Thursday, January 18, 2018

DALAWANG KATAO NAILIGTAS MATAPOS TUMAOB ANG SINASAKYANG BANGKA

not actual photo / photo (c) google
Nailigtas sa tangkang pagkalunod ang dalawang katao sa baybaying sakop ng Tangalan kaninang umaga matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka.

Kinilala ang mga nailigtas na si Franklin Ledesma Jr, 28 anyos at kanyang father-in-law na si Bernardo Gonzales, pawang mga residente ng Manda-on, Masbate.

Napag-alaman na dakong alas-5:00 ng hapon kahapon ay tumaob na ang kanilang bangka matapos tangayin ng malakas na alon sa baybaying sakop ng Brgy. Camanci Norte, Numancia.

Madaling araw na ngayong araw, Enero 18, nang matagpuan at nailigtas ang dalawa sa baybayin malapit sa Brgy. Dumatad, Tangalan.

Unang nailigtas si Ledesma nang mapansin siya ng mangingisda na si Guloy Panagsagan na palangoy-langoy sa dagat.

Humingi naman ng tulong ang dalawa sa mga opisyal ng barangay at sa mga rescuer dahilan para mailigtas ang isa pang biktima.

Nabatid na sa Brgy. Dumatad din ang tungo ng dalawa. Galing umano sila sa Brgy. Dumaguit kung saan nila ibinaba ang iba pang miyembro ng pamilya galing Masbate.

Nasa mabuti nang kalagayan ang dalawa.