Saturday, September 16, 2017

ESTUDYANTE PINAGBABARIL NG LASING SA KALIBO, AKLAN; SUSPEK PINAGHAHANAP NG MGA KAPULISAN

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinagbabaril ng lasing na suspek ang isang estudyante na napadaan lamang sa kanilang lugar sa Brgy. Andagao, Kalibo alas-3:00 pasado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima sa pangalang John Ismael Prado y Salvador, 21 anyos ng brgy. El Progreso, Buruanga.

Kinilala ang suspek sa pangalang Joshua Joseph Ricardo Legaspe, 29 anyos na taga-Roxas Avenue, Kalibo.

Naglalakad raw ang biktima ng pagbabarilin ng suspek. Nasa kritikal na sitwasyon ang biktima at patuloy na ginagamot sa pribadong hospital.

Samantala pinaghahanap na ang suspek. Himihiling ang Kalibo PNP sa mga nakakaalam sa kinaroroonan ng suspek na ipagbigay-alam sa kanila para matulungan na mahuli ito. 

Paki share ang post na ito para makilala ang suspek.

Friday, September 15, 2017

LGU NABAS IPINAKITA ANG BAGONG MUNICIPAL LOGO; NABAS HYMN, PINASINAYAAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Photo © Ro Akeanon FB
Pinakita na sa publiko ng lokal na pamahalaan ng Nabas ang kanilang bagong municipal logo at pinasinayaan rin ang opisyal na Nabas hymn.

Pinangunahan ito ni mayor James Solanoy sa kasagsagan ng opening salvo ng municipal at religious fiesta sa Nabas Covered Court nitong Miyerkules.

Ang bagong logo ay hinango ng Sangguniang Bayan ng Nabas sa pamamagitan ng ordinance no. 2017-59 noong Marso.

“Nabas Banwa Ko” na isinulat ni Jessie Flores at kinomposo ni Sebert U. Delos Santos matapos itanghal na opisyal na Nabas hymn kasunod ng isang patimpalak. (https://www.youtube.com/watch?v=5P0qI8o0sUM) /EFMK


KOTSE BUMANGGA SA POSTE SA BAYAN NG KALIBO

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Bumangga sa poste ng Akelco sa OsmeƱa Avenue ang sasakyan na ito.

Naganap ang aksidente bandang 11:53 ng gabi. 

Kinilala ang driver na si Mesitlie Teruel y Aguilar, 59 anyos, na taga-Poblacion, Banga, Aklan at dalawa pang hindi nakikilalang lalaki na nakainom raw ayon sa PNP.

Base sa pag-usisa ng PNP ang Hyundai SUV na ito ay nakarehistro sa pangalan ni Edmund Peralta ng New Washington, Aklan.

1 PATAY, 1 SUGATAN SA AKSIDENTE NA NAGANAP SA BANGA, AKLAN

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang driver ng  motorsiklo na si Christian Bern Faborito matapos bumangga sa sinusundang tricycle sa Jumarap Banga Aklan. Naganap ang aksidente bandang alas-12:40 ng umaga. 

Ayon kay P02 Lorico ng Banga PNP sugatan din ang driver ng tricycle na si Ruel Ambito na taga-Jugas, New Washington at kasalukuyang nakaconfine sa isang hospital dito sa Kalibo. 

Sa Imbestigasyon ng PNP parehong direksyon ang tinatahak ng dalawa, nang biglang bumangga ang motorsiklo na Euro 150 na menamaneho ni Christian sa tricycle. 

Naisugod pa ito sa Provincial Hospital pero idineklarang dead on arrival.

LALAKI PATAY NANG SUMALPOK ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO SA POSTE SA BAYAN NG NUMANCIA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang menamanehong motorsiklo sa isang poste sa national highway sa bayan ng Numancia.

Naganap ito sa malapit sa barangay hall ng brgy. Laguinbanua East dakong ala-1:00 ng madaling araw kanina.

Kinilala sa report ng Numancia PNP ang biktima na si Jeef Gelito, 32 anyos, residente sa bayan ng Malay.

Sugatan rin ang kanyang backrider na kinilala namang si Macmac Sualog, nasa legal na edad at taga-Isla ng Boracay.

Ayon kay PO3 Felizardo Navarra Jr., imbestigador, binabaybay ng dalawa ang kahabaan ng national highway mula sa Poblacion, Numancia patungong bayan ng Kalibo.

Pagdating sa kurbadang bahagi ng highway ay nawalan ng kontrol ang driver sa menamanehong motorsiklo dahilan para bumangga ito sa poste dahi at tumilapon ang magbarkada sa konkretong kalsada.

Mabilis na isinugod ng mga tauhan ng MDRRMO Numancia sa provincial hospital ang mga biktima pero dineklarang dead in arrival si Gelito.

Nagtamo ito ng malubhang sugat sa ulo. Nanatili namang nakaconfine sa hospital ang kanyang backrider.
Ayon sa imbestigador, parehong nakainom ang dalawa.

Nabatid na katatapos lang ni Gelito sa kursong Education at kukuha na sana ng board exam at plano ring lumuwas ng bansa.

Thursday, September 14, 2017

SEGURIDAD SA NALALAPIT NA ATI-ATIHAN FESTIVAL 2018 PINAGHAHANDAAN NA NG LGU KALIBO AT NG MGA KAPULISAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo at ng mga kapulisan ang seguridad sa nalalapit na pagdiriwang ng Ati-atihan sa susunod na taon.

Sinabi ni PSInsp. Honey Mae Ruiz, hepe ng Kalibo PNP, sa sesyon ng Sangguniang Bayan, inaayos na nila ang kanilang security plan para mapanatiling mapayapa at maayos ang taunang pagdiriwang.

Gayunman, mas paiigtingin umano nila ang seguridad sa ngayon dahil narin sa kaguluhang nangyayari sa lungsod ng Marawi.

Kaugnay rito, nagmungkahi ang kapulisan ng mga security measure na ipapatupad sa naturang month-long celebration lalu na sa festival week. Kabilang rito ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin sa loob ng festival zone.

Matatandaan na nitong nakaraang Ati-atihan ay ipinagbawal na ang pagbibitbit ng mga de boteng inumin na nagkaroon ng positibong resulta.

Ilan pa sa posibleng ipatupad ng pamahalaang lokal at mga kapulisan ang pagbusisi sa mga bag bago makapasok sa festival zone, pagbabawal sa pagbebenta ng mga patalim at mga kahalintulad, pagbabawal sa paninigarilyo at maging ang firecrackers at pyrotechnics.

Plano rin nilang isailalim sa profiling ang mga ambulant vendors kabilang na ang mga Muslim na ayon sa pulisya, karamihan sa kanila ay mga dayo. Nais nila na magkaroon ang mga ito ng mga ID at uniporme sa panahon ng festival.

Ang mga ito ay daan pa sa mabusising pag-aaral ng Sangguniang Bayan ng Kalibo.

TATLO ARESTADO SA BAYAN NG BANGA SA ILIGAL NA PAGBEBENTA NG BARIL

Ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Timbog sa operasyon ng mga kapulisan ang tatlong ito sa bayan ng Banga ngayong hapon dahil sa iligal na pagbebenta ng baril.

Unang naaresto sa entrapment operation ang magkakapatid na sina Ruel Teodosio, 40-anyos, cook sa Aklan State University Banga campus, at Russelle Teodosio, 38, casual employee sa LGU Banga, pawang mga residente ng brgy. Bacan sa nasabing bayan.

Nakuha sa posisyon ni Russel ang isang unit ng carbin rifle, isang long magazine na may lamang 30 live ammunition at isang short magazine na may lamang 11 live ammunition kapalit ng Php45,000. Nasabat naman ng operatiba ang Php500 marked o boodle money.

Sa follow-up operation ng mga kapulisan, naaresto rin ang kanilang tiyo na si Nobel Irader, 62, na siya umanong nag-utos sa kanilang magbenta ng baril.

Isinuko rin ni Irader ang isang homemade magazine type shot gun kasama ang tatlong live ammunition.

Parehong ikinulong ang tatlo sa lock-up cell ng Banga PNP at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591.

LALAKI NAKURYENTESA BRGY. ESTANCIA, KALIBO, PATAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Dead on the spot ang lalaking ito matapos makuryente habang naglilinis sa bubong.

Naganap ito sa pinagtatrabuhan niyang Auto Car Center sa Meren Road, brgy. Estancia, Kalibo ngayong umaga.

Kinilala ang biktima sa pangalang Ricky Temporaza na taga-Libang, Makato.

Sa kwento ng kasama sa trabaho, umakyat raw sila sa bubong para linisin ang mga nagkalat na dahon ng mangga.

Pero habang naglilinis, nasagi umano nito ang live wire ng Akelco dahilan para dumikit rito ang biktima.
Tumawag sila sa Akelco at agad namang rumesponde ang mga linemen nila.

Pagdating sa lugar agad na tinulungan nilang makuha sa pagkakasabit ang biktima pero patay na ito.

PUBLIC CONSULTATION NG KALIBO HUMIRIT NG MABABANG TAX SA MGA REAL PROPERTIES

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Humirit ng mababang tax sa mga real properties ang mga dumalo sa isinagawang public consultation ng Sangguniang Bayan ng Kalibo hinggil sa isinusulong na tax ordinance ng probinsiya.

Karamihan sa mga dumalo ang nagkasundo sa 10 porsyentong pagtaas sa market value bawat taon sa loob ng limang taon saka ito muling babaguhin.

Ang proposal na ito ay para sa market value ng lupa sa first class municipality. Hindi napagkasunduan sa nasabing konsultasyon kung ilan ang hirit nilang porsyento sa assessment level ng mga real properties.

Ito ang isinusulong na schedule of market value ng pamahalaang lokal ng Aklan para sa 1st, 2nd at 3rd class residential, commercial at industrial land sa bayan ng Kalibo:


Residential Land
Increase in Tax Due
Commercial Land
Increase in Tax Due
Industrial Land
Increase in Tax Due
1st class
P4800
445%
P10500
310%
P10000
357%
2nd class
P3500
338%
P8500

P8100
311%
3rd class
P2500
291%
P6500

P5800


Ang mga opinyon at mga suhestiyon ng mga dumalo sa konsultasyon ay isasama sa resolusyon ng Sanggunian ng Kalibo na ipapasa sa Sangguniang Panlalawigan para sa kanilang konsederasyon.

Nilinaw naman nina SB member Daisy Briones at Mark Vega Quimpo na silang nanguna sa konsultasyon, ang huling desisyon ay nasa Sanggunian parin ng probinsiya./EFMK

COMELEC-AKLAN: TULOY ANG ELEKSIYON SA OKTUBRE 23 NGAYONG TAON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tuloy ang eleksiyon sa darating na Oktubre 23 ngayong taon. 

photo (c) Philstar
Ito ang kinumpirma ni Atty. Rommel Benliro, tagapagsalita ng Commission on Election (Comelec) – Aklan sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Sa kabila ito nang pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng kongreso ng House Bill 6308 na nagpapaliban ng eleksyon sa parehong barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Mayo 2018.

Paliwanag ni Benliro, dahil walang pang nilagdaang batas ang pangulo ng bansa, kailangan nilang ituloy ang kanilang trabaho alinsunod sa umiiral na batas.

Magsisimula ang peryod ng eleksyon para sa barangay at (SK) sa Setyembre 23 at magtatapos sa Oktubre 30. 

Sa Setyembre 23 hanggang Setyembre 30 ang paghain ng certificate of candidacy. Ang kampanya ay Oktubre 13 hanggang 21.

Kahapon rin ay naglabas na ng guidelines ang Comelec sa mga nais kumandidato. Kabilang rito ang pagbabago sa edad ng mga gustong kumandidato sa SK na mas pinalawig mula edad 15 hanggang 24-anyos.

Available na umano ang form para sa ang mga nais kumandidato sa mga tanggapan ng Comelec sa 17 bayan ng probinsiya.

Wednesday, September 13, 2017

‘WALANG MALI SA AKLAN HYMN’ AYON KAY DR. GOMEZ; REBESYON MULING GAGASTUSAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Handa si Dr. Jesse Gomez na humarap sa Sangguniang Panlalawigan upang magpaliwanag sa isyu sa sinulat na Aklan hymn.

Una nang naghain ng resolusyon si SP member Harry Sucgang sa Sanggunian na ipatawag ang may akda ng “Among Akean” para pagpaliwanagin sa isang partikular na linya ng awit.

Kinukuwestyon ni Sucgang ang umano’y ‘hindi wastong’ linya na “May Ati ka, bantog sa kalibutan” (May Ati ka, tanyag sa mudo). Paliwanag ng opisyal, hindi tanyag ang mga Ati sa Aklan dahil sa diskreminasyon sa kanila at pagpapalayas sa kanilang mga tirahan.

Iminugkahi pa ni Sucgang sa kanyang resolusyon na palitan ng salitang “Ati-atihan” ang salitang “Ati” dahil ito naman anya ang tanyag sa mundo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Gomez na ang partikular na linya ay gumamit ng metonymy, isang uri ng matalinhagang salita. Nilinaw ng nagsulat na ang salitang “Ati” ay tumutukoy sa Ati-atihan, isang taunang pagdiriwang sa Kalibo.

Nanindigan si Gomez na walang mali sa nasabing linya gayunman sang-ayon rin ito sa posibleng rebesyon ng awit. Anya, gagastos na naman ang pamahalaang lokal sa produksiyon ng bagong Aklan hymn.

Pag-uusapan pa sa sesyon ng Sanggunian kung ipapatawag ba si Gomez para sa isang pagdinig kaugnay ng nasabing isyu.

Ang “Among Akean” ay dineklarang opisyal na Aklan hymn alinsunod sa provincial ordinance no. 2010-005.

MGA DRIVERS SA AKLAN PLANONG ISAILALIM SA DRUG-TEST AYON SA PNP

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by Penterest
Plano ngayon ng Police Regional Office 6 (PRO6) na isailalim sa drug-test ang lahat ng mga pumapasadang driver sa probinsiya ng Aklan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni PSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO6, na kasunod ito ng relaunching ng “Oplan Drug-Free Drivers” sa Iloilo nitong Lunes.

