Friday, March 09, 2018

HALOS PHP3 TAAS PASAHE ISINUSULONG NG MGA TRICYCLE DRIVER AT MGA OPERATOR SA KALIBO

Humihirit ngayon ng halos Php3.00 dagdag singil sa pamasahe ang mga tricycle driver at operator sa Kalibo.

Idinulog na ng Federation of Kalibo Tricycle Driver's and Operator's Association (Foktodai) ang nasabing panukala sa Sangguniang Bayan.

Ayon sa sulat ng asosasyon, nais nilang taasan ang pamasahe mula sa kasalukuyang Php7.50 ay gawin itong Php10.00 na minimum.

Ikinatwiran pa nila na ang ibang toda ay nagtaas na ng nasa Php12.00.

Paliwanag ng Foktodai, ang rekomendasyong ito sa Sanggunian ay kasunod narin umano ng walang humpay na pagtaas ng produktong petrolyo.

Sinabi nila sa sulat na nasa Php55.85 ang presyo ng gasolina ngayon bawat litro. Dahil dito ay apektado umano ang kanilang kinikita.

Maliban dito, apektado rin umano sila ng pagtaas ng mga motor parts kagaya ng pyesa at goma.

Binanggit rin ng asosasyon ang planong pagtaas ng pamasahe noong 2017 pero hindi umano sila pinayagan noon.

Nakatakda namang dinggin ang nasabing hiling ng mga tricyle driver at mga operator sa darating na Marso 20.

LASING NA PASAHERO NG TRICYCLE NAPAHIMBING SA PAGKAKATULOG

Dinala ng isang tricycle driver ang babaeng ito sa Kalibo PNP station dahil napahimbing ito sa pagkakatulog sa tricycle.

Sumakay umano sa tricycle ang babae mula sa overtime bar at nagpahatid sa Mabini St., sa Kalibo.

Nang marating ang sinasabing lugar tulog na tulog na ito at humihilik pa. Pilit ginigising ng driver pero hindi kinaya hanggang sa naiisip nito na dalhin na lamang sa police station.

Pagdating sa PNP station tulog parin kaya doon na inumaga.

Alas 7:00 pasado na ng umaga nagkamalay ang babae. - Archie Hilario, EFM Kalibo

Thursday, March 08, 2018

MGA AIRLINE COMPANY SA AKLAN IPAPATAWAG NG SP MEMBER DAHIL SA HINDI MAGANDANG TRATO SA KANYA SA EROPLANO

Planong ipatawag ni Sangguniang Panlalawigan member Hary Sucgang ang mga airline company para sa isang pagdinig sa mga karapatan ng mga pasahero.

Kasunod ito ng hindi magandang karanasan kung saan hindi umano inasikaso ng mga stewardess ang kanyang bagahe at hinayaan lamang umano sa gitna ng eroplano.

Paliwanag ni Sucgang, karapatan umano niya bilang senior citizen ang alalayan siya. Naniniwala ang opisyal na hindi lamang siya ang nakaranas ng mga inconvenience na ito kabilang na ang mga delayed flight.

Kaugnay rito, naghain ng resolusyon si Sucgang para ipatawag ang mga airline company, pati na ang CAB at CAAP sa isang pagdinig sa Sanggunian para ipaliwanag ang karapatan ng mga senior citizen, may mga kapansanan at mga buntis na pasahero.

Ito ay para anya maprotektahan ang kanilang mga karapatan at mabigyang kaalaman ang mga pasahero lalu na ang mga apektado na walang kakayahang magsampa ng kaso sa korte.

Bago pa man siya naghain ng resolusyon, tinanggihan na ng mga kasamahan niya sa Sanggunian na dinggin ang nangyari dahil personal umano ito at ang nararapat niyang gawin ay magsampa ng kaso.

Umaasa naman siya na sa susunod na sesyon ay papabor na sa kanya ang kanyang mga kasama para sa interes ng publiko.

