Friday, June 16, 2017

MGA EVACUEES SA ISLA NG BORACAY MULA SA MINDANAO, UMABOT NA SA MAHIGIT 50 KATAO AYON SA PNP

Boracay PNP file photo
Umabot na sa mahigit 50 evacuees mula sa Mindanao ang pansamantalang naninirahan ngayon sa isla ng Boracay.

Sa panayam kay PSInsp. Mark Gesulga, hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (Btac), nagsimula umano silang magbilang ng mga lumikas nitong Hunyo 4.

Ayon kay Gesulga, karamihan sa mga lumikas ay mula sa Lanao at Marawi na naapektuhan ng kaguluhan o bakbakan doon.Pahayag pa ng hepe, may mga kamag-anak umano ang mga ito sa isla. 

Halos lahat din umano sa mga ito ay mga muslim.

Pinasiguro naman ng hepe na patuloy ang kanilang monitoring sa mga lumikas, katunayan ay sumailalim na sa bio-profiling ang mga ito para birepikahin kung may kaugnayan ito sa mga terorista.

Samantala, nilinaw naman niya na walang kaugnayan ang pamilya Maute na nakatira ngayon sa isla ng Boracay nasa walong taon na sa teroristang Maute sa Marawi.

Nakikipagtulungan rin umano sa kanila ang pamunuan ng Muslim Community sa isla ng Boracay upang siguraduhin na walang makapasok na masasamang tao sa kanilang lugar.

GURO NG KALIBO ELEMENTARY SCHOOL NANAKAWAN NG PHP10 LIBO SA LOOB NG PAARALAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinangay ng suspek na nakiihi sa CR ng eskwelahan ang wallet ng isang guro ng Kalibo Elementary School kahapon.

Ang wallet ay may perang nagkakahalaga ng P10,000.00.

Sa kwento ng guro naganap ang isidente mag aalas 12:00 ng tanghali kahapon, kakatapos lang raw ng klase kaya lumabas ito saglit para magpaxerox. Naiwan sa room ang anak na 7 yearso ld para magbantay.

Sa kwento ng bata Kakaalis lang raw ng kanyang nanay nang pumasok sa room ang isang lalaki at nakiusap na makigamit ng CR at pinayagan naman ng bata.

Pagkaraan ng ilang minuto lumabas na ng CR ang suspek dumaan ito sa table kung saan nakalagay ang shoulder bag ng guro.

Nakita raw ng bata na binubuklat nito ang mga libro sa table. Pagkatapos ay muling nagpaalam na makiki-CR ulit.

Sa bilis ng kamay ng suspek hindi namalayan ng bata na bitbit na pala nito ang bag sa loob ng CR at doon na kinuha ang wallet at power bank.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP sa kasong ito.

MGA ESTABLISYEMENTO SA KALIBO NANGAKONG MAGIGING ‘PROACTIVE’ SA PAGSAWATA NG MGA NAKAWAN

photo (c) Kalibo PNP
Humarap na sa isang pagpupulong sa munisipyo ng Kalibo ang mga kinatawan ng iba-ibang establisyemento komersyal kaugnay ng mga kaso ng nakawan.

Pinangunahan ni Efren Trinidad, Executive Assistant II sa tanggapan ng alkalde, ang nasabing pagpupulong kasama ang mga tauhan ng Kalibo municipal police station.

Ayon kay Trinidad nababahala ang pamahalaang lokal kaugnay sa mga kaso ng shoplifting at pick pocketing at iba pang uri ng pagnanakaw na nangyayari sa mga establisyementong ito.

Kailangan rin anyang maging proactive ang mga tauhan ng mga establisyementong ito kapag may mga ganitong kaso at hindi reactive.

Iminungkahi ni PO2 Erick John De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, na kailangan may magmonitor talaga sa mga close circuit television, mayroon din dapat anyang costumer security relation ang mga establisyementong ito.

Dagdag pa ni De Limos, dapat maglagay rin ng mga friendly reminder ang mga establisyemento para sa mga kostumer para makapag-ingat sa mga magnanakaw.

Positibo naman ang naging tugon ng mga establisyemento at handang makipagtulungan para masawata ang mga kaso ng nakawan rito.

Thursday, June 15, 2017

3 PAMILYA MULA MARAWI CITY, NAGBAKWIT SA AKLAN

Kinumpirma ng Ibajay municipal police station sa Energy FM Kalibo na tatlong pamilya mula Marawi City ang lumikas sa brgy. Aquino, Ibajay sa kasagsagan ng bakbakan doon.

Sa panayam, sinabi ni PInsp. Jose Ituralde, hepe ng Ibajay PNP, dumating umano ang mga nasabing pamilya noon pang Mayo 28.

Ayon sa kanya, si Joy Macadaag, tubong Ibajay, ay nakapangasawa ng taga Marawi at naninirahan na roon kasama ang kanilang mga anak.

Bago paman ang pagsilklab ng bakbakan sa Marawi ay umuwi na si Joy sa Ibajay para dumalo nang alumi homecoming pero hindi na nakabalik sa Mindanao dahil sa nangyari.

Nagdesisyon na lang sila at ang kanyang pamilya na pansamantalang manirahan dito sa Aklan.

Dinala rin ng asawa ni Macadaag ang dalawa niyang kapatid kasama ang kanilang pamilya.

Ayon kay Ituralde, sumailalim sa profiling ang mga evacuees na ito at pinasigurong patuloy ang kanilang monitoring sa mga pamilyang ito.

Balak naman umano ng mga magpapamilya na bumalik sa Marawi kapag humupa na ang kaguluhan roon.

NO SMOKING ORDINANCE NG KALIBO EPEKTIBO NA NGAYONG HUNYO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Epektibo na ngayong Hunyo ang municipal ordinance no. 2016-004 o no smoking ordinance ng bayan ng Kalibo.

Ayon kay Dr. Makarius Dela Cruz, municipal health officer ng Kalibo epektibo na ang ordinansa kahapon, Hunyo 13.

Nagpapatuloy anya ang ginagawa nilang education and awareness campaign lalu na sa mga paaralan sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa nasabing batas.

Magbubukas narin umano ng smoke cessation program ang health office para sa gustong tumigil na sa paninigarilyo.

Nilinaw naman ni Dela Cruz na siya ring vice chairman ng binuong smoke-free council, na wala pa silang gagawing panghuhuli sa mga lumalabag sa ngayon.

Target anya ng lokal na pamahalaan ng Kalibo na bago magtapos ang taon ay mailunsad na nila ang striktong implementasyon ng batas.

Pag-aaralan pa umano ng konseho ang pagbuo ng special task group na nakatutok lamang sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

Wednesday, June 14, 2017

15 BARANGAY SA KALIBO, DRUG INFESTED PARIN AYON SA KALIBO PNP

Nananatiling drug infested ang 15 barangay sa bayan ng Kalibo dahil sa pagbabago ng mga parameter para madeklara na drug cleared.

Bagaman kamakailan ang apat na barangay sa Kalibo ay dineklara nang drug-cleared, ang mga barangay ng Mabilo, Caano, Bakhaw Norte, at Nalook.

Ayon kay PO1 John Michael Recto, police community relation officer ng Kalibo PNP station, kabilang sa mga parameter na ito ang certification mula sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (Badac).

Kailangan din anya na isailalim pa sa community rehabilitation ang mga sumuko sa pagkakasangkot sa droga o kung kinakailangan ay dumaan sa drug rehabilitation center.  

Nabatid na sa 426 drug sureederer sa Kalibo, apat na rito ang nakulong ngayon dahil ang tatlo ay nahuli sa pagtutulak ng iligal na droga samantalang ang isa ay dahil sa pagnanakaw.

Sa 16 barangay tanging ang brgy. Briones lamang ang drug free sa bayan ng Kalibo. 

PNP MULING NAGPAALALA SA TAUMBAYAN KAUGNAY SA MGA KASO NG NAKAWAN SA KALIBO

Tatlong kaso na ng pagnanakaw ang naitala ng Kalibo PNP station ngayon buwan ng Hunyo.

Kaugnay rito, muling nagpaalala si PSInsp. Honey Mae Ruiz, deputy chief ng Kalibo PNP, sa taumbayan na maging mapagmatyag at mag-ingat.

Karamihan umano sa mga kaso ng pagnanakaw na naitatala nila ay pandurukot lalu na sa palengke at sa mga mall at iba pang establisyemento komersyal.

Ayon kay Ruiz, iwasang magdala ng malaking halaga ng pera kapag pumupunta sa mga matataong lugar, gayon din ang pagsusuot ng mga alahas.

Lagi rin anyang ilagay ang bag sa harapan at siguraduhing ito ay nakasara.

Humingi naman siya ng kooperasyon sa taumbayan at sa mga establisyemento komersyal. Hindi umano nila kayang bantayan ang lahat dahil narin sa kakulangan ng kanilang mga tauhan.

PAMUNUAN NG MGA ESTABLISYEMENTO IPAPATAWAG NG LGU KAUGNAY NG MGA KASO NG NAKAWAN

Gumagawa na ng hakbang ang Kalibo PNP station at ang lokal na pamahalaan ng Kalibo kung paano maiwasan ang mga kaso ng nakawan loob ng mga establisyemento komersyal sa bayang ito.

Ayon kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng nasabing police station, nakipag-usap na umano siya sa pamahalaang lokal ng Kalibo para maipatawag ang pamunuan ng mga nasabing establisyemento.

Mungkahi ng hepe, dapat anyang may magmonitor sa close circuit television ng mga establisyementong ito para mahuli agad ang mga suspek. 

Mayroon din dapat anyang mga civilian guard na nag-iikot sa loob para magmonitor sa galaw ng mga tao.

Humingi naman siya ng kooperasyon sa pamunuan ng mga ito at maging sa taumbayan. Hindi umano nila kayang bantayan ang lahat dahil narin sa kakulangan ng kanilang mga tauhan.

Matatandaan na nitong buwan ng Hunyo ay suod-sunod na naman ang naitalang kaso ng pandurukot sa loob mismo ng mga establisyementong ito.

PAGLALABAS NG I.D. PARA SA MGA TRICYCLE DRIVER, HANGGANG BIYERNES NALANG

Hanggang Byernes nalang ang paglalabas driver’s i.d. para sa mga tricycle driver na pumapasada sa bayan ng Kalibo.

Sinabi ni Artemio Arrieta, administrative officer ng Sangguniang Bayan, ang paglalathala ng driver’s accreditation i.d. ay alinsunod sa ordinance 2013-11.

Ayon sa kanya, nakasaad sa batas na ito na lahat ng mga driver na pumapasada ay kinakailangang kumuha ng accreditation i.d.

Nagsimula umano sila sa dry-run lang sa mga nakalipas na taon at ngayong taon ay strikto nang ipapatupad ang nasabing batas.

Simula Hulyo anya ay posible nang mapatawan ng Php500 na penalidad ang mga driver na bumibiyahe at mahulihan na walang i.d.. Papatawan rin ang operator ng Php1000 na penalidad.

Simula Abril ngayong taon ay nagsimula na silang maglathala ng nasabing i.d na mayroong mga bagong features at hindi basta mapepeke.

Sinabi ng opisyal na isasabit ang i.d sa harapang bahagi ng tricycle para makilala ng mga pasahero ang driver.

Tuesday, June 13, 2017

NO. 2 MOST WANTED SA BAYAN NG MALINAO SA KASONG RAPE, ARESTADO

Arestado ang no. 2 most wanted sa bayan ng Malinao sa kasong rape matapos ang nasa 24 taong pagtatago.

Kinilala ang suspek na si Giovanie Balbino, 51 anyos, tubong Madalag, Aklan at kasalukuyang nakatira sa Purok 2, C. Laserna St., Kalibo.

Naaresto ang lalaki sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte noon pang 1993 at may Php30 libo itinakdang pyansa para sa temporaryong kalayaan.

Napag-alaman na kakauwi lang ng lalaki mula sa Maynila kung saan siya naglagi ng matagal na panahon.

Ikinasa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Kalibo PNP, Malinao PNP at Crime Investigation and Detection Group - Aklan.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Malinao municipal police station at nakatakdang dalhin sa kaukulang korte.

DEPEKTIBONG DETECTOR NG FUS MERCANDISE PINALITAN NA PATI MGA GWARDIYA

Pinalitan na ng pamunuan ng FUS Merchandise ang depektibong detector na matagal nang inirereklamo ng ilang mga kostumer.

