Saturday, October 22, 2016

Ultimatum sa ikadarakip ng tumakas na preso sa Nabas PNP Station, hanggang bukas na lang

NINA DARWIN TAPAYAN at ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Hanggang bukas na lang ang ultimatum na ibinigay sa hepe ng Nabas PNP na si PSI Belshazzar Villanoche upang mahuli ang nakatakas na preso sa kustodiya ng kanilang police station.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Aklan Provincial Police Office Dir. PS/Supt. John Mitchell Jamili, sinabi nito na nag-expire na umano ang 48 hours na unang ibinigay na palugit para maibalik ang No. 1 watch-listed drug personality na si Ranil Magcuha na unang naaresto noong Miyerkules sa isinagawang drug buy bust operation. Dahil rito, humiling umano ng dagdag na 36 hours na palugit si Villanoche sa kanya para maibalik kaagad ang naturang wanted na pugante.

Pinabulaanan naman ni Jamili na nagbigay siya ng direktibang shoot-to-kill sa naturang suspek. Anya, pinangangalagaan ng kapulisan ang kanilang dangal at kung sakali man umanong manlaban ang wanted person ay posibleng dito na sila gagamit ng dahas.

Kumpiyansa naman ang provincial director na hindi pa nakakalabas ng Aklan si Magcuha. Sinabi rin nito na may lead na umano ang Nabas PNP kung saan maaring matagpuan ang naturang suspek.

Samantala, nanindigan naman si Jamili na magpapataw sila ng kasong administratibo sa hepe at sa mga duty na kapulisan sa mga oras na nakatakas si Magcuha kung sakaling mapatunayan na mayroong kakulangan sa kanilang parte. Magbababa rin anya siya ng relieve order kung sakaling hindi maibalik ang naturang takas.

Matatandaan na nakatakas umano si Magcuja habang nakakulong sa karsel ng Nabas police station na nakapusas ang isang kamay at nakakabit sa rehas dahil sa under repair ang kulungan. Dakong alas-5:10 na ng umaga nang mapag-alaman ng duty desk officer na wala na sa kulungan ang naaresto.

Lalaki sa Nabas, tinaga; suspek, mismong pinsan

NI JOEFEL PERUCHO MAGPUSAO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isinugod sa Dr. Rafael S. Tumbocon Memorial Hospital kaninang alas-2:00 ng madaling araw ang biktima ng pananaga sa Brgy. Tagarorok sa bayan ng Nabas na kinilalang si Paulo Vicente y Flores, 27-anyos at residente ng nasabing lugar.

Nagtamo ang biktima ng sugat sa kaliwang bahagi ng ulo dulot ng pananaga gamit ang itak.

Ayon sa biktima, mismong ang pinsan niya ang may gawa nito sa kanya. Pauwi umano galing inuman sa bahay ng kamag-anak ng tambangan siya ng tiyuhin at anak nito na pinsan ng biktima. Away pamilya diumano ang dahilan ng nasabing insidente.

Patuloy na inuobserbahan ang biktimang si Vicente at isasailalim ngayong araw sa CT scan.

“Aloha Kalibo” landmark at center island sa Roxas Ave., Kalibo, pinaplanong tibagin

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) laaglaag.blogspot.com

Balak ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na alisin ang “Aloha Kalibo” landmark at center island sa Roxas Avenue sa Kalibo na nagdudulot umano ng pagbagal ng trapiko at nagiging dahilan pa ng aksidente. Napagkasunduan na ng Sanggunian na hilingin ito sa Department of Public Works and Highway (DPWH) sa pamamagitan ng isang resolusyon.

Ayon kay SB Daisy Briones, kailangan umanong alisin ang center island para mapaganda ang daloy ng trapiko. Ibinahagi niya na nagdulot na ito ng aksidente kamakailan kung saan sumalpok ang patrol car ng pulisya sa isa pang sasakyan kung saan isa ang nasawi dahil sa hindi kaagad nakita ng nauna ang sasakyan sa kabilang linya nang lumiko ito dahil sa matataas na puno sa center island.

Kasabay nito ay hiniling rin ni DPWH-Aklan Asst. District Engr. Ade Leo Bionat na isama sa naturang resolusyon ang pag-aalis ng mga signages, illegal parkers, garbage receptacles at iba pa na humahambalang sa right-of-way ng mga kakalsadahan. Anya, mayroon na umanong Department Order ukol rito, kailangan na lamang ang pormal na kahilingan ng lokal na pamahalaan para sa pagpopondo.

Nabanggit rin ni Bionat na may nasa 30 poste umano ng AKELCO ang kailangan ilipat sa labas ng side walk. Gayunman, bagaman makailang beses na anyang hiniling ng kanilang tanggapan ito sa AKELCO, iginigiit naman nila na wala pa silang pondo para dito.

Iminungkahi naman ni SB Cynthia Dela Cruz na pag-aralang maigi ang pag-aalis ng mga istrakturang ito dahil baka anya may historical value ang mga ito. Pinasiguro naman ni Vice Mayor Madeline Regalado na magiging maingat sila para dito lalo na at ang mga istrakturang ito ay ipinatayo ng mga pribadong grupo. Maaari anya na dumaan pa ito sa mga pagdinig.

Estudyanteng ginabi sa pag-uwi, hinarang ng manyakis!

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Hinarang, kinaladkad at sinakal ng di pa nakikilalang suspek ang isang 18-anyos na babaeng estudyante sa Brgy. Linabuan Norte, Kalibo. Ginabi umano sa pag-uwi ang babae dahil sa mga proyekto sa eskwelahan.

Kuwento ng dalaga, naglakad lang siya mula sa eskwelahan patungo sa bahay nang mapadaan sa madilim na bahagi ng Brgy. Linabuan Norte. Dahil nga madilim ay binuksan nito ang flashlight ng bitbit na cellphone.

Tumunog pa raw ang kanyang cellphone, hudyat na may nag-text, kaya inusisa niya ito. Pero bigla itong inagaw ng di nakikilalang suspek, saka pinatay ang flashlight at itinapon ang cellphone sa damuhan.

Pagkatapos raw ay sinakal na siya ng suspek at sinabihang huwag maingay at sundin lamang ang mga nais nito.

Lumaban raw siya sa suspek habang sumisigaw ng malakas .

Isang lalaki naman ang lumabas mula sa isang pinakamalapit na bahay na nakarinig ng pagsigaw ng dalaga. Doon na nataranta ang suspek kaya tumakbo na ito papalayo sa lugar.

Hindi raw namumukhaan ng biktima ang suspek dahil napakadilim raw ang lugar na pinangyarihan ng panghaharang.

Friday, October 21, 2016

Photo-opportunity landmark itatayo sa Kalibo Pastrana Park

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.1 KALIBO
Photo: (c) panoramio.com 

Good news sa mga mahihilig magpicture lalu na sa mga bumibisita at gustong ipagmayabang ang Kalibo, magtatayo ang lokal na pamahalaan ng photo-opportunity landmark sa Pastrana Park!

"I Love Kalibo" at "Viva Kalibo". Ito ang mga photo-opportunity landmark na ilalagay na siguradong papatok sa mga mahilig magpicture sa Pastrana Park. Ayon kay SB Philip Kimpo Jr., magiging background ng landmark na "I Love Kalibo" ang Cathedral upang ipakilala ang pananampalataya ng mga tao rito.

Samantala, bilang bisita sa sanggunian, nabanggit rin ni KASAFI chairman Albert Meñez na plano na anya ng organisasyon na maglagay ng "Viva Kalibo" sa parehong lugar. Anya, palagi nalang kasi umanong "I Love" ang ginagamit kahit maging sa iba-ibang lugar bakit hindi naman subukan ang "Viva".

Sa resolusyong inihain ni SB Kimpo, pangungunahan ng Tourism and Cultural Affairs Division ang pagtatayo ng mga naturang landamark at sa tulong ng Pastrana Park and Development Committee.

Samantala, nagpahayag din si SB Cynthia Dela Cruz na nakatakdang baguhin o pagandahin ang architectural design ng Pastrana Park. Isinagawa umanong patimpalak ang pagsasadesinyo nito sa mga istudyanteng kumukuha ng architect sa Aklan State University.

Layunin naman ni Tourism chair SB Kimpo na lalu pang makilala ang Kalibo. Nagpakita siya ng iba-ibang halimbawa ng photo-opportunity landamark sa iba-ibang lalawigan at kung paano ito nagsilbing magandang pagkakataon na mai-promote ang kanilang lugar.

