Tuesday, November 29, 2016

LALAKI NA NANGANGANIB KUMALAT SA SOCIAL MEDIA ANG HUBAD NA MGA LARAWAN HUMINGI NG TULONG SA PULISYA

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Dumulog sa pulisya ang 43 anyos na lalaki matapos mabiktima ng nagpakilalang dating kasintahan na nakipagbalikan umano gamit ang social media site na Facebook.

Kwento ng lalaki, habang nasa ibang bansa umano ito ay nagfriend request ang dati nitong nobya at nagkikipagbalikan raw ito.

Naging maayos raw ang kanilang usapan sa FB Messenger at palagi nga raw itong nangangamusta.
Napansin din umano ng lalaki noong una pa na tela may malaking pagkakaiba ang nagpakilalang dating girlfriend sa pamamaraan ng pakikipagchat at laman ng mensahe , palagi raw itong “hot na hot” at palaging humihingi ng hubad na picture.

Dahil sa tiwala ay nagawa raw ni lalaki ang mga request nito na mga larawan.

Pagkatapos ng ilang buwan na pakikipagchat ay hinihingan na raw ng malaking halaga ng pera ang lalaki at tinatakot raw sya nito na ikakalat sa social media ang mga malaswang larawan.

Duda rin ang lalaki na hindi ang dating nobya ang ka-chat at ginamit lamang ang mga larawan nito at pangalan sa pagrehistro sa Facebook.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa problemang idinulog ng biktima.

TATTOO ARTIST KULONG MATAPOS MAAKTUHANG GUMAGAWA NG "SEXUAL ACT" SA BORACAY BEACH

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Inaresto ng mga kapulisan ang isang 32-anyos na tattoo artist matapos maaktuhan ng guwardiya ng isang hotel sa Station 2 sa Isla ng Boracay na “nagsasariling sikap”dakong 1:50 ng hapon noong Huwebes.

Napag-alaman na may dumaan umanong dalawang babaeng Russian nationals na naka-tupis sa harapan ng lalaki na tubong Cebu kaya ito inabutan ng kanyang libog.

Matapos maaktuhan ng guwardiya ay agad siyang isinumbong sa Boracay Tourist Assistance Center at inaresto ng mga kapulisan.

Nabatid na noon ring Nobyembre 18 ay inaresto rin ng mga kapulisan ang magkasintahang Briton at Italyano makaraang naaktuhan ng immigration officer na nagtatalik sa beach.

BANGKAY NATAGPUAN SA PALAYAN SA ALTAVAS, AKLAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang bangkay ang natagpuan sa isang palayan sa Brgy. Cabangila, Altavas Sabado ng hapon.

Sa report ng Altavas PNP station, dakong alas-2:30 ng hapon nang nakatanggap umano ng impormasyon ang himpilan na may natagpuang patay sa naturang lugar mula sa isang driver. Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa lugar upang mag-imbestiga.

Sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ang biktima na si Jimuel Inocencio, 21 anyos at residente ng nasabing lugar. Malapit sa kinaroroonan niya ay isang kawad ng kuryente na nakalaylay.

Ang naturang bangkay ay isinailalim sa post mortem examination upang malaman ang naging dahilan ng kamatayan ng nasabing lalaki.

Ayon sa imbestigador ng Altavas PNP station na si PO3 Neil Alejandro, nagtamo umano ng ilang paso sa katawan ang lalaki. Anya ay hinihintay pa nila ang resulta ng eksaminasyon sa bangkay.

BAHAY SA NEW WASHINGTON NASUNOG; ISA PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang isang 26 anyos na lalaki matapos makuryente sa nasusunog na bahay dakong alas-9:00 kagabi sa So. Sapa, Brgy. Mataphao, New Washington.

Kinilala sa report ng Bureau of Fire Protection Unit ng New Washigton ang biktima at may-ari ng nasunog na bahay na si Ken Rebano y Francisco.

Nag-iinuman umano ang biktima sa bahay ng kanyang nanay kasama ang kanyang kapatid at asawa nang makita na nasusunog na ang kanilang bahay sa di kalayuan. Sinubukan naman ng biktima na apulahin ang apoy pero nasagi nito ang nakalaylay na live wire at nakuryente.

Hinila pa umano ng kanyang kuya ang biktima pero siya rin ay tumilapon matapos makuryente.

Ayon kay FO1 John Arven Prado ng New Washigton BFP na posibleng short circuit ang dahilan ng sunog matapos umanong mabasa ng tubig-ulan ang circuit-breaker ng bahay. Mabilis na naabu ang halos buong bahay n yari lamang sa mga light materials.Tinatayang aabot sa Php 30,000 ang pinsalang dulot ng sunog.

BILANG NG PANG-AABUSO SA MGA KABABAIHAN AT KABATAAN SA AKLAN, TUMATAAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tumataas ang bilang ng pang-aabuso sa mga kababaehan at mga kabataan sa Aklan ayon sa report ng Aklan Provincial Police Office (APPO).

Sa report ng APPO nakapagtala na sila ng 314 na kaso ng pang-aabuso sa buong lalawigan simula Enero hanggang Oktubre ngayong taon. Pinakamataas na nairekord ang mga kasong ito sa Kalibo PNP station na aabot sa 336, sinundan ng Boracay Tourist Assistance Center sa bilang na 38 at pangatlo ang Banga PNP na nakapagtala ng 19 kaso.

Samantala, ayon sa Child Protection Unit ng APPO, nakapagtala rin sila ng 733 na kaso ng pang-aabuso sa mga bata mula Enero hanggang Oktubre nitong taon. Pinakamataas na naitala ang kasong ito sa BTAC sa bilang na 217, Kalibo PNP Station na may 215, at New Washington PNP station sa bilang na 54.

Ayon sa Child Protection Unit ng APPO nakapagtala sila ng 104 na kaso ng pang-aabuso sa mga bata nong nakaraang taon mataas ito ng walong kaso kumpara sa bilang noong 2014. Mataas ito ng halos kalahating bilang (51) kumpara noong 2012. Noong 2013 ay nakapagtala lamang ng 89 kaso.

Kapansin-pansin na malaking bahagi sa mga kasong ito ay ang sekswal na pang-aabuso. Kabilang rin dito ang psychological abuse at child trafficking.

Ayon kay MOVE-Aklan vice president Paul Adrian Pelayo, tumataas umano ang bilang dahil nahihikayat na ang mga kababaihan at mga bata na magreport sa mga awtoridad kumpara noon dahil sa mga isinasagawa nilang information drive.

Samantala, mas pinaiigting na ngayon ng pamahalaang lokal ng Aklan ang kanilang kampanya laban sa Violence Against Women and Children upang matugunan ang mga kasong ito.

DANCE INSTRUCTOR HULI SA PAGBEBENTA NG MARIJUANA

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Huli sa isang drug buy-bust operation sa Pastrana St. Ubos, Kalibo ang suspek na nagbebenta umano ng pinaghihinalaang marijuana bandang alas-4:00 ng hapon nitong Sabado.

Kinilala ang suspek na si John Almero “Tamtam” Jr. y Andrade, 28-anyos, isang dance instructor.

Itinatanggi ng suspek na kanya ang narecover na marijuana na nakalagay sa isang maliit na sachet kapalit ng drug buy bust money.

Napag-alaman na ang tatay rin ni Tamtam ay nakakulong sa BJMP at nauugnay din sa kaparehong gawain.

MOTORSIKLO VS SUV: 1 PATAY, 3 SUGATAN

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa ang patay habang 3 ang sugatan matapos na sumalpok ang isang motorsiklo sa isang SUV sa bahagi ng Linabuan Norte, Kalibo, Aklan nitong nakaraang Biyernes.

