Wednesday, November 22, 2017

BAGONG PENRO-AKLAN PINASIGURO ANG TRANSPARENCY SA KANYANG LIDERATO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasiguro ngayon ng bagong talagang officer in charge ng Provincial Environment Natural Resources Office (PENRO) - Aklan ang transparensiya sa kanyang liderato.

Si Bernabe “Bing” Garnace ay nagsimulang maupo nitong Lunes kapalit ng na-dismiss na si dating PENRO Ivene Reyes dahil sa kasong extortion na kinsasangkutan niya.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, nais niya na maayos ang isyu ng kurapsiyon sa kanilang tanggapan. Kaugnay rito, nanawagan siya ng pagtutulungan at pagkakaisa sa kanyang mga kasama sa PENRO.

Si Garnace ay tubong Roxas City, Capiz at huling naglingkod bilang CENRO sa Mambusao sa kanilang probinsiya. Nagtrabaho rin siya sa tanggapan ni DENR regional director Jim Sampulna.

Kamakailan lang ay lumihaw ang ilang mga tauhan ng PENRO-Aklan kay Sampulna na bigyan sila ng isang opisyal na walang bahid ng kurapsyon at may malinis na pagkatao.

Monday, November 20, 2017

DR. DREYFUSS PERLAS BINIGYAN NG PHOSTHUMOUS COMENDATION NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy  FM 107.7 Kalibo

Binigyan ng posthumous commendation ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pinaslang na doctor na si Dreyfuss Perlas ng Batan, Aklan.

Ang 31-anyos na doktor ay binaril at pinatay sa Kapatagan, Lanao del Norte gabi ng Marso 1 habang sakay sa kanyang motorsiklo pauwi galing sa medical mission.

Ang komendasyon ay kasunod ng pinamalas na kabayanihan at hindi matutumabasang paglilingkod ni Perlas bilang volunteer ng Doctor to Barrio sa nabanggit sa Sapad, Lanao del Norte.

Tinanggap ng kanyang kapatid at mga magulang ang nasabing pagkilala. Si Dr. Perlas ay anak nina Batan SB member Dennis Perlas at Leovigilda Perlas, isang public school teacher, .

Ginawad ito sa regular session ng Sangguniang Lunes ng hapon.

Sa kanyang mensahe, pinahayag ni Mrs. Perlas ang kanyang pasasalamat sa mga opisyal ng probinsiya sa pagkilalang iginawad sa kanilang anak bagaman hindi ito naglingkod sa Aklan.

Matatandaan na si Dr. Perlas ay ginawaran rin ng posthumous award na “Hero on National Health” ng Department of Health.

33-ANYOS NA MISIS TUMALON SA BARKO SA BAYBAYING SAKOP NG ROMBLON

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang 33-anyos na misis ang tumalon sa barko sa baybaying sakop ng Romblon ang patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng Philippine Coastguard.

Kinilala ng Coastguard-Caticlan ang biktima na si Richelle Pagdato, San Dionisio, Iloilo.

Ayon kay Lt. Comm. Eric Ferrancullo, komander ng Coastguard-Caticlan, naganap umano ang insidente Lunes dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Nakita pa umano ng ilang crew ng barko ng tumalon ang babae subalit hindi na nila ito nakita pa. Nasa dalawang oras namang huminto ang barko sa lugar para magsagawa ng search and rescue operation pero hindi parin sya natagpuan.

Galing sa Maynila ang nasabing babae kung saan nagtratrabaho ang kanyang asawa. Kasama ng biktima sa kanyang biyahe ang 2 at ½ taong gulang na batang babae.

Naibalik na sa pamilya nang ligtas at nasa maayos na kalagayan ang nasabing bata. 

Hindi pa malaman ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pagtalon ng babae sa barkong MV Starlight Eagle biyaheng Batangas-Caticlan.

Samantala, patuloy na magsasagawa ng search operation ang mga taga-coastguard para makita ang misis.

MGA KATUTUBONG ATI PAPARADA NARIN SA KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakakita na ba kayo ng mga katutubong Ati na pumaparada at sumasayaw sa Kalibo Ati-atihan festival?

Well, sinusulong ngayon ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. (KASAFI), festival organizer, na bigyan ng pagkakataon ang mga katutubong ito na lumahok sa pagdiriwang.

Kinumpirma mismo ito ni KASAFI chairman Albert Meñez sa Energy FM Kalibo. 

Kamakailan lang ay personal na binisita ni Meñez ang Ati community sa Brgy. Bulwang, Numancia. Napag-alaman niya na na nais ring pumarada ng mga Ating ito sa kanilang katutubong sayaw suot ang malong.

Ayon pa kay Meñez, ang parada ng mga Ati ay posibleng ganapin sa araw ng Lunes sa pagbubukas ng sang-linggong pagdiriwang sa buwan ng Enero.

Napag-alaman na ang plano ay kasunod ng rekomendasyon ni professor Sharon Masula, PhD., ng Aklan State University – Ibajay .

Nakasaad sa kanyang research na “Ang Realismo at Kahalagahang Pantao sa Pagdiriwang ng Ati-atihan Bilang Salamin at Kultura ng mga Akeanon” ang saloobin ng mga katutubo na mapasama rin sa nasabing selebrasyon.

Ang pag-aaral ay unang binahagi sa ASU University Symposium on Research and Development Highlights nitong Nobyembre 16 sa Banga Campus.

Naniniwala ang professir na isa itong malaking development sa kasaysayan ng "The Mother of All Philippine Festival".