Friday, March 10, 2017

DOST TUTULONG SA PAGLILINIS NG MGA LUMOT SA BAYBAYIN NG BORACAY

photo by grandpacking
Tutulong umano ang Department of Science and Technology (DOST) sa lokal na pamahalaan ng Malay sa paglilinis ng mga naglalabasang lumot sa tabing-baybayin ng isla ng Boracay.

Sa isang panayam, sinabi ni DOST-Aklan chief Jairus Lachica, na nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan simula sa nakalipas na buwan para linisin ang mga lumot.

Sinabi pa ni Lachica na isa sa kanilang mga eksperto na si Dr. Melinda Palencia, professor at isang environmentalist mula Adamson University, ay nagpresenta ng kanyang programan sa Sangguniang Bayan ng Malay para dito.

Nakaimbento umano si Dr. Palencia ng vigorim, isang white powdery substance na tinatawag rin niyang eco-friendly septic system (ECO-SEP), isang movable at deployable septic tank system na gagamitin sa paglilinis.

Ayon pa kay Lachica, una nang naipakilala ang ECO-SEP sa Boracay noong 2015 at simula noon ay ginagamit na umano ito sa iba-ibang tourist destination sa bansa kabilang na ang Palawan at Bohol.


Kaugnay rito, hihilingin rin ng DOST sa lokal na pamahalaan ang kanilang tulong upang makapagpatayo ng satellite office sa Boracay para matutukan nila ang nasabing problema. (PNA)

No comments:

Post a Comment