Saturday, August 26, 2017

FISH VENDOR NA BABAE HINIPUAN NG MANYAKIS NA LALAKI

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Inaresto ng PNP ang isang lalaki matapos hipuan sa pribadong parti ng katawan ang isang fish vendor na babae sa isang bayan dito sa Aklan.

Sa ulat ng babae sa pulisya nag-alok umano ito ng isda sa suspek na katiwala ng isang Mayor sa negosyong construction kanilang bayan. 

Lumapit umano sa kanya ang suspek at nagsabi na susuriin umano nito kung talagang sariwa ang isda at para raw masigurado ay nagpaalam itong hawakan. Sumagot naman ang biktima na pwdeng-pwde. 

Ngunit nagulat ang tindera dahil sa halip na isda ang hawakan , hinipo ng suspek ang pribadong parti ng katawan ng biktima.

Sa gulat ng biktima agad na kinuha nito ang bangus sa timba at hinampas sa suspek.

Matapos ang insidente sinabihan pa umano ng suspek na kahit saan mang korte ay haharap siya dahil hindi siya pababayaan ng among mayor.

Matapos makulong ng isang araw sa PNP Station, nagkaroon ng settlement ang dalawa sa tulong ng alkalde.

Nakalaya na ang suspek at balik na sa pagbabantay ng negosyo ni Mayor.

MGA ‘LADY BOY’ HIHIGPITAN SA ISLA NG BORACAY AYON SA OPISYAL NG MALAY

Pinahihigpitan ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagmonitor sa mga mapagsamantala at manlolokong ‘lady boy’ o bading sa isla ng Boracay.

Sa sesyon ng Sanggunian, sinabi ni SB member Floribar Bautista na dapat ay epektibong maipatupad ang municipal ordinance no. 60-2002 na nagbabawal ng anumang uri ng prostitusyon sa isla.

Ayon kay Bautista, kailangang mapanatili ang magandang katayuan ng isla ng Boracay lalo na sa mga bisita at ipairal ang moralidad ng mga tao rito.

Matatandaan na kamakailan lamang ay inaresto ng pulisya ang isang 23-anyos na bading dahil sa panghahalay at tangkang pangingikil sa isang menor de edad na Koreano.

Kinilala ang bading na si Joel Dela Cruz at tubong Agusan del Sur pero kasalukuyang naninirahan sa Boracay para mag-alok ng ‘aliw’ sa mga dayuhan.

Nakatakda namang ipatawag sa pagdinig ng committee on peace and order ang hepe ng Boracay Tourist Assistance Center at mga opisyal ng tatlong barangay sa isla upang talakayin ang nasabing isyu.

DRUG STORE SA KALIBO NASALISIHAN; PHP8,000 NATANGAY

Nasalisihan ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang drug store sa bayan ng Kalibo Huwebes ng tanghali.

Natangay ng mga suspek ang walong lata ng kilalang brand ng gatas na tinatayang aabot sa mahigit Php8,000.

Ayon kay PO2 Eric John De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, hirap silang matukoy ang mga suspek dahil walang CCTV ang nasabing establisyemento.

Katwiran umano ng gwardiya, nananghalian siya sa mga oras na iyon kaya hindi niya napansin ang mga suspek bagaman una na niyang pinaghinalaan ang mga ito.

Nakita umano niya ang dalawang babae at dalawang lalaki na lumabas at sumakay ng tricycle na posibleng nagsalisi sa naturang establisyemento.

Nanawagan naman si De Lemos sa mga may-ari at namamahala sa mga establisyemento sa Kalibo na makipagtulungan sa kanila sa pagsolba ng mga ganitong uri ng kaso.

Isa umano rito ay ang pagsunod sa ipinapatupad na lokal na ordenansa ng munisipyo sa paglalagay ng CCTV sa kanilang mga establisyemento.

Sa kabila nito, sinabi ng police officer na tumaas ang kanilang crimr solution o mga naresolbang kaso nitong mga nakalipas na buwan.

SECURITY GUARD ARESTADO SA BUY BUST OPERATION SA BORACAY; 14 SACHETS NANG SHABU NAREKOBER

Nasabat ng mga kapulisan ang 14 sachet ng pinaghihinalaang shabu sa buy bust operation kagabi sa isla ng Boracay.

Ang operasyon ay ikinasa ng mga awtoridad laban sa suspek na kinilalang si Alex Garcera, 33 anyos, may-asawa, tubong Tapaz, Capiz at kasalukuyang nakatira sq brgy. Yapak sa nasabing isla.

Nabilhan ng poseour buyer ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php1000.

Ayon pa kay PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit, nasabat rin sa kanyang posisyon at kontrol ang 13 sachet ng parehong sangkap at isang 9mm calibre ng baril.

Ang suspek ay isang newly identified drug personality ng mga kapulisan.

Todo tanggi naman sa panayam ng Energy FM Kalibo ang suspek at pinalalabas na "planted" lamang ang nangyari.

Nakakulong na ngayon sa Kalibo PNP station ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Posibleng maharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearm.

Ang operasyon ay ikinasa sa brgy. Yapak sa isang hotel kung saan nagtratrabaho ang suspek.

Ikinasa ito ng pinagsamang pwersa ng mga tauhan ng PDEU, PDEA, Provinciall Intelligence Branch at Boracay at Malay PNP.

Friday, August 25, 2017

PNP MAY PAALALA SA MGA KABATAANG BABAE NA GINAGABI NG PAG-UWI

photo (c) Numancia PNP
Nanawagan ang pulisya sa mga kabataang babae na huwag magpapagabi at umuwing mag-isa. Sinabi rin ng awtoridad na kung maaari ay magpasundo sa mga magulang o sa ibang mapagkakatiwalaan.

Ito ang sinabi ni PO2 Jemilla Bergalino ng Women and Children Protection Desk ng Numancia PNP sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Ang pahayag na ito ng pulis ay kasunod ng insidente ng tangkang panggahasa ng isang 23 anyos na lalaki sa isang 16 anyos na dalaga sa brgy. Laguinbanwa West Linggo ng gabi.

Matatandaan na mag-isang pauwi noon ang dalaga mula sa kanyang kamag-aral at pauwi na sa kanilang bahay dakong alas-7:00 ng gabi nang bigla siyang hinila ng suspek at tinangkang abusuhan.

Maswerteng nakapanlaban at nakahulagpos ang biktima sa suspek at nakahingi ng tulong bagay na naaresto ang nasabing lalaki at nasampahan ng kaukulang kaso.

Nanawagan siya sa mga magulang na kung maaari ay sunduin ang kanilang mga anak kapag malayo pa at walang kasama kapag gabi na.

Hinikayat rin niya ang taumbayan lalo na ang mga biktima ng kaparehong kaso na huwag mahiya at magreport agad sa mga kapulisan.

Tuloy-tuloy naman ang ginagawang kampanya ng pulisya ng pagbibigay impornasyon sa komunidad kaugnay ng Republic Act No. 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997.

23 ANYOS NA LALAKI NA NAGTANGKANG GAHASAIN ANG 16 ANYOS NA DALAGA, SINAMPAHAN NA NG KASO

Sinampahan na ng kaso ang 23 anyos na lalaki na nagtangkang gahasain ang isang 16 anyos na dalaga sa Laguinbanwa West, Numancia.

Nahaharap sa kasong attempted rape ang suspek na si Jhonel Olog, tubong brgy. Ortega, Libacao.

Ayon kay PO2 Jemilla Bergalino, imbestigador ng Women and Children Protection Desk ng Numancia PNP, positibo umanong kinilala ng biktima ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima pauwi na sa kanilang bahay nang madaanan siya ng suspek at kinaladkad sa madamo at madilim na bahagi.

Tinangka umanong gahasain ng lalaki ang biktima Linggo ng gabi pero nakapanlaban ito, nakahulagpos at nakahingi ng tulong sa mga dumaraang motorista.

Nakilala naman ng mga testigo ang suspek matapos itong sumakay sa iniwang motorsiklo malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Naaresto ang suspek sa ginawang hot pursuit operation ng pulisya pero todo tanggi ito sa reklamo sa kanya.

Nakakulong ngayon sa Aklan Rehabilitation Center ang suspek. Aabot sa Php200,000 ang pyansa para sa kanyang pansamantalng kalayaan.

Wednesday, August 23, 2017

DATE SA KALIBO NAUWI SA PANANAKSAK MATAPOS TRIPINGAN NG MGA MENOR DE EDAD

Inimbitahan ng mga kapulisan ang grupo ng mga menor de edad na ito matapos masangkot sa pananaksak sa isang 20 anyos na lalaki sa Roxas avenue kagabi.

Nakilala ang biktima na si Rodjie Dela Cruz ng Calimbajan, Makato. Nagdadate siya at ang kanyang nobya nang tripingan siya ng mga batang ito na pawang mga taga-Oyotorong, Kalibo.

Positibo namang itinuro nang kanyang mga kasama ang isang 15 anyos na siyang responsable sa pagsaksak sa biktima gamit ang kutsilyo.

Arestado rin ang kasama niyang 19 anyos na nagpakilalang si Tobby Villanueva.

Dinala sa Social Welfare and Development Office ng munisipyo ang 15 anyos na bata  samantalang kulong naman sa Kalibo PNP station ang 19 anyos na suspek para sa kaukulang disposisyon.

SEKYU PATAY NANG BUMANGGA ANG MOTORSIKLO SA STOCKPILE SA BRGY. NAILE, IBAJAY

Patay ang isang 24-anyos na sekyu matapos bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa stockpile sa brgy. Naile, Ibajay Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jesther Tagle y Florenso, residente ng Sta. Cruz, Ibajay at nagtratrabaho bilang sekyu sa isla ng Boracay.

Ayon kay PO1 George Regalado, imbestigador ng Ibajay PNP, bumangga sa stockpile sa gilid ng kalsada ang motorsiklo ng biktima.

Paliwanag ni Regalado, medyo madilim ang lugar at kasalukuyang ginagawa ang drainage sa gilid ng kalsada. Mabilis rin umano ang patakbo ng biktima.

Tumilapon umano ang biktima ilang metro mula sa kanyang motorsiklo at sumubsob sa kalsada.

Pinagtulungan naman ng mga opisyal ng barangay at ilang residente ang biktima at isinugod sa district ospital sa Ibajay pero dineklara rin itong dead on arrival.

Nabatid na papunta sana sa brgy. Monlaque, Ibajay ang biktima sa kanyang livein partner dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente.

ALE NASALISIHAN SA IBAJAY PUBLIC MARKET; MAGKAKAPATID NA MGA SUSPEK ARESTADO

photo (c) The Owner
Nasalisihan ang isang tindera ng isda sa Ibajay Public Market Martes ng umaga samantalang naaresto naman agad ang dalawang suspek.

Nakilala ang biktima na si Divina Soguilon, 54 anyos ng brgy. Bugtong-bato, sa nasabing bayan.

Ayon kay PO1 George Regalado, imbestigador ng Ibajay PNP, abala umano ang tindera sa pakikipag-usap sa babaeng suspek nang siya ay salisihan ng kasamang lalaking suspek.

Nakita umano niya sa kanyang pwesto ang pagtangay ng lalaking suspek sa kanyang shoulder bag.

Agad humingi ng tulong sa mga auxiliary police ang biktima at na nahuli ang lalaki maging ang kasama niyang babae.

Narekober sa lalaki ang itim na bag na naglalaman ng mahigit Php18,000.

Kinilala ang mga suspek na sina Mark Anthony Rosales, 27 anyos, at kapatid umano niyang si Ruby Rosales, 35, pawang mga residente ng Tondo, Manila.

Sinabi ni Regalado, inaalam na nila kung may iba pang kasama ang mga ito at kung may iba na na nabiktima ang mga ito dito sa probinsiya.

Ayon sa imbestigador nakita umano nila sa ticket na may ginamit silang sasakyan na ZAB-268 na posible anyang ginagamit nilang service vehicle.

Sa ngayon nakakulong na ang dalawa sa karsel ng Ibajay PNP station at nakatakdang sampahan ng kasong theft.

MISS WORLD PHILIPPINES 2017 DUMAYO SA AKLAN

Ulat ni Kasimanwang Joefel P. Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagkaroon ng pagkakataon ang Energy FM Kalibo na masilayan ang kagandahan ng tatlumpu't limang kandidata na magtatagisan para sa korona ng Miss World Philippines 2017 na gaganapin sa Mall of Asia Arena, September 3, 2017.

Alas 10 na ng gabi ng dumating ang mga kandidata sa Caticlan, Malay, Aklan para sa press conference na inorganisa ni Councilor Juris B. Sucro.

Pagbaba ng mga kandidata sa coaster na sinakyan nila mula Kalibo ay sinalubong sila ng pinagmamalaki ng Aklan na ati tribe na sumasayaw sa saliw ng tunog ng drum and lyre na nagmistulang Ati-atihan festival.

Isa-isang nagpakilala ang mga kandidata mula sa iba't-ibang sulok ng Pilipinas at isa sa mga ito ang nagpahayag ng kanyang kagalakan at muli syang nakauwi sa Probinsyang sinilanagan.

Si Jona Sweett candidate number 6 ay tubong Aklan. Pinanganak sa bayan ng Libacao at nagtapos ng kolehiyo sa Garcia College of Technology sa bayan ng Kalibo kaya't hindi maitanggi na sya ang naging center of attraction ng lokal press.

Matapos ang maikling oras na pakikipag-usap sa member ng lokal media ay agad nagtungo ang mga kandidata sa Isla ng Boracay. Mananatili sila doon hanggang 24 of August para sa ilang event.

Maliban sa title na Miss World Philippines 2017, tatlong iba pang title ang maaaring maiuwi ng papalaring kandidata. Miss Hispano Amerikana Filipino 2017, Miss Multinational 2017 at Miss Eco Tourism 2017. Magkakaroon din ng dalawang runner up sa titulo ng Miss World Philippines 2017.

Tuesday, August 22, 2017

SA ISLA NG BORACAY, 19 ANYOS NA LALAKI NAGBIGTI, PATAY

Patay ang isang 19 anyos na lalaki sa brgy. Balabag sa isla ng Boracay matapos itong magbigti sa loob ng sariling kuwarto kagabi.

Kinilala ng Boracay Tourist Assistance Center ang biktima na si Norman Broncano alyas “Boboy”, residente ng nasabing barangay.
photo (c) Manilyn Broncano f

Una rito, nagtaka umano ang ina matapos ilang beses siyang nagtatawag at kumakatok sa kuwarto ng anak para anyayahang kumain pero hindi ito sumasagot.

Dito pwersahan niyang sinira ang pinto ng kuwarto at tumamabad sa kanya ang malamig nang bangkay ng anak na nakabigi gamit ang electrical cord. 

Dinala pa nila ito sa isang klinika pero deneklara ring dead on arrival.

Ayon kay PO2 Marvin Garino, dakong alas-3:00 ng madaling araw kahapon nang umuwi ang biktima na nakainom at nakasagutan ang ama sa kanilang bahay.

Bago pumasok sa kuwarto ay nagsabi pa umano ito sa nakababatang kapatid na babae na “manami magpakamatay” at hindi na muling narinig at lumabas pa ng kuwarto.

Sinabi pa ni Garino na ganito rin ang binitiwang salita ng biktima sa kanyang mga barkada sa kanilang inuman bago umuwi ng madaling araw na iyon.