Ito ang pinasiguro ng pamunuan ng nasabing establisyemento kay Kalibo mayor William Lachica.

Maliban rito, pinalitan maging ang mga gwardiya na inireklamo rin ng pagiging arogante sa paghawak ng mga kostumer na nabibiktima ng pekeng detector.

Magugunitang ipinatawag ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang pamunuan ng FUS Merchandising upang pagpaliwanagin sa kasong ito.

Matatandaan na ilang tao na ang nagreklamo na sila ay napagkamalang nagshoplift at napahiyaa nang busisiin ang kanilang gamit at pinamili dahil sa hindi wastong pagtunog ng detector.

Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng naturang establisyemento sa alkalde maging sa mga kostumer na nabiktima ng palyadong detector.

MUFFLER ORDINANCE NG KALIBO INAMYENDAHAN NA KASUNOD NG REKLAMO SA IREGULARIDAD NITO

Inamyendahan na ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang municipal ordinance no. 2016-003 o muffler ordinance ng munisipyo.

Nilinaw ng mga opisyal kung ano ang tinutukoy na ‘motor vehicle’ sa section 2, definition of terms, item (e) ng nasabing ordinansa.

Base sa bagong depinisyon, ang motor vehicle ay tumutukoy umano sa lahat ng sasakyan; pero dahil sa kadalasan anyang ang mga motorsiklo ang may maiingay na muffler ay ito ang kanilang pagtutuunan ng pansin.

Magugunitang tinawag na ‘iligal’ ni Poblacion punong barangay Mary Jane Rebaldo na ang pagsira kamakailan ng mahigit 300 muffler na nakumpiska.

Kaugnay rito, hindi muna ipinapatupad ng mga tanod ng barangay Poblacion ang nasabing batas dahil ito ay iligal at wala pa silang natanggap na deputation mula sa alkalde.

Monday, June 12, 2017

MATANSADOR ARESTADO SA PAGTUTULAK NG DROGA SA BORACAY

Arestado ang 28 anyos na matansador sa isla ng Boracay sa pagtutulak ng droga.

Kinilala ang suspek na si Bryan Colesio, 28 anyos, tubong General Santos City at nakatira sa so. Tambisaan, brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay.

Naaresto ang lalaki sa buybust operation na ikinasa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Malay municipal polive station, Boracay tourist assistance center, Philippine Drug Enforcement Agency 6, at 12 IB TIU MIG6.

Sa operasyon sa residensya ng suspek, nabilhan ito ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php1000 buy bust money.

Narekober din sa kanyang posisyon ang tatlo pang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Ayon kay PCInsp. Rogelio Tomagtang, bago lang umano nila namonitor ang nasabing lalaki na kumukuha umano ng bultong suplay ng droga sa GenSan.

Samantala, sa panayam sa suspek, itinatanggi niya ang akusasyong nagtutulak o gumagamit siya ng iligal na droga.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEU ang nasabing lalaki at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165.

MAYOR LACHICA NANAWAGAN NG PAGKAKAISA SA ARAW NG KASARINLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nanawagan ng pagkakaisa si Kalibo Mayor William Lachica sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kasarilan ng bansa.

Ayon kay Lachica, sa mga nararanasan na problema ng bansa kabilang na ang nagpapatutloy na bakbakan sa Marawi City, mahalaga na magtulungan ang bawat isa para sa pagbabago.

Ibinigay ng alkalde ang kanyang mensahe sa maiksing program sa Pastrana Park na dinaluhan ng mga opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan at iba pang organisasyon.

Ang paggunita ay nagsimula sa isang misa ng pasasalamat sa St. John the Baptist cathedral saka sinundan ng pagmartsa ng bandila ng Pilipinas.

Pinangunahan naman ng Deparment of Education – Aklan chorale ang pag-awit ng Lupang Hinirang habang pinangunahan naman ni mayor Lachica ang pagtataas ng watawat.

Ang alkalde rin ang nanguna sa pagbigkas ng panunumpa sa watawat ng Pilipinas.

Kabilang rin sa mga dumalo sa nasabing aktibidad ang Philippine Army, mga kapulisan,  XIX martyrs lodge #342 mason, municipal disaster risk reduction management office, Naval ROTC, Philippine coastguard at Knights of Columbus.