang baywang.

Agad namang naagaw ng mga tao roon ang baril at nagpagulong-gulong sa lupa.

Naka-hospital arrest ang lalaki habang nahaharap sa kasong paglabag sa republic act 10591 o illegal possession of firearm.


AKLAN PLANONG GAWING ‘RETIREMENT FRIENDLY AREA’

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara sa probinsiya ng Aklan bilang ‘retirement friendly area’.

Ayon kay SP Noli Sodusta, ang resolusyong ito ay maghihikayat sa Philippine Retirement Authority (PRA) na bisitahin ang probinsiya at para sa mga posibleng proyekto kasama ang lokal na pamahalaan.


Nakikita rin ni Sodusta na maliban sa magiging daan ito sa paglago ng turismo sa probinsiya, isa rin umano itong paraan para makahikayat pa ng mas maraming imbestor.

Sang-ayon naman dito si SP Jay Tejada kung saan isa umano itong magandang strategic plan.


Ang nasabing panukala ay inerefer sa committee on tourism.

PAGPATAY SA AKLANON DOCTOR SA LANAO DEL NORTE KINONDENA NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Kinokondena rin ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang walang-awang pagpatay sa Aklanong doktor sa Lanao del Norte sa pamamagitan ng pagpasa ng isang resolusyon.

Hiniling sa resolusyong ito sa mga awtoridad sa nasabing lugar na agarang mabigyan ng hustiya ang pagpaslang kay dr. Dryfuss Perlas.

Ang 31-anyos na doktor ay binaril at pinatay sa Kapatagan, Lanao del Norte Miyerkules ng gabi habang sakay sa kanyang motorsiklo pauwi galing sa medical mission.

Ang Aklanong doktor ay huling naglingkod bilang municipal health officer at doctor to the barrios ng Sapad, Lanao Del Norte kung saan minahal siya ng taumbayan at maging ng mga opisyal.

Maliban rito, nagpasa rin ng resolusyon ang Sanggunian na nagbibigay-pagkilala sa hindi matatawarang paglilingkod sa bayan ni doctor Perlas at resolusyon na nagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.


Si Dreyfuss ay tubong Poblacion, Batan, Aklan at anak ng mag-asawang Dennis Perlas, Sangguniang Bayan member ng Batan at gurong si Leovilgilda Perlas.