Saturday, September 30, 2017

TRICYCLE DRIVER NA NANGHOLD-UP SA BAYAN NG KALIBO, ARESTADO NA!

(Updated) Naaresto na ng kapulisan ang tricycle driver na nanghold-up sa isang 20-anyos na babaeng pasahero nito kagabi (Setyembre 29, 2016) dito sa bayan ng Kalibo.

Nagpakilala ang suspek sa pangalang Swet Ham Mendiguetti y Dela Cruz, 20-ayos, tubong Davao at kasalukuyang nakatira sa brgy. Mabilo, New Washington.

Natukoy ng pulis sa Kalibo ang suspek sa tulong ng CCTV kung saan nakunan ang kanyang tricycle at sa tulong ng mga opisyal ng brgy. Mabilo. 

Naaresto ng mga kapulisan ang suspek sa nasabing barangay ngayong hapon.

Matatandaan na kagabi ay nagreklamo sa tanggapan ng mga kapulisan si Amor Shielo Solano sa mga kapulisan makaraang saktan at hold-upin siya ng suspek sa municipal cemetery ng Kalibo.

Una rito, napag-alaman na may nauna pang nabiktima ang parehong suspek sa kanilang barangay. Binanggaan umano niya ng tricycle ang isang babaeng naglalakad sa kalsada at tinangkang hold-upin.

Nakakulong na ngayon sa Kalibo police station ang suspek at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso. / EFMK

Thursday, September 28, 2017

MISS INTERNATIONAL 2017 DARATING SA AKLAN BUKAS!

Darating sa Aklan bukas ang bagong Miss Teen International 2017, Kathleen Sinag Paton ng barangay Laserna, Nabas.

Inaasahang darating ang ‘international beauty’ sa Kalibo International Airport alas-3:30 ng hapon sakay sa eroplano. Susundan ito ng kanyang courtesy call sa tanggapan ng gobernador at Sangguniang Panlalawigan.

Kasama ni Ms. Paton ang kanyang nanay.

Nakamit rin ni Ms. Paton ang Miss Teen Charming International 2017 sa international beauty pageant sa Bangkok, Thailand simula Setyembre 18-24.

Si Ms. Paton ay ipinanganak sa isla ng Boracay at nag-aral sa Laserna Elementary School hanggang grade four nang ang kanyang pamilya ay nagdesisyong lumipat sa Australia.

Nagtapos siya ng high school sa Canberra High School at ngayon ay first year sa Bachelor in Business sa  Victoria University in Melbourne.

Si Kathleen ay ang pinakabata sa apat na magkakapatid. Siya ay anak ng mag-asawang sina Roy Paton, isang Australian national, at Luz Sinag Paton ng Laserna, Nabas. 

Wednesday, September 27, 2017

ENERGY FM KALIBO KINILALA SA KONTRIBUSYON SA INTERNATIONAL COASTAL CLEAN-UP DRIVE

Binigyan ng pagkilala at pasasalamat ang Energy FM Kalibo dahil sa paglahok sa International Coastal Cleanup Drive.

Mga tauhan ng Philippine Coastguard Auxialiary iginagawad ang Certificate of Appreciation sa kontribusyon ng Energy FM Kalibo sa ginanap na International Coastal Cleanup Drive.


Maraming salamat po sa karangalang ito!

AKLANON NA MAY INTELLECTUAL DISABILITY, NAG-UWI NG KARANGALAN AT INSPIRASYON SA BANSA MULA SA INTERNATIONAL SWIMMING COMPETITION

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umuwi na sa Aklan si Claire Suñega Calezo dala ang karangalan at inspirasyon mula sa 29th SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Dala ni Calezo ang bronze medal mula sa 100 meter free style at silver medal sa 200 meter free style swimming competition sa 9th Para Games.

Si Calizo ay Grade 7 sa Kalibo Integrated Special Education Center.

Ayon sa 18-anyos na atleta mula Colongcolong, Ibajay, Aklan, first time niya ang sumabak sa international competition.

Nagpapasalamat siya sa lahat ng suporta sa kanya kabilang na ang kanyang pamilya, coach, mga kaibigan at kaklase.

Sinabi pa niya na bagaman may intellectual disability siya, hindi ito naging hadlang para sa kanya na magpursigi at makapagbigay karangalan sa bansa.

Ayon pa sa atleta, nawa ay magsilbi itong inspirasyon sa iba pang kabataan na pagtuonan ng pansin ang kanilang potensyal sa kabila ng mga kahinaan o mga kapansanan.

Siya ay anak ng mag-asawang Cel Suñega at Orli Calizo.

