Saturday, July 15, 2017

PAGBARIL KAY DATING PUNONG BARANGAY SOLINA, HINDI ACCIDENTAL FIRING -- PNP

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

reenactment of the shooting incident
photo by Darwin Tapayan
Pinawi ng pulisya ang espekulasyon na accidental firing ang nangyari sa pagkabaril kay dating punong barangay Ananias Solina, 60 anyos, ng Linabuan Norte, Kalibo.

Sa isang press conference, sinabi ni PCInsp. Cirox Omero, forensic chemist, sa ginawa nilang bullet trajectory sa sasakyan ng biktima napag-alaman na galing sa labas ang bala ng baril.

Ayon naman kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, deputy chief ng Kalibo police station, hindi parin matukoy kung ano nga ba ang motibo sa naturang insidente.

Paliwanag ni Ruiz, sa ginawa nilang background check sa biktima, lumalabas na wala itong nakaalitan maging ang iba niyang miyembro ng pamilya.

Hirap rin aniya sila sa pagtukoy sa responsable sa nasabing insidente dahil sa kakulangan ng testigo. Negatibo rin umano ang kuha ng mga close circuit television sa pinangyarihan ng insidente.

Matatandaan na Lunes dakong 11:45 ng gabi nang mabaril si Solina habang nasa loob ng sasakyan sa kahabaan ng Veterans Avenue sa brgy. Pobalcion na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay at paa.

Hindi pa malinaw kung binaril siya o biktima ng stray bullet. Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente.

Friday, July 14, 2017

KASO NG NAKAWAN SA KALIBO, BUMABA NGAYONG TAON AYON SA KALIBO PNP

Bumaba ang mga kaso ng nakawan o robbery sa kabiserang bayan ng probinsiya ayon sa report ng Kalibo municipal police station.

Sa sinagawang municipal peace and order council meeting, sinabi ni SPO4 Rene Armenio na tatlo lamang ang narekord nilang kaso ng robbery sa buwan ng Pebrero ngayong taon.

Malaki umano ang ibinaba nito kung ikukumpara anya sa nakaraang taon sa parehong  buwan na nakapagtala ng 10 kaso ng parehong insidente.

Paliwanag ni Armenio, bumaba ang mga kasong ito dahil karamihan sa mga suspek ay naaresto at nasampahan ng mga kaukulang kaso.

Dagdag pa ng opisyal ng Kalibo PNP, malaki ang naitutulong ng mga close-circuit television sa mga establisyemento komersyal para ma-solve ang mga kaso.

Umaasa naman ang pamahalaang lokal na susunod sa ordenansa ang iba pang mga establisyemento sa pagkakabit ng mga CCTV para sa pagsawata ng mga magnanakaw sa baying ito.

MGA JEEPNEY DRIVER AT OPERATOR SA OYOTORONG TERMINAL UMALMA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umalma ang mga operator at driver ng jeep na bumibiyahe sa western side ng probinsiya dahil sa umano’y hindi patas na pagpapasakay ng mga ilang van sa mga pasahero.

Ang reklamong ito ay ipinaabot na ng Tangalan Jeepney Drivers and Operators Association (Tajoda)  sa tanggapan ng alkalde sa Kalibo at sa hepe ng Kalibo police station.

Sa kopya ng sulat na ipinadala ng asosasyon sa Energy FM Kalibo, isinaad nila ang kanilang pagkabahala dahil kaunti nalang ang mga pasaherong pumupunta sa kanilang terminal sa Oyotorong, Kalibo mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ayon kay Edwin Serreno, presidente ng Tajoda, sinisi nila ang mga L300 van na pumipila at nagpapasakay ng pasahero sa kahabaan ng Roxas Avenue mula sa kanto ng Pastrana lalu na sa mga nabanggit na oras.

Isinaad rin sa sulat ang umano’y hindi patas na panghuhuli ng mga auxiliary police. Iginiit nila na hindi umano hinuhuli ang mga pumipilang van at nagpapasakay ng pasahero sa Roxas Avenue.

Nababahala ang grupo na kung hindi agad matutuganan ang kanilang reklamo ay kakaunti nalang ang kanilang kikitain sa buong araw.

Sa panayam sa ilang auxiliary police, pinabulaan naman nila ang reklamo.

Samantala, sa panayam kay Kalibo mayor William  Lachica, irerefer niya ang nasabing reklamo sa Traffic  Transport Management Unit  para mabigyan ng kaukulang aksyon.

PULIS NA BINUGBOG NG 2 LALAKI, PURSIGIDONG MAGSAMPA NG KASO SA MGA SUSPEK

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pursigido ang 34-anyos na pulis na binugbog ng dalawang binata Miyerkules ng hapon sa Pastran st., Kalibo na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.

Ayon kay PO3 Vedasto Nabor IV, imbestigador ng kaso, ngayong araw ay nakatakdang sumailalim sa inquest proceeding ang mga suspek.

Inihahain na anya ang mga kasong direct assault at physical injury laban kina Johnly Cresencio, 23, taga-Jalas, New Washington at Aikim Borla, 18, taga-C. Laserna St., Kalibo.

Magugunita na gusto lamang umawat ng biktimang si PO2 Shakey Jack Flores sa nag-aaway na mga suspek nang pati siya ay pagtulungang bugbugin ng mga ito.

Nasaktan rin ang kanyang misis na isa ring pulis na kasama niyang umuwat sa dalawa sa kabila na nagpakilala sila na mga pulis.

Todo hingi naman ng tawad ang mga suspek sa mag-asawa at iginiit na hindi agad nila sila nakilala na mga pulis.

Nabatid na nag-ugat ang away ng dalawa sa isang 16-anyos na babae na kasama rin nila ng maganap ang nasabing insidente.

34-ANYOS NA PULIS BINUGBOG NG 2 BINATILYO SA KALIBO, SUGATAN

ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang pulis makaraang bugbugin ng dalawang binatilyo sa Pastrana st., Poblacion, Kalibo dakong alas-5:00 ng hapon.

Si PO2 Shakey Jack Flores, 34 anyos, ay nagpapaphoto copy lamang sana malapit sa naturang paaralan nang maganap ang nasabing insidente.

Kasama niya ang kanyang asawa na isa ring pulis nang makita nila ang dalawang binatilyo na nag-aaway.

Nagpakilala ang mga pulis at nais awatin ang dalawa nang pagtulungan ang biktima na bugbugin ng mga binatilyo.

Nagtamo ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan si PO2 Flores, residente ng New Buswang, Kalibo, lalu na sa kanyang kilay at mata.

Mabilis namang nakatakas ang mga binatilyo nang mapag-alamang papalapit ang mga rumespondeng kapulisan.

Dinala naman sa tanggapan ng Women's and Children's Protection's Desk ang 17 anyos na babae na kasama ng mga binatilyo.

Napag-alaman na ang babae ang naging dahilan ng awayan ng dalawang binatilyo na nakainom ng babaeng menor de edad.

Naaresto naman sa ginawang hot pursuit operation ang mga suspek na kinilalang sina Johnly Cresencio, 23, taga-Jalas, New Washington at Aikim Borla, 18, taga-C. Laserna St., Kalibo.

Ang mga nasabing suspek ay kulong na sa Kalibo PNP station at posibleng sampahan ng kaukulang kaso.

Thursday, July 13, 2017

45 ANYOS NA LALAKI SINAKSAK NG MANAK SA BAYAN NG BATAN, PATAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 45-anyos na lalaki matapos saksakin ng kanyang manak sa brgy. Angas, Batan dakong alas-2:00 ng madaling araw kanina.

Kinilala ang biktima sa pangalang BERNARDO OLIVAR ALYAS BUTCHOY, residente ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Batan municipal police station, umuwi umano ang biktima na lasing galing sa isang lamay sa kanilang lugar.

Kalaunan ay nagbalak ang biktima na bumalik sa lamay gayunman ay pinigilan ng kanyang asawa.

Sa puntong ito ay nagwala umano ang lalaki at sinipa ang asawa.
Bigla naman umanong nagising ang natutulog na 19-anyos na suspek sa pagtatalo ng mag-asawa.

Naulimpungatan umano si ROBERTO DE ASIS kaya nasaksak niya ang step father sa kanyang likuran na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan.

Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek sa pinangyarihan ng insidente at narekober ang double blade na kutsilyo.

Nakakulong na ngayon ang lalaki sa Batan municipal police station at posibleng sampahan ng kaukulang kaso.

