Friday, November 04, 2016

37-anyos na babae, nabiktima ng pandurukot sa Malinao, Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dinukutan habang nawili sa pamimili ng damit na ukay-ukay sa palengke ng bayan ng Malinao ang isang 37-anyos na babae dakong alas-9:00 ng umaga kahapon.

Ayon sa imbestigador ng Malinao PNP, kinilala ang babae na si Molina Icamina at residente ng Brgy. San Roque sa naturang bayan.

Nadukot umano ng suspek ang kanyang pitaka mula sa bitbit niyang basket. Ayon sa biktima, naglalaman ang naturang pitaka ng tatlong ATM, driver's license, at tinatayang Php7,000.00.

Sa ngayon ay may pinaghihinalaan nang salarin na ang mga kapulisan at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon hinggil sa kaso.

No. 8 Most Wanted Drug Personality sa Aklan, timbog

NI DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado sa isang drug buy-bust operation ang isang 36-anyos na miyembro ng Bantay-Bayan sa Brgy. Jugas, New Washington, Aklan dakong alas-tres ng hapon kahapon.

Kinilala ang suspek na si Roljohn Tejada, residente ng nabanggit na lugar.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay New Washington chief PSI Jerick Vargas, sinabi niya na ang naaresto ay isang high-value target at no. 8 most wante
d drug personality sa Aklan. Anya, matagal nang binabantayan ng mga awtoridad ang nasabing suspek.

Nasabat sa operasyon ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at Php1, 000.00 na marked money. Dalawa pang sachet na naglalaman din ng suspected shabu ang nasawata ng mga awtoridad sa body search.

Ang operasyon ay ikinasa ng New Washington ng PNP AT PAIDSOTG.

Nakakulong ngayon ang arestado at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.

Samanatala, sinabi rin ni Vargas na sa 16 barangays ay dalawa lamang rito ang drug-free. Humihingi rin ito ng kooperasyon at suporta sa mga mamamayan sa pagsugpo at paglaban sa iligal na droga.

Thursday, November 03, 2016

Aklan PDRRMO, nakahanda sakaling manalanta ang papasok na bagyo

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakahanda na ang Aklan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sakaling daanan ng papasok na bagyong Marce ang probinsiya ng Aklan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Galo Ibardolaza, Aklan PDRRMO head, sinabi niyang inalerto na ang 17 Municipal DRRMO sa lalawigan upang mapaghandaan ang paparating na bagyo. Anya, kahit wala naman umanong bagyo ay nakahanda naman palagi ang kanilang tanggapan.

Sinabi niya na wala pa namang linaw kung dadaan nga ang bagyo sa probinsiya pero nagpaalala ito sa mga Aklanon na maghanda at manatiling nakaantabay sa pinakuhuling takbo ng bagyo.

Binabantayan rin anya ng kanya-kanyang mga MDRRMO ang kanilang mga lugar kung sakaling magkaroon ng mga pagbaha dahil sa mga pag-ulan na nararanasan sa probinsiya.

Kalibo, ipinagdiwang ang ika-445th Founding Anniversary

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) www.imgrum.net/user/ilovekalibo

Nagdiriwang ngayong araw, Nobyembre 3, 2016, ang mga Kalibonhon ng ika-445 na anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Kalibo.

Ilan sa mga aktibidad sa araw na ito ay ang Thanksgiving Mass sa Kalibo Cathedral, Commemorative Program sa Pastrana Park, at parada.

Bago pa man ang kaarawan ng pagdiriwang, kahapon ay ginanap sa Magsaysay Park ang Barangay Night, at awarding ng mga Outstanding Business and Real Property Taxpayers.

Sa buwan ng Oktubre ay nagsagawa na ng mga paligsahan kaugnay sa pagdiriwang na ito ang lokal na pamahalaan kabilang na ang mga dance contest, photo contest at singing contest.

Ang iba pang mga aktibidad ay ang ObrAti, Dress an Ati Contest ng KBP, Kalibohian at Agro Trade Fair sa Pastrana Park.

Ayon sa kasaysayan, itinatatag ang Aclan o Calivo bilang enkomyenda noong ika-3 ng Nobyembre, 1571 ni Miguel Lopez de Legazpi na siyang unang gobernador at kapitan-heneral ng Pilipinas.

Ang tawag noon sa bayan bilang “Akean”, hanggang noong 1569 ng mabinyagan ni Padre Juan de Alba ang isang libong tubo sa lugar kaya ito naging “Calivo”.

Samantala, may pasok pa rin naman sa mga opisina at paaralan sa lahat ng lebel sa kabila ng naturang pagdiriwang.

Wednesday, November 02, 2016

HIV cases sa Aklan, tumaas


NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) www.getsmartproject.com

Lalong tumataas ang kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa probinsya ng Aklan, base sa pagtatala ng isang non government organization na nagmomonitor ng kaso ng nasabing sakit sa probinsya.

Ayon kay Robby Bastareche ng Aklan Butterfly Brigade, sampung bagong kaso ng HIV ang naitala sa probinsya mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon na dumagdag sa dalawampu’t-isang kaso na una nang naitala nitong nakaraang taon.

Sa kabuuan ay nasa walumpu’t-isang indibidwal na ang naitatalang may HIV sa Aklan mula January 1986 hanggang June 2016.

Ani Bastareche, ng bilang ng HIV cases na naitala ay batay lang sa mga naglakas-loob na isumite ang kanilang mga sarili para sa HIV testing.

Maaari umanong mas marami pa sa nasabing bilang ang may HIV sa probinsya ngunit hindi lang nagpapatala.

Ipina-alala naman ni Bastareche sa mga mamamayan na umattend sa mga seminars at symposiums tungkol sa nasabing sakit upang lalong makakuha ng impormasyon tungkol sa HIV at kung paano ito kumaakalat at paano maaagapan ang pagkalat nito.

Tuesday, November 01, 2016

BFP Kalibo, nagpaalala sa mga Kalibonhon at Aklanon sa pag-iwas sa sunog ngayong Undas

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagbigay ng mga paalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Kalibo sa mga mamamayan upang makaiwas sa sunog ngayong Undas.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Fire Inspector Alfredo Patricio ng BFP Kalibo, ay nagbigay ito ng mga safety tips upang makaiwas ng sunog.

Anya, bago umalis ng bahay upang dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay sa mga sementeryo ay huwag umanong hayaang naka-sindi ang mga kandila sa kanilang mga bahay.

Dapat ay patayin at huwag kakalumutang i-unplug ang mga appliances na nakasaksak sa mga saksakan.

Sa kasalukuyan ay nag-iikot ang mga miyembro ng BFP Kalibo alinsunod na rin sa full alert status ng BFP sa lahat ng mga fire stations sa buong bansa upang bantayan ang kaligtasan ng mga mamamayan ngayong Undas.

Bago pa man mag-Undas ay una nang namigay ng fliers ang BFP Kalibo sa mga Kalibonhon upang mabigyang paalala at impormasyon sa pag-iwas sa sunog.

Monday, October 31, 2016

Simbahang Katoliko sa Kalibo, nagpaalala sa kahalagahan ng Undas

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagpaalala ang Diocese of Kalibo sa mga Aklanon ng kahalagahan ng pagdiriwang ng All Saints and All Souls Days.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Rev. Fr. Ulysses Dalida, sinabi niyang dapat ituon ng mananampalatayang Katoliko ang pagpapahalaga sa mga sagradong pagdiriwang na ito.

Anya, hindi itinuturo ng Simbahan ang pagdadala at paglalagay ng mga pagkain sa mga puntod. Sinabi niya na hindi totoong bumabalik ang mga kaluluwa. Ang mga kaluluwa anya na nasa purgataryo ay nangangailangan ng taimtim na dasal ng kanilang mga kapamilya na nabubuhay.

Hindi rin umano magandang paraan ng pagdiriwang ang pagsusuot ng mga Halloween costume bilang bahagi ng pagdiriwang. Humihikayat kasi umano ito ng masasamang espiritu kung saan inihalimbawa niya ang isang batang inilapit sa kanya makaraang sapian dahil lamang pinasuot ng ina ng nakakatakot na costume.

Naging lapitin lamang, ani Fr. Dalida, ang mga tao ng masasamang espiritu dahil sa kakulangan ng kanilang pananampalataya. Hinikayat niya ang lahat na magsimba at magdasal kasabay ng pagpapa-alala sa mga nagpapamisa na dumalo rin sa simbahan.

Ibinahagi niyang dapat gawing inpirasyon ng mga Katoliko ang mga naging magagandang karanasan ng mga santo. Gawin din anyang sagrado ang sementeryo at ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga yumao na. Wala naman anyang masama sa pagtitirik ng kandila dahil ito ay nagpapakita ng pagmamahal sa mga yumao sa buhay.

Samantala, nakatakdang umano silang magdaos ng misa sa mga sementeryo sa Martes at Miyerkules, at maging sa Kalibo Cathedral.

Lalakeng minolestiya umano ang pamangkin ng amo, arestado!

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Inaresto ng pulisya ang isang 58-anyos na lalaki kahapon matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa isang 30-anyos na babae na pamangkin ng kanyang amo.

Mag-a-alas-10:00 raw ng gabi nang pumunta ang suspek sa bahay ng kanyang amo para kunin ang bike na naiwan roon.

Nadatnan raw nito sa bahay ang biktima na walang kasama dahil sa kabilang kubo malapit din sa bahay natulog ang tiyahin nito.

Pumasok roon ang suspek dahil sinabi ng babae na wala ang tiyahin nito kaya pwede silang mag-usap roon.

Habang nasa kabilang kubo naman ang tiyahin ng babae ay nagmamasid pala ito kaya napanasin nito na matagal sa loob ng kusina ang suspek kaya pumasok ito roon at doon na nito naabutan na walang saplot ang dalawa.

Iginiit ng tiyahin na ni-rape umano ng suspek ang 30-anyos niyang pamangkin.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang ng amo.

Ayon sa kanyang pahayag, nagkasundo umano sila ng biktima at hindi nya ito pinilit. Sinabi nito sa Energy FM Kalibo, "Masiyagit ah ron imaw kun ginpilit ko," .

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa PNP station.

Lalaking nakamotor nahagip ng kasalubong na taxi, patay

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay na nang datnan ng rumespondeng pulis ang isang motorista sa Brgy. Ondoy, Ibajay matapos na mahagip ng rumaragasang taxi.

Sa imbestigasyon ng Ibajay PNP Station, mabilis raw ang takbo ng taxi kaya nahagip nito ang kasalubong na motorista.

Sa tindi ng pagkakahagip ay naputol ang kanang paa at nagkaroon din ng malaking mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng biktimang si Ricardo Miña, 34-anyos, at residente ng Brgy. Ondoy, ibajay ,Aklan.

Naisugod pa sa Ibajay District Hospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival.

Samantala sumuko namang sa pulisya ang driber ng taxi na may plate number na FWW 378 na si Rosevelt Florencio, 38-anyos, taga Brgy. Bakhaw Sur, Kalibo,Aklan.

Ayon sa imbestigador ng Ibajay Pnp na si P01 George Regalado, nasa tamang lane naman raw ang taxi nang maganap ang aksidente base raw sa mga nakasaksi.

Sa ngayon ay pinalabas na ng selda ang drayber ng taxi dahil may naganap na raw na pag-uusap sa gitna ng dalawang panig.

Korean National nilooban sa apartment sa isla ng Boracay

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isa na namang turista ang nilooban sa tinutuluyang apartment sa isla ng Boracay.

Ayon kay PO1 John Briones, desk officer ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nilooban umano ang kuwarto ng biktima na si Kim Gun O, isang turistang Korean national, at nasa legal na edad sa tinutuluyang apartment sa Brgy. Manoc-manoc sa naturang isla.

Sa inisyal na report, dakong alas-4:30 umano ng umaga nang maulinigan ng isa pang Koreano mula sa katabing kuwarto ang pagkalabog mula sa kwarto ng biktima.

Pagsilip nito ay bukas na ang kuwarto ng natutulog na biktima na dalidali niyang ginising.

Kalaunan napag-alaman nalang ng biktima na natangay na pala ng di pa nakikilalang suspek ang kanyang mamahaling cp, relo, gold bracelet, camera, Php12,000.00 at USD 1,000.00.

Ang naturang kaso ay iniimbestigahan na ng BTAC.

Dahil sa kinaing pakbet, 3 myembro ng pamilya, nabiktima ng food poisoning

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isinugod sa provincial hospital ang tatlong miyembro ng pamilya mula Brgy. Pudiot, Tangalan makaraang malason ng kinaing pakbet.

Ayon sa 56-anyos na nanay, binili niya ang lutong pakbet sa kanilang kapitbahay na siyang inulam nila sa tanghalian.

Kinagabihan ay nakaranas na ng pagkahilo, pagsusuka, at pagtatae ang kanyang 22-anyos na anak na babae. Makaraang maisugod ito sa ospital ay sumama din ang pakiramdam ng ina. Kalaunan ay isinugod rin ang kanyang 18-anyos na bunsong anak na babae dahil sa pag-sama din ng pakiramdam.

Lumabas sa resulta ng doktor na food poisoning ang nangyari sa pamilya. Ayon naman sa nanay, hindi umano nalutong mabuti ang halong karne ng pakbet na posibleng dahilan ng kanilang pagkalason.

Nagpapagaling pa sa ngayon ang tatlo sa pagamutan.