SEN. VILLAR HANDANG IPASARA ANG KANILANG HOTEL SA BORACAY

Hindi kawalan sa mega real estate business ng pamilya ni Senator Cynthia Villar kung kasama sa ipapasarang establismento ang pag-aari nilang hotel sa isla ng Boracay.

Ngunit sinabi ni Villar na bago sila magsagawa ng pagdinig sa Boracay noong nakaraang linggo, kinumpirma muna niya sa kanilang kumpanyang Vista Land na hindi kasama ang kanilang Boracay Sands Hotel sa mga tinukoy na lumalabag sa environmental laws.

Aniya ayaw niyang mapahiya at nalaman niya na compliant ang kanilang hotel.

Ukol naman sa Costa Dela Vista na nasa Boracay din, sinabi ni Villar na ang negosyo ay joint-venture at gayunpaman kung may paglabag ito ay hindi rin kawalan sa kanila.

Iginiit ni Villar na kabilang pa siya sa tunay na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Magugunitang sinabi ni Villar na mas makakabuting huwag magpatupad ng total closure sa mga establishemento sa Boracay at ang ipasara lamang ay iyung lumalabag sa environmental laws. - Radyo INQUIRER

DUTERTE: MGA HAHARANG SA REHABILITASYON NG BORACAY AARESTUHIN

Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga residente at business owners sa Boracay kaugnay sa binabalak nilang kilos-protesta para harangin ang pansamantalang pagsasara at rehabilitasyon ng nasabing isla.

Sa kanyang talumpati sa 145th founding anniversary ng lalawigan ng Tarlac, sinabi ng pangulo na hindi siya magdadalawang-isip na ipaaresto ang mga haharang sa rehabilitasyon ng Boracay.

Kinakailangan na umanong manghimasok ng national government dahil sa malalang problema sa pagkasira ng kapaligiran ng nasabing tourists’ destination.

Alam umano ni Duterte na maraming negosyo at hanap-buhay ang maaapektuhan pero kinakailangang gawin ang paglilinis sa isla.

Kailangan na umano ang intervention ng national government sa ngalan ng public interest, public health at peace and order.

Isa sa mga sinabing opsyon ng pangulo ay ang pagdedeklara ng state of calamity sa isla para magamit ang calamity fund na pang-ayuda sa mga maapektuhan sakaling matulong ang temporary closure nito.

Nauna nang sinabi ng pangulo na isang “cesspool” ang Boracay island dahil na rin sa kapabayaan ng mga local officials doon. - Radyo INQUIRER

DOLE PINAGHAHANDAAN NA ANG POSIBLENG EPEKTO SA MGA EMPLEYADO KAPAG IPINASARA ANG BORACAY

Kasalukuyan nang nagpa-plano ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung ano ang maibibigay nilang tulong sa mga empleyadong lubhang maaapektuhan oras na matuloy ang pagpapasara sa Boracay Island.

Ayon kay Labor Usec. Joel Maglunsod, naghahanap na sila ng maaring ibigay na alternatibong trabaho sa mga empleyado.

Iaalok aniya ng DOLE sa mga maaapektuhang empleyado ang kanilang emergency employment program o livelihood assistance.

Kabilang sa mga maari din aniyang gawin ng mga ito pansamantala ay ang pagtulong sa paglilinis sa Boracay bilang bahagi ng rehabilitasyon nito, na malamang na dahilan ng pagpapasara ng isla.

Tinatayang aabot sa 17,000 ang mga maapektuhan sakaling ipasara ang isla, pero tiniyak ni Maglunsod na mababayaran ng mandatong minimum wage ang mga ito sa kanilang magiging mga pansamantalang trabaho.

Ngayon inaasahang magkakaroon ng pagpupulong ang DOLE Western Visayas at Boracay Industry Tripartite Council para mas ma-plano ang pagpapasara sa isla. - Radyo INQUIRER

OPINYON: PROYEKTONG NAKATIWANGWANG, DAHILAN NG MGA AKSIDENNTE

Ito po ang itsura ng ilang bahagi sa kahabaan po ng national highway sa Brgy. Dumga, Makato.

Binungkal ang kalsada dahil sa mga tumatagas umano na tubig sa linya ng water district.

Pero hanggang ngayon ilang linggo o buwan na ang nakalilipas tila wala yatang changes sa ginawa nilang ito.

Kapansin-pansin rin ang mga aksidente sa kalsadang ito dahil nagiging sagabal ang kanilang mga signage na kulang rin sa reflector.

Sana naman po boss, amo, sir, general... problem... inaayos nyo na ito para hindi maging sagabal sa mga motorista at wala nang aksidente pang mangyari dito.

Wednesday, March 07, 2018

NASA 30 STALLS SA PUKA BEACH SA BORACAY, KUSANG GINIBA

Nasa 30 mga stalls at mga cottages sa Puka Beach sa Isla ng Boracay, giniba na ng mga may-ari.

Alinsunod ito sa atas ng DENR at ng lokal na pamahalaan dahil pasok umano ito sa 25+5 meters easement mula sa shoreline.

Nabatid na karamihan sa kanila ay mga Boracaynon.

Ang iba bagaman suportado ang atas ni Pangulong Rodrigo Duterte, namomoroblema ngayon kung paano na ang kanilang negosyo at trabaho na tanging inaasahan nila at ng kanilang pamilya.

Panawagan nila sa gobyerno ang mabigyan sila ng kaukulang tulong.

MGA ESTABLISYIMENTO SA BORACAY BOLUNTARYONG TINANGGAL ANG KANILANG MGA STALLS

Nagsimula na ang ilang mga store-owners sa Puka Beach sa isla ng Boracay na mag-self demolish ng kanilang mga itinayong stalls.

Mahigit 30 mga establisyimento sa nasabing lugar ang inisyuhan ng lokal na pamahalaan ng Malay ng paglabag sa easement rules at sanitary regulations.

Ayon kay Executive Assistant to the Mayor Rowen Aguirre, pawang nakatayo sa no-build zone ang mga stalls. Bukod pa dito, wala ring health card ang mga nagtitinda ng pagkain at wala ring septic tank at proper disposal system ang mga establisyimento.

Karamihan sa mga may-ari ng mga illegal stalls ay mga residente rin ng Boracay.

Bagaman handa silang sumunod sa mga otoridad ay humihingi naman sila ng tulong sa pamahalaan na bigyan sila ng ibang ikabuubuhay.

Samantala, nakatakdang bumalik sa isla ngayong linggo si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu para naman inspeksyunin ang mga wetland na tinatayuan rin ng iba’t ibang mga establisyimento.

Sa record ng DENR, mayroong 11 mga wetland sa Boracay at 7 dito ang na-reclaim na at tinayuan na ng mga istraktura. - Radyo INQUIRER

PANGULONG DUTERTE MAGDEDEKLARA NG STATE OF CALAMITY SA BORACAY

Magdedeklara si Pangulong Rodrigo Suterte ng State of Calamity sa Boracay ilang linggo matapos nitong iutos ang paglilinis ng isla.

Sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission, sinabi ng pangulo na inutusan niya si Environment Secretary Roy Cimatu na tapusin ang problema sa Boracay at ito na ang magdesisyon kaugnay ng planong animnapung araw o hanggang anim na buwan na rehabilitasyon ng sikat na tourist destination.

Ayon sa presidente ang desisyong ito ay batay na rin sa naging rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government sa pangunguna ni officer-in-charge Eduardo Año.

Giit ng pangulo, ang problema sa boracay ay isang public health at public safety issue kaya pwede siyang magdeklara ng State of Calamity.

“I can order for this thing to happen because it is public interest, public safety, and public health para malaman ninyo”, ayon sa pangulo.

Nagbabala naman si Duterte sa mga korte na huwag makialam sa isyu sa pamamagitan ng paglalabas ng temporary restraining order.

