Friday, February 09, 2018

ID SYSTEM IPAPAIRAL PARIN SA MGA AKLANON NA DUMADAAN SA CATICLAN JETTY PORT

Ipapairal parin ang ID system sa lahat ng mga Aklanon na dumadaan sa Caticlan at Cagban Jetty Port sa kabila ng mga kontrobersiya sa paniningil ng terminal at environmental fees.

Kasunod ito ng napagkasunduan sa ginanap na pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ngayong umaga kaugnay sa nasabing isyu.

Sa nasabing pagdinig nanindigan si Jetty Port administrator Niven Maquirang na ipinapatupad lamang nila ang isinasaad sa ordenansa na ang mga Aklanon ay kinakailangang maglaan ng ID para malibre sa fees.

Nagbibigay rin umano sila ng konsiderasyon kung marunong umanong magsalita ng Aklanon ang tao.

Nanindigan rin ito na ang mga staff nila sa mga port ay dumaan ng mga training at seminar at pinapaalahanan na maging mabait sa mga bisita o sa mga lokal. Sinasaway rin umano ang mga ito kapag nakitaan ng pagkakamali.

Posible namang amyendahan ang ordenansa kaugnay rito kung saan pwedeng idagdag ang cedula bilang patunay na ang tao ay isang Aklanon.

Iminungkahi rin sa pagdinig ang posibilidad na hikayatin ang mga kabarangayan sa Aklan na mag-isyu ng Barangay ID para magamit dito.

Tinitingnan rin ang pagkakaroon ng lane sa mga port para sa mga Aklanon na walang valid ID.

Samantala, hindi naman narinig kay Maquirang sa parehong pagdinig ang mungkahi parehas na singilin ng minimal na terminal fee ang mga Aklanon at mga dayu kagaya ng una niyang binitawan sa live interview ng Energy FM Kalibo.

AMA ARESTADO SA BAYAN NG IBAJAY MATAPOS IREKLAMO NG PANGHIHIPO NG 12-ANYOS NA ANAK NA BABAE

Inaresto ng mga kapulisan ang isang 45-anyos na ama sa bayan ng Ibajay matapos siyang ireklamo ng panghihipo ng sariling niyang anak na babae.

Naganap ang insidente kahapon ng umaga. Kuwento ng 12-anyos na dalagita umuwi umano ang suspek na lasing sa kanilang bahay, niyakap siya, hinalikan at hinipuan umano ang masilang bahagi ng kanyang katawan.

Nagpumiglas ang bata at umiiyak na nagsumbong sa ina na naglalaba sa labas ng kanilang bahay.

Agad na inireport ng mag-ina ang insidente sa Ibajay PNP station at sa pagresponde ay inaresto ang lalaki sa kanilang bahay.

Ayon sa imbestigador ng Women and Children Protection Desk ng Ibajay, mariing itinatanggi ng suspek ang reklamo ng kanyang anak.

Palawinag ng lalaki, paglalambing lamang umano ang kanyang ginawa at posibleng namis-interpret lamang anya ito ng panganay na anak.

Nabatid na may dalawang anak ang mag-asawa at parehong babae. Walang trabaho ang lalaki at halos araw-araw umanong naglalasing.

Pansamantalang ikinulong sa police station ang suspek at posibleng maharap sa kaukulang kaso.