Saturday, July 08, 2017

TATLONG CHIEF OF POLICE SA AKLAN, SISIBAKIN SA PWESTO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

May relieve order na mula sa acting provincial director ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang tatlong hepe sa probinsiya ng Aklan.

Sa panayam sa programang ‘Tambalang AR’, sinabi ni SPO1 Nida Gregas, tagapagsalita ng APPO, ang mga ito ay hepe ng Lezo, Altavas at Numancia municipal police station.

Ang pagsibak sa kanila sa pwesto ay kasunod ng kabiguan na magkaroon ng accomplishment sa anti-drug war campaign na Oplan: Double barrel reloaded simula pa noong buwan ng Marso.

Ayon kay Gregas, pansamantalang madedestino muna ang mga ito sa kampo habang ang kanilang mga deputy chief ang tatayong officer in charge ng mga nasabing police station.

Sa Lezo, masisibak si PSInsp. Jose Murallo; at sa Altavas, masisibak naman si PCInsp. Ariel Nacar.

Samantala, nilinaw ni SPO1 Gregas na bago patawan ng relieved order si PSInsp. Geo Colibao ng Numancia police station ay mayroon na itong transfer request sa National Capital Region Police Office.

Si Colibao ay nasa dalawang linggo palang na nakaupo bilang hepe ng Numancia PNP.

MAHIGIT 2000 CRUISE PASSENGERS BIBISITA SA BORACAY NGAYONG LUNES

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa na namang cruise ship ng international cruise line na Celebrity Cruises ang inaasahag bibisita sa isla ng Boracay ngayong Lunes sa unang pagkakataon.

Lulan ng MS SkySea Golden Era ang nasa mahigit 2,000 turista and mahigit 800 mga crew.

Napag-alaman mula sa tanggapan Caticlan jetty port na karamihan sa mga sakay nito ay mga Chinese.

Inaasahan na dadaong ang cruise line dakong alas-6:00 ng umaga at magtatagal hanggang alas-2:00 ng hapon.

Bahagi ng inagurasyon, magkakaroon ng palitan ng plake ang pamahalaang lokal ng Aklan at Malay kasama ang Department of Tourism 6 sa mga opisyal ng nasabing luxury line.

Samantalang sasalubungin naman ng masigla at makulay na Ati-atihan dance performance ang mga turista.

Nabatid na MS SkySea Golden Era ang pang-walong cruise line na bumisita sa isla ngayong taon.

Siyam pang cruise ship ang nakatakdang dumaong sa sikat na isla ng Boracay. (PNA)

2 LALAKI NA NAGHAPPY-HAPPY SA ISANG BAR, HINDI NAGBAYAD PINAARESTO SA PULIS

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa lock-up cell ng Kalibo PNP Station ang bagsak ng dalawang lalaking ito matapos uminom ng alak sa Parekoy Videoke Bar ngunit nang malasing ay ayaw ng magbayad sa mga inorder. 

Naganap ang insidente bandang alas-4:00  ngayong umaga.

Paliwanag ng dalawa sa Energy FM Kalibo, inimbitahan raw sila ng isang lalaki na mag-inuman sa nabanggit na bar. Ngunit nang malasing iniwan sila ng lalaki. Wala umano silang pambayad kaya ipinakulong muna sila.

Ayon naman sa waiter ng bar, wala raw ibang kasama ang dalawa kaya nagpapalusot lang ang mga ito.

19 CHIEF OF POLICE SA WESTERN VISAYAS, IRI-RELIEVE DAHIL SA KAKULANGAN NG DRUG ACCOMPLISHMENT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakdang i-relieve ang 19 na mga chief of police sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng drug accomplishment sa kani-kanilang mga area of responsibility.

Ito ang kinumpirma ni PSSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 6, sa panayam ng Energy FM Kalibo Byernes ng hapon.

