Ulat ni Darwin Tapaya, Energy FM 107.7 Kalibo
Siguradong aabangan at mag-eenjoy na naman ang mga taga-Aklan at mga bisita sa panibagong aktibidad at contest sa nalalapit na Kalibo Ati-atihan Festival.
Ayon kay Albert Meñez, chairman ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc., pagtutuoan umano nila sa susunod na selebrasyon ang tunog kumpara sa kostyum.
Sa darating na Enero 16 ng susunod na taon, magpapasiklaban ang iba-ibang grupo gamit ang iba-ibang sound instrument na makakalikha ng magandang tunog.
Sa gabi ay iikot ang grupo sa Pastrana Park kung saan maglalagay ang apat na kilalang sound system company ng kani-kanilang disco light sa mga lansangan ng Archbishop, Mabini, C. Laserna at 19 Martyrs.
Ayon kay Meñez ito ay magdamagang street party na bago sa pagdiriwang na ito na ayon ay bukas sa lahat ng gustong ‘magsadsad’ o magstreet dance. Plano ng organizer na makapasok sa world record ang naturang aktibidad.
Sa linggo ng pagdiriwang, hindi parin mawawala ang inaabangang mga aktibidad gaya ng float parade, Sinaot sa Kalye ng DepEd, at ang contest proper ng iba-ibang grupo.
Samantala, naka-set na ang opening salvo ng Ati-atihan sa darating na Oktubre 20-21.