Saturday, December 31, 2016

19-ANYOS NA LALAKI TINAGA NG MENOR DE EDAD NA KABARKADA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa hospital na sasalubungin ng isang 19-anyos na lalaki ang Bagong Taon ito ay makaraang tagain siya ng kanyang kabarkada sa Brgy. Poblacion, Libacao dakong alas-7:00 kagabi.

Kinilala ang nasabing biktima na si Jennil Zaspa, residente ng Brgy. Sebalew, Libacao.

Ayon sa imbestigador ng Libacao municipal police station na si PO3 Marloue Avilar magkasama umanong nag-iinuman ang biktima at ang suspek na 16-anyos kasama ang iba pang mga kabarkada.

Nagsimula umano ang kanilang inuman dakong alas-4:00 ng hapon na kalaunan ay nauwi sa mainitang pagtatalo ng suspek na kakauwi lang galing Maynila at ng biktima.

Dito na umuwi ng bahay ang suspek malapit sa pinag-iinuman nilang istaka at pinagtataga ang biktima. Nagtumo ito ng sugat sa kaliwang bahagi ng ulo at sa kanang kama
y matapos subukang salagin ang sugar cane cutter (spading) na gamit ng suspek.


Nasakote naman ng mga awtoridad ang suspek at nakapiit ngayon sa Libacao police station. Ayon pa sa imbestigador posible anyang maharap ang menor de edad sa kasong frustrated homicide.

NASA 29 FOREIGNER NAARESTO SA PAGTUTULAK NG DROGA SA BORACAY

photo by JAG
Ilang mga dayuhan ang naaresto sa isla ng Boracay sa mga buy-bust operation sa iligal na droga mula Hulyo hanggang Disyembre nitong taon.

Nabatid sa ulat ng Aklan Provincial Police Office na nahuli ng mga awtoridad ang nasa 20 Taiwanese, pitong Chinese, at dalawang British.

Matatandaan na pinaigting ng Philippine National Police ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga alinsunod sa pangako ni pangulong Rodrigo Duterte na masugpo ang iligal na droga sa bansa sa ilang buwan.

Gayunman, ayon kay Flosemer Gonzales ng Provincial Prosecutor’s Office, pinahintulutan anya ng korte ang 15 Taiwanese at Chinese national na naaresto na makapagpiyansa.

Samantal, sa isang panayam, pinaabot naman ni Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron ang kanyang pasasalamat sa administrasyong Duterte sa kabila nito pinahayag niya na hindi naging malinaw ang mga pulisya sa kanyang kampanya at hindi perpekto.

Nanawagan rin siya sa PNP na bigyang tugon ang mga isyu na inuugnay sa iligal na droga sa bansa. 
Si Neron ay naglingkod na police commander sa Aklan at Valenzuela city bago sumabak sa politika.

PNP: TARGET ANG ZERO FIRE-CRACKER RELATED INCIDENT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aklan PPO by Panoramio
Target ng Philippine National Police (PNP) sa pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng zero fire-cracker incident sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa pahayag ni Aklan Provincial Police Office (APPO) chief Public Information Officer SPO1 Nida Gregas sa Energy FM Kallibo, sinabi nito na mayroong dagdag na dalawang kautusan ang mga kapulisan kaugnay ng indiscriminate firing sa pagdiriwang na ito.

“11th Commandment: Thou shall not fire thy guns indiscriminately as it may hit, kill and injure thy neighbor,” ayon kay Gregas.

“12th Commandment: If thy neighbor fires his gun indiscriminately, though shall make sure to take photos and videos to be reported to the PNP and uploaded,” dagdag pa ng chief PIO.

Kaugnay ng pagdiriwang ng Bagong Taon ay pinaigting anya ng kapulisan ang kanilang pagbabantaya sa mga matataong lugar kabilang Sinabi rin nito na kung may mga kahina-hinalang bagahe na matagpuan sa mga mataong lugar ay ipagbigay-alam agad ito sa mga awtoridad.

Nabanggit rin ni Gregas na may nakumpiska na silang ilang mga iligal na paputok kahapon sa San Lorenzo drive, Kalibo.

Samantala, nabatid sa report ng Provincial Health Offfice na isang 22-anyos na residente ng Brgy. Pagsanjan, Banga ang una nang nabiktima ng paputok.


