Thursday, April 27, 2017

48 ANYOS NA DRIVER KALABOSO SA PAGNANAKAW SA KANILANG KOMPANYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sinampahan na ng kasong theft ang isang 48-anyos na driver makaraang nakawan ng mga binibinatng makina ang kompanyang pinagtratrabahuhan nito.

Kinilala ang lalaki na si Crisologo Roselio Jr, residente ng Purok 2, C. Laserna St., Kalibo.

Narekober sa bahay niya ang libu-libong halaga ng mga makinang pangsakahan at pampangisda na sinasabing ninakaw niya sa bodega ng kompanya sa brgy. Bulwang, Numancia.

Inaaresto rin ng mga kapulisan ang kanyang asawa dahil sa pagtatago umano ng mga ninanakaw pero nadismiss rin ng korte ang kasong isinampa laban sa kanya.

Hindi naman makapaniwala ang amo dahil ilang taon narin umano nilang pinagkakatiwalaan nila ang suspek.

Sa report ng Numancia PNP, ilan pa sa mga ninakaw ng suspek ang natagpuan umano sa San Jose, Antique sa kalaban nilang kompanya.


Ito ay kasunod ng pag-amin umano ng suspek sa kanyang amo na ibinenta niya ang mga ekslusibong produkto ng pinagtratrabahuhang kompanya sa kalabang kompanya.

LALAKI, NAPAGTRIPAN UMANONG BARILIN SA KALIBO HABANG NATUTULOG

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay ang isang 24-anyos na lalaki makaraang pagtripan umanong barilin sa Purok 2, C. Laserna St., Kalibo.

Ayon sa biktimang si Rowil Dela Cruz, natutulog umano siya sa tricycle nang maganap ang aksidente dakong alas-5:00 ng umaga.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, iginiit ng biktima na wala siyang nakaalitan na posibleng gumawa nito sa kanya.

Nagising nalang umano siya na may sugat na sa kamay. Agad naman siyang humingi ng tulong para madala at magamot sa ospital.

Butas din ang tangke ng motorsiklo na hinihigaan niya matapos matamaan rin ng parehong bala.

Sa pagtatanong sa mga kapitbahay hindi umano nila nakilala ang suspek naggulat nalang sila nang makarinig na ng pagputok.

Narekober ng kapulisan ang isang basiyo ng .38 calibre ng baril sa lugar.


Inaalam na ng pulisya ang posibleng motibo at pagkakakilalan ng suspek.

MGA DELEGADO ASEAN INAASAHANG MAGSASAYA SA LABORACAY

Nasa 200 mga delgegado na dadalo sa 29th Ship for Southeast Asian and Japanese Youth Programme (SSEAYP) International General Assembly (SIGA) 2017 ang inaasahang magsasaya sa LaBoracay.

Sinabi ni Boracay Island administrator Rowen Aguirre, nakikipag-ugnayan na sa Philippine National Police ang lokal na pamahalaan ng Malay sa paghahanda sa seguridad ng mga delegado sa Boracay.

Layun ng 29th SSEAYP ang pagkaisahin ang lahat ng mga kabataang lider ng ASEAN.

Gaganapin ito sa darating na Abril 28-30.


Ang LaBoracay ay isa sa mga highlight ng fiesta sa Boracay na isinasagawa tuwing Mayo 1 o Labor Day. (PNA)

LOLO NANIKAWAN NG TATLONG ENTERTAINER, 27K TANGAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinangay ng tatlong entertainer ang pera ng isang 66 anyos na lolo dito sa Kalibo, Aklan. 

Sa kwento ng lolo iniwan nya sa bahay ang tatlong babae at umalis lang ito saglit para bumili ng pagkain.

Pagbalik ng lolo sa bahay, wala na roon ang tatlong babae, wala na rin ang P27,730 nito na inilagay niya sa bulsa ng short na nakasabit sa loob ng kanyang kuwarto.

Naisipan nalang ng lolo na ipablotter sa Kalibo PNP Station ang pangyayari.

