Saturday, June 03, 2017

PATAY NA BALYENA NA PINANINIWALAANG BINARIL NAPADPAD SA BAYBAYIN NG NABAS

Photo (c) Deo Alfred Venus
ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Napadpad sa baybayin ng Nagustan, Nabas ang patay na isang patay na balyena.

Ayon sa pahayag ni P03 Zaldy Belen ng Nabas PNP Station, isang concern citizen raw ang nagsumbong sa kanilang tanggapan kaninag umaga kaugnay rito.

Agad namang nag-imbestiga ang pulisya sa lugar. Ayon sa report, mahigit 200 kilo ang bigat ng balyena at may haba na 11 ft . 

Patay na raw ito dahil sa mga tinamong sugat na pinaniniwalaang dulot ng pagbaril.

Pinagtulungan naman ng mga residente na ilibing ang nasabing balyena.

MGA KABATAAN NA SANGKOT SA BANDALISMO NAGSAGAWA NG ‘OPLAN LINIS’

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsagawa ng ‘Oplan Linis’ ang mga kabataang sangkot sa talamak na kaso ng bandalismo sa bayan ng Kalibo kaninang umaga.

Gamit ang pintura, binura ng mga kabataang ito ang mga ginawa nilang bandal sa mga pribado at pampublikong lugar.

Tumulong rin ang mga tauhan ng Kalibo municipal police station sa nasabing proyekto at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Una rito, lumagda sa peace covenant ang mga kabataang ito na karamihan ay menor de edad. 

Nangako ang mga kabataang ito sa mga kapulisan at sa lokal na pamahalaan na hindi na uulitin ang kanilang ginawa at hihikayatin ang iba na itigil ang nasabing aktibidad.

Nangako naman ang Kalibo PNP at lokal na pamahalaan na isusulong ang kanilang kapakanan at ikabubuti.

Friday, June 02, 2017

HABAGAT SEASON RAMDAM NA SA ISLA NG BORACAY

Nagsimula na ang habagat sa Isla ng Boracay.

Kaugnay rito, ang mga sports activities sa isla ay ililipat sa Bulabog beach o sa kabilang bahagi ng isla.

Nagsimula naring maglagay ng mga windbreaker ang ilang mga establisyemento sa front beach ng Boracay.

Ginagamit narin ang mga alternative port sa sitio Tabon sa mainland Malay at sitio Tambisaan s
a isla.

Umaasa parin ang Malay tourism office na mataas parin ang bilang ng mga bibisita sa isla sa kabila ng pagbago ng panahon.

Base sa record, kapansin-pansin ang pagtaas sa bilang ng mga turista mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Sa unang limang buwan ng taon, umabot na sa 947,343 ang bilang ng mga turista sa Boracay. (PNA)

LALAKI NAHULIHAN NG MGA BARIL AT BALA SA BRGY. PAWA, NABAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang lalaki sa brgy. Pawa, Nabas dahil sa  pag-iingat ng mga baril na walang mga kaukulang dokumento.

Kinilala ang lalaki na si Eduardo Francisco alyas “Edwin” at tubong Pawa, Nabas.

Sa pamamagitan ng search warrant, hinalughog ng mga tauhan ng Nabas PNP at Aklan Public Safety Company ang kanyang bahay.

Narekober sa kanyang bahay ang isang homemade shotgun o sumpak, isang caliber 45, 2 steel magazine, 11 live ammunition ng caliber 45.

Ayon kay SPO4 Crispin Calzado, deputy chief ng Nabas PNP, matagal na umanong nirereklamo ng indiscriminate firing ang nasabing lalaki.

Ang lalaki ay dati umanong miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU). 

Sa ngayon, nakapiit na ang suspek sa Nabas municipal police station at posibleng maharap sa kasong paglabag sa Batas Pambansa blg. 10591.

36-ANYOS NA LALAKI ARESTADO MATAPOS HIPUAN ANG NOBYA NG AMO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo 

Inaresto ng Kalibo PNP ang lalaking ito matapos hipuan ang girlfriend ng abogado sa Kalibo, Aklan.

Kinilala ang suspek sa pangalang Roberto Delos Reyes y Gardose, 36 anyos na taga Poblacion, Balete, Aklan, helper ng pamilya ng abogado.

Naganap ang isidente alas-11:00 ng umaga kanina, lasing umano ang suspek kaya nilapitan nito ang girl friend ng amo saka pinisil sa pribadong parte ng katawan na nagresulta sa mainitang pagtatalo.

Kwento ng suspek sa pulis, dahil sa insidente sinakal raw siya at sinuntok ng abogado.

