Saturday, August 12, 2017

40 ANYOS NA MISTER ARESTADO SA BAYAN NG LEZO SA KASONG RAPE

Arestado ang isang 40 anyos na mister sa bayan ng Lezo kagabi sa kasong rape at act of lasciviousness.

Kinilala ang akusado sa pangalang Rodel Andrade y Marcelino, residente ng brgy. Sta. Cruz sa nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa akusado inamin niya na sa mga nakalipas na taon ay inirereklamo siya ng sekswal na pang-aabuso sa menor de edad niyang anak na ngayon ay 10-anyos na.

Ikinasa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Lezo PNP station sa bisa ng warrant of arrest.

Nahaharap ang mister sa dalawang kaso ng qualified rape at dalawang kaso ng act of lasciviousness.

Naaresto ang lalaki sa kanilang bahay matapos lumabas ang kanyang warrant of arrest nitong Agosto 8.

Kakauwi lang ng akusado mula sa isla ng Boracay kung saan siya nagtratrabaho bilang maintenance worker.

Nakakulong ngayon ang mister sa Lezo PNP station at nakatakdang dalhin sa kaukulang korte.

MOTORSIKLO NAAKSIDENTE SA KALIBO MATAPOS BUMANGGA SA ASO; DRIVER PATAY

Patay ang isang 46 anyos na motorista nang maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa highway sa brgy. Pook, Kalibo.

Kinilala ang biktima sa pangalang Zandro Arar, residente ng Cawayan, New Washington.

Naganap ang aksidente dakong alas-11 ng gabi makaraang bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo sa biglang-tawid na aso.

Papauwi na ang biktima sa New Washington galing sa bayan ng Kalibo sakay ang kanyang misis na si Maria Rassel Pallada, 40.

Dahil dito, natumba sa konkretong kalsada ang motorsiklo at nagtamo ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan ang mag-asawa.

Agad namang dinala ang mga biktima sa provincial hospital ng mga rumesponding tauhan ng MDRRMO at PDRRMO.

Parehong naconfine ang dalawa sa hospital pero alas-10:10 ng umaga ay binawian rin ng buhay ang driver habang ginagamot sa intensive care unit.

Friday, August 11, 2017

BADING NAMISIL RAW NG HITA , SINUNTOK NG ISANG LALAKI; SUSPEK KALABOSO

"Baleleng"
Sugatan sa mukha at ulo ang bading na ito matapos na suntukin at sipain ng isang lalaki sa isang bar sa Kalibo.

Mag-aalauna ng umaga pumasok sa Parekoy Bar ang lalaki para uminom. Umorder ito ng beer uminom hanggang sa malasing at makatulog sa bar.

Alas singko ng umaga ginising ito ni Baleleng dahil magsasara na daw sila, ayaw raw gumising kaya pinisil niya ito sa hita.

Nagalit raw ang lalaki kaya sinipa at pinagsusuntok siya nito.

Kinulong ang lalaki sa Kalibo PNP station habang patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing isidente.

AWAY SA LUPA NAUWI SA PAGBARIL SA LANIPGA, TANGALAN; 70 ANYOS NA SUSPEK ARESTADO

Rudivico Belinario
Nauwi sa pagbaril ang away sa lupa ng magtiyo sa brgy. Lanipga, Tangalan kahapon ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Gonzalo de Pablo, 48 anyos, samantalang ang suspek ay kinilalang si Rudivico Belinario, 70 anyos, pawang mga residente ng nasabing barangay.

Ayon sa report ng Tangalan PNP station, tinutukan umano ng baril ng suspek ang anak na lalaki ng biktima.

Nang makita ay kinumpronta ng biktima ang suspek at sinubukang agawin ang armas mula sa kanya. Pero nabaril parin ng suspek ang biktima sa kanyang kanang paa.

Naagaw naman ng biktima ang baril mula sa suspek at pinalo siya sa kanyang noo.

Sinubukan pa umano ng suspek na bumunot ng itak pero naagaw ito ng biktima kasama ang asawa at anak nilang lalaki.

Narekober ng mga kapulisan ang revolver caliber .38 at itak na ginamit sa insidente.

Confined sa provincial hospital ang biktima samantalang nakakulong naman sa Tangalan PNP station ang suspek na posibleng sampahan ng kaukulang kaso.

PANIBAGONG TRAFFIC SCHEME IPAPATUPAD NA SA SUSUNOD NA LINGGO

Ipapatupad na sa kabiserang bayan ng Kalibo ang panibagong traffic scheme sa susunod na linggo.

Ito ang kinumpirma ni Traffic and Transport Management Unit (TTMU) head Mary Gay Joel sa Energy FM Kalibo.

Ayon sa kanya, ngayong weeked ay maglalagay na sila ng mga signages sa mga lansangan na maapektuhan ng panibagong eskema. 

Paliwanag ni Joel, ang implementasyong ito ay alinsunod sa umiiral na traffic code ng munusipyo.

Plano ng TTMU na sa Lunes ay magsisimula na sila para sa dryrun nito pero kung aalanganin anya ay pwede rin na sa Miyerkules.

Sinabi pa niya na matagal narin umanong ipinaalam ang panibagong sistemang ito sa iba-ibang toda sa bayan ng Kalibo.

Kabilang sa panibagong traffic scheme na ito ang one way street with one side parking with pay, two way street, overnight parking, no parking, no left turn, no uturn at no entry.

Sa ngayon ay puspusan na ang ginagawang clearing operation ng binuong ‘Task Force Hawan’ sa mga kalsada at lansangan sa bayang ito.

Ang ‘Oplan Hawan’ na ngayon ay nasa ikatlong araw na ay preparasyon ng munisipyo para sa implementasyon ng panibagong traffic scheme.

Thursday, August 10, 2017

PAGSUSUOT NG HELMET SA POBLACION, KALIBO PLANONG IPAGBAWAL

photo (c) Kalibo PNP file
Isinusulong ngayon ng Kalibo PNP ang pagbabawal ng pagsusuot ng helmet sa loob ng brgy. Poblacion, Kalibo para maiwasan ang kaso ng riding in tandem.

Ito ang iminungkahi ni SPO4 Renie Armenio, deputy chief ng Kalibo muinicipal police station, sa Municipal Peace and Order Council ng munisipyo.

Pwede naman umano ang half face na helmet.

Ayon kay Armenio, pwede magsuot ng helmet sa labas na ng Poblacion lalo na sa crossing D. Maagma, Toting Reyes at sa may Kalibo bridge para sa kaligtasan ng mga motorista.

Dapat rin umanong obserbahan ang 30 kilometers per hour speed limit sa mga pangunahing lansangan kagaya ng D. Maagma, Mabini, at Roxas Avenue at 20 kph sa loob ng Poblacion.

Sa kabilang banda, napag-alaman na karamihan sa mga aksidenteng motorsiklo ay nangyayari sa labas ng Poblacion dahil sa mga nakainom na mga driver.

MOTORSIKLO SUMALPOK SA MULTICAB, 22 ANYOS NA LALAKI SUGATAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) MDRRMO Kalibo
Sugatan ang lalaking ito na sakay ng motorsiklo matapos bumangga sa isang multicab sa Osmeña Avenue, Kalibo, alas-10:00 pasado kagabi.

Siya si Irwin Batoy y Poyawan, 22 anyos, residente ng Panayakan, Tangalan at driver ng Suzuki Smash na motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng traffic section ng Kalibo PNP lumalabas na bumangga ang nasabing motorsiklo sa papalikong multicab na menamaneho ni Leonrey Melgar, 57 anyos.

Ang multicab ay mula sa Osmeña Avenue patungong Melgar Road, Estancia.

Inamin raw nito sa pulisya na dahil sa labis na pagod ay nakatulog ito habang nagmomotorsiklo na nagresulta sa aksidente.

