Dumaong na sa isla ng Boracay ang cruise ship na Legend of the Sea kaninang dakong alas-sais ng umaga lulan ang nasa 2,070 na mga turista na karamihan ay mga Tsino at nasa 700 na mga crew.
Sinalubong ang mga ito ng makulay at maingay na Ati-Atihan performance at nakatakdang maglibot sa isla ng Boracay ang mga naturang bisita.
Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Macquirang, pinaigting na umano nila ang mahigpit na seguridad para sa mga bisita.
Nagkaroon na rin ng pagbabago sa ruta ng mga sasakyan upang maiwasan ang pagsikip ng trapiko sa mga lugar na dadaanan ng mga bisita.
Ayon din kay Macquirang, tinatayang nasa tatlo pang mga cruise ships ang bibisita sa isla bago magtapos ang taon.
Kumpiyansa rin siyang maabot ng probinsiya ang target na 1.7 million na bilang ng mga turista ngayong taon. Nasa 1.3 million na umano ang bilang ng mga bumisita sa probinsya mula noong Enero hanggang katapusan ng Setyembre.
Samantala, ipinahayag rin ni Maquirang na magagamit na ang reclamation area sa Caticlan sa Disyembre para daungan ng mga bangka at mga bihikulong hatid-sundo sa lugar upang maiwasan na ang siksikan sa port.