Pahayag naman ng abogado, matapos ang insidente hinaras pa raw siya ng suspek at sinabing papatayin raw nito.

Nabatid na katiwala ng aboagado ang suspek.

Sa ngayon ay nakakulong na sa Kalibo PNP station ang suspek at nahaharap sa mga kasong acts of lasciviousness at grave threat.

SASAKYAN BUMANGGA SA POSTE NG KURYENTE; DALAWA SUGATAN

Bumangga sa poste ng kuryente ang isang sasakyan sa kahabaan ng national highway ng Mabilo, Kalibo pasado ala-1:00 ng madaling araw kanina.

Sa report ng Kalibo municipal police station sugatan ang 18-anyos na lalaking driver, residente ng brgy. Andagao, Kalibo; at ang isang 19 anyos na babaeng pasahero, residente ng Pandan, Antique.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing umano ng Kalibo ang Ford Everest patungong New Washington sakay ang limang pasahero.

Nawalan ng kontrol ang driver sa steering handle ng sasakyan dahilan para lumihis ito at mabangga sa poste.

Sa tindi ng pagkasalpok, halos mabali ang stell post ng Aklan Electric Cooperative samantalang tuklap rin ang harapan ng sasakyan at natanggal ang mga gulong.

Sira rin ang plant block na dinaanan ng sasakyan samantalang nagdulot rin ng pagkawala ng suplay ng kuryente ang nasabing aksidente.

Nakaconfine ngayon sa pribadong ospital ang driver at ang isa niyang pasahero.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing kaso.

70 ANYOS NA LOLA, NADUKUTAN SA LOOB NG MALL SA KALIBO; PHP15K NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagreklamo sa pulisya ang isang 70-anyos na lola makaraang madukutan ano siya sa loob ng bagong mall sa bayan ng Kalibo.

Kinilala ang biktima na si Candelario Lumogdang, residente ng brgy. Caridad, Culasi.

Ayon sa report ng Kalibo municipal police station, inilagay umano ng matanda ang kanyang wallet sa loob ng shoulder bag.

Laman nito ang pera na nasa Php15 libo at iba pang mga importanteng dokumento.

Nakunan pa ng close circuit television (CCTV) ng mall na sinusundan ng isang tomboy ang nasabing biktima.

Samantala, dalawa pang babae ang nagreklamo sa pulisya na nadukutan rin sila sa magkahiwalay na establisyemento komersyal.

Nakuha rin sa kanila ang nasa pitong libong pisong halaga ng pera at iba pang mga dokumento.
Iniimbestigahan na ng mga kapulisan ang mga nasabing insidente.

Thursday, June 01, 2017

PAGKAMATAY NG SANGGOL, INIREKLAMO NG INA SA PROV'L HOSPITAL

Nagreklamo sa pamunuan ng provincial hospital ang isang nanay matapos namatay ang kanyang sanggol dahil umano sa di wastong paghila ng doktor.

Bintang ng 26-anyos na ina, nakarinig umano siya ng pagkabali ng buto ng bata nang hilahin ito ng doktor mula sa kanyang sinapupunan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Dr. Paul Macahilas, hepe ng ospital, pinabulaanan niya ang nasabing akusasyon.

Katwiran umano ng doktor na nagpaanak, 24 oras nang patay ang sanggol bago pa ito lumabas sa sinapupunan ng ina.

Paliwanag umano ni Dr. Karen Magharing ng OB-GYN ng ospital, posibleng namatay ang bata dahil sa kawalan ng tubig at nagdumi na sa tiyan ng ina o intrauterine fetal death.

Nagkatuklap din umano ang balat ng bata sa leeg at pisngi dahil sa ito ay macerated na dahil sa matagal nang patay taliwas sa alegasyong dahil ito sa maling paghila.

Nangyari ito Mayo 28 at makaraan ang dalawang araw ay inilibing na ng pamilya ang babaeng sanggol.

Hindi parin matanggap ng ina na tubong Malay, Aklan ang pagkamatay ng kanyang sanggol kaya niya ito nirereklamo sa ospital.

PRO6 PINASIGURO ANG PEACE AND ORDER SA REHIYON SA GITNA NG MARAWI CRISIS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Aklan PPO
Pinasiguro ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa lahat na mananatili ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon base sa inilabas na opisyal na pahayag.

Nanawagan sila sa taumbayan na huwag ikabahala ang mga presenya ng mga pulis sa mga pangunahing lansangan dahil bahagi lamang ito ng kanilang pinaigting na  seguridad.

Nilinaw rin ng pamunuan ng PRO6 na sa Mindanao lamang ang Martial law dahil sa nagyayaring krisis na dulot ng mga terorista sa Marawi City.

Humingi rin ng kooperasyon ang PRO6 sa taumbayan na maging mapagmatyag at ireport kaagad sa mga istasyon ng pulis ang mga kahinahinalang tao o terroristic behavior na mamamataan nila sa kanilang lugar.

Maliban rito, nanawagan rin ang pulisya sa mga lider ng mga relihiyon na isama sa kanilang pagsamba at panalangin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga tao sa rehiyon.

Umaasa ang mga awtoridad na sa pamamagitan nito ay mapigilan ang posibleng pagpasok ng terorismo sa rehiyon na posibleng pag-ugatan ng deklarasyon ng Martial law sa Visayas na una nang tinitingnan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Apela rin ng mga kapulisan na manatiling nagkakaisa at kalmado.

Wednesday, May 31, 2017

PLASTIC BAN SA BORACAY IPAPATUPAD NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Ipapatupad ng pamahalaang lokal ng Malay ang five-year-old na na batas na naglalayong mabawasan ang paggamit ng plastic.

Nakatakdang ipatupad soft implementation ng municipal ordinance no. 320-2012 na ito sa Hunyo 15 sa buong bayan kabilang na ang isla ng Boracay.

Ipinagbabawal sa ordinansa ang paggamit at pagbebenta ng plastic bag sa mga dry goods, at mabawasan ang paggamit nito sa mga wet goods. Ipagbabawal rin ang paggamit ng styrofoam.

Hinihikayat sa batas na ito ang paggamit ng mga reusable bags, woven bags, cloth bags, paper bags, at iba pa na gawa sa mga biodegradable materials.

Papatawan ang mga lalabag mula Php1,000 hanggang Php2,500 penalidad o pagkakulong ng isa hanggang anim na buwan.

Posible namang ikansela operasyon ng mga establisyementong lalabag sa batas na ito.

Nakikita na isa ito sa magiging solusyon sa problema ng basura sa isla ng Boracay. (PNA)

DALAWANG LALAKI NAHULI SA PAGNANAKAW SA PROVINCAL HOSPITAL

ulat ni Archie Hilario / Joefel Magpusao, Enegy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaki matapos magnakaw ng gasolina sa mga nakaparking na motorsiklo sa compound ng provincial hospital madaling araw kanina.

Nahuli ng mga gwardiya ang isang 14 anyos samantalang naaresto rin ng rumurundang pulis ang kanyang kasama.

Sa report ng Kalibo police station, kinilala ang suspek sa pangalang Benjie Bajado, 19 anyos, residente ng Sto. Niño Village, Poblacion, Kalibo.

Narekober sa dalawa ang isang plastic bottle na may lamang gasolina at isang 14 pulgadang kutsilyo.

Nakakulong na ang 19 anyos na suspek sa Kalibo PNP, samantalang nasa pangangalaga naman ng municipal social welfare and development office ang isa na tinuturing na Children in Conflict with the Law.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang nakatakas nilang kasama.

10 PULIS MULA AKLAN PINADALA SA MARAWI CITY

photo (c) Aklan PPO
Sampung pulis ng Aklan Provincial Police Office (APPO) ang sumabak na sa nagaganap na bakbakan sa Marawi City.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni SPO1 Nida Gregas, tagapagsalita ng APPO, na ang mga nasabing pulis ay galing sa Aklan Public Safety Company.

Karamihan umano sa mga pulis na ito ay mga police officer 1.

Sinabi ni Gregas na sa buong rehiyon, kabuuang 114 kapulisan ang pinadala na sa Marawi City bilang dagdag pwersa kontra sa pagsagupa ng mga terorista.

Malaking bahagi ng bilang ang mula sa Regional Public Safety Company Battalion ng Police Regional Office 6. May mga pulis din mula sa mga lalawigan ng Antique at Capiz.

Nakaalerto parin ang mga kapulisan sa probinsiya simula nang ideklara ni pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa Mindanao.

Matatandaan na nitong Mayo 23 nang unang atakehin ng Maute terror group ang Marawi City kung saan nasa 100 na ang naiulat na namatay.

Tuesday, May 30, 2017

SEGURIDAD SA PAGBUBUKAS NG KLASE, PINAGHAHANDAAN NG MGA KAPULISAN

 ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Kalibo PNP
Sinisiguro ngayon ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang seguridad para sa matiwasay na pagbubukas ng klase sa Hunyo 5.

Ayon kay APPO provincial director PSSupt. Lope M Manlapaz, nakaalerto parin ang mga kapulisan upang masigurong walang anumang masasamang elemento ang makapasok sa probinsiya sa darating na pasukan.

Maglalagay umano ng public assistance desk ang mga kapulisan sa mga paaralan pati rin sa mga airport, seaport, transport terminal, mall, business center at iba pang matataong lugar.

Magsasagawa rin ang mga kapulisan ng mobile at foot patrol sa mga pangunahing daanan patungo sa mga paaralan at maging sa bisinidad ng mga ito.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga estudyante na iwasan makipag-usap sa mga hindi kakilala, pagdadala ng malaking halaga ng pera at paggamit ng cellphone habang naglalakad.

Agad ring ireport sa mga awtoridad ang anumang kaso ng bullying at mga sakuna.

20 ANYOS NA DALAGA PINAKITAAN NG ARI NG ISANG LALAKI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsumbong sa mga kapulisan ang isang dalaga makaraang pakitaan umano siya ng ari ng isang 'di pa nakikilalang lalaki sa Capitol Site, Kalibo pasado alas-10:00 ng umaga. 

Kuwento ng 20 anyos na biktima sa Energy FM Kalibo, nag-aantay umano siya sa kanyang tatay na sunduin siya nang dumating ang nasabing lalaki.

Sakay umano ito sa motorsiklo at biglang huminto sa kanyang harapan at inilabas ang kanyang ari para paglaruan.

Nagulat at natakot ang dalaga na tubong Batan, Aklan kaya ito tumakbo papalayo.

Ayon pa sa kanya, nakasuot umano ng short ang lalaki at nakaface-mask at nakasunglass. 

Matapos ang insidente ay umalis naman agad ang suspek sakay ng motorsiklo.

Nabatid na pumapasok sa isang review center ang dalaga sa nasabing lugar para sa teachers' board exam.

Agad namang isinumbong ng dalaga ang nangyari pagdating ng tatay bagay na inireport nila sa pulisya.

DALAWA ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA BUYBUST OPERATION SA PROBINSYA

Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na buybust operation sa probinsiya ng Aklan kagabi. 

Sa bayan ng Nabas naaresto ng mga tauhan ng Nabas municipal police station ang isang tourist guide na nagtutulak ng droga sa brgy. Union, Nabas.

Kinilala ang suspek na si Julio Perucho, 32, residente ng nasabing lugar.

Nabilhan ang lalaki ng isang sachet ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng Php500 marked money.

Maliban rito, narekober rin ng mga awtoridad ang tatlong sachet marijuana.

Sa bayan naman ng New Washington, naaresto naman ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit ang isang 35 anyos na lalaki na tinuturing na High Value Target.

Kinilala ang suspek na si Jerson Menoto Jr., alyas Jaya, residente ng Poblacion, New Washington.

Sa operasyon na ginawa sa nabanggit na lugar, nabilhan ng 1 sachet ng pinaghihinalaang shabu ang suspek kapalit ng Php1,000 buybust money.

Narekober din sa kanya ang dalawa pang sachet na naglalaman ng sinasabing droga.

Kapwa itinanggi ng dalawa ang akusasyong nagtutulak sila ng iligal na droga.

Parehong nakakulong na ngayon ang mga suspek at inihahanda na ang kasong isasampa sa kanila sa paglabag sa Republic Act 9165.

Monday, May 29, 2017

AKELCO ‘LIABLE’ SA MGA NASIRANG MGA APPLIANCES DAHIL SA ‘PATAY-SINDENG’ KURYENTE

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

‘Liable’ ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) sa pagkasira ng mga appliances at epekto sa negosyo na dulot ng sunud-sunod  na power interruption.

Ito ang sinabi ni Sangguniang Panlalawigan member Harry Sucgang sa kanilang regular session kaugnay sa isyu ng patay-sindeng suplay ng kuryente.

Sinabi ni Sucgang, apektado ang mga negosyante sa bagay na ito kagaya nalang  kapag ang mga restaurant ay nasisiraan ng mga pagkain dahil sa mga unscheduled interruption.

Sang-ayon naman rito si SP member Esel Flores dahil ito rin ang reklamo ng ilang mga negosyante sa isla ng Boracay.

Paliwanag ni Atty. Sucgang, pwede umanong ireklamo ang Akelco dahil sa mga hindi inaasahang power interruption lalu na at wala namang mga kalamidad.

Naniniwala ang mambabatas na mayroong kakulangan ang Akelco sa kanilang operasyon.

Binuksan ni SP member Lilian Tirol ang nasabing isyu sa plenaryo matapos makarating sa kanya ang ilang mga reklamo ng ilang consumer sa mga nasisira nilang mga appliances dahil dito.

Kaugnay rito, ipapatawag ng Sanggunian ang pamunuan ng Akelco para sa isang pagpaliwanagin sa nasabing isyu sa pagdinig na pangangasiwaan ng committee on energy.