Saturday, April 01, 2017

MGA TRICYCLE SA BORACAY HANGGANG SA KATAPUSAN NALANG NG TAON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hanggang sa katapusan nalang ng taon ang pag-ooperate ng mga motorized tricycle sa isla ng Boracay ayon kay vice mayor Abram Sualog.

Sinabi ni Sualog na kailangang kumpletuhin na ng mga e-trike operators ang kanilang mga requirements bago ang full implementation ng e-trike program sa Boracay.


Bilang head ng Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Board, umaasa si  Sualog na sa susunod na taon ay maipatupad na nila ang e-trike program.

Pinasiguro naman umano ng mga e-trike operator na may sapat silang mga charging station bago ang pagsisimula ng programa para hindi makaabala sa biyahe.

Ang pagbabagong ito na mapalitan ng e-trike ang mga de gasolinang mga tricycle ay isa sa mga nakikitang solusyon ng pamahalaang lokal para maprotektahan ang isla sa polusyon.

Iginiit pa ng opisyal ang mga tricycle operator ay hinihikayat na maglipat na sa e-trike alinsunod sa resolution No. 074 lalu na ang mga nagre-renew ng prangkisa. (PNA)


Friday, March 31, 2017

LGU-KALIBO MULING NAGPAALALA SA PAGBABAWAL NG PAGSIGA NG MGA BASURA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Capitol Site sa Kalibo, Aklan
Muling nagpaala-ala ang Solid Waste Management Services (SWMS) – Kalibo sa taumbayan na ipinagbabawal ang pagsiga ng mga basura at maging ng mga dayami kasunod narin ng mga nakikitang lumalabag rito.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni SWMS – Kalibo head Adorada Reynaldo na posibleng mapatawan ng Php1,000 penalidad ang mapatunayang lumalabag rito o community service ng 20 oras.

Sinabi pa ni Reynaldo na ito ay sandig sa municipal ordinance 2009-004 o ang ecological solid waste management of Kalibo.

Aminado ang SWMS head na nahihirapan silang matukoy ang mga lumalabag sa nasabing batas dahil narin sa kakulangan ng kanilang mga tauhan. Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay mayroon lamang silang 11 SWMS enforcer.

Kaugnay rito, nakatakda siyang magpatawag ng pagpupulong sa mga opisyal ng 16 na barangay upang hikayating makipagtulungan sa pagpapatupad sa nasabing batas.

Nanawagan rin siya sa mga responsableng indibidwal na ireport sa kanilang tanggapan ang mga makikitang lumalabag sa nasabing municipal ordinance.

Maliban sa pagbabawal sa pagsusunog ng mga basura, ipinagbabawal rin ang pag-ihi at pagdumi sa mga pampublikong lugar maliban sa mga inilaan lugar na nagiging suliranin narin ng munisipyo.

2 ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA DRUG-BUY BUST OPS SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na drug buy-bust operation sa brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay kagabi.

Unang naaresto ng mga awtoridad si Jan Vincit Ibit, nasa legal na edad at tubong brgy. Caiyang, Batan. Narekober sa suspek ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu at Php1,000 marked money at cellphone na naglalaman ng mga transaksiyon sa droga.

Sunod na naaresto sa parehong lugar si Martin Ferry Monteclaro, nasa legal na edad at tubong Libertad, Antique. Nakuha naman sa kanya ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at Php1,000 marked money at cellphone na naglalaman rin ng mga transaksiyon ng droga.

Sina Monteclaro at Ibit ay posibleng maharap sa kasong paglabag sa Batas Pambansa 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang mga suspek ang unang mga naaresto ng mga kapulisan sa probinsiya matapos muling ibalik ng pamahalaang Duterte ang giyera kontra droga sa Philippine National Police nitong Pebrero.

Wednesday, March 29, 2017

MAYOR NG ALTAVAS AKLAN SINUSPENDE NG OMBUDSMAN DAHIL SA IMORALIDAD

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang anim na buwang suspensyon kay Altavas Mayor Denny Refol ng Bayan ng Altavas, Aklan matapos mapatunayan guilty sa kasong imoralidad.

Sa imbestigasyon ng Ombudsman lumalabas na nagkaroon umano ng Kabit si mayor at nagbunga ang kanilang relasyon.

Depensa ng Mayor na sa ngayon raw ay kakaunti nalang ang mga Public Official na walang kabit. Sinabi rin nito na itinigil na nito ang pakikipagkita sa nasabing babae.

Sa desisyon ng Ombudsman nakasaad na hindi itinatanggi ni Refol ang pagkakaroon nito ng kabit.