Agad naman na rumesponde sa lugar ang MDRRMO Kalibo Emergency Team na sila ang tumulong para maisugod agad sa hospital ang biktima.

Nakaconfine ngayon sa provicial hospital ang nasabing lalaki..

APAT ARESTADO SA ILIGAL NA PAGPAPAPUTOK NG BARIL AT KAGULUHAN SA ISLA NG BORACAY

Inaresto ng mga kapulisan sa isla ng Boracay ang tatlong lalaki at isang babae matapos masangkot ang mga ito sa iligal na pagpapaputok ng baril at kaguluhan.

Kinilala ang mga suspek na sina Rodly Gabinete, 38 anyos; Natanie
l Gareza, 34; Kim Nikki Maming, 24; at Faith Maming, 22, lahat nagtratrabaho sa Milky’s Dive Center at nakatira sa brgy. Balabag sa nasabing isla.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (Btac), nangyari ang nasabing insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa so. Ibabaw Pinaungon, brgy Balabag.

Nakatanggap umano ng report ang mga kapulisan na may nagpaputok ng baril sa naturang lugar at may nanggugulo roon.

Sa pagresponde ng mga kapulisan nakita nila ang suspek na si Gabinete na nagpaputok ng baril at nang mapansin ang mga kapulisan ay agad itong tumakbo at itinapon ang hawak na baril.

Nasabat ng mga kapulisan ang baril na may lamang magazine na may dalawang live ammunition ng caliber .45.

Nakita rin ng mga kapulisan ang sukbit na baril sa kasama niyang si Gareza bagay na pinusasan rin ito ng mga kapulisan. 

Nang maaresto ang unang dalawang suspek, nagalit ang isa pa nilang kasama na si Kim Nikki at dinuru-duro ang hepe ng Btac na si PSInp. Mark Anthony Gesulga, at nagpakawala ng suntok pero maswerteng nakailag ang pulis.

Nang arestuhin na ng pulis si Kim Nikki ay nagpagitna naman ang babaeng suspek kaya pati siya ay inaresto rin ng mga kapulisan.

Ang apat ay pansamantalang ikinulong sa Btac police station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

69 ANYOS NA LOLO NAARESTO SA PAGGAWA AT PAG-IINGAT NG MGA BARIL AT BALA


Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Numancia PNP Station ang isang 69 anyos na lolo matapos mahuli sa isang raid.

Kinilala ang akusado na si Alberto Raz y Cordova, residente ng brgy. Badio, Numancia.

Nasabat ng mga kapulisan sa raid sa kanyang bahay ang isang folding homemade shotgun, 10 iba-ibang uri ng bala, 55 mga accessories para sa firearm, at 21 iba-ibang gamit sa paggawa ng mga armas.

Aminado ang akusado na matagal na siyang gumagawa ng baril at dati nang nakulong sa parehong kaso.

Hindi naman nagsisi ang akusado sa pagkakaaresto sa kanya dahil ito umano ang kanyang hanap-buhay at inaasahan para sa kanyang gamot.

Ikinasa ang nasabing operasyon ng pinagsanib pwersa ng Numancia PNP, Provincial Intelligence Branch, Crime Investigation Group Aklan at Aklan Public Safety Company.

Ito ay kasunod ng inialabas na search warrant ni executive judge Bienvinido Barrios Jr ng Branch 3, Regional Trial Court 6 sa bayan ng Kalibo nitong Agosto 8.

Ang lolo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591.

SOCIAL WELFARE OFFICER NAGPAALALA SA MGA MAGULANG NA PABAYA SA KANILANG MGA ANAK

Nagbabala ang social welfare officer sa probinsiya sa mga magulang na posible silang mapanagot sa batas dahil sa pagiging pabaya sa kanilang mga anak.

Sa programang “Prangkahan” sinabi ni Evangeline Gallega, provincial social welfare and development officer, nasasangkot umano ang mga bata sa mga maling gawain dahil sa kapabayaan ng magulang.

Lumalabas umano sa kanilang istadistika na madalas na dahilan nito ang pagiging “busy” o abala ng mga magulang sa kanilang trabaho o sa ibang bagay.

Ayon kay Gallega, posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9344 o “Juvenile Justice Welfare Act”.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng report ng pagkakasangkot ng grupo ng mga menor de edad sa brgy. 

Nalook sa sunud-sunod na kaso ng mga nakawan sa kanilang barangay.

Base sa Kalibo PNP, ang iligal na gawaing ito ng mga bata ay lingid umano sa kaalaman ng mga magulang.

Napag-alaman na napilitan ang mga bata na magnakaw dahil umano sa bantang papatayin sila ng kanilang handler na ngayon ay nagtatago na sa mga awtoridad.

AKLAN PNP NAGBABALA SA MGA DRUG PERSONALITIES SA PROBINSIYA

“Siguraduhon gid namon nga matangis gid kamo!” (Sisiguraduhin naming iiyak talaga kayo!)

Ito ang mariing pahayag ni PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit, sa panayam ng Energy FM Kalibo sa mga taong patuloy na gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagkakaaresto nila kay Leny Sacapaño, dating konsehal ng Malay at una nang nagsurender sa Malay PNP station dahil sa iligal na droga.

Ayon kay CInsp. Andrade, hindi umano sila titigil sa pagmomonitor sa mga drug personalities sa probinsiya lalu na ang mga sumuko sa pulisya.

Nanawagan siya sa mga gumagamit at nagtutulak ng droga na tumigil na sa iligal na gawain.

Hinikayat rin niya ang mga surrendereer na dumalo sa drug rehabilitation program at iba pang aktibidad ng pamahalaang lokal at ng PNP.

Pinabulaanan rin niya ang mga akusasyong ‘nagtatanim’ sila ng droga at nanindigan na hindi iyon makakaya ng kanilang konsensiya.

Sa kabilang banda, sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” si Sacapaño.

‘OPLAN HAWAN’ NG PAMAHALAANG LOKAL NG KALIBO UMAARANGKADA

Pangalawang araw na ngayon ang ginagawang clearing operation ng ‘Task Force Hawan’ na binuo ng pamahalaang lokal ng Kalibo.

Sa operasyong ito, ilang kalsada na ang nilibot ng task force kabilang na ang Roxas Avenue, shooping center at ilang mga pangunahing lansangan.

Nabatid na karamihan sa mga obstraksiyong ito ay ang mga extension ng mga establisyemento komersyal, illegal parking, at extended terminal ng ilang sasakyan.

Ang mga permanenteng istraktura sa side-walk ng kalsada ay binigyan ng munisipyo ng dalawang araw para alisin ang mga ito.

May mga ilang nakikipagsagutan sa task force pero karamihan naman ay nangakong aayusin ang kanilang paglabag.

Napag-alaman na ilan sa mga ito ay pinadalhan narin ng notice ng munisipyo pero hindi parin sumusunod.

Pinanguhan ito nina Mary Gay Quimpo-Joel, chairman ng task force at Efren Trinidad, executive assistant II sa tanggapan ng alkalde.

Kasama rin sa mga naglibot ang ilang miyembro ng Kalibo PNP, Municipal Health Office, Municipal Planning and Development Office, at Engineering Office.

Ang operasyon ay preparasyon ng munisipyo para sa implementasyon ng bagong traffic scheme ng pamahalaang lokal sa susunod na linggo.

Wednesday, August 09, 2017

BORACAY NAKIISA SA PAGDIRIWANG IKA-50 TAON NG ASEAN; 6-FOOT LANTERN INILAWAN

photo (c) Desiree Segovia
Inilawan kagabi sa isla ng Boracay ang six-foot fiberglass lantern bilang isa sa mga landmark ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ang pagpapailaw sa lantern sa plaza ng brgy. Balabag sa nasabing isla ay pinangasiwaan ng Malay Municipal Tourism Office.

Dumalo sa naturang aktibidad ang ilang lokal na opisyal, mga kinatawan ng iba-ibang ahensiya ng pamahalaan at mga nagboluntaryo sa ASEAN meeting sa Boracay.

Ang Boracay ay isa sa 50 mga lugar sa Pilipinas na nagkaroon ng iconic ASEAN landmarks sa pagsisilbing isa sa mga venue ng mga regional bloc's meetings at mga aktibidad.

Ang isla ay naghost ng dalawang ASEAN meeting kabilang na ang 23rd meeting ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights (AICHR) mula Pebrero 13 hanggang 15 at Foreign Ministers Retreat mula Pebrero 19 hanggang 21.

Ang landmark lighting ay isa sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng ASEAN kung saan ang pagpapailaw ay sabay-sabay na isinagawa alas-7:00 ng gabi sa 50 mga lugar sa buong bansa.

Ang makulay na lantern na may 80 incandescent bulb na may 10-watt at logo ng ASEAN ay mananatiling nakailaw hanggang sa Nobyembre ngayong taon.

GRUPO NG MGA MENOR DE EDAD SA NALOOK, KALIBO NAPILITANG MAGNAKAW DAHIL SA BANTANG PAPATAYIN

PSInsp. Ruiz interview by Darwin Tapayan
Napilitang magnakaw ang isang grupo ng mga menor de edad sa brgy. Nalook, Kalibo nitong mga nakalipas na araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Kalibo PNP, napag-alaman na ang 12 bata nasa edad 14-17 ay may handler na siyang nagtuturo sa kanilang magnakaw.

Kinilala ang handler na si Joel Litawa y Peralta, 34 anyos, tubong Valenzuela City at nakatira sa nasabing barangay kung saan siya nakapangasawa.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer in charge ng Kalibo PNP, binabantaan rin umano ng suspek na papatayin ang mga bata kapag hindi magnakaw.

Una rito, nagreklamo sa tanggapan ng pulisya ang isang miyembro ng PNP na nakawan ng cellphone sa nabanggit na barangay.

Matapos nito ay nagkipagtulungan ang mga kapulisan sa barangay kung saan nila nakilala ang batang kumuha ng cellphone na ibinigay umano niya sa kanilang handler.

Nakita ang cellphone sa asawa ng umano'y handler ng mga bata; nangako naman siya na makipagcoordinate sa mga awtoridad sa nasabing kaso.

Matapos madiskubrehan ang operasyon ay hindi na umano makita ang suspek sa nasabing barangay.

Nakatakda namang sampahan ang lalaki ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 at Theft by Principal Inducement.

Patuloy pa ngayon ay ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

'TASK FORCE HAWAN' BINUO UPANG LINISIN ANG MGA KALSADA SA KALIBO

Bumuo na ng 'Task Force Hawan' si Kalibo mayor William Lachica upang linisin ang iba-ibang lansangan at kalsada sa bayang ito.

Kasunod ito ng inilabas at nilagdaang executive order ng alkalde at epektibo Agosto 8.

Base sa executive order no. 028, ang clearing operation ay gagawin para sa implementasyon ng traffic code ng munisipyo.

Ayon kay mayor Lachica, naging problema na ang mabagal at pagsikip ng daloy ng trapiko sa bayang ito dahil sa iba-ibang obstraksiyon sa mga kalsada pati na ang national highway.

Ilan sa binanggit ng mayor na obstraksiyon ang paggamit ng mga kalsada bilang parking area ng mga establisyemento komersyal; mga nagtitinda sa tabing kalsada; at over extended terminal ng mga sasakyan.

Kaugnay rito, ang binuong task force ay inatasang magsagawa ng ocular inspection; makipag-ugnayan sa mga business establishment, mga street vendors, at sa mga may-ari o driver ng mga pampubliko at pribadong sasakyan.

Ang task force din ang magpapatupad ng clearing operation para sa implementasyon ng municipal ordinance no. 2005-043 o traffic code ng Kalibo.

Chairman sa task force na ito ang head ng Traffic Transport Management Unit, kasama ang mga tauhan sa tanggapan ng mayor, at ang pulisya.

Kaugnay parin dito, naglabas na ang TTMU ng proposed traffic scheme kabilang na ang one way street with one side parking with pay, two way street, overnight parking, no parking, no left turn, no uturn at no entry.

Tuesday, August 08, 2017

MONITORING SA MGA ILIGAL NA SEWAGE LINE SA BORACAY, NAGPAPATULOY

photo (c) LGU Malay file
Patuloy ngayo ang ginagawang monitoring ng pamahalaang lokal ng Malay sa mga iligal na kumokonekta sa storm drainage sa Boracay.

Katunayan bumuo na ang LGU Malay ng Bulabog Task Force para magsagawa ng clearing operation sa drainage sa nasabing isla.

Ayon kay Rowen Aguirre, executive assistant ng LGU-Malay, layunin ng operasyon na matumbok ang mga business at residential area na iligal na kinokonekta ang kanilang sewage line sa drainage.

Sinabi ni Aguirre na ilang mga lumabag na ang napatapawan ng penalidad ng pamahalaang lokal simula ng clearing operation noong Hulyo.

Nabatid na ang drainage line  ay binuksan na sa main road sa Station 1 at magpapatuloy pa umano hanggang Station 2 at 3.

Ipinagbabawal sa ordinansa ng Malay blg. 307 ang paglalabas ng wastewater at sewage sa paligid ng isla at maging sa drainage system nito.

Maliban sa kaukulang penalidad na ipapataw ng lokal na batas, posible ring mapatawan sila ng penalidad mula sa Department of Environment and Natural Resources. (PNA)

MGA ESTABLISYEMENTONG LUMALABAG SA BORACAY IPAPASARA NG PAMAHALAANG LOKAL

photo (c) LGU Malay file
Muling aarangkada ngayong buwan ang pamahalaang lokal ng Malay sa pagpapasara ng mga lumalabag na establisyemento komersyal sa isla ng Boracay.

Ayon kay Rowen Aguirre, executive assistant IV ng LGU Malay, simula noong Hunyo, 20 mga establisyemento na ang napasara ng pamahalaang lokal.

Karamihan umano sa mga lumabag na ito ay hindi nakakuha ng mayor’s permit samantalang ang iba ay hindi sumusunod sa mga lokal na ordenansa.

Gayunman nilinaw ni Aguirre na ang mga establisyementong ito ay nakabalik na sa kanilang operasyon matapos ma-comply ang mga kaukulang dokumento at multa.

Sa susunod na buwan ay mag-iinspeksyon ang pamahalaang lokal sa mga establisyemento sa Boracay para masigurong sumusunod ang mga ito sa batas.

Paliwanag ni Aguirre, layunin ng hakbang na ito mapaganda ang imahe ng mga negosyo sa isla at mapanatiling lehitimo ang kanilang operasyon. (PNA)

48 ANYOS NA LALAKI TINAGA NG KAPITBAHAY SA BAYAN NG ALTAVAS; SUSPEK BOLUNTARYONG SUMUKO

Sugatan ang 48 anyos na lalaki matapos siyang tagain ng kapitbahay sa brgy. Lumaynay, Altavas kagabi.

Kinilala ang biktima na si Julie Sarmiento, 48 anyos, residente ng nasabing lugar; samantalang ang suspek ay kinilalang si Rey Cawaling, 40 anyos.

Ayon sa report ng Altavas PNP station, hinamon umano ni Sarmiento ng away ang suspek.

Parehong may bitbit na itak ang dalawa at agad na tinaga ng suspek ang biktima na natamaan sa kanyang kaliwang kamay.

Lumabas lamang umano ang suspek sa kanilang bahay para sana mag-awat ng away nang hamunin siya ng biktima.

Agad isinugod ang biktima sa provincial hospital pero matapos mabigyan ng kaukulang lunas ay inirefer rin sa out-patient department.

Napag-alaman na boluntaryo namang sumuko sa kagawad ng barangay ang suspek at dinala sa Altavas municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

IMPROVEMENT NG DRAINAGE SA KALIBO, HINILING SA DPWH AT PAMAHALAANG LOKAL NG AKLAN

Hiniling ng Sangguniang Bayan ng Kalibo sa pamahalaang lokal ng Aklan at sa Department of Public Works ang Highway ang pagsasaayos ng mga drainage system sa bayang ito.

Base sa mga ipinasang resolusyon ng Sanggunian, nais nilang mag-improve ang drainage at flood control systems sa mga kalsadahin na pagmamay-ari ng probinsiya.

Nakasaad sa dalawang resolusyong ito ang mga lugar ng Toting Reyes St., Old Buswang, Libtong, Estancia ag Sentro, Andagao, Jaime Cardinal Sin Avenue.

Kabilang rin dito ang mga kalsada sa Estancia patungong Linabuan Norte kabilang na ang D. Maagma mula sa Mabini St. patungong Crossing Rotonda patungong Osmena Avenue patungong Milagrosa cementery hanggang So. Libtong, Brgy. Estancia.

Ang pag-improve at rehabilitasyon ng mga kanal na ito ay nakikinitang paraan para maibsan ang mabilis na pagbaha o pagtaas ng tubig sa Kalibo tuwing tag-ulan.

BAKHAWAN ECO PARK, ISINUSULONG BILANG RESPONSIBLE COMMUNITY – BASED ECO TOURISM ZONE

Isinusulong ngayon sa kongreso ang pagdedeklara sa Bakhawan Eco Park sa New Buswang, Kalibo bilang Responsible Community – Based Eco Tourism Zone.

Ang house bill 3233 ay inihain ni congressman Carlito Marquez sa layuning makahikayat pa ng mga investors sa bayan ng Kalibo.

Nabatid na ang house bill 3233 ay nakalinya na para sa unang pagbasa.

Kaugnay rito, naghain ng resolusyon ng pagsuporta ang Sangguniang Bayan ng Kalibo.

Nakatakda ring magpasa ng mapa ang Department of Enviroment and Natural Resources kung saan ipinapakita ang eco-tourism zone sa nasabing lugar.

MGA BABAE NAGRAMBOL SA ISANG CLUB SA BORACAY DAHIL SA ISANG ARABO

Nagrambol ang dalawang grupo ng mga babae sa isang club sa brgy. Manocmanoc, isla ng Boracay  dahil sa isang Arabo.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (Btac), nagreklamo sa kanilang tanggapan ang isang 24 anyos na babae hinggil sa nasabing insidente.

Kuwento ng babae, pumasok umano siya at ang grupo sa nasabing bar kung saan naka-table nila ang isang Arabo.

Posible umanong nagselos ang isa pang grupo ng kababaehan sa kanilang grupo dahil sa guest nilang dayuhan.

Napag-alaman na ang Arabo ay nakatable ng kabilang grupo sa nakalipas na gabi.

Inabangan umano ng grupo ng mga suspek ang grupong ito ng biktima sa labas kung saan naganap ang rambol.

Lubhang napuruhan ang 24 anyos na babae dahil siya umano ang nakaharutan ng Arabo.

Minabuti naman ng kapulisan na i-refer ang kaso sa barangay justice system para sa kaukulang disposisyon.

Monday, August 07, 2017

DATING KONSEHAL NG MALAY, KALABOSO SA PAGTUTULAK NG DROGA

Arestado sa isang buy bust operation ang dating konsehal ng Malay at ngayon ay empleyado ng lokal na pamahalaan ng bayan.

Ayon kay PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) - Aklan, kinilala ang naaresto na si Leny Sacapaño, 39-anyos at administrative assistant for transportation ng LGU Malay.

Nakuha mula sa suspek sa buy bust operation ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Narekober naman sa ginawang body search ang lima pang sachet ng parehong sangkap, buy bust money at pera na nakuha sa kanyang bag na nasa mahigit Php100,000.00.

Si Sacapaño ay kasama sa listahan ng mga high value target ng mga kapulisan at dati nang nagsurender sa Malay PNP noong nakaraang taon.

Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ang nasabing operasyon.

Dinala ang suspek sa Kalibo municipal police station kung saan siya pansamantalang nakakulong ngayon habang inihahanda na ang kasong isasampa sa kanya.

Posibleng maharap ang suspek sa kasong paglabag sa sec. 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

MGA KOREANO NAUNGUSAN NA NG MGA CHINESE SA BILANG NG TOURIST ARRIVAL SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naungusan na ng mga Chinese ang noon ay nangunguna sa bilang ng mga tourist arrival sa isla ng Boracay na mga Koreano.

Base sa record ng Malay Tourism Office, nakapagtala ang Chinese ng mahigit  33,600 bilang ng tourist arrival sa buwan ng Hulyo.

Sa parehong buwan, pangalawa lamang ang mga Koreano sa listahan sa bilang na mahigit 28,500.

Sa katapusan ng buwan ng Hulyo, nakapagtala na ang Boracay ng kabuuang 1,260,958 mula Enero ngayong taon.

Sa parehong period, nabatid na ang Boracay ay nakapagtala lamang ng 1,126,755 tourist arrival o 12 porsyentong pagtaas ngayong taon.

Sa kabila ng habagat season na nararanasan ngayon sa isla, umaasa ang tourism office na marami parin ang mga turistang darating da Boracay dahil kahit rainy season ay hindi nawawalan ng mga aktibidad ang isla.
Kumpyansa naman sila na maabot ang 1.7  milyon na tourist arrival  sa taong ito.

Una nang sinabi ni Kristoffer Leo Vallete ng Departm ent of Tourism –Boracay na ang pagtaas ng mga Chinese tourist sa Boracay ay dala ng bumubuting relasyon ng pamahalaang Tsina at Pilipinas. (PNA)

MIYEMBRO NG ARMY RESERVIST NAGPAPUTOK NG BARIL SA KALIBO, ARESTADO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang  miyembro  ng Philippine Army Reservist matapos mahuli sa akto ng mga kapulisan na nagpaputok ito ng baril.

Kinilala ang suspek na si Zaldy Panagsagan y Rivera 39 anyos residente Linabuan Norte, Kalibo.

Unang nagtungo sa Kalibo PNP station ang suspek at nagreport na tinutukan raw siya ng baril ng kanyang bayaw na si Ronaldo De Jeorge . 

Rumesponde sa lugar ang PNP kasama si Zaldy at nakasalubong nila ang bayaw nito .

Pagkakita nito sa bayaw agad raw itong bumunot ng baril na nakalagay sa belt bag at nagpaputok. 

Bagay na ikinagulat ng pulisya kaya agad nilang inusisa ang suspek. Dinis-armahan nila ito at pinusasan.

Narecover sa suspek ang caliber 45 at mga bala nito.

#energypolicereport #kalibopnp #kaliboaklan 

LOLO PATAY MATAPOS MAHULOG SA NIYOG SA BAKHAW NORTE, KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM Kalibo 107.7

photo (c) Mdrrmo Kalibo
Patay ang isang 60 anyos na lalaki matapos mahulog sa puno ng niyog kahapon.

Kinilala  ang biktima sa pangalang Jhony Aranas y Peralta, residente ng Bakhaw Norte, Kalibo.

Hindi na naisugod sa hospital ang biktima.

Sa kabilang banda, patay na nang matagpuan ang isa pang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa parehong barangay.

Kinilala ang biktima na si Redentor Mendoza, 35 anyos, residente ng barangay.

Sa paga-imbestiga ng mga kapulisan kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office, natural death ang dahil ng pagkamatay ng biktima.

Walang nakitang foul play sa nasabing insidente.