Ayon kay Gorero, sa bilang na ito, isa (1) rito ang sa Antique, tatlo (3) sa Aklan, anim (6) sa Capiz, at ang natira ay sa lalawigan ng Iloilo. Nilinaw ng opisyal ng PRO6 na walang problema sa drug accomplishment sa Guimaras at sa Iloilo City.

Paliwanag ni Gorero, nagsimula umano ang kanilang monitoring ng mga drug accomplishment simula Marso 1 sa paglulunsad ng Oplan Double Barrel Relaoded hanggang sa kasalukuyan.

Batayan anya rito ang accomplishment sa Oplan Tokhang (15%), community relation (5%), investigation (5%), commander's initiative (5%) at pinakamalaki ang Oplan High Value Target at Street Value Target (70%).

Napag-alaman na walang mga naarestong drug personality ang mga nasabing PNP station  sa nasabing period.

Kaugnay rito inatasan na ni PCSupt. Cesar Hawthorne Binag, regional director ng pulisya, ang mga provincial director ng mga nabanggit na lugar para i-relieve ang mga hepe rito.

Giit ni Gorero, ginagawa nila ito para masiguro ang pagiging aktibo ng mga kapulisan sa pagsawata sa illegal drugs kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

SUSPEK SA PAMAMARIL SA CAMANCI NORTE SUMAILALIM NA SA PARAFFIN TEST

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa paraffin test sa crime laboratory ang nahuling suspek sa pamamaril sa brgy. Camanci Norte, Numancia Miyerkules ng gabi.

Ito ang kinumpirma ni PO2 Felizardo Navarra Jr., imbestigador ng Numancia municipal police station, sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Si Kevin Cangson, 25 anyos, tubong Odiongan, Romblon at kasalakuyang nakatira sa brgy. Camanci Norte, ay sumang-ayon na maeksamin ng mga awtoridad kung nagpaputok nga ba ito ng baril.

Nanindigan ang suspek at tinuturong driver sa riding in tandem na wala siyang kinalaman sa nasabing insidente na ikinamatay ng tatlong tanod, at ikinasugat ng tatlo pa.

Ang paraffin test ay isang eksaminasyon kung saan ang suspek sa pamamaril ay isinasailalim sa chemical analysis para malaman kung may presensya ng gun powder sa kanyang kamay.

Ipapadala pa sa crime laboratory sa Iloilo ang ginawang paraffin test para makumpirma ang resulta ng eksaminasyon na posibleng magtatagal pa ng ilang araw.

Napag-alaman na ang paraffin test ay pwede paring pumalya bagaman ang isang tao ay talagang nagpaputok ng baril sa ilang kadahilanan.

Ang resulta ng eksaminasyon ay hindi konklusibo at pangunahing batayan parin ang mga testigo sa insidente.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa Numancia PNP station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Friday, July 07, 2017

SUSPEK SA PAMAMARIL SA BRGY. CAMANCI NORTE, NUMANCIA NAARESTO NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naaresto na ng mga kapulisan ang isa sa dalawang suspek sa nangyaring pamamaril sa brgy. Camanci Norte, Numancia Miyerkules ng gabi na ikinamatay ng tatlong tanod at ikinasugat ng  tatlo.

Kinilala ang nasabing suspek na si Kevin Cangson, 25-anyos, tubong Odiongan, Romblon pero pansamantalang nakatira sa brgy. Camanci Norte sa nasabing bayan.

Ayon kay PSInsp. Geo Colibao, hepe ng Numancia municipal police station, naaresto umano nila ang nasabing suspek sa police station mismo, matapos imbitahan ang mga ito para sa imbestigasyon.

Dagdag pa ni Colibao, positibong itinuro ng tatlong saksi ang nasabing suspek sa harap ng mga kapulisan bagay na inaresto ito ng mga awtoridad.

Ang suspek at ang kanyang live-in partner ay nasangkot sa kaguluhan sa birthday party sa kanilang boarding sa nasabing barangay Martes ng gabi kung saan nakaalitan nila ang mga rumespondeng tanod at ang punong barangay.