Wala namang nakikitang iba pang motibo ang imbestigador sa nasabing insidente. Wala rin umanong foul play sa insidente.

32 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW NG MGA ALIMANGO

Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos maaktuhang nagnakaw ng kalahating sako ng mga alimango at isang lambat sa brgy. Linayasan, Altavas kagabi.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Azor dela Cruz, residente ng brgy. Ginictan sa nasabing bayan.

Ayon kay SPO1 Jose Freginer Decio, imbestigador ng Altavas PNP, naaktuhan umano ng may-ari ng fishpond ang suspek kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek na nagnanakaw.

Salaysay ng biktima na si Nonie De Jesus, 43 anyos ng brgy. Linayasan, matapos maaktuhan ang tatlo ay hinabol niya ang mga ito at nahuli ang isa saka humingi ng tulong sa pulisya.

Nakuha sa suspek ang mga ninakaw na kalahating sako ng alimango at lambat na tinatayang nagkakahalaga ng Php20,000. Maliban rito, narekober din sa kanya ang dalawang itak at isang improvised hook.

Nakakulong na ngayon sa Altavas PNP ang suspek na ayon sa imbestigador ay nakatakdang sampagan ng kasong qualified theft.

Monday, August 21, 2017

PULIS BINUGBOG NG 2 KATAO SA BAYAN NG ALTAVAS

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Binugbog at tinangkang saksakin pa ng dalawang suspek ang pulis na si P02 Junnard Gervacio, 30 anyos na residente ng brgy. Lumaynay, Altavas, Aklan alas-onse ng umaga.

Bumibili lang raw ng pagkain ang nakasibilyang pulis na kalong-kalong pa ang 2-year old na anak sa Altavas public market. Sinadya umanong tapakan ng lasing na suspek na si Rene Ismael y Quadrante ang paa ng pulis.

Sinabihan ng pulis ang naunang suspek kung bakit siya tinapakan ngunit sa halip na humingi ng pasensiya ay nagalit pa ito saka pinagsusuntok ang biktima.

Maya-maya dumating raw ang isa pang suspek na kinilala sa pangalang Agusto De Pedro y Deci, 30 anyos na taga-Cabugao, Altavas at may bitbit itong kotsilyo at akmang sasksakin ang biktima.

Dito na bumunot ng baril ang biktima saka humingi ng tulong sa kapwa pulis.

Naaresto na ang dalawang suspek at nakulong ang mga ito sa Altavas PNP Station.

BARBERO, HULI SA PAGTUTULAK NG DROGA SA BAYAN NG IBAJAY

Arestado ang isang 39 anyos na barbero sa pagtutulak sa iligal na droga sa brgy. San Isidro, Ibajay madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Aldwin Andrade, residente ng nasabing lugar.

Naaresto siya sa kanyang residensya matapos mabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php500 buybust money.

Nakuha rin sa kanyang posisyon at kontrol ang tatlo pang sachet ng parehong sangkap.

Ayon kay PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit, ang suspek ay matagal nang minomonitor bago paman ito nagsurender sa pagsisimula ng Oplan Tokhang.

Pahayag pa ni CInsp. Andrade, bagaman sumuko siya ay bumalik rin ito sa pagtutulak ng droga.

Sinabi pa ng hepe na nag-ooperate ito sa bayan ng Ibajay at may pinagkukunan ng suplay dito lang sa probinsiya.

Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsamang pwersa ng PDEU, Ibajay PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, Aklan Public Safety Company, at 12IB TIU MIG6.

Ang nasabing suspek ay pansamantalang nakakulong sa Kalibo PNP station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165.

VISAYAS NANANATILING LIGTAS SA BIRD FLU OUTBREAK

ulat ni Kasimanwang Joefel P. Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Atty. Hansel O. Didulo, Assistant Secretary for the Visayas ng Department of Agriculture, siniguro nito na ligtas kainin ang ano mang poultry products sa Visayas.

Mayroon umanong protocol na sinusunod ang Department of Agriculture (DA) kung kayat hindi agad nila inanunsyo ng mapag-alamang nagkakasakit ang mga manok noon pang buwan ng Abril. Kailangang maging epidemic bago ito ianunsyo. 

Million dollar industry ang poultry farming kayat kailangan din umanong proteksyonan ang mga stakeholders at upang hindi mag dulot ng panic sa consumers.

Tuloy-tuloy ang pagmomonitor sa shipment ban ng nasabing produkto. Bumuo ng task force si ASEC Didulo dito sa Region 6 na tututok sa paghuli ng mga pumupuslit na dealer. 

Ang task force ay binubuo ng survilance, public information, proper dessimination of information at Animal Movement Control Team na syang nakahuli sa mga balut galing Batangas na ibabagsak sana dito sa Aklan.

Nilinaw din ni ASEC Didulo na ang virus galing sa manok at iba pang poultry product at hindi makakahawa sa tao.

Limang laboratory na umano ang nagkumperma sa nasabing virus. Alam na din ng departamento kung saang farm ito nagmula. Dagdag pa ni ASEC Didulo na misinformation ang mga kumakalat na balitang nagmula ang virus sa migratory birds at smuggled peking ducks mula China.

Dito sa Region 6 ay wala pa umanong problema sa supply at demand ng produkto pero kapag ito ay nagtagal tiyak kukulangin tayo sa supply lalo pa't papasok na ang Christmas season.

MAG-AMA NA NANGTRIP, NANUNTOK SA LABAS NG BAR NADISGRASYA SA MOTORSIKLO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo © Aklan Response Team Art
Sugatan ang mag-ama matapos bumangga sa sinusundang tricycle sa Pook, Kalibo alas-8:55 ng gabi.

Sa imbestigasyon ng PNP, sinuntok umano ni Jerick Meren, 20-anyos na taga-Guinbaliwan, New Washington ang biktimang si Pablo Retubis, 39-anyos na residente rin ng Barangay Pook Kalibo.

Nakatayo raw sa labas ng Starlight Bar si Retubis nang biglang pinagsusuntok ng suspek. 

Matapos ang panununtok agad itong sumakay sa matorsiklo na menamaneho ng kanyang tatay na si Joel at may kapatid na si Jenard na agad nilang tinakasan ang sinuntok na biktima.

Sa pagmamadali at sa bilis ng pagpapatakbo sa motorsiklo bumangga ito sa sinusundang tricycle malapit sa Kalibo Airport.

Natumba ang motorsiklo kaya agad na nahuli ng rumespondeng pulis ang suspek.

Nakakulong na si Jerick Meren sa Kalibo PNP Station sa ngayon. Nasa kustodiya na rin ng PNP ang motorsiklo nito.

BAGUHAN SA FACEBOOK, NANAY NAGPADALA NG P50K SA NAGPAKILALANG KAPAMILYA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo


Dumulog sa isang PNP Station ang nanay na ito matapos na mabiktima ng scammer sa facebook. 

Nagpakilala umanong kaanak ang suspek at ikinuwento sa biktima na nangangailangan raw ng P50,000.00 ang anak nito na nasa Amerika para ayusin ang problema sa US Embassy. 

Noong araw din na yon nakumbinse ang biktima at nagpadala nga ito ng nabanggit na halaga. Matapos ang transaksiyon hindi na raw sumasagot ang suspek sa mga tawag. 

Kaya tinawagan na ng biktima ang anak nito na sinsabing may problema sa embassy at doon na nalaman na pekeng account sa facebook pala ang ginamit ng scammer, ginaya lamang nito ang profile picture ng kanilang kaanak.

Nag-paalala ang pulisya na mag-ingat at gabayan ang mga baguhan sa social media. Huwag aga basta basta magpadala ng pera sa mga nagpapakilalang kapamilya gamit ang social media.

67 ANYOS NA BABAE NABUNDOL NG MOTORSIKLO SA BAYAN NG MALINAO, PATAY

Patay ang isang 67-anyos na babae makaraang mabundol ng motorsiko sa brgy. Rosario, Malinao.

Kinilala ng Malinao PNP ang biktima na si Emelda Retilba, residente ng nasabing barangay.

Ayon kay SPO2 James Villaruel, imbestigador ng kaso, tatawid na sana ang biktima sa kalsada pauwi ng kanilang bahay nang mabundol siya ng papalapit na motorsiklo.

Tumilapon ang biktima sa kalsada at nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Mabilis namang umalis sa lugar ang driver sakay ng motorsiklo at kalaunan ay sumuko sa punong barangay ng Bulabod, Malinao.

Kinilala ang driver na si Michael Imaculata, 34 anyos, residente ng brgy. Bulabod na ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya.

Bagaman naisugod at naconfine pa sa pribadong ospital sa bayan ng Kalibo ang biktima ay binawian rin ito ng buhay.

Ayon sa imbestigador maulanan ang panahon kahapon nang maganap ang insidente dagdag pa niya, mabagal maglakad ang biktima dahil sa stroke.

Posible namang maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang nasabing suspek.

23 ANYOS NA LALAKI ARESTADO MATAPOS INIREKLAMO NG PANGGAGAHASA SA ISANG MENOR DE EDAD

Arestado ang isang 23-anyos na lalaki makaraang ireklamo ng panggagahasa sa isang menor de edad.

Sa mga impormasyong nakalap ng news team, naglalakad umano ang 16-anyos na biktima sa isang pribadong kalsada nang abusuhan siya ng suspek.

Nabatid na sakay ng motorsiklo ang suspek nang madaanan niya ang dalaga, bumaba at pwersahang inabusuhang sekswal.

Maswerte nakahulagpos ang dalaga matapos manlaban sa suspek at nakahingi ng tulong sa mga dumaraang motorista at mga residente.

Nakilala naman ng mga testigo ang susek na kabarangay lang ng biktima at sa follow-up investigation ng pulisya ay naaresto ang suspek.

Mariin namang itinatanggi ng suspek ang nangyaring insidente na nabatid nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Natruma naman ang biktima at nagtamo ng mga sugat sa kamay hita at sa bibig.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Women and Children Protection Desk ng PNP ang pangyayari.

BAKLA ARESTADO SA PANG-AABUSO SA MENOR DE EDAD NA KOREANO SA ISLA NG BORACAY

Arestado ang isang 23-anyos na bakla makaraang halayin ang isang menor de edad na Koreano sa isla ng Boracay.

Kinilala ang bading na si Joel Dela Cruz, tubong Agusa del Sur at kasalukuyang nakatira sa station 3, brgy. Manocmanoc sa nasabing isla.

Ayon kay PO2 Emely Roldan, imbestigador ng Women and Children Protection Desk ng Boracay PNP, naganap ang insidente sa tinutuluyang boarding house ng suspek dakong alas-10:00 ng gabi.

Pahayag ng imbestigador inimbitithan umano ng suspek ang biktima na nakasalubong niya sa beach na pumunta sa isang hotel kung saan umano siya nagtratrabaho bilang therapist.

Sumama naman ang bata sa bading na hindi inaasahang dadalhin siya sa boarding house sa kanyang kuwarto at doon ay sekswal na hinalay. 

Inihatid aman umano ng bading ang Koreano sa kanyang mga magulang at humingi ng 100 dollar. Ayon kay Roldan, nakumbense ng suspek ang ama ng biktima na magbigay ng pera pero bigla umanong tumakbo ang suspek nang makita ang isang gwardiya na papalapit.

Naaresto ng pulisya ang suspek sa kanyang boardinghouse at pansamantalang ikinulong sa Boracay Tourist Assistance Center (Btac).

Ayon kay Roldan, hindi na nagpursigi ang pamilya na sampahan ng kaso ang bading dahil tatlong araw lamang umano ang kanilang bakasyon sa isla.