SINIGURO NG pamahalaan ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa isang seminar na ginanap sa Iloilo Convention Center sa lungsod ng Iloilo araw ng Miyerkules at mabigyan ng hustiya ang mga pinatay na mga media worker.
Tinalakay sa seminar na pinangunahan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang operational guidelines ng Administrative Order no. 1 at ang protocols ng task force sa pagresolba ng mga kaso gaya ng threat, physical attack, torture, surveillance at pagpatay.
Dinaluhan ito ng mga media mula sa mga rehiyon IV-B, V, VI, VII, at VIII kasama ang mga opisyal ng Pambansang Pulisya, National Bureau of Investigation, Prosecution Service at mga mag-aaral ng pamamahayag.
Ayon kay USec. Jose Joel M. Egco, PTFoMS Executive Director, gumanda na ang ranking ng Pilipinas mula sa pangalawa sa pinaka-delekadong lugar sa buong mundo para sa mga mamamahayag noong 2015 ngayon ay nasa ikalimang pwesto na.
Noong 2016 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang administrative order para bumuo ng Task Force na mag-iimbestiga sa mga kaso ng pagpapatay sa mga media workers kabilang na ang Maguindanao Massacre kung saan nasa 32 mamamahayag ang napatay.
Sinabi pa niya na seryoso ang gobyerno sa pangangalaga sa mga mamamahayag. Aniya ang pagpatay sa sinumang media workers ay pagpatay din sa malayang pamamahayag gaya ng ipinagkakaloob ng Saligang Batas.
Nagpahayag naman ng positibong reaksyon ang mga stakeholders kasama na ang media at nangakong magkakaisa para mapangalagaan ang malayang pamamahayag sa bansa at sa paglutas ng mga nauna nang kaso.
Samantala, sa kanyang response speech sa nasabing pagtitipon, sinabi ni National Union of Journalists – Aklan President Jujet Reyes na “since 2004 no media killing happened in Aklan.”
Ang mga pinatay na mamahayag sa Aklan ay sina Rolando Ureta ng dyKR (2001) at si Herson Hinolan ng dyIN (2004). Napanagot naman kalaunan ang mga nasa likod ng nasabing insidente.
Sa buong Western Visayas sinabi ng Police Regional Office 6 na walang anumang pending na kaso ng media killing.##
-
Kasimanwanng Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo