Saturday, May 13, 2017

BUNTIS NAGBIGTI MATAPOS MAGTAMPOS SA MISTER

Nagbigti sa kanilang bahay sa brgy. Bakhaw Sur, Kalibo ang isang 27 anyos na misis dahil lamang sa umano’y tampuhan nila ng kanyang mister.

Nabatid na ang nasabing babae ay buntis ng dalawang buwan.

Ayon sa mister, posible umanong nagtampo sa kanya ang misis matapos na dumating ito ng lasing sa kanilang bahay. Nagkasagutan pa umano sila at kalaunan ay lumayong kunti sa labas ng bahay para magpalamig ng ulo.

Hindi umano niya naisip na magbibigti ang misis hanggang sa may dumaan na lamang na ambulansiya patungo sa kanilang bahay.

Una rito, maswerte anyang nakita ng kanyang 11-anyos na anak sa dating karelasyon ang nagbigti niyang misis.

Agad na humingi ang tulong ang bata sa magulang ng biktima at naalis sa pagkakabigti gamit ang lubid.


Naagapan naman ang buhay ng misis at naka-confine na sa intensive care unit ng provincial hospital.

PAGTATAYO NG COVERED COURT SA PASTRANA PARK, KINONTRA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi pa man nasisimulan ang konstruksyon ng bagong ground break na covered court project sa Pastrana Park ay may ilang tao na ang nagpahayag ng kanilang oposisyon dito.

Sa sulat na nakarating sa Sangguniang Bayan ng Kalibo, ipinahayag ni Ofelia Martelino at iba pa niyang kasama ang pagkontra dito.

Naniniwala ang grupo na isang makasaysayang lugar ang parke at nais nilang mapanatili itong nakabukas.

Iginiit naman ni SB member Juris Sucro na bagaman ang target na lugar ng konstruksyon ay ang kasalukuyang basketball court ng parke, hindi naman nakasaad sa titulo ng proyekto ang saktong lugar kung saan ito itatayo.

Kaugnay rito, pwede rin anyang itayo ang nasabing Php5 milyon funded covered court sa ibang bahagi ng Kalibo; isa sa tinitingnan ay ang Magsaysay Park.

Una nang sinabi ni Sucro na kumpara sa iba pang mga kabayanan sa probinsiya ang kabiserang bayan ng Kalibo ay wala pang covered court.


Sang-ayon naman ang konseho na isailalim sa public hearing ang usapin ng pagtatayo ng covered court sa Pastrana Park.

PAGLAGO NG CORAL REEF, KAPANSIN-PANSIN SA BORACAY

Kapansin-pansin ang paglago ng mga coral reef sa Isla ng Boracay sa ginagawa ngayon reef rehabilitation project ng isang non-government organization.

Ang mga buhay na korales sa isla ay patuloy sa na tumataas kasunod ng patuloy na ginagawang “reefurbishment” Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa iba-ibang reef area sa isla.

Layunin ng aktibidad na ito ang mapalago at mapabuti ang marine life, lalu na ang mga korales na nasira dala ng bagyo at turismo sa Boracay.

Kabilang sa kanilang proyekto ang transplantation ng coral fragements mula sa mga nasirang koral. Ang mga fragment ay hinanhayaang tumubong muli sa coral nursery sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan bago ito i-transplant sa tubig.

Ayon sa BFI ang mga buhay na koral sa isla ay tumaas ng 15 hanggang 20 porsyento bawat taon simula noong 2015.

Samantala, kaugnay ng ika-20 taong anibersaryo ng grupo, ang BFI ay magsasagawa ng underwater cleanup sa Mayo 15.

Friday, May 12, 2017

PAGPAPATUPAD NG MUFFLER ORDINANCE NG KALIBO, ILIGAL AYON SA ISANG OPISYAL

ulat ni Joefel Magpusao / Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinawag na ‘iligal’ ng isang opisyal ang pinapatupad na municipal ordinance no. 2016-003 o muffler ordinance ng Kalibo.

Sa sulat na nakarating sa Sangguniang Bayan, sinabi ni Poblacion punong barangay Mary Jane Rebaldo na ang pagsira kamakailan ng mahigit 300 muffler na nakumpiska ay isang iligal.

Paliwanag niya, hindi naging malinaw sa nasabing ordinansa kung ang ‘motor vehicle’ ay tumutukoy sa lahat ng uri ng sasakyan.

Hindi rin umano nakasaad ang ‘noise limitation’ ng mga motorsiklo o sasakyan na gumagamit ng modified engine muffler para masabing sobrang ingay.

Kaugnay rito hindi anya makatwiran ang panghuhuli sa mga motorsiklo o anumang uri ng sasakyan na walang anumang gamit na sound measuring instrument.

Kinukuwestiyon rin niya kung alinsunod nga ba sa inilabas na pamantayan ang pagsira ng mga muffler na nakumpiska para gabayan ang mga deputized enforcers.

Kaugnay rito, hindi umano ipapatupad ng mga tanod ng barangay Poblacion ang nasabing batas dahil ito ay iligal at wala pa silang natanggap na deputation mula sa alkalde.

Nakatakda namang ipatawag ng Sanggunian si Rebaldo para ipaliwanag ang kanyang inilibas na ‘non-participation letter’ kaugnay sa pagpapatupad sa nasabing batas.

MISIS NADUKUTAN SA LOOB NG SUPERMARKET; NASA PHP12,000 NATANGAY

Nadukutan ng wallet ang isang misis habang ito ay nasa kasagsasagan ng pamimili sa isang supermarket sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa biktimang si Ella Ituralde, bukas na ang kanyang bag nang makita niya ito at nawawala na ang kanyang wallet laman ang nasa Php12,000  at iba pang mga importanteng dokumento.

Giit ng biktima, bago umano nawala ang wallet niya, isang babae ang dalawang beses umanong humiling sa kanya na iabot ang isang produkto mula sa taas ng estante.

Naniniwala ang biktima na isa itong paraan para lituhin siya at makuha ang wallet sa kanyang shoulder bag.

Nabatid na kabilang sa nasabing pera ay bagong padala lang ng kanyang anak na nagtratrabaho sa barko.

Una rito, isang babae rin ang nabiktima sa parehong establisyemento kung saan nadukot rin Php20,000. 

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang nasabing mga insidente.

ISA SA PINAKAMATANDANG TAO SA BUONG MUNDO, NABUBUHAY SA AKLAN

Isa sa pinakamatandang tao na nagkakaedad 117 taon gulang ang nabubuhay ngayon dito sa probinsiya ng Aklan.

Siya si  Radigondes Burnasal ng Brgy. Tigayon, Kalibo na ipinanganak noon pang Mayo 9, 1900.

Isa si Lola Radigondes sa binigyan ng Php100,00 cash intensive mula sa Department of Social Welfare and Development kasunod ng implementasyon ng national centenarian law.

Nabatid na sa kabila ng kanyang edad ay nakakapamasyal pa sa palayan si Radigondes.

Hiling naman ng kanyang pamilya na humaba pa ang kanyang buhay.

Sa ngayon itinuturing si Lola Radigondes bilang isa sa pinakamatanda sa buong bansa.

SEGURIDAD SA BORACAY HIHIGPITAN DAHIL SA MGA TRAVEL WARNING SA IBANG BAHAGI NG BANSA

Hihigpitan ng pamahalaang lokal ng Malay ang seguridad sa isla ng Boracay kasunod ng mga travel warning na inilabas sa iba pang tourist site sa bansa.

Sinabi ni Rowen Aguirre, executive assistant ng Boracay affairs, pinaplano na ang pagbuo ng task force upang seguraduhin na ang isla ay ligtas sa anumang banta ng terorismo.

Paliwanag pa ni Aguirre na mahalaga ito para maproteksyunan ang turismo sa Boracay; posible anyang nagdulot na ng negatibong epekto ang mga inilabas na travel advisory.

Sinabi rin ng opisyal na ang multi-sectoral task force ay kabibilangan ng iba-ibang ahensiya ng gobyerno lalu na ang maritime security.

Sa kasalukuyan, dalawang bangka ng Philippine Navy ang nagpapatrolya sa baybayin ng Boracay maging ang Philippine Coast Guard at ang Malay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Iginiit naman ni Aguirre na sa kabila ng travel warning ng mga embasiya ng US, Canada, at ng United Kingdom sa Palawan, wala namang nakikitang banta sa seguridad sa Boracay. (PNA)

Thursday, May 11, 2017

PAG-INOM SA MGA PAMPUBLIKONG LUGAR IPINAGBABAWAL NA SA BORACAY AT SA MALAY

Aprubado na sa Sangguniangn Bayan ng Malay ang pagbabawal sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar, kabilang na sa beaches sa isla ng Boracay.

Ipagbabawal rin ito sa gilid ng kalsada, mga lansangan, sports complex, mga parke, tabing-ilog at mga beach area.

Nilinaw ni SB member Nennete Graf na ang regulasyon ay ipapatupad rin sa Boracay sa kabila na ang pag-inom ay bahagi na ng ‘nightlife’ dito maliban lamang sa mga beachfront establishment.

Ang lalabag sa mga batas na ito ay magbabayad ng Php500 at pagkumpiska ng alcoholic beverages sa unang paglabag, Php1,000 para sa ikalawa, at Php2,500 o pagkakulong ng 30 araw, o parehas sa ikatlong paglabag.

Layunin ng nasabing batas ang maiwasan ang mga kaguluhan na dulot ng pag-iinom at para mabawasan ang mga itinatapong bote ng inumin at iba pang basura sa mga beach area. (PNA)

KOREAN DIPLOMATIC COMMUNITY BIBISITA SA BORACAY

Nasa 47 delegado na kinabibilangan ng mga ambassador at consul mula sa iba-ibang bansa na nakatalaga sa South Korea ang nakatakdang bumisita sa isla ng Boracay para sa apat na araw na eskursyon.

Ang mga miyembro ng Korean diplomatic community ay darating sa isla sa Mayo 11 at mananatili hanggang 14 ng parehong buwan.

Inaasahan rin na dadalhin ng mga ito ang kani-kanilang pamilya para sa bakasyon sa Boracay ayon kay Kristoffer Leo Velete, officer-in-charge ng Department of Tourism-Boracay.

Ayon pa kay Velete, ang grupo ay magsasagawa ng island hopping tours, water sports activities at iba pang relaxation packages sa kanilang pananatili sa isla.

Sinabi pa ni Velete na bagaman ngayon ay nangunguna na ang mga Koreano sa listahan ng mga foreign visitors sa isla, ang kanilang pagbisita ay makakahikayat pa ng mas maraming turista.

Kaugnay rito, sinabi ni SInsp. Jose Mark Anthony Gesulga, deputy chief ng Boracay Tourist 
Assistance Center nakalatag narin umano ang seguridad para sa pagdating ng mga nasabing bisita.

Ayon pa kay Gesulga, sa ngayon ay nakaalerto na ang iba-ibang government security at emergency agencies para siguraduhin ang kaligtasan ng mga delegado. (PNA)

DAHIL SA KAMOTENG KAHOY, BABAE TINAGA NG KAPATID SA NABAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo 

Arestado ang isang 75 anyos na magsasaka matapos tagain ang sariling kapatid sa brgy. Habana, Nabas; ang dahilan, kamoteng-kahoy.

Sa report ng Nabas municipal police station, binuweltahan umano ng biktima na si Maximina Salvador, 59 anyos ang suspek dahil sa umano’y pag-ani sa mga tinanim niyang kamoteng-kahoy.

Dito nagalit ang suspek na kinilalang si Porferio Colangoy, at pinagtataga ang kapatid gamit ang bitbit na itak.

Nagtamo ng sugat sa ulo at sa kaliwang kamay ang biktima at naka-confine ngayon sa provincial hospital sa bayan ng Kalibo.

Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at nakapiit na ngayon sa Nabas police station para sa kaukulang disposisyon.

Wednesday, May 10, 2017

YAPAK JETTY PORT SA BORACAY, ISINUSULONG NG PORT ADMINISTRATOR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Cagban jetty port
Isinusulong ngayon ng port administrator ang pagkakaroon ng Yapak jetty port at passenger terminal sa Isla ng Boracay.

Ayon kay port administrator Niven Maquirang, ang pagkakaroon ng bagong port at passenger terminal sa Boracay ay makakatulong upang mabawasan ang pagsikip sa kasalukuyang Cagban port.

Ito ay bahagi ng panukalang inihain ni Maquirang sa Sanggunian Panlalawigan para baguhin ang kasalukuyang provincial ordinance 05-032 o ‘one entry, one exit’ policy.

Sinabi pa ni Maquirang na ang gusali ay lalagyan ng security at iba pang tourist-friendly facility at mga tauhan na magbibigay ng mga pangunahing serbisyo at tulong sa lahat ng mga bisita at turista. Bukas rin anya ito para sa mga cargoes.

Kaugnay rito, nais rin niyang magkaroon ng panibagong terminal at passenger building sa reclamation area kasunod ng Caticlan jetty port at passenger terminal.

Magsisilbing umano itong one-stop shop sa lahat ng government agencies at para ma-accommodate ang malaking bilang ng mga turista.

Kabilang sa mga ilalagay rito ay ang iba-ibang tourism-related activities, amenities, food chains, souvenir shops, telecommunication, at banking services.

Ang mga panukalang ito ay kasunod ng isyu ng kakulangan ng seguridad na ipinapatupad sa isla ng Boracay. Pinag-aaralan naman ngayon ng Sanggunian kung paano maipapatupad ng maayos ang ‘one entry, one exit policy’.




MGA APEKTADONG MAY-ARI NG LUPA SA KALIBO AIRPORT EXPANSION ‘IN DISTRESS’ NA

Maglalagay ng mga bandilang kulay orange ang mga miyembro ng homeowners’ association na apektado ng ekspansyon ng Kalibo airport upang ipahayag na sila ay ‘distress’.

Nasa dalawang taon nang inirereklamo ng Nalook Pook Caano Homeowners’ Association (Napocacia) ang umano’y hindi patas at makatarungang bayad na inaalok ng Department of Transportation.

Ayon kay German Baltazar, presidente ng Napocacia, ang nasa 326 hektaryang ekspansyon ay makakaapekto sa nasa 800 tenants lalu na sa kanilang mga sakahan.

Sinabi pa ni Baltazar na ang paglalagay ng orange na bandila ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa upang magprotesta at ipahayag ang kanilang sentimyento.

Nilinaw naman ni Baltazar na hindi sila kontra sa ekpansyon ng airport, nais lang umano nila ang hayag at patas na bayad para sa lahat ng mga apektado.

KAMPANYA LABAN SA ILIGAL NA DROGA PAIIGTINGIN SA MGA KABARANGAYAN

Nakatakdang magpulong sa Aklan Provincial Police Office (APPO) ang mga lider ng Association of Barangay Captains (ABC) mula sa 17 mga munisipyo ng Aklan sa darating na Mayo 12.

Pag-uusapan sa pagpupulong na ito ang kani-kanilang mga tungkulin sa anti-drug campaign ng kasalukuyang administrasyon.

Sinabi ni chief inspector Reynante Jomocan, Aklan police relations chief, na ang pagpapatibay ng mga tungkulin ng mga lider ng barangay sa kampanya laban sa droga ay alinsunod sa Board Resolution No. 3 series of 2017 of the Dangerous Drugs Board.

Ayon sa report, sa 325 na mga kabarangayan sa Aklan, 214 ang tinuturing na drug affected sa pagsisimula ng Duterte’s anti-drug campaign.

Nabatid na sa 214 na ito, 114 na ang drug-cleared ngayon pero sasailalim parin umano sa validation at evaluation ng regional oversight committee ng Dangerous Drugs Board.

Sa natitirang 100 drug-affected barangays, 48 na rito ang nasa post-operation phase at 52 ang nasa operation phase.

Para sa municipality level, sinabi ni Jomocan na ang mga bayan ng Libacao, Buruanga, at Madalag ay sasailalim nasa validation at evaluation para madeklarang drug-clear.

ONE ENTRY, ONE EXIT POLICY SA ISLA NG BORACAY HINDI NAIPAPATUPAD

Hindi naipapatupad ang one entry, one exit policy ng probinsiya sa isla ng Boracay.

Ito ang ipinahayag ni Caticlan jetty port administrator Niven Maquirang sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa isyu ng seguridad sa nasabing isla.

Sinabi pa ni Maquirang na maliban sa Caticlan jetty port bilang entry point patawid ng isla, anim na welcome center din ng iba-ibang resort ang nag-ooperate sa mainland patawid sa Boracay.

Aminado ang mga ilang resort representative na wala silang ginagawang pagbusisi sa mga bagahe ng mga turistang dumaraan sa kanilang welcome center. 

Gayunman nilinaw ng administrator na lahat ng sasakyan ng mga resort na ito ay dumaraan parin sa Cagban port. Maliban lamang sa Shangrila sa Yapak na mayroong sariling anyang port.

Problema rin umano tuwing habagat kung saan temporaryong ginagamit ang Tabon port sa mainland at Tambisaan port sa Boracay dahil hindi naipapatupad ang seguridad dito.

Hindi rin malinaw ang regulasyon sa mga cargo na labas-pasok sa isla ng Boracay dahil hindi umano naiinspekyon ang mga karga dito.

Una nang ikinabahala ni SP member Miguel Miraflores na dahil sa kakulangan ng seguridad na ito, posibleng mapasok ng masasamang elemento ang isla.

MGA ATLETA AKLANON SA PALARONG PAMBANSA, BIBIGYANG PAGKILALA

Bibigyang pagkilala ng pamahalaang lokal ng Aklan ang 24 manlalarong Aklanon na nagkamit ng medalya sa katatapos lang na Palarong Pambansa.

Kabilang sa mga pararangalan ay sina: Kyla Soguilon, Michael Gabriel Lozada, Sheila Talja, Jil Iron Tabuena, Aaron Vincent Merin, Jemuel Booh De Leon, Christian Paul Tiongson, Angie Nicole Reyes, Jasper Jay Lachica, Christian Jade Pablo, Aina Nicole Dela Cruz, Jea Angel Esquilito, Cherish Joy Reyes, Shanello Malolos, Arnel Tolentino, Athena Romylla Molo, Mary May Ruiz, Jerrylyn Laurente, Kyle Joshua De Pedro at Jan Patrick A. Sagang.

Apat pang atletang lumahok sa Paralympic division kabilang na sina Claire S. Calizo, Edwin Villanueva, Anna Mae Rico and Cristina I. Dela Cruz ay bibigyan rin ng pagkilala.

Ang mga atletang Aklanon ay nag-ambag sa Western Visayas ng 16 na gintong medalya, siyam na silver at 15 bronze.

Maliban sa mga medalist, ang iba pang mga atleta ay bibigyan rin ng pagkilala.

ISA PANG ‘BORACAY’ SA AKLAN, IDEDEBELOP NA

 http://hinugtanbeach.com/
Inihahanda na ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang pagdedebelop sa Hinugtan Beach sa bayan ng Buruanga, bilang isa pang Boracay sa lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Buruanga Mayor Concepcion Labindao, naglaan ng P25 milyon budget ang Department of Public Works and Highways para sa pagpapaganda ng kalsada mula sa bayan ng Buruanga hanggang sa Hinugtan Beach.

Tulad ng Boracay, maputi at pino rin ang buhangin ng Hinugtan Beach. Mararating ito may 40 minutong biyahe sakay ng van mula sa Boracay. Nagsisimula na itong madiskubre at dayuhin ng mga turista. (balita.net.ph)

Tuesday, May 09, 2017

KAMPANYA LABAN SA MGA BASURANG PLASTIC ISUNUSULONG NG MGA KABATAAN SA BORACAY

Isinusulong ngayon ng grupo ng mga kabataan sa isla ng Boracay ang 21-day campaign para mabawasan ang single-use plastic sa nasabing isla.

Ang kampanyang ito na tinawag nilang “REDvolution” ay pangungunahan ng mga myembro ng Red Cross Youth (RCY)-Boracay Malay Chapter.

Bahagi ng kampanyang ito, ang 21 RCY members ay magpapakita ng isang paraan bawat araw sa kanilang mga social networking sites para makapagbigay ng paalala sa taumbayan na bawasan ang paggamit ng mga plastik.

Maliban sa mga RCY members, isa pang set ng 21-member group na kinabibilangan ng mga propesyonal, mga negosyante, opisyal ng pamahalaan, mga turista at iba pa na sasali sa nasabing kampanya.

Ayon kay Rona Liza Inocencio, officer-in-charge of Philippine Red Cross-Boracay Malay, ang paggamit umano ng plastik sa isla ng Boracay ay nakakasira sa paligid.

Naniniwala rin ang pamunuan ng Red Cross sa lugar na sa pamamagitan nito, mahihikayat rin ang iba pa na bawasan ang pagkunsumo ng plastic sa Boracay upang mapangalagaan ang kalikasan. (PNA)

LGU KALIBO TATANGGAP NG PHP3 MILYON PARA SA PAGSASAAYOS NG PUBLIC MARKET

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tatanggap ng Php3 milyon ang lokal na pamahalaan ng Kalibo para gamitin sa pagsasaayos ng public market nito. Ito ang sinabi ni Cong. Harry Roque Jr. ng Kabayan Partylist sa kanyang pagbisita sa bayan ng Kalibo kamakailan.

Personal na nagsagawa ng ocular inspekyon ang kongresista kasama sina Kalibo mayor William Lachica at Aklan congressman Carlito Marquez sa nasabing palengke.

Ayon kay Roque, nakalinya na ang pondo para sa pagsasaayos ng lumang bahagi ng palengke sa ilalim ng local infrastructure program.

Ibinalita naman ni Roque ang kanilang mga ginagawa sa kongreso kabilang na ang pagsusulong ng libreng edukasyon sa mga unibersidad at mga kolehiyo, libreng gamot para sa lahat, at libreng almusal at tanghalian sa elementarya sa lahat ng paaralan sa bansa.

Samantala, nangako rin si Cong. Marquez ng Php2 milyon para idagdag sa rehabilitasyon ng nasabing palengke. 

Plano ng pamahalaang lokal ng Kalibo na taasan ang bubong ng palengke at dagdagan ang bentilasyon nito.

NOTORIOUS NA GRUPO NG MGA MAGNANAKAW SA BORACAY, ARESTADO NG MGA KAPULISAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang tatlong myembro ng isang notorious gang na ‘Boracay Demons’ sa Isla ng Boracay.

Kinilala ang mga naaresto na sina Janel Tayco Villanueva, 19, tubong Kalibo, Aklan; Reymond Alan Molina, 19, ng so. Ambulong,  brgy. Manocmanoc; at isang menor de edad na si alias Christian, 15, ng so. Tulubhan, brgy. Manoc-Manoc.

Una rito, nagreklamo sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang dalawang boarders matapos silang nakawan ng madaling araw sa tinutuluyan nilang boarding house sa Talipapa Bukid sa nasabing Isla.

Nakuha ng mga suspek na ito ang Flaire F3 mobile phone, Lenovo Tablet, Samsung J2 at GoPro cam.

Nahuli ng kaibigan ng isa sa mga biktima ang menor de edad at itinurn-over sa mga otoridad samantalang ang dalawa pa ay naaresto sa sinagawang follow-up operation ng mga kapulisan.

Narekober naman ng mga kapulisan mula sa mga suspek ang mga ninakaw sa naturang boarding house.

Nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center sina Molina at Villanueva matapos maharap sa mga kasong theft at robbery samantalang ang menor de edad ay itinur-over sa kustodiya ng municipal social welfare office. 

Napag-alaman na ang ‘Boracay Demons’ ay madalas na naiuugnay sa mga kaso ng pagnanakaw at akyat bahay sa isla.

Monday, May 08, 2017

MOTORISTA KRITIKAL MATAPOS BUMANGGA SA NAKAPARKING NA JEEP

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Ybon Sola Bedro
Kritikal ang kalagayan ng isang motorista matapos bumangga sa nakaparking ba jeep sa kahabaan ng National Highway sa bahaging sakop ng Barangay Linabuan Norte, Kalibo, Aklan.

Naganap ang aksidente ala una pasado ng umaga araw ng Linggo.

Kinilala ang biktima sa pangalang Joseph Saranduna 28 anyos na taga Pook, Kalibo, Aklan.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, sakay raw ng kanyang motorsiklo ang biktima patungong Poblacion Kalibo nang bumangga ito sa nakaparadang sasakyan na pagmamay ari ni Ronald Retoriano.

Wala umanong headlight at plate number ang motorsiklo ng biktima.

Sa ngayon ay patuloy na ginagamot sa Intensive Care Unit (ICU) ng Provincial Hospital ang biktima.

14 ANYOS NA LALAKI NALUNOD SA AKLAN RIVER, PATAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 14 anyos na lalaki matapos malunod habang tumatawid sa ilog sa Barangay Badiangan na sakop ng Aklan River alas kwatro ng hapon kahapon.

Kinilala ang biktima sa pangalang John Mark Sta Maria, residente ng Barangay Dingle, Banga, Aklan.

Sa ulat ng Banga PNP kasama raw ng biktima ang kanyang mga pinsan sa pagtawid sa ilog papuntang Malinao. Inanod raw ang biktima at nalunod.

Matapos ang ilang minutong paghahanap nakita nila ito at agad na isinugod sa Provincial Hospital pero idineklara itong dead on arrival.

BORACAY KUMITA NA NG PHP21 BILYON SA UNANG APAT NA BUWAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umabot na sa Php21 bilyon ang kinita ng isla ng Boracay sa kanilang tourism receipts sa unang apat na buwan ng taong ito.
Ayon sa report ng Aklan provincial tourism office (APTO), ang tourism receipts nalikom mula sa mga dayuhang bisita at overseas Filipino workers ay umabot na sa mahigit Php14 bilyon samantalang ang Php6 bilyon ay galing naman sa mga lokal.

Sa tala ng APTO, mula Enero hanggang Abril ng taong ito, mayroon nang mahigit 744,000 tourist arrival ang Boracay; mas mataas ng 10.84 percent kumpara sa nakalipas na taon sa parehong peryod na mayroon lamang na mahigit 671,000.

Pinakamarami parin sa mga ito ang mga foreign tourist sa bilang na mahigit 364,000; samantalang ang mga lokal na turista ay nakapagtala ng mahigit 360,000 at ang overseas Filipino mahigit 20,000.

Nabatid na ang pinakamataas na bilang ng mga turista ay naitala sa buwan ng Abril na mayroong mahigit 233,000 bilang kasunod ng Semana Santa, summer vacation, at maging sa pagdiriwang ng LaBoracay.

Kamakailan lang ay itinanghal ang isla ng Boracay bilang ikapito sa “2017 Traveller’s Choice Award among Asia’s Top 10 islands” by TripVisor, at pang-apat naman sa “The World’s Friendliest Islands’ of 2016” by Travel+Leisure magazine.

2 MOUNTAINEER MISSING NG 7 ARAW PATULOY NA PINAGHAHANAP SA LIBACAO, AKLAN

Patuloy ngayon ang paghahanap sa dalawang mountaineer na umakyat sa bundok na sakop raw ng Brgy. Uyang Libacao, Aklan.

Hindi muna pinangalanan ng otoridad ang dalawang mountaineer , isang lalaki na taga Lezo, at babae na taga Malay, Aklan.

Sinasabing tatlong araw lang daw mananatili sa bundok ang dalawa pero ikapitong araw na ngayon ay hindi parin nakakababa ng bayan ang dalawa. Nag-aalala na ang mga pamilya nito dahil hindi na rin matawagan ang cellphone ng dalawa .

