Saturday, July 22, 2017

AKLAN, NAKAPAGTALA NG PINAKAMARAMING INDEX CRIME SA BUONG REHIYON

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakapagtala ng pinakamaraming index crime ang lalawigan ng Aklan sa buong rehiyon sa unang limang buwan ngayong taon.

Sa report ng Police Regional Office 6 (PRO6), ang Aklan ay may kabuuang 1,125 kaso ng index crime na mahigit 20 porsyentong pagtaas kumpara sa parehong peryod noong nakaraang taon.

Ang index crime ay mga krimen kontra sa ibang tao gaya ng murder, homicide, physical injury at rape.

Nabatid na ang ang lalawigan ng Aklan ay nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng physical injury sa buong rehiyon sa bilang na 504.

Paliwanag ng PRO6, ang kasong ito ay madalas na nangyayari dala ng kalasingan lalu na sa isla ng Boracay.
Napag-alaman na ang ang index crime sa mga lungsod ng Iloilo, mga lalawigan ng Guimaras, Antique at Capiz ay bumaba mula 29 hanggang tatlong porsyento.

Sa kabila nito, ang crime volume sa Western Visayas ay bumaba ng 7.27 porsyento ngayong taon mula Enero hanggang Mayo kumpara noong nakalipas na taon sa mga nabanggit na buwan.

Bumaba rin ang mga crime against property gaya ng theft at robbery sa rehiyon sa nasabing peryod.

Friday, July 21, 2017

40 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA BAYAN NG BANGA SA KASONG RAPE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 40-anyos na lalaki sa brgy. Linabuan Sur, Banga sa kasong rape.

Ayon sa report ng Banga PNP, kinilala ang akusado sa pangalang Roger Robelo, residente ng nabanggit na lugar.

Ikinasa ang operasyon laban sa akusado isang araw matapos lumabas ang kanyang order of arrest.

Ang order ay inilabas at nilagdaan ni presiding judge Bienvinido Barrios ng Regional Trial Court dito sa bayan ng Kalibo.

Ang akusado ay nahaharap sa kasong rape sa ilalim ng section 2 ng Republic Act 8353.

Walang itinakdang pyansa para sa temporaryong kalayaan ng nasabing lalaki.

Nakakulong na ngayon sa jail facility sa brgy. Nalook, Kalibo ang akusado para sa kaukulang disposisyon.

KAGAWAD NG LOCTUGA, LIBACAO PINAGHAHANAP PARIN NG PULISYA SA KASONG PAMAMARIL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patuloy na pinaghahanap ng mga kapulisan ang tumakas na barangay kagawad at suspek sa naganap na pamamaril sa sitio Indang, brgy. Loctuga, Libacao hating gabi ng Martes.

Sa panayam sa “programang tambalang A&R”, sinabi ni PInsp. Mayolito Iremedio, hepe ng Libacao police station, hanggang Sabado pa ginagawa nilang manhunt sa 45-anyos na suspek.

Si kagawad Lito Villorente ay tumakas matapos mabaril niya ang biktimang si Julie Orbista, 26 anyos at residente ng parehong lugar.

Magugunitang nagkaroon umano ng hindi pagkakaintidihan ang suspek at si Argie “Gege” Esto habang nagsusugal sa isang lamay.

Sinubukan umanong barilin ng nakainom na suspek ang nakaalitan pero mabilis itong nakalayo sa lugar at aksidenteng natamaan si Orbista.

Ayon pa kay Iremedio, wala umanong narekober na bala ng baril doon sa lugar. Wala rin umanong malalim na motibo sa naturang insidente kundi dala lamang ng kalasingan ng suspek.

Dagdag pa ng hepe “isolated” lamang ang ganitong kaso at nanatiling mapayapa ang bayan ng Libacao.

Sa kabilang banda, pinabulaanan naman niya ang mga kumakalat na impormasyong may mga namamataang umaaligid na mga armadong grupo sa lugar.