Sa ngayon anya ay self-regulation o boluntaryo lamang ang kanilang ginagawang drug testing sa lungsod ng Iloilo para sa mga driver ng mga public utility vehicles. Hihikayatin rin umano nila ang mga driver ng mga tricycle at maging trisikad.

Ayon kay Gorero, pag-uusapan pa nila sa regional peace and order council ang rekomemandasyon sa mga probinsiya para sa pagpasa ng ordenansa na gawing mandatory ang drug testing.

Paliwanag pa ng opisyal, ang mga papasa ay bibigyan ng sertipiko na isasabit sa kani-kanilang sasakyan. Layun umano nito na masiguro ang kaligtasan at tiwala ng mga pasahero sa mga driver.

Ang inisyatibong ito ng PRO6 na una nang inilunsad noong nakaraang taon ay bahagi parin ng giyera kontra droga ng pamahalaan.



Monday, September 11, 2017

KOREANA NASALISIHAN SA LOOB NG ISANG FAST FOOD CHAIN SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagreklamo sa kapulisan ang isang 50-anyos na Koreana matapos umanong masalisihan sa loob ng isang kilalang fast food chain sa brgy. Balabag sa isla ng Boracay.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center, naganap ang insidente kahapon mag-aalas-6:00 ng gabi habang naghihintay ng kanyang tourguide ang nasabing biktima.

Ayon kay PO1 Santi Jarloc, kinilala ang nasabing turista na si Lee Nam Young. Nalingap lamang umano ang turista nang kunin sa kanya ang bag na nakalagay sa mesa.

Sinabi ng turista, laman ng kanyang bag ang nasa 316 US dollar, Php50,000 at 60,000 Korean money, at mga mahahalagang gamit at dokumento.

Nakunan umano ng CCTV footage ang insidente ayon kay PO1 Jarloc at sa ngayon ay nagpapatuloy umano ang imbestigasyon para sa ikadarakip ng suspek.

18 ANYOS NA LALAKI NA MAY KASONG RAPE SA ILOILO, ARESTADO SA BAYAN NG ALTAVAS, AKLAN

Arestado sa bayan ng Altavas, Aklan ang isang 18-anyos na lalaki na may kasong rape sa Iloilo.

Kinilala ang lalaki na si Chill Catuiran y Nanet, residente ng brgy. Lupo, Altavas.

Naaresto ng taga-Altavas PNP ang akusado sa kanilang residensya Sabado ng umaga.

Ang warrant of arrest laban sa akusado ay inilabas ng branch 30 ng Regional Trial Court sa Iloilo nitong Agosto 24.

Nabatid na nagtratrabaho ang lalaki sa Iloilo kung saan niya nagawa ang krimen. Inireklamo umano siya ng rape ng tiyo at tiya ng isang 10-anyos na babae na ayon sa kanya ay kanya ring nobya.


Pansamantalang nakakulong ngayon sa Altavas PNP station ang akusado at nakatakdang dalhin sa kaukulang korte.

NO. 1 MOST WANTED SA KASONG RAPE SA BAYAN NG BATAN NASAKOTE NG PULISYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nasakote ng pulisya ang isang 23-anyos na lalaki na most wanted sa bayan ng Batan Sabado ng umaga.

Kinilala ang akusado na si DJ Suminod y Ugdao, residente ng brgy. Songcolan sa nasabing bayan.

Nahaharap siya sa kasong rape. Inilabas ng Regional Trial Court sa Kalibo ang warrant of arrest laban sa kanya noon pang Setyembre 2013.

Naaresto ng Batan PNP ang naturang lalaki sa mismong lugar nila.

Walang itinakdang pyansa ang korte para pansamantala niyang paglaya.

Pansamantalang ikinulong sa Batan PNP station ang lalaki bago dalhin sa kaukulang korte para sa kaukulang disposisyon.

39 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW NG MANOK

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Inaresto ng PNP ang lalaking ito matapos marecover sa kanyang posisyon ang dalawang nakaw na manok na ito.

Kinilala ang suspek sa pangalang Paul Masangya Villaruel, 39 anyos na taga-Melgar Road, Estancia, Kalibo, Aklan.

Pinasok ng suspek ang isa pang bahay sa Estancia, ngunit hindi nito alam na may CCTV pala ang bahay at may nagmomonitor. 

Pagpasok ng suspek sinita na ito ng may-ari at dinala sa PNP station sakay sa tricycle. 

Pagdating sa PNP Station bigla itong tumakbo ngunit agad namang hinabol ng mga pulis. Nang maabutan sinuri nila ang bag nito at nakita ang mga manok .