Friday, January 06, 2017

PAGTITINDA NG MGA PATALIM SA KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL, BAWAL NA!

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Bawal na ang pagtitinda, paggamit, o pagdisplay ng mga bagay na matutulis at mga patalim sa kasagsagan ng Kalibo Ati-atihan Festival sa darating na Enero 9 hanggang 15 sa loob ng festival zone.
Sa isinagawang unang regular session ng Kalibo Sangguniang Bayan ay inaprubahan ang nasabing resolusyon.

Nakasaad sa resolusyong ito ang pagbabawal ng mga patalim kagaya ng mga bolo, kutsilyo, samurai, pako, scythes at mga kahalintulad nito. Nakasaad rin sa resolusyong ito ang kahilingan sa mga negosyante ng street food na putulin muna ang matulis na dulo ng bamboo stick na ginagamit bago ibigay sa kostumer.

Paliwanag ng proponent na si SB Cynthia Dela Cruz, maari umanong magamit ito sa o pagmulan ng mga aksidente o insidente.

Nilinaw naman ni Dela Cruz na ipagbabawal lamang ito sa mga flea market at hindi naman ipagbabawal sa mga regular na mga nagtitinda nito.

Sa mga uukupa sa itinalagang lugar sa pagtitinda, ay hindi anya bibigyan ng Municipal Economic Enterprise Office (MEEDO) ang mga negosyante ng permit kung ganito ang mga ititinda nila.
Sa ngayon anya, wala pang ipapataw na kaukulang penalidad sa mga lalabag rito gayunman ay kukumpiskahin ito ng mga awtoridad.

Samantala, posible anyang gawin narin nila itong isang ordenansa upang maipatupad taon-taon.

MOTOR SUMALPOK SA POSTE NG ILAW, DRIVER PATAY SA IBAJAY, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 52-anyos na construction worker makaraang sumalpok ang menamanehong motorsiklo sa poste ng ilaw sa brgy. Poblacion, Ibajay dakong alas-4:30 ng hapon.

Ayon sa imbestigador ng Ibajay PNP station, PO1 George Regalado, kinilala ang biktima na si Jimmy Urqiola, residente ng Brgy. Maloco, Ibajay.

Nabatid na papauwi na umano ang biktima kasama ang kapwa construction worker nito nang mawalan ng control sa menamanehong sasakyan dakong alas-4:40 ng hapon. Dito sumalpok ang motorsiklo sa poste ng ilaw partikular sa harapan ng Ibajay Academy.

Isinugod pa ito sa Ibajay District Hospital pero binawian rin ng buhay habang ginagamot dakong alas-5:03 ng hapon.

Ayon sa imbestigador, nagtamo ito ng malalang sugat sa kanyang ulo at mukha.

Outpatient naman ang kanyang back rider na kinilala ng pulisya na si Mark Jude QuiƱosa, 21, residente ng Brgy. Regador sa nasabing bayan matapos magtamo lamanng ng minor injuries.

Ayon kay Regalado, inatake umano ng kumbulsyon ang biktima habang nasa daan dahilan para mawalan ng kontrol sa menamanehong motorsiklo.

NATIONWIDE PEACE MOVEMENT INILUNSAD SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Inilunsad ng Kapayapaan Aklan ang kilusang pangkapayaan sa lalawigan Huwebes
ng umaga sa APSTA Teachers’ Center.

Ang Kapayapaan ay isang nationwide peace network na naglalayong maibalik ang usaping pangkapayapaan, paggalang sa mga kasunduan, at malutas ang ugat ng armed conflict sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Naging panauhing tagapagsalita sa paglulunsad na ito si GRP-NDFP Joint Monitoring Committee member Maria Concepcion “Concha” Araneta kung saan ipinaabot nito ang pag-usad at mga inaasahan pa sa nagpapatuloy na peace negotiations na muling pag-uusapan sa Enero 19 sa Roma.

Pinangunahan ni Malinao mayor at Mayors League president Atty. Ariel Igoy ang nasabing aktibidad. Bilang miyembro ng Lead Convenors ng Kapayapaan Aklan, hiniling ni Igoy sa mga mamamayan ang kanilang pagkakaisa at pagsuporta sa peace initiative na ito sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Samantala, nagpakita naman ng suporta ang iba-ibang sektor kabilang na ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga lider ng simbahan, mga estudyante, mga aktibista, at maging mga sibilyan.

ANTI-SMOKING ORDINANCE ILULUNSAD NA NG LGU-KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo


Ilulunsad umano ng LGU-Kalibo ang anti-smoking ordinance sa kasagsagan ng Ati-atihan Festival sa susunod na linggo.
Ito ang ipinahayag ni Sangguniang Bayan member Cynthia Dela Cruz sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Gayunman wala pang tiyak na petsa kung kailan ito gaganapin.

Kaugnay rito, sinabi ni Dela Cruz na magsasagawa sila ng pagpupulong kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Enero 10.

Darating anya ang mga bisita mula sa national health office para tumulong sa kampanya at pagbuo ng mga komitiba at smoke-free council.

Inihahanda narin nila ang mga poster at iba pang campaign material bago ang nasabing sanglinggong pagdiriwang. May mga billboard rin umanong iilagay sa mga mataong lugar ukol rito.

Pagkatapos anya ng launching ay magsisimula na ang kanilang massive education campaign at pag-train ng mga enforcers.

Paliwanag ng lokal na mambabatas, magandang pagkakataon ang Ati-atihan upang makapagbigay kaalaman sa karamihan ukol sa batas na ito.

Posibleng sa Marso pa umano istriktong maipapatupad ang batas sa pagbabawal sa paninigarilyo, pagbebenta at pag-eendorso nito sa mga pampublikong lugar.

Matatandaan na inaprubahan ang batas na ito sa sanggunian noong Nobyembre 24, 2016.

Wednesday, January 04, 2017

BAGONG KALIBO-NUMANCIA BRIDGE, BUBUKSAN NA SA ENERO 10

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Bubuksan na sa Enero 10, araw ng Martes, ang bagong 450-lineal meter two-lane Kalibo-Numancia bridge para sa mga motorista.

by Darwin Tapayan
Ito ang malugod na ibinalita ni Department if Public Works and Highways Aklan district engineer Noel Fuentebella sa Energy FM Kalibo ngayong araw.

Ayon sa kanya, nakipag-ugnayan na umano siya kay governor Florencio Miraflores hinggil rito. Katunayan, sa ngayon ay inaayos na umano nila ang programa para sa blessing and cutting of ribbon sa lugar.

Kabilang sa maiimbenta anya ay ang mga alkalde ng mga nabanggit na bayan. Samantalang pangungunahan naman ng gobernador ang pagpuputol ng ribbon.

Posible anyang magsimula ang programa ng alas-7:30 ng umaga at pagkatapos ay maaari na itong gamitin ng mga motorista.

Gagamitin ng mga motoristang papasok sa Kalibo ang 80-taong gulang na lumang tulay samantalang ang mga papalabas ng Kalibo o patungong Caticlan ay gagamitin ang bagong tulay.

Sa ngayon ay minamadali na ang paggawa sa Php370-M na tulay upang magamit sa kasagsagan ng Ati-atihan festival sa Kalibo. Sa panahon kasing ito inaasahan ang pagsikip ng daloy ng trapiko.

Ang Ati-atihan ay magtatagal mula Enero 9 hanggang 15.

Tuesday, January 03, 2017

MISTER TINAGA NI MISIS SA MALINAO, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinugod sa provincial hospital ang isang 51-anyos na mister makaraang tagain ng kanyang misis sa ulo sa Brgy. Sugnod, Malinao.

Salaysay ng biktimang si Roberto, 51 anyos ng nasabing lugar, kakarating lang umano nila sa bahay nang tagain siya ni misis.

Galing umano silang pareho sa inuman sa bahay ng kamag-anak nila nang magkaroon ng pagtatalo habang nasa daan.

Hindi akalain ni mister na mauwi ang kanilang diskusyon sa pananaga ng misis.

Wala namang balak magreklamo ang biktima laban sa asawa at aayusin na lang umano nila ang kanilang problema.

ISLA NG BORACAY TARGET ANG 2-M TOURIST ARRIVAL NGAYONG 2017

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Target ngayon ng Aklan provincial government ang dalawang milyong tourist arrival sa taong 2017.
Ayon kay jetty port administrator Niven Maquirang, naabot na nila ang target na 1.7 milyon sa taong 2016 o 1, 724, 125 kabuuang bilang ng tourist arrival.

Ang mga nangungunang mga turista ay mula parin sa South Korea (292,869); sinundan ito ng China (259,439); Taiwan (53, 208); Malaysia (24, 465); United States of America  (21,274); Australia (14, 883); United Kingdom (14, 397); Australia (11,978); Russia (9,834) at Singapore (9,724).

