Saturday, March 18, 2017

PASTORAL LETTER NG PAGTUTOL SA STL BABASAHIN SA MGA SIMBAHAN SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maglalabas ng pastoral letter ang Diocese of Kalibo para tutulan ang takdang pagbubukas ng small-town lottery (STL) sa probinsya ng Aklan.

Sinabi ni Fr. Isauro David, tagapagsalita ng Diocese sa usapin ng STL, na ang nasabing sulat ay babasahin sa misa sa lahat ng simbahan sa lalawigan.

Una nang sinabi ni Fr. David sa Energy FM Kalibo ang pagkabahala ng simbahan sa epekto ng numbers game na ito sa pamilya at sa kumunidad sa kanilang pamumuhay at pag-uugali.

Bagaman wala umano silang magagawa sa legalidad ng operasyon, umaasa siya na sa pamamagitan ng pastoral letter na ito ay mahikayat ang mga mamamayan na huwag tangkilikin ang ganitong uri ng sugal.

Naniniwala si David na kapag walang tumataya rito ay mapipilitan rin umano ang operator na magsara.

Umaasa rin siya na mapag-usapan ng Sangguniang Panlalawigan at mga opisyal ng bayan ang isyung ito at maimbetahan sila upang ipahayag ang panig kaugnay rito.

PHP3,000 PABUYA SA MAKAPAGTUTURO SA MGA NAGTATAPON NG DIAPER

photo filler
 Gusto niyo bang magkaroon ng Php3,000 nang walang kahirap-hirap?

Isang barangay sa bayan ng Lezo ang nag-aalok ng Php3,000 pabuya sa mga makapagtuturo sa mga nagtatapon at nagkakalat ng mabaho at gamit na diaper sa kanilang lugar.

Ang kakaibang aksiyon na ito ay inanunsiyo ng sanggunian ng brgy. Bagto sa nasabing bayan matapos makita ang mga nagkalat na mga diaper na itinatapon ng mga iresponsableng mga magulang o guardian na dumaraan sa highway.


Ayon kay punong barangay ni Renee Layson na ang pagkakalat ay isang pangunahing suliranin ng kanilang barangay. Sinabi pa ng punong barangay na hind ito kaaya-aya sa pang-amoy at tanawin.

Nabatid na nagpapatuloy ngayon ang konstruksiyon ng bagong provincial road sa lugar na nagdurugtong sa ruta Iloilo-Caticlan palabas-pasok ng Boracay. Ito ang dahilan para anya panatilihin nila ang kalinisan ng barangay.

Hinikayat ng konseho ang kabarangay na kunan ng litrato kung sino ang nagtatapon para masigurong ang akusasyon nila ay tama at para maibigay sa kanila ang nasabing pabuya. (PNA)


LGU MALAY POSIBLENG KASUHAN DAHIL SA HINDI MAAYOS NA TAMBAKAN NG BASURA SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang lokal na pamahalaan ng Malay dahil sa hindi maayos na tambakan ng basura sa isla ng Boracay.

Ito ay kung hindi agad mailipat ang mga natitirang residual waste sa centralized material recovery facility (MRF) sa brgy. Manocmanoc, Boracay sa sanitary landfill sa brgy. Cabulihan, Malay.

Ayon kay Aklan provincial environment and natural resources officer (PENRO) Ivene Reyes, ang utos na ito ay kasunod ng kanilang isinagawang inspekyon dahil sa mga reklamo sa masangsang na amoy mula sa centralized MRF.

Iniutos rin ni Reyes sa lokal na pamahalaan ng Malay na itigil at isara ang operasyon ng walang habas na pagtatambak ng basura at paglilibing ng biodegradable waste sa MRF.

Paliwanag ni Reyes, wala umanong sistemang sinusunod sa pagtatapon ng mga basura sa MRF at sa pangungolekta ng mga ito.

Kaugnay rito, nangako si mayor Ceciron Cawaling na aaksiyunan nila ang problema sa loob ng isang buwan.


Friday, March 17, 2017

NGCP PANIT-AN NABAS TRANSMISSION LINE PLANONG MAKUMPLETO SA ABRIL

Plano ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na makumpleto ang Panit-an-Nabas 138 kilovolt transmission line project alinsunod sa 10-year transmission development plan ngayong Abril.

Sinabi ni NGCP Region 6 communication officer Michelle Vicera na ang bagong mga transmission tower makapaghahatid ng sapat na suplay ng kuryente sa buong isla ng Panay. Kaya rin umano nitong manatili sa bagyo na may lakas ng hanging aabot sa 270 kilometro bawat oras.

Nabatid na una nang nasira ang nasa 127 steel tower structure ng NGCP sa Aklan dahil sa bagyong Yolanda noong 2013. Matapos ang pananalasa ng bagyo, inayos at nagtayo ng temporaryong transmission line ang NGCP mula Panit-an, Capiz patungong Nabas substation para sa tuloy-tuloy na suplay ng elektrisidad ng AKELCO.

Pinaliwanag niya na ang isang oras na mga power interruption mula als-5:00 hanggang alas-6:00 ng umaga tuwing Sabado at Linggo ay dahil sa rerouting ng AKELCO power substations (Andagao, Boracay, Altavas, Caticlan at Lezo) hanggang San Jose, Antique at Panit-an, Capiz NGCP substations.

Posible umanong magtagal ang mga power interruption na ito hanggang sa buwan ng Abril.

KALIBO PNP MULING NAGPAALA-ALA NA HUWAG SUMAKAY SA MGA KOLUROM NA TRICYCLE

Muling nagpaalala ang Kalibo PNP na iwasang sumakay sa mga kolurom na tricycle kasunod ng sunod-sunod na kasong kinasasangkutan ng mga ito.

Ayon kay chief traffic SPO2 James Bantigue, maging mapagmatyag sa pagpara ng sasakyang tricycle, kung ito ba ay may body number o kung wala. Kapag wala itong body number palatandaan umano na ito ay isang kolurom.

Paliwanag ni Bantigue na mahirap matukoy kung sino ang may-ari o drayber ng motorsiklo kung sakaling masangkot ito sa aksidente, o insidente.

Sa isang panayam sinabi ni Bantigue na as of March 15 ay may nasa 17 nang kolurom na tricycle ang kanilang nahuli. Sinabi niya na posible patawan ng Php2,500 na pinalidad ang mga mahuhuli.

Kamakailan lamang ay may naiulat na isang babae ang pinaikot-ikot ng sinasakyang niyang motorsiklo at naghinalang may masamang balak sa kanya ang drayber kaya ito bumaba at lumipat sa ibang sasakyan.


Samantala, patuloy naman ang isinagawang panghuhuli ng mga kapulisan sa mga motorsiklong may mga open o maiingay na
muffler.

PNP-AKLAN KINUMPIRMA ANG PAGBUBUKAS NG STL SA PROBINSIYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

APPO
Kinumpirma ni Aklan Police Provincila Office acting director PSupt. Pedro Enriquez sa Energy FM Kalibo na magsisimula na ang operasyon ng extended small-town lottery (STL) sa lalawigan ngayong buwan ng Marso.

Ito ay base sa sulat na natanggap niya mula sa Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) na nagsasabing mayroon na silang otorisadong operator sa probinsiya.

Samantala,  sinabi naman ni Sangguniang Panlalawigan member at committee chair on peace and order Nemisio Neron na tutol siya sa anumang uri nang sugal maging legal man ito illegal. Sa kabila nito, sinabi niya na kung ito ay alinsunod sa batas ay wala silang magagawa rito.

Sinabi pa ni Neron na ang magagawa lamang umano nila ay bantayan ang operasyon ng STL sa probinsiya na hindi ito maabuso. Posible naman anyang pag-usapan ng Sanggunian ang isyung ito.

Una nang nagpahayag ng pagtutol ang Diocese of Kalibo sa takdang pagbukas ng ganitong uri ng sugal sa probinsiya.

Nabatid na ang pagsasaligal ng STL ay naglalayong makapagdadala ng malaking kita sa mga lokal na pamahalaan,
pagbibigay ng pangkabuhay sa karamihan at pag-alis ng mga iligalista.

MGA ESTUDYANTE AT GURO SA KALIBO PINAGHAHANDA SA MGA KALAMIDAD

Pinaalalahanan ng Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO) Kalibo at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang ilang mga guro at estudyante na maghanda sa mga kalamidad at emerhensiya.

Ito ay kasunod ng paggunita sa nangyaring great east Japan earthquake noong Marso 11, 2011 na kumitil ng buhay ng halos 16 na libong katao at pagkasira ng maraming ari-arian, agrikultura at iba pa.

Sa seminar na ito, nagpaalala rin sina civil defence officer Terence June Toriano at JICA volunteer Tatsuya Hada, na huwag lamang umasa sa tulong ng pamahalaan sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Paliwanag nila, kailangan ang mga mamamayan muna ang dapat unang rumesponde at tumulong sa kanilang sarili. Dahil rito, nagpaalala sila na maglaan ng emergency kit sa kanilang mga tahanan. Itinuro rin sa nasabing seminar ang tamang paglapat ng first aid at iba pa.

Nabatid na sa bansang Hapon, isinasailalim nila sa puspusang pagsasanay at pagtuturo ang kanilang mga mamamayan kagaya ng fire fighting, at basic first aid.


Hinikayat naman ni Hada ang mga guro na magsagawa ng araw-araw na pagtuturo sa high school kaugnay ng disaster risk reduction at kapaligiran.

Tuesday, March 14, 2017

MGA TRIBU NG ATI-ATIHAN LALAHOK SA GUIMARAS MANGGAHAN FESTIVAL

Lalahok sa unang pagkakataon ang mga tribu ng Ati-atihan festival ng Kalibo sa Manggahan festival sa lalawigan ng Guimaras sa darating na Mayo.

Sinabi ni Albert Meñez, chairman ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (Kasafi), ang mga nasabing grupo ay kakatawan sa Aklan sa Western Visayas Invitational Cultural Presentation bilang bahagi ng nasabing pagdiriwang sa Mayo 21.

Ang mga grupong ito ay ang Black Beauty Boys at Royal Scorpio, parehong mula Kalibo, at Vikings mula Makato.

Ayon pa kay Meñez, isa itong pagkakataon upang maipakita ng Aklanon kung ano ang kaya nilang maipagmalaki.

Itinatanghal sa Manggahan festival sa Guimaras ang industriya ng manga sa lalawigan bilang mango capital ng bansa. (PNA)


MAS MARAMING ECONOMIC ZONE SA BORACAY ISINUSULONG NG SB MALAY

Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan (SB) ng Malay ang pagdidiklara ng mas maraming special economic zone sa Isla ng Boracay.

Sinabi ni SB member Dante Pagsuguiron ang nasabing isyu kasunod ng katatapos lang na Visayas Economic Summit sa Cebu City na isinagawa ng Philippine Economic Zone Authority.

Sinabi pa ni Pagsuguiron na ang pagkakaroon ng mas maraming special economic zone ay makakahikayat ng  dagdag investors sa isla at makapagbibigay ng mas maraming trabaho sa mga lokal.

Sa kasalukuyan ang Boracay Eco-Village Resort sa Yapak ay isa nang Tourism Economic Zone.

Ayon sa lokal na mambabatas, nasa tatlong lugar ang tinitingnan niyang pwede maging special economic zones.(PNA)



BLOOD COLLECTION SA ISLA NG BORACAY PAIIGTINGIN NG RED CROSS

Paiigtingin ng Philippine Red Cross Boracay-Malay chapter ang kanilang kampanya sa pangungolekta ng dugo sa isla ng Boracay.

Ayon sa bagong upong chapter chairman Joseph Medina, ang pagtatayo ng blood collection unit or station sa Boracay para makapaglaan ng sapat na suplay ng dugo ay sinisimulan na.

Sinabi pa ni Medina na ang pagkakaroon ng suplay ng dugo sa isla ay mahalaga para  makapagligtas ng buhay lalo na sa panahon ng emerhensiya.


Itatayo ang nasabing blood collecting facility sa Red Cross office sa brgy. Manocmanoc.

Hinikayat naman ng chapter chairman ang mga may-ari ng hotels, resorts at ibang establisyemento sa isla na hikayatin ang kanilang mga staff na mag-volunteer sa Red Cross.

Kaugnay rito, nabatid na una na silang nagsagawa ng mga first aid training sa iba-ibang establisyemento at organisasyon sa Boracay.


BORACAY ITINANGHAL BILANG TOP DESTINATION NG CTRIP TRAVEL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinanghal ang isla ng Boracay bilang isa sa sampung CTrip Travel awardee para sa taong 2016.

Kabilang rin sa pagkilalang ito ang Phuket, Malaysia, Maldives, Tahiti, Mauritius, Guam, Bali, Sapian, at Okinawa.

Ayon sa Department of Foreign affairs, isinagawa ang pagbibigay-parangal sa mga travel destinations na ito sa bagong-bukas na seven-star hotel sa Shanghai nitong nakalipas na linggo.


Tinanggap ni vice consul Andre Peter C. Estanislao ng Philippine Consulate general ang nasabing parangal.

Ang CTrip ay isang Chinese travel service provider na nakabase sa Shanghai.


Nabatid na ito ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa sila ng pagpaparangal para sa mga top destinations at travel service providers sa buong mundo.

PAGTAKBO SA PAGKA-ALKALDE NI MAMING SA KALIBO, USAP-USAPAN

Usap-usapan ngayon ang pagtakbo bilang opisyal ng Kalibo sa 2019 ang dating alkalde ng Banga na si Antonio “Antong” Maming na nakatira ngayon sa Estancia, Kalibo.

Ito ay kasunod nang paghain niya ng “application to transfer registration record due to change of residence” noong Marso 10 sa provincial COMELEC mula sa pagiging botante ng Banga sa bayan ng Kalibo.

Nakasaad kasi sa Republic Act 7160 na ang isang kandidato ay kailangan residente ng isang lugar kung saan siya tatakbo nang hindi bababa sa isang taon bago mag-eleksiyon.

Kamakailan lang ay kinumpirma ni Maming ang kanyang pagkalas sa partido ni ngayon ay congressman Carlito Marquez patungo sa kampo ni governor Florencio Miraflores. Magugunitang natalo si Maming sa eleksyon noong Mayo 2016 laban sa incumbent governor na si Miraflores.

Sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon mula sa kanya kung siya ba ay tatakbo sa pagka-alkade ng Kalibo.


AKLANON SWIMMER KINILALA NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Binigay ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan si Kyla Ong Soguilon makaraang itanghal ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Junior Athlete of the Year at Milo Junior Athlete of the Year sa ikatlong taong sunud-sunod.

Matatandaan na sa nakalipas na taon, napanalunan ng 12-anyos na manlalangoy mula sa Kalibo, Aklan sa 21st Milo Little Olympics Visayas Regional Finals sa Cebu ang 10 gold medal at nakapagtala ng apat na bagong record.

Nanalo rin siya sa international na mga patimpalak sa Australia, Hong Kong, Singapore, Japan at Dubai. Umani siya ng 32 ginto, 12 silver, at dalawang bronze medal sa mga internasyonal na laro.

Sa Palarong Pambansa, napanalunan niya ang apat na ginto, dalawang silver medal at kinilalang Most Outstanding Swimmer at Most Bemedalled Athlete sa nasabing patimpalak.


Nakamit rin niya ang tatlong ginto, isang silver at isang bronze medal sa Batang Pinoy National Finals sa Tagum City, Davao del Norte.

MISTERYOSONG BARKO SA BATAN PLANONG IMBESTIGAHAN NG NAT'L MUSEUM

Nagpahayag ngayon ng interest ang National Museum na imbestigahan ang labi ng umano’y misteryosong barko sa brgy. Mambuqiao, Batan.

Sinabi ni Geovanni Bautista, isang mananaliksik ng National Museum, magpapadala umano sila ng opisyal na sulat sa lokal na pamahalaan ng Batan upang pahintulutan silang magsagawa ng imbestigasyon.

Sa isa namang panayam, sinabi ni Batan mayor Rodel Ramos na bukas sila para sa imbestigasyon sa labi ng nasabing barko na matagal na umanong nakikita ng mga residente pero wala manlang nakakaalam ng patungkol dito.

Ang labing ito sa tabing-baybayin ng nasabing barangay ay gawa sa matibay na kahoy at ng hindi pa nalalamang uri ng metal at tinatayang nasa 15 metro ang haba ng barko. Dagdag pa rito, nakikita lamang ang nasabing labi ng barko kapag low tide.


Naniniwala naman ang mga residente sa lugar na ang nasabing barko ay bahagi ng paninirahan ng mga Espanyol sa kanilang lugar. (PNA)

KALIWA’T KANANG AKSIDENTE SA KALSADAHIN SUMAILALIM SA IMBESTIGASYON NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kaliwa’t kanang mga aksidenteng nangyayari sa mga kalsadahin sa probinsiya na nagiging dahilan ng kamatayan ng iba.

Sa kanyang ulat sa plenaryo, sinabi ni SP member Nemisio Neron, na karamihan umano sa mga naaaksidente ay mga nagmamanehong lasing at hindi sumusunod sa mga batas-trapiko.

Nabanggit din sa kanyang committee report na may kakulangan rin ang Department of Public Works and Highway (DPWH) sa paglalagay ng mga safety reminders at signages. Plano na rin umano ng DPWH na maglagay ng signages na “slow moving vehicle, keep right” para sa mga four lane na kalsada.

Aminado rin anya ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na hindi sila nagiging istrikto sa pagpapatupad ng batas-trapiko dahil narin anila sa kakulangan ng mga law enforcers nila.

Una na itong sumailalim sa pagdinig noong Pebrero 20 na pinangunahan ng committee on public works, housing, land use and urban relocation at ng committee on energy, public utilities, transportation and communications.

Sa kabilang banda, pasado na sa Sanggunian sa unang pagbasa ang panukalang batas na inihain ni SP member Jay Tejada na nagtatakda ng mga pulisiya sa road accident prevention at safety awareness scheme, at pagbuo ng task force kaugnay sa implementasyon nito.