Saturday, November 11, 2017

‘NO PROTECTION, NO DREDGING’ PANINDIGAN NG MGA TAGA-BAKHAW NORTE, KALIBO

“No protection, no dredging!”

Ito parin ang pinanindigan ni punong barangay Maribeth Cual ng Bakhaw Norte, Kalibo kaugnay ng planong pagbuhay ng provincial government sa naunsyaming dredging project sa Aklan river.

Ayon kay Cual, hindi tumututol ang mga taga-Bakhaw sa proyekto ng gobyerno pero dapat malagyan muna umano ng revetment wall ang pangpang ng kanilang barangay.

Si Cual at ang kanyang mga constituents ay mahigpit na tumutol rito simula ng dumating ang dredging vessel ng STL Panay sa baybayin malapit sa kanilang barangay Nobyembre noong nakaraang taon.

Isinisi nila sa dredging operation ang pagguho ng ilang bahagi ng lupa sa panpang ng Sitio Liboton noong Enero na nagresulta ng pagkasira ng nasa apat na kabahayan.

Pinangunahan rin ni Cual ang kilos-protesta kasunod nito upang ipatigil ang dredging operation. 

Matapos makitaan ng ilang paglabag, mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang operation.

Ang Bakhaw Norte ay isa sa mga barangay na direktang apektado ng proyekto lalu at narito ang bukana ng ilog.

Friday, November 10, 2017

PAGSASABATAS NG ‘KALYE KULINARYA SA KALIBO’ ISINUSULONG SA SANGGUNIANG BAYAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagsasabatas ng bagong bukas na “Kalye Kulinarya sa Kalibo” o KKK bilang food tourism destination tuwing gabi sa kabiserang bayang ito.

Binuksan ang food strip na ito sa kahabaan ng Veterans Avenue ika-3 ng Nobyembre kasabay ng ika-446 taon ng Kalibo Foundation Day sa bisa ng executive order para mag-operate sa loob ng 30 araw.

Sa ngayon ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa ang proposed draft ordinance no. 24 na inakdaan ni SB member at committee chairperson on tourism Philip Kimpo Jr.

Sa session ng Sanggunian araw ng Huwebes pinuri ng opisyal ang pagtangkilik ng mga mamamayan at ng mga turista sa proyektong ito. Sa kabila nito ay may ilan pa anyang isyu na kailangang bigyan ng pansin. 

Kaugnay rito muling magpapatawag ng pagdinig ang committee on tourism para repasuhin ang ilang mga isyu sa operasyon ng KKK kabilang na ang isyu sa pagsasara ng kalye at iba pa.

Una nang napagkasunduan sa komitiba na isasara lamang ang kalye simula alas-3:30 ng hapon hanggang 12:30 ng madaling araw. 

Umaasa naman ang Sanggunian na mabibigyang tugon agad ang mga problema at mas mapaganda pa ang nasabing proyekto.

FREE TUITION LAW APRUBADO NA NI PANGULONG DUTERTE; 11 STATE COLLEGES AT UNIVERSITIES SA WESTERN VISAYAS PASOK

Narito ang listahan ng mga State Colleges and Universities (SUCs) sa Western Visayas na kabilang sa free tuition law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Maaari ng e avail ang free tuition ngayong semester.

●Aklan State University
●Capiz State University
●Carlos C. Hilado Memorial State College
●Guimaras State College
●Iloilo State College of Fisheries
●Central Philippines State University
●Northern Iloilo Polytechnic State College
●Northern Negros State College of Science and Technology
●University of Antique
●Iloilo Science and Technology University
●West Visayas State University

MAS MAHIGPIT NA GLASS-BOTTLED ORDINANCE SA ATI-ATIHAN APRUBADO NA SA SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

file
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang ordenansa na nagbabawal ng pagbibitbit at pati ang pagbebenta ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng Ati-atihan festival sa bayang ito.

Nakasaad sa ordinance no. 023-2017 ang pagbabawal ng mga de-boteng inumin sa itinakdang festival zone at parade route pitong araw bago at sa kasagsagan mismo ng week-long celebration. Kasama rin dito ang opening salvo, at ang Lunes pagkatapos ng sanglinggong pagdiriwang.

Inaamyendahan ng batas na ito ang ordinance no. 11-2016 na nagbabawal lamang sa pagbibitbit ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng sanglinggong pagdiriwang.

Sa nakalipas na Atiatihan festival ay pagkumpiska lamang ng mga de-boteng inumin ang ginawa ng mga kapulisan. Umaasa ang Sanggunian na sa susunod na taon ay mahigpit nang maipatupad ang nasabing batas.

Nakasaad sa bagong ordenansa ang one-time penalty na Php1000 sa mahuling lumalabag nito at kumpiskasyon ng mga de-boteng inumin. Ikukulong naman ang walang ipambabayad sa multa.

Thursday, November 09, 2017

BOARD MEMBER NG NEGROS ORIENTAL PATAY NANG ATAKEHIN SA PUSO SA ISANG TOUR SA AKLAN

Patay ang isang board member ng Negros Oriental matapos itong atakehin sa puso sa isang tour sa dito sa bayan ng Kalibo, Aklan Huwebes ng umaga (Nov. 9).

Si 2nd district board member Atty. Arturo Umbac ay isinugod pa sa isang pribadong ospital sa bayang ito pero dineklarang ring patay.

Sa impormasyong nakalap ng Energy FM Kalibo, naglalakad si Umbac sa ASQ Bakhawan Eco-Park park nang bigla nalang itong nahimatay.

Si Umbac ay nasa Aklan simula Miyerkules para sa dalawang araw na legislative tour. 

Kasama niya sa tour na ito ang iba pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ang kanilang vice governor at ngayon ay officer in charge sa office of the governor Edward Mark Macias.

AKLAN AT PITONG BAYAN PASADO SA SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE

Pasado ang Aklan at ang pitong bayan nito sa 2017 Seal of Good Local Governance (SGLG) kasunod ng assessment na ginawa noong nakaraang taon.

Ang mga bayang ito ay Altavas, Banga, Buruanga, Ibajay, Kalibo, Lezo at Tangalan.

Ang mga LGU na ito ay pumasa sa apat na core assessment areas  (Good Financial Housekeeping, Social Protection, Disaster Preparedness, and Peace and Order), at isa sa mga  essential assessment areas  (Business-friendliness and Competitiveness, Environmental Management, and Tourism, Culture & Arts).

Bilang passer ng SGLG, ang mga LGU na ito ay magkakaroon ng access sa Performance Challenge Fund (PCF), facilitation of loan approval through the issuance of Good Financial Housekeeping Certification, at iba pang programa ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Layunin ng SGLG ang ma-ipromote ang transparency at accountability sa operation ng mga pamahalaang lokal.

Isasagawa ang Conferment Ceremony of the Seal sa November 27.

Wednesday, November 08, 2017

ENERGY FM KALIBO OPLAN TABANG


Ito na po yung namatay na sanggol sa sinapupunan ng nanay dahil tinanggihan raw na i-confine sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital o Provincial Hospital ang nanay noong unang araw na pumunta sila sa ospital nitong Linggo, November 5, 2017 matapos itong makaramdam ng matinfing pananakit ng tiyan. Pagdating sa nasabing ospital, gusto sana ng pamilya na i-confine ito para masuri ngunit tinanggihan sila at pinaasang okay lang ang sanggol sa loob ng sinapupunan ng ina.

Bago umuwi sa baryo, kumonsulta raw ulit sila sa isang pribadong hospital at sinabihan sila na kailangang mai-confine ang nanay. Dahil may kamahalan sa pribadong hospital ay bumalik sila sa Provincial ngunit tinanggihan raw ulit sila dahil okay lang daw ang kalagayan ng nanay at ang sanggol na kanyang ipinagbubuntis.

Kaya umuwi na lang sila sa baryo kahit patuloy ang pagsakit ng tiyan nito. Kinabukasan ay napansin ng nanay na parang hindi na raw kumikilos ang bata sa loob ng kanyang tiyan.

Dahil dito ay bumalik sila sa Kalibo at mas minabuting sa pribadong clinic magpasuri. Ngunit sa kaksamaang palad, matapos na sumailalim sa konsultasyon at sa ultrasound ay sinabi ng sumuring doktor na patay na raw ang bata sa loob ng sinapupunan ng nanay at inirekomenda ng doktor na dalhin na ang kaso sa ospital. Dahil sa takot na tanggihan ulit, dumulog na sila sa tanggapan ng DSWD at Daeangpan It Kababayenhan. Sa tulong ng mga nasabing ahensya, dinala agad ang nanay sa Provincial Hospital. Matapos ang 24 na oras ay saka pa lamang nailabas sa sinapupunan ng ina ang katawan ng batang babae na wala nang buhay.

Sa ngayon ay kinakailangan ng nanay ng type A+ na dugo, kaya't ipinapanawagan sa mga may donors card na gustong tumulong na mamaari kayong bumisita sa Energy FM 107.7 Kalibo sa 3rd Floor ACP Center Roxas Ave. Cor Acevedo St., Kalibo o kaya ay tumawag sa mga hotlines na 268-6118, 262-3353, at 500-8121 o kaya ay makipag-ugnayan sa numero ng 0928-125-7274.

Humingi rin ng tulong ang pamilya sa Energy FM 107.7 Kalibo para madala sa baryo ang bangkay ng patay na sanggol. Maraming sasakyan ang ayaw magsakay kahit arkelahin pa dahil sa mga pamahiin. May iilan pang punerarya ang tumatanggi. Pero salamat sa pamunuan ng Boy Macabales Funeral Service sa Tigayon dahil nang lapitan namin sila sa tulong ni Kapitan Andrew Macabales ay agad silang nagmalasakit na tulungan kami na madala ang sanggol sa baryo nila para mailibing ng maayos.

Tuesday, November 07, 2017

PHP420 MILLION UUTANGIN NG GOBYERNO PROBINSYAL NG AKLAN SA BANGKO; TERMS AND CONDITIONS APRUBADO NA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aprubado na sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang terms and conditions ng Php420 milyon na uutangin ng gobyerno probinsyal mula sa Land Bank of the Philippines.

Matatandaan na noong Pebrero ay inaprubahan ng Sanggunian ang kahilingan ng gobernador na bigyan siya ng awtoridad na umutang sa nasabing bangko ng ganoong halaga.

Umabot pa ng pitong buwan bago naglabas ng notice of loan approval ang LBP. 

Gagamitin ang pondo sa pagsasaayos ng Aklan Training Center (Php30M), Provincial Engineer’s Office (Php20M), ABL Cultural Center (Php22M) at Caticlan Jetty Port (Php300M).

Kasama rin sa uutanging pondo ang konstruksyon ng Paseo de Aklan commercial building (Php10M), ekspansyon ng Provincial Assessors’s building (Php8M), at pagbili ng mga heavy equipment (Php30M).

Pinakamalaking uutangin ay mapupunta sa improvement ng Caticlan jetty port na Php300 milyon.

Nabatid na sa dahil sa credit worthiness ng pamahalaang lokal ay pwede umano itong umutang ng Php1.5 billion mula sa bangko.

TASK FORCE BUBUOIN SA PAGLUTAS SA KASO NI CHRISHA NOBLEZA

Inaayos na ng Aklan Police Provincial Office ang pagbuo sa task force na tututok sa kaso ni Chrisha Nobleza.

Ito ang kinumpirma ni PCInsp. Bernard Ufano ng Intillegence Branch sa panayam ng Energy FM Kalibo Martes ng umaga (Nov. 7).

Ayon kay Ufano, kabilang sa bubuo sa task force na ito ang mga tauhan ng Intelligence Branch, Investigation, at ng Libaco municipal police station.

Sa kabila nang hakbang na ito, binigyang diin ni Ufano na malaki parin ang ginagampanan ng komunidad sa paglutas ng kaso.

Si Nobleza ay natagpuang patay sa Brgy. Guadalupe, Libacao na pugot ang ulo, at napag-alamang ginahasa ng hindi pa nakikilalang suspek.

Lunes (Nov. 6) ay inihatid na sa huling hantungan ang nasabing 8-anyos na bata. Sigaw parin ng pamilya ang hustiya sa kalunos-lunos na pagpatay sa batang babae.

GOBYERNO PROBINSYAL AT STL PANAY PLANONG ITULOY ANG NAUNSYAMING DREDGING PROJECT

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Aklan na ituloy ang naunsyaming Flood Mitigation and Risk Reduction Project o ang pag-dredge sa Aklan river.

Kaugnay rito, pinapatawag ni Gobernador Florencio Miraflores ang mga opisyal ng mga apektadong barangay at iba pa para sa isang pagpupulong.

Gaganapin ito sa provincial governor’s office sa kapitolyo sa darating na Nobyembre 9.

Dadalo sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan ng STL Panay Resources Co., Ltd na siyang kinontrata ng gobyerno lokal para sa pagdredge ng ilog.

Matatandaan na naunsyami ang operation matapos na mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang dredging buwan ng Enero ngayong taon.

Kasunod iyon ng mga pangamba ng ilan lalu na ng mga taga-Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo na ang nasabing proyekto ay magdudulot ng pagguho ng lupa sa mga tabing-ilog.

Samantala, sinusubukan naman ng himpilang ito na iberepeka sa DENR kung handa na ang mga kaukulang dokumento ng kompanya para magdredge sa Aklan river.