Friday, October 13, 2017

BUREAU OF FIRE SA AKLAN PINAG-IINGAT ANG TAUMBAYAN SA MGA NAG-IINSPEKSYON NG MGA TANGKE NG GAS SA KANILANG BAHAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Pinag-iingat ngayon ng Bureau of Fire Protection sa Aklan ang taumbayan sa mga modus ng mga umano’y nag-iinspeksyon ng mga tangke ng gas sa kanilang bahay.


Bagaman walang pormal na reklamo sa tanggapan ng BFP-Aklan, nitong mga nakalipas na araw ay usap-usapan sa social media ang ganitong modus.

Mag-iinspeksyon umano ang mga ito sa hose ng LPG tank at sasabihing may leak at pilit nilang papalitan sa may-ari sa halagang Php2,000.

Ayon kay SFO1 Felinor Suco, chief fire safety enforcement section ng office of the provincial fire marshall, hindi na umano bago ang nasabing kaso.

Dapat anya ay may maipakitang mga kaukulang dokumento ang mga ito: fire safety inspection certificate na ibinigay ng BFP sa partikular na lugar; business permit; installation clearance at registration sa Department of Trade and Industry.

Nanawagan naman siya sa taumbayan na makipag-ugnayan agad sa kanilang tanggapan o sa mga awtoridad para mahuli ang mga manlolokong ito.

60-ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA KASONG MURDER SA BAYAN NG LIBACAO

Arestado ang isang 60-anyos na lalaki sa kasong murder sa bayan ng Libacao ngayong araw (Oct. 13).

Kinilala ang akusado na si Porferio Asiong y Baet, residente ng sitio Karaityan, Brgy. Loctuga sa nasabing bayan.

Naaresto ng mga tauhan ng Libacao municipal police station ang lalaki sa Brgy. Poblacion dakong ala-una ng hapon.

Nabatid na ang kanyang warrant of arrest ay inalabas noon pang Disyembre 23, 1993. Nilagdaan ito ni judge Rowena Valencia ng Regional Trial Court dito sa bayan ng Kalibo.

Walang itinakdang pyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Pansamantalang ikinulong ang lalaki sa Libacao police station habang inihahandang dalhin sa korte.

GLASS-BOTTLED DRINKS SA OPENING SALVO IPAGBABAWAL NARIN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagbabawal sa pagbibitbit at pagtitinda ng mga glass-bottled drinks sa opening salvo ng Kalibo Ati-atihan festival.

Ito ay kasunod ng inihaing proposed draft ordinance ni SB member Philip Kimpo na amyendahan ang municipal ordinance no. 011 s. 2016.

Sinasaad sa nasabing ordenansa ang pagbibitbit ng mga glass-bottled drinks sa panahon ng Ati-atihan na sinimulan nang i-obserba sa nakalipas na festival.

Pag-aaralan pa ng mga miyembro ng Sanggunian ang pagpapataw ng kaukulang penalidad sa mahuhuling lalabag nito.

Samantala, ilan pa sa plano ng lokal na pamahalaan at ng pulisya sa opening salvo sa Oktobre 19-20 ay ang pagpapatupad ng No Smoking ordenance, at paghihigpit sa pagdadala ng mga backpacks.

Ipagbabawal rin ang hindi lisensyadong pagpapaputok, at pagbibitbit at pagtitinda mga patalim o mga kahalintulad nito.

BAGONG TRAFFIC SCHEME SA MGA PANGUNAHING KALSADA SA KALIBO PLANO NANG ISABATAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinagpaplanohan na ngayon ng Sangguniang Bayan ang pagsasabatas sa bagong traffic scheme sa mga pangunahing kalsada o lansangan sa Kalibo.

Pinuna ng ilang miyembro ng Sanggunian na ilang motorista ang sumusuway sa umiiral na dry-run ng rerouting scheme na nagsimula pa sa pangalawang linggo ng Agosto.

Ayon kay SB member Daisy Briones, kailangan nang maisabatas ang scheme para mapatawan na ng kaukulang mga penalidad ang mga lumalabag rito.

Sa pagharap sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SPO3 James Bantigue, chief traffic ng Kalibo PNP, inihahanda na ng traffic and transport management division ang proposal sa Sanggunian para sa pagsasabatas nito.

Ito rin ang hiling ng isang abogado sa kanyang sulat na ipinadala sa Sanggunian. Ayon kay Niobady Marin kailangan umanong maging tuluy-tuloy na ang maayos na daloy ng trapiko; dapat anya ay maisabatas agad ito.

Nakatakda namang magpulong ang committee on transportation ng Sanggunian kaugnay sa nasabing isyu.

MALABONG STREET LIGHTS SA MGA HIGHWAY SA KALIBO PINUNA SA SANGGUNIANG BAYAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinuna ng isang opisyal ang anya ay malabong street lights sa kahabaan ng Mabini St., D. Maagma St. at Cardinal Sin avenue patungong Kalibo International Airport.

Sa regular session ng Sangguniang Bayan, sinabi ni SB member Buen Joy French, isa umano ang malabong mga ilaw sa mga dahilan ng nangyayaring aksidente at insidente sa mga kalsadang ito.

Kaugnay rito, naghain ng resolusyon ang opisyal na humihiling sa Department of Public Works and Highway at sa governor’s office na i-upgrade ang mga nasabing ilaw.

Paliwanag ni French, makakatulong umano ang maayos na lighting facilities sa mga highway na ito para maiwasan ang mga aksidente at insidente.

Sang-ayon naman ang iba pang miyembro ng Sanggunian sa resolusyon ni French.

PAMPASABOG NATAGPUAN SA BAKURAN NG KAPITAN SA IBAJAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang pampasabog o bomba ang natagpuan sa likuran ng bahay ng punong barangay sa Sta. Cruz, Ibajay Huwebes ng hapon (Oct. 12).

Salaysay ni punong barangay Vergelio Dela Cruz sa kapulisan ng Ibajay, una umano niyang nakita ang isang plastic bag na nakausli sa lupa habang naglilinis ng bakuran.

Nang usisain, laking gulat niya nang mapag-alamang isang uri ng pampasabog ang laman nito.

Ayon sa pulisya isa itong 60 mm mortar bomb na hindi pa sumabog. Ayon kay SPO4 Benjie Repedro, Explosives Ordnance Division (EOD), ang nasabing pampasabog ay isa rin umano sa ginagamit na pampasabog sa giyera sa Marawi City.

Nanawagan siya sa taumbayan na kapag nakakita ng ganitong uri ng bomba ay huwag galawin at ireport agad sa mga kapulisan.

Nakatakdang i-dispose ang nasabing bomba.

27 ANYOS NA LALAKI PATAY NANG MABUNDOL NG VAN SA BAYAN NG TANGALAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos mabundol ng rumaragasang van sa Brgy. Tagas, Tangalan gabi ng Martes (Oct. 10).

Kinilala ang biktima na si Alvin Nicolas y Tagumpay residente ng Brgy. Jawili sa parehong bayan.

Ayon sa report ng Tangalan PNP, tatawid sana ang biktima sa kahabaan ng national highway nang mabundol ito ng pampasaherong van galing sa Caticlan patungong Kalibo.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon sa kalsada ang biktima at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan at ulo.

Agad na isinugod sa provincial hospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay kinaumagahan habang inoobserbahan sa surgical intensive care unit.

Pagkatapos ng insidente, agad namang sumuko s mga awtoridad ang driver ng van na si Crisanto Aguilar, residente ng bayan ng New Washington.

Pansamantalang ikinulong sa Tangalan municipal police station ang driver ng van para sa kaukulang disposisyon.

Tuesday, October 10, 2017

LIMANG BAYAN SA AKLAN NAGKAISA PARA SA INTER-LOCAL COMMUNITY-BASED REHABILITATION PROGRAM

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagkakaisa ngayon ang limang bayan sa Aklan para sa kauna-unahang inter-local community-based rehabilitation program para sa mga drug surenderee.

Ang rehabilitation program na ito ay pinangungunahan ng Southwestern Aklan Inter-Local Health Zone (SAILHZ) na binubuo ng mga bayan ng Lezo, Makato, Numancia, Madalag at Malinao.

Nilunsad ang nasabing programa ngayong araw (Oct. 10) sa Sports Complex ng Lezo na may temang "Komyunidad magbueoligan, illegal nga droga iwasan, para sa kamaeayran it tanan".

Ayon kay Dr. Athena Magdamit, municipal health officer ng Lezo, layunin ng inter-local health zone na ito ang matulungan ang bawat-isa para sa matagumpay na rehabilitation program.

Dinaluhan ang aktibidad na ito ng mga alkalde at iba pang mga opisyal ng mga nasabing bayan, mga municipal health officer, mga kapulisan at ang kanilang mga hepe, at iba pang ahensiya ng gobyerno.  

Dinaluhan rin ito ng 82 mga person who used drugs (PWUD) mula sa limang munisipalidad na may mga moderate na kaso. Naroon din ang mga pastor o mga ministro ng mga relihiyon na bahagi ng community rehabilitation program.

Kabilang sa mga naging pangunahing tagapagsalita sa nasabing aktibidad si PSupt Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office 6.

Ang  SAILHZ ay pinangungunahan ni Madalag mayor Alfonso Manoba bilang chairman; si Dr. Magdamit naman ang chair ng working technical group.

DRUG SURENDEREE SA AKLAN AABOT NA SA 2,000

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aabot na sa 2,000 ang bilang ng mga nagsurender na drug dependent o person who use drug (PWUD) sa probinsiya ng Aklan kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Sa tala ng Police Regional Office (PRO) 6, simula July 1, 2016 hanggang September 5, 2017, nakapagtala na ang probinsiya ng 1,971 drug surenderee. 

Ang report na ito ay inilatag ni PSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO 6, sa kanyang pagbisita sa bayan ng Lezo ngayong araw (Oct. 10) para sa launching ng community-based rehabilitation program.

Sa parehong period, aabot sa 207 na ang naaresto ng mga kapulisan sa probinsiya samantalang isa naman ang naitalang napatay sa kanilang operasyon.

Sa mga nagsurender, 27 umano rito ay mga menor de edad 17-anyos pababa.

Sa buong rehiyon, nakapagtala ang PRO6 ng 20,770 mga drug surenderee sa nabanggit na period.

Samantala, nanawagan parin si Gorero ng kooperasyon ng mamamayan na hikayatin ang iba pang mga drug dependent na sumuko na sa mga kapulisan.

Pinasiguro niya na handang tumulong ang mga kapulisan, ang iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang pagbabago.

28 DRUG SERENDEREE SA AKLAN NAGTAPOS NGAYONG ARAW SA REHABILATATION PROGRAM

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagtapos ngayong araw (Oct. 10) ang 28 drug dependent mula Lezo, Aklan sa community-based drug rehabilitation program ng kapulisan at ng gobyerno.

Ang mga person who use drugs (PWUD) na ito ay nakaranas ng low at mild drug addiction.

Sa naturag programa, nanawagan si Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office na ipagpatuloy ang kanilang pagbabago.

Pinasiguro naman ni Provincial Welfare and Development Officer Evelyn Gallega na handang tumulong ang gobyerno na mabigyan sila ng hanapbuhay.

Nagpapasalamat si Dr. Athena Magdamit ng Rural Health Unit ng Lezo sa suporta ng pamahalaang lokal, mga kapulisan at ng komunidad para sa rehabiltasyon ng mga drug surenderee sa kanilang bayan.

Isinabay ang kanilang pagtatapos sa launching isang combined community-based drug rehabilitation program ng mga bayan ng Madalag, Malinao, Makato, Numancia at Lezo.

Naging pangunahing panauhin sa nasabing aktibidad si PSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office 6.

PULIS INALOK MAG-SHABU NG NAKAINUMANG LALAKI SA ISANG BAR

Ulat ni Arhie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Inalok raw gumamit ng illegal na droga ang pulis na si SP01 Clemente Magtanum habang nasa loob ng isang bar sa Kalibo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkakilala si Magtanum at suspek na si Reynato Pamintuan Jr. sa loob ng bar alas-2:00 pasado ng umaga. Hindi umano alam ng suspek na pulis ang kanyang kausap kaya inalok siya nito na gumamit ng droga. Nang matunugan na pulis pala ito. Dito na nagwala ang suspek at sinabing binunutan umano siya ng baril ng pulis.

Kaya agad tumawag sa PNP Kalibo ang ilan sa mga concern citizen. Rumesponde agad sa lugar ang mga pulis. Dahil sa unang reklamo ng suspek agad na nirekisa at kinapkapan ng kapwa pulis si SP01 Magtanum ngunit walang baril na nakuha dito.

Nagpatuloy ang imbestigasyon ng pulisya at batay sa mga nakalap nilang witness at sa may-ari raw ng bar hindi nanutok at naglabas ng baril ang pulis.

Pinaliwanag ng imbestigador sa suspek na walang batayan ang kanyang alegasyon. Dito na nagalit si Pamintuan at pinagsisigawan raw ang imbestigador na si P02 J Mar Moises. Kaya inaresto nila ito dahil sa kasong disobedience upon an agent of person in authority.

Pagdating sa Kalibo PNP Station pinagsisigawan pa raw doon si SP02 Rolly Sabado at iba pang pulis.

Nakakulong na ang suspek sa kalibo PNP Station.

Monday, October 09, 2017

AKLAN AT 16 MUNISIPYO PASADO SA GOOD FINANCIAL HOUSEKEEPING NGAYONG TAON

Pasado ang pamahalaang lokal ng Aklan at ang 16 na munisipalidad sa Good Financial Housekeeping (GFH) matapos magpakita ng kahusayan sa financial administration.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) nakapasa ang mga ito sa mga sumusunod na criteria:


“1. Unqualified or Qualified COA Opinion of the immediately preceding year;

2. Compliance with the Full Disclosure Policy: Posting of Financial Documents in three (3) Conspicuous Places and in the Portal;

3. Posting of Electronic Statement of Receipt and Expenditures (e-SRE) in BLGF Website.”

Ayon kay Atella Peralta-Velasco, local government operation V ng DILG-Aklan, hindi nakasama ang bayan ng Malay sa nasabing listahan dahil hindi nila na-comply ang unang criteria.

Paliwanag ni Velasco, ang GFH ay bahagi lamang para makapasok sa Seal of Good Local Governance (SGLG).

Ang GFH Certification ay requirement sa mga LGU para maka-access ng loans alinsunod sa Local Finance Circular No. 1-2012 at sa mga national program kagaya ng Bottom-Up Budgeting Program at SALINTUBIG Program ng DILG.

31 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGTUTULAK NG DROGA

Arestado ang isang 31-anyos na lalaki sa Isla ng Boracay sa pagtutulak umano ng iligal na droga.

Kinilala ang suspek na si Ericson Tolentino y Villanueva, tubong Brgy. Andagao, Kalibo at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Manocmanoc sa nasabing isla.

Sa isinagawang buybust operation Lunes ng madaling araw (Oct. 9) nasabat sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ang Php1,000 buy bust money.

Maliban rito, nakuha rin sa kanyang posesyon at kontrol ang dalawa pang sachet ng shabu.

Ginawa ang nasabing operasyon sa Brgy. Manocmanoc ng pinagsamang pwersa ng Aklan PPO PDEU, BTAC, Malay MPS, PDEA 6, APPSC at Task Group Noah.

Mariin namang itinanggi ng suspek sa panayam ng Energy FM Kalibo ang pagkakasangkot niya sa iligal na droga.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Article II of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang nasabing suspek.

PHP41M POSIBLENG MALIKOM NG PAMAHALAANG LOKAL NG AKLAN MULA SA BAGONG TAX ORDINANCE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinatayang nasa Php41 milyon ang malilikom ng pamahalaang lokal ng Aklan mula sa bagong tax ordinance ng probinsiya mula sa mga real properties. 

Ito ang sinabi ni provincial treasurer Suzette Pioquid sa  press conference sa Sangguniang Panlalawigan kasunod ng pag-apruba ng tax ordinance no. 2017-001 nitong nakaraang linggo.

Sinabi ni Pioquid na sa nakalipas na taon, nakalikom ang pamahalaang lokal ng Php28 milyon mula sa umiiral na tax ordinance.

Ayon naman kay vice governor Reynaldo Quimpo, bagaman nagtaas ang babayarang amelyar sa bagong ordenansa, sapat lamang anya ito para makober ang administrative expensives ng gobyerno lokal.

Ayon sa nasabing batas, ang kikitaing buwis ay paghahatian ng pamahalaang lokal ng probinsiya (35%), munisipyo (40%), at ng barangay (25%) para sa iba-ibang proyekto.

Ang isa pang bahagi ng binabayarang buwis ay mapupunta sa Special Education Fund (SEF). 

Paliwanag ng mga opisyal, kabilang sa paggagastuhan nito ay ang mga school board teacher, sports program, repair at maintenance ng mga school buildings.

Ang SEF ay paghahatian ng munisipyo at ng probinsiya.