Friday, December 30, 2016

31-ANYOS NA LALAKI BINARIL NG PULIS SA BORACAY

ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang 31-anyos na lalaki makaraang paputukan ng baril ng isang police officer ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) dakong alas-11 ng gabi sa Brgy. Yapak, Isla ng Boracay.

Sa report ng Boracay police station, kinilala ang biktima na si Dennis Venus, 31-anyos at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa opisyal na salaysay ni PO1 Christian Kenneth Senon, napadaan umano siya sa lugar sakay ng motorsiklo nang mapansin na nagwawala ang lalaki at may bitbit na itak. Sinubukan umano niyang patahanin ang biktima at para usisain ang nangyari pero nilapitan siya nito.

Hinamon umano siya ng biktima na nasa ilalim ng kalasingan na ilabas ang kanyang baril makaraang magpakilala siyang pulis. Dahil nilapitan umano siya ng biktima at sa pangamba na may gawing masama ay agad niya itong pinaputukan ng tatlong beses.

Nagtamo ng tama sa kanang hita at kaliwang pigi ang biktima at isinugod sa isang pribadong hospital dito sa bayan ng Kalibo.

Nasa kustodiya ngayon ng mga kapulisan si Senon habang ang imbestigasyon sa kaso ay umuusad pa.

AKLAN NAKAHANDA NA SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
 
Nakaalerto ngayon ang mga awtoridad sa buong lalawigan ng Aklan sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Aklan Provicnial Police Office acting director PSSupt. John Mitchell Jamili na pabor ito sa kagustuhan ni PNP General Ronald Dela Rosa na kahit hindi na lagyan ng tape ang mga baril ng pulis.

Pahayag pa ng provincial director na disiplina lamang ang kailangan sa mga kapulisan. Posible anyang matanggal sila sa serbisyo kapag napag-alamang nagpapu
tok sila ng kanilang baril sa Bagong Taon.

Samantala, sa panayam kay Dr. Paul Macahilas, chief of Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, hindi na pwedeng mag-leave o magbakasyon ang lahat ng hospital staff particular na ang nakatalaga sa emergency room, surgeons at mga bihasa sa ‘trauma and injuries’.

Ito ay kaugnay nang nationwide implementation ng code white alert sa lahat ng mga pampubliko at mga pribadong hospital na magtatagal hanggang Enero 5, 2017.


Bumili narin umano ng mga bagong gamot ang provincial hospital. Nakahanda narin anya ang kanilang mga apparatus na gagamitin sa mga posibleng mabiktima ng mga firecraker-related at stray bullet injuries.

Nabatid na naka-'Red-alert' staus naman ang Bureau of Fire Protection sa lalawigan sa mga banta ng sunog sa nasabing pagdiriwang.

Thursday, December 29, 2016

28-ANYOS NA BABAE, NASAKOTE NG MGA AWTORIDAD SA KASONG SHOPLIFTING

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nasakote ang isang 28-anyos na single mother matapos na iturong nag-shoplift sa Gaisano mall dakong alas-4:15 ng hapon dito sa bayan ng Kalibo.

Kinilala  sa report ng Kalibo municipal police station ang babae na si Janelyn Garcia y Gadot, residente ng Brgy. Bantud, Lapaz, Iloilo. 

Ayon kay Jomar Geronimo, nahuli umano niya kasama ang iba pang merchandiser ang nasabing babae sa loob ng kanilang hardware store na tangkang nakawin ang ilang mga gamit roon kasama ang apat na iba pa.

Agad naman nilang nahabol at nahuli ang babae at nakuha sa kanyang posisyon at kontrol ang mga branded beauty products na pagmamay-ari ng mall at walang maipakitang resibo.

Agad namang inaresto ang babae matapos makahingi ng tulong sa mga pulisya ang security guard sa nasabing establisyemento.

Nakapiit ngayon ang babae sa Kalibo police station para sa kaukulang disposiyon. Samantalang ang kasong ito ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.

PAGDREDGE SA AKLAN RIVER NAGSIMULA NA SA KABILA NG MGA PAGTUTOL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsimula na umano ang dredging ng Santarli (STL) corp. sa baybayin malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte. Ito ang salaysay ng isa sa mga council member ng nasabing barangay sa Kalibo municipal police station.

