Saturday, March 24, 2018

PAL POSIBLENG MAGPATUPAD NG ADJUSTMENT SA OPERASYON KAPAG NAGSIMULA NA ANG CLOSURE SA BORACAY

Posibleng magpatupad ng adjustment sa kanilang operasyon sa Caticlan Airport at Kalibo International Airport ang Philippine Airlines (PAL).

Ayon kay PAL spokesperson Ciel Villaluna, sa sandaling matuloy na ang shutdown sa Boracay, magpapatupad ang PAL ng adjustment sa kanilang operasyon at dedepende ito sa itatagal ng closure ng isla.

Tiniyak naman ni Villaluna na aasistihan nila ang mga pasaherong maaapektuhan ng closure para sa rebooking ng kanilang flights o refund ng kanilang pamasahe.

Ani Villaluna, hindi naman sila tuluyang mag-aalis ng biyahe sa dalawang paliparan dahil mayroon pa namang mga residente at negosyante na bibiyahe sa Kalibo at sa iba pang bahagi ng Aklan.

Tiniyak naman ni Villaluna na maglalabas sila ng abiso sa mga biyahero sa sandaling magkaroon ng pagbabago sa kanilang operasyon bunsod ng closure ng Boracay./ Radyo Inquirer

MGA TURISTA NAGSIMULA NG MAGKANSELA NG BIYAHE NILA SA BORACAY

Nagsimula nang magkansela ng kanilang mga biyahe patungong Boracay Island ang mga turista.

Ito ay bago pa man aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang April 26, 2018 na simula ng closure ng isla para sa rehabilitasyon.

Ayon sa isang resort operator sa Boracay, 25 guests na nila ang nagkansela ng reservations.

Ang nasabing mga turista sana ay dadalo sa event na “Laboracay” para sa long weekend sa May 1 holiday na Labor Day.

Ayon kay Malay municipal executive assistant for Boracay affairs Rowen Aguirre, nag-back out na rin ang mga corporate sponsors para sa nasabing event dahil nga sa napipintong pagsasara ng isla.

Una nang sinabi ng Malakanyang na maari pang ituloy ng mga turista ang kanilang pagpunta sa Boracay ngayong Holy Week dahil mananatili pa naman itong bukas./ Radyo INQUIRER

Friday, March 23, 2018

PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG IPAGBABAWAL SA KALIBO AYON SA MIYEMBRO NG SANGGUNIANG BAYAN

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagbabawal sa mga plastic bag sa bayang ito.

Nabatid na mayroon ng umiiral na ordenansa ang munisipyo kaugnay rito pero hindi lang napapatupad.

Nais ngayon ni SB member Cynthia Dela Cruz, committee chair on environment, na buhayin ang ordinance 2013-008 o "Ordinance Regulating the Use of Plastic Bags and Styrofoam".

Ilan sa mga rekomendasyon niya ang magpataw ng multa sa paggamit ng plastic bag at pagbibigay insintibo sa mga gumagamit ng reusable bag.

Ipapatawag rin umano niya ang mga stakeholders at mga dealer ng mga plastic bag para sa isang pagpupulong.

Sinabi ng opisyal sa kanilang regular session, nagiging problema na ang mga plastic bag sa bayang ito. Ito anya ang isa sa mga problema na kinakaharap ng Isla ng Boracay.

Umaasa ang lokal na mambabatas na tuluyang maalis ang paggamit ng plastic bag at styrofoam sa kabiserang bayang ito.

DEMOLITION TEAM NG LGU INIREKLAMO NG PAGNANAKAW SA RESORT NA GINIGIBA SA BORACAY

Inireklamo ng isang resort sa Boracay ang demolition team at miyembro ng auxiliary police ng pamahalaang lokal ng Malay ng pagnanakaw.

Ito ang mga larawang kuha ni Ben Mobo, manager ng kontrobersyal na Boracay West Cove resort, matapos umanong pasukin at pagnakawan ang ilang bahagi sa resort.

Ayon kay Mobo, nagkasundo umano sila at ang LGU Malay sa pangunguna ni Rowen Aguirre, municipal administrator, na huwag pasukin ang mga bahaging ito habang nagsasagawa ng demolition.

Marso 20 nang simulang gibain ng demolition team ng LGU ang mga temporary structures ng resort dahil wala itong business permit.

Pero laking gulat umano ng ilang empleyado ng resort nang datnan nila kinabukasan na nagkalat na ang ilang gamit nila at nawawala na ang iba rito.

Sinira rin umano ang dalawang safety box ng resort. Hindi naman nabanggit ng manager kung may natangay na pera rito.

Inireklamo na ni Mobo ang insidente sa police station sa Boracay.

Wala pang inilalabas na pahayag ang pamahalaang lokal sa insidente.

Plano naman ng resort na magsampa ng kaukukang kaso hinggil dito.

REKOMENDASYON NA SIMULAN SA APR. 26 ANG BORACAY CLOSURE, PAGPAPASYAHAN PA NI PANGULONG DUTERTE

Si Pangulong Rodrigo Duterte ang may “last say” sa petsa kung kailan magsisimula ang closure ng Boaracay island.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Department of Interior and Local Government (DILG) Asec. Epimaco Densing III, sinabi nito na Huwebes ng gabi ay nagsagawa ng pagpupulong ang DILG, Department of Tourism (DOT) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa nasabing pulong, nabuo na ang written recommendation na isusumite kay Pangulong Duterte at nakasaad na April 26 ang simula ng closure sa Boracay na tatagal ng anim na buwan.

Ani Densing, kung ang mga turista ay may biyahe patungong Boracay ngayong Semana Santa o hanggang bago mag April 26, maari pa rin nilang ituloy ang kanilang mga biyahe.

Kung ang nakatakdang biyahe naman ay lagpas ng April 26, mas mabuting humanap na ng ibang pagbabakasyunan. Aniya, handa naman ang mga airline companies na mag-refund ng pamasahe sa mga maaapektuhang biyahero.

Sa sandaling magsimula na ang closure, agad tututukan ng DILG, DENR at DOT ang drainage system at sewer lines sa Boracay.

Ani Densing, hindi biro ang rehabilitasyon na kailangang gawin sa Boracay at papanagutin nila ang lahat ng establisyimento na mapatutunayang lumabag at dinumihan ang karagatan./ Radyo INQUIRER

77 ANYOS NA LOLO KALABOSO MATAPOS GAHASAIN ANG 6 ANYOS NA APO

Inaresto ng mga kapulisan ang isang 77-anyos na lolo sa bayan ng Numancia matapos siyang ireklamo ng panggagahasa sa sariling apo.

Napag-alaman na ipinasok umano ng lolo ang kanyang daliri sa ari ng 6-anyos na bata.

Mismong tiyahin ang nakakita sa insidente habang kalong umano ng lolo ang bata sa terasa ng kanilang bahay.

Agad na nagsumbong sa ina ng bata ang tiyahin nito at inireklamo sa kapulisan.

Kinumpirma naman ng bata ang insidente sa mga kapulisan.

Todo tanggi naman ang suspek sa insidente sa panayam sa kanya pero humihingi ito ng pasensya sa pamilya.

Sinampahan na ng kasong sexual assault at nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center (ARC) ang suspek./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo