Saturday, July 28, 2018

BAGONG TOWN HALL NG LIBACAO NAKATAKDANG ITAYO

Ito ang inaasahang magiging itsura ng bagong munisipyo o municipal hall ng bayan ng Libacao.

Ito ay may pondong Php52 million mula sa Department of Finance sa ilalim ng Municipio Fund.

Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Libacao ang ordinansa kaugnay sa konstruksyon ng bagong gusali.

Isa ito sa mga priority project ni Mayor Charito Navarosa.

MGA PAARALAN SA AKLAN NAGDRIRIWANG NG NUTRITION MONTH NGAYONG BUWAN NG HULYO

Kaisa ang Department of Education sa Aklan sa pambansang pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo.

Isa rito ang Caiyang Elementary School sa Brgy. Caiyang, Batan na nagdaos ng programa umaga ngayong Huwebes kaugnay sa selebrasyong ito sa pangunguna ng kanilang ulong-guro na si Lislie Esmeralda.

Ang paaralang ito ay mayroon lamang mahigit 120 mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 6. Karaniwan sa kanila ay mula sa mga pamilyang salat rin sa pamumuhay.

Kasama sa programang ito ang feeding program sa mga kabataan. Mayroon namang patimpalak ang mga magulang sa pahusayan sa pagluto ng nutrisyusong pagkain.

Tuwang-tuwa rin ang mga mag-aaral nang maambunan sila ng mga school supplies mula sa Police Hotlnie Movement Inc. – Aklan sa pangunguna ng kanilang directress na si Ms. Rossini Sayman kasama ang Philippine Guardian Brotherhood Inc.

Sa kanyang mensahe bilang panauhing tagapagsalita, hinikayat ni Sayman ang mga magulang na magtanim ng mga gulay, prutas at maging ng mga medicinal plants. Pinaliwanag niya rin ag tema ngayong taon na “Ugaliing magtanim, Sapat na nutrisyon aanihin!”

Ganoon rin ang panawagan ni Punong Barangay Oscar Patron dagdag ang paghikayat sa mga bata na kumain ng mga gulay. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

LEADER NG MGA MENOR DE EDAD NA NANGHOLD-UP SA ISANG LOLO SA KALIBO SINAMPAHAN NA NG KASO

Sinampahan na ng kasong Roberry ang leader ng mga menor de edad na nanghold-up sa isang lolo sa Brgy. Estancia, Kalibo umaga ng Huwebes.

Ayon kay PO2 Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, si alyas Tonton na taga-Brgy. Tinigao, Kalibo ay nasa pangangalaga na ngayon ng Aklan Rehabilitation Center at may pyansang Php100,000.

Ang 16-anyos na si Tonton umano ay leader ng binansagang "City Mall Boys" dahil sa may mall na ito umano nagkikita ang kanilang grupo para magnakaw.

Dagdag ng imbestigador, delikado umano ang mga batang ito dahil may mga dalang kutsilyo.

Nitong mga nakalipas na araw ay ilang kaso ng pagnanakaw ang naitala sa Kalibo PNP station sa kabiserang bayang ito na nabatid gawa ng nasabing grupo.

Sinabi ni De Lemos na tuwang-tuwa umano si Tonton nang dalhin sa ARC dahil makikita umano niya ang kaibigan niya na una nang nakulong dito at libre rin umano ang kanyang pagkain doon.

Muli namang nanawagan ang imbestigador sa mga magulang ng mga menor de edad na kabilang sa grupo na bantayan at disiplinahin ang mga ito. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Thursday, July 26, 2018

PAMILYA NI SPO2 BEN ESTOYA PATULOY NA HUMIHINGI NG PANALANGIN PARA SA AGARAN NIYANG PAGGALING

Ibinalita ng kanyang pamilya na nakalabas na ng Intensive Care Unit sa Medical City Hospital sa Iloilo si SPO2 Ben Estoya.

"Nakalabas na po sya ng ICU," ayon sa fb post ng kanyang kapatid na si Edna Estoya Tindan.

"Patuloy po kaming humihingi ng inyong prayers para sa kanya.. He is suffering from severe head ache and body pain.. Hindi pa po makakita ang isang mata nya...," dagdag pa niya.

Sa isang facebook video noong Martes mismong si SPO2 Estoya ang nagpasalamat sa lahat ng mga nagdasal at tumulong na maging ligtas siya.

Aniya pang-apat na nabuhay niya ito. Ganoon nalang din ang pasasalamat niya na iniligtas siya ng Diyos.

Si Estoya na taga-Buruanga at naassign sa Mobile Force Company ng Aklan Police Provincial Office ay nabundol ng truck sa bayan ng Nabas noong Hulyo 20 habang nakasakay sa motorsiklo.

Sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injury and Damaged to Property ang driver ng truck na si Regino Matinong ng Brgy. Union, Nabas. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

LALAKI ARESTADO MATAPOS HIPUAN ANG KANYANG PAMANGKING BABAE

ARESTADO ANG isang 25-anyos na lalaki sa bayan ng Kalibo matapos hipuan ang 18 anyos na pamangking babae sa Brgy. Andagao madaling araw ng Huwebes.

Salaysay ng dalaga, naramdaman na lang umuno niya na may humihipo sa kanyang dibdib habang natutulog sa kuwarto.

Laking gulat niya nang makita na mismong tiyu niya na si Rene Espinosa alyas Boy ang humihipo sa kanya.

Dahil dito tinadyakan umano niya ang suspek ay tumakas at agad nagsumbong sa kapulisan.

Rumesponde naman agad ang mga otoridad sa lugar at inaresto ang suspek.

Nakapiit na siya ngayon sa Aklan Rehabilitation Center matapos sampahan ng kasong Acts of Lasciviousness. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

LOLO NA NANLILIMOS, HINOLD-AP NG MGA MINOR DE EDAD SA KALIBO

Ito si Elpidio Adoc, isang lolo na hinold-ap ng mga menor de edad sa Sitio Libtong, Brgy. Estancia, Kalibo umaga ng Huwebes.

Kuwento ng lolo, naglalakad lamang siya nang biglang agawin sa kanya ng apat na mga menor de edad ang bitbit niyang plastic bottle at kinuha ang laman nito na nasa Php500.

Nahuli naman ng mga otoridad ang dalawa sa mga menor de edad samantalang patuloy na pinaghahanap ang dalawa pa nilang mga kasama.

Nasa pangangalaga na ng Women and Children Protection Desk ng Kalibo PNP station ang dalawa. Nabatid na sangkot rin sila sa iba pang kaso ng pagnanakaw.

Dismayado si PO2 Erick John De Lemos, imbestigador, na bagaman paulit-ulit nang nahuhuli ang mga batang ito ay hindi parin anya pwedeng masampahan ng kaso dahil sa Juvenile Justice na nangangalaga sa kanila.

Sa kabila nito nagbabala siya sa mga magulang ng mga menor na posibleng sila ang kasuhan kapag  nakitang may pagkukulang sila sa pagdisisiplina sa kanilang mga anak. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Wednesday, July 25, 2018

BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA NABAS, AKLAN PANSAMANTALANG IPASASARA NG DPWH

Ipasasara ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang bahagi ng national highway na ito sa Brgy. Tulingon, Nabas dahil sa pagguho ng lupa.

Ito ang sinabi ni DPWH-Aklan District Engr. Noel Fuentebella sa panayam ng Energy FM Kalibo umaga ng Miyerkules. Dahil umano ito sa pagguho ng kalahating bahagi ng kalsada.

Sinabi ni Engr. Fuentebella na magsisimula ang konstruksyon sa ikatlong linggo ng Agosto. Nasa 80 metro anya ang lalim ng aayusing kalsada.

Kaugnay rito ang mga motorista na patungo sa bayan ng Malay ay dadaan muna sa Pandan sa Antique, palabas ng Buruanga, Aklan habang ang manggagaling Kalibo papuntang Nabas proper ay pwede pang makadaan.

Siyam na milyon ang inilaang badyet ng Kagawaran para sa rehabilitasyon ng naturang kalsada. Humingi naman ng pag-unawa sa mga motorista ang district engineer.

Aniya bagaman magdudulot ito ng inconvenience sa mga motorista, pansamantala lamang anya ito para maayos ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

ISANG FIL-ARAB AKLANON BEAUTY KANDIDATA SA MISS GLOBAL PHILIPPINES 2018

Isa ang Fil-Arab Beauty na si May Adel Ahmed Salman mula Aklan sa 19 opisyal na mga kandidata sa Miss Global Philippines ngayong taon.

Si Ms. Salman na taga-Polo, New Washington ay kinoronahan bilang Mutya it Kalibo 2017 at finalist sa Miss Earth Philippines sa parehong taon.

"[Ms. Salman] have spent most of her childhood years in the Middle East. [She was a] graduate of Bachelor of Science in Business Management," paglalarawan ng organizer.

"[She] crossed the seas in order to make change for herself and for her beloved hometown."

Gaganapin ang Grand Coronation Night sa Cove Manila sa Agosto 4.

Humihingi ngayon ng tulong ang kandidata mula Aklan na botohan siya sa https://pageantvote.net.ph/pageants/920 para sa "People's Choice Award". | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

NEGOSYANTE SA BATAN, BINARIL, PATAY!

Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa Camanci, Batan, Aklan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Aurello Padasas, 53-anyos na taga Pob. Altavas, Aklan.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero ideneklarang dead on arrival.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Tuesday, July 24, 2018

MOROCCAN NATIONAL NARESCUE NG MGA AKLANON AT ANTIQUENIO SA DAGAT MEDITERRANEAN

Pinakain, dinamitan at binigyan ng gamot ng isang Aklanon na nagtratrabaho sa barko ang isang Moroccan National na narescue nila sa dagat Mediterranean kagabi.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Roderick Panaguiton, tubong Ibajay, Aklan, at isang chief cook sa barkong oil tanker, napansin niya ang Moroccan na humihingi ng tulong habang nakasampa sa kanyang jetski.

Aniya napansin nilang nanghihina na ang lalaki dahilan para tulungan nila ito kasama ang iba pang mga Aklanon na seaman at kapitan ng barko na si Eleony Samilo na aniya ay taga-Pandan, Antique at siyang unang nakapansin sa foriegner.

Ayon pa sa kanya posibleng napadpad sa naturang karagatan ang Moroccan dahil nawalan ng gasolina ang kanyang jetski.

Sa ngayon anya ay nasa maayos at ligtas na na kalagayan at nasa pangangalaga na ng mga otoridad sa Huelva Port sa Spain ang nasabing foriegner.

"Lahat po tayo ay mahal po natin ang ating buhay kaya ito na po ang pagkakataon nating makatulong," sabi niya. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

BOARD MEMBER SODUSTA NANAWAGAN NA ITIGIL ANG HARASSMENT NG GOBYERNO SA MGA TAO SA BORACAY

Tinawag ni board member Nolly Sodusta na isang harassment ng gobyerno ang pagsampa ng kaso ng National Bureau of Investigation sa kanya at sa maraming iba pa dahil sa mga paglabag sa environmental laws sa Isla ng Boracay.

“Please join me then my colleagues not for my sake but for the sake of Boracaynons who are similarly situated to ask the government to stop this harassment of the people in the Island,” sabi niya sa kanyang privilege speech sa regular session ng Sanggunian.

Ikinalungkot umano niya na sa halip na tulungan ang mga tao sa Boracay kabilang na ang mga nakatira sa forest land ay kinasuhan pa ng gobyerno. “I thought that the government has a plan to relocate those in the forest zone but it seems that indeed the government has the plan to relocate them including me but to the detention area or maybe into jails.”

Ayon sa report, si Sodusta ay dawit sa mga kasong isinampa ng NBI sa Department of Justice sa mga paglabag sa Revised Forestry Code of the Philippines, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Local Government Code of 1991 sa pagiging shareholders ng Boracay Tanawin Resorts at Denichi Boracay Corporation na pawang nakatayo sa mga forest land.

“I stand to clarify that my membership in this august body is not anyway related to the alleged cases filed…. This is about the two corporations that we were shareholders before,” paglilinaw ng opisyal sa pagkakadawit niya at ng kanyang asawa sa mga nasabing kaso.

Una nang sinabi ng board member na lehitimo ang operasyon ng mga nasabing korporasyon na pinasok niya at bago pa man umano madeklara na forestland ang ilang bahagi sa Isla ng Boracay ay nakatayo na ang mga resort na ito doon.