Energy FM Kalibo file photo
Ayon kay kagawad Duvill Duran, noong Disyembre 26 umano ng alas-7:00 ng gabi ay nagsimulang mag-dredge ang barko ng STL.  Sinubukan anyang pigilan ng mga taong barangay ang nasabing operasyon gayunman ay nagpatuloy parin sila.

Dagdag pa ng opisyal na dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Disyembre ay nagsagawa rin sila ng parehong operasyon sa nasabing lugar. Dahil rito, nabahala umano sila sa aksiyon na ito samantalang huli na anya nagpaabot ng sulat ang STL sa kanilang barangay hinggil sa operasyon.

Sa isang panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni STL project engineer Roger Vergara na dry-run lamang anya ang nasabing operasyon at may pahintulot ito mula sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sa kabilang dako, pinabulaan ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team, na may kaukulang permiso ang ginawang pagkilos ng dredging vessel ng STL. Katwiran anya ng STL ay kailangan nilang itabi ang barko dahil sa inaasahang sama ng panahon at para magawa ito ay kailangan nilang magdredge.

Ikinababahala ng mga taga-Bakhaw Norte, isa sa mga apektadong lugar ng isasagawang dredging project sa Aklan River ang posibilidad na pagguho ng kanilang lupa. Ang kanilang hiling ay mabigyan muna sila ng proteksyon kabilang na ang pagsasagawa ng revetment wall bago ang simula ng proyekto.

NO. 2 HIGH VALUE TARGET SA AKLAN SA KASONG PAGTUTULAK NG DROGA, ARESTADO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang local government security guard at kinikilalang no. 2 high value target sa Aklan ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buy bust operation sa isla ng Boracay dakong alas-4:00 ng madaling araw kanina.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), kinilala ang naaresto na si Dodgie Manuel y Fernando, 36 anyos at residente ng Brgy. Balabag, Malay.

Nakuha sa operasyon ang Php3,000 na halaga ng pera sa suspek na sinasabing kapalit ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nakuha naman sa poseur buyer. 

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa lalaki, mariin niyang itinanggi na nagtutulak siya ng iligal na droga. Samantala, sinabi ng kanyang misis na una nang nagsurender sa mga awtoridad ang suspek.

Pansamantalang nakapiit ang lalaki sa Kalibo police station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na lakas ng mga tauhan ng BTAC, Aklan PAIDSOTG, APPSC, PNP Maritime Group, at 12IB TIU and MIG6.

TARGET NA 1.7M TOURIST ARRIVAL NAABOT NA NG BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naabot na at nahigitan pa ng Isla ng Boracay ang target na tourist arrival ngayong taon.
Ito ang ibinalita ni Caticlan Jetty Port administrator Nieven Maquirang sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Sinabi ng port administrator na nakapagtala na sila ng 1,700,759 kabuuang bilang ng turista as of January to December 27 report.

Sa bilang na ito ay halos pantay na ang bilang ng foreign at domestic na aabot sa 857,201 at 801,073 ayon sa pagkakasunod.

Sa bilang din na iyon ay 42, 485 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa buwan lamang ng Disyembre as of yesterday ay nakapagtala ang kanilang tanggapan ng kabuuang bilang na 114, 938. Sa bilang na ito ang foreigner ay 55, 245 at ang domestic ay 114, 938. Ang bilang na ito ay halos pantay anya kumpara sa nakalipas na buwan na nasa 70/30 ang porsyento. Ang natitirang bilang ay OFW na 4,392.

Matatandaan na sa nakalipas na taon nakapagtala lamang ng 1,560,106 kabuuang bilang ang mga turista sa Boracay. 769,560 rito ay foreigner, 748, 017 ay domestic at 42,529 mga balikbayan.

Nabatid mula kay Maquirang na sa taong ito ay may dumating na 13 cruise ship sa isla. Inaasahan nila na mas marami pang mga cruise ship ang bibisita sa Boracay sa susunod na taon.

MISTER NA NAGBIGTI DAHIL SA PROBLEMA SA PAMILYA, PATAY!

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 38-anyos na mister matapos magbigti sa balkonahe ng
kanilang bahay sa Brgy. Poblacion, Altavas kagabi.

Kinilala sa report ng Altavas police station ang biktima na si Richard Feliciano, tubo ng Mambusao, Capiz.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakita nalang umano ng asawang si Lyneth, 37, ang kanyang mister na nakabigti na sa kanilang balkonahe gamit ang lubid dakong 12:30 ng madaling araw.

Una rito nakipag-inuman umano ang lalaki mula alas-7:00 ng gabi kasama ang iba pa at pag-sapit ng alas-9:00 kagabi makaraang nakauwi na ang kainuman ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa. Hinayaan na lamang ng misis ang biktima sa labas ng bahay at natulog ito.

Nakaulinig umano ang misis ng pag-uga sa sahig ng bahay banda alas-9:30 ng gabi pero hindi umano niya ito pinansin at nagpatuloy sa pagtulog. Banda alas-12:30 ng madaling araw na nang nagtaka ito na wala pa sa tabi niya ang mister kaya niya ito hinanap.

Laking gulat nito na makita na nakabitin na ang asawa sa kanilang balkonahe. Agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay at inaalis ang lalaki sa pagkakabitin. Isinugod pa ito sa Altavas District Hospital pero idineklara ring dead on arrival.

Nabatid na hiwalay umano ang magulang ng lalaki ayon sa kanyang misis. Dati narin anya na nagtangka itong magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas.

Sa resulta ng post-mortem examination, ay hindi naman nakitaan ng foul-play sa nasabing kaso.

NAAGNAS NA BANGKAY NG LALAKI NATAGPUAN SA BRGY. POLO, BANGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang naaagnas na bangkay sa tabing ilog ng Brgy. Polo, Banga ang natagpuan ng mga residente dakong alas-7:00 ng umaga.

Sa ngayon, ay hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilalan ng nasabing bangkay lalu at nasa state of decomposition na ito.

Ayon kay PO3 Mario Zesturias, imbestigador ng Banga PNP station, ang nasabing b
angkay ng lalaki ay tinatayang mahigit 60 anyos, may maiksing buhok at unti-unting napapanot, kayumanggi ang kulay ng balat, nakasuot ng t-shirt na kulay abo at naka-underwear nalang ng light blue. May taas na limang talampakan at may bigat na 50 kilo.

Sa isinagawang post-mortem examination ni Dr. Samuel Teodosio ng Banga Rural Health Unit, nasa tatlong araw na ng mamatay ang nasabing lalaki. Hirap naman ang mga awtoridad na makitaan ng foul play ang pagkamatay ng nasabing bangkay. Sa resulta ng eksaminasyon ay lumalabas na nalunod ang nasabing lalaki.

Ipinaabot na ng Banga police station ang kaso sa mga bayan ng Libacao at Madalag sa posibleng pagtukoy sa nasabing bangkay gayunman ay negatibo.

Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng Banga PNP station ang nasabing kaso.

Tuesday, December 27, 2016

MMT: WALA PANG HUDYAT PARA SA AKLAN RIVER DREDGING

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilinaw ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team sa Energy FM Kalibo na sa ngayon ay wala pang hudyat ang kanilang grupo sa Santarli (STL) Inc. para mag-dredge sa Aklan river.

Sa ngayon ay hindi pa umano kompleto ang kanilang a-stake survey na
isa sa mga pangunahing kailangan sa pagbuo ng desinyo at plano ng proyekto saka ito ipapasa sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sinabi rin niya na hindi umano binibenta ang mga bato at buhangin. Ang dahilan kung bakit anya ipapadala sa Singapore ang mga ito ay para hindi magbara kung itatambak lang sa gilid kagaya umano ng mga una nang nangyari.

Iginiit rin niya na nakahanda umano ang lokal na pamahalaan ng Aklan upang panagutin ang STL kung sakaling malagay sa panganib ang mga apektadong lugar lalu na ang bayan ng Kalibo. May inilaan na rin anya na 2 milyon pesong pondo para sa mga maaapektuhan.

Samantala, dapat anya na bago magsimula ang proyekto ay mabigyang tugon ang mga reklamo at mga pangamba ng taumbayan. Kailangan umano nilang timbangin ang mga pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto at environmentalist at ang mga opinyon ng mga mamamayan.

