Friday, September 16, 2016

Kalibo Magsaysay Park, binabalak na gawing free WiFi zone

Ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagkakaroon ng libreng pampublikong WiFi sa Magsaysay Park. Ang panukalang ito na inakdaan ni SB Juris Sucro ay humihiling sa alkalde na maglagay ng libreng wifi sa naturang parke.

Sa sinagawang 11th regular sesyon, sinabi ni Sucro, malaking tulong umano ito sa taumbayan at mga turistang gumagawi sa parke. Kinuwestiyon naman ni Vice Mayor Madeline Regalado ang mga pamantayan ng nasabing resolusyon kabilang rito ang limitasyon sa oras ng paggamit. Iginiit pa niya na maaari umano itong maabuso ng mga tao. Suhestiyon naman ni SB Buen Joy French na dapat ay pang-araw lamang ang paggamit nito upang maiwasan ang mga posibleng insidente at aksidente dahil rito.

Ipagpapatuloy pa ang usapin rito sa susunod na sesyon. Lilinawin pa sa panukala ang mga regulasyon sa paggamit nito at kaukulang gastos para rito.