Saturday, September 23, 2017

GRO NA TULAK NG DROGA SA ISLA NG BORACAY, ARESTADO SA BUYBUST OPERATION

Arestado ang isang GRO sa pagtutulak ng iligal na droga sa sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay Huwebes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Maribeth Bandiez, 21 anyos, tubong Bagong Silang, Caloocan City at temporaryong nakatira sa nabanggit na lugar sa Boracay.

Inaresto ng mga kapulisan ang babae matapos maaktuhang nagtutulak umano ng droga.

Nasabat ng awtoridad mula sa babae ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php1,500 na marked money.

Ikinasa ng mga tauhan ng Malay Special Drug Enforcement Team ang nasabing operasyon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency at ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. / EFMK

521 MGA PULIS SA WESTERN VISAYAS NAPROMOTE SA MATAAS NA KATUNGKULAN

Napromote sa mataas na katungkulan ang 521 mga pulis sa buong rehiyon ng Western Visayas.

Ginawa ang mass oathtaking, donning at pinning of ranks Miyerkules ng umaga sa multi-purpose pavement ng Police Regional Office 6. Sabay-sabay na ginawa ang parehong aktibidad sa buong bansa.

Pinangunahan ito ni PCSupt. Hawthorne Binag, regional director ng PRO6. Sinaksihan rin ito ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan.

Ayon kay PSupt Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO6, ito ang bilang ng mga napromote na mga pulis sa bawat unit:

1. Regional Headquarter- 44 (4 police commission Officer, 40 police non-comission officer)
2. Antique Police Provincial Office - 75 (2 PCO, 73 pnco)
3. Aklan PPO - 89 (4 PCO, 85 pnco)
4. Guimaras PPO- 24 (2 PCO, 22 pnco)
5. Iloilo City PO - 59 (4 PCO, 55 pnco)
6. Capiz PPO- 77 (1 PCO, 76 pnco)
7. Iloilo PPO- 148 (6 PCO, 142 pnco)
8. Regional Public Safety Battalion - 5 ( 1PCO, 4 pnco).
Napag-alaman na sa 24 PCO, 7 rito ang mga Police Chief Inspector, 16 ang Police Senior Inspector at 1 Police Inspector.

Sa 497 mga PNCO naman, 30 ang SPO4, ang SPO3 ay 186, SPO2 ay 134, SPO1 ay 45, PO3 ay 36 at 66 P02.

Sinabi ni Gorero na ang regular na quota para sa PRO6 ay dapat 333 lamang pero dahil sa tulong ng regional director ay nadagdagan pa ito ng 188.

Hinamon naman ng regional director ang mga pulis na ito na maging tapat sa tungkulin sa mas mataas na katungkulan.

30 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW NG PHP23K SA ISANG BAHAY SA KALIBO

Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos iturong nanloob sa isang bahay sa brgy. Caano, Kalibo.

Kinilala ang suspek na si Clinton dela Rosa, residente ng brgy. Pook, Kalibo.

Una rito nagreklamo sa tanggapan ng Kalibo police station ang misis na si Joy Rebito makaraang looban ang kanyang bahay kagabi tangay ang Php23,000.

Naaktuhan naman ng isang testigo ang suspek na umakyat sa bukod na yari sa cyclone wire.

Sa follow-up investigation, naaresto naman ng mga kapulisan ang suspek.

Nabatid na dumaan ito sa kesame at tinangay ang pera mula sa wallet na nakalagay sa kabanet ng naturang bahay.

Ayon kay PO2 Erick John De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, hindi na narekober ang pera.

Sinabi pa ng imbestigador na dati nang nakulong ang suspek sa parehong kaso.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Kalibo PNP station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Friday, September 22, 2017

KOTSE NG ABOGADO, NINAKAW SA BAYAN NG KALIBO

Isang Honda City 2016 ang pinaniniwalaang ninakaw ng hindi pa nakikilalang suspek sa brgy. Old Buswang, Kalibo Miyerkules ng umaga.

Ang kotseng ito ay pagmamay-ari ng abogado na si Atty. Jerome Padios, 53-anyos at residente ng Iloilo City.

Ayon sa biktima, nakagarahe umano ang kanyang sasakyan sa harap ng kanilang residensya sa brgy. Old Buswang nang mawala ito.

Kalaunan, sa pag-imbestiga ng mga kapulisan at sa tulong ng taga-MDRRMO Kalibo, naispotan sa kuha ng CCTV ang sasakyan sa kahabaan ng Jaime Cardinal Sin Avenue patungong bayan ng New Washington na direksyon.

Paniwala ng may-ari posibleng nahack o nagaya ang susi ng kanyang sasakyan. Wala umanong Global Positioning System o GPS ang kanyang kotse.

Umaasa naman ang abogado na marerekober ang ninakaw na sasakyan. Handa umano siyang magsampa ng kaso sa mga suspek maging sa driver o sakay ng pinaniniwalaan niyang convoy na sasakyan na naispotan sa CCTV.

Iniimbestigahan na ng taga-highway patrol group ang nasabing insidente.

Wednesday, September 20, 2017

PETSA NG ELEKSYON SA BARANGAY AT SANGGUNIANG KABATAAN, BINAGO NG COMELEC

Inaprubahan kahapon ng Commission en Banc ang mga pagbabago sa sekdyul ng eleksyon. Narito ang bahagi ng kanilang inilabas na press release:

“Election period - the election period will now commence on 1 October 2017, and will run until 30 October 2017.

“Filing of Certificates of Candidacy - the period for filing COCs will commence on 5 October 2017 and will end on 11 October 2017.

“Campaign Period - the period for campaigning will run from 12 October 2017 until 22 October 2017.”

Paliwanag ng kagawaran, ang pag-urong sa skedyul ay para mabigyan ng mahabang oras ang mga gustong lumahok sa Sangguniang Kabataan at Barangay Election. 

Ayon sa press release ng COMELEC, inilipat rin nila ang pagsisimula ng gun ban – sa halip na sa Setyembre 23 ay sa Oktubre 1 nalang. Ang period para sa paghain ng exemption para sa gun ban ay tuloy parin sa Setyembre 21 kagaya ng unang skedyul.

also: http://energyfmkalibo.blogspot.com/2017/09/comelec-aklan-tuloy-ang-eleksiyon-sa.html

Tuesday, September 19, 2017

LALAKI NA PATUNGONG ILOILO TINULUNGAN NG ENERGY FM KALIBO MATAPOS PABABAIN SA BUS DAHIL KULANG ANG PAMASAHE

Tumawag sa Energy FM Kalibo public service hotline (2686118) ang barangay council ng brgy. Tigayon, Kalibo matapos ma-spot-an ang isang lalaki na umiiyak dahil pinababa raw ng Ceres bus dahil kulang sa pamasahe. 

Sa impormasyon mula sa Barangay sumakay ng bus ang lalaki mula sa Caticlan Malay, Aklan patungo raw sa Iloilo nang singilin ng konduktor, kulang ang pambayad nito kaya pinababa. 

Nanginginig na ang lalaki na may kapansanan pa dahil naaksidente raw siya noon.

Agad kaming tumawag sa PNP Kalibo para matulungan ang lalaki. Dinala namin siya sa terminal ng Ceres sa Kalibo. Humingi naman ng pasensiya ang supervisor sa nangyari. 
Pinasakay ulit siya sa ibang bus patungong Iloilo. Bumili ng pagkain at tubig si SP03 Llaren Zanarias para sa kanya. Samantala nagbigay naman ng cash ang aming reporter na si Archie Hilario at Rommel Deslate para may baon raw ito.

SIKAT NA TALIPAPA SA BORACAY TINUPOK NG APOY

Tinapok ng apoy ang nasa isang ektaryang D’Talipapa sa brgy. Balabag sa isla ng Boracay Lunes pasado alas-4:00 ng madaling araw.

Tumagal ang apoy ng pitong oras kung saan nadamay rin ang iba pang commercial building at mga residential building.

Wala namang naiulat na nasugatan o namatay sa naturang sunog.
Inaalam pa ng mga Bureau of Fire Protection (BFP) sa Boracay kung ano ang naging sanhi ng nasabing sunog.

Lunes ng gabi ay sinabi ng BFP-Boracay na tinatayang Php10 milyon na ang pinsalang dulot ng nasabing sunog. Posible pa umano itong tumaas base sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon.

Matatagpuan sa D'Talipapa ang mga tindahan ng souvenirs, mga "ready to wear" item, mga restaurant at cooking services, seafood market, mga fast food chain at iba pa.

34 ANYOS NA LALAKI BINARIL SA ISLA NG BORACAY, PATAY

Patay ang isang 34-anyos na lalaki makaraang barilin sa brgy. Balabag sa isla ng Boracay kagabi.

Naganap ang insidente dakong alas-9:30 kagabi habang nanonood umano sa peryahan ang biktima sa so. Bolabog.

Kinilala sa report ng pulisya ang biktima na si Daniel Lagayada, tubong Roxas City, Capiz at kasalukuyang nagtratrabaho bilang ahente ng isang kompanya sa Boracay.

Ayon kay SPO1 Rogelio Tiongson, imbestigador ng Boracay Tourist Assistance Center, malapitan umanong binaril ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek.

Base sa imbestigasyon ng SOCO-Boracay, nagtamo ng siyam na butas sa kanang bahagi ng katawan ang biktima.

Paniwala ng imbestigador, posibleng dedose na uri ng baril ang ginamit sa krimen.

Sinabi pa ng imbestigador na dinala pa ito sa district hospital sa isla kung saan siya dineklarang dead on arrival ng doktor.

Hirap naman ang pulisya na matukoy ang suspek dahil sa kawalan ng testigo.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng insidente at sa pagkakakilalan ng suspek.

63 ANYOS NA BABAE NABUNDOL NG VAN SA BALETE, PATAY

Patay ang isang 63-anyos na babae nang mabundol ng van sa bayan ng Balete Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Hebe Salabante, residente ng brgy. Fulgencio, Balete at midwife sa rural health unit ng nasabing bayan.

Ayon sa report ng Balete PNP, dakong alas-6:00 ng umaga naglalakad umano ang biktima sa gilid ng kalsada nang mabundol ito nang van.

Menamaneho ang van na ito ni Keith Philip Garcia, 33-anyos, tubong Davao at kasalukuyang nakatira sa Iloilo at nagtratrabaho bilang project manager. Bumibiyahe siya mula Iloilo patungong Kalibo.

Isinugod pa sa provincial hospital ang biktima pero dineklara ring dead on arrival.

Dahilan ng driver, nakaidlip umano ito kaya nawalan siya ng kontrol sa kanyang menamanehong van dahilan para mabangga niya ang babae.

Ikinulong ang driver ng van sa Balete police station at posibleng maharap sa kaukulang kaso.

LALAKI PATAY NANG TUMALON SA BARKO SA BAYBAYING SAKOP NG BORACAY

Patay ang isang 32-anyos lalaki matapos itong tumalon sa barko sa baybaying sakop ng isla ng Boracay.
Naganap ang insidente Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima sa report ng Philippine Coastguard na si certain Manuel Diaz, tubong Panit-an, Capiz.

Sakay umano ang biktima ng MV Ma. Orsola mula sa Mindoro patungong Caticlan, Malay nang tumalon ito 1 neutical mile mula sa brgy. Manocmanoc, sa nasabing isla.

Umabot pa ng kalahating ors ang search and rescue operation ng mga coastguard at mga tauhan ng barko bago matagpuan ang biktima na palutang-lutang at wala ng buhay.

Nakakuha ang mga ito ng numero ng cellphone sa bulsa ng biktima na tinawagan upang makilala ang lalaki.

Napag-alaman na galing Maynila ang biktima at uuwi sana sa Capiz dahil sa problema sa pamilya.