PANADERO TINAGA NG KAPITBAHAY SA ALTAVAS, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kasalukuyan pang nagpapagaling ngayon sa provincial hospital ang isang 34-anyos na panadero makaraang tagain ng kanyang kapitbahay sa araw mismo ng Pasko sa Brgy. Dalipdip, Altavas.

Sa report ng Altavas municipal police station, kinilala ang biktima na si Judy Dela Cruz, residente ng nasabing lugar.

Dakong alas-4:00 ng hapon umano ng dumating ang suspek sa bahay ng biktima na may dalang itak. Ang suspek na kinilalang si Edgar Flaviano, 44, ay nagtratrabaho bilang tagasibak ng kahoy para sa biktima.

Nang makita ng biktima ay niyaya niya itong kumain gayunman, ang suspek na nasa ilalim ng kalasingan ay agad na tinaga ang biktima na tinamaan sa kaliwang kamay at dumeretso sa dibdib. Sa ikalawang pagtaga ay maswerte namang nakailag ang biktima at nakatakas.

Humingi ito ng tulong sa kanyang tiyuhin na isa ring kagawad na siya namang nagreport sa pulisya. At sa pagresponde ng mga awtoridad ay naaresto ang lalaki at nakapiit na ngayon sa Altavas police station.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong frustrated homicide.

Monday, December 26, 2016

KASO NG DENGUE SA AKLAN PATULOY SA PAGTAAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tumaas ng 52 porysento ang mga kaso ng dengue sa lalawigan ng Aklan ayon sa report ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit.

Nasa kabuuang 1,689 na mga kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan mula Enero 1 hanggangn Disyembre 19 at isa rito ang naitalang patay.

Ang bayan parin ng Kalibo ang may pinakamataas na numero ng mga biktima sa nasabing peryod na bilang na 344 na kaso. Sinundan ito ng mga bayan ng Malay na may 1
69 kaso; Numancia na may 138; Banga na may 132 at; Ibajay na may kasong 110.

Samantala, pinakamababa naman ang Lezo na nakapagtala lamang ng 25 kaso, sinundan ng mga bayan ng Batan sa bilang na 40; Balete, 41; Malinao, 44; at Buruanga, 48.

Napag-alaman na karamihan sa mga biktima ay nasa edad 11 hanggang 20 anyos na may 572 na mga kaso. Ang buwan naman ng Agosto naman ay may pinakamataas na naitalang kaso na umabot sa 331 bilang.

Patuloy naman na nagpapaalala ang provincial health office na sundin ang 4s campaign – search and destroy mosquito breeding places; use self-protection measures; seek early consultation for fever lasting more than two days; ag say no to indiscriminate fogging.

LOTE NG DATING OPISYAL NG AKLAN SA ISLA NG BORACAY PINASOK NG MGA ARMADONG GRUPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasok ng 15 armadong grupo ang lote ni dating Sangguniang Panlalawigan member Rodson Mayor sa So. Sinagpa, Brgy. Balabag sa Isla ng Boracay noong Biyernes.

Sa report ng Malay municipal police station, dumulog umano sAa kanilang himpilan ang bantay ng lupa na si Andy Edward Cuales upang iulat ang nangyaring pangha-harass sa kanila roon. 

Dakong alas-tres umano ng hapon habang siya ay nasa Kalibo ng makatanggap siya ng tawag galing sa kanyang anak na pinasok na sila sa lugar ng mga armadong grupo.

Salaysay ng nagrereklamo, binakuran umano ang kanilang lote gamit ang yero. Dagdag pa niya na kinakasahan umano sila ng armas ng mga security guard na ito at pinupwersang pinaaalis.

Sa kanyang salaysay sa pulisya, nagbigay ng siyam na pangalan ng mga posibleng nasa likod ng nasabing pangha-harass sa kanila. Nilinaw rin niya na wala silang mga kaukulang dokumento ukol sa operasyon.

Samantala, kinumpirma ni Mayor sa panayam ng Energy FM ang nasabing insidente. At bagaman may tatlong naaresto ang pulisya, siya mismo ang humiling na palayain ang mga ito. Paliwanag ng dating opisyal na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho at pinatawad anya niya sila sa ngalan ng Pasko.