Kaugnay rito humingi siya ng suporta sa mga kasama sa Sanggunian na hilingin sa gobyerno na maghanap ng ibang paraan para ipatupad ang mga environmental laws sa Isla para hindi na magdulot ng dagdag na pasanin pa sa mga tao. “Surely there are other ways than this one,” sabi niya. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

TATLONG CHIEF OF POLICE SA AKLAN NIRELIEVED SA PWESTO DAHIL WALANG ACCOMPLISHMENT SA ILLEGAL NA DROGA

Tatlong police chiefs sa Aklan ang tinanggal sa ka kanilang pwesto epektibo kahapon dahil walang accomplishments na maipakita sa kanilang kampanya kontra iligal na droga simula Hunyo 1 hanggang 30.

Ang mga ito ay sina: 1) PCInsp. Rogelio Tumagtang Jr. (Altavas); 2) SInsp. Eleazar Climacosa (Balete); at 3) SInsp. Alfonso Manoba (Malinao).

Nabatid na sa buong rehiyon ay 23 lahat na mga police chiefs ang tinanggal sa pwesto. Ang Regional Senior Officers Placement and Promotion Board ang nagreview sa performance ng mga hepe.

Monday, July 23, 2018

PRESIDENT DUTERTE ON BORACAY ISSUE IN HIS 2018 SONA

photo from Youtube
"Boracay Island, widely regarded as one of our country’s treasures and admired worldwide for its natural beauty, has sadly become the representation of the government’s negligence, including mine.

I could not allow this decay to continue; decisive action has long been overdue. Recognizing that we are mere stewards of our natural resources, and I said enough is enough.

We intend to restore its environmental integrity, alongside measures to alleviate those whose livelihood were momentarily affected. Environmental protection and ensuring the health of our people cannot be overemphasized; thus, our actions in Boracay mark the beginning of a new national effort.

This is just [the beginning]. For the other tourist destinations needing urgent rehabilitation and enforcement of environmental and other laws shall soon follow. I urge our local government units to proactively enforce our laws and not wait for us to swoop down on your areas just to do your duty and work. [applause] At some other time, I would have to discuss sa local government units.

What has happened to Boracay is just an indication of the long-overdue need to rationalize, in a holistic and sustainable manner, the utilization, management, and development of our lands. I therefore urge the Senate to urgently pass the National Land Use Act [applause] to put in place a national land use policy that will address our competing land requirements for food, housing, businesses, and environmental conservation. We need to do this now."

- President Rodrigo Roa Duterte
2018 State of the Nation Address

MGA MENOR DE EDAD NA NAG-"F-YOU" SIGN SA REBULTO NI RIZAL SA BALETE PINATAWAG NG PNP

(exclusive) Ipinatawag ng kapulisan ang apat na menor de edad na ito na nag-"F-You" sign sa harapan ng rebulto ni Jose Rizal sa plaza ng Balete at ginawang profile picture sa facebook ng isa sa kanila.

Ayon kay PO2 Liezel Remaldora, imbestigador ng Women and Children Protection Desk ng Balete PNP, ipinaubaya na nila ang pagdidisiplana sa Guidance Office ng kani-kanilang mga paaralan.

Aniya posibleng ipa-community service umano ang apat. Kinabahala rin ng tourism office ang ginawang ito ng mga bata.

Panawagan ng kapulisan sa iba pa na maging maingat sa mga ipinopost sa social media. Nais rin nilang maisabuhay ng mga kabataan ang paggalang sa mga bayani at pagmamahal sa bayan.

Matapos umani ng pagbatikos mula sa mga netizen ang fb post ng 17-anyos na menor de edad ay inalis na ng bata ang litrato sa kanyang facebook post. | EFM Kalibo

LALAKING NALUNOD SA BAYBAYIN NG BRGY. POOK, KALIBO NATAGPUAN NA

Photo © Jodel Rentillo
Natagpuan na ang lalaking una nang naiulat na nalunod at nawawala sa Lambingan Beach, Brgy. Pook, Kalibo ngayong umaga ng Lunes.

Kinilala ang nasabing lalaki na si Joel Francisco, 42-anyos, ng Brgy. Andagao.

Natagpuan ang kanyang patay na katawan sa baybayin malapit sa Brgy. Mabilo ngayong gabi.

Napag-alaman na manghuhuli ng alimango ang biktima nang habang lumalangoy sa dagat ay bigla nalang umano itong nawala sa paningin ng tatlo niyang mga kasama at mga pinsan.

Simula kaninang umaga ay tuluy-tuloy ang ginawang search and rescue operation ng mga tauhan ng MDRRMO at iba pa.

Nakita nalamang ang bangkay ng biktima nang mapasok sa lambat ng mga mangingisda.

Nahirapan ang mga rescuer na makita agad ang biktima dahil sa malabu ang tubig at katamtaman ang lakas ng alon. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

MGA MOTOR-RIDERS SA AKLAN SUSURIIN NG KAPULISAN SA KANILANG “OPLAN CLEAN RIDERS”

Para masawata ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga motorcycle-riding suspects sa Aklan ipapatupad ngayon ng kapulisan ang “Oplan Clean Rider.”

Ayon kay SPO1 Nida Gregas, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, sa Hulyo 27 sabay-sabay nilang ilulunsad ang programa sa 17 munisipyo kasama ang mga alkalde at iba-ibang grupo ng mga rider.

Nabatid na mula Enero hanggang Hunyo 2017, anim na kaso ng pamamaril ang naitala na kinsasangkutan ng mga motorcycle-riding suspects sa Aklan. Dalawa sa kasong ito ang naisampa sa korte sa krimen na murder samantalang apat ang patuloy na iniimbestigahan.

Kaugnay rito, sinabi ni Gregas na istrikto nilang ipapatupad ang “Oplan Clean Rider” sa probinsiya sa pamamagitan ng pamamahagi ng sticker patunay na naberipeka ito ng kapulisan.

Nanawagan siya sa lahat ng mga lehitimong may-ari ng motorsiklo na magtungo lamang sa pinakamalapit na himpilan ng Pulisya at magdala ng mga kaukulang dokumento.

Kailangan lamang magdala ng original receipt o certificate of registration ng motorsiklo, driver’s licence, dalawang government ID, at fully filled-up clean riders application form. Kung hindi nakapangalan sa inyo ang motorsiklo ay magdala lamang ng Deed of Sale.

Kapag nasuri na ng mga kapulisan na malinis at maayos ang mga dokumento, ang rider ay maituturing na “clean rider” at maaari nang kabitan ng “clean rider” sticker ang kanyang motorsiklo. Magbibigay ito ng kaluwagan sa mga rider sa mga checkpoints./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

DILG NAGBIGAY - PUGAY SA AKLANON FALLEN SA SOLDIER

Nagbigay-pugay ang mga tauhan ng Department of the Interior and Local Government Regional Office VI sa Fallen Warrior na si 2nd Lieutenant Junibert Z. Zonio sa kanilang pagbisita sa burol nito sa bayan ng Malinao.

Kasama ang Social Welfare and Development Office ng munisipyo, nag-abot rin sila ng tulong sa pamilya.

Si Zonio, isang Aklanon, ay napatay sa aksyon sa bakbakan kontra sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) noong Hulyo 4. Nakatakda ang kanyang libing sa Hulyo 28.

SIMULA 2009, NAWAWALANG BABAE PINAGHAHANAP PARIN NG KANYANG PAMILYA

Makalipas ang nasa walong taon nang lumubog ang barkong sinasakyan ni Analie Candido, malaki parin ang pag-asa ng pamilya na makita itong buhay.

Si Analie ay isa lamang sa mga missing sa mga pasaherong sakay ng barkong MV Valino 9 na lumubog sa gitna ng karagatan sa Calapan noong Disyembre 26, 2009.

Kasama ni Analie ang kanyang amo na isang konsehal at asawa at pamangkin. Isa lamang ang natagpuan sa kanila, si Tangalan SB member John Panagsagan pero isang nang malamig na bangkay.

Makailang beses umunao silang nagpaalbularyo at ang sabi sa kanila ay buhay pa ito. Ganito rin ang kutob ng kanyang mga magulang lalu at hindi naman ito nagpaparamdam na patay na siya.

Kaugnay rito, muling nanawagan ang pamilya Torate-Candido ng Tamalagon, Tangalan, Aklan na anumang impormasyon ay ipagbigay alam lamang sa kanila o sa mga otoridad. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo