Saturday, July 01, 2017

LOKAL NA PAMAHALAAN NG KALIBO MAGLALAAN NG TULONG SA MARAWI CITY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maglalaan ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan ng Kalibo sa lokal ng Marawi City kaugnay ng nagaganap na krisis doon.

Ito ay matapos magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan dito na magbigay ng tulong lalu na sa mga kapatid na naiipit sa bakbakan sa Marawi.

Napagkasunduan sa plenaryo na ang ibibigay na tulong ay hindi bababa sa Php100 libong peso.

Sinabi ni SB Philip Kimpo Jr., ang paglaan ng ganitong uri ng tulong sa ibang lokal na pamahalaan ay magiging daan para makahingi rin ng tulong ang Kalibo sa ibang pamahalaang lokal kung kakailanganin.

Inihalimbawa naman ni SB Mark Quimpo ang tulong ng iba-ibang lokal na pamahalaan na inilaan matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Ang resolusyong ito ay inihain nina SB Cynthia  dela Cruz at Buen Joy French.

Samanatala, pag-aaralan pa ng mga lokal na mambabatas kung bibigyan rin ng tulong ang mga sundalong nakikibaka sa bakbakan sa Marawi kasunod ng mungkahi ni SB Daisy Briones.

Paliwanag ni Briones sa regular sesyon, maaaring kakailanganin ng mga sundalo ang mga gamit o kasuotan.

Thursday, June 29, 2017

EMPLEYADO NG LGU NEW WASHINGTON, ARESTADO SA PAGPAPAPUTOK NG BARIL

Arestado ang isang empleyado ng munisipyo ng New Washington matapos itong magpaputok ng baril.

Kinilala ang suspek na si Ladie Magalit, 40 anyos, residente ng brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na report, hinuli ng mga kapulisan ang suspek matapos na magpaputok ng baril sa kanilang lugar.

Naabutan pa ng mga rumespondeng pulis ang lalaki na itinapon ang kanyang ginamit na baril.

Narekober sa lugar ang isang revolver na walang serial number at limang empty fired catridges.

Nabatid na lasing ang nasabing suspek nang magawa niya ang pagpapaputok ng baril.

Ang suspek ay nasa kostudiya na ng New Washington municipal police station at posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591.

BORACAY PNP NANAWAGAN SA TAUMBAYAN KAUGNAY NG PAGPAPAKALAT NG MALING BOMB THREAT

Nagbabala ang mga kapulisan sa taumbayan sa isla ng Boracay na itigil ang pagpapakalat ng maling bomb threat.

Ang panawagang ito ng Boracay Tourists Assistance Center (BTAC) ay kasunod ng maling bomb threat sa Manocmanoc Elementary School.

Sa isang panayam sinabi ni PSInsp. Mark Gesulga, hepe ng Boracay PNP, ang pagpapakalat ng maling bomb threat ay isang criminal offense.

Paliwanag niya, nagdadala ito ng takot sa taumbayan lalu na sa panahon ngayon na laganap ang banta ng terorismo.

Binigyang diin pa ng hepe na ang pagpapakalat ng maling bomb threat, bomb scare o bomb jokes ay posibleng makaapekto sa turismo sa Boracay.

Nanawagan naman siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at ireport agad sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar.

Ipinagbabawal sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang pinagmulan ng kumulat na maling bomb threat sa Boracay kamakailan. (PNA)

MARQUEZ NAKIPAGPULONG SA MGA OPISYAL NG PNP AT DILG KAUGNAY SA SEGURIDAD SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) DILG-Aklan
Pinatawag ni Aklan Congressman Carlito Marquez ang mga opisyal ng Philippine National Police para sa isang peace and order briefing.

Kasama ni Marquez sa nasabing pagpupulong sina PNP Regional Director PCSupt. Cesar Howthorne Binag, PNP Aklan Provincial Director PSSupt. Lope Manlapaz, at Department of Interior ang Local Government (DILG) - Aklan Provincial Director John Ace Azarcon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Marquez layunin nito na masiguro ang kahandaan ng mga awtoridad sa probinsiya kasunod sa mga banta ng terorismo sa ibang lugar.

Sinabi pa ng kongresista na naka-alerto ang mga kapulisan sa mga posibleng pag-atake ng terorista sa probinsiya lalu na sa isla ng Boracay.

Paliwanag ni Marquez, nabahala umano siya dahil narin sa mga bilang ng bakwit mula sa Marawi City o sa Lanao del Sur sa narito ngayon sa Aklan.

Pinasiguro naman anya ng mga kapulisan sa kanya na sumasailalim sa profiling at imbestigasyon ng mga awtoridad. Sa ngayon anya, ang mga salta sa Aklan ay walang direktang ugnayan sa mga terorista o sa mga Maute group.

Ayon pa kay Marquez, walang dapat ikabahala ang mga Aklano pero dapat anya ay manatili paring mapagmatyag at makipagtulungan sa mga kapulisan.

Wednesday, June 28, 2017

SP SUCGANG: 'MAY HALONG PAMUMULITIKA' ANG DISMISSAL NG KASO NI SB HAZEL BAUTISTA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Naniniwala ang isang opsiyal na may halong pamumulitika ang naging desisyon ng mayorya sa dismissal ng administrative case ni New Washington Sangguniang Bayan member Hazel Bautista.

Diskuntento si Sangguniang Panlalawigan member Harry Sucgang sa naging desisyon ng plenaryo sa kaso sa nakalipas na sesyon kung saan naka-leave siya.

Nais ni Sucgang na ibalik ang nasabing ground na una nang iminungkahi ng special committee kasunod ng mabusising pag-aaral sa kaso kung saan miyembro siya.

Nanindigan ang board member na malaking puntos ito sa dismissal ng kaso kasama ang isa pang ground na application of condonition doctrine.

Nang maungkat ito sa regular sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay nagsagutan sila ng presiding officer.

Kinontra ni vice governor Reynaldo Quimpo si Sucgang na wala na siyanng magagawa dahil napagdesisyunan na ito ng mayorya at hindi na pwedeng ibalik sa komitiba taliwas sa hinihingi ng board member.

Nakatakda namang maghain ng dissenting motion si Sucgang para isasama sa naging desisyon ng plenaryo.


Si Bautista ay inireklamo ng kanyang constituent dahil sa umano’y anomaliya sa pamamahagi sa pondo na inilaan sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

PERA NA NAPULOT NG BATA SA LOOB NG MALL NAIBALIK NA SA MAY-ARI

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

(Update) Naisauli na po ng batang si Allen Ross Ramos ang perang Php9 libo na napulot nito sa loob ng World of Fun sa Gaisano mall sa Kalibo.

Ang may-ari ng pera ay kinilala sa pangalang Joey laureano na taga-brgy. Cabilawan, Madalag. 

Dahil sa labis na tuwa inimbitahan nito ang bata kasama ang tita at mga pinsan na mananghalian sa isang fastfood restaurant. 

Matapos ang pananghalian bago tuluyang maghiwa-hiwalay ay inabutan ni Joey ng pera para pambaon sa pagpasok sa school.

Ayon kay Joey hindi nito inaasahang maibabalik pa ang pera. Kaya labis itong natuwa sa kabaitan at katapatan ng bata nawa ay tularan raw ito ng karamihan.

6 ANYOS NA BATA GINAHASA NG 15 ANYOS NA KAPITBAHAY

Nakatakdang sampahan ng kasong rape ang 15-anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang 6-anyos na kapitbahay.

Ayon sa report ng pulisya, nagreklamo sa tanggapan ng Women's and Children's Protection Desk ang galit na ina ng biktima matapos mapag-alaman ang nangyari sa anak.

Naganap ang nasabing insidente kahapon ng umaga nang mag-isa ang biktima sa loob ng kanilang bahay.
Matapos maireport sa mga kapulisan ay inaresto ang CICL.

Nasa pangangalaga na ngayon ng kapulisan ang bata na isang out of school youth.

Nasaksihan ng dalawang kapitbahay ang nasabing insidente.

Pinabulaanan naman ng kapulisan na nakunan ng video ang nasabing insidente taliwas sa usap-usapan.

MGA ESTUDYANTE AT MAGULANG SA BORACAY NAGPANIC DAHIL SA UMANO’Y BOMB THREAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpanic ang mga estudyante at magulang sa Manocmanoc Elementary School sa brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay kahapon ng umaga dahil sa umano’y bomb threat sa lugar.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang makatanggap ng report ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na nagkaroon ng panic sa nasabing lugar.

Agad namang nagresponde ang mga kapulisan at nagsagawa ng imbestigasyon kasama ang bomb squad pero napag-alaman na hindi totoo ang nasabing impormasyon.

Isang misis ang inimbitahan sa tanggapan ng pulisya matapos iturong siya ang pinagmulan ng sabi-sabing bomb threat.

Mariin naman itong pinabulaanan ng misis. Nagtanong lamang umano siya sa kanyang mister kung mayroon bang bomb threat sa lugar hanggang sa maipasa ito sa iba pa.

Hindi pa ngayon malaman kung sino talaga ang pinagmulan ng nasabing maling impormasyon.

Nanawagan naman ang mga kapulisan sa taumbayan na iwasan ang pagpapasa ng mga maling impormasyon at makipagtulungan sa kanila kapag may mga kahinahinalang bagay ang mamataan sa kanilang lugar.

Tuesday, June 27, 2017

AKLAN PNP MAGSASAGAWA NG BIKE RIDE LABAN SA ILIGAL NA DROGA

Sa kabila na nakafull alert status ang mga kapulisan dahil sa banta ng terorismo, nakatutok parin ang Aklan Provincial Police Office (APPO) sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Bahagi ng kanilang awareness campaign laban sa iligal na droga, ang APPO ay magsasagawa ng bike ride sa susunod na buwan.

Ayon kay Senior Police Officer 1 Nida Gregas, APPO public information officer, ang "Sikad Kontra Droga" na gaganapin sa Hulyo 22 ay bahagi ng "Oplan Double Barrel Reloaded" ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Gregas na kasama sa nasabing aktibidad ang mga miyembro ng APPO, mga opisyal ng pamahalaan, at ilang drug surenderers sa probinsiya.

Hinikayat naman niya ang lahat ng mga Aklanon na suportahan ang nasabing aktibidad para masugpo o masawata ang iligal na droga sa Aklan.

Sinabi pa ng opisyal na ang mga police units sa probinsiya ay patuloy na nagsasagawa ng information campaign laban sa iligal na droga sa mga paaralan at maging sa komunidad. (PNA)

APAT TINANGAY NG MALAKING ALON SA BATAN, ISA PATAY, ISA NAWAWALA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 23 anyos na lalaki makaraang tangayin ng malakas na alon habang naliligo sa baybayin ng so. Punta, brgy. Mambuquioa, Batan pasado alas-6:00 ng gabi.

Maswerte namang nakaligtas ang dalawa pa. Samantalang pinaghahanap pa ang isa nilang kasama.

Ayon sa inisyal na report ng pulisya, naligo umano ang apat nang biglang humampas ang malakas na alon.

Dinala pa sa district hospital ng Altavas ang biktimang si Jayve Bolivar, residente ng nanggit na lugar, pero dineklara ring dead on arrival.

Nailigtas naman ng nagpatrolyang bangka ang dalawa na kinilalang sina Renz Nabuab y Salvador, 12-anyos, at Reniel Bolivar y Gallardo, 7, pawang mga estudyante at residente rin ng parehong lugar.

Pinaghahanap pa ngayon ng mga rescuer si Renebi Nabuab y Salvador, 13, at isa ring estudyante.

NO. 1 MOST WANTED SA BAYAN NG LEZO, ARESTADO SA LAS PIÑAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang no. 1 most wanted ng Lezo municipal police station sa kasong frustrated murder, sa Las Piñas city.

Kinilala ang nasabing akusado na si Joseph Javier, 36 anyos, tubong brgy. Bagto, Lezo at nagtratrabaho bilang security guard sa brgy. Manuyo 2, sa nabanggit na lungsod.

Pinangunahan ng CIDG-DSOU ang pag-aresto sa lalaki nitong Hunyo 14 sa bisa ng warrant of arrest.

Nilabas ang warrant laban sa lalaki Enero 2013 na nilagdaan ni presiding judge Domingo Casiple jr., RTC branch 7.

Dinala na sa Lezo PNP station ang akusado at nakatakdang dalhin sa kaukulang korte.

Php200 libo ang itinakdang pyansa ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Monday, June 26, 2017

BATA NAGSAULI NG MALAKING HALAGA NG PERA NA NAKITA SA LOOB NG MALL

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang tapat na bata ang nagsauli ng malaking halaga ng pera matapos makita at mapulot sa loob ng isang kilalang mall dito sa bayan ng Kalibo.


Siya si Allen Ross Ramos, 10 anyos, na taga-Linabuan Norte, Kalibo, na nagpakita ng katapatan.

Dakong alas-6:00 umano kahapon ng hapon kasama ng kanyang tita at pinsan nagtungo sila sa World of Fun sa Gaisano para maglaro. 

Habang nasa lugar sila isang tatay na nakaupo sa isang bangko na nagbabantay rin sa anak na naglalaro, makikita sa CCTV, na dumukot sa kanyang bulsa . Hindi nito namalayan na nahulog ang perang Php9,000 na nakatupi.

Pagkatapos umalis ang lalaki patungo sa anak na naglalaro, dumating naman si Allen Ross at kausap nito ang mga batang pinsan, doon na nakita ang pera. 

Makikita sa cctv na nagulat ang bata, pero agad na dinampot ang pera at patakbong tumungo sa cashier at isinauli ang pera.

"Ang palaging bilin ng nanay at tatay namin paghindi amin wag naming angkinin," tugon ng bata ng tanungin ng news team.

GUSALI NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, NINAKAWAN; NASA PHP50K NATANGAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ninakawan ng nasa Php50 libo halaga ng mga gamit ang gusali ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa inisyal na report ng Kalibo PNP station, dumating umano sa lugar si Michael Solano, administrative officer IV dakong alas-8:30 ng umaga at nadiskubreng nanakawan ang kanilang tanggapan.

Natangay ng di pa nakikilalang suspek ang isang yunit ng laptop  na nagkakahalaga ng mahigit Php49 libo, portable fan, mga pabango, at mga dokumento.

Pinaniniwalaang dumaan ang mga suspek sa sliding window ng nasabing gusali para makapagnakaw.

Iniimbestigahan na ng theft and robbery section ng Kalibo PNP ang nasabing insidente.

1 PATAY; 9 SUGATAN SA KARAMBOLA NG SASAKYAN SA SAN ISIDRO, IBAJAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) CTTO
Isa ang patay samantalang siyam ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng national highway sa brgy. San Isidro, Ibajay.

Kinilala ng Ibajay PNP station ang namatay na si Gelu Sumcad, 19 anyos at residente ng brgy. San Isidro driver ng motor sakay ang dalawang pasahero.

Ayon kay PO1 Jimmy Alcayde, umovertake umano si Sumcad dahilan para magkabanggaan ng kasalubong na motorsiklo na menamaneho ni Jerold Templonuevo, 32, ng Tabangka, Numancia, sakay ang tatlong pasahero.

Bumangga naman sa likod ng motorsiklo ni Templonuevo ang isa pang motor na menamaneho naman ni Joshua Castro, 18, ng Laguinbanwa, Numancia, sakay ang dalawang backrider.

Agad namang isinugod sa ospital ang mga biktima pero dineklarang dead on arrival sa Ibajay District Hospital si Sumcad matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Hinihitay pa ng mga kapulisan ang disposisyon ng mga sangkot sa nasabing aksidente.




MGA NATIONAL ISSUE PINAG-USAPAN SA MAKASAYSAYANG MEDIA FORUM SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Nida Lachica Gregas
Sumentro sa mga usaping pambansa ang mga topiko sa makasaysayang media forum sa Aklan na dinaluhan ng mga kilalang opisyal ng gobyerno.

Ang unang media forum na ito na ipinangalan sa yumaong dating kongresista ng Aklan na si Allen Quimpo ay dinaluhan ng nasa 200 katao mula sa media, estudyante, guro, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at iba pang sector.

Sa kanyang mensahe sinabi ni local government undersecretary John Castriones na ang pagresolba sa suliranin ng droga sa bansa ay trabaho ng lahat kabilang na ang mga ordinaryong tao.

Ayon kay Castriones, na simula ng maupo si pangulong Rodrigo Duterte, nasa 1.4 milyon na ang sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang. Ipinagmalaki rin niya ang pagpapatayo g mga rehabilitation center para sa mga surrenderers na ito.

Binigyag diin rin ni Castriciones na ang malaking tulong ang pederalismo sa Aklan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni tourism assistant secretary Frederick Alegre na ang Aklan ay nangunguna parin sa mga tourist destinations sa bansa at sa buong mundo.

Tinalakay naman ni dating senador Heherson Alvarez ang kahalagahan ng Paris Agreement kung saan hinikayat niya ang taumbayan na makipagtulungan para masulba ang problema sa climate change.

Ang media forum na ito ay inorganisa ng Aklan Press Club sa tulong ng iba pang organisasyon at ng lokal na pamahalaan ng Aklan. (PNA)

‘KAPAYAPAAN SA MARAWI’ PANALANGIN NG MGA MUSLIM SA AKLAN SA PAGTATAPOS NG RAMADAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kapayapaan sa Marawi. Ito ang panalangin ng mga kapatid na Muslim sa Aklan sa pagtatapos ng Ramadan o Eid al-Fit’r.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Hadji Sulay, lider ng Muslim community sa Numancia, dalangin nila na matapos na ang nagaganap na bakbakan sa Marawi sa pagitan ng mga teroristang Maute at tropa ng gobyerno.

Ayon kay Sulay, kahapon opisyal na nagtapos ang kanilang halos isang buwang pag-aayuno. 

Nabatid na nagsagawa sila ng simpleng programa kasama ang mga tauhan ng Philippine Army, Philippine National Police, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at iba pang bisita.

Patuloy anya silang nakikipagtulungan sa mga awtoridad at mga opisyal ng gobyerno para masiguro na walang makapasok na masasamang elemento sa kanilang lugar.

Napag-alaman na sa kasalukuyan, tatlong pamilya na mula Marawi o Lanao del Sur ang nagbakwit sa kanilang lugar.

Pinasiguro naman ni Sulay na minomonitor nila ang mga taong pumapasok sa kanilang komunidad at inuusisa kung may relasyon ito sa mga teroristang grupo.

Ang Muslim community sa Numancia ay isa sa may pinakamalaking bilang ng mga Muslim sa Aklan kasama ang Boracay at Kalibo.