Friday, November 17, 2017

LOLO NAKURYENTE SA BAYAN NG MALINAO, PATAY

Dead on the spot ang isang 73-anyos na lolo matapos siyang makuryente sa kanilang barangay sa Manhanip, Malinao Biyernes ng umaga (Nov. 17).

Kinilala sa report ng Malinao PNP ang biktima na si Renato Imperial y Icabandi.

Salaysay ng asawa, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng kanyang  pinsan kalapit lamang ng kanilang bahay nang makuryente siya sa daan.

Hindi umano napansin ng kanyang asawa ang patuloy na linya ng kuryente ng Akelco at aksidente niya itong nahawakan na nagresulta ng kanyang pagkakuryente.

Nabatid na isang puno ang natumba sa lugar matapos na dumaan ang malakas na hangin sa nabanggit na lugar.

Iniimbestigahan narin ng Akelco ang nasabing insidente.

NABIGO SA PAG-IBIG: 20-ANYOS NA LALAKI UMINOM NG LASON SA DAGA

Dahil nabigo sa pag-ibig, uminom ng lason sa daga ang isang 20-anyos na panadero sa bayan ng Malinao, Byernes ng tanghali (Nov. 17).

Ayon sa report ng Malinao PNP, nakita umano ng ilang mga estudyante ang nasabing lalaki sa plaza ng bayan na nangingisay at nakita sa lugar ang bote ng mineral water na pinaglagyan niya ng lason.

Agad namang pinagtulungan ng mga rescuer at ng mga rumespondeng pulis ang nasabing biktima na maisugod sa provincial hospital kung saan patuloy siyang inoobserbahan.

Kinumpirma naman ni PSInsp. Alfonso Manuba, hepe ng Malinao PNP, na pag-ibig ang dahilan ng tangkang pagpapakamatay ng binata.

Nabatid na nagtratrabaho ito sa Brgy. Poblacion kung saan siya gumagawa ng siopao at umuwi lamang paminsan-misan sa kanilang barangay sa Tigpalas.

LALAKI NATAGPUANG PATAY SA ILOG SA BAYAN NG NABAS

Patay na ang lalaking ito ng matagpuan sa ilog sa Brgy. Laserna, Nabas kaninang umaga.

Sa inisyal na report ng Nabas PNP, kinilala ang lalaki na si Roman Joseph Montoya y Quezon, 30-anyos, tubong Tondo, Maynila at kasalukuyang nagtratrabaho sa isla ng Boracay.

Ayon pa sa kapulisan, minsan umano itong umuuwi sa kanyang tita na si Enresita Francisco sa naturang barangay.

Naaagnas na ang bangkay ng lalaki nang ito ay matagpuan nina Ryan at Ricky Santillan. Kapansin-pansin rin ang sugat nito sa ulo.

Ang bangkay ay naiahon sa pagtutulungan ng mga taga-coastguard, mga tauhan ng Nabas MDRRMO at ilang mga residente.

Nasa isang punerarya na sa Poblacion, Nabas ang nasabing bangkay.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Wednesday, November 15, 2017

MGA KASIMANWA NA-MISS NYO NA BA ANG ESTATWANG ITO? NALALAPIT NA ANG KANYANG PAGBABALIK!

Mga Kasimanwa baka namiss nyo na ang estatwang ito na inalis sa kanto ng Archbishop Reyes St. at Mabini St. noong Marso.

Pinag-aaralan na kasi ngayon ng Sanggunian Bayan ng Kalibo ang planong pagbabalik nito. Isa sa mga tinitingnang paglilipatan nito ay sa Pastrana Park.

Ayon kay vice mayor Madeline Regalado, pwede anyang isama ito sa bagong tayong ‘Vibrant Kalibo’ photo ops para dagdag-atraksiyon. Kailangan lamang anya na pintahan ito at pagandahin

Nakatakda namang maghain ng resolusyon si SB member at committee chair on tourism Philip Kimpo Jr. para sa paglilipatan ng nasabing estatwa.

Nilinaw naman niya ang nasabing estatwa ay hindi si “Datu Bangkaya” kundi isa lamang anyang representasyon ng ati, taliwas sa mga itinatawag rito ng ilan.

Matatandaan na una nang nagpasa ng resolusyon sina SB Kimpo at SB Mark Quimpo na ipreserba ang nasabing estatwa matapos itong alisin sa dating kinalalagyan nito.

‘CORRUPT’ DENR-AKLAN OFFICIALS PINADI-DISMISS SA SERBISYO SA KASONG EXTORTION

Pinadi-dismiss na sa serbisyo ang limang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Aklan kasunod ng decision ng Deputy Ombudsman for the Visayas dahil sa kasong extortion.

Sina PENRO Ivene Reyes, Jonnie Adaniel, Alvaro Nonan, Nilo Subong at Cesar Guarino ay sinampahan ng kaso administratibo matapos manghingi ng kalahating milyon sa kanilang kliyente.

Ayon sa reklamo ni Lucia Malicsi-Helaria, ang hininging pera ay kapalit umano ng certification ng propedad niya sa bayan ng Malay bilang alienable at disposable.

Kaugnay rito, ilang ‘concern DENR PENRO-Aklan personnel’ ang sumulat kay Jim Sampulna, regional director ng DENR, na palitan na ang mga ‘corrupt’ na opisyal.

Paliwanag nila sa kanilang sulat, dismayado umano sila, na-‘low morale’ at nawalan ng ganang magtrabaho dahil sa bahid ng korapyson sa kanilang tanggapan.

Pinagtatakpan pa umano ng regional management si Reyes at ang mga kasamahan niya at nananatili parin sa kanilang pwesto sa kabila ng desisyon  ng Ombudsman noon pang Agosto.

“Sir, marami pang corruption ang nangyari dito sa amin na hindi pa ninyo pinaiimbestigahn at binigyan ng pansin,” bahagi pa ng sulat na may petsang Nobyembre 13.

Ang kopya ng sulat ay ipinadala rin sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, DENR secretary Roy Cimatu, Ombudsman for the Visayas, dalawang istasyon ng radyo sa Iloilo at ang himpilang ito.

Tuesday, November 14, 2017

DALAWANG CRUISE SHIP DADAONG SA BORACAY NGAYONG NOBYEMBRE

Dalawang cruise ships ang nakatakdang dumaong sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Nobyembre.

Ang mga ito ay ang nagbabalik na MS Millennium sa Nobyembre 21. Sa Nobyembre 22 ang MS World Dream ay nakatakdang dumaong sa unang pagkakataon.

Napag-alaman na ang MS Millenium ay ika-11 cruiseship na dadaong isla ngayong taon.

Samantala, inaasahan naman na magdadala ng 4,000 pasahero at nasa 1,900 crews ang MS World Dream. Inaasahan na magtatagal ito ng siyam na oras sa baybaying sakop ng isla.


Inaasahan na tatlo pang cruise ship ang nakatakdang dadaong sa Boracay bago magtapos ang taon.

'PLAZOLETA' BALAK ALISIN NG SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Plano ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na alisin ang 'Plazoleta' at ang center island na ito sa Ar. Reyes St. sa pagitan ng Mabini St. at Veterans Ave.

Kasunod ito ng pag-adopt ng Sanggunian sa rekomendasyon ng committee on transportation at public safety na tibagin ang nasabing istraktura.

Ayon kay SB member Juris Sucro, chairman ng nasabing komitiba, ang rekomendasyon ay bunga ng ginawang pagdinig noong Agosto.

Paliwanag niya, wala namang historical significance ang nasabing istraktura.

Ang planong ito ay base sa kahilingan ng Federation of Kalibo Tricycle Operator and Drivers' Association, Inc. na alisin ang nasabing istraktura dahil nagdudulot umano ito ng aksidente o insidente lalu na sa mga motorista.

Dagdag pa ng opisyal, paghahanda narin umano ito sa plano ng lokal na pamahalaan na pagtatayo ng overpass sa nasabing lugar.

Dahil rito nakatakdang maghain ng resolusyon si SB Sucro para tuluyang alsin ang mga nasabing istraktura.
Gayunman napagkasunduan sa plenaryo sa sesyon ng Sanggunian na kung maaari ay huwag tibagin ang 'Plazoleta' at sa halip ay hanapan nalang ng malilipatan.

LALAKI TINAGA NG TIYOHIN

Ulat ni kasimanwang Joefel P. Magpusao


Confine sa Provincial Hospital ang biktimang si kasimanwang Stanley Apolinario 29 anyos ng Poblacion, Madalag, Aklan matapos tagain ng sinasabing tiyohin na kinilalang si Fernando Ilino 25 anyos na tubong Brgy. Mercedes ng nasabing bayan.


Ayon sa salaysay ng kamag-anak ng biktima, alas sais ng dapithapon nagsimulang mag-inoman ang dalawa sa mismong bahay ng biktima. Dinayo umano ng suspek ang biktima upang pag-usapan ang paghahanap ng trabaho. Dahil sa kalasingan at hindi pagkakaintindihan, kumuha umano ng itak ang suspek at binalingan ng taga ang biktima.

Mismong asawa ng suspek ang humingi ng tulong sa ilan pa nilang kamag-anak upang madala sa hospital ang biktima. Pinuntahan diumano ng asawa ng suspek ang nasabing suspek upang sunduin at nabigla ito sa kanyang naabotan kaya agad syang humingi ng saklolo.

Dagdag pa ng mga kaanak, nag-iisa lang diumano ang biktima sa kanilang bahay dahil ang live in partner nito kasama ang tatlong anak ay umuwi sa bayan ng Makato sa kanyang ina upang manghiram ng pera.

Nagtamo ng sugat ang biktima sa kaliwang tenga, kaliwang kamay, kanang paa at likod.

Samantalang ang suspek ay nasa kostudiya na ng Madalag PNP at kasalukuyang nagpapagaling sa Madalag District Hospital dahil nagtamo din ito ng sugat sa kanang pisngi.

Nangangailangan ng apat na bag ng dugo na type B ang biktimang si Stanley Apolinario na kasalukuyang nakaconfine sa surgical ward ng Provincial Hospital.

Monday, November 13, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA WAITING SHED SA BANGA, 2 PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy Fm Kalibo

Dalawa ang patay matapos bumangga ang motorsiklong ito sa waiting shed sa Sigcay, Banga Sabado ng hapon (Nov. 11).

Kinilala ang mga namatay na si Roy Nabalde y Delos Reyes, 32-anyos, backrider at kapatid at driver na si Erick Nabalde, 22, parehong residente ng Brgy. Palali, Banga.

Galing umano sa pinagtratrabahuhang construction site ang magkakapatid. Pagdating sa kurbadang bahagi ay nawalan ng kontrol ang driver at sumalpok ang motorsiklo sa haligi ng sementadong waiting shed.

Agad isinugod ng mga rumespondeng miyembro ng MDRRMO Banga ang dalawa sa provincial hospital pero dineklarang dead on arrival ang backrider.

Ilang sandali pa ay binawian rin ng buhay ang driver habang ginagamot sa emergency room.

Iniimbestigahan na ng kapulisan ang insidente.

CONSTRUCTION WORKER PINAGPAPALAKOL SA ISLA NG BORACAY, PATAY

photo (c) RB Bachiller
Patay ang construction worker na ito matapos siyang pagpapalakulin ng kanyang kainuman sa Brgy. Balabag, sa isla ng Boracay Linggo ng hapon (Nov. 12).

Kinilala ang biktima na si Jimmy Quintua, tubong Laguna. Kinilala naman ang suspek na si Henry Tumaque, taga-Caloocan City na nagtratrabaho rin sa nasabing isla.

Nabatid na habang nasa kasagsagan ng inuman ay may naganap na mainitang pagtatalo sa dalawa. Sa galit ng suspeka ay kumuha umano ito ng palakol at makailang beses na hinataw ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek. Isinugod naman sa Don Ciriaco S. Tirol Hospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Pinaghahanap na ng mga kapulisan ang suspek sa nasabing insidente.

PHP700 MILLION PARA SA MGA GOVERNMENT HOSPITAL SA AKLAN ISINUSULONG SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang mahigit Php700 milyong badyet para sa mga government owned and operated hospital sa Aklan para sa susunod na taon.

Ito ang pinahayag ni vice governor Reynaldo Quimpo sa isang post sa kanyang facebook account nitong Sabado, Nov. 11.

Sinabi ng opisyal na gagamitin ang perang ito para sa operation ng provincial, mga district at municipal hospitals sa buong probinsya.

Kabilang ito sa kabuuang Php2.011 billion budgetary appropriation ng gobyerno probinsyal para sa susunod na taon.

Nasa Php1.151 bilyon dito ay annual general fund ng probinsya, Php860 million naman para sa Economic Enterprise Development Department. Ang natitirang Php213.35 million ay galing sa Internal Revenue Allotment.

Nabatid na nagsimula na ang committee of the whole ng Sanggunian na talakayin ang nasabing panukala nitong Nobyembre 7 at inaasahan namang matatapos sa Nobyembre 28.

Samantala, pinagmalaki at pinasalamatan rin niya sa parehong post ang mga doktor, nurses at iba pang mga medical practicioners, at mga administrative personnel na napiling maglingkod sa Aklan at sa mga Aklanon.

TINATAYONG KONKRETONG PIER SA BULABOG BEACH SA BORACAY, KINAGULAT NG PAMAHALAANG LOKAL NG MALAY

Kinagulat ng pamahalaang lokal ng Malay ang  tinatayong pribadong pier na ito malapit sa Ati Village sa Bulabog beach sa Brgy. Manocmanoc, Boracay.

Ayon kay Sangguniang Bayan member at committee chairperson on environment Nenette Aguirre Graf, pinatigil na ito ng pamahalaang lokal pero bumalik rin pagkalipas ng ilang araw.

Nang usisain umano niya ang mga nagtratrabaho rito upang ipakita ang mga kaukulang dokumento ay wala silang maipakita. Wala rin umanong kaalam-alam ang konseho ng barangay ukol rito.

Ayon kay Graf, pagmamay-ari umano ito ng isang resort sa nasabing isla.

Samantala, kinumpirma ni Rowen Aguirre sa office of the mayor, na ngayong araw ay ipapatibag agad nila ang nasabing konstruksyon at paiimbestigahan ang nasabing kaso.