Friday, September 01, 2017

PHP75K HALAGA NG PERA ISINAULI NG DALAWANG TAPAT NA MGA AKLANON

"Indi pagbueon do bukon it imo (Huwag kunin ang hindi sayo)".

Ito ang pumasok sa isipan ng dalawang Aklanon na ito matapos makakita at makapulot ng nasa Php75 libo halaga ng pera sa kalsada sa Kalibo.

Ang perang ito ay isinauli nina Darlyn Lachica, 27 anyos ng J. Magno st., Poblacion, Kalibo at Mark Niño Retiro, 24 anyos ng brgy. Andagao, Kalibo at pawang nagtratrabaho sa Aguila's Garment sa Kalibo Shopping Center.

Napulot umano nila ang mga bundle ng perang ito sa M. Lacerna st., Kalibo na katunayan ay nagkalat na ang mga ito.

Pinagpupulot umano nila ito at kalaunan ay inireport at ibinalik ito sa Kalibo Police Station.

Photo (c) SPO4 Reynaldo Macario
/ Kalibo PNP
Una rito ay nagparekord na sa tanggapan ng pulisya ang may-ari na si Teresita Rose ng brgy. Fulgencio, Balete.

Salaysay ni Teresita, ididiposito na sana niya ang nasabing pera sa bangko nang mapag-alamang bukas na ang dala niyang bag at nawawala ang Php80 libong pera na nahulog umano sa tricycle.

Pawang may pamilya ang dalawa at una umanong pumasok sa kanilang isip na huwag kunin ang hindi kanila at isauli agad ang nakita.

Sa inyo Darlyn at Mark saludo kami dito sa Energy FM Kalibo!

‘KAPAYAPAAN’ PANALANGIN NG MGA KAPATID NA MUSLIM SA AKLAN SA SELEBRASYON NG EID EL ADHA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Panalangin ng mga kapatid na Muslim sa probinsiya ng Aklan sa selebrasyon ng Eid-El Adha ang kapayapaan sa bansa.

Ayon kay Muhammed Ali Tumarongga, Islamic preacher ng Muslim community sa brgy. Camanci Norte sa Numancia, dalangin nila na matigil na ang giyera sa Marawi City.

Pinaliwanag niya na ang ‘terroristic act’ ay mahigpit na kinkondena ng katuruang Muslim. Ayon sa mangangangaral, ang pagpatay ng isa ay parang pagpatay narin sa lahat ng tao.

Binigyang diin ni Tumarongga na ang pagpatay ay pinagbabawal ng Diyos o Allah. 

Nilinaw rin niya na ang tao lang rin ang mga Muslim na ang iba ay nagkakasala at lumilihis sa tunay na turo. 

Ang Eid-El Adha ay ginugunita ng mga kapatid na Muslim bilang pag-alaala sa pagtalima ni propeta Abraham sa utos ng Diyos na ialay ang anak niyang si Ismael base sa katuruang Islam.

BABAE NA NAIULAT NA NAWAWALA 'DINUKOT' PALA NG EX-BOYFRIEND

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dinukot umano ng kanyang ex-boyfriend ang isang 21-anyos na babae na una nang naiulat na nawawala dito sa Kalibo.

Salaysay ng biktima, Lunes ng hapon paglabas nito sa trabaho sa shopping center sa Kalibo ay hinarang at dinukot di umano siya ng kanyang ex-boyfriend.

Dinala umano siya sa tinutuluyang kuwarto ng nasabing lalaki na ayon sa kanya ay nasa 24 anyos. Binabantaan umano siya kapag nagtatangkang tumakas.

Dalawang gabi ring nasa poder ng lalaki ang biktima at Martes ng umaga ay naka-tsansa na makatakas at nagreport sa mga kapulisan.

Ayon sa biktima noong Sabado lang nang magbreak umano ang dalawa matapos ang mahigit tatlong buwang relasyon.

Puno naman ng galit ang mga magulang ng nasabing babae sa nangyari. 

Una nang nagreport sa pulisya ang ama ng biktima na ito ay nawawala dahil hindi na nakauwi ng bahay.

Desedido umano siya na magsampa ng kaso laban sa suspek.

12 BARIL TINURN-OVER SA NUMANCIA PNP SA KASAGSAGAN NG “OPLAN KATOK”

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinur-over sa Numancia PNP ang 12 iba-ibang kalibre ng baril sa kasagsagan ng “Oplan Katok”, kampanya laban sa mga expired na mga baril sa buwan ng Agosto.

Ayon kay PO3 Eric Tang, operation officer ng municipal police station, ang mga armas na ito ay ibinalik sa kanila ng siyam na tao. Karamihan umano sa mga ito ay negosyante.

Paliwanag niya, minsan ang isang tao ay nagmamay-ari ng dalawa o higit pang baril.

Sinabi ni Tang na sa buwan ng Agosto ay nasa 50 bahay na ang kanilang nakatok. Inaasahan na nasa 234 mga experadong armas ang maisurender sa kanila sa patuloy nilang kampanya.

Nilinaw naman ng police officer na bagaman ang ilan rito ay nasa proseso na nagpa-renew ng kanilang lisensya ay dapat parin nila isuko ang mga ito.

Nanawagan naman si Tang sa mga nagmamay-ari ng eksperadong baril na pansamantala itong isuko sa mga awtoridad para sa kaligtasan nila at ng iba.

Ang mga nasabing baril ay nasa pangangalaga na ng firearms division ng Police Provincial Office.

Wednesday, August 30, 2017

2 BATA NAIULAT NA NAWAWALA SA BAYAN NG IBAJAY

Nanawagan ngayon si kasimanwang Nida Ramis, 56 anyos ng Brgy. Rizal, Ibajay matapos mawala ang kanyang apo at anak na pawang mga menor de edad.

Ang mga ito ay sina Niña Ramis, 7 year-old at pamangkin niyang si John Michael Escala, 11.

Ayon kay Kasimanwang Nida, huling nakita ng kanyang mga kapitbahay ang dalawa dakong alas-6:00 kagabi sa isang tindahan malapit sa kanilang bahay sa brgy. Rizal.

Simula noon ay hindi na nakita at umuwi ng bahay ang mga bata bagay na ikinababahala ng pamilya.

Photo © Ibajay PNP
Sinabi rin niya sa Energy FM Kalibo na nakipag-ugnayan at pinuntahan na nila ang mga kamag-anak at mga kakilala ng mga bata na pwede nilang puntahan pero negatibo umano.

Umaasa parin ang pamilya na babalik ang dalawa. Paliwanag ni Kasimanwang Nida bagaman napagsasabihan nila ang mga bata ay hindi naman umano nila ito sinasaktan.

Huling nakita ang batang lalaki na nakasuot ng puting tshirt at navy blue na short pants samantalang ang babae ay nakasuot ng medyo kupas na pink na tshirt at bulaklaking short.

Naireport narin ito sa pulisya at ipinakalat na ang impormasyon sa bayan at sa kampo ng pulisya sa probinsiya.

Kung may anumang impormasyon sa kinaroroonan o kalagayan ng mga bata magreport lamang sa pulisya, sa himpilang ito o sa pamilya sa 09121352545.

MOTOR BUMANGGA SA ISANG BAHAY SA BAYAN NG KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Bumangga sa bahay na ito ang isang lasing na motorista sa Barangay Pook, Kalibo.

Sa kwento ng motorista nakainom ito kaya mabiliis ang kanyang pagpapatakbo sa motorsiklo.

Inakala umano nito na tuwid ang kalsada kaya hindi nito nailiko ang motor at bumangga ito sa isang bahay at nagtuloy-tuloy ito sa loob.

Bali ang haligi ng bahay bali rin ang daliri ng biktima. Maswerte naman at walang nasugatan sa mga natutulog sa loob.

Matapos ang pag-uusap sa opisina ng Kalibo PNP ay nagkaroon ng settlement ang may-ari ng bahay at ang motorista.

