Showing posts with label Kalibo. Show all posts
Showing posts with label Kalibo. Show all posts

Wednesday, July 26, 2017

PHP250M PONDO PARA SA REVETMENT WALL NG KALIBO APRUBADO NA NI PRESIDENNTE DUTERTE

Aprubado na ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Php250 milyong pondo para sa revetment wall ng Kalibo.

Ito ang masayang ibinalita ni Kalibo mayor William Lachica sa kanyang mensahe sa flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa alkalde, nitong Hulyo 10 ay isanama na sa proyoridad at inaprubahan na ang nasabing proyekto.

Bagaman anya may revetment wall na sa bahagi ng Rizal St. at sa brgy. Tinigaw pero hindi anya tuluy-tuloy.

Napag-alaman na layunin nito na maibsan ang tubig-baha na dumidiretso sa sementeryo at Toting Reyes St., Mabini St.

Ang pondong ito ay gagamitin anya para sa revetment wall mula sa Purok 2 patungong brgy. Bakhaw Norte.

Ipinaabot naman ng alkalde ang kanyang pasasalamat sa Sangguniang Bayan sa pagpasa ng resoluyson kaugnay rito.

Tuesday, July 25, 2017

ESTABLISYEMENTO SA KALIBO, NILOOBAN; MGA BARIL AT ESPADA NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang establisyemento sa Capitol Site, Kalibo ang pinasok at ninakawan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Salaysay ng biktimang si James Fernandez, nakuha umano sa kanyang opisina ang apat na unit ng airsoft gun at dalawang uri ng espada.

Ayon sa biktima, sinabihan nalang siya ng kanyang empleyado hinggil sa naturang insidente habang siya ay nasa ibang probinsiya.

Una rito, dumating umano ang kanyang empleyado sa kanilang establisyemento at nagulat na nakabukas na ang kanyang opisina at nagulat nalang na nakabukas na ang mga drawer sa loob.

Nang reviewin ang kuha ng cctv, nakita nila ang hindi pa nakikilalang magnanakaw na pumasok dakong alas-6:30 ng umaga sa opisina at tinangay ang mga nasabing bagay.

Sa deklarasyon ng negosyante, ang nasabing insidente ay nagdulot sa kanya ng kawalan na tinatayang Php35,000.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng Kalibo PNP station ang nasabing insidente.

Thursday, July 20, 2017

MGA PAGBAHA SA BAYAN NG KALIBO, TINUTUGUNAN NA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

May ginagawa nang solusyon ang lokal na pamahalaan sa mga bahaing lugar sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong panahon ng tag-ulan.

Nitong mga nakalipas na araw, umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa taumbayan lalu na sa social media ang mga pagbaha sa ilang lugar sa bayang ito.

Sa panayam sa programang “Tambalang A&R” kay Engr. Emerson Lachica, sinabi niya na ang Concepcion St. at ang Bliss area ay catch basin ng tubig dahil sa ito ay mababang lugar.

May dalawang milyong pondo na umano na inilaan ang Department of Public Works and Highway para sa paggawa ng drainage na magda-divert sa tubig na papunta rito sa area.

Hindi anya tuluyang maaalis ang pagtaas ng tubig sa mga nasabing lugar pero ang aksiyon anyang ito ay makakatulong para maibsan ang pagbaha sa mga ito.

Sinabi ni Engr. Lachica na ang mga nararanasan ring pagbaha ay dulot ng mga development sa Kalibo at dahil rin anya sa kukulangan ng drainage system.

Binubuksan narin umano nila ang ilang drainage para siguraduhing walang bumabara sa mga ito.

Wednesday, July 19, 2017

CHINESE NATIONAL NAARESTO NG MGA KAPULISAN SA BAYAN NG KALIBO DAHIL SA POSESYON NG ILIGAL NA DROGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa pang foreigner ang naaresto ng mga awtoridad sa bayan ng Kalibo sa kasong ‘possession of illegal drugs’.

Kinilala ang naturang akusado na isang Chinese national na si Juan Wang, babae, 28 anyos at tubong Suang Chon, China.

Naaresto ang dayuhan sa tinutuluyan nito sa Greenfield Subdivision sa brgy. Andagao, Kalibo kahapon dakong alas-11:00 ng umaga.

Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsamang pwersa ng mga tauhan ng Kalibo municipal police station at Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Aklan.

Una nang naireport na tatlong Taiwanese ang naaresto ng mga awtoridad sa parehong lugar noong isang araw sa pareho ring kaso.

Nabatid na kabilang siya sa 14 mga Taiwanese at Chinese na sinampahan ng kasong paglabag sa section 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni judge Jimena Abellar-Arbis ng Regional Trial Court 6, branch 5 dito sa bayan ng Kalibo nitong Hulyo 11.

Php200,000 ang itinakdang pyansa ng korte sa bawat isa sa kanila para sa pansamantalang kalayaan.

Nakakulong ngayon ang akusado sa Kalibo PNP station para sa kaukulang disposisyon.

Tuesday, July 18, 2017

MGA TAIWANESE KALABOSO SA KALIBO SA KASONG 'POSSESSION OF ILLEGAL DRUGS'

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

file photo by JAG
Kalaboso ang tatlong Taiwanese sa bayan ng Kalibo makaraang serbehan ng warrant of arrest sa kasong ‘posSession of illegal drugs’ kahapon.

Unang naaresto ng mga pinagsamang pwersa ng Kalibo PNP at Trackers Team ng Aklan Police Provincial Office ang Taiwanese na si Jhih Hong Chen, 27 anyos.

Sunod namang naaresto ng Kalibo PNP at Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Aklan sina Yu Ting Lien, 35 anyos, at Hsiao Chun Huang, 29, pareho ring Taiwanese national.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga kapulisan sa tinutuluyan ng mga sa Greenfield Subdivison, brgy. Andagao.

Ang mga ito ay sinampahan ng kasong paglabag sa section 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni judge Jimena Abellar-Arbis ng Regional Trial Court 6, branch 5 dito sa bayan ng Kalibo nitong Hulyo 11.

Nasangkot ang mga ito sa ginawang raid ng mga kapulisan sa isla ng Boracay noong nakaraang taon sa isang cybercrime at drug den sa brgy. Balabag.

Naaresto sa operasyon ang 25 mga Taiwanese at Chinese pero kalaunan ay nakapagpyansa maliban sa isa na nahuli sa isang buybust operation.

Php200,000 ang itinakdang pyansa ng korte sa bawat isa sa kanila para sa pansamantalang kalayaan.

Parehong nakakulong ngayon ang mga akusado sa Kalibo PNP station para sa kaukulang disposisyon.

Saturday, July 15, 2017

PAGBARIL KAY DATING PUNONG BARANGAY SOLINA, HINDI ACCIDENTAL FIRING -- PNP

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

reenactment of the shooting incident
photo by Darwin Tapayan
Pinawi ng pulisya ang espekulasyon na accidental firing ang nangyari sa pagkabaril kay dating punong barangay Ananias Solina, 60 anyos, ng Linabuan Norte, Kalibo.

Sa isang press conference, sinabi ni PCInsp. Cirox Omero, forensic chemist, sa ginawa nilang bullet trajectory sa sasakyan ng biktima napag-alaman na galing sa labas ang bala ng baril.

Ayon naman kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, deputy chief ng Kalibo police station, hindi parin matukoy kung ano nga ba ang motibo sa naturang insidente.

Paliwanag ni Ruiz, sa ginawa nilang background check sa biktima, lumalabas na wala itong nakaalitan maging ang iba niyang miyembro ng pamilya.

Hirap rin aniya sila sa pagtukoy sa responsable sa nasabing insidente dahil sa kakulangan ng testigo. Negatibo rin umano ang kuha ng mga close circuit television sa pinangyarihan ng insidente.

Matatandaan na Lunes dakong 11:45 ng gabi nang mabaril si Solina habang nasa loob ng sasakyan sa kahabaan ng Veterans Avenue sa brgy. Pobalcion na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay at paa.

Hindi pa malinaw kung binaril siya o biktima ng stray bullet. Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente.

Friday, July 14, 2017

KASO NG NAKAWAN SA KALIBO, BUMABA NGAYONG TAON AYON SA KALIBO PNP

Bumaba ang mga kaso ng nakawan o robbery sa kabiserang bayan ng probinsiya ayon sa report ng Kalibo municipal police station.

Sa sinagawang municipal peace and order council meeting, sinabi ni SPO4 Rene Armenio na tatlo lamang ang narekord nilang kaso ng robbery sa buwan ng Pebrero ngayong taon.

Malaki umano ang ibinaba nito kung ikukumpara anya sa nakaraang taon sa parehong  buwan na nakapagtala ng 10 kaso ng parehong insidente.

Paliwanag ni Armenio, bumaba ang mga kasong ito dahil karamihan sa mga suspek ay naaresto at nasampahan ng mga kaukulang kaso.

Dagdag pa ng opisyal ng Kalibo PNP, malaki ang naitutulong ng mga close-circuit television sa mga establisyemento komersyal para ma-solve ang mga kaso.

Umaasa naman ang pamahalaang lokal na susunod sa ordenansa ang iba pang mga establisyemento sa pagkakabit ng mga CCTV para sa pagsawata ng mga magnanakaw sa baying ito.

MGA JEEPNEY DRIVER AT OPERATOR SA OYOTORONG TERMINAL UMALMA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umalma ang mga operator at driver ng jeep na bumibiyahe sa western side ng probinsiya dahil sa umano’y hindi patas na pagpapasakay ng mga ilang van sa mga pasahero.

Ang reklamong ito ay ipinaabot na ng Tangalan Jeepney Drivers and Operators Association (Tajoda)  sa tanggapan ng alkalde sa Kalibo at sa hepe ng Kalibo police station.

Sa kopya ng sulat na ipinadala ng asosasyon sa Energy FM Kalibo, isinaad nila ang kanilang pagkabahala dahil kaunti nalang ang mga pasaherong pumupunta sa kanilang terminal sa Oyotorong, Kalibo mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ayon kay Edwin Serreno, presidente ng Tajoda, sinisi nila ang mga L300 van na pumipila at nagpapasakay ng pasahero sa kahabaan ng Roxas Avenue mula sa kanto ng Pastrana lalu na sa mga nabanggit na oras.

Isinaad rin sa sulat ang umano’y hindi patas na panghuhuli ng mga auxiliary police. Iginiit nila na hindi umano hinuhuli ang mga pumipilang van at nagpapasakay ng pasahero sa Roxas Avenue.

Nababahala ang grupo na kung hindi agad matutuganan ang kanilang reklamo ay kakaunti nalang ang kanilang kikitain sa buong araw.

Sa panayam sa ilang auxiliary police, pinabulaan naman nila ang reklamo.

Samantala, sa panayam kay Kalibo mayor William  Lachica, irerefer niya ang nasabing reklamo sa Traffic  Transport Management Unit  para mabigyan ng kaukulang aksyon.

34-ANYOS NA PULIS BINUGBOG NG 2 BINATILYO SA KALIBO, SUGATAN

ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang pulis makaraang bugbugin ng dalawang binatilyo sa Pastrana st., Poblacion, Kalibo dakong alas-5:00 ng hapon.

Si PO2 Shakey Jack Flores, 34 anyos, ay nagpapaphoto copy lamang sana malapit sa naturang paaralan nang maganap ang nasabing insidente.

Kasama niya ang kanyang asawa na isa ring pulis nang makita nila ang dalawang binatilyo na nag-aaway.

Nagpakilala ang mga pulis at nais awatin ang dalawa nang pagtulungan ang biktima na bugbugin ng mga binatilyo.

Nagtamo ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan si PO2 Flores, residente ng New Buswang, Kalibo, lalu na sa kanyang kilay at mata.

Mabilis namang nakatakas ang mga binatilyo nang mapag-alamang papalapit ang mga rumespondeng kapulisan.

Dinala naman sa tanggapan ng Women's and Children's Protection's Desk ang 17 anyos na babae na kasama ng mga binatilyo.

Napag-alaman na ang babae ang naging dahilan ng awayan ng dalawang binatilyo na nakainom ng babaeng menor de edad.

Naaresto naman sa ginawang hot pursuit operation ang mga suspek na kinilalang sina Johnly Cresencio, 23, taga-Jalas, New Washington at Aikim Borla, 18, taga-C. Laserna St., Kalibo.

Ang mga nasabing suspek ay kulong na sa Kalibo PNP station at posibleng sampahan ng kaukulang kaso.

Wednesday, July 12, 2017

PAGBARIL KAY DATING KAPITAN SOLINA, PATULOY PANG INIIMBESTIGAHAN NG PULISYA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa umano’y pagbaril kay punong barangay Ananias Solina, 60 anyos, ng Linabuan Norte.

Ayon sa police report, naganap ang nasabing insidente Lunes dakong alas-11:45 ng gabi.

Binabaybay umano ng biktima ang kahabaan ng Veterans Avenue sa brgy. Poblacion, Kalibo sakay ng Honda accord vehicle nang tamaan siya ng bala ng baril.

Nagtamo ng tama ang biktima sa kanyang kanang kamay at hita. Butas rin ang windshield sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan.

Ayon kay PCInsp Ulysses Ortiz, hepe ng Aklan Crime Laboratory, narekober umano ng pulisya ang isang fired bullet ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril sa kamay ng biktima.

Dinala narin sa kanilang tanggapan ang kotse ni Solina para isailalim sa bullet trajectory.

Ayon pa sa Crime Laboratory, sang-ayon naman ang biktima na sumailalim sa paraffin test para malaman kung nagpaputok ito ng baril.

Sa ngayon, patuloy na ginagamot sa isang pribadong ospital ang biktima.

Si Solina ay naglingkod na punong barangay ng Linabuan Norte, Kalibo at naging president ng Association of Barangay Chairmen sa Aklan.

Tuesday, July 11, 2017

PHP250 MILYON PARA SA REVETMENT WALL NG AKLAN RIVER, HILING KAY DUTERTE

flickr
Malaki ang posibilidad na mabigayan ang lokal na pamahalaan ng Kalibo ng Php250,000,000 na pondo mula sa tanggapan ni pangulong Rodrigo Duterte.

Gagamitin ang nasabing pondo para sa paggawa ng river control o revetment wall sa riverbank ng Aklan river mula sa brgy. Bakhaw Norte patungong brgy. Poblacion.

Ayo kay SB member Rodillo Policarpio, ang resolusyon na inihain niya kaugnay rito sa Sangguniang Bayan ay kasunod ng kahilingan sa kanya ng alkalde.

Dagdag pa ni SB Policarpio, handa na ang budget allocation at ang project program na lang ang kanilang hinihintay para malaman kung gaano kalayo ang posibleng masaklaw ng nasabing pondo.

Napag-alaman na ang pamahalaang lokal ay nagpadala narin ng resolusyon sa iba’t ibang senador para sa konstruksyon naman ng revetment wall sa brgy. Tigayon at so. Libtong.

Saturday, July 08, 2017

2 LALAKI NA NAGHAPPY-HAPPY SA ISANG BAR, HINDI NAGBAYAD PINAARESTO SA PULIS

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa lock-up cell ng Kalibo PNP Station ang bagsak ng dalawang lalaking ito matapos uminom ng alak sa Parekoy Videoke Bar ngunit nang malasing ay ayaw ng magbayad sa mga inorder. 

Naganap ang insidente bandang alas-4:00  ngayong umaga.

Paliwanag ng dalawa sa Energy FM Kalibo, inimbitahan raw sila ng isang lalaki na mag-inuman sa nabanggit na bar. Ngunit nang malasing iniwan sila ng lalaki. Wala umano silang pambayad kaya ipinakulong muna sila.

Ayon naman sa waiter ng bar, wala raw ibang kasama ang dalawa kaya nagpapalusot lang ang mga ito.

Wednesday, July 05, 2017

STRICT IMPLEMENTATION NG I.D. SA MGA PAMPASAHERONG TRICYCLE SA KALIBO, IPAPATUPAD NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipapatupad na ngayong Lunes, Hulyo 10, ang strict implementation ng paglalagay ng driver’s accreditation i.d. sa lahat ng mga pampasaherong tricycle sa bayan ng Kalibo.

Sa programang ‘Prangkahan’, sinabi ni Artemio Arrieta, administrative officer ng Sangguniang Bayan, ang implementasyon ay alinsunod sa ordinance 2013-11.

Ayon sa kanya, nakasaad sa batas na ito na lahat ng mga driver na pumapasada ay kinakailangang kumuha ng accreditation i.d. at isabit sa loob ng tricycle.

Simula sa Lunes ay papatawan na ng Php500 na penalidad ang mga driver na bumibiyahe na mahuling walang i.d.. Papatawan rin ang operator ng Php1000 na penalidad.

Abril ngayong taon ay nagsimula na silang maglathala ng nasabing i.d na mayroong mga bagong features at hindi basta mapepeke.

Sinabi ng opisyal na mahalaga ang i.d. para makilala ng mga pasahero ang driver lalu na kapag may mga reklamo sila o di kaya ay may mga naiwan silang gamit sa tricycle. 

Samantala, nanawagan naman siya sa nasa 1,000 pang tricycle driver na kunin na sa kanilang tanggapan ang mga nakabinbin na mga i.d.

Wednesday, June 28, 2017

6 ANYOS NA BATA GINAHASA NG 15 ANYOS NA KAPITBAHAY

Nakatakdang sampahan ng kasong rape ang 15-anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang 6-anyos na kapitbahay.

Ayon sa report ng pulisya, nagreklamo sa tanggapan ng Women's and Children's Protection Desk ang galit na ina ng biktima matapos mapag-alaman ang nangyari sa anak.

Naganap ang nasabing insidente kahapon ng umaga nang mag-isa ang biktima sa loob ng kanilang bahay.
Matapos maireport sa mga kapulisan ay inaresto ang CICL.

Nasa pangangalaga na ngayon ng kapulisan ang bata na isang out of school youth.

Nasaksihan ng dalawang kapitbahay ang nasabing insidente.

Pinabulaanan naman ng kapulisan na nakunan ng video ang nasabing insidente taliwas sa usap-usapan.

Monday, June 26, 2017

BATA NAGSAULI NG MALAKING HALAGA NG PERA NA NAKITA SA LOOB NG MALL

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang tapat na bata ang nagsauli ng malaking halaga ng pera matapos makita at mapulot sa loob ng isang kilalang mall dito sa bayan ng Kalibo.


Siya si Allen Ross Ramos, 10 anyos, na taga-Linabuan Norte, Kalibo, na nagpakita ng katapatan.

Dakong alas-6:00 umano kahapon ng hapon kasama ng kanyang tita at pinsan nagtungo sila sa World of Fun sa Gaisano para maglaro. 

Habang nasa lugar sila isang tatay na nakaupo sa isang bangko na nagbabantay rin sa anak na naglalaro, makikita sa CCTV, na dumukot sa kanyang bulsa . Hindi nito namalayan na nahulog ang perang Php9,000 na nakatupi.

Pagkatapos umalis ang lalaki patungo sa anak na naglalaro, dumating naman si Allen Ross at kausap nito ang mga batang pinsan, doon na nakita ang pera. 

Makikita sa cctv na nagulat ang bata, pero agad na dinampot ang pera at patakbong tumungo sa cashier at isinauli ang pera.

"Ang palaging bilin ng nanay at tatay namin paghindi amin wag naming angkinin," tugon ng bata ng tanungin ng news team.

GUSALI NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, NINAKAWAN; NASA PHP50K NATANGAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ninakawan ng nasa Php50 libo halaga ng mga gamit ang gusali ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa inisyal na report ng Kalibo PNP station, dumating umano sa lugar si Michael Solano, administrative officer IV dakong alas-8:30 ng umaga at nadiskubreng nanakawan ang kanilang tanggapan.

Natangay ng di pa nakikilalang suspek ang isang yunit ng laptop  na nagkakahalaga ng mahigit Php49 libo, portable fan, mga pabango, at mga dokumento.

Pinaniniwalaang dumaan ang mga suspek sa sliding window ng nasabing gusali para makapagnakaw.

Iniimbestigahan na ng theft and robbery section ng Kalibo PNP ang nasabing insidente.

Thursday, June 22, 2017

DAHIL SA PHP600 NA UTANG, 30 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 30 anyos na lalaki makaraang magnakaw dahil lamang sa Php600 na utang.

Kinilala ang suspek na si Klenton Dela Rosa, residente ng brgy. Caano, Kalibo.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, nagawa umano niyang magnakaw dahil sa utang niya sa isang lending company.

Duedate anya kinabukasan at wala rin anya siyang mahiraman; kaya nang matsambahan ay ninakawan niya ang kapitbahay.

Naaresto ang suspek sa kanilang bahay at narekober ang nakaw na pera na Php1,600 at gintong pulseras na nagkakahalaga ng Php10,000.

Sa report ng Kalibo police station, pwersahang sinira ng suspek padlock ng back door ng pinasok na bahay gamit ang martilyo.

Ayon sa biktimang si Nila Dapitillo, 57, umalis umano siya ng bahay para maghatid lamang ng bata sa eskwelahan.

Desidido naman ang biktima na magsampa ng kaso laban sa kapitbahay.

Nakapiit na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo PNP station ang nasabing lalaki.

Wednesday, June 21, 2017

LALAKI NA PAGOD RAW ANG PRIBADONG PARTI NG KATAWAN, NAMBASTOS NG BABAE

Binastos ng 'di pa nakikilalang suspek ang isang 21-anyos na babae sa Kalibo, Aklan, alas-11:00 ngayong umaga.

Sa salaysay ng babae sa Kalibo PNP station, bigla lang tumabi at umupo sa gilid ng opisina ang lalaki at nagwika sa kanya "Mapungko anay ako dikara nagaoy abi ang b**o uwa gid abi it hakita kabii" ( Makiupo muna ako ha, pagod kasi ang kwan ko, walang nakita kagabi).

Agad nagsumbong ang babae sa mga kasamahan nito kaya agad nakahingi ng police assistance ang mga ito.

Rumesponde naman agad ang Pulisya pero hindi na naabutan sa lugar ang suspek.

Tuesday, June 20, 2017

MGA NAHULING LUMABAG SA ECOLOGICAL SOLID WASTE MANAGEMENT CODE NG KALIBO UMABOT NA SA 440

Umabot na sa 440 ang bilang ng mga nahuling lumalabag sa batas sa ecological solid waste management code ng Kalibo mula Enero hanggang Mayo nitong taon.

Kabilang sa ipinagbabawal sa municipal ordinance no. 2004-009, ipinagbabawal ang dirty frontage; pagkakalat; pag-ihi o pagdumi sa mga pampublikong lugar; at pagsisiga.

Base sa report, pinakamarami sa mga nahuli ang pagkakalat ng basura na may 233 bilang.

Pinagmumulta rin ng ang mga walang basurahan at hindi nagse-segragate ng basura.

Nanawagan naman ang municipal solid waste management office sa taumbayan na gawing pataba ang mga dayami sa halip na sigaan.

Ipinagbabawal sa nasabing ordinansa ang pagsiga o open burning dahil na rin sa polusyong dulot nito sa paligid at maging sa kalusugan.

TRICYCLE DRIVER NATAGPUANG NAKABITAY SA SAGINGAN SA BRGY. TINIGAW, KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay na nang matagpuan ang isang lalaki na nakabitay sa puno ng kawati sa sagingan sa brgy. Tinigaw, Kalibo.

Kinilala ang biktima sa pangalang Leandro Villanueva alyas “Oto” at “Poto”, isang tricycle driver at residente ng brgy. Estancia, Kalibo. 

Una rito, dakong alas-6:00 ng gabi, isang concern citizen ang dumulog kay Tinigaw punong barangay Rolando  “Toto” Reyes na may natagpuang nakabigting lalaki sa sagingan sa Purok 2.

Agad namang humingi ng tulong ang kapitan sa Kalibo police station para magsagawa ng imbestigasyon sa lugar. 

Ayon kay  PCInsp. Ulysses Ortiz  ng SOCO-Aklan, narekober sa  bulsa ng biktima ang kanyang cellphone, pera, at susi ng motorsiklo at wala anyang palatandaan na nikawan ito.

Ayon sa mga residente, nakita pa umano nila ang biktima dakong alas-8:00 ng umaga nang  iparada niya ang kanyang pampasaherong tricycle, mahigit 500 metro ang layo sa lugar kung saan ito nakitang nakabigti. 

Ayon naman sa pamilya, wala silang nakikitang malalim na dahilan para magpakamatay ang biktima. 

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing kaso.