OPERASYON NG STL SA AKLAN IPINAPASUSPENDE NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinapasuspende ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang takdang operasyon ng small-town lottery sa probinsiya dahil sa mga isyu ng legalidad na kinakaharap nito.

Sa ginanap na pagdinig ng committee on games and amusement, kinuwestiyon ng mga lokal na mambabatas ang taga-Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung bakit hindi pwedeng buwisan ng lokal na pamahalaan ang operator nito.

Paliwanag ni Bam Urubio, national coordinator on STL operation ng PCSO, na hindi na kailangan ng permit mula sa lokal na pamahalaan ang Authorized Agent Corporations (ACC) dahil nakabayad na ito ng buwis sa national.

Pinasiguro naman ni Urubio na makikinabang rito ang mga lokal na pamahalaan at malaking tulong ito sa mga mahihirap.

Nababahala naman si SP member Jay Tejada na isa itong pagpapakababa ng kanilang kakayahan na mabigyang pahintulot ang operasyong ito.


Kaugnay rito, nanindigan si vice governor Reynaldo Quimpo na isuspende ang nasabing operasyon. Posibleng namang idulog sa korte ang kwestiyon ng legalidad ng operasyon.

GRUPO NG MGA NEGOSYANTE SA PROBINSYA TUTOL RIN SA PAGBUKAS NG STL SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naglabas rin ng opisyal na pahayag ang grupo ng mga negosyante sa probinsiya kaugnay ng takdang pagbubukas ng small-town lottery (STL) sa Aklan.

Sa inilabas na board resolution ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Aklan chapter, mahigpit nilang tinututulan ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) expanded STL.

Nanindigan ang grupo na dahil narin sa laganap na mga legal na sugal sa probinsiya gaya ng lotto, bingo, at sabong  ay hindi na kailangan pa ang STL.

Paliwanag nila, hindi maganda ang epekto nito sa lokal na ekonomiya lalu na sa mga mahihirap.

Ang resolusyon ay personal na binasa ni Jose Mari Aldecoa, vice president ng PCCI-Aklan board of directors, sa committee hearing kahapon sa Sangguniang Panlalawigan kaugnay ng operasyon ng sugal na ito.

Samantala, sa ngayon ay tatlo nang opisyal na pahayag ng pagtutol ang natanggap ng SP-Aklan mula sa Diocese of Kalibo, PCCI-Aklan, at Couples for Christ.

MOTOCROSS MULING ISASAGAWA SA BRGY. TINIGAW, KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling magsasagawa ng motocross racetrack ngayong Hunyo ang Brgy. Tinigaw, Kalibo ayon kay punong barangay Rolando Reyes.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Reyes na mainam kung ito ay maituon sa pagdiriwang ng San Juan Bautista para mas marami ang pupunta sa lugar.


Nakikipag-ugnayan na umano sa kanya ang ilang grupo para makahikayat ng mga kalahok. Nangako narin umano ang ilang kompanya na susuporta sa nasabing malaking event.

Matatandaan kamakailan lang ay sinang-ayunan ng Sangguniang Bayan na ibilang sa opisyal na mga tourism destinations ng Kalibo at lalawigan ng Aklan ang ‘picturesque riverside area’ ng Purok 3, Brgy. Tinigaw partikular ang mabuhanging bahagi ng riverbanks.

Una nang pinagdausan ng invitational cup Mayo noong nakalipas na taon ang nasabing lugar.

Maliban rito, plano rin ni Reyes na gawing summer sports capital ang kanilang barangay para makahikayat pa ng maraming mga sports enthusiasts kabilang na ang mga bikers at boxing sa tubig.

Tuesday, March 28, 2017

PAG-PHASE-OUT SA MGA DE GASOLINANG TRICYCLE SA ISLA NG BORACAY, ITUTULOY NG LGU MALAY

Ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng Malay ang planong palitan ang mga de gasolinang tricycle na nag-ooperate sa isla ng Boracay ng electric tricycle.

Sa isang panayam sinabi ni vice mayor Abram Sualog, prayoridad parin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalit sa eco-friendly e-trikes.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagpupulong ng Municipal Transportation Franchising and Regulatory Board kahapon sa mga e-trike operators at suppliers sa isla ng Boracay.

Sinabi ni vice mayor at chairman ng local board, layon ng pagpupulong na ito ang matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng operasyon ng e-trike sa Boracay.

Ayon pa kay Sualog balak nilang mapalitan na ang nasa 500 yunit ng mga tricycle sa e-trike. Nabatid na mayroong mahigit 100 yunit na ng e-trike ang bumibiyahe sa isla.

Sa ngayon ay itinigil na ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng mga prangkisa sa mga bagong operator ng tricycle maliban lamang sa mga e-trike. (PNA)


JOLLIBEE NAGKAUTANG NG MAHIGIT KALAHATING MILYON SA LGU-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umabot na sa Php687,335  ang utang ng franchisee ng Jolibee Foods Corporation sa lokal na pamahalaan ng Aklan.

Ito ay kasunod ng mga hindi nabayarang interests at surcharges ng renta sa gusali.

Kaugnay rito hiniling ng franchisee na si Danilo Padilla Jr. sa tanggapan ng Provincial Treasurer na kung maaari ay gawin nilang hulugan ang pagbabayad rito sa loob ng anim na buwan.

Hiniling rin ng gobernador sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalaw
igan na kung maaari ay magpasa ng resolusyon pabor sa kahilingan ng negosyante.

Kapag nangyari, magbabayad ng mahigit Php114,000 kada buwan ang kompanya sa pamahalaang probinsyal sa loob ng anim na buwan.

Napagkasunduan ng Sanggunian na irefer ang usapin sa komitiba ng budget and finance.


Ang Jollibee drive tru sa Mabini Corner D. Maagma st., Poblacion, Kalibo ay nagrerenta lamang sa lote at gusali ng lokal na pamahalaan.

Monday, March 27, 2017

NAG-IISANG AKLANON NAGRADUATE SA PNPA MASIDLAK CLASS OF 2017

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kasama ang nag-iisang 22-anyos na Aklanon sa 144 cadets na naggraduate ngayong taon sa Philippine National Police Academy (PNPA) “Masidlak” Class.

Pagsisikap at determinasyon ang naging daan para mapabilang sa PNPA alumni si PInsp. Ryan de Mateo Valenzuela.

Si Valenzuela ay tubong brgy. Old Buswang, Kalibo. Nagtapos siya ng kanyang elementarya sa Bakhao Sur Elementary School saka nagtapos ng sekondarya sa Aklan National High School for Arts and Trade.

Nagsimula siyang mag-aral sa kolehiyo sa Northwestern Visayan Colleges sa kursong education.
Isinagawa ang graduation noong Byernes sa Camp Castañeda, Silang, Cavite kung saan naging bisita rito si Pangulong Rodrigo Duterte.

MGA BIKTIMA NI 'YOLANDA' SA AKLAN MAKAKATANGGAP NG PRESIDENTIAL ASSISTANCE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hinikayat ng Rise Up Aklan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda na hindi na nakatanggap ng kontrobersiyal na emergency shelter assistance (ESA) na kumuha ng Php5,000 presidential assistance fund.

Sinabi ni Kim-Sin Tugna, Rise Up Aklan coordinator, na ang presidential assistance ay pwede nang matanggap sa susunod na anim na buwan simula Abril sa pamamagitan ng cash card na ibibigay ng government bank.

Napag-alaman na sa lalawigan ng Aklan, mahigit 20,000 household ang hindi nabigyan ng ESA mula sa pamahalaan.

Una nang nangako si pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng tig-Php5,000 tulong sa ang mga biktima ng bagyo.


Hinikayat naman ni Tugna ang mga Yolanda survivors na humingi ng tulong sa mga Rise UP coordinators at field validators sa kanilang mga barangay.

LGU MALAY IPAPATAWAG ANG LAHAT NG E-TRIKE COMPANIES NA NAG-OOPERATE SA BORACAY

Nakatakdang magtipon ngayong araw ang iba-ibang kompanya ng electric-tricycle na nag-ooperate sa isla ng Boracay alinsunod sa kahilingan ng Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Board of Malay.

Sa pangunguna ni vice mayor Abram Sualog, pag-uuspan sa pagpupulong na ito ang mga isyu patungkol sa electric-powered tricycles na nag-ooperate sa isla kabilang na ang kanilang mga charging stations at mga yunit.

Sa isang panayam sinabi ni Sualog na aalamin rin nila ang mga programa ng mga e-trike companies para sa kanilang mga driver.

Pinahayag ni Sualog na dapat noong nakaraang taon pa naging epektibo ang pag-alis ng lahat tricycle sa isla pero na-unsyami dahil narin sa mga problema sa mga kompanya ng e-trike.


Sa kasalukuyan ay may limang e-trike companies ang nag-ooperate sa isla at may 100 yunit na nagserserbe sa mga turista at mga tagaroon. (PNA)