Sa alegasyon ni Shenna mae Baylon, live-in partner ng suspek, sinuntok umano siya ni punong barangay John Maribojo na natamaan sa kanyang mata. 

Si Cangson ang sinasabing driver ng motorsiklo at nakabaril sa tatlong tanod na ikinamatay nina Rogelio Saron, 38 anyos, Jesconie Isidro, 35 samantalang patuloy namang ginagamot sa ospital ang kasama nilang si Danilo Villorente, 43. 

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, mariin namang itinatanggi ng suspek ang alegasyon sa kanya.

Giit niya at ng kanyang live-in parter, nakacheck-in umano sila sa hotel kasama ng pamilya ng babae nang mangyari ang insidente.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder at frustrated murder ang nasabing suspek.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente sa posibleng pagkakakilalan at ikadarakip ng isa pa niyang kasama na sinasabing bumaril at pumatay sa tanod na si Walter Rembulat.

Samantala, nasa maayos nang kalagayan ang dalawang biktima ng stray bullet –isang 9 anyos na babae at 23 anyos na lalaki.

DAGDAG ATRAKSIYON SA KALIBO, NAIS DISKUBREHIN NG LOKAL NA PAMAHALAAN


Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nais diskubrehin ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang iba pang mga posibleng atraksiyon dito para i-develop sa tulog ng Tourism and Cultural Division ng munisipyo.

Ito ay kasunod ng resolusyon na inihain ni Sangguniang Bayan member Philip Kimpo Jr. na humihiling sa konseho ng 16 na barangay sa Kalibo na alamin ang mga posibleng atraksiyon sa kanilang lugar.

Ayon pa kay Kimpo, ang mga opisyal ng bawat barangay ay may malaking kakayahan na malaman ang mga potensyal na tourism attraction sa kanilang lugar.

Paliwanag pa ng lokal na mambabatas, hindi lamang festivals at scenic destinations ang pwedeng gawing tourism attraction. Pwede rin anya ang sports tourism, culinary and cottage tourism, agritourism at special interest activities.

Kamakailan lang ay opisyal nang isanama sa mga tourist attraction ng munisipyo ang Tinigaw riverbank maging ang taunan motocross dito na ngayon ay mas ginawa pang masaya dahil sa mga dagdag na aktibidad gaya ng mga laro ng lahi.

MGA OPISYAL NAGHAHANDA NA PARA SA INAGURASYON NG BAGONG LEGISLATIVE BUILDING NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naghahanda na ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lokal ng Aklan para sa inagurasyon ng bagong gusali ng Sangguniang Panlalawigan sa darating na Hulyo 27.

Ang inagaurasyon ay gaganapin dakong ala-1:00 ng hapon at magsisimula sa unveiling of markers, ribbon cutting at blessing kasama si senadora Cynthia Villar bilang panauhing pandangal.

Susundan ito ng maigsing programa simula sa panalangin na pangungunahan ni Sangguniang Panlalawigan member Ramon Gelito. Pambansang Awit at Aklan Hymn na pangungunahan naman ng SP Employees Choir.

Susundan ito ng mensahe si vice governor Reynaldo Quimpo at isang audio visual presentation.

Magbibigay rin ng kanyang mensahe ang ang asawa ni vice governor Quimpo at dati ring vice governor ng probinsiya na si Gabrielle Calizo-Quimpo. Siya rin ang magpapakilala sa panauhing pandangal sa inagurasyon na magbibigay rin ng kanyang mensahe.

Pagkatapos nito ay magsasagawa ng 47th regular session ang Sanggunian at kauna-unahang sesyon sa bagong inagurang gusali na itinaon naman sa State of the Province Address ng gobernador.

Thursday, July 06, 2017

26 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA KASONG SLANDER BY DEED SA BAYAN NG NUMANCIA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 26-anyos na lalaki sa sa kasong slander by deed sa brgy. Bulwang, Numancia.

Kinilala ang akusado na si Leo Prado, residente ng nasabing lugar.

Naaresto ang lalaki sa kanilang residensya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas at nilagdaan ni judge Bienvinido Barrios Jr., ng Regional Trial Court sa Kalibo.

Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng pinagsamang pwersa ng Aklan Crime Investigation and Detection Group at Numancia municipal police station.

Ang akusado ay pansamantalang nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Numancia PNP at nakatakdang iharap sa kaukulang korte.

Anim na libong piso ang itinakdang pyansa ng korte para sa kanyang temporaryong kalayaan.

3 TANOD PATAY NANG PAGBABARILIN NG RIDING IN TANDEM SA NUMANCIA

Patay ang tatlong tanod sa brgy. Camanci Norte makaraang pagbabarilin ng riding in tandem.

Naganap ang nasabing insidente sa peryahan ng nasabing barangay dakong alas-10 ng gabi habang nasa kasagsagan ng duty ang mga nasabing tanod.

Ayon sa report ng Numancia PNP, nilapitan umano ng gun man ang tanod na si Walter Rembulat, 35 anyos, at pinagbabaril.

Pinagtulungan naman ng tatlo pang tanod na hulihin ang nasabing gunman.

Dito na pinagbabaril ng gunman at driver ang mga tanod na sina Danilo Villorente, 43 anyos, Rogelio Saron, 38, Jesconie Isidro, 35.

Agad namang nakatakas ang hindi pa nakikilalang mga suspek na nakabonet.

Isinugod naman sa magkaibang hospital ang mga biktima pero hindi na umabot ng buhay si Rembolat at Saron. 

Binawian ng buhay si Isidro habang ginagamot sa intensive care unit dakong alas-2:00 ng madaling araw kanina.

Napag-alaman na dalawang sibilyan na nasa peryahan ang natamaan ng stray bullet – isang 9-anyos na babae at 23 anyos na lalaki.

Inaalam pa ng mga kapulisan ang motibo nang nasabing insidente.

AKLAN PNP IKINABAHALA ANG SUNOD-SUNOD NA KASO NG RIDING-IN-TANDEM SA PROBINSIYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ikinabahala ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang sunod-sunod na kaso ng riding-in-tandem sa probinsiya.

Sa isang press conference, sinabi ni PSSupt. Lope Manlapaz, direktor ng APPO, paiigtingin pa ng mga kapulisan ang seguridad at tutukan ang pagsawata ng mga nasabing kaso.

Nitong linggo lang tatlong kaso na nang riding-in-tandem ang naganap sa Aklan.

Nitong Lunes, patay nang pagbabarilin sa brgy. Odiong, Altavas ang drug surenderee na kinilalang si Jovanie Gervacio, residente ng brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang negosyanteng si Merlu Manokan makaraang pagbabarilin din sa loob ng kanilang bahay sa brgy. Aquino, Ibajay.

At ngayong Huwebes, tatlong tanod ang napatay at isa pang tanod ang sugatan matapos pagbabarilin din sa peryahan sa brgy. Camanci Norte, Numancia.

Ayon kay Manlapaz, bagaman naka-full-alert ngayon ang mga kapulisan nagkataon anya na ang mga nasabing insidente ay naganap malayo sa mga checkpoint sa mga nabanggit na lugar.

Aalamin rin anya nila kung iisang grupo lang ba ang mga suspek sa mga nasabing insidente.

Napag-alaman na simula nang maupo si Manlapaz bilang direktor ng Aklan PNP, limang kaso na nang riding-in-tandem ang naganap sa kanyang administrasyon.

Aminado naman siya na hirap parin sila sa pagtukoy sa mga suspek gayunman pinasiguro niya na hidi tumitigil ang mga kapulisan sa paglutas ng mga nasabing kaso.

Wednesday, July 05, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA TRUCK SA LINAYASAN, ALTAVAS; ISA PATAY, ISA SUGATAN

Patay ang isang 42 anyos na driver matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang truck sa brgy. Linayasan, Altavas.

Kinilala ang biktima na si Joevy Peñano, residente ng brgy. Man-up sa parehong bayan.

Sugatan rin ang kanyang backrider na si Ronnie Plana, 34 anyos, residente ng brgy. Odiong, Altavas.

Ayon kay PO3 Niel Alejandro, imbestigador ng Altavas police station, lasing umano ang magbarkada nang maganap ang insidente.

Galing umano ang dalawa sa brgy. Odiong kung saan sila nag-inuman. Patungo na sana sa brgy. Linayasan ang dalawa nang pagdating sa crossing ay sumalpok ito sa kasalubong na sasakyan.

Dinala naman sa provincial hospital ang mga biktima pero binawian rin ng buhay ang driver habang ginagamot sa emergency room.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang driver at lasog ang ibang bahagi ng katawan.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng delivery van na si Romeo Lanticsi, 37 anyos at tubong Sarangani.

MGA BAYAN SA AKLAN TATANGGAP NG PHP207 MILYONG PONDO MULA SA DILG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tatanggap ng Php207.964 milyon ang 17 bayan sa Aklan sa pamamagitan ng Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa DILG-Aklan, pinakamalaki sa pondong ito ang mapupunta sa Tangalan na may Php22.714 milyon; Kalibo na may Php16.964 milyon; Malay na may Php14.893; Numancia at Makato na may mahigit tig-Php13 milyong pondo.

Makakakuha naman ng mahigit tig-Php11 milyong pondo ang mga bayan ng Ibajay at New Washington. Ang Lezo ay makakakuha ng mahigit Php12 milyon.

 Mahigit tig-Php10 milyon naman ang para sa mga bayan ng Balete, Banga, Batan, Libacao, at Nabas.
Ang mga bayan naman ng Altavas, Buruanga, Madalag at Malinao ay may mahigit Php9 milyong pondo bawat isa.

Gagamitn ng mga lokal na pamahalaan ang pondong ito para sa mga proyekto kagaya ng system, evacuation facility, local access roads, small water impounding, at sanitation and health facilities.

Naibigay ang pondo sa mga munisipalidad na ito matapos ma-complied ang Seal of Good Financial Housekeeping (GFH) at assessment sa kanilang Performance Management System (PFM).

Umaasa naman ang DILG na magagamit ng wasto ng mga lokal na pamahalaan ang pondong ito para mapaulad pa ang serbisyo sa taumbayan.

STRICT IMPLEMENTATION NG I.D. SA MGA PAMPASAHERONG TRICYCLE SA KALIBO, IPAPATUPAD NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipapatupad na ngayong Lunes, Hulyo 10, ang strict implementation ng paglalagay ng driver’s accreditation i.d. sa lahat ng mga pampasaherong tricycle sa bayan ng Kalibo.

Sa programang ‘Prangkahan’, sinabi ni Artemio Arrieta, administrative officer ng Sangguniang Bayan, ang implementasyon ay alinsunod sa ordinance 2013-11.

Ayon sa kanya, nakasaad sa batas na ito na lahat ng mga driver na pumapasada ay kinakailangang kumuha ng accreditation i.d. at isabit sa loob ng tricycle.

Simula sa Lunes ay papatawan na ng Php500 na penalidad ang mga driver na bumibiyahe na mahuling walang i.d.. Papatawan rin ang operator ng Php1000 na penalidad.

Abril ngayong taon ay nagsimula na silang maglathala ng nasabing i.d na mayroong mga bagong features at hindi basta mapepeke.

Sinabi ng opisyal na mahalaga ang i.d. para makilala ng mga pasahero ang driver lalu na kapag may mga reklamo sila o di kaya ay may mga naiwan silang gamit sa tricycle. 

Samantala, nanawagan naman siya sa nasa 1,000 pang tricycle driver na kunin na sa kanilang tanggapan ang mga nakabinbin na mga i.d.

Tuesday, July 04, 2017

UNANG BATCH NG AUXILIARY POLICE SA MAKATO SASABAK NA SA TRABAHO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Makato PNP
Sasabak na sa trabaho simula ngayong Byernes ang mga nagtapos sa puspusan at sanglinggong training sa pagiging municipal auxiliary police (MAP) sa bayan ng Makato.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay PSInsp. Jasson Belceña, hepe ng Makato PNP, ang training ay kasunod ng kakulangan ng mga miyembro ng pulisya sa kanilang bayan.

Kabilang sa training na pinangunahan ng Makato PNP station ay ang rules of MAP and relation to PNP duties; responsibilities and coduct of MAP; at basic sa patrol operation.

Tinuruan din ang siyam na sumabak sa training ng traffic rules and investigation procedures; pagsusulat ng report at citation; pagresponde at crime scene preservation; intervention technique; at disaster relief and preservation.

Itinuro rin sa mga trainee ang principles and standard of human rights; at intelligence.

Samantala, sa kanyang police blotter binawi na ng isang trainee ang kanyang reklamo na sinakit siya ng isang police officer ng Makato PNP.

LALAKING NANONOOD NG TV, BINARIL NG RIDING IN TANDEM SA IBAJAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang 44-anyos na lalaki matapos barilin ng riding in tandem bandang alas-8:24 kagabi sa brgy. Aquino, Ibajay.

Kinilala ang biktima sa pangalang Merlu Manokan, residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Ibajay PNP station, nakaupo umano ang biktima sa loob ng bahay ng pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sakay ng isang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, narekober nila sa lugar ang apat na basiyo ng calibre .45.

Nakaconfine ngayon sa provincial hospital ang biktima matapos magtamo ng sugat ng pagbaril sa tiyan at daplis sa panga.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng nasabing pamamaril at ang pagkakakilalan ng mga suspek para sa posibleng pag-aresto sa kanila.

'BIG ONE' POSIBLENG TUMAMA SA AKLAN AYON SA PDRRMO

Posibleng tumama sa probinsiya ng Aklan ang pinangangambahang 'Big One' ayon sa opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (Pdrrmo).

'Big One' ang tawag sa pinakamalakas na lindol na posibleng maganap sa bansa lalu na sa Kamaynilaan.

Ayon kay Galo Ibardolaza, executive officer ng Aklan-Pdrrmo, posible itong maganap sa probinsiya dahil sa tinatawag na West Panay Fault.

Paliwanag ni Ibardolaza, ang West Panay Fault ay napakalapit lamang sa boundary ng Aklan at Antique, Iloilo at Capiz hanggang sa Aniniway, Antique.

Nabatid na ang Kalibo ay 23 kilometro lamang ang layo mula sa nasabing fault.

Dagdag pa ng opisyal, walang nakakaalam kung kailan mangyayari ang 'Big One'; hindi anya tulad ng bagyo na may forecast.

Matatandaan na niyanig ng malakas na lindol ang 1990 na ikinasira ng Kalibo cathedral at simbahan sa Libacao.

Kaugnay rito, nagsagawa naman ng primer ang Department of Science and Technology (Dost) at ang Department of Education (Deped) sa mga paaralan.

Ito ay para maituro sa mga estudyante ang parte sa lindol at kung ano ang pwede nilang gawin kapag nangyari ito. (PIA)

Kasimanwang Darwin Tapayan

BILANG NG MGA TURISTA SA BORACAY HALOS ISANG MILYON NA

Umabot na sa halos isang milyon ang mga turistang bumisita sa isla ng Boracay sa unang limang buwan ng taon.

Sa report ng Provincial Tourism Office, mula Enero hanggang Mayo nitong taon, ang tourist arrival sa Boracay ay umabot na sa sa mahigit 947,000.

Nabatid na mas mataas ang bilang na ito ng 12.48 percent kumpara sa bilang ng mga turista sa parehong peryod sa nakalipas na taon na mayroon lamang 842,000 bilang.

Mula Enero hanggang Mayo ngayong taon umabot naman sa halos 431,000 ang bilang ng mga foreign tourist sa Boracay; ang local ay mahigit 493,000; at ang Overseas Filipino Workers ay mahigit 23,000.

Napag-alaman na ang buwan ng Abril ang may pinakamataas na bilang ng mga turista na may mahigit 233,000; sinundan ng Mayo sa bilang na halos 203,000; Pebrero na may mahigit 174,000.

Target ng probinsiya na maabot ang 1.7 milyong bilang ng mga turista bago magtapos ang taong ito.

Matatandaan na naabot ng probinsiy ang target na 1.5 milyon na tourist arrival noong 2016. (PIA)

Monday, July 03, 2017

20 ANYOS NA LALAKI PATAY NANG BUMANGGA SA PUNO ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 20-anyos na lalaki makaraang bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang puno sa brgy. Laserna, Nabas Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ariel Sentones Jr., residente ng brgy. Ondoy, Ibajay.

Ayon sa nanay, galing umano sa isang cold spring resort ang anak kasama ang mga barkada bago mangyari ang insidente.

Posible anyang nag-inuman ang magbabarkada sa naturang lugar.

Dagdag pa ng ina, maasahan ang bunsong anak niya na kakauwi lang sa Maynila mula sa trabaho. 

Kakatapos lang rin umano ng anak sa kursong marine.

Dinala pa sa provincial hospital ang biktima pero dineklara ring patay ng attending physician matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

DEVELOPMENT SA HINUGTAN BEACH, PUSPUSAN NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Puspusan ngayon ang ginagawang development sa Hinugtan beach sa brgy. Bel-is, Buruanga.

Malapit nang matapos ang pagsasakonkreto ng daan patungo sa 'mala-Boracay na ganda' na beach na ito.

Nais ng pamahalaang lokal ng Buruanga na gawin itong isa pang sikat na tourist destination.

Pwedeng puntahan ang beach na ito sa pamamagitan ng bangka o sasakyan.

Perpekto ang lugar para sa hiking, swimming, boating, beach volleyball at iba pa. Mayroon na ring mga resort at cottages sa lugar.

Sa ngayon, halos mga lokal palang ang dumadayo rito na katunayan ay malapit lang din sa world-known diving cliff sa Buruanga.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na magdadala ng malaking income ang development sa Hinugtan beach.

50 ANYOS NA MISTER NAHULIHAN NG BARIL SA CATICLAN JETTY PORT, ARESTADO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 50-anyos na mister matapos mahulihan ng baril at mga bala sa Caticlan jetty port, sa bayan ng Malay.

Kinilala ang suspek na si Sergio Rodriguez y Polido, residente ng brgy. Indag-an, Iloilo.

Ayon sa report ng Malay PNP, nakuha sa suspek ang 22 calibre revolver magnum na may lamang limang live ammunition.

Maliban rito nakuha rin sa kanya ang walo pang live ammunition ng parehong caliber.

Una rito, namataan sa monitor ng x-ray machine ang baril sa loob ng bag ng suspek.

Dahil walang maipakitang dukomento, inaresto ng mga kapulisan ang lalaki.

Paliwanag ng suspek sa mga awtoridad pangdepensa umano niya ito sa sarili dahil sa may banta sa kanyang buhay.

Nabatid na tatawid sana ng Boracay ang suspek mula Iloilo para dumalo ng isang pagpupulong tungkol sa federalismo.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 ang nasabing suspek.

DRUG SURRENDEREE BINARIL PATAY SA ODIONG, ALTAVAS

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa brgy. Odiong, Altavas.

Kinilala ang biktima sa pangalang Artemio Gervacio Jr., residente ng brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Sa inisyal na report ng pulisya, sakay umano ng tricycle ang biktima nang barilin ng di pa nakikilalang suspek bandang alas-7:00 ng umaga. 

Nagtamong sugat sa dibdib ang biktima. 

Naisugod pa sa Saint Gabriel Hospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Ayon kay PCInsp. Ariel Nacar, hepe ng Altavas PNP station, si Gervacio ay kabilang sa mga boluntaryong sumuko sa Oplan Tokhang ng PNP.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente.