Friday, August 04, 2017

INTEGRATED TERMINAL PARA SA MGA SASAKYAN SA PROBINSIYA ISINUSULONG NG PAMAHALAANG LOKAL NG KALIBO

photo (c) Double A
Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang integrated terminal para sa lahat ng mga sasakyang bumibiyahe sa western side ng probinsiya.

Ito ang nakikinitang solusyon ni Mary Gay Quimpo-Joel, head ng Traffic Transport Management Unit (TTMU) ng Kalibo sa lamangan ng pasahero sa mga bumibiyaheng sasakyan.

Ang pahayag na ito ni Joel ay kasunod ng ipinaabot na reklamo ng asosasyon ng mga jeepney operator at driver kaugnay ng pagharang ng mga van sa dapat ay kanilang pasahero.

Gayunman sinabi ni Joel na matagal na itong isinusulong ng pamahalaang lokal katunayan anya ay may badyet na na inilaan para dito.

Pero dahil sa hirap silang makahanap ng lugar na pagtatayuan nito ay naantala ang matagal na dapat na konstruksiyon ng nasabing terminal.

Maoobserbahan na kalat-kalat ang mga terminal ng mga van sa Kalibo bagay minsan na inirereklamo ng mga jeep na nag-aantay ng pasahero sa Oyo Torong.

Pinasiguro naman niya na habang hindi pa nasisimulan ang naturang proyekto ay tuloy-tuloy ang gagawin nilang panghuhuli sa mga van na iligal na nagpapasakay ng pasahero sa Roxas Avenue.

MANAGER NG BORACAY AIRPORT DINEKLARANG PERSONA NON GRATA NG SB MALAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) phtourguide
Dineklarang persona non grata ng Sangguniang Bayan ng Malay ang manager ng Boracay Airport na si Felix Lizares Jr.

Ito ay matapos sang-ayunan ng Sanggunian sa kanilang regular session ang resolusyon blg. 083 kaugnay rito.

Ayon kay SB member Fromy Bautista, nag-ugat ito sa aniya kawalan ng respeto ng manager sa mga opisyal ng pamahalaang lokal.

Paliwanag ni Bautista, nasa apat na pagkakataon umano nilang inimbitahan ang manager na humarap sa konseho pero hindi ito sumisipot.

Wala rin umano itong pinapadalang sulat sa Sanggunian para ipaliwanag ang kanyang hindi pagsipot o kahit magpadala manlang ng kinatawan.

Nais lamang umano ng konseho na mabigyang linaw ang ilang mga problema sa airport kabilang na ang kawalan ng tourism office sa kanilang arrival area.

Sa kabila nito ay sinikap naman umano ng LGU Malay na matugunan o mabigyang solusyon ang mga problema sa airport na nakakaabot sa kanilang tanggapan.

Nangangahulugan ang deklarasyong ito na hindi na "welcome" o "acceptable" ang nabanggit na tao sa bayan ng Malay.

Ayon kay Bautista, maaalisan na ng mga pribilehiyo sa bayan ng Malay si Lizares o posible ring magdiin sa kanya para matanggal siya sa posisyon.

Nanindigan naman ang lokal na mambabatas na ginawa lamang ng Sanggunian ang nararapat para sa kapakanan ng taumbayan.

3 MOTORSIKLO NAGKARAMBOLA SA BAYAN NG KALIBO; 1 PATAY, 3 SUGATAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

MDRRMO Kalibo
Patay ang isang lalaki sa naganap na karambola ng tatlong motorsiklo sa boundary ng brgy. Pook at brgy. Caano, Kalibo kagabi.

Kinilala ang namatay na si Rod Brigss Igtanloc, 22-anyos, residente ng brgy. Laguinbanua East, Numancia.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, nagkabanggaan ang motorsiklo nina Igtanloc at Den Mark Iremedio, 23, kasama ang backrider na si Rod Jean Felonio, 23, mga residente ng brgy. Puis, New Washington.

Pagkatapos, isa pang motorsiklo ang bumangga sa naunang naaksidente. Ang driver ng pangatlong motor ay kinilala sa pangalang NiƱo Insauriga, 35, taga-Malinao.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga rescue team ng MDRRMO Kalibo at PDRRMO-Aklan at naisugod agad sa hospital ang mga nasugatan.

Si Igtanloc ay binawian rin ng buhay habang ginagamot sa provincial hospital.

LALAKI NATAGPUANG PATAY AT TADTAD NG TAGA SA PALAYAN SA BAYAN NG LIBACAO; SUSPEK SUMUKO SA PULISYA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tadtad ng taga at patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa palayan sa sitio Magba, brgy. Calacabian, Libacao kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima sa pangalang Inecito De Manuel Zamora, 58 anyos, residente ng nabanggit na lugar. 

Ayon sa report ng Libacao PNP, nagtamo ng 23 sugat ng pananaga ang biktima sa iba-ibang bahagi ng kanyang katawan at halos maputol na ang kanyang leeg.

Sumuko naman ang suspek sa Banga municipal police station matapos ang insidente.

Kinilala ang suspek sa pangalang Edgar Zindon, 44, residente ng brgy Alas-as, Madalag. 

Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang suspek pero ayaw nitong humarap para ipaliwanag ang kanyang panig.

Base naman sa pahayag ng pulisya, inamin ng suspek ang krimen at sinabi nito na ang dating alitan ang naging dahilan ng kanyang pananaga sa biktima.

Nakakulong na ngayon sa Libacao PNP station ang suspek at posibleng sampahan ng kasong murder.

Thursday, August 03, 2017

40 ANYOS NA LALAKI ARESTADO DAHIL SA ILIGAL NA OPERASYON NG EZ2 SA BAYAN NG IBAJAY

Arestado ang isang 40 anyos na lalaki sa operasyon ng mga kapulisan laban sa illegal gambling sa brgy. Tul-ang, Ibajay kahapon ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Edito Italia, residente ng Aparicio, Ibajay.

Nakuha sa kanya ng mga awtoridad ang nasa Php21,000 kabilang na ang Php40 na marked money; papel o “koteho” na ginagamit sa pagpapataya.

Nakuha rin sa kanya ang kanyang motorsiklo at pitong live ammunition ng caliber 45.

Nabatid na ang lalaki ay iligal na nagpapataya ng EZ2 sa nasabing bayan dahil hindi ito konektado at otorisado ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ikinasa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Aklan Provincial Police Office Trackers Team at ng Ibajay PNP.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Ibajay PNP station at nakatakdang samapahan ng kasong illegal gambling at kasong paglabag sa Republic Act 10591.

APAT NA KALALAKIHAN ARESTADO SA PAGSUSUGAL SA TERMINAL SA KALIBO

Arestado ang apat na kalalakihan na naaktuhan ng mga tauhan ng Kalibo PNP na iligal na nagsusugal sa terminal ng Dumaguit-New Washington sa bayan ng Kalibo.

Ang apat ay naabutang naglalaro ng “Pusoy Bahig” at nagpupustahan dahil sa mga perang nakalatag sa gitna ng mesa kung saan sila naglalaro.

Kinilala ang mga naaresto na sina Buddy Bautista, 46 anyos; Praceler Barrera, 37; Robert Bautista, 43; at Govie Legaspi, 40 anyos, lahat mga residente ng bayan ng New Washinton.

Nakuha naman ng mga kapulisan sa kanila ang mga ginamit na mga baraha at taya na Php1,847.

Nakakulong ngayon sa Kalibo police station ang apat at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 as amended by Republic Act 9287 o illegal gambling.

Mainit ngayon ang kampanya ng mga kapulisan kontra sa iligal na sugal kasabay ng giyera kontra iligal na droga.

NO. 1 MOST WANTED BAYAN NG MADALAG, ARESTADO SA CALOOCAN, CITY

Arestado ang no. 1 most wanted ng Madalag PNP sa Caloocan City kahapon.

Ang akusado ay kinilalang si Ruel Nillasca, 39 anyos, tubong brgy. Balactasan, Madalag.

Naaresto ang lalaki sa ikinasang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Aklan police Trackers Team, Southern CIDG, Caloocan PNP at Madalag PNP.

Si Nillasca ay naaresto sa Caloocan kung saan siya nagtratrabaho bilang caretaker.

Siya ay nahaharap sa mga kasong murder at two counts of frustrated murder na ibinababa ng Regional Trial Court 6 dito sa Kalibo noong Enero 2012.

Walang itinakdang pyansa ang korte para sa kanyang kinakaharap na kaso. 

Siya ay pansamantalang nasa kustodiya ng Southern CIDG ay nakatakdang dalhin sa Aklan para iharap sa korte.

12 INFANTRY BATTALION NG PHILIPPINE ARMY SA AKLAN MAY BAGO NANG KOMANDER

Opisyal nang umupo sa pagiging komander ng 12 Infantry Battalion ng Philippine Army sa probinsiya ng Aklan si Lt. Col. Vener Morga.

Ginawa ang turn-over of command sa Camp Major Jesus M. Jiszmundo sa Brgy. Libas, Banga kahapon ng umaga.

Si Morga ay namuno sa 82nd Infantry Battalion simula noong Oktubre 17, 2016 sa Camp Monteclaro, Miagao, Iloilo. 

Siya rin ang dating executive officer ng 301st Infantry Brigade sa Dingle, Iloilo bago siya matalaga sa Miagao.

Labis naman ang pasasalamat ng dating komander na si Lt. Col. Leomar Jose Doctolero sa lahat ng Aklanon, sa mga opisyal ng pamahalaan at iba pang sektor na sumuporta sa kanyang liderato.

Ipinagmalaki naman ni Doctolero na sa kanyang paglilingkod sa Aklan sa nakalipas na isang taon at isang buwan ay nanatiling insurgency free ang probinsiya.

Ang dating komander ay madedestino sa Camp General Emilio Aguinaldo headquarters sa Quezon City.

47 MANGIGISDA AT SIYAM NA FISHING BOAT HINARANG AT INIMBESTIGAHAN NG MGA KAPULISAN SA POOK JETTY PORT

Hinarang at inimbestigahan ng mga kapulisan ang 47 mangingisda at siyam na fishing boat sa jetty port sa brgy. Pook, Kalibo Biyernes ng hapon.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer-in-charge ng Kalibo PNP, ang paghold sa mga dayong mangingisda at kanilang mga bangka ay para sa seguridad ng Kalibo.

Napag-alaman na mga bangka ay galing sa Antique at dahil sa sama ng panahon, minabuti nilang dumaong sa hindi pa operational na port.

Isinailalim sa profiling ang mga trepolante at siyam na boat captain na karamihan ay pawang mga taga-Antique at ilan ay may mga pamilya at kakilala rin sa Kalibo.

Sa ginawa ring inspeksyon sa mga fishing boat, wala namang nakitang mga kontrabandos ang mga awtoridad at nabatid na dokumentado naman ang kanilang operasyon.

Paliwanag ni Ruiz, ang ginawa nila ay pagsiguro lamang na walang makapasok na masasamang elemento sa Kalibo at sa buong probinsiya.

Nagpapasalamat rin siya sa naging aksyon ng mga tanod at opisyal ng barangay dahil sa pagiging mapagmatyag at pagreport nila sa mga awtoridad hinggil rito.

Nanawagan rin si Ruiz sa iba pang mamamayan lalo na ang mga nakatira sa mga coastal areas na ipagbigay alam agad sa kanila ang mga kahina-hinalang bagay na mamamataan sa kanilang mga lugar.

3 BATA NABAGSAKAN NG PADER SA BRGY. CAWAYAN, NEW WASHINGTON, ISA PATAY

Patay ang isang 7-anyos na batang babae matapos mabagsakan ng konkretong pader sa brgy. Cawayan, New Washington kahapon ng hapon.

Sugatan rin ang dalawa pa niyang kalaro na kasabay na nabagsakan ng pader.

