Saturday, June 22, 2019

Aklan PNP gears up for “Kapistahan ni San Juan 2019”

file photo: Tangalan PNP
Aklan Police Provincial Office gears up for the celebration of Kapistahan ni San Juan this year.

Saint John the Baptist Day (Kapistahan ni San Juan/Pista ni San Juan) is a celebration annually celebrated not only in the municipality of Kalibo but also in the nearby towns, usually in the coastline, beaches, falls, and resorts in the province.

Tourists, motorist and devotees coming from other places will be expected to arrive in the province. Hence, Officer-in-Charge of Aklan PPO, PCOL Esmeraldo Osia Jr., directed the activation of “STG San Juan” providing public safety services to the general public.

“We expect the increase in the volume of commuters, tourists, and devotees due to the observance of the feast,” he said adding that the police operations against crimes, insurgency and terrorism will likewise be doubled to thwart any untoward incident.

“We will intensify our police visibility, checkpoints/chokepoints, and intelligence gathering operations,” the provincial top cop announced.

Osia also said that all field unit commanders were directed to maintain close intelligence monitoring to ensure the efficient delivery of public safety services during such festivity. (PSSgt. C. Lagatic/Aklan APPO)

Thursday, June 20, 2019

Mga kolorum na tricycle sa bayan ng Kalibo gustong gawing legal

file photo of Energy FM Kalibo
ISINUSULONG NGAYON na isama sa inaamyendahang  Municipal Ordinance no. 2005-043 o Traffic Code ng Kalibo ang probisyon na magsasalegal ng mga "colorum" na tricycle sa kabiserang bayang ito.

Ito ang sinabi ni Mary Gay Joel, head ng Traffic Transport Management Division ng pamahalaang lokal ng Kalibo, sa panayam ni Kasimanwang Joel Nadura dito sa Energy FM Kalibo.

Ayon kay Joel, nais umano nilang gawing legal ang operasyon ng mga "colorum" na tricycle sa pamamagitan ng pagbibigay ng special permit sa kanila.

Isa umano ito sa napagkasunduan sa binuong Technical Working Group ng pamahalaang lokal para pag-aralan ang pag-amyenda sa 15-taon nang traffic code.

Sabi niya, ang planong operasyon ng mga kolorum na tricycle ay alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga. Magkakaroon din umano sila ng color coding para ma-identify sila sa mga tricycle na may mga prangkisa.

Mababatid na ilang kolorum na tricycle sa kabiserang bayang ito ang mga naiulat na nasasangkot sa kriminalidad, pero hirap ang mga otoridad na matukoy agad ang driver at ang sasakyan dahil sa hindi ito rehistrado sa munisipyo.

Ito umano ayon kay Joel ay magsisilbing paraan para madokumento ang mga kolorum na tricycle na bumibiyahe dito.

Mababatid rin na isa sa mga matagal nang hinaing ng mga kolorum na tricycle driver ay ang pagtigil na ng munisipyo na mabigyan sila ng prangkisa para legal na makabiyahe sa kagustuhan nilang makapaghanap-buhay.

Nakatakdang dinggin ang nasabing panukala at iba pang mga isinusulong na bagong probisyon ng traffic code sa Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan nitong darating na Biyernes.

Iimbitahan sa nasabing pagdinig ang mga kinatawan ng tranport sector, mga komyuters at iba pa para pakinggan ang kanilang mga hinaing.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Lalaki balik-kulungan matapos mahulihan ng iligal na droga sa buy bust operation


NUMANCIA, AKLAN - BALIK-KULUNGAN ang isang 37-anyos na lalaki matapos mahulihan ng iligal na droga sa buy bust operation sa Brgy. Aliputos, Numancia hapon ng Miyerkules.

Kinilala sa ulat ng Numancia PNP ang suspek na si Michael Briones, isang kristo sa sabungan, residente ng Brgy. Laguinbanwa West, Numancia.

Nasabat sa kanya ang dalawang sachet na may lamang pinaniniwalaang shabu sa buy bust operation kapalit ng Php10,000 buy bust money.

Kinumpiska ng kapulisan ang kanyang cellphone na pinaniniwalaang naglalaman ng transaksyon sa iligal na droga.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang mga narekober sa na droga at buy bust money mula sa kanya.

Nabatid na dati nang nakulong ang suspek matapos mahuli rin sa buy bust operation noong mga nakalipas na taon. Nakalabas ito dahil sa plea bargaining.

Pansamantalang ikinulong sa Numancia PNP Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, June 19, 2019

Lalaki nakuryente, nahulog sa puno patay sa bayan ng Makato


PATAY ANG isang lalaki matapos itong makuryente at mahulog sa puno sa Brgy. Calimbajan, Makato umaga ng Miyerkules.

Kinilala sa ulat ng Makato PNP ang lalaki na si John Carlo Tubal Piano, laborer, nasa legal na edad at residente ng Brgy. Castillo sa nasabing bayan.

Batay sa paunang ulat ng kapulisan, nagpuputol umano ng sanga ng kahoy sa compound ng Dr. Ramon B. Legaspi Sr. National Highschool nang maganap ang aksidente.

Nahagip umano niya ang linya ng kuryente dahilan para siya ay makuryente at mahulog sa puno ng kahoy.

Naisugod pa sa ospital ang lalaki pero hindi na ito umabot ng buhay ayon sa attending physician. ##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Marijuana nasabat sa isang 20-anyos na lalaki sa Caticlan Airport

photo: Nickie Boy Cahilig
KALIBO, AKLAN - Inaresto ng kapulisan ang isang 20-anyos na lalaki matapos mahulihan ng isang sachet ng pinaniniwalaang dried marijuana leaves habang nasa Caticlan Airport.

Kinilala sa ulat ng Malay PNP ang suspek na si Ronnie Angelo Kyle Mabait, taga-Quezon City, at nagbabakasyon lamang sa Isla ng Boracay.

Nabatid na galing sa Isla ang suspek kasama ang kaniyang mga magulang at pasakay na sana ng eroplano umaga ng Miyerkules.

Pagdating sa departure area, pinaghinalaan umano ang suspek ng mga security dahil sa may bumubukol sa bulsa ng kanyang short rason na isinailalim siya sa pagrekisa.

Nasabat sa kanya ng mga otoridad ang sinasabing marijuana at ilang drug paraphernalia.

Ang nasabing lalaki ay inaresto ng kapulisan at isasailalim sa mandatory drug testing sa Iloilo. Isasailalim rin sa laboratory examination ang nasabing marijuana leaves.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang nasabing suspek.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

LTO 6 enforcer nagbabala sa mga pasaway na driver sa Aklan

LTO 6 Operation sa Boracay / photo: Malay PNP
NASA AKLAN ngayon ang Land Transportation Office Region 6 enforcement team para magsagawa ng ilang araw na operasyon kontra sa mga pasaway na mga driver.

Maliban sa mga highway dito sa probinsiya, hindi rin pinatawad ng LTO enforcers ang ilang mga pasaway na driver sa Isla ng Boracay.

Sa isinagawang operasyon sa bayan ng Numancia araw ng Martes, nakahuli ang grupo ng dalawang van na ang prangkisa ay pangturista pero nagpapasakay ng ibang mga pasahero.

Ang dalawang van driver ay binigyan ng citation ticket na "Reckless Driving" at "Colorum". Kinumpiska rin ang kanilang mga lesinsya at sasakyan na parehong pagmamay-ari ng Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC).

Hindi rin nila pinalagpas ang isang bus na pagmamay-ari ni Herbert Napat na ang ruta ay Iloilo hanggang Antique vice versa pero nagpasakay ng mga turistang pasahero sa Aklan ang driver.