Patay ang driber ng Suzuki Smash na si Cydrix John Sambrona y Imaysay, 16-anyos, samantala sugatan naman ang tatlong angkas nito na sina Socrates Mabulay Jr. y Delacruz, 15-anyos, Emerson Dela Cruz y Gregorio, 18-anyos, at Reymund Salvador y Torio, 16-anyos, na pawang residente ng Linabuan Sur, Banga, Aklan, matapos makabanggaan ang isang Toyota Innova na minamaneho ni Sammy Juanico y Ceballos, 24-anyos, na taga Libas, Banga, Aklan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Kalibo, patungong Banga, Aklan ang Toyota Innova nang makasalubong at makabanggaan nito ang motorsiklo sa national highway sa tapat mismo ng Barangay Hall ng Linabuan Norte pasado alas-10:00 Biyernes ng gabi.

Naisugod pa sa ospital ang driver ng motor pero ideneklara itong dead on arrival.

Nakaconfine naman ang tatlo pa nitong backriders sa isang pribadong hospital dito sa bayan nga Kalibo.

Pansamantala namang ikinustodiya ng PNP ang driver ng Innova.

4 NA SUSPEK SA PAGNANAKAW SA ALTAVAS PUBLIC MARKET, HULI SA AKTO; 1 NABARIL NG PULIS

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nabaril ng isang pulis ang isa sa mga apat na suspek na nahuli sa akto sa pagnanakaw sa loob ng Altavas Public Market nitong Sabado.

Kinilala ang nabaril na suspek na si Mark Ednil Francisco y Flores, 23-anyos na taga-Odiong, Altavas.

Umiikot raw sa loob ng Public Market si PO2 Riane Balgos bandang alas-2:10 ng umaga nang makita ang mga suspek na niraransack ang isang pwesto roon. Agad na sinita ng pulis ang mga ito pero sa halip na tumigil ay lumaban ang mga ito at akmang sasaksakin si P02 Baldos kaya pinaputukan niya ng baril ang mga suspek.

Tinamaan sa kaliwang paa ang suspek na si Ednil kaya agad tumakas ang tatlo nitong kasama.

Sa follow up operation naaresto rin ang mga kasama nito na sina Jomar PeƱano, 21-anyos, alyas "Balot", Mark Berlin Francisco, 18-anyos at isang 14-anyos na lalaki na pawang residente ng Sitio Guisi, Odiong, Altavas, Aklan.

Narecover sa mga ito ang pakete ng sigarilyo at pangkulay sa buhok na ninakaw ng mga suspek. Nakuha rin ang kutsilyo, tubo at sirang kandado ng pwesto na niransack ng mga ito.

Nahaharap sa kasong attempted Robbery ang tatlo samantala inilipat naman sa kustodiya ng Dswd ang menor de edad na lalaki.

Nakahospital arrest naman si Ednil na patuloy na nakaconfine sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital.

BANGKA TUMAOB, 5 NAKALIGTAS SA PANANALASA NG BAGYONG MARCE

Ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maswerteng nakaligtas sa pagkalunod ang limang mangingisda matapos tumaob ang bangkang sinasakyan nila nang hampasin ng malaking alon habang papauwi na mula sa dalawang araw na paglalayag mula Sibuyan Sea habang nananalasa ang bagyong Marce sa probinsiya ng Aklan nitong Biyernes.

Rumesponde ang mga kapulisan at mga rescue team ng Kalibo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at Philippine Coastguard Auxiliary sa So. Lambingan, Brgy. Andagao, Kalibo pasado alas-dose ng hapon matapos makarating sa kanila ang impormasyong may tumaob na bangka sa naturang lugar.

Kaugnay ang aksideteng ito sa pananalasa ng bagyong Marce na itinaas sa storm warning signal alas-5:00 ng umaga ng Huwebes kung saan sa oras na ito ay tumaob ang bangkang sinasakyan nila

Nang makarating ang mga kapulisan at mga awtoridad sa lugar ay maswerteng na-rescue nila ang dalawang biktima mula sa mahaba-habang paglalangoy matapos tumalon sa bangka. Kinilala sa report ng pulisya ang dalawa na sina Jovanie Jimenez, 38 anyos at Jegleven Canedo, 22. Samantalang pinaniniwalaan ng dalawa na nawawala o tinangay ng alon ang tatlo pa nilang mga kasama.

Kalaunan ay nakaahon rin ang tatlong mga biktimang sina Rogelio at mga anak na sina Rodel at Ronilo Jimenez na nagpatangay umano sa alon hanggang sa mapadpad sa dalampasigan.

Samantala, nabatid na naka-confine ngayon sa provincial hospital ang mag-tiyuhing sina Jegleven at Rogelio matapos umanong makalulon ng tubig.

Ang mga biktima ay pawang mga residente ng New Buswang, Kalibo.

“SMOKE-FREE KALIBO”, ISA NANG BATAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

May katapat na ang lahat ng mga naninigarilyo, nagbebenta, namamahagi at nag-a-advertise ng mga sigarilyo, e-cigarretes at iba pang mga produktong tabako sa lahat ng mga pampublikong lugar sa bayan ng Kalibo.

Pasado na kasi sa ikatlo at huling pagbasa sa ika-20 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan nitong Huwebes ang panukalang batas na naglalayong gawing smoke-free ang Kalibo.

Bilang lamang ang mga lugar na pwede na manigarilyo kung sakaling ipapatupad na ang naturang batas. Maaari lamang manigarilyo sa loob ng bahay, sa mga designated area sa mga terminal ng sasakyan, airport at sa mga pribadong establsiyemento kabilang na ang mga hotel at restaurant kapag pumasa ito sa mga pamantayan ng Smoke-Free Council.

Matatandaan na naging positibo naman ang reaksiyon ng iba-ibang sektor sa naturang panukala matapos itong ilatag sa isang pampublikong pagdinig.

Sa ngayon ay hinihintay na lang na malagdaan ni Mayor William Lachica ang naturang ordenansa para sa pagpapatupad nito. Samantala, magiging ganap na epektibo ang batas pagkatapos pa ng 90 araw na palugit matapos itong lagdaan ng alkade. Ipapatupad ang batas pero hindi muna magpapataw ng mga kaukulang penalidad sa mga lalabag.

Posibleng mapatawan ng hindi tataas sa Php2,500 ang mga lalabag sa nasabing ordenansa o pagkakulong ng limang taon o parehas depende sa desisyon ng husgado. Samantala, pwede ring alisan ng permiso sa pagnenegosyo ang mga establisyemento na mahuhuling lalabag rito.

SERIAL RAPIST NA HUMALAY NG 2 MENOR DE EDAD SA AKLAN, NATIMBOG NG MGA KAPULISAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang 43-anyos na mangangalakal ng basura matapos positibong kinilala na suspek sa panggagahasa sa dalawang menor de edad dito sa bayan ng Kalibo nitong nakaraang Linggo. Ang suspek ay kinilalang si Vicente Fernando, at tubong Muguing, Banga pero kasalukuyang nanunuluyan sa C. Laserna, Kalibo.

Ang mga biktima ay isang 10-anyos na inabuso ng suspek noong Nobyembre 17 sa isang sementeryo at isang 9-anyos nitong Miyerkules lamang sa isang saggingan sa Kalibo.

Ayon sa hepe ng Kalibo PNP na si PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, inaresto nila ang lalaki habang nag-iinuman sa ilalim ng Kalibo bridge. Nabatid na nakunan umano sa CCTV footage ang pagdala ng suspek sa isang 9-anyos na bata dahilan para makilala ang suspek.

Napag-alaman na pare-parehas umano ang pamamaraan ng suspek. Ginagamit umano niya ang kanyang trabaho bilang mangangalakal ng basura para makilala ang mga bata at ang kanyang mga magulang.

Pinag-aaralan pa ng pulisya kung mayroon pa itong ibang mga nabiktima at posibleng isailalim sa drug test.

Dahil sa galit ng mga kapwa preso sa lock-up cell ng Kalibo PNP station ay bugbog ang inabot ng suspek kaya nagtamo ito ng mga pasa sa katawan at mukha. Minabuti ng kapulisan na ihiwalay ito ng selda kung saan ito kasalukuyang nakapiit at posibleng maharap sa habambuhay na pagkakulong.

35-ANYOS NA LALAKI SA MALINAO, TINAGANG KAPWA MAGSASAKA, PATAY!

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay na ng matagpuan sa sagingan ang isang 35-anyos na lalaki dakong alas-6:00 ng umaga nitong Huwebes sa Brgy. Manhanip, Malinao. Sa pag-usisa, nabatid na may dalawang taga sa leeg ang biktima. Ang biktima ay kinilala kay Ruben Francisco, magsasaka at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Malinao PNP OIC PSInsp. Alfonso Manoba, huli umanong nakita ang biktima kasama ang suspek na si Serio Inserto, 55-anyos, at isang magsasaka. Magkasama umanong nag-inuman ang biktima at ang suspek sa isang bahay nang umalis sila roon dakong 10:30 ng gabi matapos na nagwawala na umano ang biktima.

Sa pag-imbestiga ng kapulisan, lumalabas na may nangyari umanong mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek. Hindi umano natiis ni Insulto ang kasama kaya kumuha ito ng itak at tinaga hanggang sa bawian na ito ng buhay.

Inaresto naman ng mga kapulisan ang suspek at aminado sa kasalang nagawa. Ipiniit naman ang suspek na magsasaka at nahaharap sa kaukulang kaso.

11 PANIBAGONG BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITMENT NARESCUE SA ALTAVAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Narescue ng mga awtoridad ang 11 na mga biktima ng illegal na recruitment sa Man-up, Altavas kahapon ng umaga. Nabatid na nakasakay na ng jeep ang mga biktima patungo na sanang Iloilo para magtrabaho bilang mga “sakada” gayunman ay napigilan ng mga kapulisan sa isinagawang checkpoint nitong nakaraang Miyerkules.

Sa report ng Altavas PNP station, dumulog umano sa kanilang himpilan ang kinatawan ng DOLE-Aklan field office na si Carole Jhean Pastrana upang humingi ng tulong sa mga kapulisan na mapigil ang pagbiyahe ng mga biktima at kanilang recruiter. Agad namang nagsagawa ng checkpoint ang mga pulis sa mga nabanggit na lugar na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek na sina Ali Dalida, 41 anyos, residente ng Sapian, Capiz at Aquilino de Felix, nasa legal na edad, residente ng Poblacion, Kalibo.

Nabatid na noong nakaraang araw ng Lunes ay naaresto din ng mga kapulisan ng Banga PNP station ang isang Richard Democrito ng Linabuan Sur, Banga dahil sa illegal din na pagrerecruit ng mga magtratrabaho sana bilang mga sakada.

Ang mga naturang suspek ay nakapiit na ngayon sa Altavas PNP station at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 o Republic Act of the PhilippinesNo. 9208.

MAG-ASAWA NINAKAWAN SA LOOB NG MALL SA KALIBO, AKLAN

Ulat ni: Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Uso na naman ang nakawan sa mall.

Dumulog sa Kalibo PNP station ang isang 70-anyos na ginang matapos umanong manakawan sa loob ng grocery department ng Gaisano Capital ang kanyang asawa dakong alas-3:00 ng hapon nitong Miyerkules.

Sa report ng pulisya, sinasabi ng nagrereklamo na si Fe Quimpo, residente ng Brgy. Andagao, Kalibo, iniwan umano ng kanyang asawa ang bag sa loob ng cart sa counter para sana magbayad ng bumalik ito sa namimili pa niyang asawa sa loob ng pamilihan. Laking gulat ng asawang lalaki ng mapag-alamang wala na roon ang kanyang bag.

Naglalaman ang nasabing bag ng mga personal IDs, ATM card, pera, isang unit ng cellphone at iba pang mga dokumento. Pinaniniwalaan ng mag-asawa na kinuha ito ng hindi pa nakikilalang magnanakaw.

Ang kasong ito ay iniimbestigahan na ng theft and robbery section ng pulisya.

Una ng nagbigay ng paalala si Kalibo PNP Chief PSInsp. Terence Paul Sta. Ana sa taumbayan na maging mapagmatyag sa kapaligiran at bantayan ang mga gamit lalo na sa mga matataong lugar. Asahan na din anya ang kaliwa’t kanang nakawan lalo na at nalalapit na ang Kapaskuhan.

PAG-DAONG NG BARKONG MAY SAKAY NA PINAGHIHINALAANG CHINESE NATIONALS, IKINA-ALARMA NG MGA OPISYAL NG BAKHAW NORTE, KALIBO

Ulat nina: Archie Hilario at Rommel Deslate, Energy FM 107.7 Kalibo

Nabahala ang mga opisyal ng Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo matapos dumaong sa baybayin nito ang isang barko lulan ang pinaghihinalaang mga Chinese nationals nitong nakaraang Martes.

Wala umanong koordinasyon sa barangay at Philippine Coast Guard ang kapitan ng barko.

Hindi pa rin malinaw sa mga barangay officials kung anong dahilan at bakit nasa lugar ang barkong ito.

May isang mangingisda umano ang napadaan sa kinaroroonan ng barko kung saan tinawag raw siya ng mga nakasakay sa barko at pinaakyat sa loob.

Pag-akyat sa loob ay binili raw ng mga ito ang mga huli nitong isda.

Hindi niya raw naiintindihan ang salitang ginagamit ng mga ito kaya duda ng mangingisda na mga Chinese nationals ang mga bumili ng isda sa kanya.

SARI-SARI STORE SA IBAJAY, PINASOK NG MGA MAGNANAKAW; SARDINAS, ALAK, AT NOODLES; TINANGAY NG 5 SUSPEK

Ulat ni: Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilimas ng limang suspek ang sari sari store ni Elina Ursua, 59-anyos, na taga Brgy. Ondoy, Ibajay, Aklan nitong Miyerkules.

Sa panayam kay P01 Jimmy Alcayde, tumawag sa Ibajay PNP Station bandang alas-6:00 ng umaga kahapon ang opisyal ng Brgy. Ondoy at nagreport na pinasok raw ng magnanakaw ang sari-sari store ni Ursua.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinira umano ng mga suspek ang lock ng pintuan ng sari sari store at tinangay ang mga sardinas, noodles, at alak.

Mag-a-alas-10:00 naman kahapon ng umaga nang naharang ng Nabas PNP ang limang katao na may bitbit na sako na naglalaman ng mga ninakaw na alak at grocery items. Agad itong itinimbre sa Ibajay PNP station at agad nagtungo roon ang kanilang imbestigador kasama ang may-ari ng sari-sari store.

Pagdating doon, ipinakita ng Nabas PNP kay Ursua ang mga grocery items na nakalagay sa sako at nakumpirmang ito nga ang mga ninakaw ng mga suspek sa kanyang tindahan.

Arestado na ang suspek na sina:

1.Aracile Benitez, 41-anyos;
2.Jerardin Gorospe, 43-anyos;
3. Argiel Velas, 20-anyos;
4. Isang 16-anyos na binatilyo; at
5. Isang 7-anyos na batang lalaki.

Ikinulong sa Ibajay PNP Station ang tatlo sa mga ito habang nasa pangangalaga naman ng DSWD ang dalawang menor de edad.

LALAKI HULI SA DRUG BUY BUST OPERATION SA ISLA NG BORACAY

Ulat ni: Archie Guray Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nahuli sa isang drug buy-bust operation ang isang lalaki sa isla ng Boracay alas-5:00 ng umaga nitong Martes.

Kinilala ang suspek sa pangalang Arnold Manonggol y Venturero, 33-anyos, single, at tubong-Caluya, Antique.

Nahuli si Manonggol sa Sitio Tolubhan, Brgy. Manoc-manoc sa nasabing isla.

Narecover sa suspek ang dalawang sachet ng suspected shabu kapalit ng P1,000.00.

Pansamantalang ikinulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang nasabing suspek.

TATAY KALABOSO MATAPOS GAHASAIN ANG ANAK NG 3 BESES

Ulat ni: Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang 44-anyos na tatay matapos gahasain ang 12-anyos na anak na babae sa bisa ng warrant of arrest alas-3:00 nitong Martes sa kanilang bahay sa Brgy. Kinalangay Viejo, Malinao.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo News Team kay Malinao PNP OIC PSInsp. Alfonso Manoba, ang naaresto ay kinilalang si Silverio Agustin Jr. y Rico, isang magsasaka. Ang operasyon ay isinagawa ng Malinao PNP sa pamamagitan ng pagsi-serve ng warrant of arrest sa kasong rape na inilabas ng RTC Branch 3 na may lagda ni Hon. Benvienido P. Barrios na inilabas noong Nobyembre 7.

Nabatid na sekswal na hinalay umano ng tatay ang kanyang anak ng makatlong beses mula pa noong Enero at Pebrero nitong taon.

Nakapiit na ngayon ang suspek sa Malinao PNP para sa kaukulang disposisyon at nasa Php200,000.00 na piyensa naman ang itinakda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

BAHAY SA LEZO NAABO DAHIL SA KOPRAHAN; 1 SUGATAN

Ulat ni: Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilamon ng apoy ang isang dalawang-palapag na bahay sa Brgy. Silakat Nonok, Lezo matapos masunog umaga ng nakaraang Martes.

Sa report ng Numancia BFP at Lezo PNP, nangyari ang sunog dakong alas nwebe ng umaga at nagtagal ng 30 minuto. Ang bahay ng mag-asawang Jonalyn, 35-anyos, at Roger Reyes, 41, ay yari sa pawid at mga table kaya mabilis na nagliyab at naabo.

Napag-alaman na nanggaling umano sa napabayaang nilulutong kopra sa kanilang kusina ang dahilan ng sunog. Nagtamo naman ng first degree burn ang biktimang si Jonalyn. Kabilang sa mga nasunog ang kanilang molding at welding machine, blower, at motorsiklo.

Tinatayang aabot sa Php50,000 ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog. Pinahayag naman ng imbestigador na si FO1 Ariel Villaruel ay sarado na ang kaso.

ASO NA PINAGHIHINALAANG NILASON, BINIGYAN NG DISENTENG LIBING NG MGA MAY-ARI

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Dahil sa labis na pagmamahal ng pamilya Del Castillo sa kanilang alagang aso na si Snappy, binigyan nila ito ng disenteng libing nitong Linggo.

Kuwento ni Henz Marte Del Castillo na taga-Kalibo, Aklan, mula 2001 ay naging bahagi na ng kanilang buhay ang aso at nitong nakalipas na araw ay namatay nga ito.

Duda ng pamilya, nilason ng di pa nakikilalang suspek ang aso.

Umaga na nang makita ng mga ito na bumubula na ang bibig ni Snappy at patay na nga ito.

Nitong linggo ay inilibing si Snappy sa Kalibo Municipal Cemetery.

Napag-alaman din na ikalawang aso na ng pamilya De lCastillo ang nailibing dito.

16 NA-RESCUE NG MGA AWTORIDAD MULA SA ILLEGAL RECRUITMENT SA BANGA, AKLAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Masuwerteng nailigtas ng mga awtoridad ang 16 na mga kalalakihan mula sa illegal recruitment na magtratrabaho sana bilang mga “sakada” o taga-gapas ng tubo sa Passi, Iloilo kaninang umaga sa Venturanza, Banga.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa imbestigador na si PO2 Danilo Dalida Jr., dumulog umano sa himpilan ng Banga PNP ang kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Aklan na si Carol Pastrana at ang lehitimong recruiter na si Roger Zaradolla Jr. para humingi ng tulong sa pulisya sa posibleng pagkaaresto ng iligal na recruiter at pagkaligtas naman sa mga na-recruit.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan sa Brgy. Libas kung saan napag-alamang na nakasakay na ng bus kasama ang suspek. Naaresto ng mga kapulisan ang suspek na kinilalang si Richard Democrito, 39-anyos at residente ng Linabuan Sur, Banga. Nailigtas at napigilan naman ang 16 na mga biktima na mga residente ng New Washington, Banga, Kalibo, at Madalag. Narekober din ng mga awtoridad ang 19 na ticket sa bus patungong Iloilo.

Samantala, ipinahayag ni PO2 Dalida na may tinutugis pa ang mga kapulisan na iba pang responsable sa naturang iligal na pagre-recruit. Nabatid na walang mga kaukulang dokumento ang naturang suspek at ginagamit pa ang pangalan ng lehitimong recruiter.

Nabatid rin na may mga nauna ng mga biktima ng parehong suspek ang naipadala sa iba-ibang lugar upang mag-“sakada”.

Pansamantalang ipiniit ang suspek sa Banga PNP station at nahaharap sa kaukulang kaso.

TABLANG WALANG PERMIT, NAKUMPISKA NG MGA TAGA-DENR

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakumpiska ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Aklan ang mahigit 400 board feet na mga tabla mula sa Brgy. Camaligan, Batan na idi-deliver sana sa isang sabungan sa Brgy. New Buswang, Kalibo nitong Lunes.

Naharang ito ng mga barangay officialsng Brgy.Pook matapos tumigil sa harap ng mismo ng barangay hall ang isang jeep na naglalaman ng ng mga tabla.

Agad nagreport sa pulisya ang barangay kapitan ng Brgy. Pook na si Ronald Marte at agad namang rumesponde roon ang pulis kasama ang mga taga-DENR.

Ayon sa drayber na si Josefino Castillo, 74-anyos na taga Jugas New Washington, Aklan, hindi niya raw alam na walang permit to transport ang mga tabla.

DAHIL SA PAGKA-BIGO SA PAG-IBIG, ESTUDYANTE, NAGBIGTI, PATAY

Ulat ni: Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 22-anyos na college student matapos magbigti sa loob ng kanyang kwarto sa bayan ng Batan nitong nakaraang Lunes.

Kinilala ang biktima sa pangalang Kevin Panado y Laurente ng Brgy. Mandong, Batan, Aklan. Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagbigti ang biktima gamit ang kumot na itinali sa kanyang leeg.

Mag-a-alas-3:00 na ng madaling araw ng mapansin ng tatay ni Kevin na nakabukas pa rin ang ilaw sa loob ng kwarto nito, bagay na hindi kinaugalian ng kanyang anak.

Kaya pumasok sa loob ang tatay at doon na nakita ang biktima na nakabigti at wala ng buhay.

Nakita rin sa loob ng kuwarto ang cellphone ng biktima na naglalaman ng text message nito sa kanyang nobya na nakasaad ang kanyang pamamaalam. Ang bilin raw nito ay huwag malungkot at huwag umiyak kung patay na ito.

Ayon sa impormasyon, nagkalabuan raw ang relasyon ng dalawa nitong mga nakalipas na linggo, bagay na tinitingnan na naging dahilan ng pagbigti ng binata.

Magtatapos na sana sa pag-aaral sa kolehiyo ang biktima at sa katunayan ay mag-iisang linggo na rin sa Batan PNP Station dahil doon ito sumailalim sa On the Job Training (OJT) .

Napansin din daw ng mga nakasama sa Batan PNP na tahimik ang lalaki mula pa noong unang araw ng pag-o-OJT.

Si Kevin ay bunso sa kanilang mga magkakapatid kaya labis ang pagdaramdam ng kanyang ama at hindi nito lubusang maisip na magagawa ng anak ang pagsu-suicide.