Saturday, May 27, 2017

MGA MUSLIM SA AKLAN GALIT SA MGA MAUTE GROUP

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpahayag ng galit at pagkondena ang mga Muslim sa Aklan sa nangyaring pag-atake ng teroristang Maute Group sa Marawi City simula nitong Mayo 23.

Ito ang pahayag ni Solay Hadjiunus Al-hajj, chairman ng Muslim community sa Camanci Norte, Numancia, sa naging panayam ng Energy FM Kalibo.

Ayon pa kay Solay, nakipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad upang seguraduhin na walang anumang kahina-hinalang tao ang makapasok sa kanilang komunidad.

Ipapanalangin rin ng mga kapatid na Muslim ang kapayapaan at kaligtasan ng mg tao sa Marawi City sa paggunita ngRamadan na nagsimula na ngayong araw.

Napag-alaman na ilan sa mga Muslim rito sa probinsiya ang may mga kamag-anak sa Marawi City na naapektuhan ng pagsagupa ng mga terorista.

Sinasabing ang Muslim Community sa Camanci Norte ang pangalawa sa may pinakamalaking bilang ng mga Muslim sa Aklan kasunod ng sa Isla ng Boracay.


Friday, May 26, 2017

KAPULISAN SA AKLAN NAKA-FULL ALERT KASUNOD NG DEKLARASYON NG MARTIAL LAW SA MINDANAO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Aklan PPO
Naka-full alert ngayon ang mga kapulisan sa probinsiya kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa Mindanao gabi ng Mayo 23.

Sinabi ni PSSupt. Lope Manlapaz, acting provincial director ng Aklan Provincial Police Office, sinisiguro ng mga kapulisan ang seguridad at kaligtasan ng taumbayan.

Paalala ng opisyal, hindi dapat magulat ang publiko sa mga police checkpoints sa mga strategic area at sa deployment ng mga sundalo sa iba-ibang lugar.

Nabatid na nakikipagtulungan narin ang Muslim communities sa Aklan at nakahandang magbigay ng anumang impormasyon sa mga awtoridad sakaling may namataan silang “suspicious visitors” sa kanilang lugar.

Hinikayat rin ni Manlapaz ang taumbayan na i-report agad sa mga kapulisan o militar ang anumang impormasyon kaugnay sa presensiya ng mga teroristang grupo.

Pinaalalahanan rin niya ang publiko na maging responsable sa pagpost ng mga impormasyon sa social media kaugnay rito nang sa gayun ay maiwasan ang panic.

Idineklara ni Duterte ang Martial Law sa Mindanao matapos atakehin ng teroristang Maute group ang Marawi city noong Mayo 23.

ISYU TUNGKOL SA ‘NO ID, NO ENTRY’ PARA SA MGA AKLANON SA BORACAY PORTS, KINUWESTIYON SA SB MALAY

Nakatakdang ipatawag sa Sangguniang Bayan ng Malay ang pamunuan ng Caticlan at Cagban Port upang pagpaliwanagin sa isyu ng ‘no ID, no entry’ sa mga port na ito.
photo (c) Boracay Sun

Ito ay kasunod nang pahayag ni SB member Nenette Graf sa regular sesyon ng Sanggunian na ‘incompetent’ umano ang mga empleyado rito.

Paliwanag niya hindi umano maayos makitungo ang ilan sa mga Aklanon o mismong Malaynon na walang ID kapag dumaraan sa mga port na ito.

Reklamo kasi ng ilang mga taga-Malay at iba pang mga Aklanon kapag wala silang ID ay uusisain parin sila ng mga empleyado kahit na nagsasalita sila ng lokal na dialekto o madalas nang dumaraan dito.

Nanindigan naman si SB Floribar Bautista na kailangang ipatupad ang batas lalu na sa pagdadala ng ID nang sa gayun ay iwas abala sa pagdaan sa mga port na ito.

Iminungkahi rin niya na isulong ang paglalathala ng barangay ID sa lahat ng mga barangay sa bayan ng Malay.

Alinsunod sa lokal na ordinansa, libre ang mga Aklanon sa terminal at environmental fee basta may maipakitang ID na sila ay taga-Aklan.

TATLONG LALAKI SINAKSAK SA BAYAN NG KALIBO; ISA PATAY

Isa ang patay samantalang dalawa ang sugatan sa nangyaring pananaksak sa Oyotorong St., Poblacion, Kalibo pasado 1:15 ng madaling araw kanina.

Patay  si Jesslee Concepcion, 19 anyos at residente ng brgy. Tabayon, Banga. Sugatan naman ang mga kasama niyang sina Edsel Ritos, 17, at Manuel Masagnay, 22, pawang mga residente ng brgy. Bakhaw Sur, Kalibo.

Ayon sa report ng Kalibo municipal police station, naglalakad umano ang mga biktima galing sa inuman nang sitahin sila ng suspek na kinilalang si Gilbert Tipay, 23, at residente ng Purok 6, C. Laserna, Kalibo saka sila pinagsasaksak.

Pinagtulungan pa umanong batuhin ang mga biktima ng mga suspek na sina Areanne Remola at isang alyas Bongbong Morales.

Isinugod naman sa ospital ang mga biktima pero binawian rin ng buhay ang isa sa kanila matapos magtamo ng malubhang sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan. Patuloy namang ginagamot ang dalawa sa provincial hospital.

Naaresto naman sa isinagawang follow-up investigation ng pulisya sina Tipay at Remola samantalang pinaghahanap parin ngayon ang isa pa nilang kasama.

Patuloy pang iniimbestigaha ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

APARTMENT NG GERMAN SA BAYAN NG NUMANCIA, NILOOBAN NG MAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw ang apartment ng isang German National at fiancée niya sa isang subdivision sa brgy. Bulwang, Numancia.

Sa report ng Numancia municipal police station, pumasok umano sa apartment ang nasabing magnanakaw habang natutulog ang mag-live-in partner sa loob.

Nakuha umano sa Aleman na si Markuz Zacher, 49 anyos at sa kasama niyang si Ma-Ann Lachica, 27, ang mahigit Php7,000 halaga ng pera.

Aminado naman ang mga biktima na bahagyang nakabukas ang pinto sa likuran ng apartment para makapasok ang hangin habang nagpapahinga sila ng hapong iyon.

Ikinabahala rin ng magkasintahan na sa sumunod na gabi ay may namataan silang umaaligid na lalaki sa kanilang apartment.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

Wednesday, May 24, 2017

NEWS UPDATE: MGA ‘NOTORIOUS’ NA MAGNANAKAW SA AKLAN, SINAMPAHAN NA NG KASO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center ang tatlong babae na naaresto ng mga kapulisan sa pagnanakaw sa bayan ng Banga nitong Lunes.

Kinilala ang mga suspek na sina Rose Evangilio, 47 anyos; Ann Magbutay, 43; Nita Dimzon, 38, pawang mga taga-Iloilo at kasalakuyan umanong nakatira sa Pandan, Antique.

Naaresto ang tatlo sa pinagsamang operasyon ng Kalibo at Banga PNP sa Banga public market. Narekober sa kanilang posisyon ang pera at isang unit ng cellphone na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad na kanilang nabiktima.

Ayon kay PO2 Danilo Dalida ng Banga municipal police station, sinampahan ng kasong ‘theft’ ang tatlo Martes ng umaga sa provincial prosecutor’s office at may tig-Php30 libong itinakdang pyansa.

Maliban rito, si Evangilio ay una nang binabaan ng warrant of arrest sa kasong theft na inilabas ng Kalibo Municipal Circuit Trial Court noong Setyembre 2010 at may piyansang Php12 libo.

Ayon naman kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo police station, hindi malayong sila rin ang nasa likod ng sunud-sunod na kaso ng pick-pocketing at salisi sa bayan ng Kalibo nitong mga nakalipas na araw. 

Sinabi pa ni Sta. Ana, may mga ganitong kaso narin umano ang naitala sa mga bayan ng Ibajay, Altavas at Banga. Inaalam narin nila kung may mga kasamahan pa ang tatlo na ayon sa kanya ay mga ‘notorious’ na magnanakaw.

Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima. 

Samantala, hinikayat rin ng pulisya ang iba pang mga nabiktima na kilalanin ang mga suspek at magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

TAUMBAYAN PINAG-IINGAT NG PULISYA SA MGA PICKPOCKETER, ‘SALISI’ GANG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maging mapagmatayag at mag-ingat sa mga 'salisi' gang at pickpocketers.
photo (c) Kalibo PNP

Ito ang muling paalala ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo municipal police station, kaugnay ng sunud-sunod na mga kaso ng nakawan sa bayan ng Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Sta. Ana na iwasang magdala ng malaking halaga ng pera at magsuot ng mga mamahaling alahas kapag pumupunta sa mga matataong lugar.

Ang palaging paalala niya ay huwag magtitiwala sa mga taong hindi kakilala. Mahalaga anyang tandaan ang mga taong nakakasalamuha lalu na ang itsura, suot na damit, at iba pang pagkakakilalan para sa “profiling”.

Ayon sa hepe, kabilang umano sa umiiral na modus ng mga magnanakaw sa Kalibo ay ang salisi at pickpocketing.

Nitong Lunes ay naaresto ng mga tauhan ng Kalibo at Banga PNP station ang tatlong babae na tinuturing na “notorious” na magnanakaw sa probinsiya at maging sa mga karatig lugar.

Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima. Iniipit umano nila ang kanilang mabibiktima sa mga matataong lugar upang makapagnakaw.

Samantala, nagpaalala rin siya sa taumbayan na mag-ingat sa mga Bajao na nagbebenta ng mga pekeng alahas. Paliwanag ng hepe, sasabihin umano ng mga ito sa mabibiktima na napulot nila ang alahas at iaalok sa murang halaga.

Laganap umano ang ganitong kaso ngayon lalu at may nahuli na sila sa mga nakalipas na araw.

Asahan rin anya ang paglabasan ng mga ganitong modus lalu na ngayong panahon ng balik-eskwela.

18 ANYOS NA LALAKI NAGSAKSAK NG SARILI SA BAYAN NG BATAN

Ulat ni Joefel Magpusao / Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Binawian ng buhay ang isang 18-anyos na lalaki makaraang saksakin ang sarili sa loob ng kanilang bahay sa brgy. Lalab, Batan.

Sinabi ng ina ng binata sa panayam ng Energy FM Kalibo, nagsaksak umano sa tiyan ang anak na si Ricky Bartolome matapos tuksuhin siya ng kuya.

Ayon sa ina, gabi nitong Lunes, umuwi umano ng bahay ang binata kasama ang ama at kuya na nakainom.

Nagtampo umano ang binata at nagsaksak ng sarili matapos siyang tuksuhin ng kuya na kaya sila ginabi ng pag-uwi ay dahil sa nakatulog ito sa inuman.

Agad namang naisugod sa provincial hospital ang biktima at na-confine sa intensive care unit.

Matapos ang mahigit isang araw ay binawian rin ng buhay ang binata pasado alas-3:00 Miyerkules ng madaling araw sa naturang ospital.


MGA MIGRANTE SA US, SINUSULONG ANG AKLAN-HAWAII SISTERHOOD PACT

Sinusulong ngayon ng isang organisasyon ng mga migranteng Aklanon sa abroad ang kasunduang sisterhood sa pagitan ng probinsiya at ng Hawaii sa Estados, Unidos.

Ayon kay vice governor Reynaldo Quimpo, isinusulong ito ng Aklan Cultural Society sa Hawaii.

Sinabi ni Quimpo na ang presidente ng organisasyon na si Mary Jean Castillo ng Makato, Aklan ay bumisita kamakailan para sa proseso ng sisterhood.

Nabatid na bumisita si Castillo sa Aklan provincial capitol, Aklan state university at municipal hall ng Makato.

Napag-alaman na noong Hulyo 18 nang naaraang taon ay nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan para sa posibleng sisterhood agreement ng probinsiya at ng Hawaii.

Sinabi ng bise gobernador na kabilang sa tinatalakay sa resolusyong ito ang areas of cooperation pagdating sa turismo, agriculture at disaster mitigation. (PNA)

KALIBONHON PABOR SA PAGTATAYO NG COVERED COURT SA PASTRANA PARK

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tuloy na ang konstrukyon ng covered court sa Pastrana Park.

Pinaboran kasi ng mga Kalibonhon ang proyekto sa isinagawang public hearing ng munisipyo Miyerkules ng umaga.

Matatandaan na una nang naghain ng pagtutol sa Sangguniang Bayan ang ilang indibidwal sa pangunguna ni Ofelia Martelino dahil posible umanong makasira ang proyekto sa mga arkeolohiya rito.

Sa isinagawang public hearing, nabatid kay Poblacion barangay kagawad Niño Carvona na naghain na siya ng petisyon sa Sangguniang Bayan na nagrerekomenda ng sa nasabing proyekto na nilagdaan ng nasa 600 mga Kalibonhon.

Pabor din ang mga taga-C. Laserna rito upang magamit umano ng mga kabataan sa paglilibang at paglalaro. Malaking tulong rin anila ito bilang evacuation center lalu na para sa kanila sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.

Ayon kay Engr. Laserna ng Department of Public Works and Highway – Aklan, ang itatayo sa lugar ay isang standard covered court kung saan nakabukas anya ang paligid nito.

Sa unang bahagi ng pagdinig, personal na kinuwestiyon ni vice governor Reynaldo Quimpo ang proseso ng Php5 milyong proyekto at nagsabi rin na makakasira ng arkeolohiya ang nasabing konstruksyon.

Kalaunan ay naging malinaw rin sa kanya ang proyekto nang maipakita na at mailahad ng DPWH ang itsura ng itatayong covered court.

Tuesday, May 23, 2017

AKLAN DISTRICT JAIL, DIKLARADONG DRUG-FREE FACILITY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Diniklarang drug free facility ang Aklan District Jail ng Bureau of Jail Management and Penology (ADJ-BJMP) base sa resulta ng isinagawang random drug testing sa mahigit 500 inmate rito.

Ginawa ang nasabing drug testing na pinangasiwaan ng BJMP regional office 6 sa kasagsagan ng “Sayaw Kontra sa Droga” noong Mayo 11.

Nagpapasalamat naman si district jail over-all mayor Ryan Dela Cruz sa suporta ng mga tauhan ng district jail lalu na sa paglalaan ng mga makabuluhang aktibidad para sa kanila kabilang na ang nagpapatuloy nilang sports festival ngayon. 

Kamakailan lang ay unang binisita ng relika ng Our Lady of Fatima ang mga preso pagdating nito sa probinsiya bagay na nagbigay umano ng panibagong pag-asa para sa kanila at nagpatatag ng kanilang pananampalataya.

Samantala nanawagan naman si Dela Cruz sa taumbayan na ipagdasal na mapabilis ang pag-usad ng kanilang kaso bagay umano na nagpapahirap sa kanilang kalagayan. 

NEGOSYO CENTER SA ISLA NG BORACAY NAGBUKAS NA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagbukas na nitong Lunes ang Negosyo Center ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Boracay Island, Malay.

Ang launching ay pinangunahan nina Malay mayor Ceciron Cawaling, vice governor Reynaldo Quimpo, DTI Region-6 officer in charge Rebecca Rasco, at kinatawan ni senador Bam Aquino.

Kasunod ng paglulunsad ay nagsimula narin ang DTI sa pagsasagawa ng Negosyo Encounter at mga training para sa mga negosyante sa Malay. 

Ayon kay DTI-Aklan OIC Carmen Ituralde, layunin ng Negosyo Center-Malay na matugunan ang business registration ng mga Malaynon, at matulungan silang maging produktibo sa kanilang mga negosyo.

Ang ika-siyam na Negosyo Center ay binuksan sa Boracay Action Center sa brgy. Balabag sa nasabing Isla.

Walong Negosyo Center ang una nang binuksan sa lalawigan sa mga bayan ng Kalibo, Ibajay, Altavas, Numancia, Lezo, Makato, Libacao, at Malinao.

LIBRENG MOVIE, PASOK SA PANUKALANG BATAS NG SP PARA SA MGA SENIOR CITIZENS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pasok ang libreng panunuod ng pelikula sa panukalang batas na isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan para sa mga senior citizen.

Ayon kay SP member Jay Tejada, chairman ng committee on senior citizens, isinama umano niya ang nasabing probisyon dahil sa inaasahang pagbubukas ng mga sinehan sa probinsiya.

Isinusulong rin ang Php3,000 na financial assistance sa pamilyang naiwan ng yumaong senior citizen.

Ilan pa sa mga probisyon nito ang paglalaan ng mga maayos na upuan at lugar para sa mga matatanda sa mga transport area kagaya ng paliparan, terminal ng mga sasakyan at iba pa.

Sisiguraduhin din na nabibigyan sila ng tamang lugar at diskwento sa mga grocery at sa restaurant.

Kaugnay rito, sumasailalim na rin sa pagdinig ang planong pagtatayo ng Provincial Office of the Citizen’s Affairs (Posca) na pangangasiwaan sa ilalim ng tanggapan ng gobernador.

Layunin nito na matutukan ang mga pangangailangan mga senior citizens sa probinsisya  at makagawa ng mga makabuluhang programa para sa kanilang kapakanan.

DISMISSAL KAY GOV. MIRAFLORES, PINANAWAGAN NG MGA AKLANON

Ulat ni Darwin Tapayan / Jodel Rentillo, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by Jodel Rentillo
Nanawagan ngayon ang ilang mga Aklanon sa Court of Appeals na pagtibayin ang dismissal order ng Ombudsman na inilabas noon pang Enero 25 laban sa gobernador ng Aklan at sa kanyang asawa.

Idinaan nila ito sa isang silent protest bitbit ang mga placard sa harapan ng korte nanawagan na huwag nang bigyan ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction ang mga politikong kurakot.

Pinangunahan ng grupong Para sa Aklan (PSA) at Lifestyle Check Aklan Politician (LCAP) ang nasabing protesta umaga ng Martes.

Si governor Florencio “Joeben” Miraflores at ang asawang si Lourdes “Lulu” Miraflores, dating mayor ng Ibajay, ay parehong napatunayang guilty sa “serious dishonesty and grave misconduct”. 

Kasunod ito ng hindi umano wastong pagdedeklara ng nasa Php12.18 milyong assets sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net-worth (SALN) mula 2001 hanggang 2009.

Pansamantalang ipinatigil ng Court of Appeal ang nasabing dismissal order matapos itong maglabas ng writ of preliminary injunction nang makapaghain ng pyansa ang mag-asawa sa halagang Php100,000.

Una nang naglabas nang 60-day Temporary Restraining Order ang CA’s 16th division noong Pebrero 27 kasunod ng petisyon na i-review ang kanilang kaso.

Pinabulaanan naman ng mag-asawa sa kanilang counter-affidavit na may pagkakamali sa kanilang SALN.

Umaasa ang grupo na sa pamamagitan ng kanilang protesta ay mapangkinggan ng korte ang kanilang hinaing at mapatalsik sa pwesto ang gobernador.

3 MISIS ARESTADO SA BAYAN NG BANGA SA KASONG PAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Archie Hilario
Kalaboso ang tatlong babae sa bayan ng Banga sa kasong pagnanakaw.

Nagpakilala ang mga suspek na sina Rose Evangilio, 47 anyos; Ann Magbutay, 43; Nita Dimzon, 38, pawang mga taga Iloilo at kasalakuyan umanong nakatira sa Pandan, Antique.

Narekober sa mga ito ang isang cellphone at pera na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad.

Ayon kay konsehal Julinine Rago ng brgy. Poblacion, nagulat umano siya na nawawala na ang kanyang cellphone at dalawang libong piso sa bulsa ng kanyang pantalon habang nasa Banga Public Market.

Naaresto ang mga nasabing suspek sa koordinasyon ng mga kapulisan ng Banga at Kalibo PNP station.
Maliban rito, binabaan rin ng warrant of arrest ang suspek na si Evangilio sa kasong theft na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court noong Setyembre 2010.

Ang mga nasabing suspek ay pansamantalang nakukulong ngayon sa lock-up cell ng Banga municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

BABAE NATAGPUANG PATAY SA INUUPAHANG KWARTO SA KALIBO

ulat ni Joefel Magpusao / Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang babae ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng inuupahang kwarto sa Oyotorong ext., Bakhaw Sur, Kalibo dakong alas-5:00 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Rosanie Inventado, 54 anyos, isang negosyante tubong Daja Sur, Banga.

Natagpuan siya ng isa sa kanyang mga kaitbahay at suki sa kanyang negosyo loob ng kwarto na ninigas na ang katawan.

Una rito nagtaka ang kanyang mga tauhan na hindi parin pumapasok ang babae sa kanilang karenderya kaya tinawagan nila ang nasabing kapitbahay para usisain ito sa inuupahang kwarto.

Wala namang nakitang foul play ang myembro ng Scene of the Crime Operatives at pulisya hinggil sa pagkamatay ng babae.

Kumbinsido naman ang pamilya na namatay ang babae dahil sa dati nang iniindang na sakit sa puso.

Monday, May 22, 2017

NEWS UPDATE: MGA SUSPEK SA PANUNOG NG HEAVY EQUIPMENT SA BANGA, HUMIHINGI NG 'REVOLUTIONARY TAXES'

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Energy FM Kalibo file photo
Humihingi umano ng “revolutionary taxes” ang mga suspek sa likod ng panunog ng heavy equipment na pagmamay-ari ng BSP company sa Banga, Aklan madaling araw ng Mayo 2.

Ito ay nabanggit ni SP member Nemisio Neron nang basahin niya sa regular session ng Sangguniang ang inihain niyang resolusyon.

Hinihimok niya sa resolusyong ito ang mga kapulisan at mga sundalo na paigtingin ang seguridad sa lahat ng ginagawang infrastructure projects, vital installations at mga pasilidad ng gobyerno sa buong probinsiya.

Nakasaad sa resolusyong inihain ni Neron ang pag-amin ng management ng BSP company sa ginawang pagdinig noong nakaraang linggo na nakatanggap sila ng ilang extortion at demand letters.

Ayon kay Neron, nakatanggap umano ng nasabing sulat ang kampanya noong 2014, Enero 2015, at ang huli ay nitong Mayo lang pero hindi umano nila ito pinansin.

Iniimbestigahan parin ng Philippine Army, Philippine National Police at ng Bureau of Fire Protection ang katunayan ng mga nasabing sulat at kung may kinalaman ba ito sa nasabing insidente.

Ang BSP company ay kinontrata ng pamahalaan na magsa-konkreto ng Banga-Libacao road gamit ang milyun-milyong pondo mula sa World Bank.

Tinatayang nasa Php7 milyon ang nasunog na pison at grader.

PATAY NATAGPUAN SA BULWANG, NUMANCIA

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang lalaki ang natagpuang patay sa brgy. Bulwang, Numancia kahapon dakong alas-tres ng hapon.

Sa Inisyal na impormasyon na nakalap ng Energy FM Kalibo, natagpuan ang bangkay ng lalaki matapos habulin ng mga kalalakihan ang isang manok na gagawin sanang pulutan.

Pumasok raw sa bahay na ito ang manok kaya sinundan nila. Nagulat na lamang ang mga ito dahil isang bangkay ng lalaki na naagnas na ang mukha ang kanilang natagpuan.

Kalaunan, kinilala ng pamilya ang biktima sa pangalang Benidic Torre at residente ng Magdalena Village, Kalibo.

Nabatid sa imbestigsyon na pansamantalang nanuluyan mag-isa sa nasabing bahay ang lalaki simula noong Mayo 17.

Sa panayam kay PInsp Ulysses Ortiz ng SOCO-Aklan, sinabi nito na wala naman silang nakikitang senyales na may struggle, o may gulo na nangyari sa lugar kung saan nakita ang bangkay.

Kumpleto rin daw ang mga gamit nito katulad ng cellphone.


May posibilidad raw na inatake ito dahil ayon sa pamilya may sakit raw ito sa puso. Kumbinsido na rin umano ang pamilya na walang foul play.

MGA MAGSASAKA SA AKLAN NANAWAGAN NG MAAYOS NA SISTEMA NG PATUBIG

Nanawagan ngayon ang grupo ng mga magsasaka sa probinsiya sa National Irrigation Administration (NIA) na ayusin at palawigin ang umiiral na sistema ng patubig.

Ipinaabot ito ng grupong Mangunguma sa Aklan (Panguma) sa pamhalaan kasama ng panawagan na gawin ring libre ang sistema ng irigasyon sa bansa.

Ito ang naging hinaing ng grupo sa kanilang naging kilos-protesta sa harapan ng NIA provincial office sa Linabuan Sur kamakailan.

Sinabi pa ni Kim-sin Tugna, provincial coordinator ng Kadamay-Aklan, na nanawagan rin umano ang mga magsasaka sa NIA na maglaan ng mas maayos na serbisyo ng patubig sa kanilang mga tanim na palay at mais.

Dagdag pa rito, ang rally ay bahagi ng panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa mga pagbabagong makakatulong sa mga mahihirap na magsasaka.

Paliwanag ni Tugna, ilang mga kanal sa mga kabarangayan ang hindi parin naayos kasunod ng bagyong Yolanda noong 2013.

Bago maipatupad ang batas sa libreng patubig, mangungulekta parin amg NIA ng irrigation service fee.

Nabatid na nitong Enero ay nagkautang ang mga magsasaka sa NIA ng nasa labingtatlong bilyong piso dahil sa mga hindi nabayarang irrigation fee.