Friday, March 22, 2019

ALAMIN: Kasaysayan ng 19 na Martir ng Aklan

photo CulturEd Philippines
ITINUTURING NA mga unang bayani ng Aklan sa panahon ng Himagsikang Filipino ang 19 na Martír (1897) na pinatay ng mga Español sa Kalibo noong 23 Marso 1897. Noong Enero 1897, pinabalik ni Andres Bonifacio ang dalawang Katipunero na sina Francisco del Castillo (kilala rin bilang Francisco Castillo) at Candido Iban sa kanilang lalawigan ng Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Bisayas at mangalap ng mga bagong kasapi. Mula Cebu si Castillo samantalang si Iban ay isinilang sa Malinao, Aklan. Nagkakilala ang dalawa sa Australia bilang mga maninisid ng perlas. Dito nagwagi si Iban sa loterya. Ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa Katipunan, at ginamit ang salaping ito upang makabili ng imprenta.

Kasama si Albino Rabaria ng Batan, Aklan, pinasimulan nina Castillo at Iban ang kilusang mapanghimagsik sa Aklan. Naging sentro ang Lilo-an sa Malinao ng grupo ni Iban. Si Castillo ang namuno sa isang sandugo sa Lagatik(ngayon ay New Washington) noong 3 Marso 1897. Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban at dinala sa Kalibo. Ilang daang Katipunero, sa pamumuno ni Heneral Castillo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni kapitan munisipal Juan Azaragal. Hinimok ni Castillo si Azaraga na lumabas ngunit pinaputukan ang heneral at namatay. Umurong ang mga nagalsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinunò ng puwersang Español sa Bisayas, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung sumuko. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumili siya ng 19 na inakalang lider, pinahirapan at binaril sa madaling-araw ng Marso23. Kinaladkad ang mga bangkay nila sa liwasang bayan upang huwag pamarisan.

Ang labinsiyam na martir ay sina Roman Aguirre, Tomas Briones, Domingo de la Cruz, Valeriano Dalida, Claro Delgado, Angelo Fernandez, Benito Iban, Candido Iban, Simon Inocencio, Isidro Jimenez, Catalino Mangat, Lamberto Mangat, Valeriano Malinda, Maximo Mationg, Simplicio Reyes, Canuto Segovia, Gabino Sucgang, Francisco Villorente, at Gabino Yonsul. Siyam sa kanila ang mula sa Kalibo, apat mula Malinao, at anim mula Lagatik.##


Halaw mula sa: 19 na Martir ng Aklan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura(Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts.

Ika-122 anibersaryo ng 19 Martires, ni Hen. Del Castillo ipinagdiriwang

photo Kas Darwin Tapayan / Energy FM Kalibo

IPINAGDIRIWANG NGAYON ng Aklan ang ika-122 anibersaryo ni kamatayan nina Heneral Francisco del Castillo at ng Dise Nueve Martires.

Kaninang umaga ay isang misa ng paggunita at paghahandog ng mga bulaklak para sa apat na mga taga-Nalook na mga kabilang ng Dise Nueve Martires ng Aklan sa Nalook, Kalibo.

Bukas, Marso 23, ay patutunugin ng sabay-sabay ang mga kampana sa lahat ng mga simbahan ng Katoliko sa probinsiya gayon din ang mga sirena sa kabiserang bayan dakong alas-5:00 ng umaga.

Banda alas-7:00 ay isang misa ang ihahandog sa Kalibo Cathedral susundan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa mga bantayog ng mga pambansa at lokal na mga bayani.

Banda alas-7:30 ng umaga ay may isasagawang civic and military parade mula sa katedral papuntang Freedom Shrine of Aklan kung saan isasagawa ang isang commemorative program.

Bahagi ng programa ay pagpapalipad ng kalapati, paghahandog ng mga bulaklak sa puntod ng mga bayani sa Aklan Freedom Shrine, mensahe ng mga lokal na opisyal at pagsasadula ng kasaysayan ni Heneral Francisco del Castillo at ng Dise Nueve Martires.

Alas-3:00 ng hapon ay mayroon programa ng paggunita sa Gen. F. Del Castillo School sa Mabilo, Kalibo susundan ng pagpapalabas ng trailer ng “Daan Patungong Tawaya” dakong alas-5:30 ng hapon.

Ang “Daan Patungong Tawaya” ay isang documentary film na nagtatampok ng buhay at kagitingan ng mga lokal na bayani.

Ang Marso 23 ng bawat taon ay idinerklarang special public holiday bilang paggunita sa Dise Nueve Martires ng Aklan batay sa Republic Act No. 7806.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, March 19, 2019

Mga motorcycle riders sa Aklan magra-rally kontra batas sa doble plaka

photo not ours / pctto
MAGRA-RALLY ANG mga motorcycle riders sa lalawigan ng Aklan kontra sa doble plaka batay sa bagong apruba na Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.

Mababatid sa nasabing batas na lalakihan ang mga plaka ng motorsiklo sa likod at lalagyan rin ng plaka sa harapan.

Ayon kay Rene Agustin, adviser at founder ng PhilBiker-Aklan, ang malaking plaka ay makakaapekto umano sa aerodynamics ng motorsiklo o pagtakbo nito.

Ipinunto rin niya na dagdag problema lamang ito. Aniya sa halip na atupagin ito ay ayusin at bilisan nalang ng gobyerno ang paglalabas ng mga plaka ng motorsiklo ngayon.

Apektado rin umano rito ang mga mahihirap lalo na ang mga umaasa lamang sa motorsiklo bilang paraan ng kanilang transportasyon sa mga silid na mga lugar.

Sinabi pa niya na hindi sila kontra sa layunin ng gobyerno na masawata ang kriminalidad pero dapat ay paigtingin nalang umano ng gobyerno ang paglalagay ng mga CCTV sa mga kalsada.

Kaugnay rito ang iba-ibang rider's club na bumubuo ng Brotherhood of Aklan Riders, mga solo riders at maging mga tricycle drivers ay magtitipon at magra-rally sa Marso 24 sa Kalibo Pastrana Park.

Umaasa sila na mapapkinggan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing at maamyendahan ang nasabing batas.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, March 18, 2019

Labis na pagbaba ng bilang ng mga uri ng fruit bats sa Boracay ikinababahala

photo FFF FB
NABABAHALA NGAYON ang Friends of the Flying Foxes (FFF) sa malaking pagbaba ng bilang ng mga paniki kabilang na ang flying foxes, isang uri ng fruit bat, sa Isla ng Boracay.

Batay sa non-goverment organization na ito, ang pinakamalaking bilang ng mga paniki sa Isla ay kadalasan nakikita tuwing summer.

Ayon sa organisasyon, kasama ang Shangrila regular silang nagsasagawa ng pagbilang ng mga paniki bawat buwan.

Anila noong Abril 2017 nakapagtala sila 2425 mga paniki, at noong Marso 2018 ay nakapagtala sila ng 1608 paniki. At ngayong Marso 14 ng taon ay 78 lamang ang kanilang naital.

Sa isang post sa kanilang opisyal na facebook page, sinabi nila na posibleng dulot umano ito ng pagpatag ng Mabuhay Maritime Express ng lupa sa tirahan ng mga paniki noong 2017 ng walang kaukulang permit.

Kinukuwestiyon rin ng NGO ang mabagal na tugon ng pamahalaan sa ipinangakong protected areas para sa mga paniki at maging sa mga marine life.

Nanawagan naman ang FFF sa mga mamamayan na tulungan silang malaman kung saan pumupunta ang mga paniki galing sa Boracay.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo