Saturday, October 15, 2016

Kalibo, Aklan muling kinilala bilang “2016 Most Business-Friendly Local Government Unit”

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Kalibo Atiatihan Town Aklan FB

Kinilala sa ikalawang pagkakataon ang Kalibo, Aklan bilang 2016 Most Business-Friendly Local Government Unit (1st-2nd class municipalities).

Ang parangal na ito ay iginawad ng Philippine Chamber of Commerce (PCCI), ang pinakamalaki at kilalang business organization sa bansa.

Ang naturang prestihiyosong parangal ay malugod na tinanggap nina Kalibo Mayor William Lachica at Kalibo Vice Mayor Madeline Regalado mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang Philippine Business Conference and Expo sa Pasay City noong Oktubre 13.

Naroon din si PCCI President George Barcelon at si Department of Finance Sec. Carlos Dominguez III para saksihan ang paggawad ng mga parangal sa mga nanalo.

Sinabi ni Mayor Lachica na bibihira para sa Kalibo ang makakuha ng ganitong pagkilala sa dalawang sunod na pagkakataon.

Nagpapakita lamang anya ang parangala na ito ng kahusayan ng mga opisyal at mga empleyado ng lokal na pamahalaan.

Ito rin umano ay magiging daan na mas marami pang mga negosyante ang mamumuhunan sa Kalibo.

Isa sa mga naging basehan ng naturang parangal ay ang matibay na implimentasyon ng anti-red tape sa munisipyo.

Matatandaan na una ng pinarangalan ng PCCI ang munisipyo sa parehong pagkilala noong 2015.

ENERGY SPECIAL REPORT: Talabahan sa New Washington, isang “booming economy” sa Aklan

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) opensnap.com

Hanap niyo ba ay "one to sawang" masasarap na talaba?

Kilala ngayon ang bayan ng New Washington, Aklan diyan. Matatagpuan ang dalawang kilometrong talabahan, o hilera ng mga nagtitinda ng mga talaba, at iba pang mga seafoods.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay
New Washington Mayor Shimonette Francisco, sinabi niyang tila mga kabuteng nagsi-sulputan ang mga ito sa tabing-dagat at provincial road.

Anya, maituturing ito na booming economy sa munisipalidad. Nagbibigay umano ito ng kabuhayan sa mga tagaroon. Nagsimula lamang anya ang mga ito sa simpleng barbeque-han, ihawan at maliliit na tindahan ng mga seafoods pero ngayon ay kapansin-pansin anya na nakaka-enggayo ang ginagawa nilang pagpapaganda ng kanilang pwesto.

Dagdag pa ng mayora, tinutulungan nilang umangat ang industriya ng talaba sa kanilang lugar. Napag-alaman na kamakailan lamang ay nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng isang consultative meeting para doon sa mga stall owners at oyster growers kung paano mai-angat ang kanilang mga negosyo.

Sa ngayon, hindi pa sila required na kumuha ng mayor’s permit. Gayunman, mahigpit naman anya ang lokal na pamahalaan sa sanitation permit, safety and security.

Dahil sa paglago ng talabahan sa lugar ay nae-engganyo na ang ilang mga negosyante sa Kalibo na magtayo ng mga restaurant sa naturang lugar.

Marami na umano ang dumarayo sa lugar at nakaplano na ang paglalagay ng street light sa lugar at ang pagkakaroon ng parking area para sa mga bisita.

ENERGY INVESTIGATIVE REPORT: Gilid ng kalsada sa Estancia, Kalibo, mistulang dumping site dahil sa tambak-tambak na basura; LGU Kalibo, inaksyunan ang problemang basura

Inaksyunan na ng LGU Kalibo ang tambak-tambak na basura sa gilid ng national highway sa Brgy. Estancia, Kalibo.

Mahigit isang linggo na raw na nakatambak ang mga basura at patuloy na nadadagdagan araw-araw kaya nagmistulang dumping site na ang lugar.

Kaninang umaga ay nagpahayag sa programang Prangkahan with Jodel Rentillo si Engr. Jessie Fegarido, MEEDO Head, na aaksyuan niya ang reklamo at ipapalinis ang lugar.

Nitong tanghali ay binalikan ng Energy FM Kalibo ang lugar at malinis na nga ito.

Una nang inireklamo at napansin ang basura sa nasabing lugar kung saan may mga karatula o reminder pa sa lugar na nakasaad na "bawal magtapon ng basura" at "ilagay sa tamang lugar ang mga basura" pero katabi naman nito ang tambak-tambak na basura.

10-anyos na bata, tinangka umanong kidnappin sa Lezo, Aklan; Lezo PNP, pinaiigting ang imbestigasyon

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Malabo pa rin para sa Lezo PNP ang motibo ng naunsiyaming pagdukot sa isang 10-anyos na batang lalaki sa Brgy. Ibao, Lezo, Aklan

Ayon kay PO2 Karen Daño ng Lezo PNP, Miyerkules ng hapon nang matanggap nila ang impormasyon na may batang nakatakas sa naka-van na mga kidnapper.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Women's and Children's Protection Desk ng Lezo PNP, pasado alas-6:00 ng umaga habang naglalakad raw papuntang paaralan ang bata ay may napansin itong isang puting van. Tinawag raw siya ng babaeng naka-b
onnet na naka-sakay dito at binigyan siya ng tinapay. Inamoy ng bata ang tinapay pero mabaho raw ito kaya ibinato pabalik sa babae.

Pagkatapos nito ay nilambat na raw siya ng mga sakay sa van at pilit na pinasasakay sa sasakyan, pero nakatakas ang bata at nakatakbo palayo hanggang sa makarating sa isang bakanteng bahay at pumasok roon saka isinara ang gate. Hindi na raw siya sinundan ng mga suspek roon.

Balak rin nilang dalhin sa mismong lugar ang bata para maituro kung saan ang eksaktong lugar na pinangyarihan, kasama na ang bahay na sinasabi nitong pinagtaguan niya.

Hindi pa man raw matukoy kung gaano ka totoo ang alegasyon ng pagdukot at motibo pero mas mabuti raw ang nag-iingat. Kaya ang bilin ng pulisya na ihatid at sunduin sa eskwelahan ang mga bata.

DILG-Aklan nanawagan sa taumbayan na mag-ingat sa mga scammer na nagpapakilalang mula sa DILG

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nanawagan si Interior and Local Government-Aklan Provincial Director John Ace Alarcon sa mga mamamayang Aklanon na mag-ingat sa mga kumakalat na pormas at text messages na nagrerecruit ng mga miyembrong aanib sa isang organisasyon at sinasabing mula ito sa tanggapan ng DILG. Maliban rito ay mayroon din umanong nagsu-solicit para sa nominasyon na i-a-appoint bilang Officer in Charge ng barangay.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Alarcon na nakumpirma nila ang balitang ito huling linggo ng Setyembre nitong taon na may mga munisipyo sa probinsiya na nagpapakalat ng ganitong gawain. Anya may mga pangalan na sila na mga itinuturong responsable sa naturang iligal na gawain. Dagdag pa ng provincial director na hanggang ngayon ay umiiral parin ang ganitong iligalidad. Humihingi umano ang mga grupong ito ng nasa P100.00 na membership fee.

Inilahad niya na nagpalabas na ng opisyal na pahayag si DILG Sec. Mike Sueno na mariing pinabubulaanan na may kaugnayan ang mga naturang organisasyon sa kanila na nagrerecruit at nagsu-solicit para sa posisyon sa punong barangay at iba pang lokal na posisyon. Hindi umano ito pinahihintulutan at iniindorso ng kanilang tanggapan. Nabatid na h
indi lamang ito nangyayari sa Aklan kundi maging sa iba pang lalawigan sa bansa.

Paliwanag ni Alarcon na kumakalat ang naturang recruitment at solicitation dahil sa ipinagpaliban na Barangay National Election. Nakatakda naman anyang mag-imbestiga ang DILG at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga mapapatunayang may pakana at gumagawa nito.

Friday, October 14, 2016

DILG-Aklan, nagbabala sa mga scammers; RE: appointment bilang barangay OIC

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nanawagan si Interior and Local Government-Aklan Provincial Director John Ace Alarcon sa mga mamamayang Aklanon na mag-ingat sa mga kumakalat na pormas at text messages na nagrerecruit ng mga miyembrong aanib sa isang organisasyon at sinasabing mula ito sa tanggapan ng DILG. Maliban rito ay mayroon din umanong nagsu-solicit para sa nominasyon na i-a-appoint bilang Officer in Charge ng barangay.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Alarcon na nakumpirma nila ang balitang ito huling linggo ng Setyembre nitong taon na may mga munisipyo sa probinsiya na nagpapakalat ng ganitong gawain. Anya may mga pangalan na sila na mga itinuturong responsable sa naturang iligal na gawain. Dagdag pa ng provincial director na hanggan
g ngayon ay umiiral pa rin ang ganitong iligalidad. Humihingi umano ang mga grupong ito ng nasa P100 na membership fee.

Inilahad niya na nagpalabas na ng opisyal na pahayag si DILG Sec. Mike Sueno na mariing pinabubulaanan na may kaugnayan ang mga naturang organisasyon sa kanila na nagrerecruit at nagsu-solicit para sa posisyon sa punong barangay at iba pang lokal na posisyon. Hindi umano ito pinahihintulutan at iniindorso ng kanilang tanggapan. Nabatid na hindi lamang ito nangyayari sa Aklan kundi maging sa iba pang lalawigan sa bansa.

Paliwanag ni Alarcon na kumakalat ang naturang recruitment at solicitation dahil sa ipinagpaliban na Barangay National Election. Nakatakda naman anyang mag-imbestiga ang DILG at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga mapapatunayang may pakana at gumagawa nito.

Kalibo Pastrana Park, gagawing free WiFi zone

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Mae-enjoy na ng mga tumatambay at gumagala sa Pastrana Park dito sa bayan ng Kalibo ang free public WiFi.

Ito ay matapos aprubahan kanina sa regular session ng Sangguniang Bayan ang resolusyon na inihain ni Kalibo SB Member Juris Sucro na humihiling sa alkalde na gawing free WiFi zone ang nasabing lugar.

Matatandaan na una nang isinusulong ni Sucro sa konseho ang paglalagay ng free WiFi sa Magsaysay Park. Pero ang parehong resolusyon ay na-amyendahan kanina sa Sanggunian matapos makipagkasundo sa break ng regular sesyon ang mga miyembro ng konseho at Information Technology personnels ng munisipyo na sa Pastrana na
lang ilalagay ang free WiFi.

Isa sa mga tinukoy na dahilan ay ang posibleng pagkaantala ng trabaho ng ilang empleyado ng munispyo kung mayroong free WiFi. Nasa Magsasay Park kasi ang munispyo.

Bago paman ang pag-amyenda rito, humarap muna sa sanggunian ang kinatawan ng isang internet provider na posibleng ikokontrata ng lokal na pamahalaan sa proyektong ito. Anya maaring makaacess sa WiFi ang nasa 250 hanggang 300 tao ng sabay-sabay. Sasalain naman umano nila ang mga pornographic sites.

Ayon kay Herminio Yatar Jr. ng F1 Solution na nasa P77,000.00 ang posibleng magastos ng pamahalaan para sa installment ng WiFi. Liban rito ay magbabayad ng mahigit P1,500.00 ang LGU bawat buwan para sa internet connection.

Posible pa rin naman umanong idaan sa bidding ang proyekto. Sinabi ni SB Daisy Briones na doon sa mas mura sila kokontrata.

ENERGY SPECIAL REPORT: Automatic egg incubator, inimbento ng isang Aklanon

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isang fully automatic egg incubator ang naimbento ng isang Aklanon. Ito marahil ang kauna-unahan sa lalawigan na likha ng isang Aklanon at tunay na maipagmamalaki. Ang imbentor nito ay si Jmil Rowen Beltran, 37-anyos, ng Estancia, Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, inimbento umano niya ang nasabing incubator para magbigay ng convenience para sa mga gusto magpasisiw ng mga itlog kagaya ng pato, manok, pugo. Si Beltran ay dating negosyante at nag-aalaga ng mga manok, pato, at pugo. Dahil rito, kinailangan niyang gumawa ng isang incubator para mas mapadali ang produksiyon ng mga alagang hayop.

Natigil ang kanyang negosyo nang dumaan ang bagyong Yolanda. Kalaunan ay naisipan niya na gumawa ng isang compact, at automated egg incubator. Ang likha niya ay may laking 3x5 feet at pwede sa loob at labas ng bahay na parang appliance o agricultural tool lamang ang itsura. At dahil automated, may digital LCD display para makita ang temperature at humidity.

Mayroon din itong quick-response sensor-based temperature monitoring at kontrol na temperature sa loob na nasa 37 degree celsius. Atomatiko rin nitong binabaligtad ang itlog upang iwas abala sa may-ari hindi kagaya ng analog o mano-manong incubator.

Anya dalawang buwan niyang pinaghirapang gawin ang naturang imbensiyon dahil sa kakulangan ng pondo at mag-isa lamang niyang natapos. Tumanggi naman itong ipaalam kung ilan ang kabuuang gastos niya pero kung sakaling maibenta umano ito ay maaring magkahalaga ng nasa P15-18,000.

Pinaplano niya ngayong iprisenta ang naturang imbensiyon sa Department of Science and Technology para makatulong na maipalam sa taumbayan ang likhang ito at kung paano ito maaring makatulong sa kanila lalo na sa mga magsasaka at negosyante.

Top 1 Most Wanted sa Batan sa kasong rape, arestado sa Kalibo

ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Naaresto ang number 1 Most Wanted Person sa bayan ng Batan, Aklan, ala-una pasado ng hapon kahapon.

Batay sa ulat na natanggap ng Energy FM Kalibo mula kay SPO1 Nida Gregas, PIO ng Aklan Provincial Police Office, kinilala ang suspek na si Elpidio Agana y Bacalangco, 42-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Ambolong, Batan, Aklan.

Nadakip ang suspek sa Oyo Torong St., Brgy Poblacion, Kalibo Aklan sa bisa ng warrant of arrest na may Criminal Case No. 11299 sa kasong rape.

Ang warrant of arrest ay pirmado ni Hon. Bienvenido P. Barrios, Presiding Judge Branch 3, RTC6 Kalibo, Aklan.

Ang nabanggit na kaso ay walang piyansa o bail bond.

Nasa kustodiya na ng Batan MPS ang suspek.

Tindero arestado sa pagtutulak ng droga sa isla ng Boracay

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang 33-anyos na tindero sa isinagawang buy bust operation alas-8:00 ng gabi kagabi sa So. Bantud, Brgy. Manocmanoc, Isla ng Boracay. Ito ang ikatlo sa mga naaresto ng kapulisan sa probinsiya ng Aklan k
ahapon sa kasong pagtutulak ng droga.

Kinilala sa report ng pulisya ang suspek na si Steve Bonza y Estorninos alias "Budik", tubo ng Negros Occidental at kasalukuyang nakatira sa lugar kung saan ito naaresto.

Naaktuhan siya ng mga otoridad na nagbebenta ng isang sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng P1,100.00 buy bust money. Maliban rito ay narekober din sa kanya ang isa pang sachet na naglalaman ng parehong sangkap.

Ang naturang suspek ay pansamantalang ikinulong sa Boracay PNP station habang inaayos ang kasong isasampa sa kanya partikular ang paglabag sa RA 9165.

Matatandaan na sa parehong araw, naaresto din ang dalawa pa sa mga bayan ng Banga at Kalibo bilang bahagi ng malawakang pinatutupad na PNP Project Double Barrel.

Emergency medical services simulation drill, isasagawa ng PDRRMO Aklan at DOH 6

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Upang masubukan ang kapasidad at abilidad ng iba’t-ibang ahensya sa probinsya pagdating sa emergency dispatch, responde at pag-aalaga sa pasyente, patient transport, at inter-facility ay magsasagawa ng isang simulation drill ang ilang mga organisasyon sa probinsya ng Aklan sa susunod na linggo.

Sa komunikasyon na ipinadala ni Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) 4 Galo Ibardolaza, ang isasagawang multi-sectoral pre-hospital emergency medical services simulation drill ay isasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Aklan (PDRRMO) Aklan kasama na ang Department of Health (DOH) Region 6 sa pamamagitan ng kanilang Violence and Injury Prevention Program (VIPP).

Sa nasabing simulation drill ay gagayahin ang scenario kung saan magkaakroon ng aksidente sa kakalsadahan na may kasamang pagsabog at sunog.

Ito ay isasagawa sa darating na Oktubre 21 2016, bandang alas-9:00 umaga, sa circumferential road sa Sitio Tigao, Poblacion, Makato, Aklan.


Sa lumabas na mga datos, ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga indibidwal sa pagitan ng edad kinse hanggang disinuebe ay mga pinsalang natatamo sa mga kakalsadahan. Ito rin ay itinuturing na pangatlo sa mga pangunahing rason ng kamatayan sa buong mundo. Sa regional level naman, ang mga pinsala at aksidente naman ang pang-pitong rason ng kamatayan ng mga indibidwal.

Thursday, October 13, 2016

Aklan Vice Gov. Quimpo, inilatag ang nagawa sa 100 days sa puwesto; electronic session, ipapatupad

NINA DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Progresibo at transparent.

Ito ang paglalarawan ni Vice Governor Reynaldo Quimpo sa kanyang pamamahala sa nakalipas na unang 100 days bilang elected officials ng probinsya ng Aklan.

Sa ekslusibong panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Quimpo na bilang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan simula nang maupo siya noong Hunyo 30 2016 ay nakapagsagawa sila ng 12 sesyon, 73 committee hearings, at isang public hearing.

Sa loob rin ng 100 days ay nakapag-pasa sila ng 109 resolutions, anim na special ordinances, tatlong appropriation ordinances, at isang general ordinance.

Bagaman baguhan siya at ang tatlong miyembro ng Sanggunian ay mahuhusay naman anya sila.

Nakatakda na rin sa gawain ng Sanggunian ang pagbusisi sa mga dating ordinansa at pagsasagawa ng codification sa mga magkakahalintulad na mga ordenansa na matatapos umano mga Hunyo 2017. Uusisain rin niya kasama ang mga konsehal sa pagpapatibay ng mga nasabing ordenansa.

Samantala, pinag-aaralan na ngayon ng konseho ang pagkakaroon ng isang paperless o electronic session para mapabilis ang komunikasyon. Hindi naman anya mahihirapan ang mga miyembro dahil lahat ay gumagamit naman ng bagong teknolohiya.

Kailangan umano ito para kapag nabuksan na ang ginagawa ngayong legislative building bago magtapos ang taon ay maipatupad na ang electronic session.

70-anyos na lolo kalaboso matapos hipuan ang 9-anyos na batang babae sa Aklan

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isang 70-anyos na lolo ang inaresto ng Kalibo PNP matapos hipuan sa maselang bahagi ng katawan ang isang 9-anyos na batang babae.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, bumibili raw sa sari-sari store ang bata nang bigla na lang hinawakan ng suspek ang pribadong parte ng katawan nito.

Sa takot ay tumakbo pabalik sa kanilang tahanan ang bata at nagsumbong sa nanay.

Tumawag sila sa Kalibo PNP, at mabilis na nakaresponde sa lugar ang mga pulis.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, inamin ng lolo na nahawakan nito ang pribadong bahagi ng katawan ng bata pero biro lamang raw ito para sa kanya.

Pero giit ng bata, matapos hipuin ng suspek ang maselang bahagi ng kanyang katawan ay nagsabi pa raw ang suspek na bibigyan sya nito ng limang piso na siya namang itinanggi ng suspek.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pag-uusap ng dalawang panig sa loob ng opisina ng Women and Children's Police Desk Section ng Kalibo PNP.

Hotel sa Kalibo, pinasok at pinagnakawan ng minor de edad

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinasok ng isang 13-anyos na lalaki ang isang hotel sa Cardinal Sin Avenue, Kalibo, Aklan.

Makailang ulit na raw pumasok at nagnakaw ang suspek pero mailap raw ito.

Inamin naman ng minor de edad na suspek na may kasama pa ito na dalawang lalaki na agad tumakas matapos makitang nahuli siya ng mga guwardiya.

Mga construction materials ang ninanakaw ng suspek sa hotel at ikatlong beses na raw nila itong ginawa.

Pabalik-balik na rin sa Kalibo PNP Station ang 13-anyos na suspek dahil nasangkot na rin ito sa pagnanakaw ng pera at cellphone.

Dalawa arestado sa magkahiwalay na drug buy bust operation sa Aklan

NINA ARCHIE HILARIO AT DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dalawang lalake ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na drug buy bust operation na isinagawa ngayon araw sa Aklan.

Kaninang umaga naaresto ng operatiba sa Poblacion, Kalibo si Roderick Pelayo, 33-anyos, residente ng Brgy. Poblacion, Buruanga. Nakuha sa suspek ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng buy bust money na P1,000.00.

Nabatid na isang high-value target ang nasabing lalake at una ng nagsurender sa mga kapulisan sa kasagsagan ng Oplan Tokhang.

Samantala, arestado rin kaninang hapon sa Poblacion, Banga ang isang lalake na kinilalang si Reynante Yu, 27-anyos, residente ng Mabilo, New Washington.

Nasawata sa operasyon ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at P2,000.00 na buy bust money.

Parehong nakakulong ngayon ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Mariin namang itinatanggi ng dalawa na tulak sila ng droga.

Mister sa Banga, Aklan, naglaslas at nagsaksak ng sarili

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Naglaslas ng pulso sa kaliwang kamay at nagsaksak pa ng makatlong beses sa tiyan ang isang 41-anyos na mister sa Brgy. Mangan, Banga, Aklan ngayong hapon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa kapatid na babae ng biktima, humingi umano ng kutsilyo ang lalaki sa kanya upang ipanghati ng dahon ng saging na ilalapat sa kanyang likuran. Iniinda kasi ng mister ang kanyang arthritis at nakahiga lamang.

Inabutan siya ng kutsilyo ng kanyang kapatid sa kabila ng pagdududa na mayroon itong masamang balak. Dahil sa kanyang kutob ay hiniling ng kapatid ng biktima na ibalik ang kutsilyo pero binalaan siya nitong sasaksakin. Sa takot ay dalidaling lumabas ng bahay ang kapatid ng biktima upang makahingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Pagbalik niya ay nagulat na lang ito na naliligo na sa sariling dugo ang biktima. Napag-alamang naglaslas at nagsaksak ng sarili ang biktima.

Nabatid na hiwalay na sa kanyang asawa ang lalake at kamakailan lang ay namatay ang kanilang tatlong taong gulang na bata at may dalawang anak na special child.

Nagpapagaling ngayon sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang naturang biktima.

Guwardiya arestado sa pagdadala ng baril at pagwawala sa kapistahan sa Nabas

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Inaresto ng mga rumespondeng pulis ang isang guwardiya matapos manuntok ng kapwa guwardiya at magwawala sa bahay ng biktima sa kasagsagan ng kapistahan sa Brgy. Unidos, Nabas, Aklan nitong araw ng Linggo.

Kinilala ang naaresto na si Ramil Mondoy, 36-anyos, residente ng Toledo, Nabas.

Napag-alaman sa report ng pulisya na nagwawala umano ang lasing na suspek sa bahay ng kanyang katrabahong guwardiya na si Jhonnel Mariano, 22, dakong alas-6:00 ng hapon.

Dahil rito ay pinauuwi siya ng biktima na umuwi sa kanilang bahay pero sinuntok nito ang kapwa guwardiya at nagtangka umanong bumunot ng baril. Agad na nakahingi ng tulong ang biktima sa kanyang ama at napigilan ang suspek sa kaniyang balak.

Nakahingi naman ng tulong ang pamilya sa pulisya at narekober ng mga awtoridad ang .45 kalibre na may lamang anim na live ammunition.

Nakapiit na ngayon ang suspek sa Aklan Rehabilitation Center matapos sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at may P80,000.00 na itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Lalaki arestado sa pagnanakaw ng baka sa Batan, Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang 25-anyos na mister matapos mapag-alamang nagnakaw ng alagang baka sa So. Sinalay, Man-up, Batan kahapon ng hapon sa kanilang residensiya.

Sa report ng Batan Police Station, nakilala ang naaresto na si RJ Villaruel.

Naaresto siya ng pinagsanib pwersa ng Batan PNP, Highway Patrol Group at Crime and Detection Group sa pamamagitan ng bisa ng warrant of arrest na inilabas at nilagdaan ni Presiding Judge Elmo Del Rosario, Regional Trial Court, 6th Judicial Region, Branch 5.

Inilabas ang warrant laban sa kanya Setyembre 26 nitong taon sa kasong "Anti-Cattle Rustling Law of 1974". Itinakda ng P36,000.00 na piyensa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang nasabing akusado ay pansamantalang ikinulong sa Batan PNP station.

Wednesday, October 12, 2016

Mga importanteng lokal na ordinansa ng munisipyo, ipapaskil sa mga matataong lugar sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Mababasa na ng mga Kalibonhon ang mga importanteng lokal na ordinansa sa bayan ng Kalibo.

Sa inaprubahang Resolution No. 063 na isinulong ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Cynthia Dela Cruz, ipamimigay at ipapaskil sa pamamagitan ng mga tarpaulins ang mga lokal na ordinansa ng munispalidad para sa kaalaman at gabay ng mga mamamayan.

Ayon kay Dela Cruz, ang laman ng mga informative tarpaulins ay ang mga mapag-uusapan at maaaprubahang ordinansa sa regular na sesyon ng SB Kalibo sa loob ng isang buwan.

Isusumite ng committee on laws ang mga proposals at disenyo ng tarpaulin na gagmitin habang ang information department kasama ang technology unit ang magsasagawa ng production at kapag natapos na ay ipapaskil na ito ng engineering department.

Inaasahang makikita ang mga nasabing informative tarpaulins sa Kalibo Municipal Area, Kalibo Pastrana Park, Magsaysay Park, Kalibo Public Market, Kalibo International Airport area, sa mga terminal ng bus at jeep, sa lahat ng pampublikong paaralan at barangay halls na sakop ng Kalibo, Kalibo PNP Station, boundary areas ng Kalibo, at sa iba pang mga lugar na mapipili ng SB Kalibo.

Lolo sa Kalibo, arestado matapos magnakaw ng panabong na manok

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang lolo sa Brgy. Caano, Kalibo matapos magnakaw ng isang pansabong na manok.

Kinilala ang suspek na si Jaime Aurelio y Gaspar, 78 anyos, at taga Sitio Ob-ob, Brgy. Linabuan Norte, Kalibo, Aklan.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, tumawag sa kanilang himpilan ang may-ari ng pansabong na manok at sinabi nito na nahuli nila sa aktong kinukuha ng suspek ang alagang manok.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis at nadatnan roon ang naka-posas na suspek.

Tatakas pa sana ang suspek pero inabutan raw ito ng mga Kalibo Auxillary Police na nagsasagawa ng check point operation sa nasabing lugar.

Sa kasalukuyan ay temporaryong nasa kustodiya ng Kalibo PNP ang nasabing suspek.

92-anyos na lolo, binaril ng pinsang 85-anyos na pinsan sa Libacao, Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binaril ang isang 92-anyos na lolo ng kanyang 85-anyos na pinsan sa bayan ng Libacao kahapon.

Ayon kay investigator PO2 Mayor ng Libacao PNP station, naganap umano ang insidente ng pamamaril alas-6:30 ng hapon nitong Lunes sa Brgy. Dalagsaan, Libacao.

Napag-alamang binaril at nadaplisan sa kanyang dibdib ang biktimang si Jaime Española, residente ng nabanggit na lugar. Itinuturong suspek ay ang kanyang pinsa at kapitbahay na si Raymund Culas.

Nakarating sa pulisya ang report matapos ipinaabot sa kanila ng isang tauhan ng Libacao Community Health Unit na mayroong biktima ng pamamaril na sumailalim sa medikasyon isang araw matapos ang insidente.

Dakong alas-5:00 ng hapon kahapon ay boluntaryong sumuko sa Libacao PNP station ang suspek. Nakakulong na ngayon ang suspek at posibleng maharap sa kaukulang kaso.

Samantala, iniimbestigahan pa ang motibo sa naturang insidente. Hindi naman mahingan ng malinaw na pahayag ang lolong suspek dahil bingi ito. Ayon sa imbestigador ay posible umano na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mag-pinsan dahil sa kapansanan ng suspek na nagdulot ng kanyang galit.

Nabatid na isang home-made shotgun ang ginamit sa pamamaril.

Bagong silang na sanggol sa San Jose, Antique, itinapon sa creek, patay!

ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay na nang matagpuan ang isang kakasilang lang na sanggol sa Brgy. Funda Landing, San Jose, Antique.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng PNP Region 6, nakita ang patay na sanggol sa isang creek o kanal sa nabanggit na barangay.

Paniwala ng PNP, kakasilang pa lamang ang sanggol nang itapon ito roon ng sariling ina.

Agad namang dinala ng PNP ang bangkay sa EMS Funeral Service sa nabanggit na bayan.

Mga requirements para sa pagtatayo ng sabungan sa Kalibo, binusisi sa committee hearing

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binusisi sa isinagawang committee hearing kahapon ang aplikasyon ng isang G. Garcia para sa pagkuha ng lisensiya o prangkisa upang makapagtayo at makapag-operate ng sabungan sa Brgy. Tigayon, Kalibo.

Pinag-usapan ng komitiba kung nasaan na si Garcia sa kanyang aplikasyon. Ayon kay committee chair SB Mark Ace Bautista na nakapagsumite na ito ng proof of ownership of the land, company profile and proof of financial capacity and development plan. Mayroon na rin umano itong rekomendasyon mula sa konseho ng naturang barangay para sa layuning ito.

Kulang na lang umano ng business registration mula sa kahit alin sa Department of Trade and Industry (DTI) o sa SEC at zoning clearance and building o occupancy permit. Ang mga requirements na ito ay alinsunod sa nakasaad sa Municipal Ordinance No. 2014-14.

Pangamba ng mga miyembro ng komitiba ay kung maitatayo kaagad ang istraktura kapag nabigyan na siya ng permit para dito. Ayaw kasi nilang maantala ang maaring maibigay na kabuhayan mula rito sa mga taumbayan at maging sa pamahalaang lokal.

Napagkasunduan sa komitiba na magtatakda sila ng panahon para maumpisahan at matapos kaagad ang istraktura ng sabungan ng mas maaga. Anila, ii-endorso pa nila sa plenaryo kung sang-ayon sila sa anim na buwang palugit para dito.

Samantala, hindi inaalis ng sanggunian ang mga gusto pang mag-apply ng prangkisa sa pagtatayo ng sabungan sa bayan ng Kalibo. Nakasaad sa ordinansa ng munisipyo na isang sabungan lang pwedeng itayo dito. Sa ngayon, maliban kay Garcia ay may isa pang potensiyal na nag-a-apply na makapagtayo ng sabungan sa Brgy. Tinigao.

Tuesday, October 11, 2016

Opening salvo ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan, inaabangan na

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Rommel Bangit via Flickr

Umaabot sa 42 tribo ang magsa-sadsad sa mga pangunahing kakalsadahan sa bayan ng Kalibo sa Oktubre 22 sa inaabangang Tamboe Salvo, ang unang pasabog sa pagbububkas ng selebrasyon ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-atihan.

Ayon kay Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation, Inc. (KASAFI) chairman Albert Meñez, sa Oktubre 21 ay bubuksan na nila kasama ang lokal na pamahalaan ng Kalibo at probinsya ng Aklan ang taunang selebrasyon ng Mother of All Festivals.

Dito ay magpaparada ang 16 finalists ng Mutya It Kalibo Ati-Atihan 2017 pati na rin ang 31 candidates ng 2017 Miss Earth International.

Inaasahang magbibigay din ng mensahe sina Gov. Florencio Miraflores at Cong. Carlito Marquez.

Susundan ito ng pre-launch ng Kalibo Ati-Atihan Album Records at pormal na pag-aanunsyo ng pagbubukas ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival.

Sa gabi naman ng Oktubre 22 ay gaganapin ang White Party and DJ Battle sa Kalibo Magsaysay Park kung saan magpapakita ng kanilang galing ang mga disc jockeys na sina DJ Santi Santos, DJ Angel Villorente, at DJ Jeano Zamora at dadaluhan din nina MC Yang ng Manila at Naughtiee Jerry ng Iloilo.

Mayor Refol ng Altavas, sumagot sa isyu ; RE: paglabag umano sa trapiko

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

"Owa ako nag-bayolar." (Hindi ako lumabag.)

Ito ang iginiit ni Mayor Denny Refol ng Altavas, Aklan matapos siyang ipina-blotter ng mga Kalibo Auxiliary Police (KAP) sa Kalibo PNP matapos na lumabag umano sa batas trapiko at tinakasan ang naturang kaso.

Sa salaysay ni Mayor Reforl sa panayam ng Energy FM Kalibo, patungong bayan ng Kalibo ang alkalde, at nang makarating sa crossing Banga-New Washington ay naalanganin ito nang biglang nag-kulay pula ang traffic light kaya ito huminto sa kalagitnaan ng naturang kalsada.

Anya, nilapitan sila ng dalawang KAP members at hiningan ng driver's license pero sa halip ay ipinresinta nito ang kanyang opisyal na ID.
Humiling pa ito na payagang umatras muna ngunit hindi siya pinayagan nila KAP Quichie Repiedad at Elim Jaurique. Dagdag pa niya, nanatili sila sa gitna ng kalsada kahit naka-stop-and-go na ang ibang mga sasakyan.

Hiniling umano niyang ibalik ni Repiedad ang ID niya ngunit nagmatigas ito. Tumabi ito sa Jaime Cardinal Sin Ave. at pinilit na kuniha ng kanyang alalay na si Gregorio ang ID mula sa naturang KAP.

Itinanggi rin ni Refol na nagpahabol siya sa mga KAP dahil linggid umano sa kanya na sinusundan siya ng mga ito. Nagulat na lang ito nang makarating sa palengke ng Kalibo ay nilibutan na siya ng nasa 6 na auxiliary police.

Samantala, nanawagan ito sa LGU-Kalibo na maglagay ng mga kaukulang warning devices para sa mga sasakyan upang mag-alanganin ang mga motorista sa gitna sa naturang lugar. Nais rin nyang ipabusisi ang mga CCTV footage sa lugar upang mapag-aralan ng mga enforcers at opisyal ng Kalibo.

Mayor ng Altavas, Aklan tinakasan ang paglabag sa batas trapiko

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Tinakasan at hinabol pa umano ng mga Kalibo Auxiliary Police (KAP) ang sasakyan ni Mayor Denny Refol ng Altavas matapos siyang lumabag sa batas trapiko.

Sa report nina Quichie Repiedad at Elim Jaurique, parehong auxiliary police, nasa duty umano sila dakong ala-1:00 ng hapon kahapon nang kanilang namataan ang isang Ford Everest na sasakyan na lumabag sa batas trapiko na kalaunan ay napag-alamang minamaneho pala ng nasabing alkalde.

Reklamo ng mga ito, sinuway umano ni Refol ang batas trapiko na kahit na nakapula ang traffic light ay huminto ito sa gitna ng yellow box sa crossing Banga-New Washington.

Nilapitan umano ito ni Repiedad upang hingan ng driver's license subalit ID lamang ang ipinakita nito.

Bumaba pa umano ang isa sa kanyang mga alalay na nakilala lamang na isang “Gregorio” at pinagsalitaan sila ng mga hindi maganda.

Tumabi pa umano ang sasakyan sa kanto at puwersahang binawi ni “Gregorio” ang ID ng mayor. Pagkatapos ay kumaripas ng takbo ang sasakyan patungong New Washington at biglang liko sa Calachuchi road, lumiko pa sa San Lorenzo drive, at lumiko muli sa Toting Reyes hanggang huminto sila sa plengke ng Kalibo.

Sinundan pa ito ng mga Kalibo Auxillary Police members at muli umanong nagbitaw ng hindi magagandang mga pananalita si “Gregorio”. Dito ay may pumagitna na umanong isang pulis at sinabihan na mayor ng Altavas ang kanilang naka-engkwentro.

Ayon kay investigator PO3 Emil Milleondaga, ini-refer na ang naturang kaso sa munisipyo ng Kalibo para sa kaukulang disposisyon.

Lalakeng lango sa alak, arestado sa pagbibitibit ng baril sa Boracay

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakapiit na sa Aklan Rehabilitation Center ang isang 35-anyos na lalake matapos sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms.

Inaresto ng mga kapulisan si Ryan Christian Barredo, tubong Guinbaliwan, New Washington at kasalukuyang naninirahan sa isla ng Boracay, banda alas-7:00 ng gabi sa So. Tolubhan, Brgy. Manoc-manoc, Malay.

Ito ay matapos na nagkaroon umano ng kaguluhan sa pagitan nila ni Teddy Martin, residente ng naturang lugar.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nagtangkang bumunot ng baril ang suspek, subalit napigilan ito ng biktima at ng kanyang pamangkin.

Sa pagresponde ng mga kapulisan ay narekober sa lugar ang .45 caliber ng baril na may mga bala na pagmamay-ari ng naturang suspek. Agad namang inaresto si Barredo na napag-lamang lango sa alak.

Barangay Kagawad sa Numancia, arestado sa drug buy-bust operation

Arestado sa isang drug buy-bust operation ang isang barangay kagawad sa Poblacion, Numancia.

Kinilala ang suspek na si Aldin Ureta, 36-anyos, residente at barangay kagawad ng nasabing lugar.

Nakuha ang tatlong sachet mula kay Ureta na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, P700.00 na marked money at dalawa pang sachet na nakaipit sa wallet nito.

Nakakulong na ang suspek sa Numancia PNP Station.

INVESTIGATIVE REPORT: Biktima ng panggagahasa sa Jugas, New Washington, nagsalita na; 2 lalaki itinuturong suspek

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagsalita na ang 15-anyos na biktima ng umano'y panghahalay na naganap sa Brgy. Jugas, New Washington, Aklan. Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo, ikinuwento nito ang mga pangyayari.

Mag-a-alas-6:00 na ng gabi habang naglalakad pauwi ng bahay mula sa paaralan ang biktima ay hinarang umano ito ng dalawang lalaking naka-motorsiklo.

Agad raw bumababa ang backrider at pinipilit syang pasakayin sa motor pero pumalag ito.

Napansin rin ng biktima ang hawak na panyo ng isa sa mga suspek.

Tinakpan raw ng isa sa mga suspek ang mukha ng biktima gamit ang dala nitong panyo, at matapos nito ay nawalan na siya ng malay.

Madaling araw na daw nang naramdaman ng biktima na itinapon siya sa palayan, at hindi raw siya makakilos dahil tinalian ang dalawang kamay nito at binusalan pa.

Tumagal pa raw sa gilid ng palayan ang dalawang suspek at nanigarilyo pa ito roon bago umalis.

Mag-a-alas-6:00 na ng umaga nang napansin ng biktima na marami ng tao sa paligid na tinulungan siya na makawala sa pagkakagapos saka isinugod sa ospital.

Dagdag nito, kilala niya sa itsura ang dalawang suspek dahil apat na beses na raw siyang inalok ng mga ito na ihahatid siya sa kanilang bahay pero hindi pumayag ang mga kaklase at kaibigan niya dahil mukhang sabog raw ang mga ito.

Pabalik-balik din daw ang mga suspek sa kanilang baryo at sinusundan daw siya ng mga ito.

Ihinayag din ng biktima na nasa edad 30-40 taon raw ang driber ng motorsiklo, at 20-anyos pataas naman ang backrider na suspek.

Monday, October 10, 2016

Kaso ng panloloob naitala sa mga bayan ng Numancia at Banga

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa magkahiwalay na kaso ng nakawan sa mga bayan ng Numancia at Banga.

Sa bayan ng Banga, nilooban ang isang tindahan na pagmamay-ari ng biktimang si Sandra Concepcion, 63-anyos, residente ng Meren Rd., Brgy. Estancia, Kalibo.

Ayon sa report ng Banga PNP, dumating umano ang biktima kasama ang kanyang asawa at katulong sa naturang tindahan at doon ay natuklasan nilang nawawala na ang mga barya sa cashier's table. Kalaunan napag-alamang natangay rin ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang ilang pakete ng sigarilyo, tinapay, at perang tinatayang nagkakahalaga ng P5,000.00.

Nabatid na pumasok at lumabas ng tindahan ang suspek sa balustre ng tindahan tangay ang pera at mga panindang aabot ng P10, 000.00.

Sa kabilang dako, nilooban rin ang bahay na pagmamay-ari na si Joeffrey Soriano, 41-anyos, sa Brgy. Bubog, Numancia.

Sumbong ng lalake, umuwi umano ito ng bahay nang madiskubreng nawawala na ang bag ng kanyang asawa na naglalaman ng wallet at mamahaling unit ng cellphone.

Pinaniniwalaang nakapasok ang suspek sa kanilang bakuran sa pamamagitan ng pagsira ng cyclone wire na nakapalibot rito at puwersahang sinira ang screen window ng kanilang comfort room upang makapasok ng bahay.

Tinatayang mahigit sa P14,000.00 ang halaga ng mga nakuha ng di pa nkikilalang suspek.

Karambola sa Crossing Banga-New Washington: Tricycle at 2 pang sasakyan, nabangga ng wing van

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Yupi ang isang bahagi ng isang tricycle matapos masangkot sa isang karambola sa kakalsadahan kasama ang isang wing van at dalawa pang sasakyan kahapon sa pahagi ng crossing Banga-New Washington sa bayan ng Kalibo.

Sa imbestigasyon ng Traffic Section ng Kalibo PNP, galling sa bayan ng New Washington ang wing van nang mawalan ito ng preno.

Sakto naman na naka-tigil ang naunang mga sasakyan dito.

Dahil dito ay sumalpok ang wing van sa dalawang tricycle at isang kotseng nasa unahan nito.

Masuwerte naman na walang nasugatan sa nasabing karambola, samantalang yupi naman ang bubong sa taas ng driver’s seat ng isa sa mga tricycle.

Sa ngayon ay temporaryong nasa kustodiya ng Kalibo PNP ang nasabing wing van at ang napinsalang tricycle.

Nagpa-alala naman ang kapulisan sa mga drivers na mag-ingat at palaging siguraduhing maayos ang kanilang mga sasakyan lalo na ang preno nito para hindi madisgrasya.

Archbishop Gabriel M. Reyes, binigyang pugay; rebulto, itinunrn-over sa LGU Kalibo

NI DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pormal nang itinurn-over kaninang umaga ng Gabriel M. Reyes Foundation, Inc. sa lokal na pamahalaan ng Kalibo ang estatwa ni Archbishop Gabriel M. Reyes na inilagay sa Kalibo Pastrana Park.

Dinaluhan ito ng mga kasapi ng nasbaing foundation, mga malalapit na kapamilya ni Archbishop Reyes at ilang opisyal mula sa lokal na pamahalaan ng
Kalibo.

Matapos ang turn-over ay nagsagawa rin ng pagbasbas sa naturang lugar na pinangunahan ng mga pari ng Aklan Cathedral.

Nabatid na una nang inilipat ang bantayog mula sa CAP Building nitong Mayo ng kasalukuyang taon dahil ibibenta na ng may-ari ang naturang lugar.

Sinabi ni Kalibo Sangguniang Bayan Mark Quimpo sa panayam ng Energy FM Kalibo na malaking ambag ang bantayog ni Reyes sa turismo ng bayan.

Ihinayag rin nito na pagkakataon ito para sa mga kabataan na makilala ang kadakilaang pamana ni Reyes lalo na sa pananampalatayang Katoliko.

Malaki naman naman ang pasasalamat ng pamangkin ni Archbishop Reyes na si Marcela Dinagat para sa bagay na ito. Anya, labis na mapagmahal sa mga Kalibonhon at mga Aklanon ng dating arsobispo.

Si Gabriel Reyes ay isinilang noong March 24, 1892 sa bayan ng Kalibo at na-ordinahan bilang pari noong 1915 sa Iloilo. Tinawag siya kalaunan na maging kauna-unahang arsobispong Pilipino sa Cebu noong 1934 hanggang 1949.

Noong Marso 19, 1950 ay tinawag siyang maging kauna-unahang arsobispong Pilipino. Nag-lingkod rin siya ng 17 taon bilang unang pangulo ng CBCP.

Binawian ng buhay si Reyes habang nasa Estados Unidos noong October 10, 1952.