Saturday, October 01, 2016

Babae sa New Washington, Aklan, nagsaksak sa sarili, patay

NI ARCHIE HILLARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay ang isang babae sa bayan ng New Washington, Aklan matapos magsaksak ng sarili.

Kinilala ang biktimang si Lysa Marie Quarino, 22-anyos, ng Jugas, New Washington, Aklan.

Sa inisyal na impormasyon na nakarating sa PNP New Washington, nakatanggap raw ng isang tawag ang kanilang himpilan mula sa guwardiya ng Don Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital na nagpapa-alam na may dinalang babae sa nasabing ospital na sinasabing nag-kitil ng sarili.

Agad na nagtungo roon ang imbestigador na si SPO1 Lary John Vidal at napag-alaman na idineklarang dead on arrival ang biktima matapos magtamo ng 3 tatlong saksak sa tiyan.

Sa kwento ng ka-live in ng biktima na si Viel Vincent Seraspe, 22-anyos, ng Brgy. Jugas, New Washington, alas-6:00 kagabi matapos niyang manggaling sa pinagtatrabahuhang palayan ay nadatnan nito ang kinakasama na wala ng buhay at may saksak sa tiyan.

Agad raw isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na ito nailigtas.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang malalimang imbestigasyon ng PNP sa kasong ito.

2 tulak ng droga sa Kalibo, arestado

NINA DARWIN TAPAYAN, ROLLY HERRERA AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado sa drug buy bust operation ang dalawang suspek sa pagtutulak umano ng droga sa bayan ng Kalibo. Ginawa ang operasyon dakong alas-2:00 ng hapon kahapon sa Brgy. Andagao, Kalibo.

Kinilala sa report ng pulisya ang mga naarestong sina John Paul Raz, 20 anyos, at Bob Ryan Tayco, 19, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Narekober sa posesyon ni Raz ang buy bust money kapalit ng isang papel na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana. Naaresto rin ang kanyang kasamahan na si Tayco.

Nasawata rin ng mga awtoridad ang mga drug paraphernalia na ginagamit sa transaksyon ng ilegal na droga.

Nakapiit ngayon sa himpilan ng Kalibo PNP ang mga naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

16-anyos arestado sa pagnanakaw ng mamahaling cellphone

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang 16-anyos na lalaki matapos magnakaw ng isang unit ng iPhone 5s na umaabot ng Php 27,000.00 ang halaga.

Humingi ng tulong sa mga kapulisan ang 17-anyos na estudyante at may-ari ng cellphone. Nabatid na ninakaw umano ng suspek ang kanyang mamahaling cellphone sa isang computer shop sa habang naka-charge ito.

Paglingon umano ng may-ari ay nawawala na ito. Agad naman nilang ni-review ang kuha ng CCTV sa naturang lugar kung saan naaktuhan ang kumuha rito.

Sa tulong ng mga nakakikilala sa suspek ay natagpuan ito ng mga kapulisan at inaresto.

Inamin ng suspek na naibenta niya ang naturang cp unit sa halagang Php 400.00 lamang.

Sa kabutihang palad ay nakuha rin ng mga awtoridad ang cellphone sa isang technician sa isang mall.

Isinailalim sa counseling ng DSWD ang minor na suspek samantalang wala namang intensyon ang may-ari na maghain ng kaso laban sa kanya at sa pinagbentahan ng kanyang cellphone.

Lalake arestado sa drug buy-bust operation sa Malinao

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado sa isang drug buy bust operation ang isang lalake sa Brgy. Rosario, Malinao.

Kinilala ang suspek na si Donel Rufo Ortega, 44 anyos, at residente ng nasabing lugar.

Nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu at P500.00 na buy bust money.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Aklan PPO PAIDSOTG, CIDG AKLAN, NISU 51 at ng Malinao Municipal Pnp station pasado alas-2:00 pasado ng hapon sa Brgy. Rosario, Malinao, Aklan na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.

Friday, September 30, 2016

Tricycle bumangga sa owner type jeep, 2 sugatan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Sugatan ang driver at isang pasahero ng tricycle matapos aksidenteng mabangga ang sasakyan sa isang owner type jeep. Nangyari ang naturang aksidente dakong 1:00 ng hapon matapos magkasalubong ang dalawang sasakyan sa Brgy. Estancia, Kalibo.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang drayber ng tricycle na si Josie Mendoza, nasa legal na edad, samantalang nagtamo naman ng galos at pasa sa mukha at iba-ibang bahagi ng katawan ang pasaherong si Frank Alonzo, 20 anyos. Nai-confine sa Don Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang pasahero pero ang drayber naman ay nagpumilit na huwag magpa-confine.

Napag-alamang lango sa alak ang drayber ng traysikel nang mangyari ang aksidente.

Nagtamo naman ng matindi sira ang nabanggaang owner type jeep.

Aklan PHO: 2 patay sa rabies sa Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM KALIBO 107.7

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) sa pagkamatay umano ng dalawang katao dahil sa rabbies nitong Agosto ng kasalukuyang taon. Ang mga kasong ito ay nangyari umano sa mga bayan ng Malay at Altavas ayon sa Aklan Provincial Health Office (PHO).

Ayon kay Ronald Lorenzo, Rabies Control Coordinator ng OPVET, ang isa umano dito ay nakagat ng aso isang taon na ang nakakaraan bago namatay. Ang isa naman ay namatay isang linggo matapos itong makagat ng aso.

Ani Lorenzo, ipapaabot pa nila ang naturang report sa regional office para sa karagdagang imbestigasyon.

Napag-alaman rin mula kay Lorenzo na sa halos 50,000 mga aso sa buong lalawigan, 11% pa lamang rito ang nabakunahan simula Enero nitong taon.

Samantala, kahapon ay nagsagawa ng malawakang libreng pagpaparehistro, pagbabakuna, pagpapakapon, at iba pang serbisyo para sa mga alagang aso at pusa ang OPVET. Ito ay kaugnay ng ika-10 taon ng pagdiriwang ng World Rabies Day. Ang bawat munisipyo ay nagsagawa rin ng kanilang mga aktibidad kaugnay rito.

Hinikayat naman ng OPVET na dalhin ang mga alagang hayop sa kanilang tanggapan para sa mga kaukulang serbisyo.

Thursday, September 29, 2016

Dating Senador Miriam Defensor-Santiago, pumanaw na

Binawian ng buhay sa edad na 71 si dating Senador Miriam Defensor-Santiago, Huwebes ng umaga.

Ayon sa kaniyang mister na si Narciso Santiago, pumanaw ang senadora habang siya ay natutulog.

Si Sen. Santiago ay nakipaglaban sa stage 4 lung cancer mula pa noong taong 2014.

Sa isinasagawang hearing kaugnay sa Freedom of Information o FOI bill sa Senado nayong araw ay pansamantalang naglaan ng katahimikan para ipanalagin si Santiago.

Humiling naman si Senator Grace Poe ng mga dasal mula sa mga kapwa senador para sa dati nilang kasamahan sa mataas na kapulungan.

Sinabi din ni Poe na iniaalay niya ang FOI bill kay Santiago na isa din sa mga nagsusulong ng nasabing panukala.

Mahigit 60% barangays sa Aklan, “drug-infested”

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM KALIBO

Lumalabas na karamihan sa mga barangay sa probinsya ng Aklan ay apektado ng droga.

Ito ang laman ng datos na inilabas ng Aklan Provincial Police Office (APPO) sa isinagawang covenant signing nitong ika-dalawampu’t-anim ng Setyembre na nilahukan ng mga local government unit officials, non-government organizations, religious at community leaders at iba pang mga grupong sumusuporta sa laban kontra sa iligal na droga na isinagawa sa Camp Pastor Martelino, sa New Buswang, Kalibo.

Ayon dito, umaabot sa 64.22 percent o 210 sa kabuuang bilang na 327 na mga barangay sa probinsya ng Aklan ay drug-infested o napasok na ng iligal na droga.

Naitalang lahat ng mga barangay sa bayan ng Malay kasama na ang mga barangay ng Yapak, Balabag at Manoc-manoc sa isla ng Boracay ay pinasok na ng ipinagbabawal na gamot.

Lahat naman mabilan sa isang barangay sa mga bayan ng Kalibo at Numancia ay apektado din ng iligal na droga.

87% naman ng mga barangay sa bayan ng New Washington ay apektado ng illegal drugs, sinundan naman ito ng Nabas (85%), Altavas (78%), Lezo (75 %), Balete at Banga (70%), Batan (65%), Makato (61%), Malinao (56%), Buruanga (53%), Ibajay (48%), at Madalag (40%).

Ang bayan naman ng Libacao ang nagtala ng pinakamababang porsiyento ng drug-affected barangay kung saan iisang barangay lang ang apektado ng iligal na droga mula sa 24 barangay nito.

Ang nasabing datos ay naka-base sa kinalabasan ng isinagawang Opan Tokhang ng APPO.

Wednesday, September 28, 2016

NTC, nagpa-alala sa pag-kuha ng mga kaukulang papeles para sa mga telecomm businesses; mobile licensing, isasagawa sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagpa-alala ang National Telecommunication Commission (NTC) sa lahat ng mga establishments na bumibili, nagbebenta, nagpapa-hiram o nagpapa-renta, at/o nag-aayos o nagre-repair ng mga cellphones at hand-held two-way radios at radio transceivers na dapat ay mayroon itong mga kaukulang permits at registration certificates o mga kaukulang papeles mula sa nasabing ahensya.

Ayon sa inilabas na advisory ng ahensya na pinirmahan ni Engr. Nestor Antonio P. Monroy, Regional Director ng NTC, maaaring maipasara ang mga establishments mahuhuling walang mga kaukulang papeles at maaari ding kumpiskahin ang mga cellphone at radio transceiver units, pagmultahin, at patawan ng penalidad.

Kailangan din ng mga permit at lisensya ang mga establisimiyentong gumagamit ng mga radio transceivers.

Kaugnay nito, ang NTC ay pupunta sa munisipalidad ng Kalibo upang magsagawa ng Mobile Licensing upang mabigyan ng pagkakataon ang mga aplikanteng nagnanais na magkaroon ng permits at mga lisensyang may kinalaman sa pag-bili, pagbebenta, pagpapa-hiram o pagpapa-renta, at pag-aayos o pagre-repair ng mga cellphones, hand-held two-way radios, at sa operasyon ng mga radio transceivers.

Tumatanggap sila ng mga bagong aplikante at pati na rin mga magre-renew ng kanilang mga permits at licenses.

Ito ay isasagawa sa darating na October 3-7, 2016, Lunes hanggang Biyernes, sa ICT Office, dating TELOF Office, Mabini Street, Kalibo, Aklan.

Hinihikayat din ng NTC ang mga hotels, resorts, restaurants, bars, at mga malls na kumuha ng mga kaukulang permits at lisensya para sa kanilang mga ginagamit na radio transceivers.

Tuesday, September 27, 2016

4 babaeng menor de edad sa Numancia, Aklan, na-rescue mula sa prostitusyon

NINA DARWIN TAPAYAN AT ROLLY HERRERA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Na-rescue ng mga awtoridad ang apat na babaeng menor de edad na pagala-gala sa bayan ng Numancia dakong alas-8:00 kagabi.

Isinagawa ang operasyon sa isang kubo sa naturang bayan kung saan madalas nagtatambay ang mga menor de edad.

Napag-alaman na ang mga minor de edad na ito ay nag-iinuman, nanigarilyo at ibinebenta o “isinusugal” ang sariling laman sa halagang “15/20”.

Tatlo sa mga ito ang taga Poblacion, Kalibo samantalang ang isa ay taga-Bulwang, Numancia. Pinakabata sa kanila ay 11-anyos at 17-anyos naman ang pinakamatanda.

Ayon sa pahayag ng mga nahuling minor de edad, may nagyaya umano sa kanila sa lugar na doon sila tumatambay.

“Caught in the act” pa ang mga kabataang ito nang isagawa ng mga otoridad ang pagre-rescue sa mga ito.

Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng barangay council, Numancia MSWD, at Numancia PNP.

Truck sa Tangalan, tumagilid; 3 katao sugatan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Sugatan ang driver at dalawang kasamahan niya matapos tumagilid sa national highway sa Campo Verde, Panayakan, Tangalan, ang isang wing van truck na kanyang minamaneho.

Ayon sa biktima, nawalan umano ng preno ang menamanihong sasakyan dahilan para umapaw ito sa kalsada at tumagilid dakong alas-3:00 ng hapon kahapon.

Napag-alaman na kurbada at pailaim ang kalsada kung saan nangyari ang aksidente. Biyaheng Caticlan patungong Iloilo ang naturang sasakyan.

Ang driver ng naturang sasakyan ay si Andrilo Gayagaya, 28, ng Dumalag, Capiz.

Sugatan din ang kanyang mga kasama na sina Adones Pada at Joefrey Estorina.

Samantala, nanatili pa sa ngayon ang naturang van sa pinangyarihan ng aksidente.

Gobernador, mga mayor sa Aklan, nagpahayag ng suporta laban sa iligal na droga

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagpahayag ng matatag na suporta ang mga lokal na lider ng bawat munisipyo at maging ang gobernador ng lalawigan ng Aklan sa mga proyekto ng mga PNP sa pag-sugpo sa iligal na droga.

Idinaan ito sa isang covenant signing kahapon sa Aklan Police Provincial Office (APPO) sa pagitan ng mga local chief executives at mga chiefs of PNP.

Sa panayam kay APPO Information Officer PO1 Jane Vega, sinabi nito na pangunahing layunin nito ang makahingi ng tulong sa lokal na pamahalaan ng karagdagang pondo para sa kanilang mga proyekto o programa kabilang na project double barrel.

Aminado din siyang kinakapos sila ng pondo para matustusan ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Nangako naman anya ang mga alkalde at ang gobernador na hihilingin sa kani-kanilang peace coordinating council ang paglalaan ng dagdag-pondo para sa naturang layunin.

Maliban sa tarpaulin na nilagdaan ng magkabilang partido, ay lumagda rin sila sa walo pang mga kopya ng dokumentong may kaugnayan dito.

Kabilang rin umano sa mga nagpaabot ng suporta ay ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Aklan Provincial Health Office (PHO).

Pag-lapastangan sa selyo ng probinsiya ng Aklan, bibigyang atensyon ng lokal na pamahalaan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO


Bibigyang-tugon ng lokal ng pamahalaan ng Aklan ang pagpapahalaga sa selyo o opisyal na logo ng lalawigan ito ay matapos maiulat ang mga paglapastangan sa paggamit nito.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Vice Gov. Reynaldo “Boy” Quimpo, ipinahayag nito na matagal nang ipinaabot kay Gov. Florencio “Joeben” Miraflores ang naturang puna.

Anya, temporaryo lamang umano ang posteng kahoy na nakapaligid sa selyo na nasa bungad ng capitol main building. Hinihintay na lang ang cordon na may posteng yari sa bakal.

Ang anim na mga posteng nakapaligid sa selyo na nasa sahig ay walang harang na anumang lubid kaya hindi maiwasang maapakan ito ng mga tao lalo na at karaniwang ginagamit ang lugar sa mgaexhibit at iba pang mga aktibidad.

Dagdag pa niya, dapat ay pahalagan ng mga Aklanon ang opisyal na selyo ng lalawigan dahil sagisag ito ng probinsiya.

Samantala, ihinayag naman ni Quimpo na matatapos ang ginagawang tatlong palapag na gusali para sa Sangguniang Panlalawigan sa kapitolyo bago magtapos ang taong ito.

Monday, September 26, 2016

Dalawang granada, nahukay sa bakanteng lote sa Brgy. Pook, Kalibo

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dalawang granada ang nahukay sa isang bakanteng lote sa Brgy. Pook, Kalibo dakong alas-4:30 kahapon.

Sa salaysay sa PNP ng construction worker na si Radel Maming, habang naghuhukay raw ito sa kakabiling lote ng amo ay nakita nito ang nakabaon na granada.

Agad na tumawag sa PNP ang kanyang amo para masuri ang nasabing bagay.


Sa ngayon ay nasa custody na ng Aklan PPO ang nasabing granada at isasailalim raw ito sa pagsusuri.

AKELCO, humingi ng pag-unawa sa delayed na pagbalik ng suplay ng kuryente

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Humingi ng pag-unawa ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa kanilang mga member-consumers hinggil sa pagka-delay ng pag-balik ng suplay ng kuryente sa ilang lugar sa probinsya kabilang na ang isla ng Boracay nitong nakaraang araw ng Sabado, Setyembre 24.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay AKELCO Engineering Assistant Manager Engr. Joel Martinez, ipinaliwanag niya na nagkaroon ng aberya sa pag-aayos ng linya ng kuryente sa Nabas at Caticlan, Malay.

Anya, nahirapan ang kontraktor sa pag-aayos dahil umano sa pagbuhos ng ulan at kumplikado ang istraktura sa lugar.

Napag-alamang dakong alas-8:00 na ng gabi natapos ang ginawang tapping of lines ng AKLECO kaya hindi agad nailawan ang ilang lugar kabilang na ang Nabas, bahagi ng Ibajay, Isla ng Borcay, bayan ng Pandan at Libertad sa Antique.

Dahil dito, ayon kay Martines, alas-8:30 ng gabi na nang muling mailawan ang lahat ng lugar na saklaw ng suplay ng AKELCO.

Matatandaan na una ng naglabas ng anunsiyo ang nag-iisang suplayer ng kuryente sa Aklan na magkakaroon ng power interruption mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa nabanggit na araw alinsunod sa mandato ng National Grid Corporation of the Philippines sa ginagawang clearing at maintenance ng mga linya.