Saturday, May 06, 2017

52 ANYOS NA GURO PATAY NANG MABUNDOL NG VAN SA REGADOR, IBAJAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 52 anyos na guro nang mabundol ng van sa national highway ng brgy. Regador, Ibajay kagabi.
Kinilala ang public school teacher at biktima na si Ellanes Ordas, residente ng nasabing lugar.

Sa report ng Ibajay PNP station, hindi umano agad namalayan ng driver ng van ang tumawid na biktima.

Galing ang pribadong van sa brgy. Caticlan, Malay patungong Kalibo na menamaneho ni John Remille Rubio, 34 anyos ng Poblacion, Malinao.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa driver, may nakasalubong umano itong isang sasakyan na nakahigh ang ilaw kaya hindi na niya nakita ang tumawid na biktima.

Pinagtulungan naman ng mga tao sa lugar at ng driver na maisugod sa ospital sa Kalibo ang biktima pero dineklara itong dead on arrival.

Sumuko naman ang driver sa mga kapulisan at nakakulong na ngayon sa Ibajay PNP station.

KAMPANYA LABAN SA ILIGAL NA DROGA PAIIGTINGIN SA MGA KABARANGAYAN

Nakatakdang magpulong sa Aklan Provincial Police Office (APPO) ang mga lider ng Association of Barangay Captains (ABC) mula sa 17 mga munisipyo ng Aklan sa darating na Mayo 12.

Pag-uusapan sa pagpupulong na ito ang kani-kanilang mga tungkulin sa anti-drug campaign ng kasalukuyang administrasyon.

Sinabi ni chief inspector Reynante Jomocan, Aklan police relations chief, na ang pagpapatibay ng mga tungkulin ng mga lider ng barangay sa kampanya laban sa droga ay alinsunod sa Board Resolution No. 3 series of 2017 of the Dangerous Drugs Board.

Ayon sa report, sa 325 na mga kabarangayan sa Aklan, 214 ang tinuturing na drug affected sa pagsisimula ng Duterte’s anti-drug campaign.

Nabatid na sa 214 na ito, 114 na ang drug-cleared ngayon pero sasailalim parin umano sa validation at evaluation ng regional oversight committee ng Dangerous Drugs Board.

Sa natitirang 100 drug-affected barangays, 48 na rito ang nasa post-operation phase at 52 ang nasa operation phase.

Para sa municipality level, sinabi ni Jomocan na ang mga bayan ng Libacao, Buruanga, at Madalag ay sasailalim nasa validation at evaluation para madeklarang drug-clear.

MGA BARIL, BALA AT ILIGAL NA DROGA NAREKOBER SA BUY BUST OPERATION SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Narekober sa pinakahuling buybust operation sa Isla ng Boracay mula sa isang 29 na lalaki ang mga iligal na droga, baril at mga bala.

Kinilala ang suspek na si Allan Jay Detangco alyas Arsaf, residente ng brgy Timpas, Panit-an, Capiz.

Ang suspek ay nahuli dakong alas-11 ng gabi sa staff house sa brgy. Yapak sa nasabing isla.

Nahuling nagtutulak ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu ang suspek kapalit ng Php1,000 marked money na ginamit ng poseur buyer.

Maliban rito, narekober din sa dala niyang sling bag ang dalawa pang sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Narekober din sa kanya ang isang .38 snub-nosed revolver laman ang anim na bala.


Ang operasyon ay isinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Boracay Tou
rist Assistance Center, Aklan Provincial Public Safety Company at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 6.

Friday, May 05, 2017

SP MEMBER PINAIIMBESTIGAHANG MAIGI ANG PAGSUNOG SA MGA HEAVY EQUIPMENT

Dalawa ang tinitingnang dahilan ni dating Col. Nemesio Nero kaugnay sa nangyaring panunog ng mga heavy equipment sa Daguitan, Banga kamakailan.

Ito ang sinabi ni Neron sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Ayon kay Neron na siyang ring committee chair on peace and order sa Sangguniang Panlalawigan, kahit na nasa insurgency free na ang Aklan may posibilidad parin anya na may  mga CPP-NPA parin sa probinsiya na posibleng responsable sa insidente.

Pangalawa, tinitingnan niya ang posibilidad na baka may nasagasaang may-ari ng lupa o iba pa ang kompanya ng BSP na siyang nagmamay-ari ng mga sinunog na mga heavy equipment.

Nanawagan naman si Neron sa mga awtoridad na imbestigahang maigi ang nasabing insidente.

Naniniwala siyang isa itong pamukaw sa lahat lalu na sa gobyerno.

Posible naman anyang imbestigahan nila ang nasabing insidente sa Sangguniang Panlalawigan.

Ang BSP company ay kontraktor ng ginagawang proyekto ng gobyerno sa pagsasakonkreto ng Banga-Libacao highway.

GONEGOSYO CENTER SA BORACAY NAKATAKDA NANG ITAYO AYON SA DTI-AKLAN

Inihahanda na ngayon ng Department of Trade and Insustry (DTI) - Aklan ang pagtatayo ng GoNegosyo Center sa isla ng Boracay.

Ayon kay Carmen Ituralde ng DTI-Aklan, ito na ang pangsiyam na GoNegosyo center sa lalawigan.
Ang iba pang mga GoNegosyo center ay nasa Kalibo, Lezo, Makato, Malinao, Numancia, Ibajay, Libacao at Altavas.

Sinabi pa ni Ituralde na ito pagkakataon para sa mga residente sa Boracay at sa mga maliliit na negosyante para magsimula ng negosyo at makakuha ng mga benepisyo sa gobyerno.

Ang GoNegosyo center sa probinsiya ay suportado rin Philippine Chamber of Commerce and Industry-Aklan at iba pang mga sektor.

Ang Negosyo center sa isla ay inaasahang inagurahan sa Mayo 8.

22-ANYOS NA BABAE, PATAY MATAPOS BATUHIN NG KANYANG KAPATID

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 22-anyos na babae matapos batuhin sa ulo ng pinutol na kawayan ng sarili niyang kapatid sa brgy. Toralba, Banga. 

Kinilala ang biktima sa pangalang HERLENE NAROSA, residente ng nasabing lugar.

Sa report ng Banga PNP, isinugod pa ito sa Provincial Hospital pero binawian rin ng buhay.

Inamin naman sa kapulisan ng 14 anyos na kapatid ang pagkapatay sa biktima.

Sa exclusibong pahayag sa Energy FM Kalibo, sinabi nito na humihingi raw siya ng inuming tubig sa ate ngunit hindi siya binigyan.

Sa galit ay kumuha ito ng kahoy na panggatong at kawayan saka ibinato sa biktima.

Tinamaan sa ulo ang biktima at sa iba pang parte ng katawan na naging dahilan ng kamatayan niya.
Labis naman ang pagsisi ng kapatid dahil hindi raw nito sinasadyang patayin ang kanyang ate.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Municipal social welfare and development office ng Banga ang menor de edad.

21 ANYOS NA LALAKI NAGBIGTI MATAPOS IPAGPAPALIT NG KARELASYON, PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 21 anyos na lalaki makaraang magbigti sa loob ng kuwarto sa kanilang bahay sa Sta. Cruz-Bigaa, Lezo; isa sa tinuturong motibo ay kabiguan sa pag-ibig.

Kinilala ang biktima na si "Romeo", residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa ama, natagpuan nalamang niya kaninang umaga na nakabitin na sa kanyang kuwarto ang biktima gamit ang lubid at wala ng buhay.

Narekober sa higaan ng biktima ang isang notebook na naglalaman ng kanyang sulat-kamay sa 18-anyos na nobya. Nakasaad rito ang kanyang sama ng loob sa pagpalit umano sa kanya ng babae sa iba.

Ayon sa pamilya ng biktima, nasa tatlong taon narin umanong magkarelasyon ang biktima at ang nasabing babae.

Burado naman ang lahat ng text messages sa cellphone ng lalaki maging ang mga tawag rito.

Wala namang iba pang nakikitang dahilan ang pamilya para gawin ito ng biktima. Katunayan ay mabait umano ang lalaki at wala namang problema sa bahay.

Kinumperma naman ng Lezo municipal police station na walang foul play sa nasabing insidente.

Thursday, May 04, 2017

MUNISIPYO NG KALIBO SASAILALIM SA SISTER-MUSEUM PACT SA VALENZUELA CITY

Isinusulong ngayon ng pmahalaang lokal ng Kalibo na maging sister-museum ang Valenzuela museum.

Unan nang pinuri ni committee chair on tourism SB member Philip Kimpo Jr., ang Valenzuela museum sa pamamagitan ng pagpasa ng isang resolusyon sa Sanggunian.

Ito ay kasunod ng kanyang pagbisita sa nasabing lugar bilang bahagi ng kanilang lakbay-aral sa Sanggunian.

Sinabi pa ni Kimpo, na isa rin sa mga volunteer member-curator sa Museo it Akean, na ang Kalibo at ang Valenzuela City ay mayroong koneksyon sa kasaysayan dahil kay Candido Iban.

Si Iban na isang Aklanon ay nag-donate ng napanalunang pera sa Katipunan na ginamit na pambili ng printing machine para palawakin ang kanilang propaganda.

Pero si Dr. Pio Valenzuela na isa ring utak ng Katipunan at manunulat ang naging dahilan kung bakit narekord ang nagawang kabayanihan ni Iban sa kasaysayan ng bansa.


Kaugnay rito, interesado rin ang Valenzuela City na magpalitan ng exhibit sa Kalibo sa kani-kanilang museum.

GINANG BIKTIMA NG BUDOL-BUDOL SA KALIBO; PHP20K AT MGA ALAHAS NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang 74-anyos na ginang ang nagreport sa Kalibo municipal police station matapos umanong mabiktima ng budol-budol gang.

Natangay sa ginang ang pera na tinatayang Php20,000, gintong hikaw, singsing at pulseras at gintong krusepiho.

Salaysay ng biktima na tumanggi nang mapangalanan, nasa harap umano siya ng isang establisyemento komersyal para bumili ng mga semento nang nilapitan siya ng hindi pa nakikilalang babae.

Humihingi umano ng tulong ang babae sa kanya at pinasakay sa van. Habang nasa loob ng sasakyan ay ipinalagay umano ang kanyang wallet laman ang nasabing halaga ng pera at mga alahas sa bag na iniabot ng suspek.

Hinatid umano ang matanda sa kanilang bahay dito rin lang sa Kalibo para kunin ang gintong krusepiho at ibinigay sa mga suspek. Nangako naman ang suspek na babalik dala ang 10 sako ng semento saka iniwan ang nasabing bag sa biktima.

Laking gulat at panghihinayang ng biktima na purong papel ang laman ng nasabing bag.

Ayon sa biktima nasa 40 ang edad ng babaeng suspek, maputi at medyo mataba. Kasama niya ang isa pang babae at isang lalaking driver.

Iniimbestigahan na ng Kalibo PNP ang nasabing kaso.

ISA PANG CALIBRE NG BARIL, MGA BALA NATAGPUAN SA SAPA SA NUMANCIA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang .38 calibre ng baril at tatlong live ammunition ang ibinalik sa Numancia municipal police station matapos matagpuan umano sa sapa ng brgy. Marianos, Numancia.

Sa report ng Numancia municipal police station, ibinalik umano ni Godofredo Moriente, 63-anyos residente rin ng nasabing lugar, ang naturang baril at mga bala.

Kuwento ni Moriente, natagpuan umano ang mga ito ng kanyang 15-anyos na anak sa ilalim ng tubig na nakabalot sa damit habang nangingisda.

Kamakailan lang isa .45 calibre o sumpak ang natagpuan ng nasabing binatilyo sa parehong lugar kasama na ang tatlong bala na nakalagay sa loob ng eye glass conatainer.

Ang mga parehong baril ay walang mga serial number at kinakalawang na, palantandaan na ilang araw na itong nababad sa tubig.

Nakatakda namang i-turn-over sa Aklan Provincial Crime Laboratory Office para maimbestigahan.

BRGY. KAGAWAD SA LEZO, 2 IBA PA KALABOSO SA PAGTUTULAK NG DROGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang barangay kagawad at dalawa pa niyang barkada sa isinagawang buy bust operation sa brgy. Tambak, New Washington dakong 12:30 ng madaling araw kanina.

Kinilala ang kagawad na si Audenes Crispino, 35 anyos ng Ibao, Lezo, Danilo Altar, 33 anyos ng brgy. Camanci Sur, Numancia at Joey Victoriano, 46 anyos ng brgy. Ibao, Lezo.

Ang mga nasabing suspek ay naaresto matapos mabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu gamit ang Php5,000 marked money. 

Maliban rito, nakuha rin sa posisyon ni Crispino ang lima pang sachet ng parehong sangkap.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, inamin ni Crispino na isa syang drug surenderee sa Lezo. Bagaman gumagamit umano ng ipinagbabawal na druga, matagal na umano itong tumigil sa iligal na Gawain at mariing pinabulaanan nagtutulak siya ng druga.

Pansamantalang nakapiit ang tatlo sa Numancia municipal police station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Batas Pambansa blg. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Wednesday, May 03, 2017

PHO MULING NAGPAALALA SA TAUMBAYAN KAUGNAY NG MATINDING INIT NA NARARANASAN SA PROBINSIYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinag-iingat ng Provincial Health Office (PHO) ang taumbayan sa mga posibleng dulot ng matinding init ngayong summer season.

Ayon kay provincial health officer II Dr. Victor Santamaria, kabilang umano sa mga sakit na posibleng makuha ngayong tag-init ay ang pagkadehydrate at mga skin disease kagaya ng sunburn.

Sa mga ganitong panahon rin anya ay nagiging uso ang LBM o pananakit ng tiyan dahil narin sa mabilis mapanis ang mga pagkain.

Nagpaalala siya na kung maaari ay uminom ng maraming tubig at magdala ng panangalang sa init. Iwasan rin anyang lumabas sa katanghalian kung saan matindi ang sikat ng araw.

Samantala, pinabulaanan ni Santamaria ang paniniwalang marami ang nagiging asong ulol sa panahon ng tag-init. Nito nakalipas na buwan ng Abril isang lalaki ang namatay sa provincial hospital dahil umano nakagat ng asong ulol.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng validation ang PHO kaugnay sa nasabing insidente. Kung mapatunayan ito umano ang unang kaso ng rabies mortality sa probinsiya ngayong taon.

PAMUNUAN NG DRSTMH PINABULAANAN ANG ISYU SA FOREIGNER NA TINANGGIHANG MATULI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinabulaanan ng pamunuan ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang isyu na pinagpasa-pasahan at tinanggihang matuli sa provincial hospital ang isang 26-anyos na foreigner.
Ito ang pinanindigan ni Dr. Paul Macahilas, chief of hospital, sa pagdinig ng committ
ee on health sa Sangguniang Panlalawigan.

Nilinaw rin ni Macahilas kung bakit itinuro sa dental area ng hospital ang pasyente; naroon kasi ang doktor na posibleng mag-opera sa kanya. Pero dahil sa maraming pasyenteng nagpapacheck-up sa doktor ay itinuro siya sa trauma room sa emergency area.

Dahil sa hindi naman pang-emerhesiya ang kanyang sitwasyon ay inabisuhan nalang umano siyang bumalik pero dahil sa nagpupumilit ay maayos umano siyang sinabihan na pwede itong magpaopera sa pribadong ospital.

Ang tugon na ito ng pamunuan ng ospital ay kasunod ng concern na ipinaabot ng nasabing pasyente kay SP member Immanuel Sodusta bagay na ipinaabot naman niya sa konseho.

Kaugnay rito, nais ng komitiba na kung maaari ay mapabuti pa ang frontline service ng ospital para agarang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasyente at para hindi na humaba pa ang proseso.

MGA STRAY ANIMAL AT BIRD STRIKE, PINOPROBLEMA SA KALIBO AIRPORT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
 
Pinoproblema ngayon ng Kalibo International Airport ang mga dumaraming stray animal at kaso ng bird strike sa bisinidad ng paliparan.

Nabatid na kabilang sa mga stray animal ay ang mga aso, ahas, at mga ibong lumilipad sa nasabing airport. Ilan sa mga ibong ito ay ang mga maya, tagak at salampati.

Sa isinagawang wildlife hazard committee meeting, humingi na ng tulong ang pamunuang ng airport sa pamamagitan ng airport manager na si Efren Nagrama sa pamahalaang lokal ng Kalibo kung paano malulutas ang suliraning ito.

Napag-alaman mula kay Primo Ebesate Jr., municipal agricultural officer ng Kalibo, na isang eroplano ang grounded ng dalawang araw dahil sa bird strike.

Kadalasan umanong nangyayari ang bird strike pag gabi at madaling araw.

Kaugnay rito, kabilang sa mga hakabang na ginagawa ngayon ng pamahalaang lokal ang paghikayat sa mga kabahayan sa paligid ng airport na iwasang mag-alaga at magpalipad ng salampati.

Hihikayatin rin ang mga may-ari at staff ng mga restaurant dito na huwag magbigay ng pagkain sa mga gumagalang aso. Sa ngayon ay nagpapatuloy narin umano ang ginagawang panghuhuli ng mga asong gala ng dog catching team ng munisipyo.

MALAY SOLID WASTE MGT PROJECT, SOLUSYON SA SULIRANIN NG BASURA SA BORACAY

Umaasa ngayon ang lokal na pamahalaan ng Malay na ang solid waste management project ay makakalutas sa suliranin ng basura sa isla ng Boracay.
Sa isang panayam sinabi ni mayor Ceciron Cawaling na ang proyekto ay popondohan ng Asian Development Bank at sa ngayon ay pinaplantsa na at posibleng matapos na nitong Hunyo.

Ayon pa sa alkalde, ang Malay ay isa lamang sa apat na lokal na pamahalaan sa buong bansa na napiling simulan ng nasabing proyekto.

Ang iba pang mga recipient ng nasabing proyekto ay ang mga pamahalaang lokal ng Del Carmen sa Suriago del Norte, La Trinidad sa Benguet at Janiuay sa Iloilo.

Ang Malay ay may pondong Php300 milyon. Gagamitin umano ito sa pagbili ng mga heavy equipment at para sa improvement ng centralized material recovery facility (MRF) sa isla.

Tutulong rin sa pagpapatupad ng proyektong ito ang National Solid Waste Commission at ang Department of Environment Natural Resources.

Monday, May 01, 2017

PRODUKSYON NG ABAKA SA LIBACAO POSIBLENG DUMOBLE

Target ngayon ng bayan ng Libacao ang maka-produce ng marami pang hibla ng abaca kasunod ng pangako ng apat ng kompanya na planong bibili nito

Sinabi ni Libacao mayor Charito Navarosa gagamitin umano ito sa global demand para sa tea and coffe filters, at paglikha ng perang papel at iba pa.

Isa umano sa mga kompanyang ito ang nagbabahagi sa buong mundo ng tea bag gawa sa abaca. Itinuturing kasi ang abaka na isang high grade standard ng mga kampanyang ito.

Sa ngayon anya ay nakaka-produce ng nasa 250 metric tons ng abaca bawat buwan. Nasa 60 porsyento rin umano ng kabuuang populasyon ng Libacao ay kabilang sa pagsasaka ng abaka.

Naniniwala ang opisyal ng bayan na magiging doble ang produksyon ng abaka sa mga susunod na buwan. 

Ang Libacao ay pinagkalooban ng Philippine Rural Development Program (PRDP) ng Department of Agriculture lalu na ang farm to market road na nagpapabilis sa pagluluwas ng mga nasabing produkto.

MGA MAUUSOK NA SASAKYAN NAIS SUGPUIN NG PAMAHALAANG LOKAL NG KALIBO

Nanawagan ang Sangguniang Bayan ng Kalibo sa mga awtoridad na paigtingin ang kanilang kampanya sa pagsugpo at paghuli ng mga sasakyang bumubuga ng sobrang usok.

Hiniling rin ng Sanggunian sa pamunuan ng Department of Transportation, Land Transportation Office at sa mga traffic enforcer ng Kalibo municipal police station na palawigin pa ang pagbibigay impormasyon tungkol sa Batas Pambansa blg. 8749 o Clean Air Act.

Kaugnay rito, nagpasa rin ng resolusyon ang konseho na humihiling sa mga accredited smoke testing providers sa Kalibo na istriktong ipatupad ang pagsasagawa ng smoking emission test sa lahat ng mga sasakyan sa Kalibo.

Plano rin ng pamahalaang lokal ng Kalibo na bumili ng smoke meter machine na gagamitin ng traffic enforcers para sa random on site checking sa mga sasakyang bumibiyahe rito.


Nakatakda naring magsagawa ng pinaigting na kampanya ang Transport and Traffic Management Unit ng Kalibo para masugpo ang smoke belching sa bayang ito.