Kinilala ang biktima na si Ria Mae Francisco, residente ng nasabing lugar.

Kinilala naman ang dalawang iba pa na nasugatan na sina Ryza at kapatid na si Rizy Francisco, 6 anyos at 4 anyos.

Kakarating lang ng bata galing sa paaralan nang makipaglaro ito sa kanyang mga pinsan dakong alas-5:00 ng hapon.

Ayon sa pamilya ng mga biktima lumapit umano ang tatlo sa nasabing pader at dahil sa hindi matibay ang pundasyon ay bumigay ito.

Ang pader ay bahagi umano ng bahay na nasira ng bagyong Yolanda.

Agad namang tumulong ang isang tiyo ng mga biktima para maalis ang tatlo sa bumagsak na pader.

Agad na isinugod ang tatlo sa provincial hospital pero dineklarang patay ang isa sa kanila matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Hindi naman lubos matanggap ng single mother ng biktima ang nagyari lalu at nag-iisa niya itong anak.

PINAGHIHINALAANG GUN FOR HIRE SA AKLAN, BINARIL SA BUY BUST OPERATION NANG MANLABAN SA OPERATIBA

Sugatan ang isang pinaghihinalaang gun for hire nang barilin ng pulis sa isang buy bust operation sa Kalibo dahil nanlaban umano ito.

Kinilala ang suspek na si Raymund Olino, residente ng brgy. Rizal, Ibajay.

Ginawa ang operasyon dakong alas-9:00 ng umaga sa Park Homes 3 sa brgy. Andagao, Kalibo nang pinagsamang pwersa ng Crime Investigation and Detection Group (CIDG) at Kalibo PNP.

Ayon kay PCInsp. Raul Boledo, hepe ng CIDG-Aklan, nanlaban umano ang suspek matapos mapag-alamang pulis ang kanyang nakatransaksiyon.

Nakapaputok umano ito ng makalawang beses sa operatiba dahilan para manlaban ang mga ito kung saan nagtamo ng dalawang sugat ng pagbaril ang suspek sa kanyang kaliwang paa.

Narekober ng mga awtoridad ang isang caliber 45 sa posesyon ng suspek at isa pang caliber 45 sa nangyaring buybust operation kapalit ng Php20 peso bill kabilang na ang Php1,000 marked money.

Pahayag ni Boledo, pinaghihinalaang gun for hire ang suspek at matagal narin umanong minomonitor ng mga kapulisan.

Naka-hospital arrest ngayon ang suspek sa provincial hospital na posibleng maharap sa mga kaukulang kaso.

Wednesday, August 02, 2017

GALON-GALONG MGA GASOLINA NAKUMPISKA SA BAYAN NG ALTAVAS; SUSPEK SINAMPAHAN NA NG KASO

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga suspek na nagtangkang magbiyahe ng iligal na galon-galong mga gasoline sa lalawigan ng Aklan.

Naharang ng mga kapulisan ang kanilang sinasakyang van sa checkpoint sa brgy. Poblacion, Altavas kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Revencio Pioquinto, 23 anyos, driver ng van at pahenante niyang si Lorenzo Russ Bagalyon, 21-anyos, pawang mga taga-Dao, Capiz.

Narekober ng mga awtoridad ang 340 mga galon na naglalaman ng kabuuang 6,600 litro ng gasoline na dadalhin sana nila sa bayan ng Malay mula sa Capiz.

Nang usisain ng mga kapulisan, walang maipakitang dokumento ang mga suspek mula sa Department of Energy.

Sinampahan na kahapon ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o iligal na pagbebenta ng petrolyong produkto ang mga suspek.

Tuesday, August 01, 2017

26 ANYOS NA KARPENTERO NAGBIGTI PATAY SA NAVITAS, NUMANCIA

Patay ang isang 26 anyos na karpentero matapos magbigti sa brgy. Navitas, Numancia.

Kinilala ang biktima na si Ariel Villanueva y Delos Reyes, residente ng nasabing lugar.

Sa report ng Numancia PNP, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report hinggil sa naturang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2:55 nang makitang nakabitin na sa loob ng bahay-kubo ang biktima.