Binigyan rin ng citation ticket ang driver ng "Colorum". Gaya ng mga van, impounded rin ang nasabing bus na dadalhin umano sa Iloilo.

Ayon kay Jetster Mandadero, isang law enforcer ng LTO 6, sa panayam ng Energy FM Kalibo, kapag colorum umano ang van, nasa Php200,000 ang penalidad nito habang nasa isang milyong piso naman kapag bus.

Sinabi pa niya na bibigyan umano ng palugit ng tanggapan ang mga nahuli na magbigay ng kanilang paliwanag doon sa kumukuwestiyon sa legalidad ng kanilang operasyon.

Hinuhuli rin umano nila ang mga sasakyan na nagpapasakay ng sobra, nagpapasabit ng mga pasahero lalo na sa jeep, mga tricycle na hindi dumaraan sa outer lane, mga motorista na hindi nagsusuot ng helmet at iba pa.

Kaugnay rito nagbabala siya sa mga driver na sumunod nalang sa batas para iwas sa penalidad.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tatlong araw na street party idaraos sa Kalibo kaugnay ng pyesta ng San Juan


MAGDARAOS NG tatlong araw na street party ang pamahalaang lokal ng Kalibo kaugnay ng selebrasyon ng kapyestahan ni San Juan de Bautista.

Ang aktibidad ay tinaguriang "KKK Street Party" na gaganapin sa Kalye Kulinarya sa Kalibo food strip sa kahabaan ng Veterans Avenue mula Hunyo 21 hanggang Hunyo 23.

Ayon sa Tourism Office ng Kalibo ito umano ang pumalit sa taunan noong "Food Fest" ng pamahalaang lokal sa Magsasaysay Park tuwing San Juan.

Nabatid na gabi-gabi ay may mga banda na magpapasaya o mag-aaliw-aliw sa mga bisita habang kumakain o nag-iinuman sa KKK food strip.

Kaugnay rito, isang maiksing programa ang isasagawa sa pagbubukas ng aktibidad na pangungunahan ni Kalibo Mayor William Lachica.

Samantala, naglabas ng Executive Order No. 018 series of 2019 ang alkalde na nagsasaad ng pagsasara ng bahagi ng United Veterans Avenue mula kanto ng D. Maagma St. hanggang kanto ng F. Quimpo St.

Ang operasyon ng KKK o Kalye Kulinarya sa Kalibo ay isinabatas sa bisa ng Municipal Ordinance No. 24, series of 2017 na naglalayong makatulong sa turismo sa kabiserang bayang ito.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Pag-amyenda sa Traffic Code ng Kalibo isinusulong sa Sangguniang Bayan

 

KALIBO, AKLAN - Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pag-amyenda sa kasalukuyang Municipal Ordinance no. 2005-043 o Traffic Code ng Kalibo.

Sa darating na Hunyo 21, ay isang pampublikong pagdinig ang ipatatawag ng Sanggunian para dinggin ang mga panukalang pagbabago sa traffic code na inihain ng binuong Technical Working Group.

Kabilang sa mga ito ay pagbuo ng Transport and Traffic Management Council, Municipal Tricycle / E-trike / Pedicab Franchising Regulatory Board (MTEPFRB) at Tricycle Franchise Technical Secretariat.

Nais ding ipatupad ang Tricycle Night Service Operation, Children Safety on Motorcycles, relokasyon ng terminal ng mga pampasaherong tricycle at ang pagpalit ng mga kasalukuyang tricycles sa e-trike bago mag-2023.

Ipagbabawal rin ang paggamit ng mga mobile phones at mga gadgets habang nagmamaneho gaya ng isinasaad sa Anti-Distracted Driving Act o ng Republic Act 10913.

Ipinanukala rin ang pagpapalakas sa pagbibigay prayoridad sa grant ng mga motorized tricycles-for-hire, pagpapaigting sa speed limits, pagkakaroon ng vehicle towing at clamping at pagtataas ng mga penalidad at mga multa.

Ang nasabing pagdinig ay pangungunahan ng Committee on Transportation. Dadaluhan ito ng mga kinatawan sa sektor ng transportasyon, mga komyuters at iba pa.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, June 18, 2019

EXCLUSIVE: Mga kabarangayan sa Balete, puspusan ang pagsugpo sa dengue

photo: Imie Dominguez
BALETE, AKLAN - Puspusan ang ginagawang  mga aktibidad ng mga opisyal at maging mga residente para masugpo ang tumataas na kaso ng dengue sa bayang ito.

Kabilang na rito ang pagbuo ng Balete Mosquito Borne Task Force na naglilibot sa mga kabarangayan.

Pang-apat ang Balete sa buong Aklan na may pinakamataas na kaso ng dengue. Sa pinakahuling tala ng Department of Health Region 6, umabot na sa 140 ang kaso sa bayang ito ngayong taon.

Pinakamalaking bilang ng kaso ng dengue ang mga naitala sa mga kabarangayan ng Poblacion (29), Aranas (26), Feleciano (19), at Arcanghel (18).

Sa sampong barangay sa bayang ito, ang Brgy. Oquendo lamang ang walang rekord ng kaso ng dengue.

Napag-alaman ng Energy FM Kalibo na sa Sitio Kanyugan sa Brgy. Feleciano, dalawa ang naiulat na namatay dahil sa dengue.

Kaugnay rito, inutusan na ni Punong Barangay Deoro Barrera Sr. ang mga residente na maglinis sa kanilang mga bahay at sa kapaligaran. Nagsagawa na rin ng malawakang misting rito.

Samantala, kasalukuyang nagsagawa ng imbestigasyon ang kinatawan ng DOH 6 sa mga kabarangayan ng Balete na may matataas na kaso ng dengue.

Ayon kay Maria Lourdes Monegro, Entomologist III at Dengue Program Coordinator ng DOH 6, isa umano sa nakita nilang problema sa Balete ay ang pangingitlog ng mga lamok sa mga imbikan ng tubig.

Nabatid na pahirapan ang suplay ng tubig sa bayang ito kaya nag-iimbak ng tubig ang mga residente.

Payo naman niya sa mga residente na magpakunsulta ng maaga kapag nakakaranas na ng mga sintomas ng dengue; hanapin at sirain ang mga lugar na pwedeng pamahayan ng mga lamok; at proteksyunan ang sarili.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Lalaki arestado sa bayan ng Batan matapos mahulihan ng baril, mga bala

 

ARESTADO ANG isang lalaki sa Brgy. Cabugao, Batan matapos mahulihan ng baril at mga bala sa kanilang bahay.

Kinilala sa ulat ng Batan Municipal Police Station ang suspek na si John Rey Magbiro, 29-anyos, residente ng nasabing lugar.

Ayon kay PMaj. Ruben Pajarito, hepe ng nasabing police station, ikinasa ang operasyon kasunod ng mga reklamo na ilang beses na itong nagpaputok ng baril sa kanilang lugar.

Ikinasa ng kapulisan ang nasabing operasyon sa bisa ng search warrant na ibinaba ng Regional Trial Court sa probinsiya.

Nasabat ng kapulisan mula sa suspek ang isang 38 caliber revolver, at walong live ammunition.

Walang mga ipinakitang mga dokumento ang nasabing lalaki na mariing itinatanggi na kanya ang nasabing baril at mga bala.

Napag-alaman na huli siyang inireklamo ng isang tanod ng barangay matapos umanong muntik nang mahagip ng bala ng baril dahil sa pagpapaputok ng suspek.

Nakakulong na ngayon sa Batan police station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Bahay sa Buruanga naabo sa sunog


NAABO SA sunog ang isang bahay na yari sa mix-material sa Brgy. Tigum, Buruanga gabi ng Lunes.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire - Protection Buruanga, ang bahay ay pagmamay-ari ni Mary Jane Lomugdang, 34-anyos, residente ng nasabing lugar.

Napag-alaman na nasa trabaho ito nang maganap ang insidente. Nasa labas naman ng bahay ang apat niyang mga anak.

Ayon kay FO1 Francis Dave Tatoy, team leader ng Buruanga BFP, sinasabing sumiklab ang sunog bago mag-alas-6:00 ng gabi at tuluyang naapula dakong alas-8:00 na.

Nabatid na sira ang fire truck ng BFP-Buruanga kaya humingi pa sila ng tulong sa BFP ng kalapit bayan ng Malay.

Bagaman nakaresponde rin ang mga bombero ng BFP-Malay halos tupok na ang buong bahay nang makarating sila sa lugar. Nagsagawa nalang sila ng mopping operation.

Walang naisalbang gamit ang magpamilya. Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente habang inaalam pa ng bombero ang sanhi ng sunog.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, June 17, 2019

Lalaki arestado sa pagsasanla ng mga pekeng gintong singsing; paggamit ng mga pekeng ID, pangalan


ARESTADO ANG isang lalaki sa pagsasangla ng mga pekeng gintong singsing sa mga pawnshop dito sa Kalibo.

Maliban rito napag-alaman na peke rin ang mga ID na ginagamit niya gamit ang iba-ibang mga pangalan.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano talaga ang totoo niyang pangalan. Taga-Davao umano siya at baguhan lang sa Kalibo.

Ayon kay PSSgt. Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, nakapagsanla na umano ng tatlong singsing sa tatlong pawnshop ang lalaki bago madiskubre ng mga elohera na peke ang mga ito.

Sinabi ni De Lemos, dumaan din umano ito sa pagsusuri ng mga elohera sa pawnshop pero wala naman umanong naging problema kaya ito nasangla.

Huli na nila nabatid na ang panlabas nito ay makapal na ginto at ang loob ay bakal lamang pala.

Napag-alaman na lamang umano nila sa group chat mula sa ilang pawnshop sa Iloilo na nakapambiktima rin siya doon.

Sa huling pawnshop na pinagsanglaan niya, nagmessage umano sa kanya ang staff na nakalimutan niya ang kanyang ID doon bagay na binalikan niya at doon siya pinadakip sa mga pulis.

Nakumpiska sa kanya ang ilan pang singsing, mga pekeng ID na may iba-ibang pangalan pero gamit lang ang kanyang larawan, nasa Php24,000 na pera, mga resibo ng pagpapadala niya ng pera, at mga pekeng dokumento.

Nakakulong na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo ang suspek. Sinubukan naming kunin ang kanyang pahayag pero tumanggi ito.

Posible siyang sampahan ng mga kaukulang kaso.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

'Bakbakan sa Bugsayan' ngayong San Juan sa bayan ng Kalibo

'Bakbakan sa Bugsayan' 2017 / photo by All Izz Well
Magpapasiklaban na naman sa husay at bilis sa pagsagwan ang mga lalahok sa boat race competition sa Kalibo sa darating na pista ng San Juan sa Hunyo 24.

Ang atraksiyong ito na inorganisa ng Energy FM Kalibo ay tinaguriang “Bakbakan sa Bugsayan”, ngayon sa ikalimang taon na, bilang pagpupugay o “panaad” kay San Juan Bautista.

Naniniwala ang organizer ng event na sa pamamagitan nito ay mapapahalagahan ang kulturang Aklanon sa “bugsayan” o pagsagwan ng bangka.

Maliban sa boat race bilang main event, may mga palaro ring inihanda ang organizer para sa lahat sa Beach Boy Beach Resort, Brgy. Pook, Kalibo simula alas-8:00 ng umaga.

Bukas pa ang pagpaparehistro para sa boat race competition. Sa mga katanungan makipag-ugnayan lamang sa numerong 09281257274.

Major sponsor ng aktibidad na ito ay si Board Member-Elect Juris Bautista Sucro.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo