Friday, February 24, 2017

PROBINSIYA NG AKLAN NAGKUKULANG NG KOLEKSIYON SA DUGO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagkulang ng .95 porsyento sa koleksiyon ng dugo ang lalawigan ng Aklan sa nakalipas na taon ayon sa pahayag ni provincial blood coordinator Roger Debuque sa isinagawang blood coordinating council regular meeting.

Nabatid na sa kabila ng Aklan Blood Coordinating Council (ABCC) para sa mobile blood donation (MBD), ang Libacao ay zero initiative maging ang bayan ng Kalibo.

Karamihan sa mga MBD sa lalawigan ay inorganisa ng mga pribadong grupo sa tulong ng mga lokal na pamahalaan. 

Napag-alaman na sa 63 porysento ng mga kolektang dugo sa taong 2016 ay galing sa mga pribadong grupo samantalang ang 32 porsyento ay sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.

Ang mga bayan ng Banga, Lezo, at Malinao ay ginawaran ng insentibo mula sa Department of Health (DOH) makaraang maabot ang isang porsyento ng populasyon sa pagpapatupad ng blood services program.

Target ngayon ng probinsya na ang 5,905 yunit ng dugo sa taong ito at maabot ang isang porsyento ng populasyon ng lalawigan.

Sa kabilang banda, ipinaabot naman ni provincial health officer Dr. Cornelio Cuachon, Jr.  Sa konseho ang planong magsagawa ng patuloy na training para sa mga donor recruitment officer sa mga munisipalidad o kabarangayan kasama na ang mga health workers o nurses at iba pa.

LGU NUMANCIA: PROTEKSYON MUNA BAGO DREDGING

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

‘Welcome’ parin sa lokal na pamahalaan ng Numancia ang dredging at flood mitigation project ng probinsiya ng Aklan basta malagyan muna ng proteksyon ang mga barangay na direktang maaapektuhan ng proyekto.

Sa ekslusibong panayam ng Energy FM Kalibo kay Numancia local disaster reduction and management officer II Richard Vega, sinabi niya na dapat munang mai-comply ng Santarli (STL) ang bagong plano para sa nasabing proyekto.


Naniniwala siya na kapag naimplementa ng maayos ay malaking tulong ang nasabing operasyon para maibsan o maiwasan ang mga pagbaha sa kanilang bayan.

Sinabi ni Vega na kapag natuloy ang proyekto, direktang maapektuhan ng dredging operation ang mga lugar ng Camanci Norte, Bulwang, Pusiw, Laguinbanwa at Aliputos, Numancia.

No comment naman si Vega sa isyung mining ang ginawa ng STL sa Aklan river at pinaubuya ang paghuhusga sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan alinsunod sa kanilang pag-iimbestiga o pagsusuri.

Sa ngayon ay nakahold pa ang dredging vessel ng STL sa baybayin ng Aklan makaraang makitaan ng mga paglabag sa kanilang inisyal na operasyon  kabilang na ang mga trepolante nito.


Si Vega ay nagsisilbing kinatawan ng Numancia sa binuong multi-partite monitoring team ng pamahalaan.

MGA KAPULISAN NAGHAHANDA NA SUMMER SEASON SA BORACAY

Pagkatapos ng hosting ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meetings sa Boracay, pinaghahandaan na ngayon ng mga kapulisan ang nalalapit na summer season.

Sinabi ni PSInsp. Jess Baylon, Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) chief, ang operasyon ng mga lokal na kapulisan ay balik na sa normal.

Ayon kay Baylon, prayoridad nila ngayon ang summer season sa isla kung saan inaasahan ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga turista.

Sinabi pa ng hepe na inaayos na nila ang “Oplan Summer Vacation (SumVac)” para sa mga buwan ng summer, kung saan ipinagdiriwang ang Holy Week at ang Laboracay.

Samantala, 50 mga bagong pulis ang naidestino sa Boracay para sumailalim sa field training sa loob ng anim na buwan.

Nabatid na ang BTAC ay may 87 organic na mga tauhan at 48 augmented members. - PNA

PAGPAPANGAL NG NATIONAL ROAD KAY ATTY. QUIMPO ISINUSULONG SA KONGRESO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM  107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa kongreso ang pagpapangalan ng national road sa probinsiya sa dating kongresista ng Aklan.

Naniniwala si congressman Carlito Marquez na mabilis lamang na maaprubahan ang mga local bill sa kongreso kabilang na ang inihain niyang house bill 5035.

Isinasaad sa panukalang ito ang pagsasapangalan ng Kalibo-Banga-Balete-Batan-Altavas national road o mas kilala rin bilang Kalibo highway mula sa interseksyon ng Kalibo-Banga-New Washington sa Brgy. Andagao, Kalibo patungong Altavas, Aklan bilang Congressman Allen Salas Quimpo national highway.

Una rito, nabatid na nagpasa rin ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan at Sangguniang Bayan ng Kalibo upang hikayatin ang kasalukuyang kongresista na isulong ang nasabing panukalang batas.

Naniniwala si Marquez na sa ganitong paraan ay mabigyan ng karangalan ang mga naiambag ng dating kongresista sa pag-unlad ng Aklan.

Si Quimpo ay naglingkod bilang kongresista ng Aklan noong 1992 hanggang 2001 kung saan naging kasangkapan siya upang maipakonkreto ang nasabing highway.

LGU KALIBO POSIBLENG MAGTAYO NG TOURIST CENTER SA BAKHAWAN ECO-PARK

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Mas pagtitibayin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo at ng Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA) ang kanilang ugnayan para sa pag-promote ng Bakhawan Eco-Park bilang isang tourism destination.

Sinabi ni Midelyn Quadra, forest technician II ng Aklan Provincial Environment and Natural Resources (PENRO), sa Sangguniang Bayan regular session na maaring magtayo ng tourist center ang Kalibo sa nasabing eco-park.

Ito ay kasunod nang busisiin sa Sangguniang Bayan regular session ang umiiral na memorandum of agreement (MOA) ng lokal na pamahalaan at ng KASAMA at ng USWAG foundation.

Sa pagbusisi ng MOA taong 1998, napag-alaman na hindi na nasusunod ang mga kasunduang itinatakda rito at kulang na ang ugnayan ng mga nasabing partido.

May posibilidad namang baguhin ang nasabing MOA para mapabuti pa ang ugnayan ng munisipyo sa mga pribadong grupo.

Nilinaw naman ni Merlene Aborka, chief technical division ng PENRO-Aklan na ang eco-park ay pagmamay-ari ng DENR at pinamamahalaan ng KASAMA.


ONE SIDE AT PAY PARKING, BINABALAK SA KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Para maibsan ang bigat ng trapiko sa Kalibo balak ngayon ng traffic and transport management unit (TTMU) na gawing one-side parking ang ilang mga kalsada samantalang ang mga iba pa ay gagawing pay parking.

Inirekomenda nina SPO2 Bantigue at SPO4 Rene Armenio ng Kalibo PNP station, ang Veterans avenue sa likuran ng provincial hospital bilang pay parking samantalang ang sa likuran naman ng munisipyo ay gagawing one-side parking.

Balak ring gawing one-side parking ang mga lansangan ng Acevedo, Goding Ramos at L. Barrios, at bahagi ng Pastrana. No parking both side naman ang plano para sa mga lansangan ng Archbishop Gabriel M. Reyes, 19 Martyrs, at F. Quimpo.

No left turn ang Roxas avenue, at C. Laserna. Ang mga lansangan ng N. Roldan at J. Magno ay one way. Samantalang ang Mabini street mula Regalado street ay no left turn.

Plano ring gawing one-side parking ang Toting Reyes street at no u-turn naman sa Novo hotel patungong Motus pharmacy at ang Roxas avenue extension patungong Gaisano.

Magsasagawa uli ng meeting ang TTMU para pag-aralan pa ang mga rekomedasyong ito bago sila magsagawa ng dry-run.

PHP40M PONDO MULA SA KONGRESO NILALAKAD NG LGU KALIBO PARA SA IBA-IBANG PROYEKTO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilalakad na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang paghingi ng Php40 milyon na pondo mula sa iba-ibang miyembro ng kongreso upang pondohan ang iba-ibang proyekto ng munisipyo.

Ang mga pondong ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Oyo Torong satellite market, konstruksyon ng Kalibo terminal, paggawa ng iba-ibang drainage system sa munispiyo at karagdagang pondo sa itatayong evacuation center, at rehabilitation ng Kalibo Public Market.

Nakasaad sa mga ipinasang resolusyon ng Sangguniang Bayan na ang bawat proyekto ay may inilaang tig-Php10 milyon.

Samantala, nagpasa rin ng resolusyon ang Sanggunian na humihiling sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglaan ng pondo sa paglalagay ng traffic lights sa D. Maagma st. corner Mabini st., at F. Quimpo extension corner Mabini st.

Hihilingin rin sa DPWH ang paglalagay ng street light mula sa Kalibo International Airport, Jaime Cardinal Sin avenue patungong Kalibo-Numancia bridge.

Thursday, February 23, 2017

56 ANYOS NA MISTER ARESTADO NG PDEA-VI SA PAGTUTULAK NG DROGA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 56-anyos na mister sa isinagawang buybust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region VI Miyerkules ng gabi sa L. Barrios St., Kalibo.

Kinilala ang naaresto na si Ricky Fuentes y Yap ng Poblacion, Tangalan.

Nakuha sa kanya ng poseur buyer ang isang gramo sachet ng na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php7,500.

Narekober din sa kanyang posisyon ang subscribe at boodle money at isang pakete ng isang bolto ng pinaniniwalaang shabu.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, pinabulaanan niya na nagtutulak siya ng droga pero aminado ito na matagal na siyang gumagamit nito.

Sinabi rin ng suspek na isa siyang drug surenderee sa Tangalan.

Samantala, sa panayam naman kay PDEA team leader Fil Tangeres na matagal na umano nilang minamanmanan ang lalaki

Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng Kalibo PNP ang naturang lalaki at posibleng maharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

2,000 CALL CENTER AGENTS NAKATAKDANG I-RECRUIT SA KALIBO

Grab this opportunity mga kasimanwa!

Nakatakdang mag-recruit ng 2,000 call center agent ang ang isang kilalang call center company sa bayan ng Kalibo sa darating na Marso.

Ito ay base sa komunikasyong natanggap ni Efren Trinidad, Peso manager ng Kalibo, mula kay Hezekiah Castro ng provincial partnership lead ePerformax Contact Centers and BPO.

Ayon kay Trinidad, magsasagawa umano sila ng recruitment sa Citymall sa Kalibo sa darating na Marso 14 simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Pwedeng mag-apply ang mga Kalibonhon na 18-anyos pataas, high school graduate at may one-year work experience o college level. Mahalaga na mahusay sa pagsulat at pagsasalita sa ingles ang mga mag-a-apply at handang magtrabaho sa shifting schedule at mga holiday.

Ang mga matatanggap ay ipapadala sa kanilang site sa Roxas City, Capiz.

70 PULIS IDI-DEPLOY SA KALIBO AT BORACAY

Pitumpong bagong recruit na mga police officer 1 ang nakatakdang i-deploy sa Kalibo at Boracay sa loob ng limang buwan.

Ayon kay SPO1 Nida Gregas, public information officer ng Aklan Provincial Police Office, ito ay bahagi ng kanilang field training program.

Ang mga police officer na ito ay dadaan sa patrol, traffic at investigation phases bilang requirement sa pagiging permanente sa tungkulin.

Pinangunahan nina PSInsp. Evangeline Ufano ng human resource and development division at PCInsp. Bernard Ufano ng provincial intelligence branch, ang pagbubukas ng field training program.

Isinagawa ang aktibidad Miyerkules ng umaga sa Aklan Police Provincial Office na dinaluhan ng mga field training officers (FTO) na nakatalaga sa pagtrain sa mga nasabing pulis.

BAYARIN SA ELEKTRISIDAD NG AKELCO TUMAAS NG Php0.40/KWH

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tumaas ng Php0.40 bawat kilowatt hour ang bayarin sa elektresidad ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ngayong buwan ng Pebrero kumpara sa nakalipas na buwan.

Sa inilabas na report ng AKELCO, ang bayarin para sa mga residential consumer na gumagamit ng 21kwh pataas ay Php10.3190/kwh. Sa low voltage consumer commercial, industrial, public building, at street light naman ay Php9.3783.

Ayon sa AKELCO, malaki ang epekto ng pass-on charges sa pagtaas ng bayarin sa elektresidad alinsunod sa ipinapatupad ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Pinakamalaki rito ay napupunta sa generation system charge na sinisingil ng mga independent power producer. Ang iba pa ay para sa transmission charge at government mandated charges kagaya ng EVAT.

Dagdag pa rito, ang pagbili ng wholesale electricity market ng kompanya para matugunan ang lumalaking pangangailangan sa elektrisidad ay isa ring dahilan ng pagtaas ng bayarin.

Patuloy namang ipinapaalala ng AKELCO sa taumbayan ang pagtitipid at tamang paggamit ng elektresidad.

TINDERO NG ICE BUKO, SINAKSAK NG KANYANG KAINUMAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naka-confine parin sa surgical intensive care unit ng Dr. Rafael S. Tombokon Memorial Hospital ang isang 53 anyos na tindero ng ice buko makaraang saksakin ng kanyang kainuman Linggo ng hapon sa Spanish rd., Brgy. New Buswang, Kalibo.

Kinilala ang biktima na si Jose Bandian, 53 anyos, at residente ng Ati-atihan sa parehong barangay.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, nag-iinuman ang biktima kasama ang suspek na si Ronilo Zonio, 40 anyos, residente ng parehong lugar nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa kanilang dalawa.

Sa galit ng suspek ay bumunot ito ng kutsilyo at sinaksak ang biktima na tumama s
a kaliwang ibabang bahagi ng kanyang dibdib.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa asawa ng biktima, wala na umano silang pagnais na magsampa ng kaso laban sa suspek at sa halip ay sagutin ang mga gastusin nila sa ospital.

MAHINA AT MAHAL NA INTERNET CONNECTION, IKINADISMAYA NG SP AKLAN

Dismayado ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa mabagal at mahinang internet connection sa lalawigan sa isinagawang committee hearing Lunes ng hapon.

Dinaluhan ang committee hearing na ito ng mga telcos, at mga negosyante na pinangunahan ni committee chair on energy, public utilities and transportation Nemesio Neron.

Hindi naman sumipot sa pagdinig na ito ang mga kinatawan ng Smart at Globe at naging tagasalo ng reklamo at katanungan ang dalawang cable companies na Aklan at Kalibo cable television network.

Paliwanag nila, hindi dapat umano sila ang sisihin sa bagay na ito kundi ang mga telecommunication companies na pinagkukunan nila ng koneksiyon.

Sinabi naman ni vice governor Reynaldo Quimpo sa parehong pagdinig na hindi pa handa ang Aklan para sa information technology - business process outsourcing dahil sa mahinang internet connection.

IBA PANG MGA BAYAN SA AKLAN HINIKAYAT NA I-DEVELOP ANG KANI-KANILANG ECO-TOURISM SITE

Dahil sa patuloy na paglago ng industriya ng turismo sa isla ng Boracay, hinikayat ni Caticlan jetty port administrator Niven Maquirang na simulang i-develop ang iba pang mga eco-tourism site sa lalawigan.

Ayon kay Maquirang, malaki umano ang potensiyal ng mainland sa tourism industry lalu na sa mga nakatakdang pagpapaunlad sa Boracay.

Iginiit ng port administrator na ang mga bayan malapit sa Boracay lalu na ang mainland Malay, Nabas, Buruanga, Tangalan and Kalibo, ay may malaking potensyal bilang alternatibong lugar para sa mga turista.

Kabilang sa mga kilalang eco-tourism destination sa mga bayang ito ay ang Pangihan cave at Nagata falls sa Malay, Hurom-hurom cold springs at ang windmill sa Nabas, ang Jawili beach at waterfall sa Tangalan, cliff jumping site at Hinugtan beach sa Buruanga.

Nabatid na isa sa mga partikular na pag-unlad na magpapalago pa ng sa mga turistang bumibisita sa Boracay ay ang nakatakdang pagtatayo ng cruise ship hub ng Royal Caribbean Inc. sa Caticlan. – PNA

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN, ISA NANG ISO CERTIFIED

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa nang International Standard Organization (ISO) certified ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.

Nangangahulugan ito na lahat ng mga proseso, mga hakbang at sistemang ipinatutupad sa sangguniang panlalawigan ay naaayon sa international standard alinsunod sa ISO 9001:2008.

Nabatid na ang sangguniang panlalawigan ang una at nag-iisang nasertipekahan sa mga tanggapan ng provincial goverment.

Naniniwala ang Sanggunian sa pamumuno ni vice governor Reynaldo Quimpo na ang karangalang ito ay dahil sa malaking naiambag nila sa pagkamit ng probinsiya ng Seal of Good Local Governance at ng EXCELL award.

Napag-alaman rin na ang mga staff ng Sanggunian ay sumailalim sa mga training at seminar na pinangasiwaan ng TUVRheinland noong nakaraang taon.

Sumailalim rin sa two stages of external audit ng TUVRheinland ang mga hakbang, proseso, mga record at mga dokumentasyon ng SP.

Natanggap ng SP ang naturang sertipikasyon Pebrero 14 nitong taon.

Bubuksan naman ang panibagong legislative building ng pamahalaang lokal ng Aklan sa Marso sa state of the province address ng gobernador.

ENERGY EXCLUSIVE: MGA TAGA-BAKHAW NORTE, KALIBO NAGSAGAWA NG THANKS GIVING MASS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maribeth Cual
Nagsagawa ng thanksgiving mass ang mga taga-Bakhaw Norte Kalibo sa So. Libuton araw ng Linggo ilang araw makaraang ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dredging operation sa kanilang lugar.

Pinangunahan ni Fr. Ulysses Dalida ng Dioceses of Kalibo ang misa na dinaluhan ng mga tagaroon at ilang lokal na opisyal ng pamahalaan.

Naging panauhin sa thanksgiving mass sina Kalibo mayor William Lachica, sangguniang bayan member Rodelio Policarpio, Aklan sangguniang panlalawigan member Harry Sucgang at Noli Sodusta.

Nanindigan si mayor Lachica na itigil na ang dredging operation ng Santarli (STL) Resources Inc. Ltd.

Emosyonal naman ang punong-barangay na si Maribeth Cual sa kanyang pahayag matapos gunitain ang mga dinanas na mga paghihirap para maipatigil ang operasyon ng kompanya.

Ipinahayag naman ng taumbayan at ng mga opisyal ang kanilang pasasalamat sa mabilis na aksiyon ni DENR sec. Gina Lopez nang ipatigil niya ang dredging operation sa lugar.

ENERGY EXCLUSIVE: SCOTTISH FLIGHT ATTENDANT GINAHASA SA BORACAY

ulat ni Rolly Boy Herera / Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginahasa ng isang resort maintenance ang isang Scottish national at flight attendant sa Brgy. Balabag, Isla ng Boracay Lunes ng madaling araw.

Sa sinumpaang salaysay ng 36-anyos na turista sa provincial prosecutor’s office, niyaya umano siya ng suspek na makipag-inuman sa ibang bar dahil magsasara na ang bar ng hostel na un
a na niyang pinag-inuman.

Nagtiwala naman ang biktima sa suspek dahil sa empleyado umano ito ng hostel na tinutuluyan niya.
Hindi niya akalain na dadalhin siya ng suspek sa isang kuwarto at doon sekswal na sinamantalahan.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang babae at nagsumbong sa Boracay Tourist Assistance Center.

Sa follow-up investigastion ng pulisya, ay naaresto nila ang suspek na kinilalang si Lito Cerencio y Doclora, 26-anyos, tubong Brgy. Unat, Ibajay.

Nahaharap sa kasong rape ang suspek at walang itinakdang piyansa sa kanyang temporaryong kalayaan.

ALOHA LANDMARK NAKATAKDANG ALISIN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) laaglaag
Nakatakdang i-demolish ang aloha sa harapan ng Kalibo Pilot Elementary School sa Mabini St., sa bayan ng Kalibo.

Sinabi ni mayor William Lachica sa isinagawang flag raising ceremony ng munisipyo araw ng Lunes, nakatakdang alisin ang nasabing rotonda at ang estatwa ng ati sa itaas nito ay ililipat.

Ayon kay Lachica, lalagyang umano ng overpass ang harapan ng nasabing paaralan. Maliban rito, lalagyan rin anya ng overpass ang harapan ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital at ang crossing Banga-New Washington.

Nagpasa na ng resolusyon ang Sangguniang Bayan na humihingi ng pondo sa Department of Public Works and Highway para sa nasabing proyekto.

Ang pag-alis sa nasabing rotonda at pagtatayo ng mga overpasses sa bayan ng Kalibo ay ilan sa mga nakikita ng pamahalaang lokal na makakapagaan sa daloy ng trapiko.

Tuesday, February 21, 2017

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN, ISA NANG ISO CERTIFIED

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa nang International Standard Organization (ISO) certified ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.

Nangangahulugan ito na lahat ng mga proseso, mga hakbang at sistemang ipinatutupad sa sangguniang panlalawigan ay naaayon sa international standard alinsunod sa ISO 9001:2008.

Nabatid na ang sangguniang panlalawigan ang una at nag-iisang nasertipekahan sa mga tanggapan ng provincial goverment.

Naniniwala ang Sanggunian sa pamumuno ni vice governor Reynaldo Quimpo na ang karangalang ito ay dahil sa malaking naiambag nila sa pagkamit ng probinsiya ng Seal of Good Local Governance at ng EXCELL award.

Napag-alaman rin na ang mga staff ng Sanggunian ay sumailalim sa mga training at seminar na pinangasiwaan ng TUVRheinland noong nakaraang taon.

Sumailalim rin sa two stages of external audit ng TUVRheinland ang mga hakbang, proseso, mga record at mga dokumentasyon ng SP.

Natanggap ng SP ang naturang sertipikasyon Pebrero 14 nitong taon.

Bubuksan naman ang panibagong legislative building ng pamahalaang lokal ng Aklan sa Marso sa state of the province address ng gobernador.

HIRIT NA PAGTAAS NG PAMASAHE SA TRICYCLE SA KALIBO, IDADAAN SA PUBLIC HEARING

Humarap na sa committee hearing ang ilang mga tricycle operator and drivers association kaugnay ng hirit nilang pagtaas ng piso sa tricycle sa bayan ng Kalibo.

Sa kasalukuyan ang regular na pamasahe ay Php7.50 maliban sa mga senior citizen, estudyante, at mga differently abled, ay may sinunod namang discount rate.

Ipinaabot ni Mr. Johnny Damian, presidente ng Federation of Kalibo Tricycle Oprerators and Drivers Association Inc. (FOKTODAI) na marami na sa kanyang mga kasama ang humihirit na magtaas ng pamasahe. Paliwanag nila, pumalo na sa Php38 hanggang Php39 ang presyo ng gasoline.

Sang-ayon naman ang komitiba sa kahilingang ito pero sinigurado ang deskwento ng mga estudyante, senior citizen at PWD ay Php6.20 o Php6.00 lamang.

Nagkasundo naman ang committee on rules, laws and ordinances at committee on transportation na magsasagawa sila ng public hearing kaugnay dito sa Pebrero 27.

PENRO-AKLAN HINDI SANG-AYON NA DUMAONG ANG ISA PANG BARKO NG STL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi sang-ayon si Merlene Aborka, chief, technical division ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO)-Aklan na dumaong ang isa pang barko ng Santarli Resources Inc. Ltd. sa baybayin ng Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, nakatakdang magpadala ng sulat si Aborka sa gobernador at Philippine Coastguard Dumaguit upang ipahayag ang pagtutol sa pagdaong ng barko sa baybayin ng Kalibo.

Paliwanag ni Aborka, wala umanong dahilan ang STL para mag-refuel ng kanilang naunang barko na nakadaon ngayon sa probinsiya ng Aklan dahil nakahold pa ito dahil sa mga pending na kaso.

Nabatid na una nang nagpadala ng sulat si STL managing director Patrick Lim kay governor Florencio Miraflores upang ipaalam ang nakatakdang pagdaong ng barko sa araw ng Sabado.

Napag-alaman base sa kumpirmasyon ng coastguard Dumaguit na hindi nakarating ang barko dahil kinulang sila gatong o fuel kaya dumiretso ito sa Iloilo.

Samantala, epektibo parin anya ang cease and desist order ng DENR-PENRO laban sa STL dahil pinag-aaralan pa nila ang naging tugon ng STL hinggil dito.

Monday, February 20, 2017

PAMUNUAN NG PROVINCIAL HOSPITAL IPAPATAWAG SA SP RE: DOWNGRADING OF SERVICE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipapatawag ng committee on health ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pamunuan ng Dr. Rafael S. Tombokon Memorial Hospital upang usisain ang operasyon at serbisyo ng nasabing pagamutan.

Ito ay matapos na ipinaabot ni SP member Noli Sodusta sa regular session ng Sanggunian na nakatanggap umano siya ng mga impormasyon na downgraded na ang provincial hospital sa level 1.

Paliwanag ni Sodusta, may mga nakausap umano siyang mga indibidwal na nagrereklamo sa mga kakulangan ng hospital. Hindi naman naging malinaw sa kanyang pahayag kung patungkol saan ang mga reklamong iyon.

Ipinapa-verify naman ni vice governor Reynaldo Quimpo ang impormasyong downgraded ang nasabing pagamutan sa level 1. Taliwas sa impormasyong ito,
iginiit ni Quimpo na nag-aa-upgrade pa nga ang hospital.

Sang-ayon naman ang mga miyembro ng Sanggunian sa kahilingang ito ni Sodusta. Samantala, handa naman si committee on health chair Nelson Santamaria na ipatawag ang hepe ng provincial hospital pati ang pamunuan ng provincial health office.

Nais rin ipaabot ni SP Soviet Dela Cruz kung paano makapaglalaan ng anti-venom ang hospital matapos kamakailan lamang ay may nakarating sa kanyang ulat na may nakitang kobra sa kalsadahin ng isang bayan.