|
photo by Boracay Rehabilitation Continues FB |
KALIBO, AKLAN - Kahapon ay naranasan ang pagbaha sa ilang bahagi ng Isla ng Boracay kabilang na ang mainroad sa may D'Mall area.
Paliwanag ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engineer Noel Fuentebella ang pagbaha ay dahil aniya hindi pa natatapos ang konstruksyon ng drainage sa Isla.
Ito ang naging pahayag ng district engineer umaga ng Lunes sa panayam ng Energy FM Kalibo.
Gayunman iginiit ni Fuentebella na halos kompleto na ang kanilang drainage system. Aniya Drainage sa mainroad lamang umano ang in-charge sa kanila.
Hinihintay na lang umano nila na mai-tap ang drainage sa mainroad sa drainage na maglalabas ng tubig sa dagat na nakatuka umano sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Aniya hindi pa nakokompleto ng TIEZA ang kanilang drainage kaya umano nagkakaroon ng pag-apaw ng tubig nang bumuhos ang malakas na ulan kahapon sa Isla dahil limitado pa ang lumalabas na tubig-baha sa dagat.
Isa pa sa itinuturo niyang dahilan ng pagbaha ay ang mga basura na nakabara sa mga drainage. Nakikipag-ugnayan na umano ang kaniyang tanggapan sa pamahalaang lokal para malutas ang suliraning ito.
Sa kabila nito "okay" lang sa opisyal ng DPWH-Aklan na umulan para makita umano nila at ng iba pang ahensiya ng gobyerno kung ano pa ang mga dapat ayusin.
Samantala, sa regular session ngayong Lunes napagkasunduan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na magsagawa ng isang legislative inquiry para alamin ang progreso ng ginagawang kalsada sa Isla.##
-
Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo