Tumambad sa mga kapulisan at mga tauhan ng pamahalaang lokal ang libu-libong pera ng mga Badjao sa bayan ng Kalibo.
Ikinasa ang operasyon kagabi upang ligpitin ang mga Badjao. Pansamantalang dinala sa evacuation center ng munisipyo ang mga nasabing Badjao para isailalim sa profiling.
Sa paghalughog sa kanilang mga gamit nasabat ng mga awtoridad ang libu-libong pera, mga remittance reciept at mga pekeng alahas.
Isang babae na tinuturing na leader ng grupo ang nakuhanan ng nasa Php127,000. May nakuha namang remittance reciept sa isang lalaki na Php49,000 sa isang hulugan lamang.
Ayon sa mga Badjao ang mga naipong pera ay mula sa pangangalimos at mga naibentang mga alahas. Ipinapadala umano nila ang mga perang ito sa kanilang mga kamag-anak sa Mindanao.
Ayon kay Mr. Efren Trinidad, executive assistance sa tanggapan ng alkalde, papauwiin nila ang mga Badjao gamit ang sarili nilang mga pera.
Posible rin umanong maharap sa mga kaukulang kaso o penalidad ang mga Badjao dahil sa pagbebenta ng mga alahas ng walang permit mula sa munisipyo.
Paiimbestigahan rin niya sa mga kapulisan ang mga transaksyon ng Badjao kung ito ay may kinalaman sa sindikatong grupo.
Sinabi ni Trinidad na ang operasyon ay ikinasa kasunod ng reklamo ng munisipyo na ginawa nang tirahan ng mga Badjao ang ginagawang gusali ng Rural Health Unit.