Nananatili anyang mapagmatyag ang mga kapulisan kasama ang Philippine Army at maging ang mga opisyal ng bayan para siguraduhin ang peace and order sa Libacao.

PCSO CHAIR CORPUZ NAKIPAGDAYALOGO SA MGA ALKALDE, MGA HEPE NG PULIS SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakipagdayalogo si Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) chairman Jose Jorge Corpuz sa mga alkalde at mga hepe ng pulis sa Aklan.

Sa naganap na dayalogo, inilahad ni Corpuz ang mga programa at proyekto ng PCSO lalu na ang tulong na dala ng operasyon ng Small-town Lottery (STL).

Iginiit ni Corpuz na ang STL ay isang paraan para kumita ang gobyerno na ginagamit sa paglalaan ng tulong medikal sa taumbayan.

Ayon sa report ng PCSO Aklan, sa buwan ng Hunyo ay kumita ng mahigit na siyam na milyon ang operasyon ng STL sa lalawigan.

Gayunman mababa ang bilang na ito sa kanilang presumptive monthly retail receipt (PMRR) na 23 milyon bawat buwan.

Ipinagmalaki ng PCSO ang kabuuang mahigit Php3 milyon na bahagi na naibigay na nila sa mga lokal na pamahalaan sa Aklan sa operasyon ng STL simula Marso nitong taon.

Nagpaabot naman ng hinaing ang ilang opisyal sa umao’y kakulangan ng koordinasyon ng authorized agent corporation na Yetbo sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng kanilang operasyon.

Sa kabilang banda, ayon sa Aklan PNP, wala pa silang napag-alamang iligal na aktibidad kaugnay sa operasyon ng STL sa probinsiya.

BORACAY, ITINANGHAL NA PANGALAWA SA PINAKAMAGANDANG ISLA SA ASYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Travel  and Leisure
Itinanghal na pangalawa sa pinakamagandang isla sa Asya ang isla ng Boracay sa pinakabagong ulat ng isang sikat na internasyonal travel magazine.

Nangunguna sa listahang ito ng Travel and Leisure ang isla ng Palawan na siya ring itinanghal na world’s best island kamakailan.

Magugunita na ang isla ng Boracay ay pangatlo sa listahan ng mga “best island” sa buong mundo.

Kabilang rin sa top ten ayon sa pagkakasunod-sunod ang Bali, Indonesia; Panglao Island sa Pilipinas; Maldives; Cebu, Philippines; Puket Thailand; Luzon, Philippines; Sri Lanka; at Koh Samui, Thailand.

Base sa report ng international magazine na inilabas nitong Hulyo 11, inilarawan nila ang Boracay kasama ang mga isla ng Panglao, Cebu at Luzon na kilala sa “pristine white-sand beaches, coral reefs” at kahanga-hangang marine life.

Ang mga mambabasa ng magazine ang nagrate sa mga islang ito base sa mga aktibidad at tanawin, natural na atraksiyon at mga beaches, pagkain, friendliness at overall value.

Thursday, July 20, 2017

MGA PAGBAHA SA BAYAN NG KALIBO, TINUTUGUNAN NA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

May ginagawa nang solusyon ang lokal na pamahalaan sa mga bahaing lugar sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong panahon ng tag-ulan.

Nitong mga nakalipas na araw, umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa taumbayan lalu na sa social media ang mga pagbaha sa ilang lugar sa bayang ito.

Sa panayam sa programang “Tambalang A&R” kay Engr. Emerson Lachica, sinabi niya na ang Concepcion St. at ang Bliss area ay catch basin ng tubig dahil sa ito ay mababang lugar.

May dalawang milyong pondo na umano na inilaan ang Department of Public Works and Highway para sa paggawa ng drainage na magda-divert sa tubig na papunta rito sa area.

Hindi anya tuluyang maaalis ang pagtaas ng tubig sa mga nasabing lugar pero ang aksiyon anyang ito ay makakatulong para maibsan ang pagbaha sa mga ito.

Sinabi ni Engr. Lachica na ang mga nararanasan ring pagbaha ay dulot ng mga development sa Kalibo at dahil rin anya sa kukulangan ng drainage system.

Binubuksan narin umano nila ang ilang drainage para siguraduhing walang bumabara sa mga ito.

KITE BOARDING INSTRUCTOR ARESTADO SA ISLA NG BORACAY SA PAGTUTULAK NG ILIGAL NA DROGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado sa buy bust operation ang isang kite boarding instructor sa isla ng Boracay kagabi.

Kinilala sa report ng pulisya ang suspek na si Rodulfo Magar Jr., 28 anyos, tubong Sta. Fe, Romblon pero pansamantalang nakatira sa sitio Bolabog, brgy. Balabag sa nasabing isla.

Naaresto ang lalaki sa sitio proper, brgy. Yapak, Boracay matapos mabilhan ito ng poseur buyer ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Sa body search, narekober ng mga awtoridad ang Php1,100 buy bust money at tatlo pang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsamang pwersa ng Malay municipal police station, Boracay PNP, 12 Infantry Battalion, TIU, MIG6 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 6.

Pansamantalang ikinulong ang naturang suspek sa Boracay Tourist Assistance Center.

Samantala, inihahanda na ang kasong paglabag sa Batas Pambansa blg. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” laban sa suspek.

Wednesday, July 19, 2017

PAG-BULLDOZED SA GUBAT SA PUKA SHELL SA BORACAY IKINADISMAYA NG ISANG GRUPO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by FFF
Ikinadismaya ng isang Friend of the Flying Foxes (FFF) ang pag-bulldozed sa isang bahagi ng gubat sa Puka Shell, brgy. Yapak sa isla ng Boracay.

Sa isang facebook post, pinahayag ng FFF na ang pag-bulldozed sa lugar ay ang pagkasira rin ng sentrong tirahan ng mga paniki na pinangangambahan nang maubos sa isla.

Dismayado sila sa umano’y kakulangan ng pagpapatupad ng batas ng pamahalaan at kawalang galang ng iba sa kalikasan.

Ayon sa kanila, ang lugar na nabili ng Mabuhay Miles, sister company ng Philippine Airline, ay na-bulldozed nang walang kaukulang permit o clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Iginiit pa ng grupo na ang lugar ay isang no-building zone at pinamumuguran ng mga paniki na dapat anyang protektahan ng batas at ipatupad ng lokal na pamahalaan.

Nanawagan ang FFF sa mga kinauukulan at sa iba pa na ipatupad ang 200 meter buffer zone sa pinakamlapit na roost site para hindi sila maapektuha.

Ang bagay na ito ay nakasaad umano sa umiiral na Environmental Compliance Certificate sa nasabing lugar.


Ang FFF ay isang grupo ng mga wildlife enthusiast sa pangangalaga ng mga paniki kabilang na ang flying foxes o fruitbats.

26 ANYOS NA LALAKI SUGATAN SA PAMAMARIL SA LOCTUGA, LIBACAO; SUSPEK ISANG KAGAWAD

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa nangyaring pamamaril sa isang lamay sa sitio Indang, brgy. Loctuga, Libacao hating gabi kagabi.

Sa phone interview, sinabi ni PInsp. Mayolito Iremedio, hepe ng Libacao police station, ang sugatan sa naturang insidente ay kinilalang si Julie Orbista y Katimpo, 26 anyos at residente ng parehong lugar.

Kinilala naman niya ang suspek na si Lito Villorente y Katimpo, 45 anyos at kagawad ng nasabing barangay.

Ayon kay Insp. Iremedio, sa inisyal na imbestigasyon nagkaroon umano ng hindi pagkakaintidihan ang suspek at ang isang alyas Gege Esto.

Sinubukan umanong barilin ng suspek ang nakaalitan pero mabilis itong nakalayo sa lugar at aksidenteng natamaan si Orbista.

Isinugod agad sa ospital ang biktima kung saan ito kasalukuyang nagpapagaling na nagtamo ng dalawang sugat sa kanang paa ng hindi pa malamang uri ng baril.

Samantala, sa mga sandaling ito ay pinaghahanap pa ng mga kapulisan at ng Philippine Army ang tumakas na kagawad ng barangay.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

DALAWANG MARKER SA BAGONG LEGISLATIVE BUILDING, INIHAHANDA NA PARA SA INAGURASYON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dalawang marker ang nakatakdang i-unveil sa inagurasyon ng bagong legislative building ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa darating na Hulyo 27.

Ito ang kinumpirma ni vice governor Reynaldo Quimpo sa huling regular session nila sa lumang legislative building.

Anya, sa isang marker, nakasulat rito ang mga pangalan ng miyembro ng ika-16 na Sanggunian at sa isa naman ay ang mga pangalan ng kasalukuyang miyembro o ika-17 Sanggunian.

Nabatid na ang dating bise gobernador na si Gabrielle Quimpo kasama ang ika-16 Sanggunian ang nagpursiging maitayo ang naturang gusali.

Sa kabilang banda, bago paman ang inagurasyon sa susunod na linggo ay magsasagawa ng isang mock session ang mga miyembro ng Sanggunian sa bagong gusali.

Ito ay kasunod ng kahilingan ni SP member Jose Miguel Miraflores sa plenaryo para anya ma-test ang mga equipment roon at blocking nila.

Ang mock session ay gaganapin sa Lunes ng hapon pero sa umaga ng araw na ito ay magsasagawa pa ng mga committee hearing ang Sanggunian sa luma nilang gusali.

Naghahanda na ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lokal ng Aklan para sa inagurasyon ng bagong gusali ng Sangguniang Panlalawigan sa darating na Hulyo 27.

CHINESE NATIONAL NAARESTO NG MGA KAPULISAN SA BAYAN NG KALIBO DAHIL SA POSESYON NG ILIGAL NA DROGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa pang foreigner ang naaresto ng mga awtoridad sa bayan ng Kalibo sa kasong ‘possession of illegal drugs’.

Kinilala ang naturang akusado na isang Chinese national na si Juan Wang, babae, 28 anyos at tubong Suang Chon, China.

Naaresto ang dayuhan sa tinutuluyan nito sa Greenfield Subdivision sa brgy. Andagao, Kalibo kahapon dakong alas-11:00 ng umaga.

Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsamang pwersa ng mga tauhan ng Kalibo municipal police station at Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Aklan.

Una nang naireport na tatlong Taiwanese ang naaresto ng mga awtoridad sa parehong lugar noong isang araw sa pareho ring kaso.

Nabatid na kabilang siya sa 14 mga Taiwanese at Chinese na sinampahan ng kasong paglabag sa section 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni judge Jimena Abellar-Arbis ng Regional Trial Court 6, branch 5 dito sa bayan ng Kalibo nitong Hulyo 11.

Php200,000 ang itinakdang pyansa ng korte sa bawat isa sa kanila para sa pansamantalang kalayaan.

Nakakulong ngayon ang akusado sa Kalibo PNP station para sa kaukulang disposisyon.

MABABANG BILANG NG MGA NABAKUNAHANG ASO SA AKLAN, IKINABAHALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ikinabahala ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang mababang bilang ng mga nabakunahang aso sa buong probinsiya.

Ayon kay SP member Emmanuel Soviet Russia Dela Cruz, base sa nakuha niyang datos sa Office of the Provincial Veterenarian (Opvet), ang probinsiya ay nakapagtala na ng 53,000 mga aso.

Nababahala siya na sa napakalaking bilang ng mga aso sa probinsiya, 5,000 palang umano ang nababakunahan nito sa unang pitong buwan ngayong taon.

Paliwanag pa ng lokal na mambabatas na siya ring chairman ng committee on agriculture, ang pamahalaang nasyonal anya ay naglaan na ng 5950 vials ng anti-rabbies sa probinsiya na katumbas ng nasa 59,000 mga aso.

Kaugnay rito, ipinagtataka niya na sa kabila ng availability ng mga bakunang ito ay kung bakit mababa parin ang bilang ng mga nabakunahang aso.

Nanghihinayang siya na kapag hindi magamit ang mga ito ay mag-eexpire lamang sa 2018.

Ito ang naging presentasyon ni Dela Cruz sa plenaryo, matapos maghain siya ng resolusyon na humihikayat sa mga alkalde na palakasin ang kanilang rabies prevention and control program lalu na sa mass dog vaccination.

Sang-ayon naman ang plenaryo na ipatawag sa pagdinig ng committee on health at agriculture ang mga municipal agriculturist para pag-usapan ang naturang isyu.

Tuesday, July 18, 2017

MGA TAON NG 2017 HANGGANG 2027 IDINEKLARA BILANG “DECADE OF ACTION FOR ROAD SAFETY” SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang mga taon ng 2017 hanggang 2027 bilang “Decade of Action for Road Safety” sa lalawigan.

Ang nasabing resolusyon ay inihain nina SP member Nemesio Neron at Jay Tejada.

Ayon kay Neron, layunin nito na mabigyang pansin at matugunan ang mga aksidente at insidenteng nagaganap sa mga kalsada.

Sinabi pa ng lokal na mambabatas na target nilang mapababa ang road accident sa 50 porsyento sa susunod na limang taon.

Naniniwala ang may akda na sa pamamagitan nito ay maiangat nila ang kamalayan ng taumbayan sa road safety at para makahikayat ng suporta mula sa iba-ibang sektor.

Matatandaan na isinusulong rin ng Sanggunian ang panukalang batas na nagtatakda road safety sa mga kalsadahin sa probinsiya na lusot na sa ikalawang pagbasa.

Una nang sinabi ng may-akda na si SP member Tejada, ang pagbuo ng nasabing batas ay dahil narin sa sunud-sunod na mga kaso ng aksidente sa kalsadahin sa Aklan.

Samantala, nakatakda namang magsagawa ng road safety summit ang probinsiya sa darating na Hulyo 25.

MGA TAIWANESE KALABOSO SA KALIBO SA KASONG 'POSSESSION OF ILLEGAL DRUGS'

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

file photo by JAG
Kalaboso ang tatlong Taiwanese sa bayan ng Kalibo makaraang serbehan ng warrant of arrest sa kasong ‘posSession of illegal drugs’ kahapon.

Unang naaresto ng mga pinagsamang pwersa ng Kalibo PNP at Trackers Team ng Aklan Police Provincial Office ang Taiwanese na si Jhih Hong Chen, 27 anyos.

Sunod namang naaresto ng Kalibo PNP at Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Aklan sina Yu Ting Lien, 35 anyos, at Hsiao Chun Huang, 29, pareho ring Taiwanese national.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga kapulisan sa tinutuluyan ng mga sa Greenfield Subdivison, brgy. Andagao.

Ang mga ito ay sinampahan ng kasong paglabag sa section 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni judge Jimena Abellar-Arbis ng Regional Trial Court 6, branch 5 dito sa bayan ng Kalibo nitong Hulyo 11.

Nasangkot ang mga ito sa ginawang raid ng mga kapulisan sa isla ng Boracay noong nakaraang taon sa isang cybercrime at drug den sa brgy. Balabag.

Naaresto sa operasyon ang 25 mga Taiwanese at Chinese pero kalaunan ay nakapagpyansa maliban sa isa na nahuli sa isang buybust operation.

Php200,000 ang itinakdang pyansa ng korte sa bawat isa sa kanila para sa pansamantalang kalayaan.

Parehong nakakulong ngayon ang mga akusado sa Kalibo PNP station para sa kaukulang disposisyon.

MGA BALA NG BARIL NAREKOBER SA ISANG BAKURAN SA BRGY. NAVITAS, NUMANCIA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dinala sa isang police station ang mga bala ng dalawang magkaibang kalibre matapos makita ito sa isang bakuran sa brgy. Navitas, Numancia.

Sa report ng pulisya, ang mga itinurn-over ay siyam na piraso ng empty shell ng caliber 9mm at anim na empty shell ng caliber .45.

Itinurn-over ang mga ito ni Petra Tipay, 54 anyos, residente ng nasabing lugar.

Una rito, ayon kay Tipay, pasado ala-1:00 ng madaling araw, narinig niya sa labas ng kanilang bahay ang isang lalaki na tinatawag ang kanyang anak para mag-inuman.

Hindi umano niya ito pinansin sa kabila na ilang beses na nagtatawag ang lalaki sa labas pero ilang minuto anya ay nakarinig siya ng ilang putok ng baril.

Namataan umano niya ang lalaki at kinilala niyang si Jay Yacub, nasa legal na edad at residente rin ng nasabing lugar.

Matapos maireport ang insidente sa pulisya, ay agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng suspek gayunman ay nakatakas na umano roon.

Patuloy pa ang ginagawang imbetigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Monday, July 17, 2017

AKELCO HANGGAD NA MAGING ISO CERTIFIED

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hangad ngayon ng Aklan Electric Cooperative (Akelco) na maging ISO certified organization sa mga susunod na araw.

Ito ay nabanggit ni Akelco general manager Alexis Regalado sa kanyang mensahe sa ika-34 na Annual General Membership Assembly ng kooperatiba .

Sinabi ni Regalado, dahil sa tumataas na demand ng suplay ng kuryente lalu na sa lalawigan ng Aklan, lalu pa nilang pinagtitibay ang ugnayan sa board of directors para sa pagbuo ng mga pulisiya sa kapakaa ng kooperatiba.

Palalakasin rin umano nila ang kanilang ugnayan sa multi-sectoral electrification advisory council (Mseac) at ang nakatakdang reorganization ng Akelco workforce.

Aminado ang general manager na ang nakalipas na taon ay puno ng mga suliranin lalu na sa power situation na nagdulot ng mga negatibong reaksyon sa mga member-consumers.

Sa kabila nito, ipinagmalaki naman niya ang parangal na natanggap ng kooperatiba na “AAA”-rated electric cooperative base sa 2016 assessment.

Sa kasaluikuyan ang Akelco ay nakapagtala na ng mahigit 147,000 member-consumers, nakapag-energize ng 341 sitio sa ilalim ng Sitio Electrification Project at sampong barangay sa ilalim ng Barangay Electrification Project.

Patuloy rin ang ginagawang upgrading at extension of lines sa iba-ibang bahagi dahil narin sa tumataas na pangangailangan ng suplay ng kuryente.

Pinasiguro naman ni Regalado na sa kabila ng mga suliraning kinakaharap ng Akelco, pagbubutihin pa nila ang paglilingkod sa mga member-consumers.

FOREIGNER ARESTADO MATAPOS MABARIL ANG ISANG MENOR DE EDAD SA NEW WASHINGTON, AKLAN

Arestado ang isang 61-anyos na foreigner sa bayan ng New Washington makaraang mabaril ang isang 11-anyos na batang lalaki .

Kinilala ang suspek na si Lewis France Sanderson na isang American national at pansamantalang nakatira sa brgy. Fatima sanabing bayan.

Sa report ng New Washington PNP, nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang concerned citizen na may naganap na pamamaril sa nabanggit lugar.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa pangunguna ni PO2 Rolan De Mateo at agad na naaresto ang suspek.

Isinugod naman sa provincial hospital ang biktima na kinilalang si J-Mar Naplaza para malapatan ng kaukulang lunas.

Napag-alam na nangunguha lamang ng bunga ng Indian  mango ang bata kasama ang iba pa ng madaplisan siya ng bala ng baril sa kanyang kamay.

Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na walang intensiyon na barilin ng foreigner ang bata.

Posible anyang namamaril lang sa fishpond ang foreigner nang aksidenteng madaplisan ng bala ng sinasabing airsoft gun ang menor de edad.

Pansamantalang nakakulong ngayon ang foreigner sa New Washington PNP station habang umuusad pa ang imbestigasyon sa nangyari.  

INIREREKLAMONG BASURA NATAPOS NANG HAKUTIN MULA SA BORACAY AYON SA LGU MALAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Natapos nang hakutin ng lokal na pamahalaan ng Malay ang inirereklamong basura  sa centralized material recovery  (MRF) sa brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay.

Ang aksiyon ay kusunod ng ultimatum na ibinigay ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nabatid na natapos ng lokal na pamahalaan na mailipat ang mga basura sa sanitary landfill ng brgy. Kabulihan sa mainland Malay mula sa isla.

Matatandaan na ang DENR 6 ay nagbigay ng atas sa LGU na tapusin ang paglilipat ng basura mula sa Boracay sa Hulyo 17.

Ang problemang ito sa basura sa isla ng Boracay ay nakakuha ng atensiyon ng DENR dahil sa reklamo sa umaalingasaw na amoy nito.

Ang ultimatum ay ibinigay ng DENR kasunod ng atas mula mismo kay Environment Secretary Roy Cimatu na mabigyang tugon ang mga environmental concern sa sikat ng isla ng Boracay.

Ayon sa tanggapan ng alkalde, dinidirekta na ngayon ang mga basurang naiipon sa isla sa nabanggit na landfill sa mainland.

Matapos ito, plano ng LGU na ayusin at gawing “green village” ang dating tambakan ng basura kung saan nila ilalagay ang  Boracay Central MRF at Information Hall na magbibigay ng atensyon sa solid waste management sa isla. (PNA)

2 AKLANON NAARESTO SA LIBERTAD, ANTIQUE DAHIL SA ILIGAL NA PASUGALAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang Aklanon sa bayan ng Libertad sa lalawigan ng Antique dahil sa operasyon ng iligal na sugal sa brgy. Igcagay sa nasabing lugar.

Ayon sa inisyal na report ng Libertad municipal police station, kinilala ang mga ito na sina Analiza Villanueva, 42-anyos ng Polo, New Washington at operator ng sugal, at Rogelio Militar, 46, ng brgy. Bulwang, Numancia at  isang bet collector.

Naaresto rin ng mga kapulisan ang kasama nila na kinilala naman sa pangalang Jessie  Andico, 23, residente ng Nauring, Pandan.

Narekober ng mga awtoridad ang isang set ng drop ball betting tables, tatlong drop balls o pingpong balls, isang unit ng drop ball stainless basket, tatlong color blocks, dalawang set ng color game betting tables, apat na green rectangular basket at isang pink rectangular basket at bet money na  Php290.

Sila ay nahuli ng mga awtoridad na nag-ooperate ng iligal na sugal at kumukolekta ng pera sa mga laro na kilala bilang drop ball at color game.

Ang mga naturang suspek ay pansamantalang ikinulong sa Libertad municipal police station at posibleng sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602. 

19-ANYOS NA LALAKI NATULOG SA GITNA NG NATIONAL HIGHWAY, NABANGGAAN NG MOTORISKLO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nabundol ng isang motorsiklo ang isang 19-anyos na lalaki na natulog sa gitna ng national highway sa brgy. Tabangka, Numancia dakong alas-10:00 ng gabi.

Sa report ng Numancia PNP station, kinilala ang lalaki na si Rollan Balsomo, tubong Negros Occidental at pansamantalang nakatira sa brgy. Badio, Numancia.

Ayon sa pulisya, binabaybay ni John Rey Tibar, 27, ang kahabaan ng national highway mula sa brgy. Poblacion, Makato sakay ng kanyang motorsiklo nang maaksidente siya sa brgy. Tabangka.

Salaysay ng motorista, patungo sana siya sa bayan ng Kalibo nang mabundol niya ang lalaki na napag-alamang nasa ilalim ng nakalalasing na inumin.

Agad namang dinala ng motorista ang sugatang lalaki sa provincial hospital para mabigyan ng kaukulang lunas.

Buluntaryong sumuko sa tanggapan ng Numancia PNP ang motorista na nagtamo rin ng ilang sugat sa katawan samantalang ang lalaki ay naconfine sa provincial hospital.