LALAKI NILASLASAN SA PULSO NG NAKAKATANDANG KAPATID SA NALOOK, KALIBO

Ulat ni Archie  Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo


Sugatan sa kaliwang kamay ang biktimang si Rindil Zapatos, 24-anyos, matapos laslasan ng kuya na si Benedicto Zapatos, 26, parehong taga-Panipiason, Madalag, Aklan.


Sa pahayag ng biktima, dumayo sila sa Nalook, Kalibo para manganihan at nakituloy muna sa isa pang kapatid. Nagkayayaan na mag-inuman Lunes ng gabi kasama ang lima pang lalaki. 

Nagsimula ang inuman bandang alas-6:00 ng gabi at naubos nila ang limang boteng alak na hinaluan pa ng choco at juice. 

Nagsimula na ang diskusyon ng magkakapatid bandang alas-9:00 ng gabi at napikon ang suspek kaya agad nitong nilaslasan sa pulso ang biktima gamit ang karit.

Matapos ang insidente agad tumakas ang suspek. Isinugod naman agad sa Hospital ang biktima.

CONSTRUCTION WORKER SUGATAN MATAPOS PAGTRIPAN NG MGA KASAMAHAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Dumulog sa Kalibo PNP Station ang isa sa construction worker sa ginagawang building ng Unitop sa Jaime Cardinal Sin Avenue, Kalibo. 

Sa kwento nito pinagtripan raw siya ng mga kasama at hinabol at may bitbit pa raw na plamingko. 

Nagsimula umano ang away dahil sa simpleng biruan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP sa kasong ito.

MUNICIPAL HALL NG LEZO NINAKAWAN NG MENOR DE EDAD

Ninakawan ang municipal hall ng Lezo.

Nakuha ng magnanakaw ang isang netbook at tablet.

Dumaan umano ang magnanakaw sa bintana ng CR patungo sa tanggapan ng alkalde at tresurero.

Pinaniniwalaang naganap ang insidente araw ng Linggo at kinabukasan lamang nadiskubre.

Kalaunan ay nakilala ang magnanakaw na isang menor de edad, 15 anyos.

Hindi pa narerekober ang mga nasabing gadget na ibinigay umano ng bata sa isang tao.

Itinurn-over na ang menor de edad sa social worker and development office para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang nasabing kaso.

LALAKI NATAGPUANG PATAY SA LASERNA, NABAS

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay na ng matagpuan ang isang lalaki sa ilog na sakop ng Brgy. Laserna sa bayan ng Nabas Martes ng umaga.


Kinilala ang biktima sa pangalang Francisco Jungco na residente rin ng nabanggit na lugar.

Batay sa impormasyon mula kay Kasimanwang Ling Manocan Calixtro, Brgy. Kagawad at presidente ng Riders Club PH Aklan Chapter, noon pang Sabado pinaghahanap ang biktima. 

Tinangay umano ito ng baha habang tumatawid ng ilog patungo sa kanilang bahay.

50 ANYOS NA PEDESTRIAN NABANGGA NG MOTORSIKLO AT TINAKBUHAN

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Photo (c) MDRRMO Kalibo
Nabangga ng isang motorista ang lalaking ito habang naglalakad sa gilid ng Kalsada sa Jaime Cardinal Sin Ave. sa Pook, Kalibo alas-8:00 pasado kagabi. 

Matapos ang pagkabangga agad tumakas ang driver. 

Tinulungan naman ng MDRRMO Kalibo na maisugod sa Hospital ang sugatang pedestrian.

Kinilala ang biktima sa pangalang Crispine Escotin y Hider 50 anyos na taga-Dao, Capiz at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Pook. 

Si Escotin ay nagtamo ng minor injury.

DALAWANG LALAKI ARESTADO SA BAYAN NG IBAJAY DAHIL SA ILIGAL NA OPERASYON NG EZ2

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaki sa bayan ng Ibajay dahil sa iligal na operasyon ng EZ2 sa kanilang lugar.

Kinilala ang mga suspek na sina Herminio Espenosa, 66 anyos, at Jemar Alag, 18, parehpng residente ng brgy. Laguinbanwa sa nasabing bayan.

Ginawa ng mga tauhan ng Ibajay municipal police station ang pag-aresto dakong alas-7:00 ng gabi sa nasabing barangay.

Una rito tumaya ang isang tauhan ng pulis kay Alag ng Php50 marked money. Inaresto rin ang kasama niyang si Espenosa kung saan umano niya nireremet ang pera.

Nakakulong na ngayon sa Ibajay PNP station ang dalawang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa anti-gambling law.

Monday, September 25, 2017

NO. 1 MOST WANTED SA BAYAN NG MADALAG SA KASONG RAPE ARESTADO

ulat ni Darwin Tapaya, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 37-anyos na lalaki na most wanted sa bayan ng Madalag sa kasong rape.

Kinilala ang akusado na si Ronald Revelalay y Naig, electrician at residente ng brgy. Singay, Madalag.

Inaresto ng mga kapulisan sa Madalag ang lalaki sa bisa ng warrant of arrest sa kasong rape.

Ang nasabing warrant ay inilabas ng Branch 5 ng Regional Trial Court 6 sa bayan ng Kalibo at nilagdaa ni presiding judge Elmo Del Rosario.

Naaresto ang akusado sa kanilang residesya dakong alas-11:00 ng umaga ngayong araw.

Pansamantalang nakakulong ngayon ang lalaki sa Madalag municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

27-ANYOS NA MOTORISTA BUMANGGA SA TRUCK, PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 27-anyos na lalaki makaraang bumangga ang kanyang sinasakyang motorsiklo sa isang kasalubong na truck.

Kinilala kalaunan ang lalaki na si Rey Marcelo y Javier, tubo ng brgy. Medina, Madalag.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, patungong Kalibo ang motorista nang agawan niya ng linya ang kasalubong na truck sa kurbadang bahagi ng national highway sa brgy. Bulwang, Numancia pasado ala-1:00 ng madaling araw kanina.

Ang truck na may mga kargang scrap plastic ay menamaneho ni Albert Pasquin, 26, tubong Negros Occidental. Mula umano sila sa Bacolod City at patungong Caticlan, Malay.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang nasabing biktima. Isinugod pa ito sa provincial hospital pero dineklara ring dead on arrival.

Kulong naman sa Numancia PNP statipn ang driver ng truck habang umuusad pa ang imbestigasyon ng kapulisan.

1 PATAY, 2 SUGATAN SA BANGGAAN NG MOTORSIKLO SA CAANO KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo
photo (c)  Mdrrmo kalibo

Binawian ng buhay alas-4:00 ngayong hapon ang backrider ng motorsiklo na si Lyndon Reyes 20 anyos na taga Caano, Kalibo. 

Si Reyes ay nakaangkas sa motorsiklo ni Dennis Zabala ,28-anyos  na taga-Puis, New Washington, Aklan. 

Sa report ng Kalibo PNP nakabanggaan umano nila Dennis ang isang motorsiklo na menamaneho ni Ronald Parada na taga-Odiong, Libertad, Antique. 

Naganap ang aksidente bandang alas-dos ng madaling araw kanina. 

Nagtamo ng malaking  sugat sa ulo si Lyndon na naging dahilan ng pagkamatay, si Dennis naman ay nagtamo lamang ng minor injury.  

Pinayuhan naman ng doktor ang pamilya ni Ronald na  ipasok ito sa ICU ngunit dahil sa kawalan ng sapat na pera ay pumirma na lamang sila ng waiver na hindi na nila ito ilalagay sa ICU.

Patuloy itong sumisigaw dahil sa sobrang kirot na nararamdaman. / EFMK

MOORISTA PATAY NANG MAKABANGGAAN ANG ISANG TRICYCLE SA MABINI ST. SA KALIBO

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Surgical ICU ng provincial hospital ang isag dance choreographer matapos makabanggan ang isang tricycle sa Mabini St., Kalibo.

Kinilala ang driver ng motorsiko na si Benjie Tolentino, 37 anyos, residente ng N. Roldan St., Kalibo.

Menamaneho naman ni Rey Reporen, 65 anyos, residente ng Feliciano, Balete Aklan, ang nakabanggang tricycle.

Nakalabas naman agad ng ospital si Reporen samantala humihingi naman ng tulong ang pamilya na ipanalangin ang kalagayan ni Benjie.

SAPUL SA CCTV: MOTORSIKLO NG ISANG SECURITY GUARD NINAKAW NG DI PA NAKIKILALANG SUSPEK

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa CCTV makikita na ilang motor at tricycle na nakaparking sa gilid ng building ang sinubukang paandarin ng suspek ngunit nabigo ito. 

Pumasok ito sa gate ng building at doon na nakuha ang motorsiklo ng gwardiya.

Pahayag ng biktima sa PNP bumili lang siya ng tinapay sa Oyo Torong st., Kalibo kaya iniwan niya ang motor sa building na pinatatrabahuhan kahit on duty ito. 

Nagtataka ang otoridad dahil napakalayo ng Oyo Torong sa Martelino St. kaya tinanong nila kung bakit hindi nito sinakyan ang motor. 

Nang suriin muli ang CCTV mahigit isang oras ang lumipas bago makabalik sa duty ang gwardiya.