14 ANYOS NA LALAKI PATAY MATAPOS MAAKSIDENTE ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO

ulat ni Darwin Tapayan/ Joefel Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Binawian ng buhay ang isang 14 anyos na lalaki matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng barangay road sa Laguinbanwa, Ibajay dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Reynante Placio, 14 anyos, residente ng brgy. Agdugayan.

Sakay umano ang biktima sa motorsiklo na menamaneho ng kanyang barkada na si Chander Alocilja, 21 anyos at kasama ang kapatid nito na si Jeremy Alocilja, 18 anyos, mga residente rin ng brgy. Agdugayan.

Galing umano ang mga ito sa bayan at pauwi na sana sa kanilang barangay nang pagdating sa kurbadang bahagi ng brgy. Laguinbanwa ay natumba ang sinasakyang nilang motorsiklo.

Nabatid na pawang mga nakainom ang tatlo.

Isinugod pa sa provincial hospital ang 14 anyos na biktima pero binawian rin ito ng buhay habang ginagamot rito matapos magtamo ng matinding sugat sa ulo.

Naka-confine parin sa ospital si Jeremy samantalang ang drayber ay nakukulong naman ngayon sa Ibajay municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

MGA DRUG SURRENDERERS SA AKLAN PRAYORIDAD SA TESDA SKILLS TRAINING

Proyoridad ngayon ang mga drug surrenderer sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) – Aklan sa Php13 milyon pondo sa scholarship program. 

Ayon kay Dr. Lynne Rose Jocosol, Technical Skills and Development Specialist II, ang mga drug dependents sa Aklan kabilang na ang kanilang pamilya ay magiging prayoridad umano sa kanilang Emergency Skills Training Program na magsisimula sa Mayo 31.

Paliwanag ni Jocosol, ang skills training na ito ay magbibigay daan sa mga surrenderer na maituon ang kanilang atensyon sa kapaki-pakinabang na bagay at magiging aktibo sa ekonomiya.

Nilinaw naman niya na maliban sa mga drug surrenderer at ang kanilang pamilya, prayoridad din ang mga out-of-school youth, nagbabalik na Overseas Filipino Workers at ang kanilang mga pamilya, mga walang trabaho, at iba pang nasa laylayan.

Prayoridad din umano sa kanilang “Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan” (BKKK) ang mga drug surrenderer.

Samantala, sinabi ni Jocosol na ang skills training na ito ay magsisiumula na sa Hunyo para sa bayan ng Kalibo kung saan karamihan sa mga surrenderers ay naitala.

Pwedeng makapili ang mga surrenderer nang kung anong TESDA training ang gusto nila gaya ng hollow block-making, welding at automotive, electronics at cellphone repair, cookery, dressmaking, carpentry, hairdressing at baking.

Sa kasalukuyan, ang Aklan ay nakapagtala na ng 1,935 drug surrenderer mula sa paglunsad ng anti-anti-drug campaign ni President Rodrigo Duterte. (PNA)

25 ANYOS NA LALAKI KALABOSO MATAPOS MABARIL ANG BARKADA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang 25 anyos na lalaki makaraang mabaril ang kaibigan sa so. Libuton, brgy. Poblacion, Makato.

Kinilala ang suspek na si Ali Valencia, 25 anyos samantalang ang biktima ay si Robel Barque, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Ayon sa report ng Makato municipal police station, pauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay nang makasalubong niya sa daan ang lasing na suspek.

May dala umanong baril ang suspek at habang nasa kasagsagan ng pag-uusap, aksidente itong pumutok at tumama sa biktima sa kanang kamay at tiyan.

Agad namang isinugod sa provincial hospital ang biktima. 

Tumakas pa ang suspek pero naaresto rin ng mga rumespondeng pulis sa bahay ng kanyang ina.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang sling bag laman ang dalawang unfired cartridge ng .38. Samantalang ang baril, ayon sa suspek ay itinapon na niya sa ilog.

Nakapiit ngayon sa Makato PNP station ang suspek at posibleng maharap sa kaukulang kaso.