Umaasa naman si Maquirang sa pagbuhos ng mga turista sa unang quarter ngayong taon dahil narin anya na napili ang Boracay para pagdausan ng 50th year ng ASEAN Summit. Nabatid na nasa apat na pagpupulong ang idaraos dito. 

Sinabi rin na Maquirang na ang Boracay ay nanatiling isa parin sa mga cruise-ship destination sa buong Asya.

MOTORSIKLO AT VAN NAGSALPUKAN SA IBAJAY, AKLAN, 1 SUGATAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Malubhang nasugatan ang isang motorista makaraang mabundol ng umovertake na rumaragasa at kasalubong na motorsiklo sa Brgy. Tagbaya, Ibajay pasado alas-3:00 ng hapon kahapon.
Ayon sa ulat ng Ibajay police station, binabaybay ng biktimang si Nolibert Bernardo, 22 anyos ng Culasi, Antique, ang national road sakay ng kanyang motorsiklo nang mabundol ng rumaragasang van.

Umovertake umano ang pampasaherong van mula sa kabilang direksiyon sa tricycle na sa unahan nito dahilan para mabundol niya ang kasalubong na motorsiklo.

Nahati sa dalawa ang motorsiklo at tumilapon ang biktima sa konkretong kalsada at nagtamo ng mga sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan at confine ngayon sa isang pribadong hospital sa bayan ng Kalibo.

Samantala, lumihis at tumagilid ng bahagya ang van makaraang mahulog sa kanal at nagtamo ng mga minor injuries ang ilang pasahero nito.

Arestado naman ang drayber ng van na si Jared Florecio, 42 anyos ng Caticlan, Malay at nakapiit ngayon sa Ibajay police station habang posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to frustrated homicide.

Monday, January 02, 2017

44-ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA MALINAO SA PAGDADALA NG BARIL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 44-anyos na lalaki makaraang mahulihan ng baril sa inuman sa Brgy. Rosario, Malinao, Aklan besperas ng Bagong Taon.

Kinilala ang naaresto na si Rolen Villorente y Icay at residente nasabing lugar.

Nakikipag-inuman raw ito nang magkaroon ng pagtatalo sa kainuman niya at nanutok ng baril. Maswerteng naagaw ng barangay tanod na si Allan Melano ang cal. 45 baril mula sa suspek at agad na itinurn-over sa pulisya.

Agad naman rumesponde ang kapulisan sa lugar at naaresto ang lalaki. 

Nakakulong ngayon ang suspek sa Malinao police station at nahaharap sa kasong Republic Act 10591 o kasong illegal position of firearm.


20-ANYOS NA HABAL-HABAL DRIVER BINUGBOG, SINAKSAK NG 3 KATAO SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naka-confine parin ngayon sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang isang 20-anyos na habal-habal driver makaraang saksakin at bugbugin sa Isla ng Boracay besperas ng Bagong Taon.

Kinilala ang biktima na nagtamo ng sugat ng pananaksak sa kanang balikat na si Jay-F Dela Cruz at residente ng Brgy. Cawayan, New Washington pero nagtratrabaho sa Boracay.


Ayon sa ulat ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pamamagitan ng imbestigador na si PO1 Allan Zamora, nangyari umano ang insidente dakong 11:45 ng hating gabi.

Papauwi na umano ang biktima nang maparaan ito sa isang eskeneta na may nag-iinuman sa Brgy. Bantud, Manocmanoc kung saan siya tinambangan ng tatlo. Dito binugbog ng tatlo ang lalaki at sinaksak.

Maswerteng nakatakbo ang biktima at nakahingi ng tulong. 

Sa pagresponde ng pulisya, ay naaresto ang tatlo na sina, John Paul Dela Cruz, 21, Christian Dela Torre, at Paul Magan, 22, pawang mga residente ng Boracay. Ang mga suspek ay posibleng maharap sa kasong frustrated murder.

LASING NA LALAKI SA LASERNA NAG-AMOK , APAT NA LALAKI PINAGTATAGA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nag-amok raw ang isang lasing na lalaki sa Purok 4, C. Laserna St., Poblacion, Kalibo, Aklan pasado alas 7:00 ng gabi.
Jonel Renacido - suspek sa pananaga sa apat.

Sa inisyal na imbestigasyon sakay raw ng kanyang tricycle ang suspek na armado ng samurai o talibong nang mapadaan ito sa Purok 4, at pinagtataga ang apat na mga lalaki.

Kinilala ang mga biktima na sina Leander Ylanan, 28, Roeben Inaudito, Roland Inaodito, at Bobby Francisco na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Patuloy na ginagamot sa mag-kaibang hospital ang mga biktima.

Samantala, arestado naman ang suspek na kinilalang si Jonel Renacido, 44, residente ng Oyotorong St. Kalibo, tubong Malinao, Aklan.

Narekover sa suspek ang isang talibong at ang menamaneho nitong tricycle. Mapapansin na may mga dugo pa ang mga ito.

Sa pahayag naman ng suspek sa Energy FM Kalibo, itinatanggi nito ang krimen pero inamin na nakainom siya.

CATICLAN JETTY PORT NAKATAKDANG I-EXPAND; CRUISE SHIP PORT TINITINGNAN RIN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga turistang bumibisita sa Isla ng Boracay, ipinahayag ni Jetty Port administrator Nieven Maquirang sa panayam ng Energy FM Kalibo ang takdang pag-expand sa Caticlan Jetty Port.

Sinabi ni Maquirang na matatapos ang proyekto sa susunod na dalawa o tatlong taon upang maka-accommodate ng mas marami pang turista alinsunod anya sa kagustuhan ni Aklan governor Florencio Miraflores.

Maliban rito, sinabi rin niya ang nakatakdang paglalagay ng break water system sa baybayin para kahit anya sa panahon ng habagat ay pwede paring makabiyahe mula Caticlan patawid sa Isla ng Boracay o vice versa.

Samantala, dahil sa pagdami rin ng mga bumibisitang cruise ship sa isla, tinitingnan din anya ng pamahalaang lokal ang pagsasagawa ng cruise ship port sa Caticlan. Sinabi niya na may mga inisyal na umanong mga desinyo at plano ukol rito na ginawa ng mga kilalang international cruise ship port designer.

Ang proyektong ito ay posible anyang matapos sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Napag-alaman na sa nakalipas na taong 2016 ay mayroon anyang 13 cruise ship na dumating sa Boracay kumpara sa 10 noong 2015. Inaasahan na sa Enero at Pebrero ay limang cruise ship agad ang bibisita sa Boracay. Mas darami pa umano ito sa panahon ng summer.

Nabatid rin mula sa jetty port administrator ang takdang paggawa sa Pook Jetty Port na ayon sa kanya ang posibleng gamitin ng mga turistang lumalabas-pasok sa Kalibo International Airport patungong Boracay.

KASO NG FIRE-CRACKER-RELATED INCIDENT SA PAGSALUBONG NG TAONG 2017, UMAKYAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umakyat na sa 14 na kaso ng firecaraker-related incident ang naitala ng Aklan Provincial Health Office (PHO) mula Disyembre 21 hanggang Enero 1, mas mataas ito kumpara sa 10 kaso noong nakaraang  taon.

Napag-alaman na karamihan sa mga biktima ay isinugod sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital. Matapos mabigyan ng kaukulang lunas ay idineklara namang out-patient ang lahat ng mga ito.

Ayon pa sa report, ang bayang ng Kalibo at New Washington ay may pinakamataas na bilang ng mga firecracker-related incident na may tig-aapat bawat  bayan na sinundan naman ng Banga na mayroong dalawa.

Sa mga kasong ito, 13 sa mga biktima ay lalaki at isa naman ang babae.

Nabatid rin na karamihan sa mga dahilan ng mga sakunang ito ay kwitis na aabot sa siyam, samantalang ang ipinagbabawal na piccolo at triangle ay may tigda-dalawang kaso at isang kaso ng ipinagabawal rin na sinturon ni Judas.

Karamihan sa mga biktimang ito ay 15 pataas na may 10 kaso na nabiktima ng paputok habang ito ay kanilang hawak-hawak.

Ang pinakabata rito ay siyam na taong gulang mula sa Numancia at ang pinakamatanda naman ay 72-anyos mula Kalibo.

Wala namang naitalang stray bullets at pagkalunok ng paputok ang naiulat sa lalawigan.

Ayon sa pamunuan ng PHO, posible pa umanong madagdagan ang bilang na ito dahil magpapatuloy pa ang kanilang pagmo-monitor hanggang Enero 5.