Una siyang nakita ng kanyang kapatid na si Anthony na umuwi galing sa inuman.

Makailang beses umanong nagtawag ang kapatid sa biktima pero hindi ito sumasagot.

Pwersahan niyang sinira ang pinto ng bahay kubo at tumambad sa kanya ang naninigas na na katawan ng biktima.

Huling nakasama ng pamilya ang biktima na kasama nilang kumain pero hindi rin niya inubos.

Ang biktima ay dumiretso sa bahay-kubo (payag) kalapit ng kanilang bahay kung saan siya natutulog.

Ayon kay PO2 Felizardo Navarra Jr., dati na umanong nagtangkang magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili.

Nitong mga nakalipas na araw ay naobserbahan rin umanong nanghihina ang katawan ng biktima.

Hindi pa malaman ng mga kapulisan ang motibo hinggil sa pagpapakamatay ng biktima.

3 MENOR DE EDAD AT MGA NOTORIOUS NA MAGNANAKAW SA KALIBO, KALABOSO; MGA NAKAW NAREKOBER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang tatlong menor de edad at itinuturing na noturious na mga magnanakaw sa bayan ng Kalibo.

Narekober ng mga awtoridad sa mga (CICL) children in conflict with the law ang kanilang mga ninakaw.
Kabilang sa mga narekober ang tatlong motorsiklo, flat screen TV, sword, mga airsoft gun at mga cellphone.

Nakakulong ngayon ang tatlo, dalawang 17 years old at isang 16 years old, sa lock-up cell ng Kalibo PNP.

Nabatid na ang isa sa kanila ay kakalabas lang sa Aklan Rehabilitation Center dahil din sa kasong pagnanakaw.

Inaayos na ng pulisya ang mga dokumento para sampahan ng mga kasong motornapping, theft at roberry.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer-in-charge ng Kalibo PNP, inaalam pa nila kung may handler at iba pang kasamahan ang mga ito.

Ang suspek sa pananaksak sa Batan noong araw ng Sabado ay isa umano sa mga kasama ng tatlo na nakakulong ngayon sa Batan PNP.

Nakilala ang mga menor de edad sa tulong ng close circuit television at ng mga testigo.

Nanawagan naman si PSInsp. Ruiz sa iba pang mga biktima na magtungo sa kanilang tanggapan para alamin kung kabilang sa mga narekober ang mga nanakaw sa kanila.

Matatandaan na nitong nakalipas na linggo ay sunud-sunod ang mga insidente ng nakawan sa bayan ng Kalibo.

ALKALDE NG MALAY NANAWAGAN NG KOOPERASYON SA TAUMABAYAN SA PAGLUTAS NG SULIRANIN SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

LGU Malay photo
Nanawagan si Malay mayor Ceciron Cawaling ng kooperasyon ng taumbayan para malutas ang suliranin sa basura lalo na sa isla ng Boracay.

Ayon sa alkalde, ang bawat isa ay maaring makatulong kagaya ng simpleng pag-iwas sa paggamit ng plastic straws, pagdala ng refillable water bottles, pag-iwas sa paggamit ng mga sachet at iba pa.

Nanawagan rin siya sa mga business owner na simulan ang paggamit ng mga eco-friendly packaging sa kanilang mga produkto.

Aminado ang opisyal na dahil sa lumalagong populasyon at turismo sa isla ng Boracay at sa buong Malay ay kasabay rin nito ang mabilis na paglaki ng basura.

Matatandaan na nitong nakalipas na buwan ay tuluyan nang nalinis ng lokal na pamahalaan ang inirereklamong tambakan ng basura sa Manoc-manoc, Boracay kasunod ng ibinigay na ultimatum ng Departmet of Environment and Natural Resources.

Ang mga basura sa Boracay ay dinadala na ngayon sa tambakan ng basura sa mainland.


Umaasa ang alkalde sa patuloy na suporta ng mamamayan. Pinasiguro naman niya na ang pamahalaang lokal ay hindi titigil sa paglutas sa naturang suliranin.

MGA RESORT AT HOTEL SA BORACAY POSIBLENG ALISAN NG PERMIT DAHIL SA HINDI KONEKTADO SA SEWERAGE SYSTEM

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources sa mga resort at hotel sa Boracay na maaalisan sila ng permit dahil hindi nakakonekta sa sewerage system.

Sinabi ni regional director Jim Sampulna, nagsimula na umano sila sa pag-imbestiga sa mga resort at hotel na direktang naglalabas ng kanilang wastewater sa baybayin ng isla.

Sa panayam kay Sampulan sa programang ‘Prangkahan’, nasa 30 mga resort at hotel na ang kanilang napag-alaman na lumalabag. Tumanggi naman siyang mapangalanan ang mga ito.

Sinabi ni Sampulna, pagkatapos ng imbestigasyon ay bibigyan pa niya ng palugit ang mga napatunayang lumabag na maayos ang kanilang koneksiyon.

Binigyang diin ng direktor na kapag hindi nila ito nagawa ay maaalisan sila ng accreditation mula sa Department of Tourism (DOT) Environmental Compliance Certificate (ECC) at business permit.

Patuloy anya ang kanilang ginagawang inspeksiyon sa mga resort at hotel dahil itinuturing niya na seryosong bagay ang usaping ito.

Naniniwala siya na kapag hindi ito nasulosyunan ay magreresulta ito ng pagkasira ng lamalagong turismo sa Boracay.

TINDIHAN SA KALIBO PUBLIC MARKET, NINAKAWAN NG PHP27 LIBO; SUSPEK SAPOL SA CCTV

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Paulit-ulit na ninakawan ng nag-iisang suspek ang isang tindahan sa Kalibo Public Market nitong mga nakalipas na linggo.

Ang tindahan ay pagmamay-ari ni Lecerio Tumagan kung saan nakuha ng suspek ang mahigit P27,000.00 na halaga ng mga barya.

Unang pinasok ng suspek ang store noong Hunyo 11 kung saan nakuha ng suspek ang P1,000.00; sinundan ng Hulyo 18 kung saan nakuha naman ang P3,000.00; Hunyo 23, P2,000.00; Hulyo 7-P20,000.00; at Hulyo 14-P1,000.00.

Kinilala ng may-ari ang suspek base sa kuha ng CCTV na dati niyang katiwala na si Harold Dagohoy o mas kilala sa palayaw na alyas “Burnok” o “Opoy”.

Nakarecord na sa Kalibo PNP ang pangyayaring ito at patuloy na pinaghahanap ang suspek.

#energypolicereport #kaliboaklan #pnpkalibo #theftkalibo

247 BRD FT NG MGA NILAGARING KAHOY NAKUMPISKA NG MGA KAPULISAN SA BRGY. LIBANG, MAKATO


Kinumpiska ng mga kapulisan ang nasa 247 board feet ng mga nilagaring kahoy sa brgy. Libang, Makato kagabi dahil sa kawalan ng permit.


Una rito, nagreport sa tanggapan ng Makato municipal police station ang mga forest rangers at forest guard ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa kanila, may mga nilagaring kahoy sa nabanggit na lugar na nakatakdang ibiyahe.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga pulis at naabutan nila ang dalawang topdown na may mga kargang nilagaring kahoy ng mahogany na may iba-ibang laki, lapad at haba.

Napag-alaman na walang maipakitang mga dokumento ang mga driver ng sasakyan pati ang may-ari ng mga kahoy na kinilalang si Gemcy Lopez ng nabanggit na baranggay.

Pansamantalang nasa disposisyon ng Makato PNP ang mga sasakyan at mga nakumpiskang kahoy na nakatakdang iturn-over sa tanggapan ng DENR.

Ayon sa report ng Makato PNP, tinatayang mahigit Php6,000 ang halaga ng mga nasabing kahoy.

Posibleng maharap sa kasong paglabag presidential decree 705, section 77 as amended ang may-ari ng mga pinutol at nilagaring kahoy.