Wednesday, November 29, 2017

37 ANYOS NA BABAE PINAGPAPALO NG KAHOY PANGGATONG NG KALIVE-IN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pasa ang mga hita, paa, kamay, likod at maging ulo ng babaeng ito matapos siyang pagpapaluin ng kanyang ka-live-in.

Kuwento ng 37-anyos na biktima sa Energy FM Kalibo, matutulog na umano siya sa kuwarto nang pinagpapalo siya ng ka-live-in sa iba-ibang bahagi ng katawan gamit ang biniyak na kahoy.

Paliwanag ng biktima, posible anyang nagalit ang lalaki nang iwan niya itong umiinom ng mag-isa sa loob rin ng kanilang bahay sa bayan ng Kalibo.

Hindi na umano nagtangkang manlaban o tumakbo ang biktima dahil sa takot na kung ano pang mas malala ang mangyari sa kanya.

Kasama umano nila sa bahay ang maliliit na mga bata. Hindi narin umano siya sumigaw ng tulong dahil malayo rin ang mga bahay sa kanila.

Arestado ang suspek matapos itong isumbong ng babae sa mga kapulisan at sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9262.

Patuloy namang inoobserbahan sa provincial hospital ang biktima.

Tuesday, November 28, 2017

MEDALYA NG KADAKILAAN IGINAWAD SA NASAWING PULIS SA ENGKWENTRO NG NPA AT KAPULISAN SA MAASIN ILOILO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Iginawad sa nasawing pulis na si PO1 Joeffel Odon ang Medalya ng Kadakilaan ngayong araw.

Si Odon ay nasawi matapos makipagbakbakan sa mga tumambang na mga miyembro ng New People’s Army sa Maasin, Iloilo nito lang Byernes (Nov. 24).

Ang parangal ay ipinagkaloob ni Usec Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government sa pamilya ng nasawing pulis sa kanyang burol.

Maliban rito, nag-abot rin ng Php250,000 na tulong pinansiyal ang pangalawang kalihim mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Bahagi ito ng kalahating milyong tulong mula sa gobyerno.

Samantala, binigyan rin ni Usec Año ng mga medalya ang mga nasugatang pulis na tinambangan ng mga ‘teroristang’ NPA sa Sibalom, Antique at sa Maasin, Iloilo.

Nagbigay rin siya sa mga sugatang pulis ng caliber 45 pistol at pinansiyal na tulong mula sa Pangulo at sa PSMBFI. / EFMK

9-ANYOS NA BABAE NALUNOD SA BAYBAYIN NG NEW WASHINGTON, PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi na umabot ng buhay ang batang ito sa ospital makaraang malunod ngayong hapon (Nov. 28) sa baybaying sakop ng Brgy. Mabilo, New Washington.

Kinilala ang biktima na si Clarise Timbas y Dalida, 9-anyos at residente ng Brgy. Andagao, Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa ina ng bata, nagkaroon umano sila ng outing sa isang resort kasama ang iba pa nilang kamag-anak nang maganap ang insidente.

Naliligo umano ang bata nang mapansin nalang ng iba nilang kasamahan na nawawala ang dalawang bata – ang biktima at ang isa pa niyang pinsan.

Nailigtas naman umano agad ang isang bata pero tumagal pa ng ilang minuto bago nila natagpuan si Clarise matapos tangayin ng malakas na alon.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng mga rumespondeng rescuer ang biktima at mabilis na isinugod sa provincial hospital pero dineklara ring dead on arrival.

Samantala, napag-alaman ng ina na laman ng dalang bag ni Clarise ang itim at puting damit na matagal na umano niyang hindi sinusuot.

Nasa mabuting kalagayan naman na ang kanyang pinsang babae na mutikan ring matangay ng alon.

Monday, November 27, 2017

AKLANONG PULIS NA NAGLIGTAS SA BUHAY NG ISANG MATANDANG BABAE, BINIGYANG PAGKILALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Asahan niyo na hindi ako titigil sa pagtulong nakauniporme man ako o nakasibilyan,” sinabi ni PO3 Rayniel Bartolome matapos siyang gawaran ng pagkilala sa Sangguniang Panlalawigan.

Nagviral ang Aklanon na si PO3 Bartolome sa social media matapos maipost ang kuwento ng kanyang kabayanihan.

Buwan ng Oktobre nang makasabay niya ang isang 75-anyos na matanda na nastroke sa loob ng bus habang nasa biyahe mula Manila patungong Caticlan.

Sa facebook ni Nieva Nacionales, ang police mismo ang gumawa ng paraan na isugod sa ospital sa Calamba, Laguna ang kanilang ina. Nagtagal pa ng nasa tatlong oras ang police hanggang sa dumating ang kapamilya. Si Bartolome rin ang bumili ng ilang gamot sa nasabing pasyente.

Ang police officer na taga-Kalibo ay galing sa Manila matapos mag-augment sa ASEAN summit sa nabanggit na Buwan.

Iginawad ang pagkilala sa kanyang natatanging kabayanihan sa regular session ng Sanggunian ngayong araw (Nov. 27). Ang resolusyong ito na inakdaan ni SP member Jay Tejada ay ipapadala rin sa regional director at provincial director ng Philippine National Police.

AKLAN SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT OFFICE MULING NANAWAGAN NA HUWAG BIGYAN NG LIMOS ANG MGA BADJAO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling nanawagan ang Aklan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na huwag bigyan ng limos ang mga Badjao na dumadami na sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong kapaskuhan at Ati-atihan.

Sa isang media forum ngayong araw (Nov. 27), sinabi ni PSWDO Evangeline Gallega, ito ang nakikita niyang mainam na solusyon para umalis ang mga ito dito sa probinsiya.

Giit ni Gallega, nahihikayat ng mga Badjao ang iba pa nilang kasamahan mula sa Mindanao na dumayo at tumira rito dahil naiinganyo sila na marami ang kanilang nakikita sa pangangalimos. Ito umano ang pag-amin ng isa sa mga Badjao nang kanyang makapanayam kung bakit gusto nilang manatili rito.

Hinikayat rin niya ang mga tao na binabastos at sinasakit ng mga katutubo na isumbong sa mga kapulisan. Marami narin ang nagrereklamo sa hindi magandang pag-uugali ng mga ito lalu na kapag hindi sila binibigyan ng limos.

Paliwanag pa ng opisyal, ginagamit ng mga matatandang Badjao ang kanilang mga anak o mga bata sa pangangalimos para kaawan sila. Inaalam narin umano ng PSWDO kung may mga sindikatong nasa likod ng grupong ito.

Aminado si Gallega na maging sila ay hirap rin na makahanap ng iba pang mainam na paraan para maibalik sa kanilang lugar ang mga Badjao. Minsan narin umano nilang pinauwi ang mga ito, gayunman ay bumalik rin dito.

Umaasa siya na sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pera ay makakaisip ang mga Badjao na umalis nalang dito.