Ipapaayos na lamang daw ng lalaki ang nasirang bahay.

PNP MULING NAGPASIGURO NA HINDI MALALABAG ANG KARAPATANG PANTAO SA OPLAN TOKHANG REBOOT

Muling nagpasiguro ang kapulisan na hindi malalabag ang karapatang pantao sa kanilang Oplan Tokhang Reboot.

Ito ang binigyang-diin ni PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer in charge ng Kalibo PNP, sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Nilinaw niya ang ilang isyu sa drop boxes na inilalagay ng mga pulis sa mga barangay para sa pangangalap ng mga pangalan ng mga bagong 'drug personalities'.

Ani Ruiz, walang dapat ikabahala dahil ang mga pangalang makukuha nila ay dadaan parin ito sa mahaba at masinsinang proseso ng pagbabalida.

Ayon pa sa opisyal, papanatilihin kompedensyal ang mga listahang nakalap nila. Ang mga boxes anya ay lalagyan narin ng kandado at siya lamang ang magbubukas nito.

Ibinahagi narin umano niya ang numero ng chief of police sa mga barangay para pwede makapagtext ang iba ng impormasyon hinggil sa mga nasasangkot sa iligal na droga.

Simula nang mailunsad ito ay nakakalap na sila ng ilang mga pangalan na sinasalang na sa pagbabalida at pinapanatili naman umano nilang kompedensyal.

Sa kabila nito, aminado si Ruiz na posibleng maggamit ito ng iba sa pulitika, negosyo, o personal na away at dagdag trabaho rin sa mga kapulisan.

Gayunman nanawagan siya sa taumbayan ng kooperasyon at na maging 'open-minded' dahil anya para rin ito sa kapakanan ng lahat.

Tuesday, August 29, 2017

3,500 MGA TURISTA DARATING SA BORACAY BUKAS LULAN NG CRUISE SHIP

Inaasahang darating bukas sa isla ng Boracay ang nasa 3,500 mga turista lulan ng isang international luxury cruise ship. Sakay rin nito ang nasa 2000 crew.

Ito rin ang unang pagdaong ng MV Gentig “Dreams of Dream Cruises” sa isla sakay ang mga nasabing bilang ng mga turista na karamihan ay Chinese.

Ang cruise ship ay inaasahang dadaong dakong alas-7:30 ng umaga para sa isang tour sa buong isla at inaasahang aalis dakong alas-4:00 ng hapon pabalik sa China.

Ang mga turista ay sasalabungin ng Ati-atihan dance performance.

Ito na ang ika-siyam an cruise ship na dumaong sa Boracay ngayong taon at inaasahang walong iba ang bibisita sa isla bago magtapos ang 2017. (PNA)

PALENGKE SA NABAS NINAKAWAN; PHP20K HALAGA NG PANINDA NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ninakawan ang isang pwesto sa Nabas Public Market ng di pa nakikilalang mga susek tangay ang Php20,000 halaga ng mga paninda.

Ayon sa report ng Nabas PNP, ang mga ninakaw ay ready to wear (RTW) sa pwesto na pagmamay-ari ni Odon Palanog, 46 anyos ng brgy. Solido, Nabas.

Salaysay umano ng biktima, dumating siya sa lugar kaninang umaga na nagkalat na ang ilang paninda niya. Nang usisain ay nanakawan umano siya ng iba-ibang RTW.

Nabatid na gawa lamang sa trapal ang kanyang pwesto at ayon sa pulis ay madilim umano ang lugar.

Ayon pa sa awtoridad, wala umanong lumalabas na testigo sa insidente; wala rin umanong close circuit television sa lugar.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing insidente.

Monday, August 28, 2017

MGA TRICYCLE DRIVER AT OPERATOR PABOR SA BAGONG TRAFFIC SCHEME SA KALIBO

Pabor ang Federation of Kalibo Tricycle’s Operators and Drivers Association Inc. (FOKTODAI) sa dryrun ng bagong traffic scheme sa kabiserang ito ng probinsiya.

Ayon kay federation president Johnny Damian, noon pa man ay ito na ang kanilang kagustuhan na maging maayos at malinis ang mga pangunahing kalsada sa Kalibo.

Umaasa umano ang pederasyon na hindi magiging ‘ningas kogon’ ang pagpapatupad ng panibagong traffic scheme. 

Nanawagan naman siya sa mga kasama niyang mga tricycle driver at mga operator na maging disiplinado at sumunod sa ipinapatupad na batas trapiko.

Mapapansin na ang mga pangunahing kalsada sa bayang ito ang maraming signages na ‘no parking’, ‘no entry’ at iba pa dahil sa dry run ng traffic scheme na nasa pangatlong linggo ngayon.

Matatandaan na sinabi ni Traffic and Transport Management Unit head Mary Gay Quimpo-Joel na magpapatuloy ang dryrun hanggang sa maisabatas na ito.

9-ANYOS NA BATA PATAY NANG MAKURYENTE SA BAYAN NG MAKATO

Patay ang isang 9-anyos na batang lalaki makaraang makuryente sa kanilang bahay sa brgy. Cayangwan, Makato.

Kinilala ang biktima na si Raffy Roldan jr., residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng Makato municipal police station, umakyat umano sa bubong ng bahay ang bata kung saan ito nakuryente.

Ayon sa pulisya, may nakalaylay na kuryente sa sim at maulan pa ng panahong iyon na nagmitsa nang pagkukuryente ng biktima.

Agad namang isinugod ng pamilya ang bata sa provincial hospital pero dineklara rin siyang dead on arrival.

67 ANYOS NA MOTORISTA SUGATAN NANG MAAKSIDENTE SA MABILO, KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang 67-anyos na si Adresto Gomez matapos maaksidente sa motorsiklo sa Mabilo, Kalibo kagabi.

Sa inisyal na imbestigasyon papauwi na sa New Buswang, Kalibo ang biktima ngunit nawalan ito ng kontrol sa pakurbadang daan hanggang sa lumagpas ito sa kalsada hanggang sa matumba ang motorsiklo.

Patuloy na ginagamot sa Provincial Hospital ang biktima.

DALAWA SUGATAN MATAPOS PAGBABARILIN NG DI PA NAKIKILANG SUSPEK SA BORACAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang dalawang biktima matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa So. Bolabog, brgy. Boracay kaninang umaga. 

Kinilala ang mga  biktima sa pangalang  Edlyn Catilla Padilla ,19-anyos na taga  Bacolod City, Roquito Pagayon Tumbagahan39, na taga-Ibajay, Aklan. 

Isinugod naman agad sa hospital ang mga biktima at stable na ang kalagayan ng mga ito. 

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na agawan sa lupa ang motibo ng insidente.

Samantala nagpapatuloy naman ang imbestigayon ng pulisya sa insidenteng ito.

LASING NA KALIBO AUXILLARY POLICE (KAP) INIREKLAMO NG TRICYCLE DRIVER

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatanggap ng tawag ang Kalibo PNP Station mula kay P02 Erick Jhon Delimos, humihingi raw ng police assistance ang gwardiya ng City Mall matapos umanong manita sa isang tricycle driver ang mga lasing na miyembro ng KAP. Bukod sa lasing raw hindi rin ito nakasuot ng uniporme.

Agad na rumesponde sa lugar sina SPO1 Dandy Martin, SPO1 Ulyssis Salazar at iba pang kasamahan. 

Pagdating sa lugar nakita nila doon ang nakasibilyang KAP na si Dennis Donato, 47-nyos na taga-Estancia Kalibo, at ang tricycle driver na si John John Noble. 

Inimbestigahan ng pulis ang tricycle driver, ayon sa pahayag nito sinita raw siya ng KAP at nagpakita raw ito ng ID. 

Kinuwestiyon nya ito kung bakit hindi naka-uniform, mamaya pa lumapit ang isa pang kasama ni Donato saka hinampas daw ang bubong ng tricycle. Nakilala lang ito sa pangalang Palomo na lasing din ng mga oras na yon.

Dinala ng pulisya ang mga ito sa Kalibo PNP station pero matapos maipamedical ang KAP nirelease din ito sa kustodiya ng PNP. 

Ayon sa kanila ipinasa nila ang kaso sa Municipal Economic Enterprise Development Office Transport And Traffic Management Divission ng Kalibo . 

Sila na raw ang bahalang umaksiyon at mag imbestiga sa ginawa ng Kalibo Auxillary Police dahil sila raw ang humahawak sa mga KAP.

MAYOR SA AKLAN NAGDRIVE NG AMBULANSIYA SA ISANG ATI NA MANGAGANAK

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Marami ang humanga sa kabutihang ginawa ni Mayor James Solanoy ng Nabas, Aklan sa kababayan nating ati (aeta) na humingi ng tulong sa kanya.

Manganganak na raw ito noong mga oras na 'yon kaya agad silang lumapit sa alkalde. 

Hindi na nagdalawang isip ang mayor at agad na pinsakay sa ambulansiya ng munisipyo at siya na mismo ang nagdrive at dinala sa malapit na pagamutan ang kababayan.

Habang nasa biyahe papuntang Kalibo ay tuluyan na ngang lumabas ang bata kaya nagdesisyon sila na idiritsu nalang ito sa Tangalan RHU. 

Ideneklarang patay ang sanggol. Nailigtas naman ang ina sa kapahamakan.

Sa kabila ng kalungkutan ay nagpapasalamat naman ang mag asawang ati na hindi sila tinanggihan ng mayor kahit na sa alanganing oras. 

Hindi raw nila akalain na si Mayor mismo ang magdala sa kanila sa hospital. 

Sana raw ay tularan ng matataas na opisyal at pulitiko ang kabutihang ipinakita sa kanila ni mayor.

MGA CONSTRUCTION SUPPLY PARA SA PABAHAY PROGRAM NG GOBYERNO NINANAKAW AT BINEBENTA SA JUNKSHOP

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nadiskubre ng mga otoridad ang anomalyang nangyayari sa loob ng NHA Project sa brgy. Ochando, New Washington matapos mahuli ang dalawang babae na magbebenta sana ng mga frame ng bintana sa isang junk shop sa Kalibo.

Una nito sumakay ang dalawa sa isang tricycle na sinasabi nilang kasabwat rin sa pagnanakaw, mula sa sa construction site na inilagay nila sa sako ang mga frame saka ikinarga sa tricycle papuntang Kalibo.

Nang makarating sa Kalibo sarado umano ang junk shop pero nakaalis na ang naunang tricycle na sinakyan. Kaya naghanap sila ng tricycle na maghahatid patungo sa iba pang junk shop. 

Napadaan sa lugar ang isang Kalibo Auxillary Police na nakatricycle. Pumara ang dalawa at nagsabi na aarkilahin nila ang tricycle dahil ibebenta raw nila ang mga frame sa junk shop. 

Dito na nagtaka ang KAP dahil sa napansin nito na mukhang bago ang mga gamit kaya nagduda na nakaw ang mga ito.

Kaya sa halip sa junk shop , dinala ng KAP sa Kalibo PNP ang dalawa.

Sa pag- imbestiga ng PNP umamin ang dalawa na mula sa housing project ng gobyerno ang mga ibenebentang gamit.

Agad nagtungo sa New Washington ang PNP Kalibo kasama ang Energy fm newsteam at doon napag-alaman na doon pala nagtatrabaho ang mga asawa ng dalawang suspek.

Pahayag ng dalawang lalaki na hindi raw nila alam ang ginagawa ng kanilang mga asawa. 

Nagtataka raw sila kung bakit nailabas ang mga gamit sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng gwardiya at mga tanod.

Inimbitahan na Kalibo PNP ang dalawang constuction worker at tricycle driver na unang sinakyan ng mga suspek.