BORACAY PANGATLO SA WORLD’S BEST ISLAND LIST NG SIKAT NA TRAVEL MAGAZINE

photo (c) Travel + Leisure
Pangatlo ang isla ng Boracay sa world’s best island list ng international travelers’ magazine ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na no. 2.

Ang isla ng Boracay ay nakakuha ng iskor na 89.67 ayon sa Travel and Leisure magazine.

Nanguna sa listahan ang isa pang isla sa bansa, ang Palawan na nakakuha ng iskor na 93.15 at sinundan ng Hilton Head Island sa South Carolina.

Ayon sa travel magazine, ang resulta ay base sa rating ng mga mambabasa sa mga aktibidad, tanawin, natural attraction at mga beach, pagkain, friendliness, at over all value.

Bagaman bumaba ng isang spot, umaasa parin ang pamahalaang lokal ng Malay na pagkilalang ito sa Boracay ay makakahikayat pa ng mas maraming turista.

Base sa report ng tourism office, mula Enero hanggang Hunyo ngayon taon, nakapagtala na ang Boracay ng mahigit 1,107,000 tourist arrival.

Kabilang din sa listahan ang Galapagos Island sa Ecuador; Santorini sa Greece; Maui at Kauai sa Hawaii; Ischia sa Italy; Hvar at ang Dalmatian Island sa Croatia; at Bali sa Indonesia.

Wednesday, July 12, 2017

AKLAN NAKAPAGTALA NG PINAKAMALAKING BILANG NG MGA TURISTA SA BUONG WESTERN VISAYAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nangunguna ang lalawigan ng Aklan sa may pinakamalaking bilang ng mga turista, kapwa lokal at foreign ngayong taon sa buong Western Visayas.

Ayon sa Department of Tourism (DoT) 6, ang Aklan ay nakapagtala ng 1.1 milyong turista ngayong taon mula Enero hanggang Hunyo.

 Target ng pamahalaang lokal ng Aklan ang 1.7 milyong bilang ng mga turista sa buong Aklan ngayong taon.

Sa buong rehiyon, ang Iloilo City ay nakapagtala ng 410,061 tourist arrival mula Enero hanggang Mayo; Bacolod na may 269,232 tourist arrivals mula Enero hanggang Abril. 

Ang Antique ay nakapagtala naman ng 43,277 tourist arrivals mula Enero hanggang Marso, 32 porsyento nalang bago maabot ang 63,613 bilang mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.

Umaasa si DOT-6 director Helen Catalbas na maabot nila ang target na 5.5 milyong tourist arrival sa taong ito. Sa ngayon anya ay naabot na nila ang dalawang milyong record.

Ayon kay Catalbas, nakapag-ambag anya sa mabilis na pagdami ng mga turista sa rehiyon ang familiarization tours, photo and video shoots, at product update.

Nakatulong din umano ang pag-host ng rehiyon sa mga international meetings, incentives, conferences and exhibitions (MICE).

PAGBARIL KAY DATING KAPITAN SOLINA, PATULOY PANG INIIMBESTIGAHAN NG PULISYA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa umano’y pagbaril kay punong barangay Ananias Solina, 60 anyos, ng Linabuan Norte.

Ayon sa police report, naganap ang nasabing insidente Lunes dakong alas-11:45 ng gabi.

Binabaybay umano ng biktima ang kahabaan ng Veterans Avenue sa brgy. Poblacion, Kalibo sakay ng Honda accord vehicle nang tamaan siya ng bala ng baril.

Nagtamo ng tama ang biktima sa kanyang kanang kamay at hita. Butas rin ang windshield sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan.

Ayon kay PCInsp Ulysses Ortiz, hepe ng Aklan Crime Laboratory, narekober umano ng pulisya ang isang fired bullet ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril sa kamay ng biktima.

Dinala narin sa kanilang tanggapan ang kotse ni Solina para isailalim sa bullet trajectory.

Ayon pa sa Crime Laboratory, sang-ayon naman ang biktima na sumailalim sa paraffin test para malaman kung nagpaputok ito ng baril.

Sa ngayon, patuloy na ginagamot sa isang pribadong ospital ang biktima.

Si Solina ay naglingkod na punong barangay ng Linabuan Norte, Kalibo at naging president ng Association of Barangay Chairmen sa Aklan.

PASYENTENG MAHIGIT ISANG BUWAN SA HOSPITAL NAKAUWI NA.

Ulat ni Joefel P. Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang mapagsidlan na kasiyahan ang naramdaman ng pasyenteng si kasimanwang Manuel Masagnay at ng kanyang pamilya sa kadahilanang makakauwi na ito ng kanilang bahay.

Isa at kalahating buwan na naka confine sa Provincial Hospital ang pasyente at hindi makalabas dahil sa malaking halaga ng kanilang hospital bill. Umabot sa Php144 thousand mahigit ang kanilang bayarin kung kayat namalagi ito sa nasabing hospital kahit pa nadischarge na ng kanyang attending physician.

Lumapit ang ina ng pasyente sa himpilan ng Energy FM Kalibo upang humingi ng tulong. Agarang aksyon ang sya namang tugon ng himpilang ito.

Martes alas-2:50 ng hapon matapos ang halos buong araw na pag-aasikaso ng mga dukomento at pakikipag-usap sa pamunuan ng hospital, tuluyan nang nakalabas at nakauwi ng bahay si kasimanwang Manuel Masagnay at muling nakasama ang kanyang pamilya.

Naging emosyonal dulot ng matinding kasiyahan ang pasyente at ang ina nito sa naging panayam ng Energy FM Kalibo. 

Nagpasalamat ang pamilya Masagnay sa positibong hakbang nina Dr. Paul Macahilas Chief of Hospital at Mr. Rex Robles Supervising Administrative Officer, gayundin sa mga taga Social Service at sa iba pang nagpaabot ng kanilang tulong pinansyal at panalangin.

Ang pasyenteng si kasimanwang Manuel Masagnay ay naging biktima ng pananaksak na nangyari sa bayan ng Kalibo na ikinasawi ng kaibigan nito at ikinasugat ng isa pa.

Makikita sa larawan si Kasimanwang Manuel Masagnay at ang ina nito habang naghahanda na sa kanilang pag-uwi.

SUSPEK SA CAMANCI NORTE SHOOTING, NEGATIBO SA RESULTA NG PARAFFIN TEST

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Negatibo ang resulta ng paraffin test na isinagawa sa suspek sa nangyaring pamamaril sa Camanci Norte, Numancia Miyerkules ng gabi.

Si Kevin Cangson, 25 anyos, tubong Odiongan, Romblon at kasalukuyang nakatira sa brgy. Camanci Norte ay hindi nakitaan ng gun powder nitrate.

Ang paraffin test ay ginawa ni PCInsp.  Cirox Omero, forensic chemist ng Crime Laboratory, noong Hulyo 6 ng gabi at naglabas ng resulta nitong Hulyo 9.

Ayon kay PCInsp. Ulysses Ortiz, acting provincial chief ng Crime Laboratory, ang resultang ito ay hindi makakaapekto sa kasong isinampa laban sa suspek.

Paliwanag ni Ortiz, batayan parin ng kaso ang mga testimonya ng mga saksi sa nasabing krimen.

Posible anyang magnegatibo ang isang tao bagaman nagpaputok ito ng baril sa ilang kadahilan kabilang na kapag ang suspek ay naka-gloves at kung malakas ang hangin.

Si Cangson ay isa sa itinuturong suspek sa pagbaril sa apat na  tanod ng brgy. Camanci Norte na ikinamatay ng tatlo at ikinasugat ng isa pa.

Tuesday, July 11, 2017

KAPITAN SA IBAJAY AKLAN ARESTADO SA PAGTUTULAK NG DROGA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang punong barangay ng Aquino, Ibajay sa ginawang buybust operation ng mga kapulisan sa brgy. Poblacion sa nasabing bayan kahapon ng hapon.

Sa report ng Aklan Police Provicial Office, nabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang droga si punong barangay Rodel Cambarihan, 44 anyos, kapalit ng Php1,000 buy bust money.

Nakuha rin sa ginawang body search ang apat pang sachet ng parehong sangkap.

Napag-alaman na dadalo sana ng pagpupulong sa munisipyo ng Ibajay si Cambarihan nang maganap ang nasabing operasyon sa public plaza.

Nabatid sa report ng Ibajay PNP station na ang nasabing opisyal ay una nang sumuko sa pulisya sa umano’y paggamit ng iligal na droga.

Mariin namang itinatanggi ni Cambarihan ang alegasyong tulak siya ng droga. Matagal na umano niyang iniwan ang kanyang bisyo.

Ang operasyon ay sinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Aklan Public Safety Company, Ibajay PNP station, at Philippine Drug Enforcement Agency 6.


Pansamantalang nakakulong ngayon ang punong barangay sa Kalibo PNP station habang hinahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 na isasampa laban sa kanya.

COMPOSITE SKETCH NG ISA PANG SUSPEK SA PAGBARIL SA 4 NA TANOD INILABAS NA NG PNP

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Inilabas na ng Numancia municipal police station ang composite sketch ng isa pang suspek sa nangyaring pamamaril sa peryahan sa brgy. Camanci Norte, Numancia Myerkules ng gabi.

Sa ngayon, ayon sa Numancia PNP ito ay 80 porsyento nang facial computer composite sketch ng suspek base sa mga testimonya ng mga saksi.

Ang nasabing composite sketch ay nabuo sa pamamagitan ng trained personnel ng Regional Crime laboratory ng Philippine National Police.

Matatandaan na apat na tanod ang pinagbabaril sa nasabing papamaril kung saan tatlo rito ang napatay at isa ang sugatan.

Dalawa rin ang napag-alaman na natamaan ng ligaw na bala – isang 9-anyos na babae at 23 anyos na lalaki na nagtamo ng mga daplis ng bala sa kanilang katawan.

Una nang naaresto at nasampahan ng kaso ang isa sa dalawang suspek na kinilalang si Kevin Cangson, 25 anyos at tubong Odiongan, Romblon.

Nanawagan ang mga kapulisan sa taumbayan na ipagbigay-alam agad sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon kaugnay sa cartographic sketch na ito.

PHP250 MILYON PARA SA REVETMENT WALL NG AKLAN RIVER, HILING KAY DUTERTE

flickr
Malaki ang posibilidad na mabigayan ang lokal na pamahalaan ng Kalibo ng Php250,000,000 na pondo mula sa tanggapan ni pangulong Rodrigo Duterte.

Gagamitin ang nasabing pondo para sa paggawa ng river control o revetment wall sa riverbank ng Aklan river mula sa brgy. Bakhaw Norte patungong brgy. Poblacion.

Ayo kay SB member Rodillo Policarpio, ang resolusyon na inihain niya kaugnay rito sa Sangguniang Bayan ay kasunod ng kahilingan sa kanya ng alkalde.

Dagdag pa ni SB Policarpio, handa na ang budget allocation at ang project program na lang ang kanilang hinihintay para malaman kung gaano kalayo ang posibleng masaklaw ng nasabing pondo.

Napag-alaman na ang pamahalaang lokal ay nagpadala narin ng resolusyon sa iba’t ibang senador para sa konstruksyon naman ng revetment wall sa brgy. Tigayon at so. Libtong.

SUSPEK NA BUMARIL SA KANYANG KAPATID SA BRGY. BULWANG, NUMANCIA SUMUKO NA SA PULISYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumuko na sa mga kapulisan ang suspek sa pagbaril sa kanyang kapatid sa brgy. Bulwang, Numancia Linggo ng hapon.

Kahapon ng umaga ay boluntaryong sumuko sa isang miyembro ng Kalibo police station ang suspek na Joewhan Borrega, 39 anyos, at residente ng nasabing lugar.

Agad namang dinala sa Numancia municipal police station ang suspek at pansamantalang ikinulong doon.

Matatandaan na pinagbabaril ng suspek ang kanyang kapatid na si Jeffrey Borega, 34 anyos, na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Una rito, sinugod ng biktima ang suspek sa kanilang bahay at nanggugulo doon.

Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang suspek kung ano ang malalim na motibo kung bakit niya nabaril ang kapatid gayuman man ay tumaggi itong makapanayam.


Ayon naman sa Numancia PNP, posibleng hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima at sa halip ay aayusin nalang ang kanilang problema.

Monday, July 10, 2017

34th MEMBERSHIP ASSEMBLY, ISASAGAWA NG AKELCO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakdang magsagawa ng ika-34 annual general assembly (Agma) ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) sa darating na Hulyo 15.

Ang nasabing aktibidad na gaganapin sa ABL Sports Complex sa kapitolyo dakong ala-1:00 ng hapon ay may temang “Strengthening Akelco amidst continuing challenges.”

Magiging pangunahing bisita sa nasabing pagtitipon si Sultan Ashary Maongco, general manager ng Lanao Sur Electric Cooperative, Inc. (Lasureco) sa Marawi City (Autonomous Region in Muslim Mindanao).

Ilalahad sa mga myembro at konsyumer ang ulat tungkol sa teknikal, institusyunal at pinasyal na aspeto magiging ang mga plano ng Akelco lalu na para matugunan ang suliranin sa paglalaan ng sapat sa suplay ng kuryente.

Ang Akelco ay ang sole power distributor na naglilingkod sa 100,000 konsyumer sa Aklan kabilang na ang isla ng Boracay at ang mga bayan ng Pandan at Libertad sa Antique.

Sa nakalipas na mahigit 30 taon, nanatiling non-stock non-profit electric cooperative ang Akelco kasunod ng referendum noong 2015 sa ilalim ng National Electrification Administration (NEA).

SUSPEK SA PAMAMARIL SA CAMANCI NORTE, SINAMPAHAN NA NG KASO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa inquest proceeding ang suspek sa nangyaring pamamaril sa brgy. Camanci Norte, gabi ng Miyerkules na ikinamatay ng tatlong barangay tanod at ikinasugat ng tatlo pa.

Ayon kay PO2 Marlon Del Rosario, imbestigador ng Numancia PNP, nahaharap sa tatlong counts of murder, at attempted murder si Kevin Cangson, 25 anyos, at driver ng riding in tandem.

Si Cangson ang tinuturong nakabaril sa tatlong tanod na ikinamatay nina Rogelio Saron, Jesconie Isidro, at ikinasugat ni Danilo Villorente na patuloy pang inoobserbahan sa isang pribadong ospital.

Una nang itinanggi ng suspek ang alegasyon sa kanya sa naging panayam ng Energy FM Kalibo.

Giit niya at ng kanyang live-in parter, nakacheck-in umano sila sa hotel kasama ng pamilya ng babae nang mangyari ang insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente sa posibleng pagkakakilalan at ikadarakip ng isa pa niyang kasama na sinasabing bumaril at pumatay sa tanod na si Walter Rembulat.

BINATILYO ARESTADO SA PAGBIBIRO NA MAY BOMBA SA ISANG RESORT SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 19 anyos na lalaki sa isla ng Boracay makaraang magbiro na may bomba sa loob ng isang resort.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (Btac), ang suspek ay kinilalang si Suje Negrida, tubo ng brgy Agdugayan, Ibajay.

Pumasok umano nang walang pahintulot  ang suspek sa naturang resort sa brgy. Balabag na napag-alamang nasa ilalim ng kalasingan.

Nang sitahin siya ng guwardiya ay nagbiro umano ito na may itinanim siyang bomba sa loob ng resort bagay na ikinaalarma ng mga nasa loob.

Agad namang humingi ng tulong ang guwardiya ng nasabing resort sa mga kapulisan at pagresponde a y inaresto ang nasabing suspek.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Btac at posibleng sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Ipinagbabawal sa batas na ito ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

34 ANYOS NA LALAKI PATAY NANG PAGBABARILIN NG KANYANG KAPATID

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 34 anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng kanyang sariling kapatid sa brgy. Bulwang, Numancia kahapon ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jeffrey Borega, laborer, at residente rin ng nasabing lugar.

Ayon kay PO2 Felizardo Navarra Jr., imbestigador ng Numancia PNP station, nakainom umano ang nasabing biktima at nanggugulo sa kanilang bahay.

Pinagbabasag pa umano ng biktima ang mga bote ng tindang soft-drinks at beer ng kanyang manugang bago ito sumugod sa bahay ng kanyang kapatid.

Dito, kumuha umano ng hindi pa malamang kalibre ang suspek na si Joewhan Borrega, 39 anyos at pinagbabaril ang biktima.

Nagtamo ng sugat sa dibdib at tiyan ang biktima at mabilis na isinugod sa provincial hospital pero hindi na ito umabot pa ng buhay.

Samantala, tumakas naman ang suspek at patuloy pang pinaghahanap ng mga kapulisan.