Tuesday, February 14, 2017

PLATTERS, MAGKOKONSYERTO SA AKLAN NGAYONG BUWAN NG MGA PUSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Gusto niyo bang makinig sa mga walang kupas at magagandang tunog at awitin ng 50’s at 60’s?

Magkokonsyerto sa Aklan ang sikat na American vocal group na Platters mula sa Branson, Missouri sa darating na Pebrero 19 sa ABL Sports Complex, Kalibo alas-7:00 ng gabi.

Kasama rin ng grupo ang special guest na si Johnny Thompson, ang no. 1 Elvis Presley impersonator sa Las Vegas.

Ang grupo ay kakanta ng kanilang mga classical music hit na “Only You (ang una nilang big hit)”, “The  Great Pretender”, “Smoke Gets In Your Eyes”, “It’s Magic”, “May Prayer”, “Twilight Time” at marami pang iba.

Ang konsyertong ito ay naglalayong makalikom ng pondo para sa mga proyekto ng Sto. Nino Seminary Alumni Association.

Katuwang ng asosasyon sa paghost ng konsyerto sina Aklan Sangguniang Panlalawigan member Nolly Sodusta, Kalibo Sangguniang Bayan member Juris Sucro, at Aklan Congressman Carlito Marquez.

8 KALALAKIHAN NAARESTO SA PAGLALARO NG PUSOY SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Walong kalalakihan ang inaresto ng mga tauhan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC)

Martes ng madaling araw makaraang mahuling naglalaro ng pusoy sa So. Manggayad, Brgy. Balabag, sa isla ng Boracay.

Ayon sa report, nakatanggap umano ng impormasyon ang hepe ng BTAC na si PSInsp. Jess Baylon na may iligal na pagsusugal sa roptop ng Family Mart sa nasabing lugar.

Matapos sumailalim sa surveillance, malinaw na nakita ng mga awtoridad ang mga grupo ng kalalakihan na naglalaro ng pusoy.

Dito na pumasok ang mga awtoridad at inaresto sina Jerson Daing, Benjamin Sta. Maria, Joniel Traifalgar, Syrel Cris Gendraya, Joban Maquiling, Fernan Albando, Art John Derla, at Vicente Sta. Maria, lahat nasa legal na edad at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.


Nakumpiska rin ng mga kapulisan ang mga playing card, blanket, at bet money na nagkakahalaga ng Php813.75.

Monday, February 13, 2017

24 ANYOS NA LALAKI, KALABOSO SA KASONG SIMPLE SEDUCTION

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang 24 anyos na lalaki sa Brgy. Lilo-an, Malinao sa bisa ng warrant of arrest sa kasong simple seduction.

Naaresto ng mga tauhan ng Malinao PNP station si Louie Yerro y Santiago, residente ng parehong lugar dakong alas-8:30 ng umaga. 

Ang warrant of arrest na may criminal case no.  13450 ay inilabas at nilagdaan ni Bienvenido Barrios Jr. ng Branch 3, Regional Trial Court VI.

Agad namang nakapiyansa ang akusado sa halagang Php12,000.

Ang simple seduction ay sa ilalim ng Article 338 ay seduction (o sekswal na pamimilit) sa isang babae, wala pang asawa o balo na may magandang resputasyon, edad 12 anyos hanggang 18 anyos, na nagawa sa pamamgitan ng panluluko.

KOREANO NINAKAWAN NG MASAHISTANG BADING SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagkilala. Nagpamasahe. Nag-inuman. Ninakawan.

Ito ang kuwentong ng 20 anyos na lalaking Korean National na ninakawan ng mamahaling cellphone ng isang lady boy o bading Lunes ng umaga sa Isla ng Boracay.

Kuwento ng biktimang si Kim Do Yun sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nakilala niya ang suspek sa isang bar dakong alas-4:00 ng umaga. Dito siya inalok ng bading
ng masahe.

Dinala ng Koreano ang bading sa hotel na tinutuluyan niya sa Brgy. Balabag sa nasabing isla. Dahil walang maipakitang ID, kinunan nalang ng ritrato ang bading upang makapasok sa hotel.

Habang nasa kuwarto, nagpamasahe at nakipag-inuman ang turista sa bading at matapos nito ay inihatid pa sa elevator. Bumalik naman ang Koreano sa kuwarto para matulog dala ng sobrang kalasingan.

Pagkagising ng Koreano, laking gulat niya na nawawala na ang kanyang cellphone na tinatayang nagkakahalaga ng Php35,000.

Sa pag-usisa sa kuha ng CCTV footage, nakita ang bading na bitbit na ang cellphone ng Koreano.


Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito.

MANGINGISDA, NAILIGTAS SA BAYBAYIN NG ANTIQUE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maswerteng nailigtas ang isang mangingisda sa baybayin ng
Brgy. Pusiw, Libertad, Antique makaraang tangayin ng malalakas na alon.

Linggo ng umaga, naiulat na nawawala ang biktimang nakilalang si Vincent Canlog, residente ng Pandan, Antique.

Kuwento ng kanyang step son sa pulisya ng Pandan police station, pumalaot umano ng mag-isa ang biktima sakay ng isang bangkang de makena pampangisda dakong alas-4:00 ng umaga.

Nagtaka na lang umano sila na hindi na ito na kauwi alas-8:00 ng umaga kung saan oras ng karaniwan niyang pag-uwi mula sa pangingisda.

Sinubukan pa umano nilang hanapin siya at ang kanyang bangka pero hirap umano silang makita ito.


Makaraan ang isang araw, alas-8:00 ng umaga ng Lunes, nadatnan ng Barkong MV Amazing Grace ang nasabing biktima na palanguy-langoy sa dagat. Agad naman siyang nailigtas ng mga rescuer ng barko.