MODIFIED MUFFLER AT MODIFIED LIGHTING, BAWAL NARIN SA BAYAN NG BANGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagbabawal narin sa bayan ng Banga ang paggamit ng mga modified mufflers at modified lightings sa mga sasakyan.

Inaprubahan na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) – Aklan ang Banga municipal ordinance no. 2017-003 kaugnay rito.

Nakasaad sa nasabing batas na ipinagbabawal ang mga sasakyang gumagamit ng mga maiingay na muffler at maging mga sasakyan na mataas sa 84 dicebel ang ingay.

Ipinagbabawal rin ang mga modified lighting na nakakaapekto sa paningin ng iba pang mga motorista.

Ang lalabag sa nasabing batas ay maaring mapatawan ng multa mula Php250 hanggang Php2,000 o posibleng pagkakulong ng tatlong buwan depende sa desisyon ng korte.


Ipinasa sa Sangguniang Bayan ng Banga ang nasabing batas noong Marso 21 at epektibo 15 araw matapos itong mailathala sa lokal na mga pahayagan.

Wednesday, April 26, 2017

‘LUMOT BATTLE’ GINAWA SA ISLA NG BORACAY

Pinatuyan ng ilang mga residente sa isla ng Boracay na ang lumot ay matagal nang umiiral sa Isla sa pamamagitan ng larong tinawag nilang “lumot battle.”

Ang nasabing laro ay inorganisa ng isang opisyal ng Malay upang buhayin ang umano’y libangan ng tao maging noon pamang panahon.

Una nang naireport na may ilang mga turista ang nadismaya matapos na maiulat ang paglabasan ng mga lumot sa Boracay lalu na ngayon summer o “peak season” sa national at international media.

Nasa 50 residente, kapwa matanda at mga bata ang sumali sa nasabing laro kung saan nagbatuhan sila ng mga lumot mula sa tabing baybayin ng isla na tumagal ng 30 minuto.

Sa report ng Boracay Island News, sinabi ni konsehal Datu Sumndad sa mga kabataan na noon paman ay nilalaro na ito ng mga ninuno nila. Paborito umanong laruin ito ng mga bata noon pang 1900s.


Samantala sinabi ni Boracay Island administra
tor Rowen Aguirre na plano narin umano nila na gawin ang “lumot battle” tuwing tag-init o summer.

‘ONE ENTRY, ONE EXIT POLICY’ SA BORACAY BUBUSISIIN NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Caticlan Jetty Port
Nakatakdang busisiin ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang umiiral na ‘one entry, one exit policy sa isla ng Boracay’.

Ipinaabot ni SP member Jose Miguel Miraflores sa regular session na hindi gaanong naipapatupad ang seguridad sa Boracay nang siya mismo ang makaranas nito sa kanyang pagbisita sa isla.

Ayon kay SP Miraflores, nagtaka siya na hindi manlang binusisi ng guwardiya ang kanyang mga bagahe at maging ng iba pang mga dumaraan sa isang pribadong resort sa may Caticlan jetty port patawid sa Boracay.

Kaugnay rito, nais ni SP member Jay Tejada na balikan ng Sanggunian ang umiiral na ‘one entry, one exit policy’ upang malaman kung ito ba ay naipapatupad ng tama.


Sang-ayon naman si SP member at committee chair on peace and order Nemesio Neron sa naging mungkahi ni Tejada. Posible umanong ipatawag sa pagdinig ng komitiba ang pamunuan ng Caticlan jetty port kaugnay sa nasabing isyu.

60-ANYOS NA LALAKI TINAGA NG PAMANGKIN SA BALETE, SUSPEK ARESTADO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinaga ng pamangkin ang 60-anyos na uncle sa brgy. Calizo, Balete hapon ng Martes.

Kinilala ang biktima sa pangalang Rogelio De Pedro y Carpio, residente rin ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya magkasama umano pauwi sa kanilang baryo ang biktima at suspek na si Robert Dela Cruz y De Pedro, 29 anyos. 

Habang naglalakad ay bigla nalang raw hinugot ng suspek ang dala nitong gulok saka tinaga ang biktima. Nasugatan ito sa kaliwang kamay at kanang braso.

Ilan sa mga residente ang mabilis na nakatawag sa Balete Municipal PNP Station kaya naaresto agad ang suspek.

Samantala naisugod naman sa ospital ang biktima. 

Patuloy raw na mag-iimbestiga ang Balete PNP para matukoy ang motibo ng pananaga.

DAMBUHALANG ‘LAPU-LAPU’ NAHULI SA PANDAN, ANTIQUE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
photo by Archie Hilario

Pinagkagulahan ng mga tao sa Kalibo Public Market ang isang dambuhalang isdang ‘lapu-lapu’ kahapon ng tanghali para ibenta.

Nahuli ang nasabing isda sa baybayin ng Pandan, Antique ng mangingisda si Arnold Constantino sa pamamgitan ng netting dakong alas-6:00 ng umaga.

Ang isdang ito na may bigat na nasa 200 kilo at may habang pitong talampakan ay isa umanong malaking lapu-lapu o epinephelus lanceolatus o kugtong sa lokal na dialekto.

Tinatayang nagkakahalaga ng Php80 ang kilo ng nasabing isda sa palengke at karaniwang sinisigang ng mga taga-rito.


Ang isdang ito ay itinuturing na ‘vulnerable species’ ng Internation Union for Conservation of Nature (IUCN) Red List Status. Nangangahulugan na kailangang maprotektahan at mapangalagaan ang mga nasabing species.

PHP5 MILLION COVERED COURT ITATAYO SA KALIBO PASTRANA PARK

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by Darwin Tapayan
Hindi na maiinitan at mauulanan ang mga manlalaro sa basketball court ng Pastrana Park. Nakatakdang kasing itayo ang Php5 milyon na covered court dito.

Ang ground breaking ng proyektong ito ay isasagawa sa Byernes, 9:00 ng umaga.


Layunin ng proyektong ito sa pangunguna ni konsehal Juris Sucro ang palakasin ang sports program sa bayan ng Kalibo.

Nabatid na naging posible ang proyekto sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, ni congressman Carlito Marquez, at senador Risa Hontiveros at Akbayan partylist.


Una nang naireport na isinusulong ngayon ng pamahalaang lokal ng Kalibo ang pagpapaganda pa sa nasabing parke upang gawing tourism destination.

Tuesday, April 25, 2017

‘HUWAG MAGNAKAW NG BUHAY’ PANAWAGAN NG DIOCESE OF KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Huwag magnakaw ng buhay”. Ito ang panawagang nakapaskil sa harapan ng Kalibo Cathedral.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Fr. Ulysses Dalida ng action center ng Diocese of Kalibo na tanging ang Diyos lamang ang may karapatang kumitil ng buhay.

Ayon kay Dalida, ang streamer ay ipinaskil nila noon pang Huwebes Santo kasabay ng iba pang mga diocese sa buong bansa.

Bagaman walang anumang tinutukoy na dahilan, ang panawagan anya ay kaugnay
sa mga isyu ng aborsyon, extra-judicial killing, mercy killing, death penalty at anumang uri ng pagkitil ng buhay sa iba-ibang kadahilanan.

Maliban anya rito, patuloy na tinuturo ng Simbahan sa mga misa at sa iba pang pagkakataon na ang buhay ay sagrado.


Paliwanag pa ng pari, nagsimula ang mensaheng ito sa panawagan lamang na “huwag magnakaw” dahil sa umiiral kurapsyon kapwa sa pamahalaan at iba pang institusyon.

MGA PIYESTA SA AKLAN ITINANGHAL SA AKLAN FESTIVAL SHOWCASE

Itinanghal kahapon ng walong bayan sa Aklan ang kani-kanilang makukulay at magagandang pyesta bilang bahagi ng 61st Aklan Day.

Ang mga nagtanghal ay ang mga bayan ng Numancia, Kalibo, Lezo, Ibajay, Banga, Balete, Makato at Tangalan para sa  Aklan Festivals Showcase on April 24.

Nakamit ng Enchanting Balete ang Best in Choreography, at Ibajay Ati-Ati festival para Most Jolly at Best Performance.

Nakuha ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan festival ang Best in Costume and Props samantalang ang Makato Ati-atihan festival ay nakapag-uwi naman ng Most Indigenous award.

Lahat ng nanalo ay nag-uwi ng tig-Php5,000 para sa mga nasabing parangal.

Ang Aklan Festival showcase ay ‘battleground of local festivals’ na inorganisa ng pamahalaang lokal ng probinisya sa pamamagitan ng tourism office.


Ang iba pang lumahok ay Banga Saguibin Festival, Lezo Bayangan festival, Numancia Lechon Parade at Bugna it Tangalan festival.

PHP350K IBIBIGAY NG DOH SA AKLAN PARA SA BLOOD SERVICES PROGRAM

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakdang ibigay ng Department of Health (DOH) regional office VI ang allocation funding assistance na Php350,000 para sa lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Victor Santamaria, provincial health officer, ito ay subsidiya sa blood processing fess sa mga indigent na kababaehang buntis at para sa iba pang aktibidad ng National Voluntary Blood Services Program (NVBSP).

Kaugnay rito, aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ng gobernador na sumailalim sa memorandum of agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Aklan at ng DOH VI.

Nakikita ng DOH na ang pagbibigay ng subsidiya para sa mga indigent na kababaehang buntis ay isang paraan para mabawasan ang maternal death na dulot ng postparthum haemorrhage o pagbawas ng dugo.


Layunin ng NVBSP ang mapalawak pa ang donasyon ng dugo, maayos na blood service facilities, sapat at agarang suplay ng dugo sa mga probinsiya.

ISYU TUNGKOL SA TULI, MULING NAUNGKAT SA AKLAN SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling naungkat ang isyu sa session ng Aklan Sangguniang Panlalawigan tungkol sa isang lalaking foreigner na pinagpasa-pasahan at tinanggihan umanong matuli sa provincial hospital.

Matatandaan na sa mga nakalipas na sesyon ay ipinahayag ni SP member Noli Sodusta sa plenaryo ang reklamong ipinaabot sa kanya ng kakilalang foreigner na tinatayang nasa 26-anyos.

Pinabulaanan ni Sodusta ang pasaring ng mga kasama sa Sanggunian na gawa-gawa lamang niya ang isyu katunayan binasa pa niya ang text message ng nasabing lalaki.

Iginiit naman ni SP member Soviet Dela Cruz na dapat ay may basehan ang mga reklamong ito. Sinabi rin ni SP member Jay Tejada na dapat ay dadaan ito sa tamang proseso.

Ayon kay vice governor Reynaldo Quimpo, aalalamin lamang kung ano ang pamamaraang ipinapatupad ng ospital kaugnay ng pagtutuli at walang gagawing akusasyon o reklamo.


Ayon kay SP member Nelson Santamaria, committee chair on health, nakahanda naman siyang ipatawag ang pamunuan ng ospital para sa isang pagdinig.

Monday, April 24, 2017

TESDA, MAY 100 TRAINING SLOTS PARA SA MGA PWDs SA AKLAN

Nakatakdang magbigay ng 100 training slot ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Aklan para sa mga differently abled persons (PWDs).

Ito ang ipinangako ni TESDA-Aklan provinciald Julius Jamero sa ginanap na culminating activity  at graduation ng 25 PWDs na sumailalim sa commercial arts training ng TESDA.

Sinabi pa ni Jamero na ang TESDA ay may Php13 milyon nang training fund ngayong taon para sa Aklan at bahagi nito ay para sa mga PWDs.

Samantala, pinuri naman ni Jamero ang mga PWDs sa pagtatapos nila sa commercial arts. Sinabi pa ng TESDA provincial director na ang TESDA ay kukuha ng dalawang grupo na ilalaban ng Aklan sa mural painting contest sa Iloilo City.


Naging guest speaker din sa nasabing aktibidad si Fidel M. Sarmiento, presidente ng Art Association of the Philippines.

NFA PINASIGURO NA SAPAT ANG SUPLAY NG BIGAS SA PROBINSIYA

Sapat ang suplay ng bigas sa lalawigan ng Aklan. Ito ang pinasiguro ng National Food Authority (NFA) - Aklan.

Sa isang panayam sinabi ni NFA-Aklan Josephine Venus Castillo, na ang Aklan ay isang “rice-surplus” na probinsiya.

Nilinaw rin ni Castillo na ang papel lamang ng NFA sa bilihan ng palay ay ang pag-monitor sa presyo nito pero hindi nila pwedeng pigilan ang mga magsasaka na magbenta ng palay sa
mga pribadong negosyante.

Sa pinakuhuling report, mayroong mahigit 14,400 mga sako ng bigas ang nakaimbak sa kanilang bodega.

Sinabi rin na Castillo na sa panahon ng kalamidad ay pwede naman anyang makahingi ng suplay ng bigas sa NFA-Capiz kung sakaling kulangin ang suplay dito sa Aklan.

MDRRMO KALIBO KAMPYON SA 4TH RESCUELYMPICS

Nakuha ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Kalibo ang 1st place sa ginanap na 4th Aklan Provincial Rescuelympics sa Aklan Provincial Sports Complex sa brgy. Calangcang, Makato.

Natanggap ng MDRRMO Kalibo ang plake bilang kampyon at premyo na Php50,000.

Samantalang sa Inter-Response Group Special Awards, naiuwi rin ng Kalibo ang best basic life support, best in first aid, best in equipment display at best safety analysis na nag-tie sa bayan ng Batan at naiuwi ang tig Php5,000 sa bawat special awards.

Nakuha rin ng bayan ng Batan ang 2nd place ang premyo na Php40,000 at naging best in water search and rescue at 3rd place ang bayan ng Banga na nag-uwi ng premyo ng Php30,000 at best in uniform bilang special award.

Samantalang ang iba pang sumali ay nag-uwi rin ng Php5,000, ang mga bayan ng Altavs, Buruanga, Ibajay, Libacao, Makato, Malinao, Nabas at Tangalan.

Ilalaban naman ng Aklan ang bayan ng Malinao na nag-uwi naman ng Php20,000 sa best administration 4th-6th class municipality category sa Gawad Kalasag Evaluation.


Samantala, sa inter-school category, kampyon ang Aklan Catholic College at sa Inter-Response Group Category ay nagkampyon ang Bureau of Fire Protection (BFP).

2 BATANG MAGKAKAPATID NALUNOD SA BAYBAYIN NG TANGALAN, PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang dalawang magkakapatid matapos malunod sa baybaying sakop ng brgy. Dapdap, Tangalan.

Kinilala ang mga biktima na sina Jhan Exequel at Jhan Earl Villanueva, 8 anyos at 11 anyos, mga residente ng Libang, Makato.

Sa imbestigasyon ng Tangalan municipal police station, naliligo umano ang dalawa nang mapunta sila sa malalim na bahagi ng dagat.

Natagpuan ng mangingisda ang dalawang bata at dinala sa tabing baybayin nasa 10 metro ang layo saka humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Naisugod pa sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo ang mga bata gayunman ay patay na ito nang makarating dito.

Nabatid na nagsasagawa ng beach party ang pamilya ng mga bata at hindi namalayan na napunta na ang magkakapatid sa malalim na bahagi ng dagat.

Matatandaan na noong Abril 17, patay rin ang isang 3 anyos na batang babae nang malunod sa ilog sakop ng Poblacion, Tangalan.

Una nang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang o pamilya na kapag nasa ilog o tabing-dagat ay batayang maigi ang mga bata.