Schedule ng 2017 Kalibo Ati-Atihan Festival, "all set" na

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.1 KALIBO
Photo: (c) Ree Dexter Engienero

Magsisimula na ang makulay na selebrasyon ng Ati-atihan. Sa mga nag-aabang, naglabas na ng opisyal na schedule of activities ang Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. (KASAFI), ang pribadong organisayon na nag-oorganisa ng pagdiriwang na ito.

Ang tatlong-buwang Kalibo Ati-atihan Festival na tinaguriang "The Mother of all Philippine Festivals" ay pormal na magsisimula sa opening salvo bukas sa Kalibo Pastrana Park. Susundan ito ng "Kasadyahan sa Magsaysay Park" sa araw ng Sabado. Sa araw ding ito ay may invitational Sikad sa Kalibo.

Sa Disyembre, nakatakdang gawin ang ilang mga aktibidad para sa Mutya it Kalibo. Mayroon silang Fashion Show, Swimsuit Competition, at Talent Competition.

Sa Enero isasagawa ang Finals at Coronation Night ng mga Mutya. Nakalinya rin ang Car Show; Sikad, Karera, at Bisikleta Show, 5K Ati-atihan Fun Run; at Bikers Rally. Syempre hindi rin mawawala ang inaabangang Sangkalibong Tamboe: Parade Floats and Tribes; Pagdayaw kay Sr. Sto. Niño; "Sinaot sa Calle"; Higante contest; Sadsad Pasaeamat; at ang maingay at makulay na Street Dancing contest ng mga tribal big, small, balik ati, modern groups at individual.


Kasabay sa pagdiriwang na ito ng kultura, hindi maaalis ang likas na debosyon at pananampalataya ng mga tao kay Sto. Niño, kaya naman nakalinya rin ang mga religious activity sa buwang ito. Magtatagal ang pagdiriwang sa kaarawan nito sa Enero 15.

Thursday, October 20, 2016

Hepe ng Nabas PNP tikom pa rin ang bibig sa pagtakas ng kanilang preso

NI ARCHIE HILARIO AT DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Tikom pa rin ang bibig ng hepe ng Nabas PNP Station hinggil sa nangyaring pagtakas ng kanilang preso.

Makailang ulit na sinubukan ng Energy FM Kalibo News Team na kunan ng pahayag ang hepe na si PSI Belshazzar Villan
oche subalit tila mailap itong magpa-interview. Masakit anya ang kanyang ulo dahil sa nangyari. Maliban rito ay wala itong sagot hinggil sa totoong nangyari.

Sinubukan din ng news team na personal na makunan ng pahayag ang iba pang mga kapulisan subalit tumanggi ang mga ito. Bagaman humingi ang grupo ng opisyal na blotter ay hindi rin napagbigyan.

Sa mga sandaling ito ay hindi pa rin nahuhuli ang suspek na no. 1 watchlisted sa bayan ng Nabas. Humaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, Sections 5 and 11 ang nakatakas na si Ranil Magcuha.

Naaresto ang lalaki sa buy-bust operation kahapon at tumakas umano at napag-alaman nalang ng duty desk officer pasado ala-5:00 ng umaga kanina.

No. 1 watchlisted sa Nabas, nakatakas sa loob ng selda

NINA ARCHIE HILARIO AT DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakatakas mula sa seldang ito ng Nabas PNP station ang naarestong No. 1 watchlisted sa droga.

Patuloy sa ngayon ang isinasagawang manhunt operation ng mga kapulisan sa posibleng pagkadakip ng naturang suspek. Ayon sa report ng pulisya, dakong 5:10 ng umaga nang madiskubre ng duty desk officer na si PO2 Stanley Diana na wala na ang preso sa loob ng kulungan.

Ang nakatakas na si Ranil Magcuha, residente ng Brgy. Unidos sa bayan ring ito ay naaresto ng mga kapulisan sa drug buy-bust operation bandang 10:45 ng umaga kahapon.

Inalarma na ng Aklan Provincial Police Office (APPO) ang mga police station sa probinsiya para sa agarang pagtukoy sa kinaruruonan ng 44-anyos na lalaki at pagdakip sa kanya.

Napag-alaman na nakapusas ang kamay ng arestado at nakakabit pa sa rehas. Maaari anyang bumigay ang rehas at nakalusot ang lalaki sa under renovation na lock-up cell.

Sinusubukan pa sa mga oras na ito ng news team na makuha ang buong detalye at imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa nangyari.

Mga basurang hindi naka-segregate mula sa mga barangay ng Kalibo, hindi na tatanggapin sa Bakhaw Dumping Site

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) www.123RF.com

Hindi na tatanggapin ng Kalibo Waste Dump Site sa Bgry. Bakhaw, Kalibo ang mga basura na hindi naka-segregate na magmumula sa ibang mga barangay sa munisipalidad ng Kalibo.

Ito ay bilang pag-sunod sa isa sa mga probisyon ng Republic Act 9003 o Solid Waste Management Act na “no segregation, no collection policy” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang nasabing hakbang ay ipina-alam na sa mga representatives ng mga barangay ng Kalibo sa ipinatawag na meeting ng Solid Waste Management Board nitong Martes, Oktubre 18, 2016.

Kasama na rin dito ang pagpapa-alala sa mga ito ng kanilang mga responsibilidad lalo na pagdating sa basura.

Ayon kay Adorada Reynaldo ng Solid Waste Management Office, ipapatupad na ng DENR ang safe enclosure and rehabilitation plan sa lahat ng mga open dumpsites at ang papapa-tigil sa operasyon ng mga open dumpsites sa katapusan ng Oktubre upang maiwasan na ma-violate ng mga susunod na batch ng LGUs ang R.A. 9003 na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng kaso sa Ombudsman.

May mga isinasagawa na ding mga paraan ang LGU Kalibo para maipatupad ang safe closure plan kahalinsunod sa ibinabang kautusan ng DENR.

Positibo naman si technical adviser of the mayor Ariel Fernandez na ang unang bahagi ng safe closure plan ay ipinapatupad na. Nagsasagawa na ng back-filing ang kontraktor na gumagawa ng revetment wall o river control sa pangpang ng ilog ng Bakhaw Sur, at ilalagay na din ang mga lay-out ng mga tubong magkokonekta ng ilalagay na waste treatment plant sa dumping site.

Grade 2 pupil sa bayan ng Banga, nabigti!

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nangingitim at nangingisay na ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos na mabigti sa kisame ng kanilang bahay habang nakikipaglaro sa kanyang kapatid at pinsan.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa tiyahin ng biktima, ikinuwento nito na naabutan na lamang niya na nakabigti na ang bata sa kisame ng bahay matapos siyang tawagin ng kanyang anak na babae at sinabing nagbigti ang kanyang pinsan.

Agad naman umanong nagtungo ang tiyahin at ang kanyang asawa mula sa kabilang bahay at tinanggal sa pagkaka-bigti ang bata mula sa lubid na ginamit ng biktima. Agad namang isinugod sa provincial hospital ang bata para mabigyan ng kaukulang medikasyon.

Kagagaling lamang anya sa paaralan ng biktima at nakipaglaro sa kanyang pinsan at kapatid. Habang nagduduyan umano sila ay tinanggal nito ang lubid at ginamit sa pagbibigti na akala niya ay laru-lalro lang at hindi siya matutuluyan.

Nabatid na hiwalay sa magulang ang bata na pawang nasa Maynila ngayon kasama ang isa pang kapatid. Naiwan siya sa kanyang lola na nagkataong wala rin sa bahay nang mga panahong iyon. 

30 kandidata ng Ms. Earth 2016 makikisaya sa Ati-Atihan Opening Salvo

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Makikisaya sa ingay at makulay na “sadsad” ng opening salvo ng Ati-atihan 2017 ang mga naggagandahang 30 kandidata ng Miss Earth pageant mula sa iba-ibang bansa sa darating na Biyernes.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. Chairman Albert Meñez, sinabi niya na darating umano ang mga naturang kandidata mula sa iba-ibang nasyon sakay ng isang sky jet na lalapag sa Caticlan airport at bibiyahe patungong Kalibo. Bibisitahin nila ang Bakhawan Eco-Park para magtanim ng mga bakhawan roon.

Sa hapon ay nakatakdang magmotorcade sila sa upang kumaway sa mga tao dito sa Kalibo lalo na sa mga estudyante sa elementarya na madadaanan ng kanilang sasakyan. Bababa ito sa Pastrana Park kung saan sila sasalubungin ng maingay na tambol at makulay na mga grupo ng ati-atihan. Susundan ito ng “sadsad” o street dance ng 42 tribal, modern, at balik ati groups na kalahok sa opening salvo.

Pagkatapos ay rarampa sila sa maiksing programa na isasagaw sa Pastrana park. Pormal na ring ipakikilala ang 16 mga kandidata ng Mutya it Kalibo. Pagkatapos nito ay didiretso na ng Boracay ang mga kandidata para sa swimsuit competition. Kinabukasan ay magkakaroon sila ng coastal clean-up at mag-e-enjoy sa mga water sports activity. Aalis sa probinsiya sakay ng eroplano ang mga kandidata gabi ng Sabado.

Dasal ni Meñez na maging maganda ang panahon sa mga araw na ito lalo at may bagyo ngayon sa bansa. Nagpapasalamat naman ito sa mga isponsor lalo na kay SB Juris Sucro na naging daan para anya makarating dito sa probinsiya ang mga kandidata.

ENERGY SPECIAL REPORT: “Walang patay na nabubuhay.” – Dr. Santamaria

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

“Walang patay na nabubuhay.”

Ito ang iginiit ni Dr. Victor Santamaria ng Aklan Provincial Health Office (PHO) makaraang tanungin siya ng Energy FM Kalibo kung ano ang masasabi ng medisina sa taong nabuhay matapos mamatay.

Matatandaan na ekslusibong naiulat sa himpilang ito na may patay umanong nabuhay sa isang bayan sa Aklan. Ani Santamaria, ito ay kuwento lamang at walang konkretong batayan. Sinabi niya na ang taong patay at wala na at hindi na pwedeng mabuhay pa. Maaari umanong natigil lamang ang pagtibok ng kanyang puso o nawalan lamang ng malay.

Imposible anya na mawalan ng hininga at pulso ang isang tao mahigit sa lima hanggang 10-minuto ay buhay pa siya. Kung hindi lalagpas rito ay pwede pang magamitan ng mga medical apparatus ang tao para tulungang makahinga at mabuhay. Totoo umano ito sa mga biktima kagaya ng vehicular accident kung saan nawawalan ng malay ang isang tao.

Bagaman personal siyang naniniwala sa himala, wala pa rin anyang paliwanang ang siyensya sa pagkabuhay ng namatay na. Dinagdag pa nito na mapapatunayang patay na ang tao kapag di na gumagalaw ang itim na bahagi si gilid ng pupil ng mata kapag nailawan.

Samantala, naninindigan naman ang simbahang Katoliko rito na posibleng himala ang nangyari. Pahayag ng isang pari, sapat na ang palatandaan na si Jesus mismo ang nabuhay.

Meat vendor na may dala-dalang baril arestado sa isla ng Boracay

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang meat vendor sa Brgy. Manoc Manoc sa isla ng Boracay matapos mahuli sa akto na nagbibitbit ng baril.

Kinilala ang suspek sa pangalang  Jerome Sarol y Dalisay, 29-anyos, at residente ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), badang 12:10 ng madaling araw ay isang impormante ang tumawag sa kanilang himpilan matapos makita ang suspek na may bitbit na baril.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga kapulisan at nahuli ang suspek.

Na-recover ang isang caliber .38 revolver na may limang bala.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng Boracay PNP ang suspek ang baril na dala nito.

Lalaki sa Batan, arestado sa pananakit ng ka-live-in

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 28-anyos na lalaki sa Batan, Aklan matapos umanong pisikal na abusuhan ang ka-live-in partner. Naaresto ang akusado pasado alas -10:00 ng umaga sa kanya mismong residensya sa So. Maeubog, Brgy. Lalab.

Nakilala ang lalaki sa pangalang Isaias Selorio y Loveras. Naaresto siya sa pamamagitan ng warrant of arrest na nilagdaan at inalabas ni RTC Judge Benvenido Barrios noong Oktubre 11.

Ang kasong hinaharap ng lalaki ay paglabag sa Batas Pambansa 9262 o Violence against Women and Children. May P6,000.00 itinakdang piyensa para sa kanyang temporaryong kalayaan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni PO2 Jessy Laos, sinabi niya na isa ring surenderee si Selorio sa paggamit umano ng iligal na droga.

Nakakulong ngayon sa Batan PNP station ang lalaki.

Wednesday, October 19, 2016

Bilang ng mga naaarestong drug personalities sa Aklan, tumaas ng 300%

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Umabot sa mahigit sa 300% ang itinaas ng bilang ng mga nahuhuling drug personalities sa buong probinsya ng Aklan.

Ito ay ayon sa inilabas na data ng Aklan Provincial Police Office (APPO) kamakailan.

Ayon sa kanilang pagtatala, sa drug operations na kanilang ginawa mula unang araw ng Enero hanghang Oktubre 13 2016 ay tumaas ang porsiyento ng kanilang nahuhuling drug personalities na umabot sa 306% o 187 individuals, kumpara sa 46 drug suspects na nahuli nila noong isang taon sa kaparehong panahon.

Sa mga nahuli ngayong taon, 49 dito ang drug users, habang 138 ang drug pushers.

Wala namang mga drug personalities na napapatay o mga patayang konektado sa iligal na droga na nangyari sa buong probinsya.

Samantala, umaabot naman sa 171.99 grams ng shabu at 59.64 grams ng marijuana ang nakumpiska ng mga kapulisan katuwang ang Dangerous Drugs Board (DDB) na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng Php1,418,609.33 sa kanilang mga isinagawang operasyon mula January 1-June 30 2016.

Nasa 110 drug buy-bust operations at 15 police raid and search warrant operations na rin ang naisasagawa ng APPO hanggang nitong katapusan ng Setyembre.

Mahigpit pa rin ang segutidad na ipinapatupad ng mga otoridad, lalo na at pinag-iigi na ngayon ang pag-suyod sa mga kabaranggayan sa buong probinsya upang gawin ang mga itong drug-free.

Tuesday, October 18, 2016

Mas maraming turista, target ng SB Kalibo

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Target ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na mas maparami pa ang mga turistang dumarayo sa bayan. Kaya naman inaprubahan agad sa nakaraang regular session ng konseho ang resolusyon na nagtatakda na maglagay ng ad panel board sa Kalibo International Airport para sa promosyon ng mga tourist spot sa lugar.

Ayon sa naghain ng resolusyon na si SB Philip Y. Kimpo Jr., kapansin-pansin anya na bagaman daan-daang turista ang dumaraan sa bayan ng Kalibo lalu na sa naturang airport, marami parin sa mga ito ang pinipiling puntahan ang Boracay. Ang paglalagay umano ng ad panel board ang isa sa nakikita niyang paraan para makahikayat ng mas marami pang turista na bisitahin ang Kalibo.

Isinasaad sa naturang resolusyon na pumasok sa isang memorandum of agreement ang LGU-Kalibo at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maglagay ng panel board para sa promosyon ng turismo ng munisipyo. Wala namang pagtutol rito ang sinuman sa miyembro ng Sanggunian at ikinatuwa pa nila ang naturang balita.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay SB Member Kimpo, sinabi nito na bago sumapit ang Pasko at Ati-atihan ay posibleng mailagay na ang dalawang panel board na ilalagay sa international at domestic flight area ng airport. Laman anya ng naturang panel board ang iba-ibang tourist attraction kabilang na ang Bakhawan Eco-Park, Piña Village, Tigayon Hill, Museo de Akean at iba pa.

Una na umanong nagpahayag ang CAAP na maaring isang taon lang ang kontrata na isasagawa nila para dito sa kadahilanan ng pagpapalit ng administrasyon ng paliparan.

SPECIAL REPORT: 73-anyos na lalaki sa Aklan, nabuhay matapos ilang minutong mawalan ng pulso at hininga

NINA DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Itinuturing na himala ng 70-anyos na misis sa isang bayan sa Aklan ang biglang pagkabuhay ng kanyang mister matapos itong mamatay.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo, ikinuwento ng misis na nang umuwi siya isang araw sa kanilang bahay ay naabutan niyang ang kanyang asawang lalaki na naninigas na ang katawan, at para magkaroon ito ng malay ay pinagsasampal nito ang kanyang asawa at tinusok ang mata. Kalaunan ay dumating sa bahay ang kanyang bayaw na babae at kinumpirmang patay na nga ito dahil hindi na humihinga at wala nang pulso.

Makailang beses nagdasal ang misis at matapos ang kalahating oras ay napansin ng kanyang sister-in-law na nagising na ang 73-anyos na mister. Sa kanyang pag-gising ay ikinuwento ng lalaki na nakarating na umano siya sa langit.

Kuwento rin mister na hindi ito ang unang pagkakataon na namatay siya. Ilang minuto rin siyang pinagtutulungan ng kanyang mga kasamahan nang siya ay ideklara ding patay habang nagtatrabaho sa isang barko bilang seaman, at ikinagulat din ng kanyang mga kasamahan nang bigla siyang mabuhay.

Naniniwala siya na may misyon pa siya sa mundo kaya hindi si tuluyang binabawian ng buhay. Nabatid na may tatlo siyang anak na mentally challenged at siya lang ang inaasahan ng kanyang pamilya.

Mga aso at pusa sa Kalibo, Aklan panibagong atraksiyon sa mga “VolunTourist”

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Michel van der Kleij/www.lemisstache.com

Bibigyan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang Aklan Animal Rescue and Rehabilitation Center (ARRC) sa pamamagitan ng resolusyon na inihain ni SB Philip Y. Kimpo. Malaki umano ang naitutulong nito sa bayan sa pangangalaga ng mga hayop at para maka-attract ng mga "VolunTourist" o mga turistang darayo para makatulong sa mga hayop dito.

Matatagpuan sa ARRC sa Brgy. Andagao, Kalibo, Aklan ang nasa 50-60 mga aso at pusa na karamihan ay mga asong gala, at may mga kapansanan. At ang mga ito ay mukhang “feel at home” na sa bahay ng isang Dutch national na si Michel van der Kleij, ang founder at director ARRC.

Ayon kay Kleij, nagsimula lamang siya taon 2010 nang may mga pusang sumilong sa kanilang bahay at inalagaan naman nila ito. Dito nagsimula ang Dutch national kasama ang todo-suportang asawa na tubong Antique. Simula noon ay naging bahay na ng mga na-reskyung mga hayop ang tirahan nila.

Ani Kleij, mahal niya ang mga hayop at minsan na siyang naging volunteer for animal shelter sa kanilang bansa at Hong Kong dog rescuer. Bagaman hindi naman siya kumikita para sa gawaing ito, masaya anya siya na makitang masaya rin ang mga hayop.

Dahil sa dumaraming hayop na dinadala sa kanyang bahay, nagbukas na siya ng panibagong lugar para sa mga hayop sa Linabuan, Kalibo.

Monday, October 17, 2016

DILG, nagbigay ng Php15-M para sa ilang munisipalidad sa Aklan

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakatanggap ng mahigit 15 milyong pisong pondo ang probinsya ng Aklan para anim na munisipyo nito mula sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Personal na iniabot ni DILG Regional director Atty. Anthony Nuyda ang pondong Php15,281,190.90 na hinati sa anim na tseke sa anim na Aklan LGUs sa ginanap na 25th Local Government Code anniversary celebration of the DILG Regional Office VI nitong nakaraang linggo na ginanap sa Iloilo City.

Makakatanggap ang bayan ng New Washington ng pondong umaabot sa 8.4 milyong piso, habang ang bayan ng Tangalan ay nakatanggap ng 4.9 milyong piso.

Ito ay para sa bottoms-up-budgeting (BUB) evacuation projects ng dalawang nasabing bayan.

Nagbigay din ng Php950,000.00 upang pondohan ang iba’t-ibang proyektong imprastraktura sa bayan ng Makato; Php286,199.48 para sa rehabilitasyon at pagsasa-ayos ng mga daanan sa bayan ng Buruanga; Php594,991.42 para sa flood control projects ng Madalag, at Php250,000.00 para sa Recovery Assistance on Yolanda ng Altavas.

Ang bottoms-up-budgeting (BUB) ay ang government budget reform program na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan sa budget process.

Samantala, inilunsad din ng DILG ang “Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga” (MASA-MASID), isang community-based program na nagsusulong ng mga komunidad na drug-free at mas ligtas para sa mga mamamayan.

38-anyos na lalake, kalaboso sa drug operation sa Boracay

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nahuli sa isang drug buybust operation ang suspek na kinilala sa pangalang Rammil Licerio y Balderama, 38 anyos, tubong So. Malabunot, Brgy. Manoc-manoc, Boracay, Malay, Aklan.

Nakuha sa suspek ang pitong sachet ng pinaghihinalaang shabu kasama ang P1,000.00 buy bust money.

Naisagawa ang operasyon banda alas-8:00 kagabi sa naturang lugar ng pinagsanib na pwersa ng Malay MPS at Boracay PNP.

Nasa kustodiya na ngayon ng Boracay PNP ang suspek.

2 lalaki sa Kalibo, hinarang at pinagsasaksak; 1 sugatan

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Sugatan ang isang lalaki matapos harangin at saksakin ng dalawang suspek sa Roxas Avenue, Kalibo, Aklan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Vir Cariscal y Ele, 23 anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, naganap ang insidente ala-1:00 pasado ng madaling araw habang naglalakad ang biktimang si Vir kasama ang kaibigang si Chris Deryck Lorenzo, nang harangin sila at saksakin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Corner G. Ramos St., Cor. Roxas Ave., Kalibo malapit sa Masing Depot.

Nagtamo ng dalawang sugat sa tagiliran ang biktima si Vir na agad namang naisugod sa hospital. Samantala maswerteng hindi nasugatan ang kasama nitong si Chris.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga suspek.

Suspek sa pananalisi sa isang negosyante sa Lezo, Aklan naaresto na

NI DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Naaresto na kahapon ng Lezo PNP ang suspek sa pagnanakaw ng P150,000.00 na halaga ng pera, mga mamahaling alahas, at mga importanteng IDs at dokumento sa Brgy. Carugdog, Lezo, Aklan noong Biyernes.

Kinilala ang responsable kay Marcelito Delos Santos, 27-anyos, residente ng Silakat Nonok, sa naturang bayan. Ang suspek ay isa sa mga katiwala ng biktimang si Mary Jane Sucgang, isang negosyante.

Ayon sa report ng Lezo PNP, pinatawag umano nila ang mga katiwala ng may-ari at habang nasa tanggapan ng pulisya ay umamin ang taga-bilad ng palay na siya ang nasa likod ng pagnanakaw.

Nasawata lamang ng pulisya ang P80,000.00 halaga ng pera at mga alahas sa naturang lalaki.

Matatandaan na nangyari ang pagnanakaw sa mismong bahay ng biktima. Umaga umano habang nasa kusina ang negosyante biktima nang pasukin ang kanyang kuwarto.

Pansamtalang ikinulong sa Lezo PNP lock-up cell ang suspek at nahaharap sa kasong robbery.

Nauna nang naibalitang natangay ang P150,000 halaga ng pera, mamahaling kuwintas at pulseras na nasa P15,000, mga ID at iba pang mga dokumento ng isang negosyanye sa kanilang bahay sa Lezo, Aklan nitong Sabado.

Nabatid na dakong ala-6:00 ng umaga, habang abala sa kusina ng bahay ang biktima ay posibleng doon na siya nasalisi.

Sa pahayag ni SPO3 George Flores sa Energy FM Kalibo, pinasok umano ang kuwarto ng biktima sa pamamagitan ng pagdaan sa main door ng bahay.

Dahil mahigit isang araw na bago nagreport sa pulisya, sinabi ng imbestigador na mahirap ng makapangalap ng imbedensiya sa lugar matapos itong makontamina.

Paliwanag anya ng misis kung bakit ito nahuli ng pagreport ay itinuon muna ang oras sa paghahanap ng nawawalang pera at gamit.

Nalaman na dalawa lamang sila ng kanyang mister sa naturang bahay na nasa gitna ng palayan. Una na umanong lumabas ang kanyang mister para sa kanyang trabaho nang mangyari ang insidente.

Ang perang iyon ay ginagamit umano ng biktima sa pamimili ng palay at sa binabayarang lupa. Madalas naman umano nagtatago ng pera ang biktima sa kanilang bahay.

Punong barangay sa Banga, Aklan, sinuntok ng constituent sa kasagsagan ng barangay assembly

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagreport sa Banga PNP station ang punong barangay ng Daja Norte, Banga, Aklan matapos suntukin umano ng kanyang constituent. Nangyari ito sa kasagsagan ng Barangay Assembly sa multi-purpose pavement sa naturang lugar dakong alas-11 ng umaga nitong Sabado.

Sa report ng Banga PNP station, nagsasagawa umano ng audit report ang punong barangay na si Virgilio Navarro Sr. nang nagkaroon umano ng mainitang argumento sa ilan niyang nasasakupan. Ipinalalabas ng ilan na mayroong anumaliya sa mga proyekto sa mga nagdaang taon ng pumumuno ni Navaro.

Dinuro-duro umano siya ng isang Abner Itulid, nasa 60 taong gulang at sinuntok sa mukha. Maswerte namang nakailag ang kapitan at daplis lamang ang pagkatama.

Agad namang nagtulungan ang mga naroon upang maawat ang magkabilang panig. Gayunman ay nagdulot umano ito ng kahihiyan sa kapitan.

Nakatakdang magharap sa PNP station ang magkabilang panig upang ayusin ang naturang kaso.