“And I would caution the courts not to interfere by issuing TRO because you would just exacerbate the situation. And the worst baka hindi kita paniwalaan," ani Duterte.

Inutusan din nito ang mga lokal na opisyal sa isla na makipagtulungan sa national government at bilisan ang paglilinis ng boracay.

Hanggang may dumi anya na lumalabas mula sa mga drainage papunta sa dagat ay hindi niya papayagan na bumalik sa isla ang negosyo na lumabag sa environmental laws. - Radyo INQUIRER

21-ANYOS NA LALAKI NAGBARIL SA SARILI PATAY!

Patay ang 21-anyos na lalaki matapos magbaril sa sarili sa Tigayon, Kalibo, Aklan.

Bago maganap ang pagbaril sa sarili nagpost muna sa Facebook ang biktima.

Nakasaad sa huling post ang kataga na "I love you" at pangalan ng babae.

Sa naunang post naman nakasaad na nagpahula umano sila sa manghuhula at nakalagay din kung ano ang sinabi nito. - Archie Hilario, EFM Kalibo


BORACAY PERMITS, SISILIPIN NG DILG

Hihimayin ng binuong grupo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Eduardo Año ang lahat ng permits na ibinigay sa mga negosyo sa isla ng Boracay.

Ayon kay Año, ang 12-man team ay pamumunuan ni Assistant Secretary for Plans and Programs Epimaco Densing III ang Boracay Investigating Team (BIT).

Dagdag pa ng kalihim, ang grupo din ni Densing ang magrerekomenda kung sino ang mga dapat kasuhan para papanagutin sa pagkakasalaula ng Boracay.

Sinabi din nito na hindi niya paliligtasin sa kanilang pag-iimbestiga maging ang mga negosyante na nakikipagkutsaba sa mga opisyal.

Dagdag pa ng opisyal, inatasan din nito ang grupo ni Densing na alamin kung paano ginasta ang sinisingil na environmental fee sa pamosong isla. - Radyo INQUIRER

MGA EMPLEYADO SA BORACAY, AALUKIN MAGING DEMOLITION CREW

Aminado si Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo na daan-daan ang maaring mawalan ng trabaho dahil sa pagpapasara ng mga negosyo sa isla ng Boracay.

Kaya’t aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga maaring malipatan na trabaho ng mga empleyado.

Nabanggit din ni Tulfo-Teo na posible naman na ilan sa mga mawawalan ng trabaho ay pumasok bilang bahagi ng demolition team na wawasak sa mga ilegal na istraktura.

Maari din naman na mag-trabaho din sila bilang bahagi ng construction team.

Sa datos ng kagawaran, may halos 18,000 ang nagta-trabaho sa isla at marami sa kanila ay galing pa ng Metro Manila, Cebu, Negros at ilang probinsya sa Luzon.

Umaasa din ang kalihim na ang mga local government units (LGUs) sa Region 6 ay makakatulong sa pagbibigay ng trabaho sa mga maapektuhang manggagawa ng Boracay. -Radyo INQUIRER

LGU MALAY NANAWAGAN NG SELF-DEMOLITION SA MGA PUBLIC ACCESS SA BORACAY

Nanawagan ngayon si Malay Mayor Ceciron Cawaling ng self-demolition sa mga establisyemento na nakakasagabal sa publiko.

"Kayo po ay hinihikayat ko na magsagawa ng self-demolition para sa inyong mga establisyemento na nasa sidewalks, road right of ways, at beaches," panawagan ng alkalde.

Ilan sa mga nabanggit niyang lugar na kailangan magsagawa ng self-demolition ay "Puka Beach, Tulubhan, Long Beach, Kandingon, Tambisaan, Diniwid, Balinghai, Bolabog, Malabunot, at Manocmanoc Proper Beach."

"Nais ko rin pong ipaalam sa inyo na magsasagawa ang LGU Malay ng demolisyon sa araw ng Miyerkules, ika-pito ng Marso 2018," dagdag pa ni Cawaling.

Paliwanag niya, ang boluntaryong self-demolition ay magpapabilis sa paglilinis ng Boracay.

Sinabi rin niya na ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang isla sa loob ng anim na buwan.

Samantala, sa news release ng Aklan Police Provincial Office, nagsasagawa ngayon ng on-site inspeksyon sa isla ang mga star-ranking official ng kapulisan. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

TARPAULIN NG BATANG NI-RAPE PINATAY AT SINUNOG SA LIBACAO, AKLAN PINATATANGGAL?

Pinatatanggal raw ng mga kasimaryo ang tarpaulin ng batang ito na nirape, pinatay at sinunog sa Julita, Libacao, Aklan.

Ayon sa pahayag ng nanay naniniwala raw ang ilan sa mga kasimaryo nila na ito ang dahilan ng sunod sunod na pagkakaroon ng sakit at pagkamatay ng ilan sa mga kasimaryo.

Mas tumindi raw ang hinanakit ng pamilya dahil hanggang ngayon ay wala paring hustisyang natanggap ang bata tapos ipapatanggal pa ang tarpaulin nito.

Wala pang pahayag ang opisyales ng Barangay sa ngayon. - Archie Hilario, EFM Kalibo

KAPULISAN SA BORACAY MAY PANAWAGAN SA MGA DRIVER NA HINDI NAGPAPASAKAY NG MGA BATA

Pinasakay ng mga kapulisan ang mga batang ito na nag-aaral sa Yapak Elementary School sa kanilang patrol car ng libre dahil walang mga tricycle, e-trikes, o multicab na nagpapasakay sa kanila.

Nanawagan ang mga kapulisan ng Boracay Police Community Precinct (dating Boracay Tourist Assistance Center ) sa management ng transport group sa isla na disiplinahin ang mga driver nila.

Narito ang kanilang panawagan:

"CALLING THE ATTENTION OF BLTMPC TRANSPORTATION MANAGEMENT:
Please do/give corresponding action to some of your drivers. Pupils walked from Yapak Elementary School going to Puka Beach Area where lot of E-Trikes, Tricycles and Multicabs were on standby but drivers choose tourist passengers and ignore local commuters especially pupils. Local commuters look like an OPTION OR CHANCE PASSENGERS."

Tuesday, March 06, 2018

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN IAAPELA KAY PANGULONG DUTERTE NA HUWAG ISARA ANG BORACAY

Nakatakdang iapela ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag isara ang Isla ng Boracay.

Una ng nagbanta ang pangulo na ipasasara ang top island destination kapag hindi ito nalinis sa loob ng anim na buwan.

Plano naman ng Department of Tourism at ng Department of Interior and Local Government na isara ang isla sa loob ng 60-araw para bigyang daan ang rehabilitasyon nito.

Sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SP member Esel Flores tanging ang mga lumalabag na establisyemento lamang ang isara at hindi ang buong isla.

Duda naman si Vice Governor Reynaldo Quimpo na maisara ang isla dahil wala umano itong legal na basehan. Kulang rin anya ang 60-days para maisaayos ang Boracay.

Payag naman si SP Nemisio Neron na isara ang Isla kung ito umano ang paraaan para maisaayos ang ito para mapakinabangan pa ng mahabang panahon.

Ayon naman kay board member Jay Tejada impossibleng maisara ang Boracay dahil hindi umano ito nasasaad sa local code.

Dahil sa magkaibang pananaw ng mga miyembro, nagsagawa ng botohan ang Sanggunian kung saan pumabor ang mayorya na huwag isara ang Boracay.

Una nang nagpasa ng resolusyon ang Sanggunian na sumusuporta sa panawagan ng presidente na linisin ang Boracay. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

AKLANON NAG-TOP 5 SA MECHANICAL ENGINEER, CPM BOARD EXAM

Top 5 sa February 2018 Mechanical Engineer (ME), Certified Plant Mechanic (CPM) board exams ang isang Aklanon.

Siya si Kim Patrick Gonzales ng Brgy. Tigayon Kalibo na nagtapos ng Mechanical Engeneering sa Garcia College of Technology.

Sa facebook post ni Engr. Gonzales, nagpaabot ito ng pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng kanyang tagumpay kabilang na ang kanyang pamilya.

Maging ang mga nagda-down sa kanya ay kanya ring pinasalamatan dahil nagsilbi umano itong determinasyon sa kanya.

"Sa mga gadown kang ag sang pamilya, gapasaeamat man gihapon ako nga mas pinabaskog nyo pa ang determinasyon," ayon sa kanyang FB post.

Pinasalamatan nya rin ang Panginoon na nasagot ang kanyang hiling sa kabila nang kawalang pag-asa niya.

"Thank you Lord dahil gintao mo gid ang ginapangayo bisan eaum ko hai wa eon pagasa," dagdag pa niya.

Nakatakda namang gawaran ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ang matagumpay na Aklanon.

Congratulations mula sa Energy FM Kalibo at sa lahat ng mga Kasimanwang Aklanon!

72-ANYOS NA BABAE NABUNDOL NG MOTORSIKLO SA BAYAN NG MAKATO

Sugatan sa ulo ang matandang babae na ito matapos umano siyang mabundol at takbuhan isang motorsiklo Lunes ng gabi sa bayan ng Makato.

Kinilala ang biktima sa report ng Makato PNP na si Amor Torente y Cawaling, 72-anyos ng Brgy. Calimbajan.

Ayon sa mga residente roon, pauwi na umano ng bahay ang biktima nang mabundol siya ng di pa nakikilalang motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng national highway.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa lugar at isinakay sa kanilang sasakyan ang biktima para isugod sa ospital.

Samantala, sa pareho ring bayan, isa 65-anyos na lalaki ang na-hit and run rin sa Brgy. Poblacion dakong alas-7:30 ng gabi habang sakay sa kanyang motorsiklo.

Pauwi narin ng bahay si Boy Gorgorio Tubao Jr nang mahagip ito ng isa pang motor na nakikipagkarera umano sa isa pang motorsiklo.

Nagtamo ng ilang sugat sa katawan ang biktima at dinala rin agad sa ospital.

Iniimbestigahan na ng Makato PNP station ang parehong insidente.

DALAGANG NATUTULOG PINASOK NG KAPITBAHAY



Dumulog sa pulisya ang isang 20-anyos na dalaga at nagsumbong tungkol sa maitim na balak ng kapitbahay na binata.

Sa salaysay ng dalaga natutulog umano ito sa sofa bandang alas-9:00 ng gabi nang pasukin ng binata.

Sinabihan umano ito na wag maingay at sumunod lang sa nais nito. Sa matinding pagkagulat tumakbo ito patungo sa kusina.

Nataranta rin daw ang suspek kaya tumakbo na ito palabas ng bahay.

Iniimbestigahan na ang kaso.

Paalala ng PNP huwag kalimutang i-lock ang pintuan o gate ng bahay bago matulog.

70-ANYOS NA LALAKI NAHULOG AT NALUNOD SA AKLAN RIVER, PATAY

Patay ang matandang lalaki na ito matapos siyang madulas at mahulog sa istaka at nalunod sa ilog.

Naganap ang insidente Lunes ng hapon sa Libtong, Brgy. Estancia, Kalibo habang ang biktima ay naglalakad lamang sa ilog.

Kinilala ang biktima na si Rodulfo DelaCruz, tinatayang 70-anyos at taga-C. Quimpo st., Kalibo.

May mga nakapansin sa pagkahulog ng biktima mula sa kalayuan. Umabot pa ng halos isang oras bago nakita ang biktima sa ilog.

Wala nang buhay ng matagpuan ang biktima matapos malunod. Nagtamo rin ito ng sugat sa ulo na posibleng tumama sa matigas na bagay.

Naniniwala ang pamilya na wala namang foul play sa insidente. Posible anilang nahulog ang biktima dahil naout-balance ito. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Monday, March 05, 2018

BIRTH REGISTRATION SA AKLAN NAGTAAS

Base sa report it Philippine Statistics Authority (PSA) iya ro kabilugan nga birth documents sa probinsya it Aklan hay nag-abot  sa 14,177 ku 2017.

Sa nahambae nga numero, 61 poryento hay narehistro sa tama nga tyempo; samtang  39 porsyento hay nag-agi sa late registration sa mga civil registry offices.

Suno sa PSA-Aklan, nagtaas ku 2017 it daywang porsyento ro birth registration sa probinsya  kung ikumpara ku 2016 nga may 13,943.

Ro pinakamataas nga pagtaas sa pagrehistro hay nanotahan sa banwa it Ibajay nga may 28 porsyento (halin 1,091 asta 1,391), ginsundan it Nabas nga may 26 porsyento (623 asta 788), ag Madalag, 24 porsyento (halin 426 asta 530).

Sa isaea ka press release, ginhambae ni Provincial Statistics Officer Antonet Catubuan nga ro pagtaas it birth registration sa Aklan hay dahil sa  free mobile registration program nga ginhiwat sa ngkaea-in ea-in nga mga munisipyo sa andang mga kabarangayan.

Ginpunto man nana nga tungod sa nasambit nga programa, ro mga tawo hay naedukar sa importansya it birth certificates ag hara hay makapabaskog sa civil registry system.


Samtang, ginaduso man ni Catubuan sa mga local civil registry offices sa Aklan nga pabaskughon nanda ro registration program indi eamang sa registration campaign kundi sa pag-edukar sa mga residente ag komunidad sa pagtama it mga depekto sa anda nga mga civil registry documents. - PIA Aklan

MGA SUMIKAT NA LARAWAN NG BORACAY NOONG 1982-1993

Namiss nyo ba ito mga Kasimanwa?

Ito lang naman ang mga sumikat na larawan ng Boracay noong 1982-1993.

Ang mga larawang ito ay kuha ng isang Swiss na si Rene Thalmann.

Ginamit ang mga larawang ito ng National Bookstore at karamihan ay naging best selling postcards sa Pilipinas.

Si Thalman ay nakapangasawa ng isang Pinay na nakilala niya sa isla ng Boracay.

Namalagi ang dayuhan sa isla para i-manage ang operasyon ng "Sundance Resort". Ibininta niya ito noong 1992 at ngayon ay nakilala na bilang "Nami" resort.

"What a wonderful experience! I was lucky enough to experience Boracay at its hedonistic best as a newly discovered backpackers destination in the 80's, a truly memorable time," komento ng foriegner na ngayon ay nasa Australia.

Gustong-gusto rin niyang makabalik sa Boracay.

Ang mga larawang ito ay may buong pahintulot sa may-ari.

Ang babae sa ilang larawan dito ay ang kanyang asawa na si Julie na nagsilbing modelo.














BORACAY PANGALAWA SA BEST BEACH SA ASIA SA KABILA NG KINAKAHARAP NA MGA ENVIRONMENTAL DISASTER

Nanatili ang Isla ng Boracay bilang isa sa mga top beaches sa Asya sa kabila ng krisis na kinakaharap nito sa kalikasan.

Kasunod ito ng inalabas na listahan ng 25 best beaches in Asia ng TripAdvisor, isang popular travel forum website kung saan pangalawa ang Boracay.

“Boracay is the Perfect white sand beach our family has ever visited,” sabi ng isang turista sa site na ito.

Pasok din ang Yapak o Puka Shell Beach na makikita rin sa Boracay na nasa ika-16 na puwesto.
Nangunguna sa listahang ito ang Agonda Beach ng India.

Sa buong mundo, ika-24 ang Boracay sa best beach ng parehong site.

Una ng nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ang Boracay kapag hindi ito nalinis sa loob ng anim na buwan.

Sa pagdinig ng senado hinggil sa naturang usapin, nabatid na siyam sa wetland ng Boracay ay apat na lang ang natira.

Ito ay kusunod ng overdevelopment, kurapsyon at kakulangan sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan ng mga lokal na opisyal.

Kaugnay rito, isinusulong ng dalawang aide ng pangulo ang 60-day total closure ng mga business establishments sa Boracay para sa rehabilitasyon.

Tutol naman dito ang ilang labor at business group. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

PAGKAKAROON NG IISANG PALABABAYAN SA WIKANG AKLANON ISINUSULONG NG NATIONAL ARTIST

Virgilio Almario
Isinusulong ngayon ng National Commission for Culture and the Arts (NCAA) ang pagkakaroon ng iisang palabaybayan ng mga salitang Aklanon.

Sa Marso 6-8, isang seminar at kumperensiya ang idadaos sa Aklan Training Center sa New Buswang para sa nabanggit na layunin.

Pangungunahan ito ng pambansang alagad ng sining na si Virgilio Almario, tagapangulo ng NCCA. Si Almario o "Rio Alma" ay isang manunulat, tagapagsalin, guro at makata.

Ayon kay Philip Kimpo, konsehal ng Kalibo at isa ring manunulat, tutulong umano ang NCCA at Komisyon sa Wikang Filipino sa pagbabalangkas ng iisang ortograpiya o palabaybayan sa Aklanon.

Pag-uusapan umano sa aktibidad na ito ang mga suliraning kinakaharap ng Aklanon sa tamang pagbaybay ng mga salita ng sariling dialekto o wika.

Sinabi pa ni Kimpo, tagapagtatag ng AkLit, isang grupo ng mga lokal na manunulat, isang aklat umano ang planong ilathala sa palabaybayan ng lokal na dialekto pagkatapos ng aktibidad.

Ang tatlong araw na "Seminar at Kumperensiya sa Wikang Akeanon at Wikang Pambansa" ay bahagi parin ng Madya-as Art Festival, isang lokal na pagdiriwang ng sining at panitikan.

Dadaluhan ito ng mga manunulat, mga guro at mga mag-aaral mula sa iba-ibang paaralan sa probinsya. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Sunday, March 04, 2018

TRAVEL AGENCIES NA KONTRA SA POSIBLENG 60 ARAW NA MORATARIUM SA BORACAY, PWEDENG MAGMUNGKAHI SA DOT

Bukas ang Department of Tourism (DOT) sa magiging suhestyon ng travel agencies sa paglilinis ng Boracay na kumokontra sa pansamantalang pagpapasara nito.

Sa isang panayam, sinabi ni DOT Assistant Secretary Ricky Alegre na tatanggap sila ng position paper para makita kung ano ang kayang iambag ng travel agencies sa loob ng anim na buwan kaugnay nito.

Inalmahan ng Philippine Travel Agencies Association of the Philippines ang planong pagpapatupad ng 60 na araw na moratorium para tugunan ang environmental problems ng Boracay.

Samantala, ayon kay Alegre, ipepresenta nila kay Pangulong Rodrigo Duterte sa cabinet meeting sa Lunes ang kanilang rekomendasyong pansamantalang isara sa mga turista ang isla. - Radyo INQUIRER

HIGIT 200 NOTICES OF VIOLATION, INILABAS NG DENR SA BORACAY

Sa pagpapatuloy ng inspeksyon, mahigit-kumulang 200 kaso ng environmental violations ang inihain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Boracay.

Sa pahayag ng ahensya, aabot na sa 207 ang inisyung notices of violations sa mga establisimiyentong natagpuang lumabag sa ilang environmental laws.

Inilabas ang babala sa 116 establisimiyento na lumabag sa Philippine Clean Water Act, 77 sa Philippine Clean Air Act, lima sa parehong batas at siyam naman ang walang environmental compliance certificate.

Samantala, matatandaang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DENR, DOT at DILG ng anim na buwan para resolbahin ang problemang kinaharap ng nangungunang tourist destination na tinawag niyang “cesspool.” - Radyo INQUIRER