Saturday, March 03, 2018

LALAKI SINAKSAK NG DI PA NAKIKILALANG SUSPEK SA KALIBO, AKLAN

Sugatan ang isang binatilyo matapos saksakin ng di pa nakikialalng suspek sa L.Barios St. Pob. Kalibo, Aklan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Johnric Mandajayon na taga Bulwang Numancia, Aklan.

Naganap ang insidente bandang alas-3:00 ng umaga.

Kasama daw ng biktima ang dalawa nitong kaibigan sakay ng motorsiklo at tumungo sila sa isang sari-sari store sa Kalibo para bumili ng sigarilyo.

Pagbaba nila ng motor sinalubong agad sila ng di pa nakikilalang suspek sabay saksak sa biktima na tinamaan sa kaliwang bahagi ng katawan.

Patuloy na ginagamot sa Provincial Hospital ang biktima. Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Pulisya.

DALAWA PATAY MATAPOS PAGBABARILIN SA ISLA NG BORACAY

Patay ang dalawang lalaki sa Isla ng Boracay matapos silang pagbabarilin Byernes ng hating gabi sa Sitio Pinaungon, Brgy. Balabag.

Kinilala sa report ng pulisya ang mga biktima na sina Melchor Almeria at Samuel Moral, pawang nagtratrabaho sa Isla at tubong Iloilo.

Ayon sa inisyal na report ng Boracay Tourist Assistance Center, tatlong hindi pa nakikilalang mga lalaki ang nakitang responsable sa pamamaril sa mga biktima.

Ayon sa waitress, nagkainitan umano ang mga biktima at dalawa pa nilang mga kasama at ang mga suspek dahil lamang sa nakaharang na sasakyan sa kalsada.

Maya-maya pa ay sunod-sunod na putok na ng baril ang narinig at nakita na lamang na nakabulagta na sa kalsada ang dalawang biktima.

Hinabol pa ng tatlong mga naka-off duty na pulis ang mga suspek pero mabilis itong nakalayo sa lugar.

Dinala pa sa magkahiwalay na pagamutan ang mga biktima pero hindi na umabot ng buhay si Moral samantalang binawian rin agad ng buhay si Almeria habang ginagamot.

Nagtamo ang dalawa ng multiple wounds dahilan ng kanilang pagkamatay.

Pinaniniwalaang caliber 12 shotgun ang ginamit sa pamamaril base narin sa mga ebesensyang narekober sa lugar.

Inaalam pa ngayon ng mga kapulisan ang motibo sa likod ng krimen at pagkakakilalan ng mga suspek.

DENR AT PAMAHALAANG LOKAL NG MALAY NAGISA SA SENADO DAHIL SA MGA ENVIRONMENTAL ISSUE NA KINAKAHARAP NG BORACAY

BORACAY, AKLAN - Ginisa sa pagdinig ng senado ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at ang pamahalaang lokal dahil sa mga environmental issue na kinakaharap ng Boracay.

Kinuwestiyon ng mga senador ang ulat ni DENR Sec. Roy Cimatu na mula siyam ay apat nalang ang natitirang wetland sa isla.

Iginiit ni senadora Loren Legarda sa mga opisyal ng kagawaran kung anong mga malalaking establisyemento ang naitayo sa mga wetland maliban sa mga maliliit na bahay at kung paano nakalusot ang mga ito.

"Hindi ito mangyayari kung hindi binigyan ng suporta o kapabayaan ng DENR... Paano makakarating ang plywood at pako kung 'di pinayagan ng lokal na pamahalaan?" ani Legarda.

Depensa ni DENR 6 regional director Jim Sampulna, isa sa mga dahilan ang pag-alis ng CENRO sa isla noong 2013 dahil sa rationalization at dahil narin sa wala umanong Environmental Management Bureau na nakabase dito.

Sinabi rin niya na noon ay sinubukan na niyang panagutin ang mga lumabag gayunman ay sadyang matitigas umano ang kanilang mga ulo at ang iba ay may apela na sa korte. Aminado siya na may kakulangan rin sa kanilang parte.

Isinisisi naman ng taga-DENR ang problemang ito sa LGU sa pagbibigay ng permit. Kung ang LGU naman ang tatanungin, isinisisi naman nila ito sa DENR.

Ilan sa pinangalanan ng taga-DENR na malalaking establisyemento na nakatirik ngayon sa wetland ay ang Seven Seas sa Brgy. Yapak na kasalukuyan pang itinatayo, bahagi ng D’Mall sa Brgy. Balabag, at King Fisher’s Farm. Ang buong listahan ay isusumite palang ng kagawaran sa senado.

Nabanggit rin ni dating gobernador at ngayon ay Congressman ng Aklan Carlito Marquez na ang Crown Regency sa Balabag ay nakatirik sa wetland pero legal na umano ito nang manalo sa korte ang kaso laban sa DENR dahil sa teknekalidad.

Kaugnay rito, ipapasumite rin ng senado ang mga listahan ng dating mga opisyal ng DENR, ng pamahalaang lokal ng Malay, at ng mga punong barangay sa isla para sa imbestigasyon. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Friday, March 02, 2018

MGA PASAWAY NA MGA ESTABLISYEMENTO IPINAPASARA NI SENADORA VILLAR PERO HINDI ANG BUONG BORACAY

BORACAY, AKLAN - Hindi payag si Senadora Cynthia Villar na isara ang Isla ng Boracay para sa ilang buwan. Ito ang pahayag niya sa isang media interview umaga ng Biyernes.

Naniniwala ang opisyal na siya ring chairperson ng committee on environment na kaya namang linisin ang top island destination nang hindi isinasara.

Ang senadora ay nagsagawa ng okular inspeksyon sa isla at pagkatapos ay pinangunahan ang joint committee hearing ng senado hinggil sa isyung kinakaharap nito.

Samantala sa pagdinig, iminungkahi ni Villar sa DENR na ipasara lamang ang mga establisyementong lumabag sa batas at panatilihin ang mga sumusunod.

Matatandaan na una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na kung hindi malilinis ang isla sa loob na anim na buwan ay ipasasara niya ito. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

PULIS SA AKLAN, PINABULAANAN NA ANG PAGKAKADISMISS AY DAHIL SA KATIWALIAN O DROGA

Aklanon na pulis na nadismiss sa serbisyo nagbigay pahayag sa pamamagitan ng facebook account ng Makato PNP Station.

Sa fb post ipinaliwanag ni SPO3 Ritzie Ruiz na hindi katiwalian o may kaugnayan sa droga ang dahilan ng pagkakadismiss sa kanya.

Basahin ang buong pahayag (inayos ang mga spelling, bantas ng orihinal na post para mabasa ng mabuti):

"Gusto ko lang pong ipaalam na ang balita tungkol sa pagka-dismiss sa akin ay hindi po sa mga sinasabing katiwalian o job related na kaso... Ito po ay dati pang hidwaan gawa ng sarili naming pamilya - sarili kong tiyahin at tiyohin na kapatid ng aking yumaong ama. Taliwas po sa iniisip ng karamihan na ito'y sa mga anomaliya lalo na sa drugs dahil ako po mismo ang nagsusulong para sa campaign against illegal drugs sa bayan ng Makato. Kaylan man po ay di ako nasangkot sa iligal na aktibidadl... Magpapatunay nyan ay mismong mga taong naging kasama ko sa araw-araw, sa mga katrabaho, Makato PS Tagasalbar, at mismo ang taga-bayan ng Makato na kung saan ako assign...marami pong salamat.... "

Si Ruiz ay hepe ng community relation ng nasabing PNP station.

Samantala isang panayam kay PSupt. Gilbert Gorero, bagaman may desisyon na ang National Police Comission sa kaso ni Ruiz, wala pa umano silang natatanggap na dismissal order laban sa kanya.

Kaugnay rito, kinumpirma ni Gorero na mananatili sa serbisyo ang pulis at may pagkakataon parin na iapela ang kaso sa korte.

Thursday, March 01, 2018

ISYU SA BORACAY DIRINGIN NG SENADO

Darating sa Boracay ang ilang senador para magsagawa ng joint committee hearing ukol sa suliraning kinakaharap ng isla.

Gaganapin ito sa isang resort sa station 3, ala-1:00 ng hapon bukas, Biyernes, Marso 2.

Dadaluhan ito ng mga lokal at nasyonal media para sa coverage.

Bago ang pagdinig sa hapon ay maglilibot muna sa isla ang mga opisyal para mag-inspeksyon.

Ilan pang opisyal o kinatawan ng mga kagawaran ng gobyerno kagaya ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Tourism, at Department of Interior and Local Government ang darating din sa isla kaugnay rito.

Samantala, nagpaplano ngayon ang ilang residente at mga negosyante sa isla na magsagawa ng isang silent protest para magpaabot ng kanilang mga hinaing.

Mahigpit naman ang ginagawang siguridad sa isla.

19,000 MANGGAGAWA MAAAPEKTUHAN KAPAG IPINASARA ANG BORACAY

Nanawagan ang labor groups na ipagpaliban muna ang planong pagpapasara sa Boracay sa gitna ng paglilinis sa isla.

Ipinahayag ni Wennie Sancho, Secretary General ng General Alliance of Workers Association (GAWA) na bumabalangkas ang kanilang grupo ng resolusyon para iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang sentimyento.

Ipinangangamba ni Sancho ang kahihinatnan ng mga manggagawang maapektuhan nito.

Aniya, baka magkaroon ng job displacement at economic dislocation, o mawalang ng trabaho ang mga manggagawa.

Sa kanilang tala, posibleng maapektuhan ng planong pagpapasara sa isla ang 19,000 manggagawa. 17,735 sa mga ito ang registered workers, habang ang nalalabi ay nasa informal sector, gaya ng transportasyon at maliliit na negosyante.

Suportado rin ng Philippine Agricultural, Commercial, Industrial Workers Union-Trade Union Congress of the Philippines at ibang labor leaders sa Western Visayas ang panawagan ng Gawa.

Ayon kay Sancho, makikipag-ugnayan din sila sa local government units sa rehiyon para talakayin kung ilang manggagawa ang maaari nilang i-absorb sakaling i-layoff ng employers ang mga manggagawa sa Boracay.

Una nang nagbabala si Duterte na ipasasara ang tanyag na tourist spot na Boracay kung hindi matutugunan ang suliranin pangkalikasan nito sa loob ng anim na buwan. - Radyo INQUIRER

Wednesday, February 28, 2018

BAHAY SA NEW WASHINGTON NASUNOG

Nasunog ang bahagi ng bahay na ito sa boundary ng Brgy. Polo-Cawayan, New Washington ngayong gabi.

Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ni Geraldine Francisco Oliveros.

Salaysay niya, nakipanood umano sila ng TV sa kapitbahay ilang metro ang layo nang masunog ang kanilang bahay.

Paniwala niya, naiwang baga sa kanilang kalan ang sanhi ng sunog.

Naagapan naman agad ito matapos pagtulungan ng pamilya at ng mga kapitbahay na apulahin ang apoy.
Nasunog ang kanilang kusina na gawa sa mga light materials.

Samantala, simula bukas, Marso 1 ay ipagdiriwang ang National Fire Prevention Month.

ANG BORACAY NOON (1990s)

Ang layo na ng Boracay ngayon sa itsura nito noong 1990's base sa mga nakolekta naming larawan (photos credit to owner/s). 

Kumpara ngayon na ang makikita mo ay mga naglalakihan at nagtataasang mga gusali, ang kapaligiran ng Boracay noon ay hitik sa matatayog at luntiang mga puno. 

Kay sarap isipin na kalabaw pa lang ang sinasakyan noon ng mga tao dito pero ngayon, kaliwa't kanan na ang mga sasakyan sa kalsada. 

Ang Boracay noon ay tahimik, malinis ang tubig at sariwa ang hangin; ngayon, nariyan na halos lahat ng polusyon - polusyon sa ingay, tubig, at hangin. 

Let us help preserving this premier island destinations sa buong mundo.






NASA 2,000 HINDI DOKUMENTADONG DAYUHAN SA AKLAN IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Nakatakdang imbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga hindi dokumetadong dayuhan na nasa probinsiya ng Aklan lalu na sa isla ng Boracay.

Sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SP member Nemisio Neron na base sa kanyang impormasyon ay tinatayang 2,000 mga dayuhan ang iligal na naninirahan sa probinsiya.

Naniniwala ang opisyal na nakakabahala ang bilang na ito kapag napatunayan. Ito rin umano ang isa sa mga dahilan ng pagiging over-populated ng Boracay at iba pang suliraning kinakaharap ng isla.

Ayon pa kay Neron, karamihan umano sa mga ito ay mga Chinese at Korean na nagtratrabaho o nagmamay-ari ng mga resort at mga restaurant sa top island destination.

Mahirap din anya na matukoy ang mga dayuhang ito kapag nakagawa sila ng mga paglabag sa isla.  Mahaharap din umano ang mga ito sa paglabag sa immigration act ng bansa.

Naniniwala ang opisyal na napapanahon ang isyung ito dahil narin sa ginagawang paglilinis ng Department of Environment and National Resources sa Boracay kasunod ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang usaping ito ay inirefer na sa mga kaukulang komitiba ng Sanggunian para sa isang pagdinig.

BARANGAY I.D., SEDULA POSIBLE NARING GAMITIN PARA MALIBRE SA TERMINAL FEE ANG MGA AKLANON

Posible naring gamitin ang barangay certification I.D. at community tax certificate o sedula para malibre ang mga Aklanon sa pagbayad ng terminal fee sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng nakatakdang pag-amyenda ng Sangguniang Panlalawigan sa revenue code ng probinsiya base narin sa rekomendasyon ng committee on tourism at committee on oversight.

Noong Pebrero 9 ay nagsagawa ng joint committee hearing ang Sanggunian kaugnay sa kontrobersiya sa paniningil ng terminal at environmental fee sa mga Aklanon na walang valid ID na dumaraan sa Cagban at Caticlan Jetty port.

Suportado naman ni SP member at Liga ng mga Barangay president Rey Tolentino ang planong pag-isyu ng barangay ID sa lahat ng mga kabarangayan sa probinsiya.

Pag-uusapan umano nila ito sa mga susunod nilang pagpupulong kasama ang mga presidente ng Liga ng mga Barangay sa lahat ng munisipalidad.

Sa kabila nito, nabatid na may ilang barangay na sa probinsiya ang naglalathala ng ID para sa kanilang mga residente.

Monday, February 26, 2018

20-ANYOS NA LALAKI NAGBIGTI PATAY SA BATAN, AKLAN

Patay na nang matagpuan sa loob ng kwarto ang 20 anyos na lalaki sa Brgy. Lalab Batan, Aklan.

Nakiusap ang pamilya na wag ng isapubliko ang pangalan ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya umuwi raw ang biktima sa bahay ng lola pasado alas 12:00 ng tanghali araw ng Biyernes at nangangamoy alak ito.

Pagkatapos umalis ang lola para bisitahin ang mga anak.

Pagbalik nito nakabigti na ang apo sa loob ng kwarto.

Inaalam pa ng pulisya ang malalim na rason ng pagbigti.